News Release

Pangulong Marcos Jr., Maituturing na “Best Salesman” ng Pilipinas – Senate President Zubiri



Para kay Senate President Juan Miguel Zubiri, maganda ang performance ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa kanyang unang 100 araw sa pwesto.

Kabilang sa mga pinuri ni Zubiri ang pagpili ng punong ehekutibo ng mga naging miyembro ng kanyang gabinete, lalo na ang economic team ng administrasyon.

Maganda rin aniya ang madalas na pagsasagawa ng cabinet meeting ng pangulo.

Sinabi rin ng senate president, na si Pangulong Marcos ang nagsisilbing ‘best salesman’ para sa Pilipinas, na siyang nagbibigay senyales sa mga investor na bukas na ang Pilipinas para sa pagnenegosyo at pamumuhunan.

Kabilang na dito ang naging pagbisita ni Pangulong Marcos sa Singapore, Indonesia at Estados Unidos.

Pinunto ng mambabatas, na nagbunga ito ng higit $20 billion (US dollars) investment pledge para sa Pilipinas.

Giit pa ng senate leader, mahalaga ang ginagawang road shows ni Pangulong Marcos, lalo na ngayong ilang mga European at American companies ang nagbabalak nang mag-pull out sa China, at isa ang Pilipinas sa mga bansang tina-target nilang lipatan. | ulat ni Nimfa Asuncion