President Benigno S. Aquino III’s Speech at the Testimonial Ceremony in Honor of Police Director General (P/DG) Ricardo C. Marquez
Grandstand, PNP Transformation Oval, PNP General Headquarters, Camp Crame
28 June 2016
Ito na po ang huling pagkakataong makadadalo ako sa pagdiriwang ng ating Philippine National Police bilang inyong Pangulo. At talaga naman pong mas nagiging makulay at makabuluhan ito sa akin, lalo pa’t kasabay nito ang pagbibigay-pugay sa inyong hepe, si Director General Ric Marquez.

Alam niyo po, bago natin i-appoint si Ric bilang bagong pinuno ng ating kapulisan, hindi natin siya gaanong kakilala. Nagtagpo nalang kami noong ako ay Pangulo na ng bansa. Pero talaga naman pong pambihira ang husay at track record nitong si Ric, na siyang naging batayan natin para piliin syang maging timon ng PNP sa huling yugto ng ating administrasyon.

Bago pa man maging hepe, isa po si Ric sa mga opisyal natin na masusing nagplano para siguruhing hindi kakalat ang epidemya ng Middle East Respiratory Syndrome-Corona Virus, o MERS-CoV, sa bansa.

Kung matatandaan ninyo, noong 2014, naiulat sa ating may OFW tayong nagpositibo sa test sa MERS-Corona Virus na umuwi na sa Pilipinas. Tayo naman po ay naabisuhan na 12 oras pagkatapos lumapag ang kanyang sinakyang eroplano. Tanda ko po, Miyerkules Santo noon, at marami nang nasa bakasyon sa ating mga authoridad. Doble-kayod po ang mga tulad ni Ric noon; sa puspusang paghahanap sa di-bababa sa 414 na pasaherong pwedeng naapektuhan ng sakit para mapigilan ang pagkalat nito sa bansa.

Sinundan ito ng matagumpay niyang pamumuno sa seguridad ni Pope Francis nang bumisita ito sa Pilipinas. Hindi nga po biro ang pagtiyak sa kaligtasan ng ating Santo Papa noong panahong iyon. Bukod sa banta sa kanyang buhay, kinailangan din nating siguruhin ang kaligtasan ng libo-libo nating kababayang nagtipon at sumalubong sa pagbisita ni Pope Francis sa Maynila at Tacloban. Si Ric po ang nanguna sa mga paghahanda at sa bawat detalye ng seguridad ng Santo Papa. Sa awa nga po ng Diyos, sa pagtutulungan ng ating Security Sector, at ng ating mga Boss, ligtas na nakarating at nakaalis dito si Pope Francis.

Nang siya na po ang nagtitimon sa PNP, lalo pang nagpakitang gilas itong si Ric. Bilang host, matagumpay nating naidaos sa bansa ang APEC noong nakaraang taon, at nasiguro ang kaligtasan ng mga nakilahok na pinuno at ng maraming mga delegado sa buong taon galing sa iba’t ibang bansa. Dito po, bukod sa dalang turismo ng pagtitipon, naipamalas natin sa buong mundo ang kahandaan at kakayahan nating makipagsabayan sa pag-unlad. At ang pinakahuli, nasaksihan din natin ang matagumpay at maayos na halalan nitong Mayo sa pangunguna ni Ric Marquez, ng ating mga kapulisan, at ng ating Sandatahang Lakas.

Siyempre, hindi lang maikakahon ang husay ng liderato ni Ric Marquez sa malakihang pagtitipon o okasyon. Makikita din ito sa mas tumaas pang crime solution efficiency ng PNP. Makikita ito sa lalo pang umigting na pagtugis sa most wanted persons. Sa kasalukuyan nga po, mula Hulyo 2010 hanggang Hunyo 2016, nakapag-aresto na ang PNP ng 14,824 na most wanted persons; 3,732 rito ang nadakip sa termino ni Ric Marquez. Sa ating Internal Security Operations, naka-aresto na ng 62 key personalities ng CPP/NPA/NDF at BIFF ang kapulisan; 13 dito ang nahuli sa panunungkulan ni Ric. Sa pamamagitan naman ng mas pinalawak na Oplan Lambat Sibat, bumagsak ang bilang ng krimen sa National Capital Region. Ayon nga sa pinakahuling datos: Mula 35 na kaso ng murder at homicide kada linggo sa Kamaynilaan mula Enero hanggang Hunyo 2014, bumaba ito sa 21 nitong Hunyo 2016. Sa robbery, theft, at carnapping naman para sa parehong panahon, mula sa dating 952 na kaso, 200 na lamang ang lingguhang average pagdating ng Hunyo 2016—halos 80 porsyento pong pagbaba yan.

Ang good news nga, itong mga positibong datos na ito ay hindi lang naitala sa Metro Manila. Sa region 3 at 4A, kung saan ipinatupad din ang Limbat Sibat, makikita ang pagbaba sa bilang ng pitong focus crimes na kinabibilangan ng carnapping, murder, theft, fiscal injury, rape, robbery, at homicide. Sa Region 3, ang dating 370 weekly average, na nabanggit na focus crimes mula disyembre 2014 hanggang Hunyo 2015, napababa sa 153 pagdating ng Abril 2016. Habang sa Region 4A naman ang weekly average nito, na umabot sa 262 mula Enero 2015 hanggang Enero 2016, naging 175 na lang nitong Abril 2016.

Makikita din ang kahusayan ng PNP sa mas pinalakas nating kampanya laban sa droga. Mula Hulyo 2010 hanggang Hunyo 2016, nadakip ang 130,165 indibidwal na sangkot sa droga, nakumpiska ang drogang nagkakahalagang 20.95 billion piso, at nabuwag ang 23 drug laboratories at chemical warehouse. Sa datos na ito, 42,690 personalidad ang naaresto, 4.3 bilyong pisong halaga ng ilegal na droga ang nakuha ng PNP, at 4 na laboratoryo ang nabuwag sa panahon ni Ric Marquez.

Bukod nga po sa pagsugpo sa krimen at droga, isinaayos at pinatatag din ni Ric Marquez ang samahan ng ating kapulisan. Isa sa malaking hamon na kinaharap ng PNP ang pagkakaroon ng maraming kampo o paksyon. Kay Ric, ipinamalas niya ang kahalagahan ng pagkakaisa ng kapulisan. Malinaw sa kanya: imbis na magsilbi sa mga padrino, walang dapat na ituring na mga Boss kundi ang taumbayan. Batid niyang kung kakampi natin ang sambayanan, talaga pong dadali ang ating misyon at pagtupad sa tungkulin.

Yan nga po ang katangian ng liderato ni Ric Marquez: mahusay, maaasahan, may malasakit at paninindigan sa pagtupad ng mandato. Sinasagad ni Ric ang bawat pagkakataon para pahusayin pa ang serbisyo ng ating kapulisan. Tinutukan niya ang pagpapaunlad sa kasanayan at kagamitan ng ating mga pulis, pati na ang pangangalaga sa inyong kapakanan at ng inyong pamilya. Ngayon nga po, ang dating pinapangarap lang sa hanay ng kapulisan, nangyayari na. Malinaw po: Kaisa natin si Ric sa pagsigurong ang nagmamasalakit sa bayan ay hindi na napapag-iwanan.

Kilala din natin si Ric bilang pinunong kapag kinausap mo, sasabihin niya ang totoo; hindi makikipagplastikan o magsisinungaling para lang magpalapad ng papel. Kaya sa totoo lang, isa po siya sa mga pinuno na ngayong magwawakas na ang termino, ay talaga namang may halo tayong panghihinayang. Mayroon po kasing mga pinunong kapag nagpapaalam na sa serbisyo, tila sinasabi ng iba: “Hay, sa wakas, magreretiro na.” Pero sa pagtatapos ng pamumuno ng isang Ric Marquez, tiyak kong marami ang makakaramdam ng: “Sayang naman, sana mas matagal pa siya sa serbisyo.”

Tiwala naman ako: Sa pagpasok ni Ric sa bagong yugto ng kanyang buhay bilang pribadong mamamayan, kasabay ng pagtuon sa kanyang pamilya, ay ang patuloy niyang pagsisilbi sa kapwa at bansa.

2 araw na nga lang po, at ako naman ang bababa sa puwesto. At hindi ko po maiwasang balikan ang bawat hamon at tagumpay na ating hinarap. Noon pa man, lagi ninyong ginagawa ang lahat ng inyong makakaya sa kung ano ang meron kayo. Kaya sa magigiting nating kapulisan, nais kong iparating sa inyo ang aking paghanga at taos-pusong pasasalamat. Hindi natin mararating ang kabanatang ito ng ating kasaysayan—ang punto kung kailan higit na tayong nakakapaglingkod sa Pilipino, at tinitingala na tayo ng mundo sa pagbabagong ating tinatamasa—kung wala ang inyong tiwala at pakikiambag. Sa inyong lahat na tapat, buong tapang at buong buhay na naglingkod sa ating mga Boss, sa taumbayan, maraming maraming salamat.

Hanggang sa huli, isang karangalan na pamunuan ang buong hanay ng Philippine National Police sa pagsusulong ng kapayapaan sa ating bansa. Isang karangalan na maglingkod sa inyo, at makasama ninyong magsilbi sa sambayanang Pilipino. Isang karangalan na maging kabalikat ninyo sa kolektibo nating hangarin: Ang iwan ang bansa sa di hamak na mas maganda, mas maunlad, at mas mapayapa na kalagayan kaysa po sa ating dinatnan.

Muli po, sa bawat kawani ng ating Kapulisan, sa atin pong liderato ng atin pong Kapulisan, maraming maraming salamat sa inyong lahat.