President Benigno S. Aquino III’s Speech at the meeting with local leaders and the community in Meycauayan, Bulacan
Meycauayan College Annex Gymnasium, Bgy. Malhacan, Meycauayan, Bulacan
15 Apr 2016
 
Maupo ho tayo lahat. Yan, thank you.

Nasabi na ho yata nila lahat eh. Ewan ko ano pa sasabihin ko, pero hayaan niyong batiin ko na muna.

Alam po niyo sa gabinete, parati ho nating katulong sila, di ba, sa lahat ng mga napapatupad dito sa Daang Matuwid, siyempre gabinete po, malaking bahagi diyan at sa totoo lang, ang pinakapremyo ho nila sa akin, paminsan-minsan nakakain kami. Kadalasan, atrasado ho sa oras.

Kaya kung pupuwede, batiin lang ho natin: Secretary Babes Singson ng DPWH; Secretary Mel Sarmiento ng DILG; ang kinatawan ng ating susunod na Pangulo ng Republika ng Pilipinas, si Paolo Roxas; kinatawan po ni Leni Robredo, ang butihing si PennyRobredo-Bundoc; talaga namang ang katulong natin sa kongreso na talagang tumulong sa lahat ng inambisyon natin sa Daang Matuwid, walang iba kungdi si Linabel Ruth Villarica, LV for short; katuwang rin po natin, marami rin pong idinamay, si Manong Willy Sy Alvarado, kasama ang ating Vice Governor, si Daniel Fernando; susunod na Mayor ng Meycauayan, walang iba kungdi si Attorney Henry Villarica; kanyang katuwang na Vice Mayor Jojo Manzano, Jr.; siyempre ang tumutulong ho sa akin, alam niyo, si Kris ho pag nag-eendorso, parang hindi ko inambisyon na kaya ko yung talent fee at meron pang batikos sa akin yan, “ang laki-laki ng binabayad kong buwis,” sabi ko, “di sumama ka na ngayon para makita mo saan napunta yung buwis mo;” ating mga kasamahan sa Local Government Units; fellow workers in government; mga minamahal ko pong kababayan: Magandang hapon po sa inyong lahat.

Kung mamarapatin po niyo, iwanan ko na po yung rostrum para lalo tayong magkakakitaan. Alam niyo, nung araw ho sa Cebu actually, merong senador bago ng Martial Law at tumutulong siya gumigising ng tao. At pagdating po niya, may rally, tagal ng hindi nakakapagsalita, nung panahon ho kasi ng Martial Law, yung mga amin na kasing-tanda ko, di ba nung Martial Law: 5 tao nagtipon, illegal assembly. Illegal Assembly: kulong, kung kakasuhan ka, bahala na sila. Kung pakakawalan ka, bahala na rin sila, wala tayong karapatan. So dumating po, nagkaroon ng pagkakataon, puwede siyang magsalita, kasi nakita niya, pagdating po niya dis-oras eh, ‘no. Talagang na-late siyang dumating, pagdating sa plaza, tatatlong tao naiwan sa plaza. Sabi niya ngayon, “magsasalita pa kaya ako dito, tatatlo na lang kausap ko?” Sabi sa kanya nung emcee, “sir, mukhang yang 3 yan, hindi pa kumbinsido, baka pag nagsalita kayo, makumbinsi natin, subukan na ho kaya niyo?”

Nagsalita sa entablado, kalahati ng talumpati, tumayo yung isa, iniwanan siya, dalawa na lang ang kausap. Nasa taas siya ng entablado pag nagsasalita, hindi ba? Parang mas praktical, 3 na lang kausap mo, pulungin mo na lang kung mayron ka lang tatlong silya eh. Pero sa entablado nga niya ginawa. Matatapos na rin yung talumpati, tumayo na naman yung isa dun sa dalawang naiwan at umalis na naman. Lingon na naman siya sa emcee. “Sir, ang galing niyo talaga, lahat ng nauna sa inyo, hindi nakakuhang kumbinsihin yang mga taong yan, kayo lang pala hinihintay. Bakit di pa niyo tapusin, yang pangatlo makuha natin, hundred percent tayo dito.” O konting udyok, itinuloy yung talumpati, di siya iniwan. Pagkatapos, binabaan niya yung tao, sinabi niya, “Brod, siguro naman, kumbinsido ka na.” Ang sagot sa kanya, “alam ho niyo, bago pa kayo dumating, kumbinsido na po ako. At ang katibayan po niyan, yang ginagamit niyong sound system, ipinahiram ko po. Ngayon na natapos na kayo, iuuwi ko na po yang sound system ko.” (laughter/applause)

Ngayon nabanggit ko lang ho yan dahil sa dami ng nakasuot ng dilaw dito, parang di ko malaman kung sino pang kukumbinsihin ko dito. Baka kumbinsido na kayo, kung kumbinsido nga ho kayo para maramdaman lang ho natin kasi medyominsan, nakakapagod rin ho eh. Baka puwede konting palakpak lang ho diyan. Pangako ko po sa inyo, di ba, pagtahak natin Daang Matuwid, pagbaba ko sa puwesto, masasabi nating di-hamak mas maganda na ang iiwan natin kaysa sa dinatnan.

Ngayon ho, kayo boss ko, kailangan naman konting report card, di ba?. Ano bang napala ng Pilipinas at lalo na ng Bulacan sa pagtahak natin sa Daang Matuwid? Ngayon, kailangan ko po yung ating kodigo.

Unang-una ho, kanina ho pinuntahan namin yung groundbreaking ceremony ng Bulacan Bulk Water Supply. Okay, ano po layunin nito? Nung 1992, di ba Manong Willy? 1992 yung Angat, pinangako yung Angat na nasa Bulacan, may dam, gagamitin yung tubig para dagdagan ang inyong makukuhanan ng tubig. 1992 po yun. At si Manong Willy na ho ang nagpapaalala sa atin mula sa kongreso hanggang napunta tayong Malakanyang na nasa 2016 na ho tayo. 24 years, sa wakas inumpisahan na yung Bulk Water Supply Project na ‘to, makikinabang na ang Bulacan, sa Angat at hindi puro Metro Manila.

Ngayon ho, ang maganda po dun sa proyekto, ‘no, lahat ng water district halos sa Pilipinas, umaasa sa tinatawag na deepwell — groundwater. Habang kinukuha natin yung tubig sa ilalim ng lupa, may tsansa na lumubog yung lupa. Subsidence ang tawag dun. At puwede ring pumasok na yung dagat, aalat ng aalat. Madaling salita ho, hindi puwedeng asahan yung groundwater pangmatagalan. So ang kailangan po ng bagong sistema kung saan gagamitin natin surface water, magkakaroon ng mga containment area, mga dam na siyang pagkukunan ng tubig natin na dinadala naman nung 20 bagyo kada taon na napupunta sa atin. Ang template ho, para maisaayos yung ating water districts, dito po inumpisahan sa Bulacan sa pamamagitan nga nung Bulacan Bulk Water System.

Isa pa po, yung Angat Dam mismo, nanganganib — luma na. Ang pinakabata yang tunnel ng Angat, Manong Willy ay 1960s. Tama ba? Kung di ako nagmamadali, ano? Yung pinakabata, ibig sabihin nun, maraming mas matanda dun. Pag nagkaroon ng earthquake, kinakabahan tayong bumigay. So ulitin ko lang ho, dito sa Bulacan, parating inuulit na tulungan naman po niyo kami dito sa ating pagsasaayos nitong dam na ‘to at alam ko po, yan ay inumpisahan na. Pero baka dapat diretsuhin ko na lang ho ang lahat ng iba pa nating pinaggagawa.

Pag natapos yung Bulacan Bulk Water System Project, nagkaron ng bidding. Yun po ang tamang proseso, yung halaga ho ng tubig na pinapasa, yung bulk water rates, nasa 20 pesos mahigit. Yan po pag natapos, bababa na po ng 8.50, yun po ang pangako ng concessionaire mula sa 20. Gaganda kalidad ng tubig, madadami pa yung tubig.

Atin pong mga PPP projects, sa Bulacan nagkakahalaga, yung Public Private Partnership Program, nagkakahalaga na po ng 116.94 billion pesos ang pinagtutulungan ng gobyerno at saka ng pribadong sektor. Isa na po diyan yung MRT 7 na malapit na ang groundbreaking kung saan dadali ang biyahe: Quezon City papunta ng San Jose del Monte, Bulacan.

Yung C6 po, inabisuhan tayo ng butihing Kalihim Babes Singson, Taguig hanggang Quezon City yan, balita ho natin, mukhang plano ng paabutin dito sa Meycauayan yung C6 para dagdag hong padali sa inyong biyahe.

Diretso naman ho tayo dun sa galing sa budget. Nung 2005 hanggang 2010, sa infrastructure po, ang budget na ipinagkaloob sa inyo nung aking pinalitan: 5 billion pesos. Sa ating pinagtulungan, 2011 hanggang 2016, umabot po sa budget sa infrastructure lang: 19.04 billion pesos. Halos apat na ulit po.

Huwag ko na hong babanggitin lahat ito pero alam kong napakaimportante rin po yung continuous dredging ng Labangan Channel na may hagonoy, parte na rin po yungating dreding ng Marilao-Meycauayan-Ubando River at nabanggit kanina ni Linabel yung ano, yung Valenzuela-Ubando-Meycauayan na proyekto natin para maibsan yung inyong pagbaha.

Siyempre ho, hindi na titigil si LV sa pagpapaalala, tatapusin natin yan, ituloy po natin yan. Ako natutuwa rin dun sa Plaridel Bypass Road, ‘no. Next year ho, matatapos na yung tulay ng Plaridel Bypass Road, hinihintay na lang natin confirmation ng JICA para dun sa dugtong lampas ng tulay pero nakita naman po niyo yung dami ng nagtatayuang mga pabrika, nagdadala ng trabaho para sa inyo dito sa Bulacan. Siyempre, bahagi lang po dati mga kalsada at saka yung tulay. Sa tulay po, 107,000 lineal meters ng tulay ang napagawa natin sa loob ng ating panunungkulan at 18,000 kilometro ng kalsada kasama na rin po yang Plaridel Bypass Road ang nagawa natin dito nga ho sa pagtahak sa Tuwid na Daan.

Post-Harvest Facilities po. Ay! sa irigasyon muna, 1.38 billion na naiambag. 115.86 million naman po, napunta sa post harvest machineries at equipment. Sa Health Facilities Enhancement Program: 181.43 million pesos na po ang nagastos. sa PhilHealth po, nasa 2.47 million na Bulakenyo na po ang saklaw ng programa. Bahagi sila ng 93 milyong Pilipino saklaw ng programa.

Nung kami po ay kongresista ni Manong Willy sa 11th, 12th, at 13th Congress, taun-taon nakikipaglaban kami para magkaroon ng eskuwelahan ang mga distrito namin. Kadalasan po, mabibigyan kaming 8, pag nakakuha ka 10 para sa yung buong distrito, magaling ka. Pag umabot ng 12, pambihira ka. Pero sa Tuwid na Daan po, sa Bulacan pa lang, 6,758 na silid-aralan po ang nagawa na natin.

Nung araw ho kasi, 8,000 classroom: paghahatian ng buong Pilipinas. Ngayon ho sa Bulacan ay halos 7,000 ho ‘to sa inyo pa lang. at 185,000 nga po ang matatapos natin pag tayo’y bumaba. Baka sabihin naman, paano naman yung trabaho?

Yung TWSP program ng TESDA, sa pamumuno ng inyong kababayang si Joel Villanueva: 37,000 scholars na po ang napatapos sa TWSP program at ang maganda pa pong balita diyan, dati ho 28.5 percent yung nakakahanap ng trabaho sa graduate sila, ngayon po 72 percent na. Yung nakakahanap po ng trabaho, ibig sabihin nun 6 na buwantapos nag-gradaute, may trabaho na.

Pantawid Pamilya Pilipino Program: Noong tayo po’y naupo taong 2010, 5,542 lang kabahayan ang tinutulungan sa Bulacan at kung tutuusin masuwerte pa kayo dahil sa Batangas, sa Cavite at iba pang mga lugar, ni isang kabahayan walang tinutulungan.

Ngayon po ay nasa 68,348 na kabahayan na po ang tinutulungan ng 4Ps program. Bahagi sila ng 4.6 million na kabahayan.

Ngayon ho, marami pa ho ito pero ibababa ko na ho iyan ha. Simpleng-simple lang naman ho siguro eh. Ano ba ang hinabol natin? Paano ba natin babaguhin ang tadhana ng Pilipinas? Tingnan po niyo ano. Noong kongresista ho kami, parang masuwerte na ako, may 14 na kilometro sa budget para sa distrito ko po sa Tarlac. At lahat ng distrito more or less ganun.

Ang distrito ko ho ‘non: 159 na barangay, idi-divide niyo yung 14 kilometers, hindi ho kakasya na tig-iisang-daang metro — parang halos ganun nga ho ang mangyayari niyan.

At parang, bilang kongresista, maski sinong lingkod-bayan. Pumasok ka para magbago ang sitwasyon ng sinasakupan mo, hindi ho ba? Tinignan mo, hindi mo kursanada ‘yung nakikita mo sa iyong paligid at palagay mo may maiaambag ka.

Papasok ka dun, ganun ang magagawa mo, may lalapit sa iyo, may sakit bubunot ka sa bulsa mo bilang maitulong mo 100 piso, 200 piso. Hindi mo naman makuntento sa sarili mo na nakatulong ka dahil yun lang talaga kaya mo.

Yung nakikita mo yung estudyante nag-aaral sa puno ng mangga, kung minsan sa puno ng niyog, kung minsanpag minalas ka sa puno ng saging. Yung saging wala pang dahon. Tama ho ba?

Tapos tatanungin mo ngayon, “Bakit di ka mag-aral nang mabuti?” Paano niya gagawin?

Gagawa tayo ng TESDA, Technical Vocational Training, bilyung-bilyon ang iniwan na utang. Tapos ang placement rate, wala mang 1/3.

Siguro ho, parang maski paano natin sukatin, dito po sa pagtahak natin sa Daang Matuwid: talagang klaro. May gobyernong nagmamalasakit sa kanyang mga Boss, ang taumbayan na nagbigay ng mandato at tumotoo dun sa pangakong babaguhin ang sitwasyon ng Pilipino. Kaya nga ho batid niyo yan.

Sa larangan ng ekonomiya, dati “Sick Man of Asia”, ngayon “Asia’s Rising Tiger.” Dati ho, kinukuwento nga ni Mel Sarmiento, nabanggit sa kanya ni Cesar Purisima ng Finance, pag may international na kumprehensiya, magkakaroon ng session para lapitan ang mga kausap nang masinsinan ang representante, iyong representante ng Pilipinas, nilalangaw raw po yung mga silya at mesa. Kuwento ni Mel, may lumapit nga raw, sabi ni Cesar Purisima: “Sa wakas may interesado sa Pilipinas” nung nag-uumpisa tayo. Lumapit para hiramin yung silya dahil kulang ng silya dun sa kabilang lugar. Ngayon ho Cesar Purisima, ilang beses ng Finance Minister awardee sa buong mundo.

Nung nag-umpisa po kami nung araw ni Manong Willy at saka ni Pedro Pancho sa kongreso nung 11th, 12th at 13th, lalapit ka sa lahat ng departamento, parating sinasabi walang pondo. Ngayon po ang problema namin under spending. May pondo, kailangang pabilisan yung paggastos nito.

So hindi natin tinutulungan lang ang pamilya na manatili anak sa eskwela, tinutulungan natin para magkatrabaho pag nag-graduate sa eskwela. Kung may problema sa kalusugan, tinutulungan rin natin. Lahat ng paraan tulungan, ginagawa po natin kaya tayo nagsasabi nga: yan ang investment sa kinabukasan.

Ngayon po, tingnan natin ang sitwasyon natin ngayon. Eleksyon, kaliwa’t kanan ang nanligaw, pagandahan ang panliligaw pero alam naman po nang lahat ng niligawan at lumigaw dito: may sinsero at hindi sinserong panliligaw.

Bigyan ko lang ho kayo ng sample ng panliligaw, lahat nung nakita nila yung 4Ps program na yan, eh 80 posiyento ng Pilipino sumusuporta, lahat sila biglang nagsabi “Palalawakin namin ‘yan.” Tama ho ba?
Naalala niyo ‘yung nagsalita na yung 4Ps na ‘yan kulang, gagawin kong 5Ps. Pagtapos nung 5Ps, babawasan kong buwis habang pinalalawak ko yung programa. Narinig na po ba niyo yun? Okay. Marami hongmaybahay siguro dito? Kapag ang mister niyo lumapit sa inyo at sinabing: “Susunod na buwan bawas ang budget mo at habang binabawasan ko ang budget mo, dagdagan mo ang nabibili mo.” Ilan ho kayang may-bahay dito ang kayang gawin yun?

Pero yung nagsasalita nun, ang galing naman! Babawasan mo ang pangtustos mo pero palalakihin mo yung programa. Sino ho kaya dito sa 4th district ng Bulacan ang madadala ng ganung klaseng pangako?

May nagsabi pa ho, “Bigyan mo ako ng tatlo hanggang anim na buwan, tatapusin ko ang krimen sa Pilipinas at pag hindi ko nagawa, magre-resign ako.”
Siyempre dalawa ho ang iniisip ko: Ang galing mo rin! Pero habang ipinapangako mo yan, ang alam ko si Mar Roxas napababa na yung crime rate natin sa buong Pilipinas dahil doon sa Oplan Lambat Sibat at saka dun sa One-Time-Big-Time na programa po nila. Yung One-Time-Big-Time, pag pinapakinggan mo kala mo bingo eh. Pero ang pakay lang po nun, pag meron tayong sine-serve na mga warrant, hindi installment plan.

Ang pulis minsanan lahat ng warrant ise-serve, anong silbi nun? Lahat ng nagtatago, walang pagkakataon na matunugan ng mahigpit ang kapulisan na tinutugis sila. Isang araw, lahat hahabulin, marami tayong naaaresto, wala hong panahon magtago. Yun ho hindi pangako, ginawa na ni Mar Roxas at ginagawa hanggang sa kasalukuyan ni Mel Sarmiento, ang dami pong mga most wanted, arestado na.

O ngayon, pag nakuha natin yung mga mastermind, yung mga pasimuno, yung mga galamay hindi makakakilos. Yun ho nagpababa ng crime rate.

Dagdagan ko pa. Meron naman hong isa ang nagsabi, tumatakbo rin: “Iyang SSS, dagdagan natin ang pensyon ng 2,000.” Okay, ngayon ho, para alam lang ho ng lahat at tinawag nga ho ako “walang malasakit” eh. Tanong ko lang po sa inyo: Tama ba ‘yung SSS at GSIS binuhay natin, pinaganda natin ang tayo. Ngayon po, nasa 2047 na sigurado tayong maayos, may makukuha sa GSIS — SSS na lang.

Ang masakit ho, yung sa 2,000 iminumungkahi nila, mababawasan ng mga parang 11 o 16 na taon yung pondo, yung buhay ng pondo. Bakit ho? Unang taon pa lang yung dagdag na ibabayad, hindi ho mababawi ng SSS sa kanyang investment, malulugi ho.

So sabi ko: “Paano ko sasang-ayunin ito? 2040-plus, gagawin nalang nating 2027 at mabigyan mo ng dagdag na biyaya yung iba ngayon, para sa 2027, lahat wala ng makuhang biyaya.”

Bawat piso ho kasing inilalagay ng miyembro ng SSS, may katumbas na 6 hanggang 15 pisong benepisyo nakukuha. Kailangan ho nilang ma-invest iyan para makuha ‘yung pantustos na yan.

Sabi ho nung magaling na nasa kabilang grupo, hindi totoo raw yung sinasabi ko dahil may batas nagsasabing hindi pwedeng pabayaang mabangkarote ‘yung SSS. Okay, sabihin na nating tama siya, ang tanong ko lang ho siguro dun: Yung SSS maganda ang tindig, mababangkarote, popondohan natin ulit. Sino ang tatanggalan natin? Department of Education? Department of Health? Ang ating modernization ng AFP? Ang PhilHealth? Ang Pantawid Pamilya? Sinong babawasan natin para mapunuan yun? So tanong ko ho dito, alam mo ba ang sinasabi mo o talagang importante lang sa ‘yo magpa-pogi ka dahil eleksyon, bahala na si Batman pag panahon na ng bayaran. Hindi ho ba?

Pwede ko hong ginaya eh. Bababa na ho ako sa pwesto — 76 days. I-approve ko yang 2,000 na pension na yan para sa lahat, pogi ako, na alam ko 2027 tapos yang programang iyan. Pwede ko pang sabihin, 2027 wala na sigurong makakaalala sa akin. Hindi na nila maaalala, ako ang nagpabangkarote diyan.

At itong mga kumakandidato ngayon:6-year term, 2022 tapos na rin sila. Iba na rin ang mananagot diyan pero sa kanila, pwedeng magpa-pogi, dalhin tayo sa alanganin. Palagay ko ho dito sa ulit, sa Bulacan, hindi yata papasa yang ganyang klaseng pag-iisip. Dalhin mo kami sa maayos, huwag mo kaming dalhin sa kapahamakan. Hindi ho ba?

Siguro parang klarung-klaro na lang ho ano, 4Ps na lang,yun na lang ang pag-usapan natin dito. May isang ina, nakausap natin, nagsalita siya sa entabladong tulad nito. Sa Pampanga ko po nakita. Sabi niya sa akin ang anak raw niya 7. Iniwanan siya ng asawa niya “bahala ka na sa ating anak na 7.” Siya naman ho ang trabaho niya “patinda-tinda”. Ngayon ho, baka mali yung Tagalog ko ano, pero ang intindi ko ho, kapag patinda-tinda hindi permanente, hindi tiyak, hindi sigurado. Kasi kung tiyak, nagtitinda po, di ba? Pag ‘yung patinda-tinda, minsan may natitinda, minsan may namimili, minsan walang maitinda. So walang maitinda, maitinda walang pangtustos sa pamilya niya.

Dahil raw po sa 4Ps, tatlo na ang napatos niyang high school na mga anak niya na ngayon may trabaho na, permanenteng trabaho. Apat ang binubuno pa niya.

Kunwari ho dumating, dumating itong maybahay na ito pinuntahan tayo sa entabladong ‘to, tinanong tayong lahat: “Alam niyo baka hindi lang niyo alam, ang laki ng itinulong niyo sa pamilya namin. Halos kalahati na ng mga anak ko nakapagtapos. May kakayahan nang tumayo sa sariling mga paa. Meron na kaming patutunguhan.”

At malamang hindi tulad nga nung lalapit sa ‘yo, pambili ng gamot: bunot; kada bunot mo, wala ka nang nabunot may sama pa ng loob sa iyo. Dito ho, walang hiningan sa atin ng diretsuhan bumunot para bigyan siya ng pantustos dun sa mga anak niya pero natulungan na natin siya.

Bahagi lang siya nung 4.6 million na kabahayan. Kunwari ho pinuntahan tayo sa entablado dito, sabi niya: “Wala hong pabigat sa inyo, nakakatulong na kayo. Gumaganda sitwasyon namin. Baka naman ho, kung hindi malabis, ituloy na po natin ito dahil may apat na anak pa akong pwede na ring maging, iyong makatayo sa sariling mga paa at hindi na natin kailangang bitbitin.”

Sino ho kaya sa atin ang magdadamot at sasabihin: “Aba, hindi ayaw ka naming tulungan.” Ngayon tanong: Kaya ng gobyernong tustusan yung 4.6 million. Pwedeng ginawa iyan di ba, 10 years bago ako naupo. Yung 10 years na programang Pantawid, may nakapagtapos na tayo siguro sa high school diyan. Nagbabayad ng buwis, nagbibigay ng panibagong tulong sa kanyang kapwa pero hindi ginawa.

Iiwan ko na ho sa imahinasyon ninyo: Bakit hindi ginawa? Gusto ko lang hong ipagdiinan sa Tuwid na Daan, ang tutok namin sa kapwa. Sa Tuwid na Daan ang tutok namin hindi salita, kumilos na talagang iwanang mas maganda kaysa sa dinatnan.

Pero dumating na nga ho, tapos na ang ibinigay ninyo sa aking termino. 76 days na lang po. Hindi ko na ho pwedeng manguna sa lahat ng ipinaglalaban natin. Kailangan po, merong magpapatuloy nito at kanina pa nga ho natin nababanggit si Mar Roxas, sa akin pong pananaw ang talagang kaisa-isang kwalipikado at tama ang direksyon na kayang magpatuloy ng Tuwid na Daan.

Hindi ho tipo ni Mar Roxas na pag may sakuna, makikipag-unahan lalo na kapag nandiyan ang media para magpakitang tumutulong, tapos nun hanggang dun na lang. Si Mar Roxas, pag tumulong tulad sa Zamboanga City, halos tatlong linggo ho siya dun nung nagkaroon ng krisis. Hindi niya iniwanan hanggang balik na ang sitwasyon na wala nang panganib ang ating mga kababayan sa Zamboanga City. Sa katotohanan po, ako po gusto kong mamuno mula sa harapan, nauna siya sa aking dumating dun.

Sa Yolanda, hindi hinintay na dumapo Yolanda. Bago dumating ang Yolanda, nandun na siya para damayan lahat ng mga maaapektuhan, pati siya muntik naging statistika. Lindol sa Cebu, Bacolod, nandun rin. Yung bagyo natin last year tumama sa Samar, ikot nang buong probinsiya, trabaho niya malaman kung anong kailangan ng bawat local government unit. Motorsiklo lang ang kayang makalusot, nadulas ng konti yung motorsiklo, basahin natin diyaryo, makinig tayo sa TV, hindi natin nakitang “Mar Roxas na dumadamay”, ang nakalagay, “Mar Roxas, dumulas yung motorsiklo.” Hindi ba? Tuloy yung iba nag-iisip, para bang pag naririnig si Mar Roxas, parating batikos. At yung batikos kay Mar Roxas, 2004 pa, binabatikos na.

Kaya hindi natin maiwasan merong ibang naligaw, ano ba ang nagawa niya? Pag may nagawang maganda, hindi sasabihin. Pag may konting palpak, kailangan palakihin at ulit-ulitin. Pero babalikan ko lang nga ho. Kadamay natin pag-disenyo ng paano ba itong daang matuwid na ito. Kadamay natin para magkaroon ng pagkakataon, umpisahan itong daang matuwid. At palagay ko ho sa pahintulot niyo at pag-iisip nang maayos, iisa lang nga talaga ang pwedeng magpatuloy nito at kailangan ipagpatuloy natin ang pagtahak sa daang matuwid, ulitin ko lang po, Mar Roxas lang ho talaga sa aking pananaw ang kayang gumawa niyan.

Bise Presidente po, bakit si Leni Robredo? Si Penny, Penny tayo yung magkakasama nun e ‘no.Ito hong si Penny, kapatid ni Jesse Robredo. Si Penny hindi ko ho kakilala noong araw talaga. Si Leni hindi ko rin kakilala pero gusto ni Jesse, itabi si Leni, kanyang mga anak sa buhay pulitika, gusto niyang bigyan ng normal ng buhay.

Alam niyo tatay namin ni Kris, nanay namin, tatay namin lalo na, ganun rin ang istilo. Kapag may kakausap siya sa tahanan namin, minamadali niyang mag-almusal lahat, dadalhin sa opisina para tahimik yung bahay namin.

Dumating ho yung pagkakataon, nagkaroon ng aksidente si Jesse. Si Penny, si Leni ang kasama ho natin nung na-recoveryung katawan ni Jesse. Nakiusap ho ako kay Leni, “Leni, parang ilang araw na nasa ilalim ng dagat, bangkay ni Jesse at medyo nag-umpisa na yung decomposition, hindi magandang tanawin. Hindi kaya maganda, isipin na lang natin paano nung nabubuhay si Jesse imbes na makita pa sa ganyang ayos dahil nabalitaan na — naabisuhan na ho akong hindi na masyadong maganda yung anyo ni Jesse at nagde-decompose na.”

Dinisiyunan po ni Leni ang sabi niya: “Kailangan kong makita maski na sa huling sandali man lang yung aking asawa.” At si Leni nga at si Penny ang kasama natin at alam ho ninyo ano, ako rin ho nung nakita ko si Jesse nagimbal ako. Tagal-tagal na rin ho nating kasamahan. Awang-awa ako kay Jesse.

Si Penny, si Leni, hindi ko ho nakitang bumuhos yung luha ng mga sandaling yun. Tahimik, inaalala si Jesse, ipinagdadasal si Jesse. Doon ko ho umpisa nakita kung gaano katatag, si Leni lalo na at sampu ng mga kapatid ni Jesse.

Nakita ko ang bigat, hindi inaasahan na ganun ang mapapala ni Jesse pero tumindig na nanay, tatay si Leni para sa tatlo po nilang anak. Hindi man binigyan ng pagkakataon si Leni na matapos muna o magbaba ng luksa: pinatakbo, nilabanan ang tinding kalaban, napakatagal na pong politiko doon sa Camarines Sur, tinalo niya 80 percent po ng boto.

Dito ho sa eleksyon na ‘to, pwede rin namang sinabing “Pwede ba time-out na ako? Asikasuhin ko naman yung aking mga anak.” Pwede naman niyang sinabing: “O kung kailangan pa niyo ako, pwede ba re-election na lang mas madali na yun?”

Pero nilapitan natin at sinabihan natin: “Leni, kailangan ng isang taong tulad mo na kung saka-sakaling may mang-yari sa ating Pangulong Mar Roxas ay itutuloy ang ating ipinaglalaban.” At uli, turo ho sa akin ng aking mga magulang, lalo na ng nanay ko, huwag kang mag-e-endorso ng hindi mo kayang garantiyahan. Uulitin ko lang po, si Leni Robredo kaya kong igarantiya; si Mar Roxas kaya kong igarantiya. Matinding pakiusap ho, tulungan po natin ang dalawang ‘to, sampu ng ating ibang mga kasamahan.

Naalala ko ho nanay ko, naalala ko ho rin sinasabi niya: “Huwag kang masyadong mahabang magsalita, lalo na hindi ka naman kandidato.”

Pero gusto ko ho sigurong samantalahin ko na, magpapaalam na rin po ako sa inyo. Itong Meycauayan po, nung 1983, yung Tarlac to Tarmac na martsa, dito po hinarang sa Meycauayan. Ako po ay 23 years old palang nung panahon na yun. At talagang Martial Law eh, hindi mo alam kung anong gagawin nung hinarang dito pero damang-dama ko po ang simpatya, pakikiisa ng mga taga-Meycauayan. Hindi natin narinig dun yung sinasabi nilang “Ano ba naman yang ginagawa niyo, masyado kaming naaabala, pwede ba niyong itigil yan?”

Kaya pwede ho nating masabi siguro doon pa lang, talagang nanindigan na po dito sa Bulacan lalo na po sa Meycauayan, mga karatig na lugar para manumbalik ang ating demokrasyang ating tinatamasa ngayon.

30th anniversary po nung EDSA, maganda rin na nakabalik dito para magpasalamat para sa damay niyo nung araw, magpasalamat sa pagkakataong mamuno sa isang dakilang lahi tulad ng Pilipino at talaga pong matinding karangalan ang paglingkuran kayong lahat.

Ulitin ko lang nga ho: 76 days na lang po ang natitira sa atin. Hindi ko ho pwedeng ituloy lampas nun bilang inyong pinuno. Tapos na po ang termino natin.

Importante ho sa akin pag nagpaalam sa inyo na talagang nasa maayos kayong lugar. At ulit-ulitin ko lang ho, pasensya na kung makulit, kailangan lang ho natin, hindi lang iboto si Mar at si Leni, importante ho ikampanya na rin natin si Mar at Leni dahil may mga naliligaw tayong mga kababayan.

Huwag nating kalimutan ang interes ng salinlahing umaasa sa tamang desisyon natin. Lahat ng napagtagumpayan natin ngayon, pwedeng ginawa nung araw at nabawasan ang pagdudusa natin pero hindi ginawa dahil nangyari na sa lumipas, pwedeng mangyari sa kinabukasan kung magkakamali tayo.

Pero ang klarong-klarong pinagpipilian, dito na tayo sa 780,000 dating tinutulungan ng Pantawid Pamilya o 4.6 million? Dun na tayo sa parating walang classroom o sa kumpleto na ang classroom? Dun tayo sa 51 percent lang ang patsamba sa PhilHealth o dito na tayo sa 93 percent na miyembro ng PhilHealth? Dito na ba tayo sa namo-modernize na sa wakas yung AFP para yung Air Force, hindi na po puro air and no force? O balik tayo sa dati?

Sino ho ang kayang sumugal ng lahat ng pinaghirapan natin? Palagay ko po, wala sa bulwagang ito pero kailangan nga sa demokrasya, tandaan na natin: ang nakakarami ang nagdedesisyon para sa lahat. Pwede tayong matalo pag nagtamad-tamaran tayo pero hindi dahil mali ang mensahe natin. Hindi dahil mali ang ginawa natin.

Yung maganda, pwedeng mawala. Baka isang tulog lang bago na ulit ang mundo. Hindi magagawa lahat ng nagagawa kung may interes na ibulsa ang kaban ng bayan. Hindi magagawa ang lahat ng nagawa kung hindi nakatutok sa kapwa. At dito ho natin makikita nga, kay Mar at Leni, nakasandal sa inyo tulad ng dati dahil yun lang naman talaga ang ipinagmamalaki nating lakas.

Pansinin ho niyo yung aming uniporme, hindi ho uniporme. Kanya-kanya. Hindi ba? Kanya-kanyang ambag ho kasi yan talaga. Pero ano ba ang ipinagmamalaki namin? Dahil tama yung ipinaglalaban, nandyan ang sambayanan, dadamay sa amin at tayo magtatagumpay.

Magandang hapon po. Maraming salamat sa inyong lahat.