Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Connie Sison (Unang Hirit – GMA7)

(RECORDING STARTS)

CONNIE: Tungkol naman dito sa Oplan Tambay. Sinabi po ng Pangulo noong Biyernes na hindi naman niya ipinag-utos na arestuhin iyong mga tambay. Pero bakit po ito ang ginawa kaya ng PNP?

SEC. ROQUE: Well, gaya ng sinabi ko hindi ako naniniwala na inaresto. Kasi kung titingnan mo iyong numero, 7,000 ang inaresto diumano, wala tayong sapat na kulungan para doon. Ang ginawa po talaga nila eh pinagtabuyan, sinabihang umalis na kayo diyan; iyong mga matitigas ang ulo o iyong mga lumalabag sa mga ordinansa at sa mga batas, iyon yung dinadala sa pulisya o di naman kaya sa barangay center.

Pero ang sa akin po, sa mula’t-mula malinaw po iyong order ng ating Presidente, dahil ang Presidente naman natin abogado, dating Fiscal, alam po niya kung ano ang batas. Kung wala kang ginagawang kasalanan, paglabag sa kahit anong batas, hindi ka naman pupuwedeng hulihin; iyan po ay police visibility at iyon po ay talaga namang isang pamamaraan para po maiwasan ang krimen.

CONNIE: Sa ibang usapin naman po tayo. Binatikos po ng ilan iyong pagtawag ng Pangulo sa Diyos na stupido. May mga naniniwala po siyempre sa Diyos na na-offend sa pahayag ng Pangulo na ito na iyon nga po, sabi niya stupid. Maari n’yo po bang linawin, ano nga ho ba talagang ibig sabihin ng Pangulo kung meron pang ibang version ito?

SEC. ROQUE: Iyan po ay personal na paninindigan ng Pangulo. Alam ninyo iyong ating kalayaan ng malayang pananampalataya, kasama po iyan yun sa wala kang paniniwalaan na pananampalataya. Tingin ko ang ating Pangulo ay merong personal na spirituwalidad, pero nasa sa kanya na iyan at hindi na kinakailangang bigyan ng interprestasyon.

Pero tingin ko ang mga deklarasyon ni Pangulo ay nagmumula doon sa hindi magandang karanasan niya noong siya ay isang bata na diumano siya ay naabuso ng isang pari. Ito ay isang isyu po na dapat talagang harapin din ng Simbahan at siguro po nagkataon lang na ang isang Presidente ngayon ang naging biktima. Pero ito po ay talagang hindi pupuwedeng kalimutan ng Simbahan; kinakailangan aminin, humingi ng tawad. So that lahat iyong mga naging biktima gaya naman ni Presidente Duterte can also move on with their lives. At kinakailangan po diyan, in human rights law, iyong tinatawag na reparation, iyong acknowledgement na talagang nangyari ito na sa isang malawakang pamamaraan na ito po ay hindi inaktohan ng napakatagal na panahon at kinakailangang humingi rin ng tawad ang Simbahan sa mga naging biktima na mga kabataan na gaya ni Presidente Duterte noong siya ay bata pa.

CONNIE: Pero ang sinasabi nga ho ng ilan, talagang dapat mas maging mas mapili sa pananalita ang ating Presidente, because he is the President. Ano ho ang reaksyon ninyo dito dahil parang nadadalas ho na parang kinakailangan na may magtanggol o magbigay ho ng interpretation sa bawat salita ng Presidente sa kanya hong mga sinasambit?

SEC. ROQUE: Connie, hindi ako nagbigay ng interpretasyon. Gaya ng sinabi ko kanina iyan ay personal na paninindigan ni Presidente at mula’t-mula pa naman ganyan na siya, hindi naman niya itinago iyang ganyang mga lengguwahe noong siya ay tumatakbo, alam natin lahat iyan, at siya ay hinalal ng taumbayan. So, ang tingin ko naman, hindi mo mapupulaan ang Presidente kung wala siyang kaplastikan sa kanyang katawan, tanggapin na ganyan siya, dahil noong humingi siya ng mandato, hindi naman niya itinago iyan.

CONNIE: All right. Marami pong salamat, Secretary, sa inyo pong ibinigay sa aming oras.

SEC. ROQUE: Magandang umaga po.

###

Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)

Resource