Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Howie Severino (News to Go – GMA News TV)

HOWIE:                              Makakausap natin si Presidential Spokesman Harry Roque. Magandang umaga at maligayang bagong taon, Secretary Roque.

SEC. ROQUE:                   Maligayang bagong taon po sa inyong lahat at magandang umaga rin po.

HOWIE:                              Sir, may kaunting delay lang po sa ating audio.Baka lang malito kayo ng kaunti.

Mahigit pong dalawang buwan mula nang kayo ay italaga bilang tagapagsalita ng Pangulo. So far Secretary Roque, anung pinakamalaking hamon sa inyong trabaho?

SEC. ROQUE:                   Well, ang hamon lang po iyong physical rigors or having to start the day ng as early as 5:30 dahil pagbibigyan natin iyong ating mga kasamahan sa media para ma-interview tayo.

Tapos iyong sasabayan mo rin ang Pangulo sa schedule niya na natatapos ng madaling araw na. So so far in the past two months ko,  average of  five hours of sleep  lang po tayo. So mabuti naman po nagbakasyon noong pasko at tayo po ay nakapagpahinga na.

HOWIE:                              Okay, mainit na usapin ngayon, sir, ang pagsusulong sa isang federal constitution at iyong posibilidad na walang eleksyon sa 2019. Pero sinabi ninyo na walang balak magpalawig ng termino si Pangulong Duterte. Ibig bang sabihin na kusa siyang magbibitiw sa puwesto kapag natuloy ang pederalismo?

SEC. ROQUE:                   Well, ang sinabi po ni Presidente, wala siyang balak talaga na manatili sa kanyang puwesto na mas matagal pa doon sa kanyang termino sa 2022. At ang sinabi nga niya kung maa-amyendahan ang Saligang Batas sa isang pamamaraan na magkakaroon ng ngipin iyong kampanya laban sa  korapsyon ay nais pa nga niyang paikliin ang kanyang termino. So tingin ko kung magkakaroon ng pag-rebisa ng Saligang Batas, hindi lang patungo sa pederalismo,  kung hindi  doon sa ngipin na hinihingi niya para doon sa mga tiwaling tao sa gobyerno. Talagang sinabi niya wala siyang problema kung magbibitiw pa siya bago sa 2022. Pero ang binibigyan namin ng diin: Wala po talagang nais ang ating Presidente na pahabain ang kanyang termino.

HOWIE:                              Okay, mismong si Pangulo na rin ang nagsabi dati na maraming lider ng lokal na pamahalaan ang sangkot sa droga. Kung matutuloy ang no elections scenario sa 2019 ibig bang sabihin na mapapalawig pa ang kanilang termino?

SEC. ROQUE:                   Well, unang-una po, tutol nga po ang Presidente sa no-el; mas gusto niyang mag-eleksyon at pinangangako po niya, ang eleksyon sa 2019 po ay isang magiging malinis at isang credible na eleksyon. So parang mahirap pong mag-speculate na walang eleksyon, dahil ang assumption po talaga ng Presidente nagkaka-eleskyon po.

HOWIE:                              Sir, has he conveyed that preference po dito sa mga lider ng Kamara?

SEC. ROQUE:                   Alam naman po nila iyan at naririnig naman nila ang mga deklarasyon ng Presidente. Bagama’t ang Presidente po ay talagang para sa federal form of government ay pupuwede naman pong gawin iyan sa tamang panahon. Unang-una po, kung gusto talaga nilang iparating sa taumbayan iyong pagbabago ng gobyerno ay pupuwede naman pong isabay sa eleksyon ng 2019 iyong plebisito para sa bagong Saligang Batas. So, ibig sabihin po, talagang kinakailangan magkaroon ng halalan para maisabay iyong plebisito.

HOWIE:                              Okay, ano po ang timeline ng administrasyon para sa pagbabagong ito, itong transition to a federal form of government?

SEC. ROQUE:                   Well, angsinabi naman po ng Presidente, habang siya ay nanunungkulang Presidente, ito ay kanyang prayoridad. So ang timeline ay bago naman po matapos ang kanyang termino ng 2022.

HOWIE:                              Sabi po ni Senador Franklin Drilon hindi nila mapagsasabay ang pagtalakay sa pederalismo kung i-akyat din sa Senado ang impeachment case in Chief Justice Sereno.  Ano po ang reaskyon ninyo po dito?

SEC. ROQUE:                   Nirerespeto po namin ang opinyon ni Senator Drilon. Pero po iyong timetable po ng Senado ay nakasalalay po sa mayorya ng Senado at hindi naman ng minorya. So ang aantayin po namin ay ang deklarasyon po ng Senate President at iyong mayorya ng Senado.

HOWIE:                              Ipinag-utos ni Pangulong Duterte kamakailan na bawasan at higpitan ang mga biyahe sa ibang bansa ng mga opisyal ng gobyerno, may mga sinibak pa siyang opisyal dahil dito. So, will the President follow his own standard in the coming year, ida-downscale din ba ang mga biyahe ng Pangulo sa ibang bansa?

SEC. ROQUE:                   Well sa totoo lang po kung pupuwedeng huwag na sanang magbiyahe ang Pangulo, ayaw po talaga niya. Meron lang talagang mga biyahe na hindi maiwasan. Isa na po diyan iyong mga summit ng ASEAN na ang mga dumadalo ay iyong mga heads of states. So, huwag po kayong mag-alala ang Presidente po talaga ay kung pupuwede ayaw na po niyang umalis ng Pilipinas         

HOWIE:                              Okay. Sa mga nakaraang foreign trips ng Pangulo marami-rami ring opisyal ang kasama, pati mga miyembro ng kanyang pamilya, magbabago  ba ito?

SEC. ROQUE:                   Well, sa katunayan nga po mababago po iyan kasi hangga’t maari nga hindi na siya magbibiyahe. Iyon naman pong numero, tingin ko naman, iyong numero na iyan ay iyan talaga iyong numero na sumasama si Presidente pag nagkakaroon ng state visit. Pero asahan n’yo po dahil nga—sinabi naman po niya pagod na siya sa kakabiyahe. Talagang mababawasan po iyan.

HOWIE:                              Okay, sir pinapa-contempt po kayo ng kampo ni dating Palawan Governor Joel Reyes dahil ginagamit n’yo raw po ang posisyon ninyo para mag-abogado para sa kampo ni Gerry Ortega, hinain daw ito sa Court of Appeals kahapon. Reaksyon n’yo po?

SEC. ROQUE:                   Hayaan n’yo po siya gawin ang kanyang dapat gawin. Pero bilang tagapagsalita po ng Pangulo, ang Pangulo pa rin ang merong huridiksyon para ipatupad ang batas. Ang paglilitis po ni Joel Reyes ay sa ngalan ng people of the Philippines; ang naglilitis po sa kanya ay miyembro ng ehekutibo, dahil ang mga piskal po ng DOJ ay kaparte ng ehekutibo.

Katungkulan po ng Presidente ipatupad ang mga batas at iyong ating mga pananalita ay sang-ayon po sa katungkulan ng Presidente.

HOWIE:                              Secretary, nag-file po sa Korte Suprema ang Makabayan Bloc sa Kongreso ng TRO sa TRAIN Law. Ano po ang masasabi ninyo rito?

SEC. ROQUE:                   Well, tayo po ay dedepensahan naman natin iyong TRAIN Law. Itong kapangyarihan po ng taxation, isa po ito sa tatlong hindi pupuwedeng itangging kapangyarihan ng estado; kasama ng imminent domain at saka ng police power.

Ang sinasabi po nila ay wala raw quorum nung na-ratify iyong TRAIN na iyan sa Kamara. Pero meron na tayong desisyon, ang Supreme Court, iyong tinatawag na enrolled bill theory—

Enrolled bill principle na kapag nalagdaan na iyan ng Senate President at saka ng House Speaker iyan po ay certification na dumaan ang isang batas sa lahat ng mga proseso na nakasaad sa ating Saligang Batas at iyan po ay binibigyang respeto ng ating mga hukuman.

HOWIE:                              May matataas na opisyal pa ho bang sisibakin ang Pangulo?

SEC. ROQUE:                   Well, sinabi na po ni PNP Dela Rosa na hindi bababa sa sisentang mga kapulisan ang sisibakin bago po matapos itong buwan ng Enero.

HOWIE:                              Okay. Pinagsa-submit po ni DILG Undersecretary Martin Dino ang mga kapitan ng Barangay ng listahan ng mga hinihinalang sangkot sa droga at krimen. May basbas ba ito ng Pangulo?

SEC. ROQUE:                   Trabaho naman po iyan ng DILG. Dahil sila ang merong hurisdiksyon sa mga local na pamahalaan. So, hayaan po nating gawin ng DILG ang kanilang katungkulan.

HOWIE:                              Okay, bilang isang abogado na matagal po sa larangan ng human rights, hindi po ba delikadong malabag ang karapatan ng mga taong maakusahan ng wala namang due process of law?

SEC. ROQUE:                   Well, ang pinapasumite lang naman po ay pangalan; at sigurado naman po akong magkakaroon ng imbestigasyon. So wala pong mangyayari sa pagsusumite lamang ng pangalan, kinakailangan ihain muna sa hukuman ang mga kaso.

Unang-una, kinakailangan mag-imbestiga ang DILG kung may katotohanan. At kung merong katotohanan, meron din kasing mga pamamaraan para mapaalis sa puwesto iyong mga nakapuwestong mga lokal na mga opisyales; at pangalawa kung meron talagang ebidensiya, ihain ang kaso sa hukuman.

HOWIE:                              Well, sa isyu naman po ng umento sa sahod ng mga guro. Sinabi ninyong gusto itong mangyari ng Pangulo sa ikalawang tax reform package. Pero mismong si Budget Secretary Benjamin Diokno ang nagsabi na hindi kaya ng kasalukuyang budget na tustusan ang umento sa sahod ng mga guro. Sang-ayon ba kayo rito?

SEC. ROQUE:                   Ang sabi po ng Presidente at ako naman po ay tagapagsalita lamang, pinapahanap niya ng mga pamamaraan upang maitaas ang sahod…ng mga suweldo, kasabay ng paghahain ng pangalawang tax reform package ng ating gobyerno. Hindi po natin alam kung kailan mangyayari iyan, hindi po natin alam kung gaano kataas. Pero ang mandato po ng Presidente – hanapan ng pondo.

HOWIE:                              Okay. Nakapanayam po namin ngayong linggo si US Ambassador to the Philippine Sung Kim, tumulong ang Amerika sa giyera sa Marawi at ngayon sa rehabilitasyon na nagbigay rin sila ng ayuda. Dati gusto ng palayasin ni Pangulong Duterte ang mga tropa ng Amerikano sa bansa. Nagbago na ba ang isip ng Pangulo?

SEC. ROQUE:                   Well, ang Presidente naman po ay nagpapasalamat sa lahat ng tulong na nabibigay ng ating mga kaalyado.

Iyong usapin po ng kinabukasan ng mga treaty agreements na meron tayo sa Estados Unidos, iyan naman po ay patuloy na ginagalang ng ating gobyerno.

HOWIE:                              Okaymaraming salamat sa inyong panahon, Presidential Spokesman Secretary Harry Roque.

SEC. ROQUE:                   Magandang umaga po at salamat po sa lahat.

##

PCOO-NIB (News and Information Bureau)

Resource