Speech

Fourth State of the Nation Address of His Excellency Ferdinand R. Marcos Jr., President of the Republic of the Philippines


Event 2025 State of the Nation Address
Location Session Hall of the House of Representatives, Batasang Pambansa Complex, Quezon City

Thank you.

Thank you very much.

Allow me to greet the former President, President Gloria Macapagal-Arroyo; Senate President Chiz Escudero and the honorable members of the Senate; House Speaker Ferdinand Martin Romualdez and the honorable members of the House of Representatives; Chief Justice Alexander Gesmundo and the honorable justices of the Supreme Court; His Excellency, the Most Reverend Charles John Brown and the esteemed members of the Diplomatic Corps; Executive Secretary Lucas Bersamin and the members of the Cabinet; First Lady Louise Araneta-Marcos and the members of the Marcos family; other distinguished guests; ladies and gentlemen.

First of all, allow me to congratulate the newly elected and reelected 12 Senators, and 314 District and Party-List Representatives of Congress.

Mga kababayan, magandang hapon po sa inyong lahat.

Makasaysayan ang katatapos na halalan nitong Mayo.

Kaya, pinaparating ko ang aking buong-pusong pagpupugay sa ating mga kababayan – lalo na sa mga kabataang botante.

Sa ating lahat dito: Isantabi na natin ang ating pagkakaiba, at magkasundo na sa tatlong bagay na nagbibigkis sa atin: sa ating pagiging Pilipino, ang ating pagiging makabansa, at ang ating sinumpaang tungkulin sa taumbayan.

Malinaw sa akin ang mensahe ng naging resulta ng halalan.

Bigo at dismayado ang mga tao sa pamahalaan, lalo na sa mga pangunahing serbisyo.

Ang leksyon sa atin ay simple lamang: kailangan pa natin mas lalong galingan. Kailangan pa natin mas lalong bilisan.

Kung datos lang ang pag-uusapan, maganda ang ating ekonomiya, tumaas ang kumpiyansa ng mga negosyante. Bumaba ang inflation, dumami ang trabaho.

Ngunit ang lahat ng ito ay palamuti lamang, walang saysay, kung ang ating kababayan naman ay hirap pa rin at nabibigatan sa kanilang buhay.

Kaya sa huling tatlong taon ng Administrasyon, ibubuhos pa natin ang lahat-lahat. Hindi lamang upang mapantayan, kundi mahigitan pa ang pagbibigay-ginhawa sa ating mga kababayan.

[applause]

Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa.

Maayos na hanapbuhay talaga ang mabisang pantiyak laban sa kahirapan at laban sa gutom.

Dumarami ang mga nalilikhang hanapbuhay sa ating bansa ngayon.

Magpupursige ang DOLE, DTI, DSWD, kasama pati ang DOT, at mga kaugnay na ahensiya, sa paghahanap ng paraan at ng mga oportunidad para sa natitirang apat na porsiyento ng ating puwersang manggagawa na hanggang ngayon ay walang trabaho.

Ipagpapatuloy natin ang pagbibigay ng puhunan sa mas marami pang negosyante para makapagsimula ng maliit na negosyo o microenterprise, sa mababang interest, at walang kolateral. Pati na rin ang kapital at proteksyon para sa mga yamang-isip.

At para sa mga tinataguyod natin mula sa kahirapan, patuloy tayong nagbibigay ng libreng training at puhunan para makapagtayo sila ng sariling negosyo.

Hindi tayo titigil hanggang halos dalawa’t kalahating milyong maralitang pamilya ay matutulungan natin na magkaroon ng kanilang sariling maliit na negosyo.

Palalaguin natin ang mga industriya – mga pabrika ng sasakyan, hulmahan, electronics, biotechnology, pharmaceuticals, critical minerals, telang Pinoy, Halal, construction, at mga planta ng kuryente.

Ngunit nananawagan pa rin ako sa ating mga negosyante: Mamuhunan kayo sa ating agrikultura.

My single resounding message to the international business community is this: The Philippines is ready. Invest in the Filipino.

Our cavalcade of dependable and hardworking Filipinos, innately skilled, adaptable, and possessed with a heart for service, are here, ready to work and to succeed with you.

Sa mga nagtatanong kung nasaan na ang “bente pesos na bigas”? Ito ang aking tugon.

Napatunayan na natin na kaya na natin ang bente pesos sa bawat kilo ng bigas, nang hindi malulugi ang ating mga magsasaka. [applause]

Kamakailan lamang ay matagumpay nating nailunsad ito sa Luzon, Visayas at Mindanao kagaya sa San Juan, Pangasinan, Cavite, Occidental Mindoro, sa Cebu, sa Bacolod, sa Guimaras, Siquijor, at Davao Del Sur.

At dahil sa ilalaan nating isandaan at labintatlong bilyong piso upang palakasin ang mga programa ng DA, ilulunsad na natin ito sa buong bansa sa pamamagitan ng daan-daang KADIWA store at center sa iba’t ibang lokal na pamahalaan.

Binabalaan ko ang mga trader na magtatangkang magmanipula ng presyo ng palay o ng bigas, o manloloko ng mga magsasaka. Hahabulin namin kayo, dahil ang trato namin sa inyong ginagawa ay tinuturing naming economic sabotage. [applause]

Bilang pangunahing solusyon sa mataas na presyo ng baboy, pinalalakas natin ang ating lokal na produksyon. Namimigay tayo ng mga biik at inahin. Nagpapatayo rin tayo ng mga biosecured facilities.

Upang lubos na pababain ang presyo ng karne, nagsimula nang magbakuna laban sa ASF, at palalawigin pa natin ito ng pagbabakuna sa lahat.

Pinataas natin ang produksyon ng palay, mais, pinya, saging, mangga, kape, cacao, calamansi, tubo, sibuyas, bawang, at iba pang mga agricultural products.

Mula nagsimula itong Administrasyon, mahigit walo at kalahating milyong magsasaka at mangingisda ang nakatanggap ng tulong. Lalo pa natin paiigtingin ang mga programa ng pamahalaan para mas marami pa ang matutulungan.

Libo-libong kilometro ng farm-to-market road na ang ginawa na, at libo-libong kilometro pa ang pinapasinayaan. Libo-libong ektarya ng lupa ay nalagyan na ng patubig sa buong bansa. At libo-libong ektarya pa ang patutubigan.

Libo-libo ring makinarya at pasilidad ang ating binuksan at pinamigay para sa mga magsasaka at mangingisda. Marami po tayong ipapatayo na Rice Processing System. Itong mga pasilidad at mga bangkang yari sa fiberglass na ipapamigay naman sa mga mangingisda.

Lahat ng ito ay sumusuporta sa kanila mula paghahanda, sa pagpunla, pag-ani, pagbiyahe, hanggang sa pagbenta.

Milyon-milyong Pilipino ang umaasa sa puno ng niyog bilang pangunahing kabuhayan.

Mula ngayong taon, hindi bababa sa labing-limang milyong hybrid at mataas na klaseng mga binhi ng niyog ang ating itatanim sa iba’t ibang panig ng Pilipinas. At itutuloy natin ito hanggang isandaang milyong puno na ng niyog ang ating maitatanim sa buong Pilipinas. [applause]

At upang lubos na pasiglahin ang industriya ng niyog, hihilingin natin sa Kongreso na amyendahan ang Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act, para naman maging mas angkop sa mga pangangailangan ng ating mga magsasaka. [applause]

Bahagi lamang ito ng ginagawa nating malawakang pagpapalakas ng iba’t iba pang mga industriya, kasama dito ang industriya ng asin, pagpoproseso, pag-export ng niyog.

Sa tulong ng DOST, ginagamit natin ang mga magagandang dulot ng agham, tulad ng mga nadiskubre at nagawa ng ating mga siyentipiko at imbentor. Pati na rin ang mga modernong pamamaraan, tulad ng mga bagong binhi, pataba, makinarya, at istratehiya gaya ng
inter-cropping at off-season techniques.

Naghihintay din sa ating kabataan ang mga kurso, programa, at mga scholarships sa larangan ng agrikultura upang ito ay kanilang gawing hanapbuhay balang araw, at maipapagpatuloy ang marangal na kabuhayan ng kanilang mga magulang.

At para sa susunod na ating salinlahi ng mga magsasaka, tiyak na magiging kanila na nang tuluyan ang lupang sinasaka nila. [applause]

Kasalukuyang pinapabilis ng DAR ang pamamahagi ng mga CLOA at ng mga E-Titles. Pati na ‘yung mga COCROM, bilang patunay na wala ng utang ang mga benepisyaryo ng agrarian reform. [applause]

Bagaman dumarami ang ating mga planta ng kuryente sa buong bansa. Lalo na ang mga bagong teknolohiya at malinis na enerhiya, tulad ng solar, windmill, natural gas…

Bagaman kilalang-kilala na tayo sa buong mundo dahil sa pagpapahalaga natin sa renewable energy…

Naririyan pa rin ang mga problema sa enerhiya na damang-dama ng bawat Pilipino, kagaya ng:

Tatlong milyong kabahayan na wala pang kuryente;

Palagiang brownout;

At ang mataas na presyo ng kuryente.

Kaya, binibilisan nating mabigyan ng koneksyon at pinapalakas pa lalo ang kakayahan ng ating gumagawa ng kuryente.

Pagpasok ng Administrasyong ito, mahigit limang milyon ang mga bahay na wala pang kuryente. Sa loob ng tatlong taon, dalawa at kalahating milyong kabahayan ang ating nakabitan na, na may kuryente na sila. [applause]

Sa susunod na tatlong taon, halos dalawandaang planta ang ating tatapusin. Ito ay may kakayahang magpailaw sa apat na milyong kabahayan, o sa mahigit na dalawang libong pabrika, o sa halos pitong libong tanggapan at negosyo.

Hahabulin at tutuparin ng DOE at NEA ang nakatakdang dami ng mga kabahayang makakabitan ng kuryente ngayong taon hanggang 2028. Lalo na sa Quezon, sa Camarines Norte, sa Palawan, sa Masbate, sa Samar, sa Negros Occidental, sa Zamboanga del Sur. [applause]

At sa pagtatapos ng 2028, dagdag na mahigit isang milyong kabahayan pa ang magkakaroon na rin ng kuryente, sa pamamagitan ng solar power home system. [applause]

Para lalo pang makatipid ang ating mga kababayan at maipagbili ang anumang sobrang kuryente nila, isusulong na ng Department of Energy ang Net Metering Program, at pabibilisin din ng ERC ang proseso ng pag-apruba nito. [applause]

Habang inaayos natin ang kumplikado nating sistema ng enerhiya sa bansa upang maipababa ang presyo, pinapalawig pa natin ang Lifeline Rate. Bukod sa mga miyembro ng 4Ps, kasama na rin ngayon ang mga pamilyang nasa Listahanan na maliit lamang ang kinikita, at ang konsumo naman ay hindi lumalagpas sa “lifeline rate”.

Hindi ko palalampasin ang nangyari kamakailan sa Siquijor.

Dahil sa malawakang brownout, napilitan pang magdeklara ng state of calamity sa lalawigan. Naperwisyo nito ang mga taga-roon, ang kanilang turismo, kanilang negosyo, ospital, at sari-saring serbisyo.

Sa ginawa nating imbestigasyon, ano ‘yung ating natuklasan?

Mga expired na permit.

Mga sirang generator, na halatang napabayaan, kaya sunod-sunod na bumibigay.

Mabagal na aksyon, at kawalan nang maayos na sistema nang pagbili ng krudo at ng mga piyesa.

Ipinag-utos ko sa DOE, NEA, at ERC na pabalikin sa normal ang serbisyo ng kuryente sa Siquijor bago matapos ang taon. [applause]

Titiyakin namin na maitatag agad ang mga pasilidad para sa pangmatagalang lunas sa kanilang problema sa kuryente.

Hindi na dapat ito maulit muli.

limbestigahan ang naging kapabayaan dito, at ang iba pang mga katulad na kaso sa buong bansa. Dapat nilang ayusin ang pamamahala ng mga kumpanya ng kuryente, at ipag-utos ang pag-refund kung kinakailangan. [applause]

Tulad ng pagkain, nakasalalay ang buhay natin sa tubig.

Marami tayong mga malalaking proyekto na nakalatag para sa [bultuhang] supply [ng] malinis na tubig sa buong bansa.

Mayroon din tayong mga makabagong sistema upang salain ang tubig at gawin itong malinis para mainom, lalo na para doon sa mga taga-isla.

Gayumpaman, marami kaming natatanggap na reklamo na hindi man lang daw umaabot ang tubig sa kanilang mga gripo. Sa lawak ng reklamo, lampas anim na milyong konsyumer sa buong bansa ang kasalukuyang naaapektuhan.

Nakita ko na ang report.

Kaya’t ginagawa ng LWUA ngayon ang mga mabisang hakbang laban sa palpak na serbisyo ng mga water districts at kanilang mga joint venture partners. [applause]

Titiyakin ng LWUA na mailalagay na sa ayos ang serbisyo ng tubig ng milyon-milyon nating mga kababayan at gawing mas abot-kaya naman ang presyo.

Higit sa lahat, titiyakin nating mapapanagot ang mga nagpabaya at nagkulang sa mahalagang serbisyong-publiko na ito. [applause]

Malinaw sa atin ang tumambad na realidad tungkol sa ating mga kabataan ngayon.

Ang kakulangan sa kaalaman at sa kakayahan, lalo na sa matematika, sa agham, sa pagbabasa, at sa wastong pag-unawa.

Ang mga nagda-drop-out at mga hindi nakakapagtapos sa junior o senior high school.

Ang kalahating milyong bata na nagbabanat na ng buto.

Kung tayo ay nagpupundar ng malaki para sa imprastraktura, mas malaki pa ang ipupundar natin para sa ating mamamayan. [applause]

Ito ang pangunahing polisiya natin hanggang matapos ang Administrasyong.

Puspusan nating inaayos at pinapaganda ang ating sistema ng edukasyon. Sa lahat ng mga pinahahalagahan ng Administrasyon, ito pa rin ang nasa rurok.

Ngayong taon, sinimulan na natin ang Academic Recovery and Accessible Learning o ARAL Program, [applause] at pinalalakas din natin ang Early Childhood Care and Development [applause] na hango… Ito ay hango sa dalawang mahahalagang batas na ipinasa ninyo dito sa Kongreso.

Maraming mag-aaral ang nakakaranas ng bullying o kaya ay nade-depress. Binabantayan din natin ang mental health ng ating kabataan. [applause]

Magdadagdag tayo ng mga school counselors na magsisilbing sanggunian at gabay nila.

Naglaan tayo ng isang bilyon para makapagtayo ng mahigit tatlong daang Barangay Child Development Centers at “Bulilit Centers” [applause] sa buong bansa.

At ang pinaka-priority ay ‘yung mga nangangailangan na pook na malalayo. At pauna lamang ‘yan. Unti-unti nating tutugunan ang matinding kakulangan sa daycare center na nabinbin mula pa noong 1990. [applause]

Pinaspasan na natin ang pagpapabakuna ng mga bata. Sa DOH: kumpletuhin na natin ang bakuna para matapos na sa lalong madaling panahon na kumpleto na lahat ng ating mga anak ay nabakuhanan na. [applause]

Sa ilalim naman ng bagong lunsad na YAKAP Caravan, matitingnan na ang kundisyon ng kalusugan, hindi lamang ng mga mag-aaral, kundi pati na ng mga guro. Mabibigyan sila ng libreng medical check-up, libreng lab test tulad ng cancer screening, at libre na gamot. [applause]

Sa nakaraang tatlong taon, halos dalawampu’t dalawang libong silid-aralan ang nabuksan na.

Hihigitan pa natin ito, dahil talagang nakakaawa ang ating mga mag-aaral. Hindi na natin dapat nabibitin ang oras nila sa klase dahil sa kakulangan ng classroom.

Katuwang ng pribadong sektor, sisikapin nating madagdagan pa ng apatnapung libong silid-aralan bago matapos itong Administrasyon. [applause]

Maglalaan tayo ng sapat na pondo para rito. Alang-alang sa ating mga mag-aaral, hihilingin ko ang buong suporta ng ating Kongreso. [applause]

Naging matagumpay ang isinagawang tutoring at remedial program para sa mga mag-aaral nitong nakalipas na taon at nitong summer break. Palalawakin pa natin ito.

At maraming salamat sa mga guro, at lalo na sa mga Ate at Kuya na nag-volunteer na tinulungan ang mga maliliit para mas maganda ang resulta nila sa kanilang eskuwela. [applause]

Sa DOLE at sa DSWD, ipagpatuloy pa ninyo ang mga ganitong klaseng internship at pre-employment programs para sa ating estudyante sa kolehiyo. Malaking tulong ito sa kanila habang sila ay nag-aaral, malaking tulong ito sa bansa.

Ngayon nagdaratingan na ang mga laptop na laan para sa bawat guro sa public school. [applause]

Tiniyak natin na walang anomalya sa pagbili ng mga laptop na ito. [applause]

Nakahanda na ang mga high-tech at digital na mga materyales, mga smart TVs, libreng Wi-Fi, at libreng load sa Bayanihan SIM card. Dahil dito, handa na rin ang ating mga estudyante para makasabay sa makabagong paraan ng pag-aaral sa makabagong mundo.

Ang pinakamahalaga sa sistema ng edukasyon ay ang ating mga mahal na guro.

Asahan po ninyo na hindi gagawing sukatan ng galing ninyo o ng performance ninyo ang dami lamang ng estudyante na inyong ipinapasa. [applause] Kundi, ang dami ng mag-aaral na inyong pinapahusay at pinapataas ang ambisyon sa buhay. [applause]

Hindi tayo tumitigil maghanap ng mga paraan upang pagaanin kahit paano ang inyong pasanin sa araw-araw.

Nagdagdag tayo ng animnapung libong teaching item, at nakapagbigay pa ng trabaho para sa ating mga lisensyadong guro. [applause]

Tinanggal na natin ang halos isandaang dokumentong kailangan ninyong atupagin noon, na wala namang kinalaman sa inyong pagtuturo.

Gagawin na rin nating digital ang mga natitira pang papel na kailangan ninyong asikasuhin. Para puwede na ninyo itong gawin online – diretso na mula sa mga bago ninyong laptop. [applause]

At ngayong school year na ito, makakatanggap na kayo ng kabayaran para sa inyong teaching overload at para sa inyong overtime. [applause]

Napatunayan na nating mabisa ang Tech-Voc. Kaya, unti-unti nang pinapasok sa Senior High ang TVET ng TESDA.

Ibig sabihin nito, ang mag-aaral ng Senior High School pa lamang, makakapili na siya kung Bookkeeping, Agribusiness, Electrical, Graphic Design ang kanyang napupusuang larangan. [applause]

Diretso pagka-graduate, puwede na kaagad na maghanapbuhay kung gugustuhin, dahil para na rin siyang nakapag-aral sa TESDA at nakakuha ng NC II or NC III.

Kung tutungtong naman sa kolehiyo, nakahanda ang malaking pondo para sa pagtutustos sa libreng pampublikong edukasyon sa kolehiyo. [applause]
Pati na rin ang mga subsidy at financial assistance para sa mas higit pang nangangailangang estudyante.

Taon-taon, mahigit dalawang milyong estudyante ang nakakapag-aral ng libreng kolehiyo sa bansa. Mula umpisa ng Administrasyong ito, dinagdagan pa natin ng dalawang daan at animnapung libong estudyante ang nakinabang dito. [applause]

Sa susunod na taon, maglalaan pa rin tayo ng halos animnapung bilyong piso para sa libreng edukasyon sa pampublikong kolehiyo at sa TechVoc.

Dumami din ang nabigyan ng scholarships sa TESDA. Nito lamang 2024, higit pa sa dalawandaang libo ang nadagdag sa mga scholarships ng TechVoc.

Sa mga kasama naman sa Listahanan at 4Ps: itong susunod na tatlong taon, bibigyan natin nang mataas na prayoridad ang mga anak ninyong tutungtong sa kolehiyo.

Kitang-kita natin ang bunga ng mga programang ito. Napakataas ngayon ng bilang ng kabataan nating pumasok sa kolehiyo o sa TESDA. Pilipinas na ang pumapangalawa sa buong ASEAN sa dami ng mga kabataang pumasok sa kolehiyo at sa TechVoc. [applause]

Mas marami na rin ang nakakapagtapos.

Kaya mga magulang: sulitin na ninyo ang mga pagkakataong ito. Dahil hangad natin na sa lalong madaling panahon, ang bawat isang pamilya ay may anak na nakapagtapos ng kolehiyo o sa TESDA. [applause]

Kung kalidad lang din ang pag-uusapan, hindi nagpapahuli ang mga unibersidad at kolehiyo natin dito sa bansa. Mula sa dalawampu’t dalawa noong 2022, ngayon isandaan at labing-apat na sa kanila ay kinikilala sa buong mundo. [applause] Animnapu nito ay public school.

At bilang natatanging pagkilala, gagawaran natin ng Presidential Merit Scholarship ang mga high school graduate na makakakuha ng matataas na honor. [applause]

Walang humpay nating ipinapatupad ang mga programa sa pagsugpo sa kahirapan at patungkol sa kalusugan at nutrisyon ng mamamayan.

Tuloy-tuloy pa rin ang ating programang 4Ps. Hangad din natin na amyendahan ang batas ng 4Ps upang matiyak na talagang sapat ang panahon para maitaguyod ang kanilang paghihirap – maitaguyod sila, ang mga mahihirap.

Mula nang nagsimula itong Administrasyon, mahigit limang milyong kabahayan ang nagbenepisyo sa conditional cash grant ng 4Ps.

Mas maganda pa ang balita, na sa tatlong taon, halos isa’t kalahating milyong pamilya ang gumanda na ang buhay, kaya nakapag-graduate na sa program ng 4Ps. [applause]

Batid nating lahat ang mga kababayan natin na namumuhay sa lansangan. Sila ang pinakanangangailangan ng tulong ng pamahalaan.

Sa ating mga LGU, hanapin ninyong lahat – na ipasok silang lahat sa 4Ps at sa iba pang mga programa ng DSWD. Para naman maitaguyod natin sila at magsimula na ang kanilang paglakbay tungo sa pag-unlad ng kanilang buhay. [applause]

Sa ikalawang taon ng ating Walang Gutom program, mabibigyan ng tulong ang anim na raang libong pinakanangangailangang kabahayan sa kanilang nutrisyon. At sa 2027, dadamihan pa natin sa pitong daan at limampung libong kabahayan ang maaabot ng feeding program natin.

Ipinagpapatuloy ng DSWD at ng DepEd ang feeding program nila para sa mga daycare center at pampublikong paaralan, na nakapagbigay ng masustansyang pagkain at gatas sa mahigit tatlo’t kalahating milyong mag-aaral sa buong bansa. [applause]

Dahil alam naman natin, basta’t may laman ang tiyan, may laman ang isipan.

Kung papalawigin pa natin ang mga programang ito, sa susunod na taon, sa tulong ng karagdagang isang bilyong pisong pondo, pararamihin pa ng DSWD ang bilang ng mga batang mabibigyan ng masustansyang pagkain. [applause]

Sa kabilang banda naman, nakikita natin ang sobrang pagtaas naman ng timbang ng ating mga kababayang edad dalawampu at pataas. Kaya, sikapin nating maging mas aktibo ang ating pamumuhay araw-araw.

Ipalaganap natin ang mga pagsasagawa ng mga palaro, ng mga paliga, fun run, fun walk, pati mga aerobics, pa-zumba.

Para sa mga LGU, buksan at gawing maaliwalas ang mga park at mga plaza natin, kung saan makakapag-ensayo ang ating mga mamamayan, bata man o matanda. [applause]

Magpatupad tayo ng mga “Car-Free Sundays”, tulad ng ginagawa sa ilang lungsod na dito sa Metro Manila, sa Baguio, sa Cebu, pati sa Iloilo, at Davao.

Bilang pagsuporta rito, simula ngayon, bubuksan ng Philippine Sports Commission sa publiko ang kanilang mga track and field oval sa Pasig, Maynila, at Baguio, [applause] upang makapag-jogging na kayo nang libre.

Magbubuhos tayo ng todo-suporta sa mga palaro at mga atleta sa buong bansa. Halimbawa, ang Palarong Pambansa, at ang Batang Pinoy Games na gaganapin sa General Santos City ngayong Oktubre. [applause]

Bubuo tayo ng bagong pambansang programa para sa sports development. Uumpisahan natin ito sa paaralan pa lamang. Ibabalik natin ang mga sports club at magsasagawa tayo ng mga palaro at intrams sa lahat ng pampublikong paaralan.

Naririyan ang ating Philippine Sports Commission at saka ang PAGCOR upang tiyakin ang patuloy na pagtaguyod at pagsuporta sa ating mga programang pampalakasan ng mga atleta sa buong bansa. [applause]

Dahil sa mga ito, ang ating kabataan ay maagang namumulat sa isports, humuhusay, at tumataas ang kumpiyansa. Sumusunod sila sa yapak ng ating mga kampeon at world-class na athlete: tulad ni Senator Manny Pacquiao, [applause] ni Hidilyn Diaz, [applause] ni Caloy Yulo, [applause] Aira Villegas, Nesthy Petecio, EJ Obiena, Alex Eala; ang paralympians natin na sina Jerrold Mangliwan, Cendy Asusano, Angel Mae Otom, at Ernie Gawilan. [applause]

Isama na rin natin ‘yung bago nating kampeon si PNP Chief Nic Torre. [cheers and applause] Nagulat si Chief PNP.

At siyempre, pati pa ang ating kampeon sa Asian Winter Games- Philippine Men’s Curling Team. [applause]

Akalain mo nga naman: walang winter dito sa Pilipinas, napatunayan pa rin natin na kaya nating maging kampeon sa Winter Games.

Kilalanin natin ang mga atleta na umani ng karangalan para sa Pilipinas:

Hindi lamang sila nakapaghatid ng kasiyahan sa buong sambayanan. Pinalakas pa nila ang ating pagmamahal sa bayan, at lalo pang pinatingkad ang dangal ng bawat Pilipino. [applause]

Dito sa atin, mahal magkasakit. Mahal ang gamot. Kulang ang pagamutan. Walang doktor; lalo na sa mga liblib na mga bayan.

Kaya mula nang nagsimula ang Administrasyon, ito ang tinutukan natin, kasama ng edukasyon at pagsugpo sa kahirapan.

Sa loob ng tatlong taon, pinarami natin ang mga pampublikong ospital at specialty centers. Nariyan na rin ang limampu’t tatlong BUCAS centers sa tatlumpu’t dalawang lalawigan sa bansa. May libreng check-up, x-ray, lab tests, at iba pa. Ito ay para sa agarang serbisyong outpatient na hindi na kailangang magpa-confine pa sa ospital.

Asahan ninyo, marami pa ang ating bubuksan na BUCAS. [applause]

At nasisiyahan ako na makapag-report na sa kauna-unahang pagkakataon, ang bawat bayan po sa Pilipinas ngayon ay may doktor. [applause]
Mayroon nang magiging tagapag-alaga – mayroon ng tagapag-alaga ng kalusugan ng mamamayan sa inyong lugar.

Lahat po tayo ay miyembro ng PhilHealth.

Pinataas at pinaganda na rin natin ang mga benepisyo. Lalo na para sa mga karamdaman na laganap dito sa ating bansa.

Kapag kayo po o ang inyong kapamilya ay may sakit sa puso, huwag po kayong mag-alala. Covered na po sa PhilHealth ang pagpapagamot ninyo para sa atake sa puso, sa open-heart surgery, heart valve repair o sa replacement. [applause]

At may Cancer Assistance Fund po tayo, pandagdag para sa pagpapagamot ng mga cancer patient natin. May pondo rin para sa bakuna laban sa human papilloma virus na nagiging sanhi ng maraming klase ng kanser.

Para naman sa ibang klase ng kanser na hindi sakop ng PhilHealth, mayroon po din tayong nilaang isang bilyon at pitong daang milyong piso para pambili ng mga kinakailangang gamot para sa ating mga pasyente. [applause]

Sa mga nagda-dialysis: Ang mga sessions ninyo na tatlong beses sa isang linggo, libre na sa buong taon. [applause] Libre na rin po pati ang mga kinakailangang mga gamot.

Kung kakailanganin man ng kidney transplant, inakyat na natin ang limit hanggang dalawang milyon at isandaang libong piso mula sa dating anim na raang libong piso. [applause]

At ngayong taon, covered na rin ng PhilHealth ang mga serbisyo at gamot pagkatapos ng operasyon ng kidney transplant.

Kung kailangan talaga na magpa-transplant, huwag po kayong matakot sa gastos dahil sagot na ng PhilHealth. [applause]

At kung magkakasakit nang malubhang dengue ang inyong anak, itinaas po natin sa apatnapu’t pitong libong piso ang sagot ng PhilHealth. Ang pagtatanggal ng katarata ay inakyat na rin ang limit sa isandaan walumpu’t pitong libong piso mula labing-anim na libong piso. [applause]

Pati ang mga sari-saring serbisyong outpatient, kasama rin po ngayon [sa] PhilHealth. Kapag may kailangan kayong dalhin sa emergency, huwag po kayong mag-atubiling itakbo sa ospital. Covered na rin po ‘yan ng PhilHealth. [applause]

Kapag lumabo ang mata ng inyong anak, at kailangang magpasukat ng grado – pati na rin ang pagpapagamot nila laban sa malnutrisyon – ito rin ay covered na rin ng PhilHealth. [applause]

At para sa mga PWD, sakop na rin ng PhilHealth ang inyong therapy at rehabilitasyon, pati na rin ang mga mahahalagang kagamitang pangsuporta para sa inyo.

Pinabibilis pa natin ang proseso ng pagbayad ng PhilHealth sa mga ospital at mga klinika, para naman siguradong maayos at hindi naaantala ang kanilang serbisyo sa mga pasyente. [applause]

Maaasahan pa rin ng mga pasyente ang Medical Assistance Program kung kulang ang pambayad sa ospital. Mula pumasok ang Administrasyong ito, nakapaghatid ito ng tulong sa higit labing-isa’t kalahating milyong Pilipino.

Higit sa lahat, padadaliin pa natin ang proseso ng medical assistance dahil ipapasok na po ito sa ating eGov app. [applause]

Mga kababayan: asahan po ninyo, ginagawa nating lahat para matulungan kayo na makapagpagaling at lumakas.

Ngunit batid natin ang mga realidad sa mga pampublikong ospital. Kanya-kanya ang bili ng medical supply; kanya-kanyang lakad ng medical assistance para sa bill na hindi kayang bayaran.

Kaya, sa lahat ng aking binanggit na mga haligi na naitaguyod na natin – ang bahaging sasagutin ng PhilHealth; ang sari-saring pondo ng pamahalaan para sa medical assistance, kagaya ng MAIFIP, PCSO, at PAGCOR; at ang karagdagang pondo na ibibigay pa natin sa mga DOH hospital, areglado na ang lahat sa ospital pa lang. Wala nang kailangan pang puntahan o lapitan pa. [applause]

Ito po – itinuloy na po natin ang zero balance billing. Libre po. [applause and cheers]

Ibig sabihin, ang serbisyo sa basic accommodation sa ating mga DOH na ospital wala nang babayaran ang pasyente dahil bayad na ang bill ninyo. [applause] Uulitin ko, wala nang kailangan bayaran ang pasyente basta sa DOH hospital dahil bayad na po ang bill ninyo. [applause]

Asahan ninyo, magpapatuloy ang malawakang programang pang-imprastraktura ng Administrasyon.

Ang mga naglalakihang proyekto ay nakalatag sa buong kapuluan. Mga daan, tulay, tren, paliparan, pantalan, patubig, at murang pabahay.
Ilan dito, matatapos ngayong Administrasyon na ito. Ang iba naman, makukumpleto pa at mararamdaman ang dalang ginhawa pagkatapos pa ng aking termino.

Nagpupundar po kasi tayo para sa kinabukasan. We are not building only for today, we are building also for tomorrow. [applause]

Habang ginagawa ang ating mga tren tulad ng North-South Commuter Railway at ang ating Subway, patuloy din ang pagpapaganda natin sa serbisyo ng MRT at saka LRT.

Ang dating dalawampung porsyentong diskuwento sa LRT at MRT para sa PWD, sa senior, at sa estudyante, ay itinaas na natin sa limampung porsyento na diskuwento. [applause]

Mayroon na po tayong 1+3 Pamilya Pass. Ito ay tuwing Linggo, para naman may kaunti pang matitipid ang pamilya sa kanilang pamamasyal at sa kanilang pagsimba.

Ang tinatawag na Dalian na mga tren, na binili noon pang 2014 at hindi pa nagamit, ay sinimulan na nating mapaganda at mapatakbo sa MRT. [applause]

Halos singkwentang dagdag na karwahe ang natengga ng sampung taon.

Sayang ‘yung pera.

Sayang ‘yung isang buong dekada.

Pero ngayon, naayos na natin. Ang tatlong bagon ay nagagamit na ngayon. Asahan ninyo, ang ilan sa apatnapu’t lima ay magagamit na rin natin bago matapos ang taong ito; at ang iba pa ay susunod sa susunod na mga taon. [applause]

Magtatanong ako sa iba sa inyo, naaalala pa ba ninyo ‘yung tinatawag nating “Love Bus”? Ito ‘yung popular na pampublikong bus sa Metro Manila na sinimulan noong 1970s.

Ngayon, hindi lang natin ibabalik ang Love Bus, gagawin pa natin itong libre. [applause]

Pauna pa lamang – pilot testing pa lamang ‘yung nasa Davao at sa Cebu. Susundan pa ito ng ibang mga lugar sa Visayas at sa Mindanao. [applause]

Bago matapos ang taon, magsisimula na ang Bataan-Cavite Interlink Bridge. Ang tulay na ito ay tatlumpu’t dalawang kilometro ang haba, [applause] na tumatawid ng Manila Bay.

Kung ang biyahe ngayon mula Mariveles hanggang Naic ay umaabot ng limang oras, balang araw ito ay magiging apatnapu’t limang minuto na lamang. [applause]

Ang mga riles ng PNR Bicol Line na sinira ng bagyong Kristine ay unti-unti nating pinatitibay at naaayos na, kasama ang Binahan Bridge.

Hindi magtatagal, madadagdagan pa ang haba ng linya na nito, at aabot na sa Ragay, Camarines Sur hanggang Tagkawayan, Quezon. [applause]

Magiging malaking tulong ito sa ating motoristang nagdadaan sa malubhang trapik mula Quezon hanggang sa Bicol.

Sa 2026, inaasahang magbubukas na sa motorista ang bahagi ng extension ng SLEX mula Sto. Tomas, Batangas hanggang Tiaong, Quezon. [applause]

Kapag natapos ang buong proyekto, ang dating apat na oras na biyahe, magiging isang oras na lang. [applause]

Kaya inaatasan ko ang DOTr at DPWH na bantayang mabuti ang mga proyekto sa kahabaan ng Quezon patulak ng Bicol, at tiyaking tama ang kalidad, matibay, at nasa takdang oras ang pagtatapos. [applause]

Ang Nalil-Sikkiat Bridge, na una sa tatlong mahahalagang tulay na ginagawa ngayon sa Tawi-Tawi, nabuksan na. Sa susunod na taon, ang tulay sa Malassa-Lupa Pula ay matatapos na rin.

Higit sa lahat, kung may Luzon Spine Expressway Network program, mayroon din naman tayong Mindanao Transport Connectivity Improvement Project. [applause]

Sa proyektong ito, aayusin natin ang mga pangunahing daan na nag-uugnay sa Cagayan de Oro, sa Davao, General Santos, na may haba na apat na raan at dalawampu’t walong kilometro. [applause]

Ang rehabilitasyon ng Tulay ng Guadalupe ay sukdulan na ring kinakailangan. Nasa Senado pa ako ay pinag-uusapan na ito. Hindi ko papayagang tumawid pa ito sa susunod na Administrasyon. Kaligtasan na ng publiko ang nakataya. [applause]

Hindi po isasara ang Guadalupe Bridge. Gagawa muna tayo ng detour bridge sa magkabilang gilid bilang pansamantalang daanan. Kapag nagawa na at nabuksan na ang detour bridge na ito, doon pa lamang sisimulan ang trabaho sa main bridge. [applause]

At sa kabila ng mga higanteng tulay na ito, huwag nating kaliligtaan ang mga hanging bridge sa iba’t ibang lugar sa ating bansa.

Mahalaga ang mga ito sa pang-araw-araw na buhay ng publiko, lalo ‘yung mga guro at ang ating mga estudyante.

Ilan ang nabalitaan kong insidente nang pagbagsak ng mga tulay na ganito. Halimbawa, iyong nangyari sa Midsalip, Zamboanga del Sur, at sa iba pang mga lugar, Kawawa naman ang mga kababayan nating walang kamalay-malay na nabiktima at nasaktan, na pawang mga batang mag-aaral at kanilang mga guro.

Sa DILG, DPWH, at OPAPRU, puntahan ninyong lahat ang mga ito at suriing mabuti ang kundisyon. Sa tulong ng PAMANA at iba pang mga programa, ayusin at kumpunihin natin agad lahat sila.

Sa mga proyekto, hindi natin papayagan at palalampasin ang mga katiwalian sa pangangasiwa;
Ang kapalpakan sa pagdisenyo at sa pagkakagawa;

Ang mababang kalidad at marupok na materyales;

Ang pagkaantala ng proyekto;

at ang kapabayaan sa tamang pagmentina at pagkumpuni.

Halimbawa, sa Cabagan-Sta. Maria bridge sa Isabela na sinimulan noong 2014.

Ginastusan ng taumbayan ng isang bilyon.

Sampung taong tinayo. Noong buksan, ilang araw pa lang, giba na agad.

Napakamahal.

Ang tagal ginawa.

Ang bilis nasira.

San Juanico bridge naman: limampung taon na, nakatayo pa rin hanggang ngayon. Ganoon siya katibay. Ngunit nakaligtaan naman ang wastong pagmentina at pagkumpuni sa pagdaan ng mga dekada. Nalagay pa tuloy sa panganib ang publiko.
Hindi po dapat ganito.

Sa Build Better More, higit ang kapakanan at kaligtasan ng mamamayan ang napakamahalaga. [applause]

At ang mga proyekto, tama dapat ang disenyo. Mataas dapat ang kalidad. Natatapos sa takdang oras. At naaalagaan at namementina nang mabuti.

Napakahalaga ng internet sa ating pagtahak patungo sa Bagong Pilipinas.

Kaya nitong padaliin at baguhin ang pamumuhay ng ating mga mamamayan. Hindi lang ito para sa may kaya, o para lamang sa mga bata. Ito ay kailangan na ng lahat.

Natapos na ang Phases 1, 2, at saka 3 ng ating National Fiber Backbone project, na magpapalakas at magpapabilis sa ating internet.

Kasabay nito, patuloy pa nating pinalalawig ang libreng Wi-Fi sa buong bansa.

Noong Hunyo 2022, mga apat na libong Free Wi-Fi sites lang ang mayroon tayo. Ngayon, halos labingsiyam na libo ang Free Wi-Fi sites sa buong bansa. [applause]

Ngayong taon din, nagsimula na tayong mamigay ng mahigit isang milyon na SIM card na may libreng data para sa ating mga eskuwelahan, lalo na sa mga nasa liblib na pook. At dahil pinaganda at pinabilis natin, dadami pa ang mga bagong torre at cell sites sa mga GIDAS.

Ngunit kulang pa rin ang mga ito.

Halos labindalawang libong pampublikong paaralan pa ang walang internet.

Kaya sinisiguro ng DICT at ng DepEd na bago matapos ang taong ito, magkakaroon na ng koneksyon ng internet ang lahat ng pampublikong paaralan. [applause]

Mula nang inilunsad ito noong 2023, ang eGov app ay nagana, nagagamit, at napapakinabangan ng ating taumbayan. Patuloy pang dumarami ang serbisyong tiyak na praktikal sa bawat Pilipino.

Ngayon, mahigit apatnapung serbisyo ng pamahalaan, kasama na ang mga LGUs, ang nasa eGov app.

Gamit ang app, maaari nang gawin at ayusin ang sari-saring mga serbisyo at proseso ng pamahalaan na dati ay pinipilahan pa natin ng ora-orada.

Ang renewal ng driver’s license;

Para sa PhilHealth, para sa Pag-IBIG, para sa GSIS;

Iyong mga dokumento na kailangan ng ating mga OFWs;

Sa Immigration at Customs sa declaration sa airport;

Kahit ang paggawa ng bio-data hanggang paghahanap ng trabaho;

Mga government IDs natin, kasama na ang National ID;

At marami pang iba.

Hindi magtatagal, magkakaroon na rin para sa:

NBI Clearance; BEEP card para sa MRT at saka LRT; at eTIN galing naman sa BIR.

Kaya i-download ninyo na po ang eGov app. Sa pinagsama-samang serbisyo sa isang mobile app, ang pamahalaan ay talagang mas malapit na, at nasa inyo ng mga kamay. [applause]

Sa LTO, alam kong tapos ninyo ang paghahabol sa paggawa ng mga plaka ng motor na nabinbin mula pa noong 2014. Labing-isang taon.

Mula ngayon, gawin ninyo ang lahat ng makakaya upang hindi na uli magkaroon ng backlog sa plaka.

Dahil kailangang bumawi sa publiko, tiyakin din ninyo na mailalabas na ang rehistro at ang plaka ng bagong sasakyan sa loob ng naipangako ninyong tatlong araw. [applause]

Ang kapayapaan ay mahalagang pundasyon ng Bagong Pilipinas, kaya pinapatatag natin ito kasabay ng ating pag-unlad.

Patuloy tayo sa pagpapatibay ng ating Kapulisan at Sandatahang Lakas. Ang mga armamento, sasakyang pandigma, at sandata ng ating Kapulisan at Sandatahang Lakas ay patuloy na nadaragdagan, angkop sa layuning modernisasyon at komprehensibong pagtatanggol ng ating mga kapuluan.

Ang libo-libong mga nag-alsa dati laban sa pamahalaan, nagbagong-buhay na at nagbabalik-loob na. Tinataguyod natin kasama ang kanilang pamilya. Katuwang ang pribadong sektor, pinapaunlad din natin ang kanilang pamayanan, at naglalatag tayo ng mga daan, patubig, at marangal na hanapbuhay.

Bukod sa programang panghanapbuhay, nagpagawa tayo ng mga health stations, mga silid-aralan, mga water systems, streetlights, na ngayo’y napakikinabangan ng mahigit labintatlong milyong Pilipino na ngayon ligtas na mula sa kaguluhan. [applause]

At sa wakas, wala na ring nalalabing grupong gerilya sa bansa. Titiyakin ng pamahalaan na wala nang mabubuo muli. [applause]

Magkakasangga ngayon ang AFP, PNP, at mga dating rebelde sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa BARMM.

Kaya naman, ang lipunan natin ngayon ay mas mapayapa. Mas mapangalaga rin sa karapatang-pantao, anuman ang edad, kasarian, kundisyon, o pangkat. [applause]

Ngunit, kahit pa sinasabing bumababa ang antas ng krimen sa bansa, walang ibang magpapalubag ng pangamba at pagkabahala, lalo na sa ating mga biktima mismo ng kriminalidad.

Kaya, ang puwersa ng ating Kapulisan ay nagbabantay at rumuronda para nararamdaman ng taumbayan. Sila ay reresponde sa tawag ng tungkulin sa loob lamang ng limang minuto. [applause]

Nagtutulungan ang buong pamahalaan para lutasin ang mga kaso ng mga nawawala dahil sa walang pakundangang kagagawan ng mga sindikato sa likod ng madilim na mundo ng mga sabungan.

Hahabulin at pananagutin natin ang mga utak at mga sangkot, sibilyan man o opisyal. [applause] Kahit malakas, mabigat, o mayaman, hindi sila mangingibabaw sa batas. [applause]

Higit sa lahat, ipararamdam natin sa mga salarin ang bigat ng parusa sa karumal-dumal na krimen na mga ito.

Sa mga isinagawang pagsakote sa mga bodega’t laboratoryo, at tangkang pagpasok, halos walumpu’t tatlong bilyong pisong halaga ng droga ang nakumpiska na. [applause]

Kamakailan lamang, may mga malalaking kargamento na nagkakahalaga ng bilyon-bilyon na nasabat natin sa Zambales, sa Pangasinan, sa Cagayan, Tondo, Muntinlupa, Ilocos Sur, Ilocos Norte, Cebu, Batangas, Rizal, at sa Cavite.

Noong isang buwan, personal kong sinaksihan ang pagsira ng halos isa’t kalahating tonelada ng shabu at iba’t ibang klase pa ng iligal na droga. [applause]

Sa lahat ng mga operasyon na ito, mahigit isandaan at limampu’t tatlong libo ang naaresto. Mahigit siyam na libo at anim na raan sa kanila ay high-value target.

Ang pinakamasaklap, mahigit anim na raan at pitumpu’t pito sa kanila ay kawani ng pamahalaan: mahigit isandaan ay halal na opisyal; mahigit limampu ay pulis.

Sa tatlong taon lamang, halos mapantayan na ang kabuuang huli noong nakaraang Administrasyon. [applause]

Sa kabila ng mga ito, tila nagbabalikan daw ang mga pusher.

Kaya, patuloy ang ating mga operasyon laban sa mga drug dealer, sila man ay big-time o small-time.

Ngayon, masasabi natin na mataas na ang tingin ng buong mundo sa Pilipinas.

Dahil maayos, patas, at mahinahon tayong nakikitungo sa iba’t ibang mga bansa.

Tumutupad din tayo sa ating mga kasunduan, at sa mga batas at panuntunan ng pandaigdig na komunidad.

Nagpapasalamat tayo sa ating mga magigiting na OFW. Dahil sa kanila, naipamamalas ang angking galing, kabutihan, at puso ng Pilipino-sa lahat ng sulok ng daigdig.

Sa harap ng mga bagong banta sa ating kapayapaan at soberanya, mas maigting ngayon ang ating paghahanda, pagmamatyag, at pagtatanggol sa ating sarili.

Gayumpaman, tayo pa rin ay nagtitimpi at nananatiling mapagpasensya, lalo na sa pagtanod sa ating buong kapuluan at sa pangangalaga sa ating interes.

Subalit ngayon, mas mataas pa ang ating kumpiyansa dahil mas marami na tayong mga kasangga, na magiging kabalikat natin sa oras ng matinding pangangailangan.

Then as now, our foreign policy remains the same: the Philippines is a friend to all. The Philippines is an enemy to none.
That will be our main focus as we, the Philippines, host the ASEAN Summit in 2026. [applause]

Para sa ating mga Pilipino: malayo man, malapit din.

Kasing-sidhi ang paglingap natin sa ating mga kababayang nasa ibang bansa, lalo na ang nasa panganib at nagdadaan sa matinding pagsubok.

Hindi po biro at sadyang mapanganib ang hanapbuhay ng ating tripulante. Ang trahedya na sinapit nila sa kamay ng mga rebeldeng Houthi ay isang halimbawa.

Matapos ang mahigit apat na raang araw, ang mga kababayan natin na binihag ng rebeldeng Houthi ay pinalaya na rin, dala ng ating pakikipagtulungan sa Sultanate of Oman.

Gayundin, dahil sa ating masigasig na pakikipag-ugnayan, sa loob ng tatlong taon, nagawaran ng kapatawaran ang mahigit anim na raang kababayan nating nahatulan, dahil sa sari-saring paglabag sa batas sa ibang bansa, lalo na sa UAE, sa Qatar, sa Bahrain, at sa iba pa. [applause]

For their crucial and most beneficent sovereign interventions, I personally convey the entire nation’s sincerest gratitude to the Sultanate of Oman, the United Arab Emirates, the State of Qatar, the Kingdom of Bahrain, the State of Kuwait, and to all the leaders of various countries that have granted clemency and have shown kindness to our beleaguered compatriots. Maraming, maraming salamat po. Thank you very, very much. [applause and cheers]

Masigasig din ang ating paghahanda at pagmamatyag laban sa banta ng sakuna at kalamidad, lalo na sa bagong normal at nagbabagong klima na bugso ng panahon.

Ngayong Hulyo, apat na bagyo na ang dumaan sa atin. Sabi ng PAGASA, mga labing-dalawa pa ang nagbabantang papasok sa bansa hanggang Disyembre.

Sa dalawampu’t apat nating aktibong bulkan sa bansa, apat ang kasalukuyang nag-aalboroto, lalo na ang Kanlaon sa Negros.

Hindi tayo dapat tumigil sa ating mga ginagawang paghahanda, dahil ang banta ay patuloy na naririyan. Dapat ay maging likas at “automatic na” ang mga wastong gawi sa tuwing may sakuna.

Dahil sunod-sunod ang mga sakuna, lalo na ang bagyo, mahalagang itanim ang prinsipyo ng continuous improvement, kung saan tayo ay natututo [at] palaging humuhusay sa bawat karanasan. Nareremdyuhan kung saan tayo nagkulang, at saan natin dapat galingan pa.

Kasama ng mga mahahalagang imprastraktura, dadagdagan pa natin ang mga makabagong evacuation centers na ating naipatayo na. Hindi na dapat pang gamitin bilang evacuation center ang ating mga paaralan. [applause]

Ginagamit na natin ngayon ang mga makabagong teknolohiya lalo na sa maaga at mabisang prediksyon. Mga doppler radar, broadband seismic stations, landslide sensor systems ng PAGASA at saka PHIVOLCS, sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Sa epektibong pagsasaklolo, nakakatulong ang mga Mobile Command and Control Vehicles ng DOST, na ipinamahagi natin sa labing-isang LGUs sa buong bansa.

Sa ating mga kababayan: hindi magtatagumpay ang anumang paghahanda natin kung wala ang tulong po ninyo.

Hiling din namin ang inyong kooperasyon, inyong disiplina, pagmamatyag, at bayanihan bilang responsableng mamamayan—

Kooperasyon sa mga malawakang ensayo, pagsunod sa mga babala at tagubilin, tulad ng agarang pag-likas at pag-iwas sa mga “danger zones”;

Disiplina, lalo na sa wastong pagtapon ng basura; [applause]

Pagmamatyag sa bawat oras, bawat araw: lalo na kapag may nagbabadyang hagupit ng panahon, sa pag-alam sa malapit na evacuation center, pakikinig sa totoong balita, at pagtalima sa mga alituntunin ng pamahalaan.

Higit sa lahat, bayanihan sa pagdadamayan at pagtutulungan, lalo na sa mga nasalanta nating kapwa.

Mahirap man, kailangan natin itong gawin. Kailangan natin magsakripisyo upang masiguro na nailayo natin sa kapahamakan ang ating mamamayan.

Dahil mahalaga ang bawat buhay ng Pilipino. [applause]

Kamakailan lamang, nag-inspeksyon ako sa naging epekto ng habagat, ng Bagyong Crising, Dante, at Emong. Kitang-kita ko na maraming proyekto para sa flood control ay palpak at gumuho [applause] at ‘yung iba guni-guni lang.

Huwag na po tayong magkunwari. Alam naman ng buong madla na nagkaka-racket sa mga proyekto. [applause and cheers]

Mga kickback, mga initiative, errata, SOP, for the boys. Kaya sa mga nakikipagsabwatan upang kunin ang pondo ng bayan at nakawin ang kinabukasan ng ating mga mamamayan, mahiya naman kayo sa inyong kapwa Pilipino! [applause and cheers]

Mahiya naman kayo sa mga kabahayan nating naanod o nalubog sa mga pagbaha!

Mahiya naman kayo lalo sa mga anak natin na magmamana sa mga utang na ginawa ninyo, na binulsa niyo lang ang pera. [applause and cheers]

[Crowd:BBM! BBM! BBM! BBM! BBM! BBM!]]

Para hindi na maulit. So, that this will not happen again. First, the DPWH will immediately submit to me a list of all flood control projects from every region that were started or completed in the last three years. [applause and cheers]

Second, the Regional Project Monitoring Committee shall examine that list of projects and give a report on those that have been failures, those that were not finished, and those that are alleged to be ghost projects. [applause and cheers]

And third, we will publish this list. [applause and cheers]

Isasapubliko natin ang listahang ito. Kaya ang publiko na saksi sa mga proyektong ito ay malayang suriin ang listahan at magbahagi ng kanilang nalalaman para makatulong sa ating imbestigasyon. [applause]

At the same time, there will be an audit and performance review regarding these projects to check and make sure and to know how your money was spent. [applause and cheers]

Sa mga susunod na buwan, makakasuhan ang lahat ng mga lalabas na may sala mula sa imbestigasyon. Pati na ang mga kasabwat na kontratista sa buong bansa. [applause and cheers]

Kailangan malaman ng taong-bayan ang buong katotohanan. Kailangang may managot sa naging matinding pinsala at katiwalian. [applause and cheers]

Therefore, for the 2026 National Budget, I will return any proposed General Appropriations Bill that is not fully aligned with the National Expenditure Program. [applause and cheers]

And further, I am willing to do this even if we end up with a reenacted budget. [applause]

Hindi ko aaprubahan ang kahit anong budget na hindi alinsunod sa plano ng gobyerno para sa sambayanang Pilipino. [applause]

Mga kababayan, sa paghantong natin sa kalahati ng termino ng administrasyon, susuong tayo sa susunod na tatlong taon.

Dala-dala sa aking puso ang mga leksyon na natutunan ko mismo mula sa inyo. Ito ang nagbibigay sa akin ng bago at pinag-ibayong gana sa trabaho, sigla sa serbisyo, at dedikasyon sa Pilipino. [applause and cheers]

Huwag nating hayaang malihis ang ating pagtuon at pagtahak sa landas ng kaunlaran dahil nasa abot-tanaw na natin ito. Ito ang ating dapat na pagtulungan. Ito ang ating dapat na pinagtutuunan.

At kayang-kaya natin itong marating at maisakatuparan.

Sa wika ng ating bayani: “Only he, who, from whatever position he occupies, whether high or low, strives for the greatest good possible for his fellowmen, possesses true patriotism.”

Alam po natin sa ating puso kung ano ang tama, kung ano ang mali. Kung ano ang mas mahalaga at mas makakabuti sa sarili, sa pamilya, at sa ating bayan.

Sa mga matitinding hamon na binabato at hinaharang ng ating mundo ngayon, nasa likod ninyo ang pamahalaan.

At huwag tayong matakot. Huwag tayong titiklop. Huwag tayong mawawalan ng pag-asa. Dahil ang Pilipino ay likas na matapang, magaling, masipag, matibay, at mabuti. [applause and cheers]

Mga Kababayan, tayo ito. Tayo ang Bagong Pilipino.

Mabuhay po kayo! At magandang gabi po sa inyong lahat! [applause and cheers]

— END —