Speech

Remarks by President Ferdinand R. Marcos Jr. to the Filipino Community in Prague, Czech Republic


Maraming, maraming salamat. Naku, thank you po. Maraming, maraming salamat.

[magsiupo muna tayo.]

At dahil baka ganahan ako at medyo ilang oras itong speech ko na gagawin e. [laughter]

Papasalamat ako kay ating Kalihim of Foreign Affairs na si Secretary Ricky Manalo sa kanyang pagpakilala sa akin.

Nais kong ipakilala sa inyo ‘yung mga nakaupo rito sa stage na kasama namin, kasama naging formal delegation ng itong visit namin dito sa Czech. Nauna ang Germany, napunta muna kami sa Berlin, tapos tumuloy na kami dito sa Prague para— ‘yun na nga, makipagusap at makipagbisita para naman baka sakali mayroon tayong makuha rito na makakatulong doon sa amin.

Kaya’t papakilala ko po sa inyo ang ating Senate President, Senate President Migz Zubiri; [applause and cheers] at ang nasa tabi nandito, kasama rin natin ang Speaker ng House of Representatives natin, Speaker Martin Romualdez; [applause and cheers] at well nakilala niyo na ang ating Ambassador, nakilala niyo na si Secretary Ricky Manalo; papakilala ko, kasama rin naming ang isang Cabinet Secretary pa, the Secretary ng Department of Agriculture, Secretary Kiko Laurel, [applause and cheers] na meron po, kaya po siya kasama rito dahil alam niyo po, priority natin sa Pilipinas ang ayusin natin ang agrikultura.

Dahil naramdaman natin noong pandemiya na kung gaano kalaki ang problema, hindi natin masaahan na basta import lang tayo nang import ng lahat ng mga kailangan natin. At noong natigil ang pagbyahe eh nahirapan tayo sa atin.

Kaya’t ngayon ginagawa namin ang lahat kaya’t sinama ko si Secretary Kiko. Sinama ko siya para— eh kanina buong araw nasa bakahan siya eh, dairy farm, at saka cattle farm. Tinitignan niya kung ano ‘yun puwede para dito sa… baka ‘yung mga teknolohiya na puwedeng dalhin dito sa— dalhin sa Pilipinas.

At nandito naman, alam niyo po ang pinakabago na departamento sa Kabinete at sa executive department ay ang Department of Migrant Workers. At ‘yan po ay para sa inyo. Dahil ito ay bilang pagkakakilala at sa halaga ng ating mga OFW. At alam niyo naman po ay talaga naman kung hindi po sa inyo ay maraming beses na siguro ay— siguro baka lumubog na ang Pilipinas pero kayo ay nandiyan pa rin at hindi niyo kami— hindi— ramdam na ramdam namin na naiiwan sa Pilipinas, ramdam na ramdam namin ang sakripisyong ginagawa ninyo, ramdam na ramdam namin ang tuluyang pagmamahal ninyo sa bansa. Kaya’t gumawa po tayo ng Department of Migrant Workers. At ang representative po ngayon ay si Undersecretary Cacdac. [applause and cheers]

At siguro kumpletuhin ko na ang pagpakilala at papakilala ko po ang ating First Lady, [cheers] First Lady Liza Araneta-Marcos. [applause and cheers] Para kayong mga high school. [laughter and cheers]

Talagang pinoy eh ‘no, masyadong romantic. [laughter] Kaya gustong gusto tayo ng mga kaibigan natin na mga foreigner eh.

 Lahat lahat ng ating kasama.

[ay, I’m sorry. Nakatago ka kasi, I didn’t see you.]

Andito rin po ang kalihim ng Department of Trade and Industry, ito po si Secretary Fred Pascual. [applause and cheers] Siya ang— pagka mayroon pong proposal na ibinibigay sa atin ng mga korporasyon, ng mga ibang gobyerno, na nais nilang gawin sa Pilipinas ay siya ang nag-aayos niyan dahil trade and industry nga. So, nasa kanya lahat ng mga ‘yan.

Mayroon din tayong distinguished guest, nandito rin tayo— may kasabay tayong dalawang governor dito at kasama yata ni Secretary Kiko na tumingin sa mga baka. Andiyan po si Governor Rodito Albano ng Isabela po. [applause and cheers] At ang Governor po ng Tarlac, Governor Susan Yap. [applause and cheers] Kasama pa nila dito si Mayor Uy, ‘yung mayor niya, isa sa mayor niya sa Isabela. [applause]

At magandang gabi po sa inyong lahat. At maraming, maraming salamat sa napakainit niyong pagsalubong sa amin. Maraming salamat sa ‘yung mga nalayo na kahit malayo ay nagpumilit na makarating dito ngayong gabi at tayo ay makasama.

Mabuti naman at nakarating kayo para naman magkaroon ng kaunting saya at maramdaman ninyo ang— maramdaman ulit ninyo ‘yung parang tayo ay nasa Pilipinas.

Ito po ang ating mga opisyal na isinasama natin, ay kasama sa ating pamahalaan. Ay sila ay tumutulong at ginagawa ang lahat ng pangangailangan ng ating mga ginagawa dahil maraming pagbabago po.  Maraming pagbabago po mula noong  COVID  at iba na ang mundo, nag-iba talaga ang mundo.

Kaya naman ako, siguro nababalitaan ninyo ay ikot nang ikot at pumupunta kung saan-saan para sasabihin ay kailangan  magtulungan tayo.

Kaya’t napadpad kami na nga sa Berlin, kung saan  saan na kami napunta, at nandito kami ngayon sa Czech Republic.

Kasama rin sa aking delegasyon ang mga  miyembro ng pribadong sektor na nandidito para batiin kayong lahat.

Maraming salamat sa inyong lahat sa pagbibigay ng oras sa ating pagtitipon.

Marahil ang karamihan po sa inyo ay lumiban sa inyong mga trabaho upang makadalo. ‘Di bale kilalang kilala ninyo, babawi sa over time ‘yan.

Marahil ay mayroon din pong dumayo at tumawid mula sa ibang bahagi ng Europa para sa ating pagtitipon ngayon. Lubos ang aking pasasalamat sa inyong malugod na pagsalubong at pagsuporta sa amin. Hindi ko po ito malilimutan ang araw na ito, ang gabing ito na nakasama ko kayong lahat. [cheers]

Ang pangunahing pakay ng aking pagbisita sa Europa–itong bisita na ito ay  magpalago  ng  pakikitungo  ng  Pilipinas sa  mga  bansang  Germany  at  Czech  Republic at mapalawig ang ating kooperasyon sa iba’t ibang aspeto.

My dear countrymen, the Philippines wants to expand  our  frontiers  and  our  opportunities including and as far as  the  center  of  Europe.  This  is  the  reason we have traveled a great distance from Manila to learn about this country, to meet its government, its people, and get to know the wonderful Filipino community.

Minabuti ko pong pumunta sa Czech Republic upang matupad ang tatlong hangarin ng ating pamahalaan:

Una,  mapagtibay ang ating pakikipagkaibigan sa ating mga katuwang sa Europa upang masiguro  ang kapayapaan at pag-unlad; pangalawa, palawakin ang ating komersyo at kalakalan; at pangatlo maitaguyod ang kapakanan at kaligtasan ng mga manggagawang Pilipino dito sa Czech Republic.

Ayon sa mga layuning ito, nakipagkita ako sa mga lider ng Czech Republic – kina President Petr Pavel,  Prime  Minister  Petr  Fiala , at sa mga punong lupon ng kanilang mga mambabatas, Senate President Miloš Vystrčil  at  Speaker  of  the Chamber of Deputies–yung katumbas ng Speaker of Daos natin, Speaker  of  the Chamber of Deputies Markéta Pekarová Adamová.

Ang aking pagbisita sa Czech Republic ay isa ring pagkakataon para makapag-akit ng mas maraming trade at investment dito para sa bayan natin, para sa Pilipinas.

Maliit pa lamang ang komersyo natin sa bansang ito, ngunit naniniwala akong napakalaki ang potensyal nito.

At marami po kaming nakita na puwede pong makipagpartner dito sa Czech Republic dahil dati ang iniisip natin ‘yung Europe malayo sa Pilipinas ‘yan, hindi natin masyadong pinapansin, nasa Europe ‘yan hindi talaga kailangan.

Eh ngayon, iba na eh, may teknolohiya na. Ang teknolohiya parang balewala na ‘yung malayo. At iba na ‘yung mundo. Talaga naman ‘yung lahat ng tao, ‘yung nagtatrababo kung saan saan, pero nangunguna siguro diyan mga Pilipino. Pero ganoon na rin talaga, siguro gumaya na sa atin ‘yung mga ibang bansa at pumupunta na— naghahanap na ng trabaho dahil kagaya ng aking nasabi, hindi na ‘yung layo, ‘yung distansya ay hindi na naging importante. Kaya mo pa rin magtrabaho, kaya mo pa ring paminsan-minsan umuuwi na hindi kasing hirap kagaya ng dati.

Mayron din po kaming ginawa, yung parang–’yung tawag namin Business Forum. Mayron kaming Business Forum na ginawa kaninang umaga, kasama ko ang isang Philippine business delegation mula sa Electronic Manufacturing Services.

Ito po ‘yung gumagawa ng silicon chip. Dahil marami po tayong ineexport silicon chip, isa tayo sa pinakamalaking gumagawa ng silicon chip. Kaya’t kasama ko sila.

At saka ‘yung IT-Business Process Management. Ito po ‘yung call center. Sa iba-iba, sa iba’t ibang klase ng call center. Pero binabago, maraming pagbabago. Kaya’t tiningnan namin dito kung ano ‘yung puwedeng dalhin doon sa Pilipinas.

Hangad ko na marami tayong mahihikayat na mga negosyo at negosyante  at  kumpanya  ng  Czechia–ng Czech Republic na magpundar ng planta sa Pilipinas, o magtayo sa Pilipinas ng kanilang maintenance and repair operations hub.

‘Yun po ‘yung para sa mga eroplano. Medyo sumisikat tayo diyan sa ganyang klaseng trabaho na tayo…dinadala sa maynila ngayon. Gusto na mag-expand hanggang doon sa Clark.

At  gagawin nila— ginagawa nila ‘yung mga makina. Pag-maintain, pag-repair, mukhang magaling pala ang Pilipino diyaan. Kaya’t kahit saan ka… may mga airpot kung minsan pag maglalanding kami, makikita mo ang daming Pinoy na nagtatrabaho doon sa eroplano.

Kaya’t ‘yun ay susubukan nating paramihin pa.

Ipinaalam ko rin sa kanila ang atin interes na palaguin ang ating kooperasyon sa agrikultura, sa enerhiya, edukasyon, climate change and sustainability, transportasyon, pati sa kaalaman ng teknolohiyang panghimpapawid at pangkalawakan dahil magaling ang Czech Republic tungkol d’yan.

Ipinagmalaki ko ang Pilipinas bilang isang pangunahing destinasyon para sa turismo. Hangad  natin  na  mas  marami  pang  turista mula sa Czech Republic ang makabisita sa Pilipinas upang makita naman nila ang napakagandang mga isla sa ating bansa at maranasan naman nila ang mainit na pagtatanggap ng  mga  Pilipino sa ating mga bisita. Sana  po  ay  hikayatin  ninyo ang  inyong  mga  kaibigang  Czech  para  bumisita naman sila ng Pilipinas.

Mayroon nga kaming sinimulan na programa. Kapag magbalik-bayan kayo, ‘pag uuwi kayo, at bibisita kayo, pasko , may kasal o kung ano man, may graduation,  basta’t may event, magsama kayo ng tiga rito.

Para makita nila  na napakasaya sa Pilipinas at  maikwento nila sa mga kaibigan nila.  [applause]

Dahil alam naman natin, madaling ipagmalaki ang Pilipinas . Napakadali, napakaganda  ng mga— ng Pilipinas, at ibang klase ang Pinoy. Kaya’t hindi tayo— kahit ano pang mangyari hindi tayo mapapahiya.

Kaya’t dalhin niyo sila para maparami ang pupunta sa atin at  dadami at magiging mas aktibo ang ating tourism sector.

Nalaman ko mula sa mga lider ng bansang ito na tunay na hinahangaan at pinahahalagahan ng Czech Republic ang ating mga OFW at  sa  inyong   talento   at   talino sa iba’t-ibang larangan.

Dahilan dito’y nais pang mag-imbita ng Czech Republic ng mas maraming Overseas Filipino Workers upang punuin ang kanilang kakulangan sa kanilang manggagawa sa iba’t ibang industriya sa manufacturing, sa transportasyon, sa agrikultura, sa healthcare. At giniit ko sa pamahalaan ng Czech Republic ang kahalagahan ng proteksyon naman at seguridad ng ating mga OFWs.

Nabanggit nga ni Ambassador, dati ang tinatanggap ng Czech Republic ay limang libo na Pilipino kada taon. Ngayon, tinaas nila. Ang quota natin magiging 10,300 bawat taon. [applause]

At ipapaliwanag ko sa inyo kung bakit. Ang dahilan kung bakit tinaasan nila ‘yun, unang-una, syempre nangangailangan sila ng mga manggagawa.

Ngunit, bakit inuuna lagi ang Pilipino? Inuuna lagi ang Pilipino dahil kayo na nandito na ay nagpakita kayo ng inyong husay, ng inyong sipag, ng inyong galing. [applause and cheers]

Kaya naman— ginawa ninyong madali ang trabaho namin. At ‘pag sinasabi ko pa lang, ay hindi, ‘yung ang— basta Pinoy ‘yun ang pinaka unang gusto namin. ‘Yung iba, sige, puwede na rin pero kung puwede, Pinoy. [laughter]

Kaya’t… totoo ‘yan, totoo ‘yan. Hindi, hindi… kahit saan ako pumunta, hindi lamang dito sa Czech Republic, hindi lamang doon sa Germany, lahat ng puntahan ko. Pati ‘yung mga conference ng mga ASEAN, ng mga EU, mga European Union, pag nakausap ko ang mga leaders, lahat ang sinasabi, puwede kang magpadala pa ng tao rito.

Sa Saudi Arabia, sa UAE, lahat, sa Dubai. Lahat ganoon. Parepareho ang naririnig ko. At kaya nga ay bakit naman, bakit kaya ganoon? Dahil nga ang ganda ng inyong performance, kinahahangaan kayo ng inyong mga kasama. [applause]

At bukod pa sa paghahanga, ay napamahal na sa inyo. Dahil masyado raw mabait ang Pinoy. Eh sabi ko, eh alam ko naman ‘yun eh, totoo talaga ‘yan. Pero ngayon lang natutuklasan ng buong mundo kung ano ba talaga ang kultura ng Pinoy, ang ugali ng Pinoy na napakaganda.

Inimbitahan ko ang ating mga kaibigang Tseko na  lalong  pagtibayin  ang  kanilang  sistema para na protektahan ang karapatan at kapakanan ng ating mga OFWs at iba pang foreign workers dito sa bansa, sa pamamagitan ng pagtaguyod ng pormal na kasunduan sa labor.

Inatasan  ko  ang  ating  Department  of Migrant  Workers na  paigtingin ang  pakikipag-usap  sa  kanila at sa  mga kanilang katapat sa Ministry of Labor and Social Affairs upang  masiguro  ang  kaligtasan  at  kapakanan ng ating mga Filipino Nationals at ating mga Filipino Workers.

At nais kong ipaalam sa inyo na may matagumpay na nalagdaan ang DMW at [MPSV], ang Joint Communique kahapon sa Prague Castle. Upang itaguyod ang pormal na mekanismo na pagdadayalog sa larangan ng paggawa.

Ito ay malaking tulong sa atin, hindi lamang sa mga kababayan natin na nandito sa Czech Republic, kung di para sa ating mga kapwa Pilipino na nagnanais makarating sa bansang ito upang makapagtrabaho.

Nais kong parangalan ang ating mga kapwa Pilipino dito sa Czech Republic sa muli ninyong pagbangon mula sa pandemya. Alam kong naging isang malaking unos ito, lalo na sa mga overseas Filipinos. Hindi  lamang  dahil  sa  banta  nito  sa  pansariling kalusugan ngunit, sa di-sadyang pagkahiwalay natin sa ating mga minamahal sa buhay nang  ilang  taon  dahil  sa  mga  lockdown at mga limitasyon sa pagbiyahe.

Mula sa pag-asang babangon tayo muli pagkatapos ng pandemya, may magandang balita ang ating ibabahagi sa inyo.

Sa atin naman, ay ginagawa po naming lahat upang pagandahin ang ating— Pilipinas at ‘yung ating mga kababayan na naiwan sa Pilipinas ay lahat ng ating— nag-iisip kami, binabago namin ang ekonomiya, binabago namin ang gobyerno. Upang tayo naman ay handa.

Nagbago nga lahat eh kaya kailangan maghanda rin tayo, mag-adjust din tayo doon sa— ‘yung bagong ekonomiya na pagkatapos ng pandemiya.

Maipagmamalaki ko naman that according to our latest data, our GDP grew by 5.6%. Maganda ito kasi we have outpaced our other Asian neighbors like  China, Viet Nam, Malaysia.  It’s  proof  that  the Philippine economy is getting back on its feet again after reeling effects of the pandemic.

Bilang  pasasalamat  sa  patuloy  na  suporta ng ating mga overseas Filipinos sa Czech Republic, sa inyong pagsusumikap sa inyong mga trabaho para maiangat ang estado ng inyong mga pamilya sa Pilipinas, kasama na ang buong bansa, ako at ang ating mga kasamahan sa Gabinete ay patuloy na nagpupursigi na  i-ahon  ang  ating  bansa.  Ito  ang  pangako ng Bagong Pilipinas na aming inilunsad noong Enero.

This is my commitment: to provide our society with a principled, accountable, and dependable governance,   to   attain  better   future for all Filipinos.

Pinagbubuti  namin  ang  aming  serbisyo alang-alang po sa inyo, at alang-alang sa masaganang kinabukasan ng bawat isang Pilipino. At sa pagsapit ng 2025, hangad kong matupad ang pangarap natin na maging upper middle-income or high income economy.

Ipinapangako po sa inyo na sisikapin pa natin  na lalong pagandahin at palaguin ang ating ekonomiya dahil  ito  ay  karapatan  ng  bawat  Pilipino. At kayo, aking mga kababayan ay nagsisilbing inspirasyon. Kayo ang inspirasyon namin  ng mga taga-gobyerno upang ipagpatuloy ang aming ginagawa, ang aming trabaho .

Kaya po tayo narito sa Czech Republic para paigtingin ang pakikipag-ugnayan sa kanila sa larangan ng seguridad, kalakalan, at ekonomiya.

Muli, maraming, maraming salamat po sa inyong lahat sa inyong malaking ambag sa pag-angat ng ating minamahal na bansa.

Nawa’y   tayong   lahat   ay   sama-sama, kapit-bisig sa pag-unlad ng ating bansa.

Mabuhay! Mabuhay ang ating mga overseas workers!

[crowd: BBM! BBM!]

Mabuhay ang Bagong Pilipino!

Mabuhay ang Bagong Pilipinas!

Maraming, maraming salamat po at magandang gabi po sa inyong lahat. [applause]

–END–