Interview

Interview with Presidential Spokesperson and Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo by Susan Enriquez (GMA 7 – Unang Balita – Unang Hirit)

Event Media interview

ENRIQUEZ:  Ano-ano hong mga kasunduan iyong pipirmahan sa pagitan ng Pilipinas at ng China, kasama ba dito iyong sinasabing joint exploration?

SEC. PANELO:  Hindi ko alam iyong parteng iyon, wala pang binibigay sa aking feedback tungkol doon kung meron man. Dahil sa DFA iyon eh.

ENRIQUEZ:  Secretary, hindi ho ba nababahala iyong Palasyo sa babala ng Amerika sa mga bansang pinapautang ng China, ang kapalit daw ho niyan eh soberenya eh?

SEC. PANELO:  Hindi naman, wala namang kaugnayan iyong pagpapautang, magbabayad naman ang bawat bansa eh. Wala naman silang magagawa. Like for instance, sabihin mo nangutang ka, ibig mo bang sabihin eh kapag hindi ka nakabayad, eh ikaw ay sasalakayin, kukunin ang soberentiya mo, I don’t think so.

Alam mo, iba na ang relasyon ngayon sa iba’t-ibang bansa. Dumating tayo sa panahon na kailangan ang lahat ng bansa ay nagkakaisa considering na merong threat o panganib sa seguridad ng buong mundo dahil sa tinatawag na terorismo ng mga terorista at ito ay common problem ng lahat ng bansa.

ENRIQUEZ:  Secretary, sa pag-uusap po ng Pangulo dito kay President Xi Jinping babanggitin ba ng Pangulo iyong isyu tungkol diyan sa West Philippine Sea at iyong pagbuo ng Code of Conduct?

SEC. PANELO:  Iyong Code of Conduct, most likely pag-uusapan iyon. Actually, pinag-usapan na nila iyon sa ASEAN Summit; kasi si Presidente ang coordinator ng ASEAN countries upang makipag-usap sa Tsina kung ano ang pamamaraan na gusto ng Tsina upang gamitin iyong South China Sea sapagkat para sa kanya sa kanya iyong buong lugar na iyon. Eh, para sa atin naman at tayo ay nabigyan ng arbitral ruling na sa atin iyon; and yet marami rin ang gustong kunin iyon – ang Vietnam nandiyan.

Sa madali’t sabi para walang gulo ay mag-usap tayo. Anong gusto mo ba ang gagawin natin diyan lalo na iyong sa punto ng navigation o sa punto ng paglilipad sa himpapawid. Kailangan malaman natin kung ano ba ang gusto mo para hindi na tayo mag away-away. Kasi si Presidente, Susan, ayaw niya na magkaroon ng laban diyan sa lugar na iyan sapagkat tayo ang unang tatamaan.  

ENRIQUEZ:  So, kaya hangga’t maari diplomasya.

SEC. PANELO:  Yes.

ENRIQUEZ:  Kumusta na po ba ang Pangulo. Bagama’t sinasabi hong tinapos din naman niya kalaunan iyong APEC Summit. Ano ho ba talaga iyong naging dahilan, bakit noong una ay nagpasya siyang umuwi ng maaga at totoo bang tila pinilit lang siya ni DFA Secretary Teddy Locsin na tapusin ito?

SEC. PANELO:  Ah hindi, hindi naman.

ENRIQUEZ:  Ano nga ang totoo, para Malaman—

SEC. PANELO:  Alam mo, bilang Pangulo ng bansa marami kang tinatawag na concerns, merong domestic, merong international. Sa panahon na iyon ibig niyang umuwi, sapagkat merong urgent domestic concern na gusto niyang bigyan ng pansin, subalit nakaya naman na kahit wala siya, eh kaya siya nanatili upang ituloy niya iyong kanyang layunin sa pagsali  diyan sa APEC at nangyari nga. Eh lahat ng mga malalaking meeting ay napuntahan niya at naipahayag niya ang damdamin niya at ang damdamin ng ating bansa.

ENRIQUEZ:  Anyway, maraming salamat po, Presidential Spokesperson Salvador Panelo. Magandang umaga po sa inyo, Secretary.

SEC. PANELO:  Salamat, Susan.

###

SOURCE: PCOO – NIB (News and Information Bureau)

Resource