PCO USEC. CASTRO: Magandang araw, Malacañang Press Corps.
Bilang pagkilala at pasasalamat sa ating mga guro at non-teaching staff, Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. suportado ang pagbibigay ng Performance Based Bonus para sa mga education personnel.
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos Jr. na kilalanin ang kontribyusyon ng teachers, inanunsiyo na ng Department of Budget and Management at ng Department of Education ang 2023 Performance Based Bonus (PBB) for teaching and non-teaching personnel. Sa ilalim ng sistema, maaaring makatanggap ng 52% ng kanilang monthly basic salary ang mga DepEd personnel na magkakamit ng 80 points na total score sa assessment.
Ang 2023 Performance Based Bonus na ito ay mas mataas kumpara sa 45.5% at 48.75% noong 2021 at 2022. Sa isang sample computation, maaaring makatanggap ng bonus na aabot sa 14,040 pesos ang isang empleyado, Teacher I ang posisyon at may monthly salary na 27,000 pesos. Ang Performance Based Bonus ay isang hakbang ng pamahalaan upang iangat ang dignidad at ang kapakanan ng mga education personnel na patuloy ang pagtatrabaho upang pahusayin ang kalidad ng edukasyon sa bansa. Maraming salamat po sa ating mga dakilang guro at staff, mabuhay po kayo!
[VTR]
Patuloy na gawin ang mga programang babago sa buhay ng taumbayan. Sa gitna ng ingay dulot ng maanomalyang flood control projects sa bansa, nanawagan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa League of Cities of the Philippines (LCP) na ipagpatuloy ang mga hakbang ng pagbabago sa buhay ng taumbayan. Ayon kay Pangulong Marcos Jr., kailangang maipakita ng mga lokal at nasyonal na lider ng bansa na mayroon pa ring mga lingkod-bayan na tapat na naglilingkod at puno ng pag-asa para sa taumbayan.
Pinapaalalahanan ni Pangulong Marcos Jr. ang LCP na ipagpatuloy ang ugnayan ng lokal at nasyonal na pamahalaan para sa mas mabilis na pagsulong ng program ang pamahalaan. Ayon sa Pangulo, ang lokal na pamahalaan ang siyang nagsisilbing tulay sa pagitan ng taumbayan at ng nasyonal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga programa at proyekto ng administrasyon. Dagdag ng Pangulo, kailangang magsanib-puwersa ang lokal at nasyonal na pamahalaan upang masiguro na makakarating sa taumbayan ang kanilang mga pangangailangan at mabigyan ng pagkakataon na umunlad ang bawat isa.
Paniniwala ng Pangulo, hindi makakarating sa taumbayan ang tamang serbisyo kung hindi mawawakasan ang kultura ng korapsiyon sa bansa. Kabilang sa mga programa na dapat tugunan ng pansin ng lokal na pamahalaan ang pagtataguyod sa sektor ng edukasyon, kasama na rito ang Early Childhood Care and Development program. Layunin ng programa na magtayo ng childhood development center (CDC) upang ihanda ang mga kabataan sa pormal na edukasyon. Naglaan ang pamahalaan ng 300 million pesos na pondo para sa fiscal year 2026 kung saan 264 million pesos ay para sa pagpapatayo ng mga CDCs.
Naniniwala si Pangulong Marcos Jr. na walang imposible kung magtutulungan ang lokal at nasyonal na pamahalaan dahil sa ilalim ng Bagong Pilipinas, nananatiling nakatuon ang pamahalaan sa paglilingkod sa taumbayan.
[VTR]
At maaari na po akong tumanggap ng inyong mga katanungan.
EDEN SANTOS/NET25: Usec., good morning po. May we know po kung ano iyong direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa bago pong talagang ombudsman na si Secretary Boying Remulla?
PCO USEC. CASTRO: Unang-una po, nadinig na po natin si Secretary Boying Remulla na ang pagiging at pagtatalaga sa kaniyang bilang ombudsman ay nararapat na magkaroon ng transparency at managot ang dapat na managot kung mayroon man, dapat na managot. At ang pagtatrabaho po ng Ombudsman Remulla ay para sa buong bansa, hindi para sa iisang sektor o iisang panig lamang na grupo ng mga Pilipino.
EDEN SANTOS/NET25: So, kasama po sa direktiba ng Pangulo iyong tutukan po ng bagong ombudsman ang pag-imbestiga po sa SALN ni Vice President Sara Duterte at doon po sa mga flood control anomalies?
PCO USEC. CASTRO: Unang-una po, sinabi po natin na ang pagtatrabaho po bilang ombudsman, ito ay para sa buong bansa. Kung ano po ang dapat na imbestigahan ay dapat pong imbestigahan. Hindi po dapat na may talikuran o kaya tulugan. Kung ano ang nararapat na malaman ng taumbayan, dapat ho maimbestigahan ng ombudsman.
KATRINA DOMINGO/ABS-CBN: Ma’am, good morning. Ano po iyong reaction ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. to the reported wish of one ICI member to resign due to the lack of authority of the panel?
PCO USEC. CASTRO: Unang-una po, ang ICI po ay independent commission at sa ating pagkakarinig, ito naman po ay na-deny na po at itinatuwa na po ng spokesperson ng ICI. So, mananatili po silang miyembro at mananatili po silang magtrabaho para po sa mas malalimang pag-iimbestiga sa mga maanomalyang flood control projects at mga infrastructure.
KATRINA DOMINGO/ABS-CBN: And, how does the Palace response to calls from the House of Representatives to certify as urgent bills seeking to provide more powers to that panel?
PCO USEC. CASTRO: Unang-una po, dapat po siguro makita muna iyong pinakadetalye para po mapag-aralan ito at kung kinakailangan pong mag-issue po ng certificate for urgency, iyan po ay gagawin ng Pangulo kung matapos po niyang mabasa kung anuman po ang gagawin dito?
CHRISTIAN YOSORES/DZMM TELERADYO: Good morning, Usec. How true are the reports circulating online that you are being eyed to replace Secretary Boying Remulla as the secretary of the DOJ? Did the President reach out to you and discuss the possibility?
PCO USEC. CASTRO: Unang-una po, hindi po natin alam kung saan nagsimula iyan so wala pong katotohanan iyan.
CHRISTIAN YOSORES/DZMM TELERADYO: But will you accept, ma’am, the position if the President offered it to you?
PCO USEC. CASTRO: Hypothetical question, I cannot answer.
IVAN MAYRINA/GMA NEWS: Usec., good morning. Pinakahuli lamang po sa mga nanawagan na buksan ng mga ICI proceedings ay ang Iglesia ni Cristo. Alam ko ho kahapon lang sinabi ninyo that the President respects the independence of the ICI at hindi siya manghihimasok. But surely that doesn’t prevent him from recommending or at least taking a stand for transparency dahil ang panawagan po sa kaniya ay pangunahan ang transparency and ultimately the credibility of the ICI that he himself built or created.
PCO USEC. CASTRO: Tama po. Ang Pangulo po, sa lahat ng mga pagkakataon gusto may transparency. Sa lahat ng pag-iimbestiga dapat may transparency, walang tinatago. Pero kung paano po ito gagawin ng ICI, kung papaano po ito maisasapubliko, kung papaano po sila magiging transparent at hanggang saan, nasa ICI na po iyan. But still, ang Pangulo po ay sinusulong din po ang transparency sa lahat ng pag-iimbestiga.
ANALYN SOBERANO/BOMBO RADYO: Good morning, Usec. Kahapon po ay nag-privilege speech si Akbayan Partylist Representative Chel Diokno. Hingi lang po ako ng reaksiyon from the Palace, binatikos kasi ng Akbayan Partylist ang paglobo po ngayon ng unprogrammed funds na nasa 250 billion po for 2026 national budget. Hindi po raw ito contingency fund kung hindi malalaki, planado at regular na programa. Kaya nanawagan sila, gawing zero ang unprogrammed appropriation sa 2026 budget.
PCO USEC. CASTRO: Parang hindi po yata maaaring mangyari iyan. Marami pong nagiging programa ang gobyerno, at maaari pong magamit po ito sa pangangailangan, kung may kailangang mga emergency cases or situations. But tandaan po natin, hindi naman po ito nagagasta nang basta-basta. Katulad ng sinabi natin kahapon, kahit po ito ay nasa UA or unprogrammed appropriation, ang ibig pong sabihin nito ay hindi po ito agad-agad makukuha kung wala pong sapat na dokumento. Kaya malinaw rin po na mababantayan ang anumang pondo na masasabi natin nasa unprogrammed appropriations.
ANALYN SOBERANO/BOMBO RADYO: Sisiguraduhin po ng Malacañang, Usec., na talagang mapupunta sa tama itong 250 billion na unprogrammed appropriation?
PCO USEC. CASTRO: Iyan na po ang ginagawa ng Pangulo. Hindi po ba may mga nagrireklamo na hindi raw sila nabibigyan o nari-release-an ng mga pondo? Iyan po ang ginagawa ng Pangulo dahil ito po ay nasa ilalim ng conditional implementation. Ibig sabihin po, pinangangalagaan ng Pangulo ang pondo ng bayan.
LETH NARCISO/DZRH: Good morning, Usec. Ma’am, ngayong may bago na pong ombudsman na kabisado rin naman iyong isinasagawang imbestigasyon dito sa mga anomalya sa flood control projects, is there a possibility na i-abolish ang ICI at ipaubaya na lang sa ombudsman ang pag-imbestiga?
PCO USEC. CASTRO: Unang-una po, ang ombudsman po kasi, hindi lamang po tutok ito sa flood control projects; marami pong kaso na dapat pagtuunan din, pagtuunan ng pansin ang ombudsman. So, hindi po natin nakikitaan na ito ang dahilan upang gibain or wakasan ang trabaho po ng ICI dahil ang ICI po ay tutok sa maanomalyang flood control projects at mga infrastructure. Mas mapapabilis po ang magiging trabaho at pag-iimbestiga ng ombudsman at ng DOJ kung may kumpleto na pong dokumento na manggagaling sa ICI.
LETH NARCISO/DZRH: Pero may mga opinyon po kasi na parang kung at the end of the day, sa ombudsman din naman iyong bagsak ng ipa-file na mga kaso ng ICI, parang bakit gumagastos pa tayo sa isang independent body?
PCO USEC. CASTRO: Gugustuhin po ba nila na ang ombudsman lang ang magtrabaho rito, so hanggang kailan tayo aabutin para matapos ang isang kaso? So, kailangan po talaga na may isang independent commission na siyang tututok at magkukolekta, mag-iimbestiga ng mga dokumento para po kapag naibigay po ito at mairekomenda for filing, rirebyuhin na lamang po ito. At kung tapos na po ang pagri-review at nakitang mayroon dapat na sampahan ng kaso, mas mabilis magsasampa ng kaso ang DOJ at ng ombudsman.
EVELYN QUIROZ/PILIPINO MIRROR: Good morning, Usec. Three weeks ago po, na-create ang ICI. Puwede pong malaman kung nag-a-update po ba sa Pangulo ang ICI?
PCO USEC. CASTRO: Natawagan natin po ang Office of the Executive Secretary. Wala pong ganoon dahil po independent commission po ito, at ang report po na iyan ay nasa kamay po ng ICI; at kung anuman ang magiging rekomendasyon nila, sa kanila po manggagaling at hindi po hihingiin ang basbas ng Pangulo.
ANNA BAJO/GMA NEWS ONLINE: Ma’am, quick follow-up lang. Balikan ko lang iyong sa next DOJ Secretary. Mayroon na po ba tayong shortlist? Kasi kahapon po, nagtalaga lang po sila ng OIC, and incoming Ombudsman Remulla is expected to take his oath on Thursday po.
PCO USEC. CASTRO: Sa ngayon, wala pa po sa ating naibibigay na anumang detalye patungkol po diyan. Pero once na nabigay po sa atin, sa inyo ko po unang sasabihin.
SAM MEDENILLA/BUSINESS MIRROR: Palace’s reaction lang po regarding po doon sa recent inflation figures na nag-slowdown daw po compared sa last year?
PCO USEC. CASTRO: Yes, opo, natawagan po natin si Secretary Balisacan. At ang naging cause daw po nito ay ang pag-increase ng presyo ng gulay dahil sa tuluy-tuloy at sunud-sunod na bagyo po na siyang nag-land dito sa ating bansa at nakaapekto po ito. Pero according to Secretary Go and Secretary Balisacan, ito pong 1.7% ay hindi po ito nakakapagpabagabag sa gobyerno dahil ang pinaka-projected bond ay two to four percent this year, at malayo pa po ito. At nakikita po nila na slow po ang pagtaas po ng inflation rate.
SAM MEDENILLA/BUSINESS MIRROR: Follow-up lang po. Since nag-start po iyong Marcos administration ng anti-corruption drive, may napansin na po ba iyong mga economic managers na impact sa economy iyong ginagawang investigation?
PCO USEC. CASTRO: Sa ngayon ay wala pa pong naiuulat sa atin. At malamang by tomorrow siguro or next week, aalamin po natin sa economic team kung ano po ang maaaring naging epekto nito.
KENNETH PACIENTE/PTV4: Hi, Usec. Good morning. Ma’am, based doon sa latest Labor Force Survey po ng PSA, umakyat sa 96.1% ang employment rate sa bansa nitong August, mas mataas po sa 94.7% kumpara po noong July. Paano po ito tinitingnan ng Palasyo at ano po sa tingin ninyo iyong mga dahilan ng pagtaas po?
PCO USEC. CASTRO: Hindi po kasi tumitigil ang pamahalaan at hindi rin po tumitigil ang ating Pangulo na maiangat ang kabuhayan ng bawat Pilipino. Mayroon po tayong mga job fairs na nagaganap para po mailapit natin ang mga trabaho sa ating mga kababayan. Isa po ito sa nagpapakita na patuloy po ang pag-aalaga ng ating Pangulo sa kapakanan ng bawat isa.
So, maganda pong balita po iyan. At hindi po tayo nagtatapos diyan dahil patuloy pa rin po ang pagsisikap ng pamahalaan, ng Pangulo para po mas marami pa po tayong trabaho ang mai-generate para sa ating mga kababayan.
MODERATOR: That is the last question, Usec. Thank you.
PCO USEC. CASTRO: At bago po tayo magtapos: Energy sector ng bansa, palalakasin. Ngayong araw ay pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang presentation of petroleum service contracts (PSCs) sa Malacañang. Layunin ng mga nasabing kontrata na siguruhing may sapat na supply ng enerhiya ang bansa sa pamamagitan ng masusing pag-aaral, pagtuklas at pagpapaunlad ng likas na yaman ng bansa.
Ayon kay Pangulong Marcos Jr., ang walong service contracts ay naglalaman ng investments na may kabuuang halaga na $200 million. Nilalayon ng service contracts na suportahan ang exploration sa iba’t ibang lugar sa bansa kagaya ng Palawan, Sulu, Cagayan, Cebu at Central Luzon upang tumuklas ng mga bagong pagkukunan ng enerhiya.
Nais ni Pangulong Marcos Jr. na tukuyin ang mga bagong energy supply sa bansa para pagyamanin ang ating oil and gas reserves, pababain ang energy cost at paramihin pa ang employment opportunities para sa mga Pilipino.
Sa ilalim rin ng petroleum service contracts ay magkakaroon ng kauna-unahang native hydrogen gas exploration sa Pilipinas – isang malaking hakbang tungo sa clean and sustainable energy innovation ng bansa.
Malakas ang paniniwala ni Pangulong Marcos Jr. na panahon na para tumayo sa sariling paa ang Pilipinas sa usapin ng likas na enerhiya upang masiguro ang ating progreso para sa kasalukuyan at sa susunod na henerasyon.
[VTR]
PCO USEC. CASTRO: At dito na po nagtatapos ang ating press briefing. Magandang araw para sa Bagong Pilipinas.
###