Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Orly Mercado (Radyo Singko – All Ready)

ORLY: Hi Secretary Harry, good morning.

SEC. ROQUE: Hi, magandang umaga Ka Orly at magandang umaga po sa mga nakikinig ngayon at nanonood.

ORLY:  Okay. Anong reaksyon mo roon sa sinasabi ni former SolGen Florin Hilbay?

SEC. ROQUE: Well, anong aspeto po? Kasi marami siyang sinabi. Ang sa akin po—

ORLY:  Maghaharap daw sila ng mga complaint, hihingiin na isa-publiko iyong sinasabing mga protesta laban sa Tsina.

SEC. ROQUE: Well, hindi ko po maintindihan kung anong gusto nilang makita ano. Narinig naman po nila ‘no na ang ating Department of Foreign Affairs po ay nagsampa ng mga protesta at ako mismo noong Sabado lang ‘no. Eh narinig ko na magprotesta si Secretary Cayetano dito nga sa mga nangyayari sa Scarborough, kung saan kinuhanan ng isda iyong ating mga mangingisda. Siguro sa programa eh sasabihin ko na kung anong dapat na termino doon sa ginagawa ng mga Tsino ‘no.

ORLY: Yeah, go ahead.

SEC. ROQUE:  Hindi naman po iyan harassment dahil gaya ng sinabi ko nga, ang harassment ay iyong nangyari sa kanila noong panahon ni Presidente Aquino na wina-water cannon, binabangga.

Iyong mga pangyayaring ito tawagin nating pangingikil ng isda, kasi iyon po talaga ang ginagawa ng mga Tsino – nangingikil ng isda ‘no. Ang sabi naman po ng mga mangingisda, kung ang huli nila ay mga 200,000 worth, ang kikil ng mga Tsino ay mga 4,000 worth hanggang 8,000 worth ‘no. So maliit compared doon sa total na kanilang huli. Pero siyempre masama pa rin sa loob ng mga Pilipino dahil nga huli nila eh, eh bakit kukunin. At kaya nga sinabi ko na hindi rin kinukunsinti iyan ng ating bansa at tayo ay nagreklamo sa Tsina at inaasahan natin na sila ay gagawa ng mga kaukulang mga hakbang.

ORLY:  So doon sa ating posisyon na nauukol sa economic relationship natin sa ikalawang pinakamalaking ekonomiya sa buong mundo. Sa pagkakataon—ngayong araw ng kalayaan eh, totoo ba iyong sinasabi katulad ng editoryal ng Inquirer na endangered iyong kalayaan o iyong independence natin?

SEC. ROQUE: Ay naku, alam ninyo naman po ang Inquirer palaging ganiyan ang mga sinasabi nila. Pero ang katotohanan po ay, unang-una, paulit-ulit po nating sinasabi, hanggang ngayon po wala po tayong pinamimigay na teritoryo, pinanindigan po natin iyan kaya lang kinakailangan umusad naman tayo sa relasyon sa bansang Tsina at hindi tayo na… kumbaga eh nakatutok lamang sa West Philippine Sea na ito naman ay napakaliit compared doon sa kabuuan na pupuwede nating maging relasyon.

Ang katotohanan po ngayon eh may isa ngang akademiko na taga Oxford na gumawa na ng libro, na ang pangalan eh ‘Asia Silk Road.’ Talaga naman pong ang aksiyon ngayon ay nasa Asya. So sa akin po tama naman na ang naging desisyon ng ating Presidente, sa pamamagitan ng Independent Foreign Policy ay tayo ay nakatingin ngayon sa ating mga karatig bansa dito sa Asya para sa ating kinabukasan dahil narito nga iyong aksiyon at iyan nga ay hindi naman natin maitatanggi.

So sa akin po ang kalayaan natin ay talagang dapat pong protektahan, dapat pong bigyan ng halaga at ang—si Presidente Duterte ay kung ano lang iyong pang-nasyonal na interes ‘no dahil nakita naman natin kung anong naging resulta doon sa asta ng nakalipas na administrasyon sa Tsina ‘no. Iyan po ang dahilan kung bakit for all intents and purposes ‘no eh nawala ang hawak natin sa Scarborough kasi nga pinadala natin iyong Del Pilar ‘no, palagi nilang nakakalimutan iyon eh.

So nagpadala tayo ng Del Pilar doon, nagpadala ng sangkatutak na barko ang Tsina. Napatunayang hindi natin kaya ang Tsina, tayo ngayon ay nag-arbitration kasi hindi nga natin kayang tumayo doon sa Tsina at iyan ang napatunayan natin doon sa nangyari sa Scarborough. Kaya nga po, bakit naman natin uulitin ang kasaysayan na alam naman natin na walang ikabubuti iyan ‘no.

So mayroon naman pong mga alternatibo at iyan nga po iyong ginagawa ni Presidente Duterte, isantabi ang hindi makapag—hindi pupuwedeng ipagkasundo ang bansang Tsina, atupagin iyong pupuwedeng mapagkasunduan na magbibigay ng benepisyo sa ating bayan.

ORLY: Ah doon sa sinasabi ni SolGen—dating SolGen Hilbay kanina. Eh dapat daw eh hindi naman talaga dapat eh isinasaisangtabi at talagang we should keep that victory doon sa Hague right up front. Anong comment ninyo doon?

SEC. ROQUE:  Well, ang paghamon ko nga po sa kanila eh siyempre iyong limitasyon talaga ng arbitration ‘no, which is only binding kapag kinilala ng mga bansa doon dahil wala namang pulis na pupuwedeng magpatupad niyan. Wala pong kahit sino na mayroong personalidad para ipatupad iyan dahil ang arbitral ruling po ay binding on the parties there to ‘no.

So hindi ko po alam kung papaano maiisangtabi iyan dahil nakaukit na po iyan ‘no sa tadhana at sa kasaysayan na may ganiyang desisyon na walang basehan ang nine dash line at hindi naman po natin babawiin iyang ganiyang desisyon dahil iyan po talaga ay sang-ayon sa pang-nasyonal na interes ng ating bayan. Pero katunayan po, huwag din nating kalimutan na ang pinag-aawayan po sa Spratlys at West Philippine Sea ay hindi lang karagatan kung hindi mga isla. At wala ngang kasagutan iyong arbitral tribunal ruling pagdating doon sa mga pinag-aagawang isla dahil wala namang hurisdiksyon ang UN Tribunal for the Law of the Sea pagdating sa mga pinag-aagawang teritoryo na lupa.

ORLY: Okay. Maraming salamat—Secretary Harry, anong Independence Day message po ninyo sa ating bayan?

SEC. ROQUE: Well, alam ninyo po papunta kami ngayon ni Presidente sa Kawit, Cavite ‘no para doon nga sa seremonya para sa Araw ng Kalayaan. Talaga pong napakataas ng presyo ng Kalayaan natin ngayon, panindigan at kinakailangan lahat ng mga Pilipino lalung-lalo na iyong kabataan ngayon eh magbalik tanaw at bigyan—magpasalamat doon sa pakikibaka at pagiging martir ng napakadaming Pilipino para matamasa ngayon ang kalayaan.

ORLY:  Secretary Harry Roque, thank you very much for answering our call.

SEC. ROQUE: Maraming salamat po, magandang umaga po.

###

SOURCE: PCOO – NIB (News and Information Bureau)

Resource