Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Erwin Tulfo (Tutok Erwin Tulfo-Radyo Pilipinas)

ERWIN:  Magandang umaga po Sec. Harry Roque, sir.

SEC. ROQUE:  Magandang umaga Erwin, at magandang umaga sa lahat ng nakikinig sa atin ngayon.

ERWIN: Opo. Kahapon, aba’y iniisa-isa ng Pangulo ang mga piskal, mga Asec., mga tiga-Customs at sabi niya eh didiretso niya na lang daw sa Ombudsman; bahala na ang Ombudsman na kasuhan itong mga ito, Secretary. Talagang patuloy at walang puknat itong ginagawa ng Pangulo, base na rin sa kaniyang naipangako noong elections noong 2016, Sec.

SEC. ROQUE:  Tama po ‘yan, iyong mga pinangalanan niya kahapon ay iyong mga kasabwatan nitong si Moslemen Macarambon, Sr., na isang Assistant Secretary sa DOJ, na noong kailan lang ay hiningi ang resignation ng ating Presidente at binigay naman ‘no. Sang-ayon sa imbestigasyon na ginawa ng Presidential Anti-Corruption Commission, itong si Moslemen Macarambon po ay nakipagsabwatan dito sa mga taong pinangalanan ng Presidente para sa smuggling ng mga alahas, ginto at iba pang mga mamahaling mga alahas ‘no na galing sa Gitnang Silangan. At ang estimate nila ay hindi po bababa sa isang bilyon na halaga ng mga mamahaling mga bato na naipasok diyan sa airport. Kaya doon sa mga binasa ng Presidente, mayroong hindi lang taga-DOJ pero marami pong mga taga-airport Customs.

ERWIN:  Oo, at mukhang ipinapaubaya na niya sa Ombudsman, Secretary, iyong ika nga pagkakaso sa kanila Sec.

SEC. ROQUE:  Tama po. So ‘yan po iyong kasagutan doon sa tanong ng marami kung itong kampanya sa droga ang resulta ba ay pagsisisante lang. So bukod po sa pagsisisante sa gobyerno na talagang pinakamabigat na parusa na pupuwedeng ipataw ng Presidente, eh iyong mga findings po ng Presidential Anti-Corruption na Commission ay magiging basehan po sa paghain ng reklamo sa Ombudsman office para magkaroon naman po ng pagkakakulong doon sa mga napatunayang nagkasala.

ERWIN:  Hindi rin po yata nagustuhan ni Pangulo iyong balita na—[signal disrupted] 

SEC. ROQUE:  [signal disrupted]… pananagutan, at ang sabi pa nga ni Presidente, “I’m sorry, pero patuloy po ang kampanya at bale-wala ang kanilang mga titulo na napanalunan nitong nakalipas na eleksiyon.

ERWIN:  Panghuli na lamang sir. Aba eh si Labor Secretary Silvestre Bello III ay nagbo-volunteer daw maging Ombudsman pero ang sagot ni Pangulo doon sa isang report, “Hindi, gagawin ko siyang labor attaché sa Kuwait.” Sec., ano ho ba iyon?

 SEC. ROQUE:  [Laughs] Alam ninyo naman ang Presidente, palabiro ‘yan. Pero sa tingin ko, lahat noong sampung nominado sa Ombudsman eh may kaniya-kaniya namang mga kakayanan. At bagama’t ang dineklara ni Presidente, gusto niya iyong maging Ombudsman ay talagang hinahangaan ng taumbayan pagdating sa integridad.

ERWIN:  Oho. Panghuli na lamang sir, speaking of Secretary Bello. I think you did a good job ha sir, tapos eh dahil nga ni-lift na ng Pangulo iyong ban sa Kuwait; pagpapadala sa Kuwait. Mukhang na-satisfy ang Pangulo dito sa negotiations ninyo sa mga Kuwaiti labor officials, Secretary Roque. 

SEC. ROQUE:  Well unang-una, salamat po ‘no sa inyong magandang mga salita. Pero tama po ‘yan, dahil nagkaroon na po tayo ng Memorandum of Agreement na legally enforceable at ngayon po eh sakop na ng Kuwaiti labor laws ang ating mga manggagawa kasama na iyong mga domestic workers, ay bumalik na po sa normal hindi lang iyong relasyon, kung hindi… ili-lift na po nitong araw na ito, ni Secretary Bello, ang lahat po ng ban sa deployment sa Kuwait. So pupuwede na po ang lahat na magtrabaho muli sa bansang Kuwait.

ERWIN: Alright. Secretary Harry Roque, sir, maraming salamat. Magandang umaga, mabuhay po. 

SEC. ROQUE:  Magandang umaga po, at salamat po.

                                                                                                ###

Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)

Resource