Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Joel Zobel and Weng dela Peña – Dobol B sa News TV/DZBB

Q:  Secretary, good morning – si Joel Zobel, si Weng Dela Peña. Live po kayo sa Super Radyo DZBB at GMA News TV.

SEC. ROQUE: Joel at Weng, magandang umaga. Tama po kayo, ako po ay pangunahing author diyan, House Bill 23 po iyan. Kauna-unahang araw ng 17th Congress, hinain po natin iyan; at napasa po natin iyan on third at final reading, buwan pa po ng Setyembre 2017.

Q:  Opo. Iyong utos ni Presidente na boluntaryo na lang po, malaki ba ang magiging epekto nito kung boluntaryong magko-contribute na lang iyong ating mga OFWs doon sa kalusugan  ng pondo ng Philhealth?

SEC. ROQUE: Ako po ay nagsasalita hindi bilang tagapagsalita, kung hindi pangunahing author ng batas. Hindi po dahil kakaunti lang naman po ang bilang ng hindi magbabayad, dahil kakaunti lang po ang OFWs natin na walang pamilya, walang anak, walang asawa na naiiwan dito sa Pilipinas na magkakaroon ng benepisyo. Kinakailangan lang po tamang communication plans dahil ang hindi na pupuwede sigurong … hindi na magbabayad diyan ay iyong wala kahit sinong kamag-anak na imposible naman dahil lahat tayo may magulang, asawa, anak.

Pero ang katotohanan po ay matagal ko na pong sinasabi sa liderato ng Philhealth, kinakailangan tingnan po nila iyong korapsiyon sa hanay mismo, sa loob ng Philhealth. Napakadaming korapsyon po diyan. Sa mga susunod na araw, mayroon na naman po akong ilalantad na mga bagong mga isyu, huwag pong sisihin ang kakulangan nila ngayon sa pondo sa desisyon ng Presidente na gawing voluntary ang OFW. Nauubos po ang pondo at matagal na po nating sinabi iyan, hundreds of billions ang nawawala po sa korapsyon. Kinakailangan po maging [unclear] sa pondo ng Philhealth.

Q:  Ano iyong nabanggit ninyo, Secretary, mayroon kayong ibubulgar na?

Q:  Panibagong kalokohan na naman.

SEC. ROQUE:  Mayroon na naman pong bagong kalokohan. Hayaan po ninyo, kaya lang nahihirapan ako dahil Presidential Spokesperson pa rin po ako, pero hindi ko po maiwan iyong katotohanan na tayo ang nagsulong ng Universal Healthcare tapos hindi magtatagumpay dahil lamang sa korapsyon. Eh iniisip ko nga po, magpapaalam na ako kay Presidente. Siguro tuluyan ko na lang, full time ko na lang talagang linisin iyang Philhealth na iyan dahil gusto ko naman iyan ang maging legacy ko. Mamatay na ako pero dapat maalala ako dahil sa batas na ito at iyong hindi lang pagsulong ng batas, iyong pagsisiguro na ito po ay magtatagumpay.

Q:  Iyon nga ang gusto ko pong malaman. Ang lapit na ninyo sa kusina, tapos hindi pa po magawan-gawan ng paraan ito. Ano ba ang sabi ni Presidente rito sa kalokohan diyan allegedly sa Philhealth?

SEC. ROQUE:  Hindi ba ho sinisanti niya ang lahat ng miyembro ng Board of Directors diyan at inilagay nga diyan si General Morales. Ang hamon ko kay General Morales, tinanggal ang dating mga miyembro ng board at pati iyong presidente dahil sa alegayon ng korapsyon, bakit ni isa wala pa siyang nalilitis, ni isa wala pa siyang natatanggal? Tapos magrereklamo siyang walang pera. Natural, dahil iyong mga buwaya, buhay na buhay pa rin diyan sa Philhealth.

Q:  Itong mga personahe, kilalang-kilala ba nitong si … ?

SEC. ROQUE: Kilalang-kilala na po, huwag pong magbulag-bulagan, huwag magbingi-bingihan. Iyan lang po ang problema kay General Morales. Wala pong personalan, pero sapat na pong panahon ang lumipas para dapat naimbestigahan na niya at nalaman na niya kung ano ang nangyayari sa Philhealth. Lahat po, ang dami po nating pina-pump na pera diyan, hindi pupuwedeng maubos iyan, kung hindi sila iresponsable at kung wala talagang korapsyon.

Q:  Ito po, ang hinihingi po yata nila ngayon, Secretary, 182 billion pesos na dagdag pondo, subsidy para lang ma-implementa nang maayos ang Universal Healthcare?

SEC. ROQUE:  Titingnan po natin iyan. Pero bilang pangunahing author, wala p0ng problema iyan, nasa batas po iyan, kung kulang talagang tutustusan ng gobyerno dahil alam nating hindi sapat ang premium. Pero sagutin din niya ano ang nangyari sa mga alegasyon sa korapsiyon sa Philhealth? Bakit ni isa ay walang naimbestigahan, ni isa walang naparusahan? Sinisanti na ni Presidente ang mga miyembro ng board noon; kinakailangan siya mismo bilang bagong itinalaga, pinagkatiwalaan ni Presidente, linisin niya ang Philhealth.

Q:  At saka magkano na po ba iyong nawala nating pondo? Baka i-refresh lang natin ang isipan, ang memorya ng mamamayan kung magkano na ho ang nawala diyan sa Philhealth, Secretary?

SEC. ROQUE:  Wala po sa aking kamay ngayon iyan, pero hundreds of billions po ang nawala dahil sa korapsyon over a period of five years ‘no. Balikan lang po natin, mga wala pa namang isang taon po nang nalathala iyan, ito po ay mga panahon na ng WellMed, so huwag kakalimutan na huwag tayong magpapalinlang.

Q:  Nilagay na si General Morales, hindi pa rin malinis-linis. Ano pa ba ang kailangang gawin dito?

SEC. ROQUE:  Kaya nga siya inilagay diyan dahil iyong korapsyon diyan ay pinatunayan ng WellMed, eh bakit ni isa walang naparusahan, ni isa walang natanggal. Sabihin ninyo nga sa akin, tapos sasabihin niya bangkarote? Ang dami kasing mga baboy na nilalamon ang kaban ng bayan diyan sa loob ng Philhealth.

Q:  Alam ba ni Presidente iyan?

SEC. ROQUE:  Eh di ba ho tinanggal nga niya ang mga opisyales dati at kaya nga ipinalit na si General Morales na bagong presidente.

Q:  Kaya nga po. Secretary, sinasabi nga po ninyo eh ang tagal na ni General Morales pero wala pa pong nasasampahan ng kaso, alam ba ni Presidente iyon?

SEC. ROQUE:  Well, ang alam ko po mayroong ongoing investigation pa rin, pero iyon lang po ang masasabi ko.

Q:  Papaano po ito, baka po maapektuhan iyong mga magki-claim o baka may mako-confine po ngayon, tapos baka hindi masagot ng Philhealth ang coverage sa kanilang sakit?  Puwede bang maging excuse na wala na, ubos na ang pondo namin?

SEC. ROQUE: Hindi po mangyayari iyan. Kung kinakailangan, bibitiw na ako as Spokesperson at lalabanan ko silang lahat diyan sa Philhealth.

Q:  Okay, so sige abangan natin iyong mga development dito po sa Philhealth. Pero may panawagan at humihinngi po ng reconsideration ang Cebu City doon sa pagkakalagay po sa kanila sa Enhanced community Quarantine. Nakalagay na po ba sa Palasyo po iyong kanilang kahilingan?

SEC. ROQUE: Ang problema po kasi, ang pagkakaintindi ko, bago namin pinadala ang rekomendasyon kay Presidente ay pinagbigay-alam na muna namin sa mga local na pamahalaan.

Q:  So, alam na nila ito na ganoon ang mangyayari sa kanila at iyon ang kanilang magiging kategorya?

SEC. ROQUE: Binigyan sila ng pagkakataon na umapela. Kung hindi ako nagkakamali, iyan po talaga ang procedure, kasi nga po iyan ang dahilan kung bakit Wednesday pa lang ay nagkaroon na ng desisyon. Hindi naman namin isinapubliko kasi kapag isinapubliko iyan, baka mabaligtad naman ang mga apela, kagaya noong nangyari doon sa nakaraan na classification na napakadami na nagbago ang apela. Kaya nga sa announcement hindi na naging accurate dahil ang dami nang nagbago. So nagtataka po ako bakit ngayon lang nagsasbi na mag-aapela eh tapos na po iyong period mag-appeal? So, ang susunod na po ay ano ang magiging  klasipikasyon matapos po ang buwan ng Hunyo.

Q:  Opo. Sa mga ganitong pagkakataon na mayroon pong humahabol ng apela, iyan ho ba ay pag-aaralan po o talagang hindi na? Iyan na iyon, eh 15 days nating subukan ulit iyan.

SEC. ROQUE: Unang-una po ay nabigyan na nga ng pagkakataon. Pangalawa, naku, ang datos po ay naririyan naman, point 6.6 po ang case doubling rate ang kaso ng COVID sa Cebu City. Ibig sabihin, anim na araw pa lamang dumudoble na ang numero ng COVID diyan. Bukod pa po diyan, 100% capacity na sila ng ICU bed, 93% sila ng mga isolations units. So talagang pati iyong kapasidad to provide critical care ay nasa dangerous level na po.

Ang sa akin po, siguro tanggapin na lang natin ang mapait na solusyon dahil hanggang wala pong gamot, hanggang wala pong bakuna ay talagang tanging pagiging homeliners naman ang solusyon dito. Alam ko po mapait ito pero hindi naman po kinakailangang magkaganito, kinakailangan lang mag-cooperate ang lahat, maging homeliners at mag-ingat po sa kalusugan at manatiling malusog.

Q:  Iyong League of Provinces of the Philippines ay humihiling po na ipagpaliban iyong pagbubukas po ng klase sa Agosto 24. At sinasabi po nila, gumawa muna tayo ng dry run, magsagawa ng dry run muna sa tinutulak na distance learning. Nakarating na rin sa inyo itong panawagang ito?

SEC. ROQUE:   Wala naman po sigurong magiging problema diyan dahil wala naman pong face-to-face classes na mangyayari. At bukod pa po diyan, mayroon pong batas na nagsasabi na iyong mga eskuwelahan ay kinakailangang magsimula nang hindi po later than last week of August. So sumusunod lang po tayo sa batas. Kung kinakailangan po talagang hindi ituloy iyan bagama’t wala nga pong face-to-face eh kinakailangan ng bagong batas.

Q:  Secretary, thank you ha. Ingat ka, stay safe!

SEC. ROQUE: Linawin ko iyong mga sinabi ko noong una tungkol sa Philhealth: Iyan po ay dahil ako po ang pangunahing author ng Universal Healthcare, iyong pangalawa po bilang tagapagsalita.

##

 

Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)