March 10, 2016 – President Benigno S. Aquino III’s Speech during the meeting with local leaders and the community in Cavite
President Benigno S. Aquino III’s Speech during the meeting with local leaders and the community in Cavite |
Dasmariñas National High School Open Field, Dasmariñas City, Cavite |
10 March 2016 |
Maupo ho tayo lahat.
Si Joel Villanueva ho ba, kumanta? “Joel, huwag kang aalis, hindi ka kumanta.” Si Riza ho, magaling rin kumanta yan. Kaya lang iba ho ang tono niyo eh, parang mas bata siguro kayo kaysa kay Joel kaya iba yung… Hayaan niyo munang batiin ko muna yung ating mga kadamay sa Gabineteng kasama natin ngayon. Ating kalihim po ng Interior and Local Government, si Mel Senen Sarmiento; ating kalihim po ng Department of Energy na itong buwan po ay nangako na wala ng sitio na walang kuryente, si Naidi Monsada; ito ho baka hindi niyo kilala, si Joseph Emilio “Jun” Abaya ng DOTC. Batiin ko rin po si Leni Robredo, sa inyong pahintulot, magiging Vice President po ng ating Republika. Ating mga kasamahan po: si Ina Ambolodto, nabanggit na po niya yung kanyang pagiging ‘Bakwit’, hindi ba? Hindi ho haka-haka yung dinaanan niya, talagang dinaanan niya — ang buhay sa lugar na walang kapayapaan — tandaanan po natin sana, si Ina Ambolodto. Si Riza Hontiveros — matagal na pong tumutulong sa ating mga kababayan lalo na yung nasa laylayan ng lipunan. Pakilala ko naman sa inyo yung nakatatanda sa akin — dalawa: si Mark Lapid at saka si Joel Villanueva. Narinig niyo po kanina si Frank Drilon, si Leila de Lima; at pababayaan ko na po yung iba na maalala niyo pag sila po ay nakadalaw, pero pinapasabi nila po sa akin, banggitin ko ho na lahat kami dito sa Daang Matuwid — ginagawa namin ito dahil mahal namin kayong lahat. Ang butihing congressman, Pidi Barzaga, isa pa ho nating matinding kasangga — si Boy ‘Blue’ Abaya; atin pong butihing congressman ng 3rd district, si AA Advincula; sa pangalan pa lang po– triple A na, dahil may Alex, puwede pang quadruple A. Napakagaling na mayor, maganda pa suwerte ni Pidi — Jenny Barzaga kaya madalas kong kinakausap si Pidi. Isa ho sa pinakamatagal na nating kasamahan sa lalawigan ng Cavite, panahon pa ho ng aking ina at talagang atin pong ginagalang, dati pa ho nating governor — kasalukuyang chairman ng PCSO — Manong ‘Ayong’ Maliksi. Kanyang butihing anak, si Manny Maliksi; iba pa pong mga local government officials na kasama natin ngayon; honoured guests; fellow workers in government; mga minamahal ko pong kababayan: Talaga pong maganda ang hapon natin ngayon, magandang hapon po sa inyo. Nong dumating ho kami kanina dito, sabi ko “nanggaling na ako dito ah”. At itong lugar pong ito, palagay ko napakasuwerte sa akin, parang pangatlong punta ko na ho dito at parati nananalo tayo. Ulitin ko ah, hindi ako nananalo — tayo ang nananalo kaya nandiyan pa rin ho kayo, kaya malamang panalo na naman tayo, kaya maraming salamat muli sa inyo. Hayaan po niyo akong magkuwento kahit konti lang dahil alam ko kanina pa kayo dito. Yung iba ho, ang lakas magpaypay, tinanong kayo ni Joel kung kumain na kayo, sabi niyo “hindi”, sagot ni Joel, “lilipas din yan.” Pero yung gusto kong ikuwento sa inyo: minsan ho’y nauwi ako sa amin sa Tarlac, ibinida sa akin na meron kaming isang retiradong kababayan na may alagang kalabaw. Yung kalabaw po, hindi naman ginagamit sa sakahan, ginawa ho niya nagmistulang aso, yun bang kada lalakad siya, kasama niya yung kalabaw, sama ng sama sa kanya, mula nung bata hanggang lumaki. Dumating hong isang panahon, retirado na siya eh, ‘no — retirado na siya, kailangan niyang pumunta ng Maynila, merong mga papeles hong kailangang siyang kumpletuhin– isubmit para sa kanyang pensiyon at benepisyo. Pumunta ho siya don sa aming terminal ng bus — sasakay ng bus, sabi nung konduktor, “ay! sandali ho, sandali ho — pantao lang ho ‘tong bus, bawal ho yang kalabaw.” Sabi ho nung aking kababayan, “ay! pabayaan mo siya, alam niya ang gagawin niya.” Ngayon ho, iba ho talaga yung aming kalabaw sa Tarlac eh ‘no. Umalis na po yung bus sa terminal, yung kalabaw ho sumunod. Sabi na naman ng konduktor, “Manong, yung kalabaw niyo sumusunod, baka maaksidente ho, baka makaaksidente.” “Pabayaan mo yan, aral yan, alam niya gagawin niya.” So ang ginawa ho ng driver, siyempre nasa highway na, pinaspasan para maiwan na yung kalabaw– baka umuwi na lang. Trenta kilometro, kwarenta kilometro takbo, nandon sumasabay pa yung kalabaw. Pinaspasan lalo nong driver, ginawa na po niya 70 kilometers na ang takbo. Pagtakbo niyang ganon, nakitapo niya, tingin siya sa side mirror, nakita niya yung kalabaw– nakalabas yung dila. Sabi niya don sa may-ari, “kuya yung kalabaw po niyo, nakalabas na ang dila — mukhang pagod na.” “Ah ganon ba, saan ba nakaturo yung dila?” Tingin ulit yung driver, “ay! sa kaliwa po.” “Ay mag-iingat ka ng konti ah, baka o-overtake na yan.” Bakit ko ho naisip yang kuwentong yan? Palagay ko tatanungin niyo, ano ang relasyon dito? Nong kampanya ho natin nong 2010, talaga naman hong tulad halos lahat ng kandidato namin tulad ng kay Leni, tumakbo siya. Kapos yung pera, wala tayong planong tumakbo, talagang pipilitin natin — kayod kalabaw. Dadaanin natin na puntahan kayo lahat imbes na, di ba, lalaki ang gastos sa TV ngayon, sa kung anu-anong paraphernalia, wala naman talaga tayong panggastos talaga nun, may posisyon pa tayo. Dumating ho isang araw, ang engagements po natin, yung lakad sa isang araw– dalawampu’t isa. Yung oras po nung isang araw, dalawampu’t apat, so ibig sabihin po nun, babayan-bayanin kayo — isang oras bawat bayan, eh talagang yung huli ho yata naming miting non inabot ng 2:30 ng umaga. Meron pa rin namang makakausap kami doon. Nong pauwi ho kami, hindi naman magagalit si Leni, alam niya nangyari ito, kasama ko si Jesse don sa bus. Tapos nabanggit ko lang sa isang kasamahan ko, pakisabi lang sa mga kasamahan natin– yung kalabaw marunong ring umiyak. Ano ho bang punto non? Maganda hong makita natin eh, itong kampanya — pag-aralan natin lahat ng gustong tumakbo. Mahirap po yung kampanya — para bang kakain ka sometime in the future; matulog ka sa kotse ng sampung minuto. Yung talagang pagod na pagod ka, masuwerte ka na tatlong oras tulog mo kada gabi. Bago ka matulog, ibubuhos sa yo lahat ng problema nong kampanya. Paggising mo sa umaga, yung hindi naibuhos sa ‘yo ng gabi, ibubuhos sa umaga. Pag kaharap mo media, hahanapan ng tanong na di mo kayang sagutin para mapakitang mahina ka. Maski na hilung-hilo ka, gutom ka, pagod ka, tostado ka na sa init ng araw — kailangan perpekto ka, eh praktis pa lang po yan, pagdating ng Presidente hindi ba? Pag Presidente ka na, akala niyo madali lang buhay dito. Sino ba nagsabi madali ang buhay ng Presidenteng matino? Okey, alam ko ho, sabi ho kasi ng reporter sa akin kahapon, “sir, yung problema ho ba natin sa North Korea, saka problema sa West Philippine Sea, yan na lang ba iintindihin niyo sa natitira niyong mga araw.” Sabi ko, parang pag ganyan ang nangyari eh, papasalamatan kita dahil siyempre pati yung Zika Virus — kasama natin sa usapan yan, yung gulo sa Middle East, meron tayong manggagawa don– kasama sa usapan natin yan. Mamili na kayo kako ng nangyayari sa mundo — malamang may Pilipinong kasali don, kaasama tayo diyan. Kaya kung dalawa lang ang bibigyan ko ng pansin, eh ang laking bagay na yan. Kaya talagang buti na lang ho, simbolo natin — dapat talaga, kayod kalabaw. At ngayon ho, hindi dahil nandiyan kayo bihira ho yung lumuluhang kalabaw. Mga boss, panata po natin sa Daang Matuwid: Ipamana ang isang Pilipinas na hindi hamak na mas maganda kumpara sa ating dinatnan. Paano nga ba tayo tumutotoo sa panatang ito lalo na para sa ating mga minamahal na Caviteño? Nito pong taong 2015, pinasinayaan na po natin ang Muntinlupa-Cavite Expressway o MCX, ang pinakaunang Public-Private Partnership project na tayo ang nag-apruba,tayo rin ang nagbukas sa publiko. Ang espesyal sa PPP pong ito, ni isang kusing, wala pong ginastos ang gobyerno. Sa totoo lang po, kumita pa ang estado, dahil yun pong ating partner sa private sector eh naghain ng 925 million pesos na prima o premium para makuha ang pribilehiyong itayo ang imprastrukturang kailangan natin, yan po ang Daang Matuwid. Ang premium naman po, nagagamit para sa iba pang mga programa ng pamahalaan. Yung kailangan ng imprastruktura, itinatayo, humigit tayo ng pera pandagdag sa kailangang tustusan ng gobyerno. Ganito rin po ang magandang balita sa isinasagawang 44.63 kilometrong Cavite-Laguna Expressway o CALAX, isa na naman po nating PPP project. Gaya sa MCX, nakatanggap din tayo dito ng premium, naalala po niyo, nagkaroon ng bidding — idi-disqualify yung isa. Sabi nung idi-disquality, teka muna, gusto kong ibayad sa gobyerno– 20 billion pesos, yung mananalo — 11 billion pesos. Ang makatuwirang solusyon na ginawa natin sa gusot na ‘to, i-rebid na lang natin. Nong ni-rebid naman natin, iba ang nanalo, ang ibinayad sa gobyerno: 27.30 billion pesos. Alam din po nating marami sa mga namamasukan sa Metro Manila, umuuwi dito sa inyo. Kaya naman, nakatutok din tayo sa ating mass transport system. Nariyan na po ang paglalatag ng LRT Line 1 South Extension Project, mula Baclaran hanggang Bacoor, LRT Line 6 Project, magmumula naman sa Bacoor, hanggang dito sa Dasmariñas. At pag natapos po yan, hindi po ako ang magka-cut ng ribbon — iba na po, okey lang po yan, basta dumating sa inyo, sila na ang kumuha ng kredito basta tayo nagserbisyo tapat sa inyo, kuntento na po ang inyong abang lingkod. Malapit na rin pong umpisahan ang Southwest Integrated Transport System Project; ngayon nga po, meron tayong humahalinhing Southwest Interim Provincial Terminal. Oras na matapos ang naglalakihang proyektong ito, isipin niyo ang pangmatagalang benepisyong matatamasa ng mga Caviteño. Sa ilalim po ng ating panunungkulan, tinutukan na din natin ang mga proyektong matagal nang hinihintay ng Pilipino. Halimbawa po: ang inyong Ternate-Nasugbu Road. Isipin po niyo: anim na kilometro lang ang ikli ng kalsadang ‘to, pero inabot po ito ng hindi naman masyadong matagal na panahon, dalawang dekada lang po bago natapos. Sila ang nangako, kami ho ang gumawa — 20 years in the making, in the making yung 6 kilometers. Ibahin po niyo ang Daang Matuwid, kung sa kanila — anim na kilometro lang na kalsada, aabutin ka ng dalawampung taon para maipagawa at iba pa ang nagkumpleto, sa atin po, sa halos anim na taon na inyong pinagkaloob — nasa 6,200 kilometer national roads na po ang ating napagawa, 1,500 kilometer na tourism roads ang nakumpleto. Dagdag pa dito po ang naipagawa nating permanenteng tulay na kabuuang 12,585 lineal meters. Sa Daang Matuwid po, di lang isang sektor ang tutok natin — magkakadugtong ang ating programa’t proyekto upang tulungan ang ibang nangangailangang sektor. Sa pag-unlad ng imprastruktura, mas napapabilis, di lang ang pag-iikot ng turista, kundi maging ang paghahatid sa merkado ng produktong ipinagmamalaki ng mga Caviteño, gaya ng sikat po ninyong kape na dati po’y binibigyan tayo ni Manong Ayong. Hindi ho tayo nagpaparinig, kung may sobra lang. Ang inyong mga gulay, prutas, mas sariwa nang mailalako. Para mas mapalakas ang inyong agrikultura, nagpagawa tayo ng 49 na farm-to-market roads at 59 na irrigation projects po dito sa inyong lalawigan. Nakapagbigay rin tayo ng 22 Shared Service Facilities—may nakalaan po diyan para sa pagproproseso nang nabanggit na kape at iba pang produkto. Sa kabuuan, pag sinuma ninyo ang lahat ng pondong inilaan natin sa DPWH para sa pagpapagawa ng mga kalsada, tulay, iba pang imprastruktura sa Cavite, mula taong 2011 hanggang taong 2016, aabot po yan sa 20.53 billion pesos. Malamang hindi po niyo alam ‘to, Apat o halos apat na beses po ang laki nito sa 4.8 billion pesos na inilaan sa inyong probinsya ng ating sinundan mula 2005 hanggang 2010. Kahapon po, galing tayo ng Lipa, sa Batangas para dumalo sa isang okasyon ng Philippine Air Force. Doon po, maipagmamalaki natin, bumili tayo hindi lang ng isang eroplano para sa ating Hukbong Panghimpapawid, kung hindi mga modernong eroplano. Meron na rin tayong mga bagong sasakyang pandagat, at marami pang ibang mga bagong kagamitan para sa Sandatahang Lakas. Patunay ito sa kung gaano na kalayo ang transpormasyon ng ating Sandatahang Lakas at ng atin pong bansa. Dito po, maski yung mga nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan sa pagbabagong hatid ng Daang Matuwid, wala pong ligtas. Dahil kapag dumaan ang ating mga modernong FA-50, madadama nila ang dagundong sa paglipad nito sa ating himpapawid. Ngayon po, kung sasabihin nila at ipagpipilitan pang walang pagbabago, ang masasabi ko lang po, libre po ang pagpapagamot sa National Center for Mental Health. Sa serbisyong panlipunan, hindi po tayo kuntento sa: may masabi lang na may nagawa tayo. Dapat tuloy-tuloy at malawakan ang ginhawang dulot nito. Sa edukasyon: Ang dinatnan nating backlog sa classrooms hayaan po niyo, sabihin ko — 66,800 kulang na classroom Ang sabi sa atin, ang kaya lang nating ipagawa nong tayo’y nag-uumpisa, kada taon — 8,000 classroom. Anim na taon ang binigay niyong termino sa akin, 8,000 kada taon, ang suma po niyan siyempre, 48,000 na classroom lang magagawa natin. E kulang po yun, di ba? Aalis ako sa inyo, sabi ko mas maganda na di hamak ang ating iiwan kaysa dinatnan, aalis ako — may utang, hindi puwede po yan. Hinanapan po natin ng paraan para mapuno yan. Natapos na po nating tugunan ang 66,800 classroom backlog — 2013 pa lang po. Sa kasalukuyan po, tinugunan na rin natin ang kailangan para sa implementasyon ng K to 12 pagpalit ng 30 to 40 year old buildings, yung pag-aayos o pagpapalit sa mga nasalanta ng mga bagyo at bago tayo bumaba sa puwesto, dahil binigyan niya tayo ng pahintulot — nasa 185,000 classrooms ang mapopondohan at maipapatayo na po natin. Sa Cavite lang po, may 2.76 milyong Caviteñong saklaw na ng Philhealth. Kasama sila sa 93 milyong Pilipinong suportado na ng programang ito sa bansa. Kung dati po, kahit gaano katindi ang pagsisikap, kahit gaano karaming pagtitiis ang daanan ng isang Pilipino, tila wala pa ring pinatutunguhan. Sa Daang Matuwid, napatunayan natin: Kung may tiyaga, may nilaga. Patunay dito ang graduates ng Training for Work Scholarship Program ng TESDA. Dito sa Cavite, halos 30,000 TWSP graduates na tayo mula taong 2010 hanggang 2015. Bahagi lang po yan ng 9 na milyong graduates ng TESDA sa iba’t ibang kurso sa bansa. Kaya naman po sikat na sikat si TESDA man. Ang maganda po sa suportang binibigay natin sa scholars ng TESDA, unang taon pa lang sa empleyo, sa tax pa lang, bawi na at may dagdag pang kita ang Estado para mabigyan ang iba ng parehong oportunidad. Napansin ba niyo na nung lumabas ang SWS survey na nagsabi — 80 percent of the Filipino people want Pantawid to continue, e lahat inangkin na nila ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program, di ba? Patunay lang po kasi yan na pag ‘yung successful ang programa, lahat gustong angkining sila ang ama o ina. Pag pumalpak naman, lahat sasabihin nila: wala kaming kinalaman diyan. Pag-usapan ho natin, Pantawid Pamilyang Pilipino Program: Ang dinatnan po nating benepisyaryo ng Pantawid Pamilya sa buong bansa nung 2010, kulang sa 800,000; 780,000 po humigit-kumulang. Kung hahatiin po natin ‘to para madali lang kuwentahin na imbes na 81 probinsya — 80 probinsiya na lang. Di lalabas po, 800,000, i-round-off natin don, divided by 10,000 — 80,000; tama ho ba? Tama, di ba? Ay! sorry, 800,000 divided by 80 provinces — 10,000 ang dapat miyembro, average ng lahat. Ang akala ko po, mababa na yung bilang ng benepisyaryo sa Cebu, mahigit 5,600 lang. Akala ko pa naman po, pinakamalala na yung sa Bohol dahil 531 kabahayan. Nagulat po ako ‘tong araw na ‘to, nung itinuro po sa akin kung ilan ang benepisyaryo sa lalawigan ng Cavite: nagulat po ako nung sinabing wala yung sampung libo, at wala rin yung libo, at wala rin yung sampu, kundi wala pala miyembro ng Pantawid Pamilya sa Cavite nung 2010. Sabi ko, ibig kayang sabihin nun, napaka-angat na ng Cavite, di na kailangan ng tulong — wala ng mahirap sa Cavite. Tapos sinabi pa ho non, nung zero kayo, sabi nung sinundan ko: GMA Cares, may malasakit si GMA. Ngayon po, sa Daang Matuwid: dito sa Cavite, mula sa wala — mula sa zero, nasa mahigit 50,800 kabahayan na ang natutulungan ng Pantawid Pamilya. Sa buong bansa, ngayong taong 2016, nung ginawa ho yung survey nung 2009, sinabi 4.6 na milyong kabahayan ang kakailanganin o may nangangailangan ng ayuda at tulong. Last year po, pumalo na tayo sa 4.4 million, tatapusin yung natitirang 200,000 sa ngayong taon kaya 4.6 milyong kabahayan na po ang tinutulungan ng Pantawid Pamilya. Ayon sa mga inisyal na pag-aaral ukol sa CCT, dahil marami hong pulitiko, nung 2013 lalo na sinasabi, dapat imbes agahan yang Pantawid Pamilyang yan, dapat itigil yang Pantawid Pamilyang yan. Ngayon po, meron na tayong 7.7 milyong Pilipinong nakatawid na sa poverty line o mga antas na tinatawag na poverty line. Ang natitira po talagang trabaho maliban don sa 200,000 — tuloy-tuloy din po ang pagsisikap nating ilayo lalo pa sa kahirapan ang mga tinatawag na “near-poor. Ibig sabihin po nun, nakaangat na sa poverty line pero nagkasakit ng malubha — balik sa ilalim ng poverty line kaya yung PhilHealth po, nandiyan umaalalay. Kailangan po, hindi isang bagyo lang nasira lahat ng napundar, balik na naman sa kahirapan. Yun ho hinahanap natin ngayon — ilayo ng ilayo ang isang sakit na malubha, isang delubyo lang — balik, di ba sa kahirapan? Kaya ngayon po, nabanggit ko na kanina, lumabas sa survey — 4 sa bawat 5 Pilipino ang boboto sa magpapatuloy sa Pantawid Pamilya. Kaya naman, kita po ninyo, pati yung tumutuligsa sa Pantawid Pamilya, nakikisakay na. Kayo na ang bahalang humusga kung dapat ba tayong makinig sa kanila. Alam niyo yun ho ang kinaganda ng Internet diba, magsesearch kayo lalabas, dahil meron nga pong isang kalaban ng ating butihing kasamahan Mar Roxas– na ‘yong anak niya mismo ang nagtawag dapat imbestigahan, at ngayon raw ho palalawigin pa niya yung Pantawid Pamilya. Meron akong pamangkin palagay ko kung mas magaling lang magtagalog si Bimbi, sasabihin niy pag nakita niya yung dalawa, “kahapon ayaw niya, ngayon gusto niya”. Ano kaya ang gusto niya talaga? Ako’y nagtatanong lang ho. Hindi naman ho pwedeng kabilaang panig parehong tama, may magkaiba eh diba. May tama may mali. Pwede bang parehong tama, parehong oras? Hindi ho yata pwedeng mangyari yun. At palagay ko dito sa Cavite walang nalilinlang. Talaga naman pong malayo na ang narating ng Cavite sa loob ng halos anim na taong pagtahak sa Daang Matuwid. Siyempre po nagawa natin ito sa pakikiisa ninyong mga Caviteño at ng mga pinuno ninyong kabalikat sa pagbabago. Banggitin ko lang po, nariyan po ang gaya ni Pidi Barzaga nakakasabay ko ho sa kongreso pero hindi ko ho kapartido, hindi ho dahil sumisipsip ako sa kanya para magturo siya ng galing niya. Pero sa totoo lang po maski hindi ko siya kapartido kung dumamay siya sa mga krisis at problemang ating pinagdaanan higit pa kung minsan sa pagiging kapartido. Para na rin siya pong kapatid. Sabi po ng iba pati nga po sa hairstyle hindi kami nagkakalayo eh. (applause and laughter) Hanggang sa suklay pareho ang brand ng suklay namin. Pero hindi ho doon nagmumula ang aming pinagsamahan. Kung maalala ho niyo si Pidi, tumayong key prosecutors sa paglilitis noon sa napatalsik na Punong Mahistrado Renato Corona. Miyembro rin po sya ng Justice Committee na gumawa ng report at articles of impeachment laban kay Ombudsman Merceditas Gutierrez. Alam niyo po, bawal pang mangampanya ngayon sa lokal. Pero sabi nga po ng nanay ko: Huwag kang magrerekomenda kung hindi mo kayang i-garantiya. Kaya humaharap ako sa inyo ngayon, at buong pagtitiwala kong sasabihin sa inyo. Pagdating po ng tamang panahon, babalikan ko kayo dito sa Cavite para i-garantiya sa inyo si Pidi Barzaga. Siyempre sampu na rin po ng iba pa nating kasamahan. Sa Mayo po, haharap muli ang sambayanan sa sangandaan. Ang panawagan natin: Ipagpatuloy ang magaganda nating nasimulan. Ang sa akin po, isa lang ang tapat sa inyo; at ang totoong may “K” para ituloy ang Daang Matuwid: siya po yung talagang may konsensya, talagang may kakayahan, talagang kumakalinga sa kapwa, at nadagdagan pang may Korina. Walang iba kundi si Mar Roxas. Si Mar Roxas po isa sa mga naging mukha ng gobyerno sa pagtugon sa mga nangangailangan. Napapaisip nga ako: gaano kalayo na kaya ang narating natin, kung noong 2010 pa lang, si Mar na ang aking ka-tandem sa pamamahala? Di ko ho talaga matanggal sa aking kaisipan, meron akong dating kasamahan panay raw ang palpak sa Daang Matuwid ngayon tinatawag palpak. Dito ko nga po nakikita ang halaga ng pagboto sa isang tandem: Kung may mangyari po sa Pangulo, Bise-Presidente ang papalit sa puwesto. Isipin na lang ninyo kung hindi iisa ang kanilang paniniwala at plataporma. Puwedeng maantala o mawala ang lahat ng nasimulan. Kasama nga natin ang pambato ng Daang Matuwid sa Pangalawang Pangulo o sa pwesto ng pagiging pangalawang Pangulo, walang iba kung hindi si Leni Robredo. Kailangan ko pong sabihin sa inyo, talagang hangang hanga ako sa katatagan po ni Leni. Iharap man siya sa matinding krisis sa kanyang buhay, talaga pong wala tayong masasabi. Sa pagpanaw ng kanyang asawang si Jesse Robredo, sa halip na pakitaan nya tayo ng lungkot na sa kanyang karapatan, sa halip na ako ang nagbigay ng tulong sa kanyang malampasan ang pagsubok, kung talagang titignan natin si Leni pa yata ang nakatulong sa akin at ng marami sa atin tanggapin yung pagkawala ni Jesse. Talaga pong matatag siya, nagpakatatag siya para sa mga anak, at nagsilbing inspirasyon po sa lahat. Si Leni po, talaga namang maraming gawa at may isang salita; malawak ng nagawa niya bilang abugado, kinatawan ng Camarines Sur, at bilang katuwang ni Jesse sa pagkalinga sa mga nasa laylayan. Mga Boss, nung tinanggap ko po ang hamon na maglingkod, malinaw sa aking hindi ako sasakay sa isang merry-go-round sa loob ng 6 taon. Ang atas sa akin, pagbabago—at iyan po pinipili kong ginawa at kasalukuyan pong ginagawa pa. Sa pagtupad sa tungkulin, mabibigat ang ating nakabangga; dito ko nga naaalala ang bilin sa akin ng isang nakatatandang babae sa lalawigan ng Nueva Ecija. Ang sabi po nya sa akin matapos ang aming rally doon: “Noy, mag-iingat ka.” Tingnan po kasi ninyo ang mga dinala natin sa katarungan sabi po niya noon: ang bibigat ng mga bubungguin mo. Ang aking pinalitan na pangulo, isang dating Chief Justice, mga senador at marami pang iba– pinananagot po natin sa ating pong Korte. Marami tayong inapektuhan o naapektuhan sa akala niya’y karapatan ay hanapbuhay tulad sa BIR at sa Customs, silang habang inaabuso ang kapangyarihan ay pinagdudusa ang taumbayan. Kaya naman hindi na nakakapagtaka: Pagbaba ko raw po sa puwesto, may mga magsasampa sa atin ng kaso, maski paano pa niya kailangan imbentuhin. May mga nagbabanta po na babawian niya ako ng physical pero alam po niyo panatag ang loob ko: Ginawa natin at ginagawa natin ang tama, sumusunod tayo sa batas. Nalampasan natin ang bawat hamon dahil nariyan po kayo bilang aking lakas. Kayo ang gumawa ng pagbabago; Kayo rin ang magtutuloy nito. Kung ako ang nagmistulang tulay kuntento na po ako. Hindi ko po alam kung ano pa ang natitira sa buhay kong ipagkakaloob ng Diyos. Maliwanag po sa akin sa pagkakataon pong binigay niyo talaga naman pong mahaharap ko ang aking mga magulang at masasabing: Hindi ko binigyan ng dungis ang pangalan na ipinagkaloob niyo sa akin. Hindi ko dinungisan din ang alaalang sa inyong tapat na paglilingkod sa ating mga minamahal na kababayan. 112 na araw na nga lang po ang natitira bago tayo bumaba sa puwesto. Matagal na pong nadamay sa mga pagod, sa stress, sa pananakot, sa kaba at iba-iba pa, na nagmula dahil sa ating pagseserbisyo sa ating mga minamahal na kapatid, akin pong mga personal na mga kapatid, aking mga pamangkin, mga nagmamalasakit sa akin talaga pong mahaba haba na rin ang pagsasakripisyo. Alam po niyo naalala ko minsan taong 1978 sabi ng tatay ko habang naka piit sa Fort Bonifacio retirado siya, sabi niya: pabayaan na niyo akong tumakbo dito sa Interim Batasang Pambansa, ang pakay ko dito hindi para manalo. Walang mananalo na oposisyon sa Martial Law, pero dito may pagkakaton tayong makausap angating mga kababayan na pagkatagal-tagal nang salat sa katotohanan. Naalala po niyo mga nakakatanda, noon Martial Law, lagpas tatlong tao ang magpulong illegal assembly na ang tawag. Sabi niya sa amin noon, ‘huli ko ng pagtakbo ito.’ Mga ilan taon ng nakalipas pinangako niya lalo sa akin mga kapatid na babae at sa aking ina: pag alis raw po ni Ginoong Marcos kaming lahat ho ay mangingibang bansa muna para makalimutan yung lagim nung Martial Law. Alam naman po niyo naging kasaysayan. Hindi ho namin nakuha yung dalawang taong mabuo yung pamilya naming makapahinga ng kaunti, makaisip ng ibang bagay. Nanay ko po ang pumalit kay Ginoong Marcos. May mga nagpapayo pa ho sa akin ngayon: wag na raw ho akong makialam sa halalang ito, makuntento nalang at lumagay na lang ako sa tahimik, baka makalimutan pa ho ako ng mga malalaking pinagbabangga ko. Pero ako ho ang Ama ng Bayan; tungkulin kong gabayan ang sambayanan. Hindi ko po maatim na manahimik lang at mapunta ang mga pinaghirapan natin sa mga pinunong baka tumupad sa pangako, sa mga pinunong baka iligaw tayo o baka iatras pa tayo sa baluktot na kalakaran. Alalahanin po natin: galing po tayo sa mahabang panahon ng pagkakadapa at ngayon natututo na po tayong, at natuto na tayong tumayo at lumakad. Ngayong patakbo na at aarangkada na tayo saka pa tayo aatras at magbabago ng tatahaking direksyon? Doon na po tayo sa sigurado at wala ni katiting na dudang magpapatuloy sa Daang Matuwid at salahat ng magaganda nating nasimulan. Nasa inyo pong mga kamay yan. Ngayon po mayroon po tayong pagpapasahan ng responsibilidad, na mas masigasig at mas handa pa. Sa pahintulot po ninyo, mga Boss, ipapakilala ko po: ang mamumuno sa laban para ituloy ang Daang Matuwid, ang susunod na Pangulo ng Republika ng Pilipinas, walang iba kundi si Mar Roxas. |