Maraming, maraming, maraming salamat sa inyong napaka-init na pagsalubong dito sa amin ng Philippine delegation sa inyo rito ngayon sa Zurich.
Papasalamatan ko lang po ang ating Kalihim ng Department of Finance, ang nagpakilala sa atin, siya po ang namumuno ng ating economic team, upang ibalik at patibayin ulit ang ating ekonomiya sa Pilipinas.
Sa tulong ninyo, sa tulong ng lahat ng mga Pilipino, at siya po ay — kaya naman po maganda ang ating nagiging performance, eh sa kanilang ginagawang trabaho.
Ipapakilala ko po sa inyo lahat nung nandito kasama ko.
Alam niyo po, isa na — siguro ako na ‘yung pinakamapalad na presidente, lalong-lalo na ako ay baguhan pa ay nandiyan lagi na maaasahan kong makapagbigay ng gabay sa aming mga ginagawa na galing sa kanyang napakahabang karanasan sa pamahalaan, ang ating former president, former president GMA. [applause]
Andito rin po ang Speaker of the House, siya ang speaker ng House of Representatives natin ngayon, Speaker Martin Romualdez. [applause]Andito rin po ang ating Kalihim ng Department of [Transportation], Secretary Jimmy Bautista. [applause] Siya po ang ginagawa ngayon niya ay pinapaganda niya – siguro naririnig naman ninyo ‘yung mga problema supply chain problems kung tawagin sa buong mundo. Siya po, kasama ang Department of [Transportation], upang makapagbigay ng mga solusyon at pagandahin ang ating supply chains na nga, doon sa loob ng Pilipinas at kasama ng mga iba’t ibang bansa, karatig bansa ng Pilipinas.
At nandito rin po, siguro ito ‘yung magiging contact po ninyo. Siya po ang Kalihim ng pinakabagong departamento sa pamahalaan, siya po ay si Secretary Toots Ople of Department of Migrant Workers. [cheers and applause]
At nandito rin po ang ating isa pa sa ating economic team na siya ang namumuno ng NEDA, ‘yung National Economic Development Authority na nagpaplano para sa ating ekonomiya, Secretary Arse Balisacan. [applause]
Andiyan din po, kasama rin po natin ang ating senador. Kaya’t marami akong backup, kaya’t magandang marami kaming nagagawa dahil nandito rin, Senator Mark Villar. [applause]
At sa dulo, ay nandiyan po, ‘yan po ang ating Special Assistant to the President, si Secretary Anton Lagdameo. [applause] Pero kung minsan, ang pagpakilala sa kanya ay Mr. Dawn Zulueta. [cheers and applause]
At ang ating Chargé, maraming salamat sa iyong napakagandang pagsalita, Chargé Josephine Reynante; the Permanent Representative to the UN, Ambassador Evan Garcia; Ambassador-Designate to Switzerland Bernard Dy. [applause] At hindi ko kayang tapusin ‘to na hindi ako babati sa ating butihing First Lady, First Lady Liza Marcos. [cheers and applause]
Pero sino pa ba, sino pa ba? Mayroon pa ba? Tapos na, napakilala ko na lahat. Ayan po, ‘yung nandiyan na nagtatago, ‘yan po kilala naman ninyo, siya si Sandro, ‘yung aming anak na bagong congressman doon sa amin sa Ilocos Norte. [cheers and applause]
Sa inyo pong lahat, mga minamahal kong kababayan, maraming maraming salamat ulit sa napaka-init na salubong na ibinigay ninyo sa akin. Alam niyo po kung bakit namin ginagawa ito, dahil kami noong nakaraang halalan, nakaraang kampanya ay kayo naman ay kasama sa naging very active sa pagboboto, sa pagkampanya dito sa inyong lugar at binigyan niyo naman kami ni Inday Sara ng napakalaking boto kaya’t kailangan ay kami ay nagpupunta rito upang magpasalamat ulit. [applause]
Iniisip nga namin, paano tayo magpapasalamat nabigay na ‘yung boto sa atin, nasa ibang lugar sila. Sabi namin, sige ganitong gawin natin, bigyan natin sila nang matikman naman nila kung papaano ‘yung kampanya para — alam ko naman nagla-livestream kayo. Alam ko naman tinitingnan ninyo sa social media, pero iba ‘yung nandito na live na may konting palabas. [cheers and applause]
Kaya’t ang nangyari sa mga OFW, ‘yung mga pinupuntahan namin nabaliktad. Nauna ‘yung eleksyon bago ‘yung kampanya kaya’t para buuuin ko ‘yung pagkampanya. Huwag niyo pong kalimutan iboto si Marcos at saka si Duterte. [applause]
Maraming, maraming salamat po. Kami po ay galing sa Davos, may malaking… Bawat taon, mayroon diyan malaking komperensya at nandiyan ‘yung mga malalaking korporasyon, ‘yung mga boss nila.Mayroon kagaya ko na mga pangulo, mga prime minister, mga minister pumupunta rito upang pag-usapan ang ekonomiya.
Eh tayo naman sa Pilipinas ay dahan-dahan nating binubuksan ang ating ekonomiya, dahan-dahan tayo ay lumalahok muli sa tinatawag na global economy. Kaya’t kailangan eh magpakilala tayo muli. Ako pa naman, bagong halal. Hindi pa ako kilala, kailangan magpakilala, ipakita natin sa ating mga potential investors, ‘ika nga, na kung maari tingnan ninyo ‘yung Pilipinas, dahil binago na namin. Mas maganda ngayon sa Pilipinas.
At mayroon pa akong masasabi, alam niyo ba lahat ng nakausap ko hindi lamang Suwiso, kung hindi ‘yung lahat — kung saan-saan galing sila ‘yung mga delegado doon sa conference na pinuntahan ko.
Lahat sa kanila may magandang sinasabi: May kilala akong Pilipino; mayroon akong kasama sa opisina na Pilipino; mayroon ‘yung anak ko pinapalaki ng Pilipina; ‘yung — noong nagkasakit kami nung COVID, ang nag-alaga sa akin Pilipino; ang tumutulong sa amin Pilipino, 20 years na nga sa amin.
At laging napakaganda ang kanilang tingin ng mga Pinoy, ito’y dahil sa inyo, dahil sa inyong mga magandang ginagawa at dahil mga ambassador kayong lahat ng Pilipinas at pinapaganda ninyo ang imahe ng Pilipinas sa buong mundo.
Eh tayo, medyo tahimik lang tayong mga Pilipino, sige lang trabaho lang, sipag lang. Hindi naman tayo naghahanap ng — hindi tayo naghahanap ng gulo. Eh lagi namang ano…
Tapos ang tawag sa mga Pilipino, the queen and king of overtime, mga Pinoy. Ang sisipag. Kaya bilib silang lahat. Kaya talaga, eh siguro kailangan ko na rin siguro dagdagan ko ‘yung pasasalamat ko, hindi lamang sa inyong ginagawa, ngunit sa inyong tuluyan pagpaganda ng tingin ng buong mundo sa Pilipino, sa inyong magandang ginagawa, sa inyong magandang trabaho, sa inyong magandang pagkatao na ipinapakita ninyo sa inyong mga kasamahan dito. [applause]
Kaya naman po ay sinasabi namin lahat po ng aming magagawa para sa ating mga OFW ay kailangan nating gawin at ngayon — kaya naman nagkaroon na — ay binuo ‘yung Department of Migrant Workers at ang magiging unang secretary, ay si Secretary Toots Ople na matagal na niyang tinatrabaho ang mga OFW. [applause]
Ngayon, magkakaroon tayo ng department na — itong department na ito ay walang gagawin kung hindi intindihin ang kalagayan ng ating mga OFW na alam kong nagsisikap at kung minsan ay nangangailangan ng tulong, kaya’t nandiyan na ngayon.
Dahil noon, pagka may problema, siguro ‘yung iba sa inyo, alam din ninyo ito, pagka may problema hihingi kayong tulong sa embassy o hihingi kayo tulong sa DOLE. So lahat ‘yun kailangan pagsama-sama.
Bawat case-to-case, mayroon tayong gagawin, may nagka-problema, may namatay, iuuwi. ‘Yung mga ganung klaseng sitwasyon.
Ngayon, ay nandiyan na ang office — nandiyan na ang Department of Migrant Workers, at sila, lahat ng mga issue ng mga OFWs ay ibibigay natin sa ilalim ng ating Secretary, Secretary Toots Ople.
Kaya’t alam niyo po, alam naman namin ang sakripisyo ninyo, alam naman namin kung papaano rin ang pakiramdam na nawawala sa Pilipinas, matagal ng hindi nakikita ang pamilya. Mahirap talaga ‘yan, pero tuloy-tuloy pa rin kayong nagsasakripisyo.
At hindi lang po kayo tumutulong sa inyong mga pamilya, hindi lang po kayo tumutulong sa inyong mga komunidad, ay ‘yung buong Pilipinas po ay kung minsan kapag peligroso ang lagay ng ekonomiya, ay nagpapalutang sa ekonomiya natin ay ang remittances ng OFW, kaya’t dapat alam ninyo… [applause] Dapat malaman ninyo kung gaano kahalaga ang ginagampanan ninyong tulong dito sa ating bansa. Kaya’t very appreciative kami sa mga OFW at kagaya ng sabi ko, gagawin namin lahat.
Kaya po nga kami nandito ay para ipakita sa ating mga kaibigan, sa buong mundo kung ano na ang nangyayari sa Pilipinas kung ano na angnagiging sitwasyon doon, papaano ba ang inyong mga plano, maganda kaya na makipag-partner sa inyo? Maganda kaya na pumasok kami riyan? At natutulungan ang trabaho namin dahil maganda tingin sa Pilipino.
So pagka sinasabi namin, punta kayo sa Pilipinas, mag-tourist kayo kung gusto ninyo, mag-negosyo, makita ninyo kung ano ‘yung pwedeng mga negosyo. Lahat naman ay nakikinig dahil sinasabi, mga Pilipino, kilala ko — marami akong kilalang Pilipino, mga okay ‘yan dapat nating tulungan.
Kaya’t ‘yun ang naging experience ko itong nakaraang ilang araw. At lahat naman ng ating nakakausap ay nakikinig at sinasabi naman, optimistic naman kami na sa lahat ng ating kinausap, sa ating sinubukang kumbinsihin, magpaliwanag, ay maganda naman ang naging pagtanggap sa mensahe na dala namin ng Philippine delegation dito sa World Economic Forum sa Davos.
Kaya’t natutuwa naman kami at sa aking palagay, sa dalawang araw na nandito kami, marami naman talaga kaming nakausap, marami kaming nasimulan. Lahat naman ito ay simula lamang. Ngunit kailangan buksan ang tinatawag nga na lines of communication. Kaya’t siguro we can say that we are satisfied that we were able to do, most if not all of the things that we wanted to do while we were here in Davos.
‘Yun lang ang reklamo ng lahat, ang ganda-ganda ng Switzerland, ang ginaw lang. [cheers] Akala ninyo naka-amerikana ako, ang daming layer ito, siguro mga pito ‘yung layer nitong — itong ano ko… Alam mo, wala kaming weather na ganito — wala kaming ganitong weather sa Batac kaya’t medyo nahihirapan kami.
Pero ‘di ba buti na lang — ‘di bale dito mainit dahil basta punuin mo ‘yung kwarto ng Pinoy, mainit talaga ang samahan. [cheers and applause]
Kaya’t ako po ay muli na magpapasalamat po sa inyong lahat sa inyong ipinakitang suporta sa nakaraang halalan.
Ngunit bukod pa roon ay nagpapasalamat ako sa inyong lahat sa lahat ng sakripisyo ninyo, sa lahat ng paghihirap ninyo sa lahat ng sipag ninyo at ang pagkatao ninyo, kabaitan ninyo bilang Pinoy. At ‘yan ay… [cheers and applause] ‘Yan ay napakalaking tulong para sa amin na ninanais ay pagandahin ang buhay ng bawat Pilipino, ay pagandahin ang Pilipinas. Kayo talaga partner namin diyan. [applause]
Malaking ano — malaking tiwala ko eh dahil maraming nagsasabi… Sabi nila, ang gulo-gulo ng nangyari sa pandemic, nasira-sira ‘yung ating ekonomiya. Bakit ikaw masyado kang optimist na sinasabi mo hindi, kaya natin magagawa natin, pagagandahin pa natin ‘yan. At pagka tinanong sa akin kung bakit ganun ang pag-iisip ko, eh pinapaliwanag ko madali lang naman sagutin ‘yan, sabi ko, mayroon akong workforce na — ngayon ay 107 million na tayong mga Pilipino.
O, ‘yung 60 percent doon nagtatrabaho na at ang Pinoy ang pinaka-magaling na trabahador sa buong mundo. [cheers and applause]
Kahit saan mo ilagay ang Pilipino, sisikat ‘yan. Kahit saan mo ilagay ang Pilipino, magiging successful ‘yan dahil lahat ng katangian na kinakailangan ng isang labor force na para maging matagumpay ang mga plano tungkol nga sa ekonomiya, tungkol sa sariling buhay ay nasa Pilipino. Kaya’t lagi kong sinasabi, ‘yan ang aking napakalaking asset.
Hindi po mawawala ‘yan at nandiyan ang mga Pinoy na maaasahan natin, maaasahan ko, maaasahan ninyo at maaasahan ng buong mundo sa pamamagitan ng ating mga OFW.
Kaya’t ‘yan po ang aming sadya rito. Bukod sa makita at makasama kayong lahat at muli ay pasalamat po sa inyong lahat na ginagawa para sa ikabubuti, hindi lamang ng inyong mga pamilya at mahal sa buhay kung ‘di sa buong Pilipinas po.
Maraming salamat po at magandang hapon po sa inyo. [applause]
— END —
SOURCE: PCO-PND (Presidential News Desk)