Speech

Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Ceremonial Signing of the Memorandum of Agreement on the Kadiwa ng Pangulo


Event Memorandum of Agreement Signing: Establishment of KADIWA ng Pangulo
Location City of San Fernando, Pampanga

Maraming salamat sa ating DILG Secretary, Secretary Benhur Abalos sa iyong pagpakilala. [Please take your seats.]

Kasama din natin ngayon ang Speaker ng House of Representatives Speaker Martin Romualdez; nandito rin siyempre ang ating – the father of the province, ang ama ng probinsya ng Pampanga Gov. – well, dito mahaba ‘yung pangalan mo dito Governor Delta Pineda at ang ating Vice Governor, Vice Governor Nanay; ang mga beneficiaries ng iba’t ibang government assistance na ating ipinamimigay; ang ating mga kasamahan, mga kalihim na miyembro ng Gabinete ng ating administrasyon; my fellow workers in government; ladies and gentlemen and all distinguished guests, magandang tanghali po sa inyong lahat.

We gather here to mark a significant event — it is the signing of the Memorandum of Agreement for the KADIWA ng Pangulo with all LGUs.

We institutionalize the establishment of the KADIWA ng Pangulo now at the local level.

Nagsimula kasi ito ay iniisa-isa namin lalo na nag-umpisa kasi ‘yung KADIWA sa NCR. Kaya’t ginawa pa lang namin ‘yun ay nakipag-MOU sa mga local government sa bawat lungsod, bawat municipality, bawat bayan hangga’t dumami nang dumami at maraming nag-request na nagsasabi “puwede sana dito rin sa amin.”

Kaya’t ‘yan ang aming ginawa at sinabi namin imbes na isa-isahin pa natin eh gawin na nating buong bansa at hahanapan natin ng paraan para mapaabot ang mga iba’t ibang bilihin na nasa magandang presyo na kaya naman ng ating mga kababayan.

Ito’y pinagsama-sama. Nakita niyo po ito. Nandito po ang one, two, three, four, five, six Cabinet ministers na nandito para dito. Ito ‘yung aming tinatawag na whole-of-government approach dahil sa aming palagay ay lalo na ngayon medyo nagiging kumplikado na ang mga sistema ng ekonomiya, nagiging kumplikado na ang sistema ng lipunan ay hindi kakayanin at kulang ang pagresponde kung iisang departamento lamang.

Kaya’t lahat ng sa aming palagay ay makakatulong na bigyan at tugunan – bigyan ng solusyon ang mga iba’t ibang problema ay isinasama namin lahat ng iba’t ibang departamento. Kaya’t nakita po ninyo sa harap ngayon ay pumirma ay ang ating mga Cabinet secretary na silang lahat ay magtutulungan upang maging matagumpay itong ating programa ng KADIWA.

Ang programa ng KADIWA ay napakasimple lamang at tayo ay ginagawa natin ay pinalalapit natin sa magsasaka ang palengke. Kaya’t ‘yung mga middleman, ‘yung mga added cost ay binabawasan natin nang husto ‘yan. Sa ganyang paraan ay maipagbili natin ng presyo na mababa. Kaya’t sa labas nakita ko P70 na lang ang asukal. Iyon pa rin ‘yung ating hangarin na P20 na bigas ay wala pa tayo roon pero ginagawa natin ang lahat.

Ngayon para paramihin talaga ang KADIWA ang kailangan natin ay paramihin ang produksyon ng lahat ng mga agricultural commodities. Magsimula na tayo sa agricultural commodities dahil ‘yun ay pangangailangan ng taong-bayan upang mabuhay – ang sarili nila at ang kanilang mga pamilya.

Kaya’t iyon ang aming tinatrabaho sa DA at with all the attached agencies na tumutulong na palakihin, pagandahin ang produksyon natin ng bigas, ng mais, ng isda, at mabigyan na ng solusyon itong problema natin sa ASF, ang problema natin sa Avian flu. Nagkakaroon na ng bakuna para sa mga baboy para sa ASF. Pinag-aaralan pa, hindi pa nagroll-out ‘yung para sa mga manok. Pero palagay ko mukhang may parating na.

Kaya’t ‘yan ang aming pinag-aaralan para hindi naman namimiligro, hindi nagiging problema ang suplay ng pagkain dito sa atin. Kaya’t ‘yan po ang prinsipyo sa likod ng KADIWA, ng KADIWA program. Ang prinsipyo na lahat ng produkto na galing dito sa Pilipinas ay tutulungan natin, susuportahan natin.

Iyong mga mangingisda, naglalagay tayo ng cold storage sa tabing dagat para naman – ang taas masyado kasi ng spoilage ng ating isda. Hanggang 30 porsiyento – hanggang 20 hanggang 30 porsiyento nasisira lamang dahil walang cold storage. Naglalagay tayo ng cold storage para diyan.

Binabantayan natin nang mabuti ang mga fishing grounds na i-develop natin para dumami ang isda. Naibaba na natin ang presyo ng ilang produkto ngunit kailangan na ngayon natin tuloy-tuloy na ipababa at paramihin ang produksyon. Ngayon kung mayroon tayong sobra, mae-export na natin. Pero hindi basta-basta mage-export. Kailangan mai-package natin, kailangan competitive tayo kung mage-export tayo.

Kaya’t kailangan pag-aralan din natin iyon, ‘yung mga packaging, ‘yung mga marketing, kung papaano makipag-usap sa malalaking buyer, ‘yung mga malalaking supplier natin. Iyon ng kulang pa natin sa ngayon.

Kaya’t ‘yan ang aming patuloy na gagawin. Ito namang sa dito sa MOA na ito talagang pinaghahatian ng local government at saka national government ito. Hindi kaya gawin ng national government na maikalat lahat ng ating gustong ipadala na mga murang pagkain kung hindi ating kasama at ka-partner ang local government.

Kaya’t ito’y isa na namang magandang halimbawa para ipakita kung papaano ay pagka nagtutulungan, hindi lamang ang national government, hindi lamang ang mga iba’t ibang ahensiya, departamento ng national government, kundi pati na rin ang mga local governments ay diyan natin makikita na medyo makakatulong at magiging matagumpay ang ating mga pinaplano, ang ating mga ginagawang programa.

Iyan po ang aming ginagawa sa ngayon at asahan po ninyo hangga’t maaari ay palalakihin na nga natin ang produksyon, mananatili sa magandang presyo. At kailangan natin ng tulong ng lahat ng ating mga kababayan dahil hindi po kaya ng government lamang, ng national government lamang, local government lamang. Kailangan kasama rin natin diyan mga negosyante, kasama din natin bawat isang Pilipino na pare-pareho ang sinusundan na plano upang maramdaman naman natin na sumusulong at gumaganda ang ating ekonomiya.

Kaya’t iyan po ang magiging bunga nitong ating na-witness na pagpirma ng [MOA] sa gitna ng mga iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, iba’t ibang departamento ng gobyerno, at ang ating mga LGU. At sana ay ipatuloy natin ang pagsasamang ito at pagtutulungan na ito para makita naman natin na makapagbigay tayo nang kaunting ginhawa sa ating mga kababayan.

Maraming, maraming salamat po sa inyong lahat. Magandang tanghali po. [applause]

 

— END —

 

SOURCE: PCO-PND (Presidential News Desk)