Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Brother Eddie Villanueva (Diyos at Bayan-Light TV)

Presidential Communications Operations Office

News and Information Bureau

 

BRO. EDDIE: Magandang gabi. Ito po ang inyong lingkod, Brother Eddie Villanueva at ito ang Diyos at Bayan – ang programang patuloy na naninindigan sa katotohanan, katarungan at katuwiran.

Makasaysayan ang naging ruling ng Permanent Court of Arbitration sa Hague noong 2016 na pumabor sa Pilipinas patungkol sa usapin ng West Philippine Sea. Tagumpay ito para sa mga Pinoy. Ayon sa ruling, walang legal na basehan ang claim ng China na ang Nine-Dash Line at historic basis upang angkinin nito ang West Philippine Sea.

Gayunpaman sa kabila ng desisyon ng international tribunal, patuloy pa rin sa pag-angkin sa teritoryo ang China sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga istraktura sa West Philippine Sea. At kamakailan lamang ay napabalita ang pagdating ng mga bomber aircraft, planes ng Chinese Air Force sa isang outpost doon. Magkakaroon pa kaya ng actual na resolution sa territorial dispute na ito? Paano nga ba natin makukuha ang tunay na tagumpay sa usaping ito? Iyan ang ating aalamin sa ating talakayan kasama ang ating mga piling panauhin.

At ngayon po ay gusto iharap sa inyo ang isa sa mga kilalang-kilala ngayon sa ating bansa, isang kabataan pero beterano pagdating sa mga issues, national issues of great concern, even international – sapagkat siya po’y isang kilalang international lawyer. Siya po ay walang iba kundi ang dating Congressman ng Kabayan Partylist; former law professor sa University of the Philippines, teaching constitutional law and public international law for 15 years—wow… and also a human rights lawyer. Walang iba kung hindi ang official Spokesman ng Pangulo ng Pilipinas ngayon – si Secretary Harry Roque. Magandang gabi, Secretary.

SEC. ROQUE: Magandang gabi, Brother Eddie. Naku, ang tagal na nating hindi nakipagsama ‘no, pero it’s always a privilege para makabalik dito sa Diyos at Bayan, at tunay naman talagang haligi ng lipunan itong Diyos at Bayan dahil kung wala po talaga ang Diyos, wala po ang bayan.

BRO. EDDIE: Natutuwa ako at lumalabas sa bibig mo, galing sa iyong puso iyong pananampalatayang itinanim ng Diyos sa iyong mga magulang na mga tunay na believers of Christ ano.

SEC. ROQUE: Ay naku, talaga pong kung wala naman ang Panginoon eh wala po talaga lahat tayo. Bale-wala ang lahat ng bagay kung wala po ang Panginoon.

BRO. EDDIE: Very good, kaya ako ay naniniwalang your phenomenal promotion is really authored by the Lord ha [laughs].

SEC. ROQUE: Alam ninyo po totoo iyan. Noong ako po ay tinalaga at hindi ko na kayo nakonsulta ‘no, talaga pong nanalangin ako at parang ang sabi sa akin ng Panginoon, hindi naman pupunta sa iyo iyan dahil hindi mo naman talaga akalaing talagang pupunta sa iyo iyan – hindi ka naman malapit kay Presidente Duterte. Hindi mo nga kinampanya noong eleksiyon, iba ang presidente mo, pero dumating iyan sa iyo dahil ninanais ng Panginoon. So tinanggap ko po ang paghahamon at ang aking dasal araw-araw, Thy will be done… make me an instrument of your word.

BRO. EDDIE: Very good, very good. Well tutungo na tayo sa ating topic, ano. Ang ating topic ay kalayaan sa karagatan…

SEC. ROQUE: Opo [laughs]… at mga islang kalayaan [laughs].

BRO. EDDIE: Oo. Pagkatapos ng segment mo Secretary Harry, ay para maging balansiyado, kinumbida rin ng program committee natin ang dating National Security Adviser I think noong panahon ni GMA, si Congressman Roilo Golez.

SEC. ROQUE: Ang aking ninong… ang aking ninong.

BRO. EDDIE: So, ano ang masasabi mo tungkol dito sa ating pinag-uusapan dahil naniniwala—ang tanong ng marami, lalo na ng mga masa na nakakasubaybay sa mga balita na nanalo ang Pilipinas sa arbitral… international court, tungkol ito sa kaso ng pag-aagawan sa West Philippine Sea ‘no, which is also South China Sea. Itong nangyayaring development na ito na mayroon daw—iyon nga, nagtayo ng mga istraktura sa mga islands na supposed to be ay sakop pa rin ng territory ng Pilipinas, pero ngayon ay tinayuan ng tinatawag na infrastructures at may mga bombers pa raw na dumating dito. Ano ang maaaring ipaliwanag ng Office of the President through you, as the…bilang Spokesman ng Presidente?

SEC. ROQUE: Balikan po natin ang mga pangyayari, ano. Kaya po tayo naghain ng arbitration, kasi isang araw ay talagang ang dating Presidente Aquino eh pinakita ang lakas natin, pinadala iyong kauna-unahan nating pang-digmaang barko, iyong Del Pilar sa Scarborough Shoal kung saan pinagtatabuyan ang ating mga mangingisda diumano ng mga Tsino, ‘no. At pagdating doon eh nakita nga nila na may mga Tsino – ang nangyari, napagtabuyan ang Del Pilar. At mula po noon, in-occupy na ng Tsina iyong Scarborough Shoal. Dati-rati, nakapangingisda ang mga mangingisda natin; napakatagal na panahon, pinagbawal po ang pangingisda ng Tsina dahil sila naman talaga ay may lakas ‘no, napadami nilang mga barko, mayroon pa nga silang aircraft carrier – eh samantalang tayo, kaisa-isahan ang Del Pilar.

So nangyari po doon, sa buong panahon ni Presidente Aquino, maski pa po nanalo na tayo sa arbitration doon sa The Hague—

BRO. EDDIE: Nangingisda na ang mga—

SEC. ROQUE: Hindi po tayo nakapangisda habang presidente si Presidente Aquino. Dahil ang kaniyang polisiya ay gusto niya ng komprontasyon sa Tsina.

Now, totoo po tayong nag-arbitration. Kanina nga po sabi ko, eh hindi ba ho ako nga author niyang arbitration na iyan. Balikan po natin ang mga na-publish kong mga artikulo sa Philippine Daily Inquirer – ako po iyong unang-unang nagsabi noong tayo ay pinagtabuyan sa Scarborough, wala na tayong opsiyon kung hindi gamitin ang batas dahil hindi natin kaya ang military might ng Tsina. Gamitin natin ang batas, at ang sabi ko dapat arbitration – si Justice Carpio pa po ang sinabi niya sa speech sa Ateneo De Davao, ‘conciliation’.

Sabi ko mali po iyan, kasi ang conciliation, kapag ayaw na makipagkasundo, wala ring solusyon. Kinakailangan binding arbitration, at iyong mga panahon pong iyon hindi malinaw na maski hindi pumayag ang arbitration dahil siya ay kasapi sa UN Convention on the Law of the Sea, pumayag na siya sa dispute settlement resolution, iyon po iyong kontribyusyon natin. Pero—

BRO. EDDIE: Ang ibig mong sabihin eh isa ka sa nag-pabor sa binding—

SEC. ROQUE: Nagsulong po ng arbitration.

BRO. EDDIE: Arbitration.

SEC. ROQUE: Oo, pero hindi po ako kasali kasi ayaw sa akin noong mga tao ni Aquino. So ideya ko, pero noong nag-arbitration na, talagang hindi po nila ako pinasali. Okay lang sa akin, basta documented naman po iyan sa mga sinusulat ko na tayo iyong nagsulong noong konsepto ng arbitration dahil nga po, si Justice Carpio ang sinasabi, conciliation.

Now, nanalo po tayo. Pero ang ibig sabihin na nanalo tayo eh nagkaroon ng solusyon ang problema. Bakit po? Ito po’y arbitration under the law of the sea, so karagatan lang po ang pupuwede bigyan ng kasagutan.

So importante po iyong tatlong desisyon ng arbitral tribunal, walang basehan iyong Nine-Dash Lines, ibig sabihin iyong pag-aangkin ng Tsina walang basehan sa karagatan. Iyong mga artificial islands na ginawang base militar iyan ay nasa loob ng ating economic zone na tayo lang ang tanging may karapatan na gumawa ng mga artificial island—

BRO. EDDIE: Maliwanag iyan—

SEC. ROQUE: At lahat ng mga mangingisda sa Tsina, sa Vietnam, Pilipinas puwedeng mangisda sa Scarborough shoal. So kung titingnan ninyo bagaman at nanalo tayo, walang solusyon, bakit? Dahil ang pinag-aagawan, hindi lang po karagatan kung hindi mga isla. Ibig sabihin maski natapos na po ang arbitration tuloy pa rin iyong problema sa pag-aangkin ng mga isla. Hindi po maapektuhan iyong isyu ng kung sinong nagmamay-ari ng kalayaan, sinong magmamay-ari ng Paracel kasi wala pong desisyon ang tribunal diyan, bakit? Ang hurisdiksyon niya karagatan lang.

So ngayong mayroon pa ring problema, patuloy pa rin ang pag-aagawan sa titulo ng lupa at mga isla, anong gagawin ng Pilipinas? A. Ipagpatuloy ang polisiya ni Presidente Aquino na tumayo sa Tsina, awayin ang Tsina na naging dahilan na hindi tayo nakapangisda sa Scarborough? B. Isantabi natin ang problema na hindi mabibigyan ng solusyon overnight. Huwag nating ipamigay ang teritoryo. Sabihin nating without prejudice to all our pending territorial disputes. Isulong natin ang pagsasamahan natin. Makipagkaibigan tayo, tingnan natin kung paano tayo makikipagtulungan.

Iyan po ang polisiya ng Duterte administration. Hindi tayo sumusuko, hindi tayo pro-China. Hindi tayo namimigay ng teritoryo. Kumbaga ini-isantabi lang natin ang hindi mapagkasunduan at iyong mga bagay-bagay na puwedeng pagkasunduan, isulong natin at kaya iyan nga po iyong issues ng mga economic cooperation, trade and investments, non-contentious issues, proceed contentious issues, huwag muna nating galawin iyan dahil sa tingin ko naman talaga eh during our lifetimes, pagdating po doon sa isyu ng mga pinag-aagawang isla wala po talagang resolusyon pa iyan.

BRO. EDDIE: Nabanggit mo kanina at doon sa desisyon ng arbitral court—

SEC. ROQUE: Opo.

BRO. EDDIE: Ay iyong mga isla na iyan ay nasa loob ng economic zone ng Pilipinas pero bakit nakapagtayo, bakit napayagan ng ating pamahalaan na makapagtayo ng military bases diyan ang China?

SEC. ROQUE: Eh itanong ninyo po iyan kay Presidente Aquino kasi iyong mga isla pong iyan itinayo ang Presidente si Presidente Aquino. Tuluyang nakatayo na po iyan noong June of 2016 ng pumasok po ang ating Presidente. Isla na po iyan noong nag-take over po ang Presidente. Kaya nga po unfair na iyong mga nagsasabi ngayon na parang walang ginagawa ang Presidente sa Tsina, eh noong nakaposisyon sila eh iyon ang sinasabi ni Presidente, bakit ninyo hinayaang magkaroon ng isla diyan. Magkakaroon ba ng base militar diyan kung hindi ninyo pinayagan iyong isla in the first place at saka ano bang akalain ninyo nagtatayo ng isla ang Tsina para gawing resort? Hindi, sa mula’t mula alam ninyo na kaya iyang ginagawa iyang mga artificial islands na iyan gagawin niyang base militar. Eh bakit ninyo tinatapon ang sisi?

Palibhasa ang Presidente hindi marunong manduro at hindi nambebengga, hindi naman tatanggapin ni Presidente ang pananagutan. So ang aming linya ngayon, ang riyalidad nandiriyan, nadaratnan na iyan ng Presidente ng siya ay pumasok. How do we proceed? Talaga bang tayo ay magmamatigasan na walang mangyayari? Alam mo sa investments alone, pinakakaunting investments tayo sa South East Asia galing sa Tsina. Pagdating sa tourism arrival, pinakakaunti tayo. Tingnan mo ang Malaysia, pati nga ang Thailand ‘no. Bilyong bilyon ang binubuhos na investments ng Tsina, milyon ang kanilang mga bisita galing sa Beijing dahil sa kanilang pagkakaibigan.

So anong gusto natin? Makipag-away pa rin? Hindi na namang makapangisda ang ating mga mangingisda sa borough, mawalan ng hanapbuhay ang taong bayan natin at hindi tayo makinabang sa mga kalakalan at investments galing sa Tsina. Well ang sabi ni Presidente, hindi. Isasantabi ko iyan dahil hindi naman tayo mamamatay kung hindi mare-resolve iyan during our lifetime pero tuloy-tuloy ang buhay natin, kinakailangang umunlad, kunin natin ang makukuha natin sa Tsina at huwag nating ipamigay ang teritoryo natin, isantabi lamang natin muna.

BRO. EDDIE: Secretary Harry, sa oras bang ito ay lahat noong mga parte ng karagatan na nasa loob ng economic zone ng Pilipinas pero UNCLOS decision long time ago, ay malaya bang nakakapangisda na ang mga Pilipino?

SEC. ROQUE: Wala pong lugar ngayon na hindi tayo nakakapangisda, bukod po sigur0 doon sa tinatawag nating—anong tawag doon? May para kasing—sa Scarborough shoal po kasi, iyong parang Lagoon doon. Pero iyong Lagoon doon wala naman pong nangingisda, ang ginawa ng Tsina hinahayaan tayong mangisda sa area ng Scarborough Shoal pero sa Lagoon mismo ginawa niyang parang maritime preserve na solusyon din natin para huwag na nating pag-awayan, gawin na nating maritime preserve iyong lagoon mismo ‘no.

Pero sa lahat naman po ng Exclusive Economic Zone natin nakakapangisda ang Pilipino, ang problema marami talagang mga dayuhang mga mangingisda na iligal na nangingisda. Hindi lang naman po ang mga Tsino. O ngayon sa balita diyan sa Palawan sa Mangsee, nakahuli na naman tayo ng mga Vietnamese poachers ‘no, kasi ang problema po talaga sa karagatan, number one, talagang temptasyon na pumunta doon sa ating mga karagatan lalo na sa Palawan kasi protected area natin iyan, napakayaman sa tanging yaman lalo na ng isda at number two, talaga pong—talagang tayong mga Asyano, mga karatig bansa natin kumakain ng isda so food security ang pinag-uusapan at let’s face it, tayo po ang pinakamalawak na maritime territory sa lugar na ito. Siyempre po mas malawak ang Indonesia pero dahil mas malayo ang Indonesia iyong mga karatig bansa natin ang temptasyon ay pasukin ang ating karagatan.

BRO. EDDIE: Nabanggit mo kanina na ikaw ang isa sa unang-una, kung hindi man unang-una na nag-suggestion ng binding arbitral—

SEC. ROQUE: Arbitration po—

BRO. EDDIE: Arbitration, binding arbitration sa United Nations—

SEC. ROQUE: Opo, sa UNCLOS.

BRO. EDDIE: Kung ikaw ay pinayagang mag-participate with Supreme Court Justice Antonio Carpio ‘no, ano ang—matapos manalo ang Pilipinas, ano ang dapat na solusyon sa iyo?

SEC. ROQUE: Mayroon po akong pinadalang memorandum kay Presidente Aquino, ang sabi ko lahat ng kaso, hindi ibig sabihin na palibhasa nagkakasuhan dapat hindi na nag-uusap. Ang sabi ko habang nagkakasuhan mag-usap na sa Tsina. Kasi alam naman ng Tsina matatalo siya eh. So dapat kumuha na tayo ng concession bagaman at hihintayin natin iyong desisyon kasi ganoon naman talaga, alam mo bente singko—bente sais anyos po ako naging litigator, wala naman pong pagkakaiba ng arbitration sa ordinaryong kaso, nagkakasuhan lang kayo, ang pinagkaiba lang ang partido mga estado, eh mga estado naman wala namang physical na being iyan, ginagawa din iyan sa pamamagitan ng tao.

So dapat iyon habang nagkakasuhan at alam ng Tsina na dehado siya, kaya nga ayaw niyang matuloy iyong kaso at pinipilit niya dapat negosasyon, eh nakipagkasundo tayo, nakipag-usap. Ang naging polisiya ni Presidente Noynoy at ito ay personal na decision, ayaw kong makipag-usap. Hihintayin ko ang award dahil kampante akong mananalo. Ito po ang problema, sa international law hindi gaya sa domestic law, wala namang police na mag-e-enforce ng award lalo na ng arbitral tribunal. Ang arbitration po, iyan ay binding dahil ang mga partido pumayag. Eh ang problema ang Tsina bagaman at pumayag siya dahil siya ay naging bahagi ng UNCLOS, ang sabi ng UNCLOS eh iyong mga disputes na iyan ire-resolve ng binding arbitration, dito sa actual arbitration hindi siya pumayag.

So papaano mo ngayon ma-e-enforce iyan na ayaw ng Tsina. So nandoon po tayo sa ganoong usapin ngayon. Wala pong traydor dito. Ang nakakapikon po ang akala ng oposisyon, sila lang ang nagmamahal sa bayan. Excuse me po, in the first place iyong tatlong isla na iyan nagawa noong panahon nila. Anong pagmamahal sa bayan ang sinasabi ninyo? Hindi ba po kung sila ay nakipag-usap siguro at ginamit nila iyong bargaining strength, alam nilang mananalo sila, mayroon na tayong nahita. Pero ngayong panalo tayo at ang sabi ng Tsina hindi naman ako sumali diyan. Eh paano tayo makakakuha ng kahit ano sa Tsina ngayon?

BRO. EDDIE: Okay, Secretary Harry, ngayon po ay bigyan mo muna sandali ng pagkakataon ang ilang mahalagang paalala. Huwag po kayong aalis dito sa no holds barred program ng Diyos at Bayan.

[COMMERCIAL BREAL]

BRO. EDDIE: Nagbabalik po ang Diyos at Bayan, ang paksang Kalayaan sa Karagatan at patuloy po nating kasama ang isang resource person na alam nating isang brilliant international lawyer na siyang Spokesman ng Pangulo ng Pilipinas, Secretary Harry Roque.

Secretary Harry, may mga nagsasabi sa different newspapers, columnist, opinions… na noon daw nangangampanya ang ating Pangulong Duterte ay sinabi niya na kung kinakailangang sumakay siya sa jet ski at magtatayo siya ng watawat doon sa Spratly Island at hahamunin niya ang military force ng China, “O barilin ninyo ako, huwag lang ang aking mga soldiers…” etcetera. Pero ngayon daw, parang nabaligtad; parang ang nangyari raw ay sinurender ng Duterte administration iyong panalo sa arbitration court ng Pilipinas dahil pumayag sa tinatawag na pagtatayo ng—patuloy na pagtatayo ng infrastructures, ng military bases – at ngayon nga ay mga bombers ano. Eh anong masasabi mo rito, kasi may mga columnist na nagsasabi, this is an utter absence of patriotism on the part of Presidente Duterte? So please explain, yeah.

SEC. ROQUE: Wala po tayong pinapayagan. Ang punto po, humihingi ba ng pagpayag ang Tsina? Hindi po. Ginagawa ng Tsina ang ginagawa niya kahit anong sabihin ng buong daigdig. At wala naman tayong kakayahan para forcibly, tanggalin ang Tsina doon. Iyan po iyong sinasabi ni Presidente na ang tanging pamamaraan para matigil ang Tsina diyan, eh kung patatanggalin mo sila, magpadala ka ng hukbong sandatahan doon at sipain sila doon sa mga isla na dapat atin, dahil iyan ay ginawa doon sa ating karagatan na EEZ. Kaya ba nating gawin iyon? Hindi.

So ngayon ang tanong po, makikinig ba ang Tsina kapag sinabi mong tumigil ka? Hindi. Oh, kapag ikaw naman ay nag-ingay, iyan ba’y dahilan para magkaroon kayo ng malapit na relasyon? Hindi. Pero kaya nga ang istratehiya ng Presidente ngayon, tanggapin ang katotohanan; nang dumating siya naririyan na iyan at iyan po ay nakaukit naman sa kasaysayan na iyan po ay tinayo sa administrasyon ng mga maingay ngayon, hindi ba?

So kung mayroon dapat sisihin, sisihin nila ang sarili nila. Kaya nga po napakaganda iyong kasabihan natin na kapag ika’y nanduro, apat na daliri nakaturo sa’yo – iyon po ang katotohanan. Hindi po iyan tinayo during the time of Presidente Duterte – during their time po iyan. So ang ginagawa na lang po natin is, to deal with reality, hindi po natin pinamimigay ang teritoryo. Sinasabi pa rin natin sa Tsina, and I am the official Spokesperson: Mga Tsino, amin po ang West Philippine Sea. Amin ang mga isla na inaangkin namin. Amin ang karagatan, amin iyang karagatan kung saan nakatayo ang inyong mga artipisyal na isla. Darating po ang panahon, mapapaalis namin kayo diyan.

Pero dahil nais po naming mabuhay nang tahimik ngayon, dahil maraming pangangailangan ang aming mga kababayan, dahil pobre po iyong mga mangingisda namin sa Scarborough at mawawalan ng hanap-buhay kung pagmamalupitan ninyo kung tayo ay makipag-away – makikipagkaibigan po kami, hayaan ninyo lang mangisda ang aming mga mangingisda; iyan lang po hanap-buhay nila, pobre naman ang mga iyan, bakit ninyo pipigilan?

At samantalang hindi naman po tayo nag-aaway, eh tayo po ay pag-aralan kung paano tayo magkakaroon ng mutual benefit sa isa’t isa. Marami po kaming mga kalakal na kailangan ninyo dahil napakalaki ng populasyon ninyo. Ang amin po, ang puwede ninyong mga makain, hindi lang naman po mga laman-dagat ang puwede naming ibigay sa inyo, marami pa – mga minerals. At kami naman po, kinakailangan din ng hanap-buhay para sa aming mga kababayan, so dito po kayo mamuhunan – iyan lang po ang ginagawa ng Presidente.

Siya ba ang gumawa ng problema? Hindi po. Namana niya iyan, pero gumagawa siya ng solusyon. Ang solusyon, huwag ibigay ang teritoryo pero maging praktikal; isulong ang interes ng bansa, at ang interes po ng bansa ay bigyan ng pagkain ang nagugutom, damit ang mga nakahubad, tahanan ang walang tahanan. Hindi ba po iyan naman ay nasa Isaiah?

BRO. EDDIE: Well, very good Secretary. Ang isang tanong ay, iyong—in effect ay napayagan natin sa ayaw natin at sa gusto na magtayo ng military bases ang China sa mga islands, concerned islands within the economic zone ng Pilipinas. Ang tanong ng iba—

SEC. ROQUE: Pinayagan po iyan ng dating administrasyon. Hindi po si Presidente Duterte, dahil ginawa po iyan… buong-buo na po ‘yan noong pumasok po si Presidente Duterte.

BRO. EDDIE: Okay, nandoon na… Eh pero dumating daw itong mga—nag-i-stock na raw ng mga bombers ano, sa loob.

SEC. ROQUE: Doon naman po iyon sa Paracel na hindi natin pinag-aawayan.

BRO. EDDIE: Oo. Papaano kung ma-involve ang China sa isang world war—huwag naman mangyari, ano. Naaalala ko iyong sinabi ni Claro M. Recto noong unang panahon, dahil mayroon ditong mga military bases ang China. At kung sino man ang mga kalaban ng China in the future, huwag naman sanang mangyari ano, iyong second world war, eh tiyak na bobombahin din ng kalaban itong Pilipinas. Ano ang pinakatamang international policy/foreign policy ng ating bansa, to guarantee the safety of our people if ever that event would happen?

SEC. ROQUE: Alam ninyo ito pong polisiya ng pagkakaibigan sa Tsina, iyan po ang naisip ni Presidente Duterte na pinakamagaling na pamamaraan para tayo po ay hindi madamay sa kahit anong hidwaan. Ang hidwaan naman po hindi sa panig ng Pilipinas at ng Tsina, kasi tayo po ay nakikipagkaibigan. Ang nag-aaway lang po – magkaaway. Eh dahil hindi tayo magkaaway ngayon, bakit tayo bobombahin, ano?

Pero ang totohanan po, kung magkakaroon ng kaaway ang Tsina – Estados Unidos. Kaya nga po ang sabi ni Presidente, dahil mayroon na tayong indipindiyenteng panglabas na relasyon, iyong independent foreign policy, hindi tayo papanig kahit kanino na mag-aaway diyan sa South China Sea. Bagaman at tayo ay nababahala, kasi kapag nag-away sila diyan eh diyan din dumadaan iyong mga kalakal na kinakailangan natin, kasama na iyong langis na importante, ano, dahil tayo po halos lahat ng langis natin ay ini-import natin sa Middle East at wala namang choice, ano dahil sa geography – diyan at diyan dumadaan iyan.

So kaya nga po kahit anong mangyari, iyong banta ng militarisasyon, nakakabahala sa atin dahil ayaw natin ng gulo doon sa lugar na pinagdadaanan ng mga kinukuha nating mga pangangailangan natin. Pero pangalawa, ang pinakamabuting pamamaraan po sang-ayon sa Presidente, huwag pumanig. ‘Bahala kayo magpatayan, kami labas diyan’. Kaya nga dati-rati, handa kaming mapatay at lumaban kasama ng mga Amerikano; pero ngayon dahil—

Alam mo ba sa hidwaan naman natin Brother Eddie, iyong mga maka-Amerikanong kakampi nila ngayon na sinasabing nagsu-surrender tayo sa Tsina, bakit tayo kakampi sa Amerika? Eh noong mga panahon na sabi natin, “O sige laban tayo, wala kaming kakayahan. Lalaban ba kayo kasama namin? Kapit-bisig namin?” Ano ang sagot ng Amerika? “We will not get involved in territorial disputes.” Eh hindi ba kalokohan iyan? Nais nila tayong tumayo and yet, “We will not get involved in territorial disputes.” Puwede ba iyon?

Kung gusto mo laban, laban. Sige, o sige… gamitin ninyo mga aircraft carrier ninyo! Oh laban kayo, kampihan ninyo kami. Pero hindi naman pupuwedeng, “We will not get involved in territorial disputes. Our only concern is freedom of navigation.”

BRO. EDDIE: So bale-wala na iyong mutual defense pact?

SEC. ROQUE: Ay wala po iyan, naku! Naniniwala ba kayo makipaglaban sila dahil diyan sa mga bato-batong iyan? Eh samantalang napakalaki ng pagkakautang nila sa Tsina. Number one exporter ng mga kalakal sa Amerika eh Tsina, at number one destination ng mga made in USA goods eh Tsina rin! Naku, puwede ba…

BRO. EDDIE: Saka maganda ang development ngayon, aangkat daw ang Tsina ng maraming produkto sa Amerika. Mukhang nagkakasundo si Trump at saka ang Presidente—

SEC. ROQUE: Alam ninyo naman si President Trump, salesman iyan. Nag-ingay lang iyan para mas malaki ang sales niya. Anong pakialam niya sa mga bato-bato diyan? Hindi iyan para makipaglaban para sa Pilipino.

Kaya kayong mga maka-Amerikano, magising na kayo sa katotohanan! Iiwan kayo… iniwan na tayo niyan. Paulit-ulit na tayong iniwan niyan! Ilang beses na nilang sinabi, “We will not get involved in territorial disputes.” Tapos gusto ninyo makipag-away?

Alam mo ang gusto ko? Kunin silang lahat, isama sila sa isang barko. Lusubin nila, sige! Maubos na kayong lahat! Napakasaya niyan, mawala na kayong lahat nang matahimik na ang bayan. Lusob kayo lahat, lahat ng gustong lumaban! Pero huwag naman iyong mga ordinaryong Pilipino kasi gutom na nga, humahanap na nga ng paraan para makakain, minamasama pa. Pero iyong talagang ginagawang pulitika, sige kayo na lumusob ng tuluyang na kayong mawala.

BRO. EDDIE: Well noted ha. Secretary Harry, siyempre bilang host hindi naman ako devil’s advocate or angel’s advocate para balansiyado ‘no. Mayroon pang mga isyu na gusto ko lang marinig ng lahat at maliwanagan ang lahat na it appears now na naging masyadong subservient ang ating Pangulo sa China dahil sa pangako ng Presidente ng China, I will not allow you to be disposed from your Presidential post. Along that line, eh maraming nagsasabi, ang sabi ng ating Pangulo, ‘China will protect us.’ Nakalagay sa diyaryo, ‘China will protect us.’ Ngayon maraming nagsasabi na naniniwala ba? May kapangyarihan ba ang China to prevent the possible danger for our President to be disposed? Hindi ba ang nakapagbibigay ng proteksiyon sa kaniya, not the Chinese people or Chinese government, not the American government but the sovereign Filipino people ang siyang talagang makapagbibigay ng proteksiyon sa ating Pangulo. Anong comment mo dito being the official Spokesman of the President?

SEC. ROQUE: Unang-una po, kung pagbabasehan ay mga opinion, surveys. Napakalakas pa rin po ng suporta ng sambayanan kay Presidente, totoo po bumaba from excellent naging very good. Pero record high pa rin po ang pagsuporta ng taong bayan sa ating Presidente. So malinaw po, suportado ng Pilipino ang Presidente, wala pong kaduda-duda ang mandato ni Presidente, siya pa ho yata ang nadaya noong eleksiyon pero napakalaki ng kaniyang lamang sa kaniyang tinalong kandidato, halal ng taong bayan, suportado ng taong bayan. Pero iyong sinabi ni Presidente, iyan po ay sang-ayon na rin sa kasaysayan. Ang Estados Unidos po mayroon ng desisyon ang International Court of Justice sa kaso ng Nicaragua, talagang sinabi nila na talagang lahat ng hakbang ginawa ng Estados Unidos para patalsikin ang isang gobyerno na kalaban ng Estados Unidos.

So iyong konteksto ng sinabi ng Presidente na magbibigay ng tulong ang isang bansa gaya ng Tsina para po doon sa posibilidad na ang Estados Unidos ay gumawa ng hakbang para siya ay tanggalin. Matter of record po iyan, Nicaragua versus United States. Anong ginawa nila? Naglagay ng mina sa mga Puerto, nagkaroon ng political assassination, nagkaroon ng over flights. Hindi na po iyan fiction at hindi lang naman po Nicaragua iyan. Ang ginagamit ko lang Nicaragua kasi mayroon ng Court decision. So suportado po iyan ng ebidensiya at ng batas. So iyong sinabi ni Presidente na tutulungan tayo ng kaalyado natin na Tsina kapag kinakailangan, eh iyan po ay kapag nagkaisip na iyong mga dayuhan gaya ng mga Amerikano eh patalsikin siya, bagaman at siya ay mayroong mandato at nangyari na po iyan sa kasaysayan, paulit-ulit. So huwag na nating i-deny iyan.

Pangalawa iyong pag-pivot naman ni Presidente sa Tsina, iyan po ay sang-ayon ngayon sa bagong kasaysayan ng daigdig. Alam mo iyong libro nga po na dapat basahin ng lahat, ‘The Silk Road’ iyan po ay nagdedetalye kung bakit itong siglong ito ay siglo ng Asya. Lahat po ng economic activities ngayon narito sa Asia. So iyong pivot niya to Asia ay tama lang po dahil talagang ang aksiyon ngayon ay nasa Asya. So iyong mga naiiwan ng mga colonial mentality pa, laos na po iyan. Malakas pa rin po ang Estados Unidos, lahat ng Nobel Price awardees nandoon pa rin. Lahat ng mga magagandang academics nandoon pa rin. Pero ang katotohanan po ngayon, ang kalakal ang investments nandito na po siya sa Asya. So timing na timing po ang pivot natin dahil makikinabang tayo habang ang economic activity ay narito sa Asya. Tayo po, we should take advantage of our proximity to China, magbenepisyo na tayo sa mga nangyayaring mga economic gains dito sa parte ng daigdig na ito. Eh kung iyong mga Amerikano nga, tingnan mo ginagawa ni Trump, gumagawa lang ng mga pamamaraan para mapalakas pa iyong kalakal nila sa Tsina. Eh napakalayo nila, eh bakit tayo katabing-katabi ayaw noong mga ilan dito sa atin magbenepisyo. Hindi ba hindi naman po ata tama iyon.

BRO. EDDIE: Okay, Secretary Harry, ang huling tanong ko bago ka magbigay ng closing remarks ay may mga tanong na sa ating research group. Puwede raw bang idaan sa bilateral meetings na mapag-usapan ng China at Pilipinas at ma-resolve itong territorial disputes?

SEC. ROQUE: Nangyayari po iyan. In fact mayroon na tayong mekanismo, dalawang beses isang taon, umupo po tayo bilateral basis sa Tsina.

BRO. EDDIE: Anong dapat maasahan ng ating sambayanan? Paki-paliwanag.

SEC. ROQUE: Oo—well ano po iyan ‘no, nangyayari na po iyan dalawang beses sa isang taon, umupo tayo, lahat ng problema natin sa West Philippine Sea nilalabas natin doon at hinahanapan natin ng solusyon ‘no. So hindi po ibig sabihin na hindi tayo maingay, wala tayong ginagawa. Iyon nga po ang sinasabi ko, huwag namang magmarunong-marunungan iyong iba diyan. Excuse me, hindi lang naman kayo nagmamahal sa bayan ‘no. Kung nagmamahal kayo sa bayan, bakit kayo natalo noong eleksiyon, ano. So anyway, but we are not imputing any bad faith on them ‘no. We all love this country kaya lang nakakainis talaga doon sa mga talunan, they think sila lang ang puwedeng magmahal sa bayan na ito. At kung titingnan mo ang mga pangyayari lalo na dito sila naman ang dahilan kaya nawala sa atin iyong control ng parte ng EEZ dahil hinayaan nilang matayo iyong mga islang iyon ‘no. Pero ang punto is wala tayong pinalalampas. Hindi lang natin isinasapubliko. We are not making a big deal out of it kasi meanwhile mas maraming economic gains kung tayo ay isasantabi muna natin iyan at pag-usapan iyong puwede nating pag-usapan.

Pero ang pangako po ng Presidente, mamamatay muna siya. Magpapakamatay muna siya bago niya ibigay maski isang inch ng ating teritoryo sa dayuhan. Iyan po ang pangako niya at siguro po kung pamimigay niya, sasamahan ko na siya, magsu-suicide na kaming dalawa ‘no bago po mangyari iyon ‘no. Pero hindi po, talagang iyong kinakanta natin sa pang-araw-araw na bayang magiliw, mamamatay muna tayo para sa inang bayan kaysa ipamigay natin ang teritoryo, itaga ninyo po iyan sa bato. Iyan po ay talagang pangako.

BRO. EDDIE: Pero iyong sinasabi mong ipamimigay, ang sabi nga ng iba, ‘Anong ipamimigay kung okupado na ng Tsina ang mahalagang territories ng Pilipinas?

SEC. ROQUE: Iyan din po ang isang pagkakaiba sa international law, kahit anong gawin ng Tsina dahil mayroon na pong desisyon, nandiyan na po iyan. Ang problema nga lang iyong desisyon na iyon para doon sa lang sa artificial islands na iyon talaga atin iyon kasi nasa Exclusive Economic Zone natin. Pero pagdating doon sa pinag-aawayang teritoryo wala pa rin pong linaw iyan. In the end kailangan pa rin po iyang pag-usapan. In the end pupuwede pong magkaroon ng judicial determination, arbitration, conciliation, mediation. Pero in the end dahil land territory po iyan at wala ng ibang pupuntahan, kinakailangan pa rin diplomasya. Kaya nga po importante palakasin ang pagkakaibigan dahil sa magkakaibigan mas mabilis magkaroon ng kasunduan.

BRO. EDDIE: Huling pananalita ng Spokesman ng Pangulo ng Pilipinas, Secretary Harry Roque.

SEC. ROQUE: Mga kaibigan, eh hinalal ng taong bayan si Presidente dahil wala pong kaduda-duda ang pagmamahal niya sa bayan. Hindi po nagtitila, hindi po lumiliit ang pagmamahal ng Presidente sa ating inang bayan. At hindi po niya nakakalimutan ang pangako niya na mamamatay muna siya bago niya i-surrender ang ating teritoryo sa dayuhan. Pero hind po iyan ang nangyayari sa West Philippine Sea. Nawala na po sa atin iyong bahagi ng Exclusive Economic Zone natin noong nagkaroon ng mga artipisyal na island sa nakalipas na administrasyon na po iyan.

Sa ngayon po ang ginagawa natin isantabi muna natin iyong mga isyu na hindi naman naresolbahan ng arbitration dahil iyong arbitration po hanggang karagatan lang ang sakop noon, wala pa pong ruling doon sa pinag-aagawang mga isla. Pero dahil matagal nga pong maresolba iyan, eh inisantabi muna ni Presidente iyan, isinusulong ang pupuwedeng isulong at iyan po ay kung paano bigyan ng mas komportableng buhay ang lahat ng Pilipino sa pamamagitan ng kalakal at ng mga investments. Magtiwala po tayo sa Presidenteng binigyan ninyo na napakalaking mandato. Sagot po kayo ng ating Presidente.

BRO. EDDIE: Maraming-maraming salamat, Secretary Harry Roque. At salamat sa iyong panahon at ngayon pong oras na ito bago po tayo pumasok sa second segment ng ating resource person naman ay ang dating national security adviser Congressman Roilo Golez ay pakinggan po natin sandali ang ilang mahalagang paalala.

###

Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)

 

Resource