President Benigno S. Aquino III’s Speech at the meeting with local leaders and the community in Cagayan De Oro City
Regatta Square, Business Park, Pueblo De Oro Township, Cagayan De Oro City
13 Apr 2016
 
Hayaan niyong magkuwento muna ako. Noong kampanya po ng senador, nandito ako sa Cagayan de Oro, kinabukasan kailangan kaming tumungo ng Bacolod City. Ngayon, wala nang oras para bumalik ng Maynila. Alam naman niyo, hindi tayo nakakuha ng eroplanong kone-koneksyon sa Pilipinas pa. Hindi na puwedeng umuwi ng Maynila para tumuloy ng Bacolod City, mahuhuli tayo. So nanggaling ho kaming Cagayan de Oro, diretso ng Bacolod City. So, pagdating po namin sa airport nun, dahil malapit dito yung Lumbia, dun po kami tumungo, tumatakbo akong senador. Lumingon ako doon sa airstrip. Hinahanap ko po yung eroplanong sasakyan namin. So tumingin ako sa kanan, wala akong nakitang eroplano. Tumingin ako sa kaliwa, mayroong isang eroplanong panahon pa yata ni General MacArthur. [Tawanan]

So, tinanong ko sa mga kasamahan ko, “Nasaan yung eroplano natin?” Sagot sa akin, “Sir, ayan ho.” Itinuro yung iniwan ni General MacArthur. Pagsakay ko po dun, talagang napakaluma ho ng eroplanong yun e. Sabi ng piloto, “Adjust ko po yung silya niyo.” Inadjust yung silya, sumagad po ako halos doon sa dashboard ng eroplano. Yung mga instrument panel, siyempre tinitingnan din natin, digital naman po. Digital na de-tumbler, hindi ho ilaw, hindi ho LCD, hindi LED. Okay.

Sabi nung piloto pagsakay niya dun sa mga kasamahan naming maiiwan, “Pakitulak.” [Tawanan] Yung mga kasamahan naman ho natin—totoo po ito, hindi ako nagbibiro—tumangan na dun sa pakpak. Tapos medyo napapag-isip na kaming lahat, “Itutulak tong eroplano. [Tawanan] Medyo malayo-layo yung Bacolod.” Yun pala, ipinapatulak lang yung pintuan dahil mahirap isara. [Tawanan] Okay.

So pag take off ho, yung inadjust ng piloto na napakagaling, pag-take off na pag-take off, kumalas yung silya na inuupuan ko, diretso dun sa nasa likuran ko. Sinalo na lang niya. [Tawanan]

Tapos ang ganda ho ng tunog ng eroplanong yun. Ang ingay ng makina, parang hindi naman kami umaabante. Pero high tech po, yung piloto may mapa, may GPS, tapos wala siyang ginawa—ang dami ko hong naalala talaga. Kasi ho pati yung choke—hahatakin ka nun, maiiwan, yung choke nitong eroplanong to, hinatak tapos nilagyan ng kalso. [Tawanan]

So sabi ng piloto, tingin sa labas, tingin sa mapa, tingin sa GPS, tingin ulit sa labas. Hanggang umabot ho kami ng malapit-lapit na sa Bacolod, mga limang minuto na lang, biglang sabi sa akin, “Sir, Bacolod, limang minuto na lang!” Para bang tuwang-tuwa siya, nahanap niya yung Bacolod. [Tawanan]

Sabi ko, “Baka iboto tayo ng tao, hindi naman tayo umabot sa halalan. Wala ring nangyari.” [Tawanan] Kaya hindi ko ho talaga makakalimutan yung Cagayan de Oro. Dagdag ko pa ho: Noong pa-take off ho kami, yung eroplano kasi may piloto, tatlong pasahero. May mga naiwan kaming mga kasama, maliit na eroplano lang e. Lahat ho ng naiwan sa Lumbia, kinukunan ba naman kami habang nagta-taxi yung eroplano hanggang mag-take off.

Sabi ko, “Ito yatang mga naiwan dito, nagdududang makakaabot kami ng Bacolod.” Kinukunan na nila. Tapos naisip ko na sasabihin yata nito mamaya, “The last minutes of…” [Tawanan] Sa totoo lang ho, medyo napalingon ako sa kanilang lahat. Tapos siyempre, ako po yung hepe ng grupong yun, nagpanggap na lang akong balewala lahat to.

Mayroon akong isang litratistang kasama. Wala siyang ginawa kung di kumuha sa labas, kinukunan akong konti, tapos itututok yung camera sa sarili niya, balik na naman dun. Para makalimutan niya yung lipad naming to. Sabi ko pati tong isa yatang to gusto na niyang may alaalang iiwan. [Tawanan] Kuha siya nang kuha sa sarili niya.

Pero hindi ho yun ang pakay ko dito ngayong gabi. Kung maalala po niyo, nung tumakbo tayo bilang Pangulo, tinanggap ko po yung hamon. Sabi ko sa inyo: Isa sa pakay ko, iiwan ko yung Pilipinas na di hamak mas maganda kaysa sa ating dinatnan. At dahil tinulungan po niyo ako—huwag naman ho tayong magpakaplastik—aminin na po natin, number two po ako sa puso niyo dito sa Cagayan de Oro City. [Palakpakan] Umaambon na ho ba? Akala ko pa naman kakanta ako ngayong gabi. Wag na lang.

Ano ba ang napala natin sa pagtahak sa Daang Matuwid? Umpisahan natin po: Kabuuan ng Mindanao. Nung araw po, isang taon lang, 2009, ang naibigay sa Mindanao, P155 billion. [Palakpakan] Kumpara natin po, noong araw po iyon, di pa tayo ha. Yung tayo, yung pinagtulungan natin, 2016, kumpara natin isang taon sa isang taon: P397 billion po ang nakalaan para sa Mindanao. [palakpakan] Maliwanag, doble po dun sa ating dinatnan.

Ang sabi nga ho ni Butch Abad: Lumaki ang budget ng Mindanao ng 156 percent. Ang budget naman po—yung national budget, lumaki ng 112 percent. So di hamak mas malaki ang percentage increase ng Mindanao kaysa po sa pag-angat ng budget. Ano po ang mga datos pa natin? Isa-isahin natin yung mga ahensya:

Sa DSWD po, nung araw: P270 million, ngayon po: P22 billion—2009 at saka 2016 to; DPWH, mula P24 billion, P72 billion; DOH, mula P2.4 billion, P21.7 billion; ang DepEd, mula P31 billion, P84 billion na po.

Sa enerhiya sa Mindanao, itong taon pong to, sa wakas, sa Mayo, sa Hulyo, Oktubre—yung mga plantang itinatayo nang ilang taon na sa wakas ay magbibigay ng enerhiya sa Mindanao at di bababa ng 300 megawatts ang idadagdag sa kuryente po niyo dito sa Mindanao. Ngayon po, available capacity, talagang mababa, kulang ho sa 500. Itong 300 ay halos nadoble na po yung kapasidad na maibigay, maliwanag na kuryente sa inyo, dependable power supply. Ano pong ibig sabihin niyan? Siyempre, yung lahat ng hanapbuhay po dito, dati nabibinbin dahil kulang ng kuryente. Ngayon po, masusustentuhan na dahil nga ho sa dagdag na 300 megawatts para sa inyo po sa Mindanao.

Kanina po, nanggaling tayo sa switch-on ceremony, kung saan 32,688 sitio sa buong bansa ang napakuryentehan na natin. At ito po, 247 na sitio, lampas doon sa imbentaryo ng 2011 na naging basehan ng kung sino ang mga sitiong kailangan bigyan ng kuryente.

Sa inyo po, ang nailaan mula 2011 hanggang 2016 sa imprastraktura, nasa P24.14 billion. Mas malaki po yan sa P9.80 billion na inilaan nung 2005 hanggang 2010. Kanina po, ipinakita na naman sa akin ang gilas ng inyong butihing Mayor Oca Moreno, napakaimportante ng airport. [palakpakan]

Nung dati po, isinasaayos pa natin yan, pinaalala niya sa akin, “Panahon ng nanay mo noong inumpisahan ang pagpaplano ng Laguindingan Airport.” Mabuti naman po, dumating yung kanyang paboritong anak na lalaki, natapos na natin itong Laguindingan Airport. So, aasahan natin: Sasabihin ni Oca kanina, “Sir, okay. Salamat. Okay na yung aming Laguindingan airport.” Ang sabi po ni Oca, “Sir, salamat. Kulang pa itong airport nating to.” [Tawanan]

Dahil ngayon pa lang ho, kinukulang na yung kapasidad at ang paliwanag nga po: yung plano para sa pagpapatayo niyan, 1996; ginawa, 2006. Sampung taon ang tumakbo, dumagdag na yung populasyon, dumagdag na yung potensyal. Nung ginagawa, parang mabuti nang mayroong kulang kaysa sa wala. Ngayon po, siyempre nasa plano na rin: Ano ba ang kailangan pa para sa expansion ng Laguindingan Airport na sa wakas rin ay kumpleto na po ang serbisyo. Puwede na pati gabi lumipad mula sa Laguindingan dahil nandiyan na po yung ating mga kakailanganing sistema.

Pinaalala sa atin na natapos na raw po yung Puerto-Sayre Highway Flyover; matatapos po ngayong taon yung pagpapalawak ng Opol-Laguindingan section ng Butuan City-Cagayan de Oro City-Iligan Road; next year po, yung Phividec. Yung Phividec at saka yung parte na Batangueño, Alae Section ng Misamis Oriental-Bukidnod Bypass Road, next year po matatapos.

Alam po niyo, bahagi lang ang mga kalsadang ito ng 18,000 national roads na ating pong naisaayos o ipinagawa, kasabay ang 107,000 lineal meters na mga tulay. Ang isa po sa naaprubahan ng NEDA taong 2014, kailangan po ng masusing tinatawag na Detailed Design and Engineering Study at ito’y patapos na rin po. Yung inaasahan nating magiging bagong tulay ang—kanina ho nagtanong ako e—yung atin pong tulay ay kukuha tayo ng foreign na kontratista dahil malawak po yung tulay na yan. Wala pang Philippine construction company na gumawa nito. Pero, naaprubahan na nga po ng NEDA yung Panguil Bay Bridge na tinatayang gagawa na lang ng pitong minutong biyahe mula Tangub City, Misamis Occidental hanggang Tubod sa Lanao del Norte at siyempre, madadamay po ang Cagayan de Oro pag ito po ay natapos na. [Palakpakan]

Nakatutok din po tayo sa modernisasyon ng Cagayan de Oro Port at Jasaan Port, at natapos na natin ang rehabilitasyon ng Balingoan Port. Mula 2011 hanggang 2016, nakapaglaan na po ng P564.02 million, para sa pagpapagawa ng mga farm-to-market road projects at P651.21 million naman po para sa sistemang pang-irigasyon ang naging budget. Isama na rin po natin ang post-harvest machineries, aabot na po sa P46.9 million. Pati na ang pagpapatupad natin ng intercropping sa 21 sites sa Misamis Oriental at mayroon na rin po tayong 13 community fish landing centers na nagkahalaga ng P37.05 million.

Sa health at education po, sa Health Facilities Enhancement Program, pinaasenso po yung ating mga rural health units, barangay health stations, pati ospital. Ang halaga po ay P420.65 million para sa dalawang barangay health stations, 26 na rural health units at urban health centers at 11 ospital dito raw po sa Misamis Oriental. Kasama diyan ang pag-upgrade natin sa Northern Mindanao Medical Center dito po sa Cagayan de Oro.

Sa PhilHealth naman po, 1.55 milyong Misamisnon ang ating nasusuportahan sa programa, bahagi po sila ng 93 million na Pilipinong nakikinabang sa PhilHealth sa ngayon. [Palakpakan]

Sa edukasyon po, sa Tarlac, matatapos po itong taon na to ay 1,855 classrooms. Dito po sa Misamis Oriental na ako po’y bisita lang, 3,343 classrooms po ang naipatayo na natin. [Palakpakan] Bahagi po yan ng 185,000 classrooms na napagawa at kasalukuyang ginagawa sa buong Pilipinas.

Sa TWSP po, kung saan kabahagi yung nasa likod kong nakaitim. 21,300 ang scholars ng Misamis. Parte po sila ng 9 milyong Technical-Vocational graduates sa buong Pilipinas. Ang maganda pa pong balita dito, yung nagga-graduate sa TESDA, nung araw po, 28.5 percent lang ang nagkakatrabaho anim na buwan pagtapos mag-graduate. Ngayon po, 72 percent na ng nagga-graduate, after 6 months o bago umabot yung 6 months, may trabaho na.  At parati hong sinasabi ni Tesdaman, pagtapos ko raw po sa puwestong to, puwede raw ako mag-apply sa TESDA. Irerekomenda niya ako dahil karamihan ho ng graduate—marami po doon, pagka-graduate nila, doble na po ang suweldo sa akin at mapapanatili ko pa yung natitira kong buhok sa trabahong yun. 

Sa Pantawid Pamilya Pilipino Program naman po: 4.6 million kabahayan na ang naabot natin nitong 2016. [palakpakan] Yung dinatnan natin, 780,000 lang po yan. Sa Misamis Oriental: 72,982 na po ang kabahayang saklaw ng ating programa; dati 6,389 lang po. Sa Cagayan de Oro mismo, 17,000 na ang kabahayan sa ilalim ng Pantawid Pamilya, mula sa inabutan nating bahagya lang lumampas ng 2,000.

Ngayon po, flood control. Alam ko po, napakalapit sa puso niyo itong flood control. Napakalawak pong proyekto niyan. Sa totoo lang po, tinutulungan tayo ng Japan, sa kanyang ahensyang JICA para bumuo ng master plan at ito nga po’y nabuo na sa kabuuan ng Cagayan River at ipapatupad ho yung buo mula 2017 hanggang 2019. Yung mga puwede namang magawa habang hinihintay yung master plan, nagawa na rin po ng DPWH, mula 2014 hanggang itong taon na to. Nagkahalaga na po ng P1.26 billion ang nailaan para dito.

Mayroon na pong mga proyektong tinatawag na high-impact, high-priority projects na saklaw ang pagpapatatag ng ating mga dike. Nandiyan rin po ang dredging na ginagawa tuloy-tuloy para dun sa bukanan ng Cagayan de Oro River.

Okay na po yun. Baka naman sabihin niyo, masyado na tayo nagtataas ng bangko at baka masyadong humangin dito. Ang gusto ko lang hong idiin, lahat ng ginawa nating to, puwedeng ginawa nung araw kung nakatutok ang gobyerno sa sinumpaang tungkuling paglingkuran ang ating mga kababayan. [Palakpakan]

Sabi ko sa inyo, papalitan natin ang istorya ng Pilipinas. Hindi tadhana ng Pilipino yung “just tiis.” Puwede nating baguhin ang ating tadhana. Naniwala po kayo sa akin. Tinulungan niyo akong magkaroon ng pagkakataon na baguhin ang ating pong istorya at ito na nga po ang resulta.

Ngayon ho, hindi ako magpapakahaba ng sasabihin sa inyo ngayon. Tanong: Tapos ng 6 na taon, okay na ba yan? Alam ho niyo, marami pang kailangan gawin e. Nabanggit ko pa lang po yung master plan nitong pagsasaayos ng pagbaha niyo. Naalala po natin, di pa ganoon kalayo nangyari, yung trahedya nung talagang bumulusok yung Cagayan River. Kailangan po, pangako natin Build Back Better.

Pangako natin: Hindi dapat na kada malakas ang ulan, kada may bagyo, ulit-ulitin natin ang trahedyang bumabalot sa Pilipino. Kaya nga kailangan naman, hindi bara-barang may masabing may nagawa, kailangan gawin yung tawa. Magmumula yung tama mula sa plano.

Siguro ho, para mas maliwanag ito. Kahapon, kausap ko po si Executive Secretary Paquito Ochoa, pinaalala sa akin na yung plano para ilipat yung National Bilibid Prison mula sa Muntinlupa dadalhin ng Nueva Ecija. Tanggap na po ng komunidad doon at magiging PPP project ho to dahil malaki yung gastos. Ngayon, para matapos yung buong proseso, baka dumating raw yung panahon na puwede nang iaward to, June 29. E ako po, bababa na sa puwesto, tanghali ng June 30. Siyempre, magkakakuwestyon. Ito ba, baka sabihing midnight deal.

Ito po ang issue: Yung ating Muntinlupa po, paulit-ulit sinasabi sa atin, sobrang dami na ng presong nandoon. Tuloy, di ba, pag tayo’y nanonood ng sine, na kung saan may preso, nakakulong nang maayos-ayos ang mga preso, nakokontrol yung kanilang movement, nababantayan ang lahat.

Dito sa sobrang siksikan, talagang parang pagdating doon sa loob, isa na silang sariling komunidad, yung hindi na talaga mabantayan nang todo-todo sa sobrang daming nandoon at sa kulang ng pasilidad. Ang tanong dito ngayon, kayo nababasa po niyo sa diyaryo, ire-raid ng mga opisyal natin ang BuCor. Mahuhulihan ng armas, mahuhulihan ng droga, may bali-balitang may mga sindikato ng droga, tuloy ang hanapbuhay nila habang nandiyan sa loob.

Tanong sa aking sarili, “Aaprubahan mo ba yan sa last day mo?” Inaalala ko ho, pag hindi inaprubahan yan, paano kung magbago ang prayoridad. Imbes na ipasa ko yung problema na ang hirap patinuin ng Muntinlupa sa susunod sa akin. Baka naman ito ang talagang maging hakbang, maisaayos yung imprastraktura, magkaroon ng pagkakataon ma-rehabilitate talaga yung preso, magkaroon ng pagkakataon na talagang masubaybayan lahat. Baka yung sumunod sa atin, desisyunan hindi ituloy or umpisahan ang proseso.

So habang hindi pa natin naitatayo yon, hindi natin naililipat, tuloy ang problema ng Bilibid. Paano tayo nakatulong sa lipunan kung iiwan natin yung problemang ganon? Anim na taon ho kung titingnan—kung minsan pakiramdam ko, napakahabang panahon nito. Kanina nga ho, sabi ko nung nakunan akong close up dun sa TV, dito mas maganda camera niyo, kumapal yung buhok ko e. Dun ho kasi kanina, parang sobrang nipis na.

Yung lahat ng pinaghirapan po natin—isang sample pa. Kanina ho kasi dun sa switch-on ceremony, isang beneficiary ng Pantawid, isang grade 10—kung tama ang tanda ko—grade 10 na estudyante; nanay po niya, ordinaryo raw hong housewife; tatay niya namamasada ng jeep. Siya po, consistent first honors doon sa kanyang eskwelang pinupuntahan. At talagang pahirapan kung paano mapagpatuloy yung kanyang pag-aaral.

Ngayon po, dahil sa Pantawid, tuloy-tuloy yung pag-aaral niya. Parang hindi lang siya honors doon sa eskwela, mayroon pa siyang mga natanggap na gantimpala dahil siya ang kumakatawan doon sa kabataan ng Misamis.

Ngayon ho, siyempre, tuloy na yung programa at tulong sa high school. Babanggitin ho ni Mar Roxas mamaya kung ano pa ang plano, paano palalakihan pa ang Pantawid Pamilya. Ano ho ba yung Pantawid kung tutuusin? Sabi ng mga mag-isip nang iba, yan raw ho, dole out. Pero ang tooto po niyan, sa aming pananaw, investment.

Investment: Puhunan na natin, tulungan natin yung kabataan maabot yung kanyang potensyal, makapagtapos siya ng high school. May study na pong nagsasabi: 40 percent dagdag na income. Pag makatapos ng kolehiyo kung gugustuhin niya, baka lalo pang makakatulong sa buong bansa. Pero, ang problema nun pag nag-invest ka, siyempre paaaralin nang matagal. Hindi puwedeng isang semester, graduate. Hindi puwedeng isang taon, graduate na. Kailangan tuloy-tuloy natin yan para talaga namang masagad niya yung oportunidad at tayo naman po bilang isang lipunan, makatulong.

Siguro, idagdag ko pa po. Sa Pampanga, kamakailan dumalaw kami. May isang ina, sabi niya, “Ako po ay isang maybahay, pito ang anak ko, nilayasan ako ng mister ko. Pinabayaan na akong arugain yung aming pitong anak.” Dahil raw sa Pantawid Pamilya, tatlo na doon sa pitong anak niya, nakapagtapos na raw po ng high school at may permanenteng trabaho. Dati raw ho, ang trabaho lang niya, patinda-tinda—yung minsan nakakatinda, parang hindi tiyak ang kinikita.

Dahil sa Pantawid, mayroon na siyang tatlong anak na kasamang tumutulong, nabubuhay nila yung 4 na anak. Tanong ko po sa inyo, para talagang maliwanag na maliwanag, kung minsan ho nalulunod tayo sa estatistika e. Pag yang inang yan, nagpunta sa atin dito ngayong gabi, tumayo diyan sa entabladong yan at sinabi sa atin, “Alam niyo, ang laki na ng itinulong niyo sa amin. Baka hindi pa niyo alam na nakakatulong na kayo.” Puwede pa niya siguro sabihin sa atin, “Nakatulong kayo na walang dagdag na pabigat sa inyo, pero ang laking bagay ng napala ng pamilya namin dahil sa ambag niyo at sa tulong niyo. Konting tulong na lang, hindi na niyo kami magiging kargo.”

Dagdag ko pa po yung mga nag-graduate ho sa TESDA, kung pumasok sa BPO, sa isang pag-aaral, unang taon pa lang na nagtatrabaho, magbabayad siya ng buwis. Yung babayad niyang buwis, lampas na dun sa ginastos ng estado para paaralin siya.

Madaling salita ho, hindi minsanan may tulungan tayo. Parati tayong makakatulong dahil yung isang yun, 30 taon, 40 taon magtatrabaho, nagbabayad ng buwis, may panibagong taong mabibigyan ng oportunidad, nag-umpisa pinabigyan natin ng oportunidad yung nauna.

So ano ho bang sinasabi ko? Pag yung babae, yung ina, nilapitan tayo, tinanong tayo, “Kami po ay maganda-ganda na ang kalagayan kaysa nung umpisa. Tulungan na lang niyo kaming konti, kakayanin na namin tumayo sa sarili naming mga paa. Hindi na kami pabigat sa inyo. Mahirap ho bang ituloy na lang niyo yung tulong na ginagawa niyo?”

Nung tayo po’y niyayayang tumakbo, ako po’y talagang nasisindak. Sabi ko, “Bakit niyo ibibigay sa akin yung responsibilidad na isaaayos lahat ng problema na pinipigilan natin bilang miyembro ng oposisyon nung ginagawa?”

Pero sinabi po nung ating mga nakausap, “Tigilan mo lang yung abuso, umpisahan lang natin yung pagbabago, masaya na kami sayo.” Palagay ko naman po, yung napala natin dito sa anim na taon na to, napakalayo na dun sa inambisyon natin nung tayo’y nag-uumpisa lalo nung 2010. Pero ang maganda hong balita dito, umpisa pa lang to. Kumbaga dati, dapang-dapa tayo. Ngayon, nakatayo na tayo. Tapos tayo nakatayo, puwede na tayong natutong lumakad, natuto na tayo. Ngayon ho, yung arangkadang sinasabi, patakbo na ho tayo.

Tanong: Saan ba tayo tutungo sa ikasiyam ng Mayo? Doon tayo sa mga “baka”: baka ituloy, baka mapaganda nila, pero puwede ring baka pigilin lahat, baka ibang direksyon, baka ibang pinagmumulan, baka iba ang pakay, o dito tayo kay Mar at kay Leni na sigurado tayong kasama nung humuhubog nito at kasamang magpapatuloy nito. [Palakpakan]

78 days na lang po, ako po’y magreretiro na. Gusto ko ho namang masabi sa aking mga magulang at sa inyong lahat. Hindi ko kayo iniwanan, bagkus kumbaga isinalin ko kayo sa parehong mabuting kamay o baka mas magaling pang mga kamay. Hindi kayo mapapabayaang pag tinulungan natin si Mar-Leni, sigurado kong malalampasan pa nila ang nagawa natin nitong anim na taong to. [Palakpakan]

Lahat ng katapat nila ngayon, huwag niyong kalimutan. May pangako, palagay ko naman ho, dito may pruweba, dun may pangako, parang mas tiyak naman yata doon tayo sa may pruweba nang ipinakita kaysa dun sa nangangakong baka mapako. Di ho ba? [Palakpakan]

Naalala ko po ang aking ina at baka bubulungan niya ako ngayon. Sasabihin niya, “Unang-una, hindi ka kandidato. Huwag ka masyado mahaba magsalita.” [Tawanan] Pangalawa po, sa huling sandali lang ho, ulitin ko lang ho: Ito po’y pagpapaalam ko na sa inyo. Talagang ang tinding karangalan na binigyan niyo akong pagkakataon na mamuno ng isang dakilang lahing Pilipino na talaga naman kayang hubugin ang kinabukasan.

Maraming-maraming salamat po sa inyong lahat. Sa inyo pong pahintulot, ang susunod na pangulo ng Republika ng Pilipinas, walang iba po kundi si Mar Roxas.