Speech

Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the distribution of Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk, and Families in Tagum City


Event Distribution of Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk and Families in Tagum City
Location Davao del Norte Sports Complex in Tagum City, Davao del Norte

Maraming salamat sa ating Special Assistant, Secretary Anton Lagdameo sa pagpakilala. [Please magsiupo po tayo.]

Kasama po natin ang mga iba’t ibang kalihim ng mga iba’t ibang departamento na kasama sa pagdadala ng tulong at ito po ay dahil ang aming nakita pagka ang trabaho ng pamahalaan kung minsan — kagaya nitong aming ginagawa ngayon ay hindi talaga kakayanin ng isang departamento lamang.

Kaya’t lahat po ng mga departamento na makakatulong ay isinasama namin. At ito po ang [tinatawag] namin [na] whole-of-government approach, ibig sabihin ‘yung buong pamahalaan — hindi lang isang department, hindi lamang isang ahensya kung hindi ang buong pamahalaan ay nandiyan upang pagandahin at gawing matagumpay itong ating mga programa.

Nandito po ang ating DA Secretary, Secretary Kiko Laurel [applause]; ang ating Secretary ng DSWD, Secretary Rex Gatchalian [applause]; hindi po namin magagawa ito — lahat ng aming ginagawa sa pamahalaan — hindi lamang sa pagdala ng tulong at pagbigay ng mga iba’t ibang benepisyo sa ating taumbayan kung hindi po maganda ang ugnayan sa national government at saka sa local government, kaya’t nandito — sinama po natin ang nagtatrabaho po diyan, ang Secretary ng DILG, Secretary Benhur Abalos [applause]; at ang ating namumuno at namamahala para sa development ng buong isla ng Mindanao, the Mindanao Development Authority Secretary Leo Magno [applause]; ang ating Davao de Oro First District Representative, Congresswoman Maria Carmen Zamora [applause]; ang Second District Representative, Congressman Ruwel Peter Gonzaga [applause]; ang Second District Representative ng Davao Oriental, Congressman Cheeno Miguel Almario [applause]; nandito rin po ang Provincial Governor ng Davao de Oro, Governor Dorothy Gonzaga [applause]; at ang ating Davao Oriental Provincial Governor Niño Sotero Uy [applause]; at ang Provincial Acting Governor ng Davao del Norte, Acting Governor De Carlo Uy [applause]; Tagum City Mayor Rey Uy [applause], siyempre ang ating matagal nang kasama; ang pinakamahalaga, ang pinaka-importante na nandito na kasama po natin ngayon, ang ating mga beneficiary [applause] ang ating mga [tatanggap] ng Presidential Assistance; ang aking mga kasamahan sa pamahalaan; at lahat po ng iba’t ibang bisita; ladies and gentlemen po ay magandang umaga po sa inyong lahat.

Tunay nga pong malaki [na] ang [pinagbago] ng Tagum mula noong huli kong pagbisita rito noong panahon pa noong kampanya. Naging memorable po sa akin ang Unity Caravan na iyon sapagkat napakainit po ang binigay ninyong salubong para sa amin. Kaya’t maraming, maraming salamat po. [applause]

Kasing-init at kasing-sigasig ng ating kasalukuyang administrasyon sa pagsisikap na ipagpatuloy ang nasimulan at tiyakin na [makikinabang] ang mga mamamayan sa ating mga programa at ang ating mga proyekto.

Isa na rito ang kaabang-abang na pagtatapos ng Mawab-Maragusan-Caraga Road, ang Carmen-Tagum City Coastal Road, ang Tagum City Bypass Road, at ang pinaka-aasam na Mindanao Railway Project Phase 1. [applause]

Kapag po itong malalaking proyekto na ito ay natapos na ito, hindi lamang ginwaha sa biyahe ang mararamdaman natin, kung hindi ang mas mabilis din na pagpasok ng kaunlaran dito.

Bukod po riyan, ating itatayo ang 7-storey hospital na magiging Davao Regional Medical Center (DRMC) sa Apokon, Tagum City [applause] na naglalayong makapaghatid ng dekalidad at maaasahan na serbisyong medikal.

Atin din pong [isasaayos] ang New Visayas-Tulalian Farm-to-Market Road na magpapabilis ng transportation ng mga produkto mula sa mga sakahan tungo sa merkado.

Gayun pa man, kinakaharap ng sektor ng agrikultura ang isang matinding hamon ngayon.

Ayon sa pinakahuling datos na aming nakita, mahigit isang libong pamilya sa labing anim na barangay sa Davao Region ang lubhang naapektuhan ng El Niño at ang tagtuyot ng dala ng El Niño.

Limampung milyong pisong halaga [ng] pagkalugi [ang] [naranasan] ng ating mga magsasaka at mangingisda.

Wala nang mas bibigat pa sa pakiramdam na masaksihan na unti-unting namamatay ang mga pananim o [natutuyuan] ang mga palaisdaan dahil sa matinding tag-araw.

Kaya po ay hindi po namin kayo pababayaan. Kayo po ang sandigan ng ating bayan sa pag-unlad kung kaya’t hindi kami titigil sa [pag-agapay] sa inyong lahat. [applause]

[Makasisiguro] po kayo na ang nasyonal na pamahalaan at ang mga local government ay nagtutulong-tulong upang agarang maipaabot ang mga ayuda para sa mga magsasaka, mangingisda, at ang inyong mga pamilya.

Ang opisina ng ating House Speaker Martin Romualdez ay mamamahagi rin ng bigas para sa mga benepisyaryong naririto. [applause]

Sa panig po ng DSWD — sa DSWD po ay nakapag-handa po tayo ng mahigit [sa] 19,000 na food packs na nagkakahalaga ng higit [sa] labing limang milyong piso.

Bukod po riyan [ay] mag-aabot ng sampung libong piso na tulong pinansyal sa sampung libong benepisyaro sa bawat probinsya ng Davao Region.

Sa inyong lugar po dito sa Davao del Norte ay aabot sa sampung milyong pisong halaga [ng] tulong at ayuda sa mga magsasaka at mangingisda ang maibabahagi ngayong araw.

Ilan lamang po rito ang mga yunit ng rice combine harvesters — nakita po nandiyan po, ‘yung floating tillers, walk behind transplanters, at four-wheel tractors na [ibibigay] sa Purok 4 Anibongan Carmen Irrigators Association. Nandoon po sila at nakahilera po ‘yung ating mga gamit na dinala. [applause]

Iyan po ‘yung nakikita ninyo, hindi ‘yan lamang ha. Sample lang ‘yan. Siguro ‘yung mga harvester, ‘yung mga tractor, 30 ‘yan, ‘yung mga bangka. Mas marami — hindi po ‘yan… Baka naman isipin niyo dalawa lang ang dinala namin, tatlo lang dinala namin. Hindi po. Para lang masaksihan natin ang pag-turnover kaya’t nandito po sila.

Ngunit ‘yung ibang mga gamit, ibang mga makinarya ay naipadala na namin sa iba’t ibang bahagi ng iba’t ibang probinsya. [applause] 

Magbabahagi din po tayo ng mga kambing at kagamitan sa pagpapalaki sa kanila.

Hangad din natin na mai-angat ang kalakalan ng niyugan sa inyong probinsya, kaya po nagbibigay po tayo ng maraming sisidlan at pataba na bahagi ng ating coconut fertilization project.

Para naman sa ating mga mangigisda, ay [itu-turnover] po natin ang tatlumpung yunit ng bangkang gagamitin sa pangingisda, ang FB Pagbabago Boats.

Inatasan din natin ang mga ahensya sa pangunguna ng DENR at BFAR na payabungin ang mga supply ng isda, sa pamamagitan ng aquaculture production [at] pagtatanim sa ating mga mangrove areas.

Ito ay bahagi ng halos animnapung milyong pisong nakalaan para sa distribusyon ng tulong sa mga magsasaka at mangingisda sa inyong rehiyon, upang makabangon tayo muli mula sa pinsalang dulot ng El Niño.

Kasama po diyan ang tulong pinansyal, suportang teknikal, at iba pang mahahalagang programa mula sa DA, sa DTI, sa DOLE, at sa TESDA.

Nagbigay na rin po ako ng direktiba sa DPWH, sa Public Works, na pabilisin ang pag-kumpleto ng mga natitirang flood control projects dito.

Dahil po naramdaman po natin ‘yung tagtuyot at ‘yung flood control project ngayon po, iba po ang aming design na ginagawa.

Ang flood control project ngayon po ay hindi lamang para sa flood control, nag-iipon din tayo ng tubig para sa irigasyon, para sa fresh water supply, ng ating mga iba’t ibang household. At lalagyan po natin kung kakayanin po, kung tama po ay lalagyan po natin ng solar. Sila’y nakalutang na solar para mayroon din tayong makukuha kuryente na libre galing sa araw.

Pagsusumikapan natin na [sa] mas lalong madaling panahon ay walang Pilipinong nakalubog sa baha at sa kahirapan. Ito po ang Bagong Pilipinas. [applause]

Sa panahon ng tagtuyot at tag-ulan, kaagapay niyo kami sa pagbangon tungo sa mas maunlad na buhay.

Sa inyong suporta, mga dasal, at patuloy na pagkakaisa, matutupad po nating lahat ang ating pangarap para sa Tagum, [at] magta-TAGUM-pay tayong maisulong ang malawakang pagbabago sa buong Mindanao at sa buong Pilipinas. [applause]

Sama-sama po tayo at mangarap tayo at kumilos para sa isang Bagong Pilipinas!

Daghang salamat. Mabuhay po kayong lahat at magandang umaga po. [applause]

— END —