President Benigno S. Aquino III’s Speech at the Inauguration of two School Buildings of the Grace Park Elementary School (GPES)
P. Galauran St., 6th Ave., Grace Park, Caloocan City
30 March 2016
 
Alam niyo, sa init ng pagsalubong niyo sa akin mula doon sa labas pa, ano kaya ang puwede kong italumpati pa dito dahil mukhang kumbinsido na kayo. [Tawanan] Tapos yung ating mag-aaral kaninang nagsalita, napakagaling. Sinundan ng ating guro na 13 years na, kumanta pa! Sabi ko, “Mukhang kailangan yata akong kumanta dito.” [Palakpakan] Pero dahil [ipagmamalaki namin yung baha], hindi na raw ho problema dito sa Caloocan, hindi na ho ako kakanta at masubukan pa yung claim na yan.

Ngayong hapon po, muli nating pinatutunayan ang positibong bunga ng mabuting pamamahala at sama-samang pagtahak sa Daang Matuwid. Pinasinayaan po natin ang dalawang bagong school buildings dito sa Grace Park Elementary School, na pihadong magiging lunsaran ng mas magandang kinabukasan para sa mga kabataan ng Caloocan. Balita ko po’y ililipat raw ang Senior High School dito; halos dodoble yung populasyon nito. Kakayanin raw po nitong mga pasilidad niyo at single shift; hindi na raw po tulad ng dati. Isipin niyo ang estudyante, double shift. Ano kaya ang ibig sabihin ng double shift? Double shift, puwede ho yung triple shift sa factory. Pero pag yung nag-aaral, yung bata, tama yung pagtulog, tama ang oras ng pagkain, tama yung oras ng pag-aaral, may pahinga, etc., kailangan kumpletuhin iyon para makumpleto ang development. Pag ginagawa niyong multiple shifts—sa ibang lugar umaabot sa tatlo hanggang apat. Ang grade school na bata, mag-uumpisa ng late afternoon, matatapos ng medyo gabi na ho talaga, at uuwi sila sa gabi. Hindi ho tamang patakaran yun. Yun ho ang pinapalitan natin.

: DepEd ang tumutukoy sa mga paaralan na kailangan pa ng mga klasrum, PAGCOR ang magpopondo, DPWH naman ang nagpapatayo ng mga gusali. Mula 2011 hanggang 2015, nakapaglaan ang PAGCOR ng P12 bilyon para sa nasa 6,500 na silid-aralan. Baka puwede po natin pasalamatan rin ang PAGCOR.

Talaga nga naman pong ibang-iba na ang sistema at kalakaran sa PAGCOR. Kung maalala natin noon, winawaldas lang ang bilyong piso para pambili ng kape. Naitanong ko na nga ho, pag ininom nila yung bilyong pisong kapeng yan, kasama pa ng pagkukutsa ng konsensya nila, nakakatulog pa kaya ang mga taong yan? Ngayon po, ang pondong ito, ginagamit para maiangat pa ang antas ng edukasyon sa buong bansa. Kaya po sa ating mga ahensya, sa lokal na pamahalaan, at sa bawat Boss nating nakikiisa sa programang ito: Maraming salamat po muli sa inyong lahat.

Itong pagpapatayo ng mga silid-aralan ay bahagi lang ng malawakan nating agenda upang palakasin ang sektor ng edukasyon. Kung matatandaan po ninyo, isa sa mga problemang dinatnan natin ang ipinamanang backlog na 66,800 classrooms, 61.7 milyong textbooks, 2.5 milyong silya, pati na ang 145,827 na mga guro. Nang dahil sa tapat na pamamahala, natugunan na natin ang mga ito, pati na ang iba pang mga kakailanganin dala ng implementasyon ng K to 12. Bago nga po tayo bumaba sa puwesto, ayon kay Bro. Armin, hihigit na sa 185,000 classroom ang ating naipatayo at napondohan na po.

Siyempre po, hindi puwedeng isang sektor lang ang binibigyan natin ng tutok. Kailangan ring tugunan ang iba pang kailangan ng ating mga Boss. Nandiyan ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program, na sinisigurong malusog at nakakapasok sa eskwela ang ating mga kabataan. Dito sa inyo sa Caloocan, nabanggit na po kanina, masuwerte na po kayong noong araw: 2,141 na kabahayang benepisyaryo noong 2010.

Bakit kayo suwerte, baka maitanong niyo. Nadalaw tayo sa ilang probinsya tulad ng Cavite, Batangas, at Basilan. Ang dami po ng benepisyaryo doon. Ang dami po nila zero. Yung tatlong probinsyang yun, parang sinabi na ring walang nasa laylayan ng lipunan, wala pong tinutulungan ang Pantawid Pamilya noong tayo po’y nagsimula. Ngayon po, sa ilalim ng ating panunungkulan, hinanap pa natin ang tunay na nangangailangan pa ng ayuda at pinalawak pa ang sakop nitong Pantawid Pamilya. At sa kasalukuyan nga po, nabanggit kanina, 31,510 kabahayan na mula sa dating dalawang libo lang ang nakikinabang na sa mga benepisyo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Bahagi po sila ng 4.4 milyong kabahayang benepisyaryo ng Pantawid Pamilya sa buong bansa. Ayon nga po sa inisyal na pag-aaral, 7.7 milyong indibidwal na po ang natulungan ng programa na makatawid sa tinatawag na “poverty line.” Hindi na po sila ang pinakamahirap nating mga kababayan at nakakaangat na maski papaano.

Mas malawak na rin po ang sakop ng PhilHealth natin ngayon. Dito sa inyo po, 1.2 milyong indibidwal na ang nakikinabang po sa PhilHealth dahil miyembro na po sila. Bahagi sila ng 93 milyong Pilipinong nabibigyan na ng agarang kalinga ng estado. Ang sa atin lang po: Paano na lang kung magbago ang isip ng papalit sa atin at ihinto ang mga programang ito? Siguro gusto kong idiin ng husto: Panahon pa po ng nanay ko, free education hanggang high school. Tapos marami tayong out-of-school youth pagkatapos noon. Tinatanong, “Bakit ang daming out-of-school youth?” Itiniturong dahilan: masama ang kalusugan, madaling magkasakit, hindi makapasok. Itinuturong kadahilanan: pamasahe na lang, hindi matugunan ng kanilang mga magulang, napipilitang itigil ang pag-aaral.

Siyempre, pag hindi nakatapos ng maski ano, yung hindi ka nakakuha ng kurso sa TESDA, yung trabahong nakukuha mo yung tinatawag na “menial jobs”—madali kang palitan, mababa ang suweldo, ang daming naghahabulan doon. Tila walang solusyon o paraan para makaangat ka sa iyong kabuhayan. Sa Daang Matuwid po, pinipilit natin na nandiyan ang klasrum dahil kulang ang klasrum. Tulungan na rin natin yung pamilya para mapangalagaan yung kalusugan ng mga anak at mabigyan ng paraan para masustentuhan yung pag-aaral, kaya nandiyan ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Dahil marami ngang pangangailangan, kung minsan masama yung nutrisyon, nagkakasakit, pinalakas natin ang PhilHealth para meron kayong sasandalan pag dumating ang karamdaman; pinalawak natin sa dami ng miyembro, pinalawak din natin sa dami ng tinutuntunan o inaasikaso ng PhilHealth.

Alam po niyo, totoo po: Mula noong 2009, nang may mga nagmumungkahi sa aking tumakbo at tumakbo bilang Pangulo, hanggang sa ngayon na patapos na tayo, masabi kong hindi po niyo talaga kami iniwan, kasama na po ang aking ama at kasama na po ang aking ina. Noong ako po’y pinakiusapan pong tumakbo noong 2009, pinanindigan natin ito nang tayo’y umoo, at nalampasan natin ang lahat ng balakid na hinarang nila sa atin na lahat ng mga hamon. Ngayon nga po, itong lahat ng ating naabot na tagumpay ay magpapatuloy dahil sa inyong pagtitiwala at pakikiambag sa ating agenda ng reporma.

Ang maganda pa, wala tayong dinagdag na pasanin, maliban sa tinatawag na Sin Tax, na layong higit pang paunlarin ang ating serbisyong pangkalusugan. Tayo po ay nakakatulong sa kapwa na hindi nadadagdagan ang ating pabigat. Sabi nga ho ni Kagalang-galang Mel Sarmiento, noong mayor po siya sa kanila sa Samar, nagpatawag yung PTA ng meeting—Parent-Teachers’ Association. Doon raw po sa kanila sabi ng bata, “Tay, patay, tatay. Ambag na naman sa PTA.” [Tawanan] Pag may proyekto, maski gaano kaganda, bunot Jess Lapid. Ang tanong nga po natin: Mayroon bang nasa matinong pag-iisip ang makapagsasabing itigil na natin ang pagtahak sa Daang Matuwid?

Sa ilalim ng ating panunungkulan, ang tangi nating maipagmamalaki: Hindi tayo nangurakot at tanging kapakanan ng ating mga Boss, ang taumbayan, ang ating tinututukan. Napakalayo na nga po ng ating narating. Mayroon nga pong nagsabi sa akin noong simula ng aking termino, hindi niya mapapatawad ang ating sinundan dahil sa halos isang dekadang nawala sa atin. Isipin po niyo, yung nagawa namin, puwede namang nagawa ng kung sinumang nauna sa amin. Nandiyan ang pagkakataon kung ang tutok lang ay sa kapakanan lang ng taumbayan. Alam niyo naman yung pinalitan ko, ang tutok, paano manatili sa kapangyarihan. Nakalimutan yung taumbayan. So ibinalik lang natin ang pakay ng isang gobyernong itinatag sa pahintulot ng taumbayan: na paglingkurang totoo ang taumbayan.

Mga kasama, pasensya na kayo, haluan ko ng kaunting paalala, natawag na rin akong Ama ng Bayan kanina, pero hindi pa ho tayo ikinakasal, kaya angkinin ko na lang ho kayo na anak ko. Mga anak at mga Boss, simple lang naman ho ang mensahe: Malayo na mula noong 2010. Noong 2010, ano ba ang ambisyon ng pangkaraniwang Pilipino? Paano ba ako makaalis ng Pilipinas? Bakit kailangan umalis ng Pilipinas? Wala akong makitang pag-asa. Walang tiyaga na magkakaroon ng nilaga. Maski anong sakripisyo, tila walang pupuntahan. Ngayon po nababaliktad na yan unti-unti. Yung 10 milyon nating OFWs, ngayon po ay 9.4 milyon na. Umuwi sa Pilipinas ang marami nito, napababa pa natin ang unemployment rate. Papunta ho dito, ang daming factory na nadaanan ko kanina, nakalagay doon: “Immediate hiring,” “Wanted for immediate employment.” Noong bata ho si Egay at ako, kadalasan ang nasa karatula ay “No vacancy.”

Mga kasama, sino ang gumawa nito? Kayo. Binigyan niyo ako ng pahintulot na pamunuan kayo, isang dakilang lahi talaga. Naabot natin ang lahat ng naabot nating ito dahil nakatutok sa tao, hindi nakatutok sa sarili. Hindi masyadong mayabang na sila lahat ang may alam, sila lahat ang may dunong, sila lahat ang may tamang solusyon, sila lang ang pogi sa mundo. Sa akin ho, parati kong inuulit-ulit sampu ng ating mga kasamahan, lahat ng nangyayari dito, tayo ang gumawa.

May nagtanong sa akin, sabi ni Sandy Javier kamakailan, yung may-ari ng Andok’s, kasamahan po natin, napunta raw po siyang Fairview. Sabi raw ho ng mga tricycle driver sa kanya doon, tinanong ni Sandy, kung sinong gusto [nilang] pumalit sa akin. Sagot po ng mga driver, “Hindi ho ba puwedeng magpatuloy na lang?” Tapos tinanong ni Sandy “Bakit naman niyo gustong magpatuloy?” Dati ho kasi, ang kinikita [nila], P300 kada araw. Ngayon raw ho, P700 na. Marami na raw pera ang tao kaya marami raw silang pasahero. Sana magtuloy-tuloy yun.

Meron pa akong isang kinainan ko kamakailan, mga dalawang linggo na ang lumipas, sabi sa akin, “Hindi ba ho puwedeng extension maski three years lang?” Sa totoo lang ho, yung pagmamahal naman na nasa kalooban ko at sa buo naming pamilya, nandiyan pa. Pero sagot ko nga po kadalasan, huwag nating kalimutan, itong taon na ito, 30th year ng EDSA. Ipinapaalala sa atin minsan na may isang tao, nakadalawang termino na—sa Constitution noong araw, puwede ang dalawa—humirit pa ng 13 years na dagdag. At hindi naman natin masasabing kusang loob siyang bumaba sa puwesto. Huwag tayong gumawa ulit ng paraan na magbukas ulit ng pintuan sa isang tao na baka hindi na umalis sa katungkulan at baka may nakahanda pang hahalinhin sa kanya mula sa sarili niyang pamilya. Mabuti nang maghanap tayo ng talagang kapalit natin na talagang magpapatuloy ng ating nasimulan, at dahil mas mataas na yung pag-uumpisahan niya, di hamak mas malayo ang mapupuntahan natin.

Ito ang matinding pakiusap ko sa inyong lahat: Pagdating ng Mayo 9, boboto tayong lahat. Yung boto ko, wala hong multiple yun. Pag bumoto ako, isa ang bilang diyan. Pag bumoto kayo, isa. Kung sino ang may pinakamaraming boto, siya ang mauupo sa puwesto. The majority decides for all—yun po ang sistema ng demokrasya natin.

Pakiusap ko po sa inyo: Suriin niyo, suriin niyo lahat ng kandidato. Palagay ko makikita niyo ang tulad ng aking pagsusuri, iisa lang talaga ang kasama natin noong tumahak dito sa Daang Matuwid. Iisa ang talagang dumamay sa atin sa lahat ng hirap na dinaanan natin dito. Iisa ang hindi napakainteresadong parating may photo opportunity. Yung mga may konti lang gawin, kailangan ibandera sa buong mundo. Importante ho, nangako kang maglingkod, maglingkod ka. Kung may mag-thank you sa iyo, bonus na yun. Pero tuparin mo yung pangako mo muna.

Umabot tayo dito, ginawa niyo. Saan tayo tutungo? Kayo rin ang gagawa. Pakiusap kong matindi: Dugo, pawis, luha, sama ng loob, marami na hong bagay ang ating dinaanan para makaabot dito sa puntong ito. Nasa kamay natin na hindi naging bakasyon lang itong anim na taon na ito. Ito, puwede nating gawing umpisa ng lalo pang mas matatayog na puwede nating puntahan. Hindi ko kayang mag-isa. Mula noong una kaming nakaharap sa inyo, mula noong panahon ng tatay kong nakakulong, parati namang hong yun ang mensahe namin: Hindi gagawin ni Ninoy Aquino mag-isa, hindi gagawin ni Cory Aquino mag-isa, kung hindi namin kayo kasama, wala ho kami. Kaya yung pakiusap ko po sa inyo: Yung huhubog ng kinabukasan, walang iba kung tayo.

Pag tinitignan ko yung mga bata… Ito na lang ang huling gusto kong mensahe sa inyo. Alam naman po niyo, hindi pa ako nakapag-asawa. Pagkatapos ko ho dito sa puwestong ito, baka may chance na. [Tawanan] Pero may mga pamangkin ho ako, tinitingnan ko sila, siyempre kinukuwentuhan nila ako ng kanilang buhay. Meron hong pinakabata, si Bimby, meron hong pinakamatanda, ang pangalan po ay Justin, si Jiggy. Tapos importante sa akin na ano ba ang tanda ng tagumpay? Para sa akin ho simpleng-simple. Pag yung susunod na salinlahi, yung susunod na henerasyon, ang hinaharap nilang problema ay hindi pareho ng problemang hinaharap ko o hinarap ko. Kung sila mas simple ang problema, siguro talagang nagtagumpay tayo.

Sabi nga ho, yung kinabukasan, darating yan pero ginagawa ngayon. Nasa kamay niyo, at ako po tinuruan na magtiwala sa sambayanang Pilipino, kaya nga kayo ang mga Boss ko. Talagang karangalang makapaglingkod po sa inyong lahat. At matinding pakiusap nga ho: Yung ginawa natin, ngayon pa ba tayo maghihiwa-hiwalay kung saan nagtatagumpay tayo. Palagay ko, mali ho yan. Lalo pa tayong magpalakas ng ating puwersa. Lalo pa tayong magparami, dahil talaga naman pong napakaimportante at nasa peligro ang kinabukasan natin kung tayo ay magkakamali sa darating na ikasiyam ng Mayo.

Magandang hapon po. Maraming salamat sa inyong lahat.