Maraming salamat sa ating Tourism Secretary, Secretary Christina Garcia-Frasco. [Magsiupo po tayo.]
Ang ating DepEd na secretary na anak ng Aurora, DepEd Secretary, Secretary Sonny Angara; ang Lone District Representative ng Aurora, Representative Rommel Rico Angara; Baler Municipal Mayor Rhett Ronan Angara; our beneficiaries from the tourism sector; fellow workers in government.
Magandang umaga sa inyong lahat.
Noong nakaraang taon, naranasan ng Aurora ang hagupit ng Bagyong Nika, Ofel, at Pepito.
Naapektuhan dito ay 150 barangay, mahigit 100,000 Pilipino.
Nag-iwan din ito ng matinding pinsala sa iba’t ibang sektor, kabilang na ang turismo.
At alam naman namin, nauunawaan namin na gaano kahalaga ang turismo dito para sa Aurora Province at dito sa lahat ng pinagdadaanan ngayon. Dahil ang nagiging problema dito sa tinatawag nating climate change ay talaga hindi lamang na mas mabigat ang bagsak ng ulan ngayon, kung hindi ay hindi na sumusunod sa dating schedule ng bagyo.
Siguro naaalala pa natin na mag-uumpisa ang bagyo, uulan-ulan na mga Hulyo. Pero bago — darating na ‘yung bagyo, pero Agosto tapos na. Kaya ‘yun lagi ang nakasanayan natin.
Ngayon ay iba kung kailan dumadating ang ulan, at pagdating ng bagyo, sabay-sabay nagdadatingan at napakalakas ang pagbagsak.
Kaya naman ay kailangan talaga nating bantayan nang mabuti at alalayan nang mabuti ang ating mga kababayan na nagiging biktima dahil dito sa mga sakuna na pumapasok dito sa Pilipinas.
Kaya’t nitong Enero, pinagkaisa ko ang DOT, ang Department of Tourism, at saka DSWD, Department of Social Welfare and Development, upang maipatupad ang Bayanihan sa Bukas na May Pagasa sa Turismo o BBMT program. Itong ating sinimulan ngayon.
Layunin nitong BBMT ang makapaghatid ng tulong pangkabuhayan sa mga manggagawa na nasa sektor ng turismo na naapektuhan ng kahit na anong sakuna o nagkaroon ng kahit anong tinatawag na emergency.
Sa pamamagitan nitong BBMT, magsasagawa ng training ang Department of Tourism para sa mga interesadong magkaroon ng bagong kabuhayan. Kabilang dito ang mga beads, mga artwork training, paggawa ng pastry, fun farm tour product development, tourist reception seminar, at iba pa. Lahat ng iba’t ibang pangangailangan na karunungan at sanayan para sa industriya ng turismo.
At ito — hindi lamang dito sa Aurora at dito sa Baler na napakahalaga ang turismo. Sa buong Pilipinas ang ibinibigay sa tinatawag nating GDP ng turismo, ibig sabihin ito ang kinikita ng buong Pilipinas, ay mahigit-kumulang walong porsyente nito ay galing sa turismo.
Hindi naman siguro tayo magtataka dahil napakaganda ng Pilipinas at mas mahalaga pa doon — at ‘yung ating nagiging tinatawag na “selling point” ay ang hospitality ng Pilipino. Natutuwa na maganda — lagi tayong nagmamagandang-loob at tayo ay kinikilala na napakabait at lahat ng ating magawa upang maging maganda ang bisita ng ating mga turista ay ating ginagawa.
Kaya hindi tayo magtataka napakalaki ng potensyal. Kaya hindi natin dapat pabayaan ang ating tourist workers na pagka tinamaan ng bagyo o kung kahit na ano pang disaster ay basta’t mapapabayaan, magsasara na ang kanilang negosyo, mahirap makapagbukas ulit. Kaya nandito po kami upang tutulong.
Ang DSWD kasama din po dito sa programang ito. At mayroon din silang tulong na pinansyal na Emergency Cash Transfer o ECT. Ito hindi lamang — ginagawa po namin ito hindi lamang para sa mga tourist workers kung hindi sa lahat ng mga tinatamaan po ng sakuna.
Sa Aurora, matutulungan natin ang halos 200,000 manggagawa na nasa sektor ng turismo na lubos na naapektuhan ng mga kalamidad.
Ang bawat isa’y makakatanggap ng ECT o Emergency Cash Transfer at ng mga pagsasanay na nagkakahalaga ng higit P11,000. Iyong ating pinamigay kanina ay iyon lang ay parang ceremonial lang pero siyempre ay labis pa sa isang libo ang aming mabibigyan ng tulong na ganyan. [applause]
Sa kasalukuyan, umabot na sa mahigit 2,800 ang Pilipino na nabigyan na ng training at tulong pinansyal nitong programa na BBMT.
Noong 2024, nakaraang taon, ay halos 1,400 benepisyaryo ang ating natulungan mula sa Davao region at halos 70 naman sa Agusan del Sur.
Naipatupad din ang programa sa Oriental Mindoro noong 2023 kung saan may higit na 1,300 Pilipino naman ang naging benepisyaryo.
Sa tulong nitong BBMT, maisusulong natin ang lokal na ekonomiya, maipapakita ang yaman ng ating kultura, at mabibigyan ng mas maraming oportunidad sa pag-unlad dito sa sektor ng turismo.
DOT at saka ang DSWD – ipapagpatuloy nila itong BBMT program sa mga rehiyong nasalanta ng bagyo ngayong taon na ito.
Asahan po ninyo kahit nasaang sektor kayo sa ating lipunan, kahit po ‘yung naging trabaho ninyo, kahit ano po ang naging hanapbuhay ninyo, kapag po kayo ay naging biktima ng sakuna, kahit anong klaseng sakuna, asahan ninyo po na nandito po ang inyong pamahalaan upang alalayan kayo na matulungan kayo upang maipatuloy ninyo ang inyong paghahanapbuhay.
At bukod pa roon, ang pamahalaan ay nandito hindi lamang sa panahon ng krisis. Nandito po ang pamahalaan upang patuloy na pinapaganda ang inyong industriya, patuloy na pinapalago ang inyong industriya, at pinapaganda ang inyong hanapbuhay sa industriya ng turismo.
Napakahalaga po sa atin na ipagmalaki ang Pilipino sa buong mundo. Napakahalaga po sa atin na makilala ang Pilipino, ang kultura ng Pilipino, ang galing, ang bait, ang sipag, at ang husay ng ating mga kababayan. [applause]
Kaya’t ipagpatuloy po natin.
Mabuhay po kayo sa tourism industry.
Mabuhay po ang Aurora!
Mabuhay ang Bagong Pilipinas!
Magandang umaga po sa inyong lahat! [applause]
— END —