Interview

Cabinet Report sa Teleradyo – COVID-19 Special hosted by PCOO Secretary Martin Andanar with Department of Transportation Arthur Tugade


[VIDEO PRESENTATION]

SEC. ANDANAR: Ang transportasyon ay isa sa mga malaking naapektuhan nang magdeklara si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng Enhanced Community Quarantine o ECQ sa buong Luzon. Marami sana ang uuwi sa kanilang mga probinsya pero hindi umabot sa mga biyahe dahil sa ECQ. Ang resulta, marami ang naipit dito sa Metro Manila na hanggang ngayon ay nakatengga pa rin.

Sa loob nang halos dalawang buwan, lumuwag ang mga kalsada at walang traffic sa mga airport dahil iilan lang ang pinayagang bumiyahe. At sa nalalapit na pagtatapos ng ECQ, hindi pa tiyak kung isasailalim ang NCR sa General Community Quarantine o GCQ o ECQ pa rin. Naging pangunahing problema ang transportasyon para sa frontliners na kailangang pumasok sa trabaho at mga kailangang mamamalengke.

Gumawa ng iba’t ibang paraan ang mga LGU para tugunan ang problemang ito. Inilapit ang mga palengke sa mga komunidad, binigyan ng temporary billeting area ang frontliners at nag-provide nang libreng sakay ang DOTr at mga pribadong kumpanya at indibidwal. Pero isang linggo na lang ay may mga taong kailangan nang bumalik sa trabaho. Ang tanong: Paano ang kanilang mode of transportation? Paano rin ang mga natenggang transaksiyon sa mga ahensiyang nasa ilalim ng DOTr gaya ng LTO, LTFRB at iba pa?

Para bigyan tayo nang malawakang paliwanag sa mga isyung iyan, makakausap natin via Zoom si DOTr Secretary Art Tugade. Si Sec. Art ay tubong Claveria, Cagayan Valley at isa siyang abogado at negosyante. Nagtapos siya ng abogasya sa San Beda College kung saan kaklase niya si Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Bago siya naitalaga bilang Kalihim ng Department of Transportation, nagsilbi siya bilang Pangulo at Chief Executive Officer ng Clark Development Corporation noong panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino.

Nag-practice siya bilang private lawyer at naging successful businessman kung saan pag-aari niya ang Perry’s Group of Companies na may sampung korporasyon kabilang ang mga may kinalaman sa global logistics, information technology, air and sea services, equipment leasing at turismo.

So let us welcome, Secretary Art Tugade here in Cabinet Report.

Sec. Art, this is your second time to be our guest here at Cabinet Report. Iyong unang interview natin ay noong 2018, maayos naman at normal pa ang lahat. Ang pinag-usapan natin ay ang mga programa at upcoming projects ng DOTr. Pero ngayon, siguradong maraming proyekto ng DOTr ang naapektuhan nitong ECQ. Unang umaray ang mga operator at driver ng pampublikong sasakyan; nabigyan naman sila ng ayuda sa pamamagitan ng Social Amelioration Program. At sa darating na May 16, paano tutugunan ng DOTr ang problema sa transportasyon sakaling magbalikan na sa trabaho ang ilang manggagawa?

SEC. TUGADE: Samu’t sari po ang mga problema natin kung magbalikan nga, pero haharapin ho natin ang mga problema na iyan with wholehearted cooperation and concern with the drivers and the operators.

Una ho, doon ho sa subsidiya, alam natin na limited capacity ho iyong paggamit ng mga pasilidades. Kung limited capacity po iyan ay limited din po ang magiging kita at sukli para sa kanila.

Ang mangyayari po niyan, pinag-uusapan po namin at aking iniharap sa Inter-Agency Task Force, iniharap ko ho sa kanila na mag-apruba iyong tinatawag na Stimulus Package. Iyong Stimulus Package ay magbibigay sa mga driver at operator ng 30% subsidiya sa fuel consumption nila – sa mga jeepney driver – ito ho iyong sa bus.

Sa mga jeepney driver ho, mabibigyan sila mga 12 liters per day as they ply their route. Ito ho ay ginawan namin ng kuwenta at makakatulong naman sa kanila.

In addition to this, ilagay ho natin sa tamang plataporma. May dalawang klaseng utangan ho iyan: iyong utang ngayon at kung sakali gusto nilang umutang. Nakasama sa programang aming inaalok ay iyong mga utang nila, makikiusap at makikisuyo ho kami sa mga financing institution at mga bangko lalo’t higit iyong mga bangko ng gobyerno na sila’y bigyan na waiver or deferred payment, walang interes. Bibigyan din ho sila—kung mayroon hong bagong utang na gusto nilang kunin, bibigyan ho sila ng bagong utang with preferred interest with deferred payment and deferred amortization program. Ito ho iyong isang economic stimulant na aming kinukuha at hinihingi sa IATF.

Ang sabi ho namin sa IATF, sabi namin kung puwede sa panandalian, kasi hindi naman puwedeng mag-antay nang matagal na wala iyan. In the first 2 to 3 weeks, kung iyong subsidiya na aming hinihingi ay makukuha sa tinatawag na Bayanihan Act, ‘di magaling. Iyong pangmatagalan ho na kinakailangan, iyong aksiyon ng Kongreso, kailangan ho iyan maibigay pagkatapos ng 2 to 3 weeks.

Makikiusap at nakikisumamo kami sa House of Representatives at Senado para nang sa ganoon, iyong subsidiyang aming gustong ilaan para sa kanila ay matanggap.

SEC. ANDANAR: Noong May 1, public transportation in moderate and low-risk areas under General Community Quarantine already resumed operations at reduced capacity to ensure compliance with strict safety measures against COVID-19 transmission. Sino lang ang mga pinayagang bumiyahe?

SEC. TUGADE: Pinayagan ho natin kasi limited capacity, limited movement kasi iyong mga lumalabas, limited din. Ang bumabiyahe ho, naturalmente iyong mga prangkisa. Mayroon ho kaming tinatawag diyan na hierarchy of transport system, inuuna ho natin sapagka’t mas maraming makukuha iyon at maisasakay iyon, iyong mga bus; pagkatapos ho ng bus iyong modernized jeepney; kung kukulangin pa ito, puwede ho iyong tricycle, puwede ho iyong taxi. Ito ho iyong pangkalahatan na tinatawag namin na hierarchy of transport system.

Ngayon iyong sa mga bus ho, eh ito ho 60% or 50% capacity at ganoon din ho sa mga modernized jeepney. Ito ho, mayroon ho tayong mga safety standard, mayroon ho iyong tinatawag natin na wearing of mask, iyong hugasan ng kamay, iyong thermal scanner. At mayroon din hong mga transport marshal iyan na mag-make sure na iyong tinatawag na social distancing at iyong mga health protocol na hinihingi ng Department of Health at ng IATF ay aming matugunan at ma-observe.

SEC. ANDANAR: Ang mga UV express at tricycle ay papayagan na ring bumiyahe pero sa mga lugar na walang bumabiyahe na bus at jeep.

SEC. TUGADE: Yes.

SEC. ANDANAR: Paano po ang mechanism nito sa pag-i-issue ng special permit?

SEC. TUGADE: Mayroon hong special permit, ito hong ating si Chairman Delgra ay kinausap niya iyong kaniyang mga regional officers at pinag-usapan na nila iyong pamaraan para makakuha ng special permit. Mayroon na ring online mechanism para makapag-apply sila at mabilis. Promise ho, mabilis hong tutugunan iyong special permit na kinakailangan.

SEC. ANDANAR: Ang Angkas ay talagang hindi pa puwedeng bumiyahe. Paano naman ang tulong na puwedeng ibigay sa Angkas driver?

SEC. TUGADE: Oho. Napakagaling ho ng mga motorcycle taxis natin ‘pagkat nag-change ho sila ng business platform. Dati ho iyon motorcycle drivers, ngayon instead of pasahero or passengers, ginamit ho nila iyan for food delivery at nagagamit din na ho naman nila.

SEC. ANDANAR: Napag-usapan na natin iyong bus, iyong jeepney, iyong mga Angkas… pero ang hindi pa natin napag-uusapan ang estado ng ating MRT, LRT, PNR. Ano po ba ang plano ng inyong tanggapan lalong-lalo na ngayong GCQ?

SEC. TUGADE: Napakagandang katanungan lalo’t higit ngayong ECQ. Napakagandang katanungan iyan, Kalihim. Kasi alam ninyo ho, nakahingi ako ng approval sa IATF na kung saan pinayagan akong magtrabaho sa ating riles, mga riles; ituloy iyong MRT 7 kaya nga iyong pagpapalit ng riles ay ginagawa ngayon. So advanced ho ako diyan, magagawa natin iyong riles, ginagawa ko iyong relocation ng mga utilities, so mai-improve talaga iyong mga riles ho natin.

Ang katanungan: Ano iyong gagawin natin doon? Reduced capacity rin ho iyan. Halimbawa sa LRT, reduced capacity iyan 10 to 12 percent. Iyong MRT, reduced capacity iyan sa 10 to 12 percent. Ang PNR, reduced capacity iyan 20 up to 25 percent.

Ngayon ho, nakalatag na iyong mga social distancing sa riles – kung saan kayo bibili ng ticket, kung saan kayo mag-aantay, ano iyong gagawin ninyo ‘pag nakasakay kayo, nakahiwalay na ho iyan. Ngayon po ang ginagawa natin, iyong disinfection. Sabihin ko sa’yo, magyabang ako nang konti – ‘pag pumunta ka sa Japan, mayroon silang cleaning process sa mga Shinkansen nila, iyong mga mabibilis na mga tren. Ang plano ho natin dito, magkakaroon din ho tayo ng cleaning sa mga ibang istasyon.

Ang Shinkansen ho, 7 minutes. Alam mo naman ako ‘pag nag-set ng mga hangarin at deadline, talagang mahirap. Sabi ko kung ang Hapon 7 minutes, ako gusto ko 5 minutes. Iyan ho iyong pinag-aaralan ngayon ng ating mga tauhan sa mga iba’t ibang mga riles ng tren. Napakaganda ho iyan ‘pagkat alam mo, ‘pag sinabi mong 10% capacity, ang capacity mo ngayon mahigit isanlibo, so mayroon kang 100; mayroon kang 120 per train you know, kaya maganda ho.

Uumpisahan ho namin iyan, ‘pag sinabi ho ng IATF baguhin na natin, instead of ECQ, GCQ na… handa na ho kaming ilatag iyan.

SEC. ANDANAR: Posible ho ba iyong kahilingan ng transport groups na fuel subsidy man lang para makabawas sa gastos ng operator?

SEC. TUGADE: Gaya nga po ng sinabi ko kanina, mayroon hong fuel subsidy na itutulong at iaalok sa kanila. Ito ho, sabi ko nga kanina, ay prinisenta ko na sa IATF na kung saan sabi ko kung puwede gamitin na iyong Bayanihan Act upang sa ganoon maagaran at mabilisan mabigay iyong fuel subsidy.

SEC. ANDANAR: Kamakailan ho Sec. Art ay iminungkahi ni House Transportation Committee Chairman Edgar Sarmiento na magkaroon muna ng 5-day dry run sa operasyon ng public transportation bago alisin ang ECQ. Posible kaya ito para malaman kung kayang ipatupad ang health protocols na inilatag ng IATF?

SEC. TUGADE: Maganda hong suhestiyon iyan. Pero tingnan ho natin, kung naka-ECQ iyan, mahihirapan ho tayong magkaroon ng dry run because what the ECQ is trying to adopt ay ipinapasok at piniprenda mo naman noong dry run. Kung magda-dry run ka, kailangan magkaroon ka na ng transformation from ECQ to GCQ.

SEC. ANDANAR: Kapag nagkaroon na po tayo ng General Community Quarantine, ano po ang plano ninyo sa frequency ng mga flights ng eroplano?

SEC. TUGADE: Kami ho ay tutugon at sasagutin at oobserbahan iyong mga patakaran na ilalatag ng IATF. Ngayon ho susundin ho namin, una iyong social distancing; pangalawa, susundin namin iyong mga health protocol na sabi ng IATF, dapat bigyan ninyo ho ng katuparan ito. Ano iyon? Iyong mask, no mask-no ride. Ano iyon? Iyong tinatawag ho nating thermal scanner. Ano iyon? Iyong mga washing ng kamay at lahat ho ito’y dapat sundin.

SEC. ANDANAR: Ano po ang mga panuntunan ng DOTr sa mga ahensya sa ilalim nito? Paano po iyong work scheme sa mga ahensiyang 24 hours ang operasyon gaya sa mga airport, iyong mga tollways?

SEC. TUGADE: Ino-observe ho namin iyong dalawa iyan. Una ho, mayroon kaming skeletal force at mayroon din ho kaming shifting. Hindi ho naman puwedeng pagtrabahuhin mo for 24 hours ang mga empleyo, hindi ho kakayanin iyan. At mayroon din hong skeletal force, mayroong shifting at mayroong work-from-home. Iyong teknolohiya ho ay malaking bagay.

SEC. ANDANAR: Sa larangan po naman ng transportasyon pa rin, ano po ang magiging ‘new normal’ at paano natin tuturuan ang riding public para mag-adjust dito? In general, what can the Filipinos look forward to?

SEC. TUGADE: Iyong new normal given na ho iyan. Sa aking pananaw, iyong social distancing, nandodoon na ho iyan. Iyong wearing of mask, nandodoon na ho iyan. Iyong paghuhugas ng kamay, iyong kalinisan, iyong etiquette sa pag-ubo at pag-sneeze nandodoon na ho iyan.

Ang tanong ninyo: Ano iyong gagawin para matutunan? Mayroon ho tayong mga publications, mayroon ho tayong mga Google, media, nandodoon iyong social. Sa aming mga sasakyan din ho kagaya ng tren, mayroon iyong mga video diyan, kailangan turuan ho sila at ipalaganap iyong pamaraan na obserbahan nila iyong tinatawag na health and safety protocol. Sa akin hong pananaw, iyong health and safety protocol ay magiging bahagi ng new normal iyan.

SEC. ANDANAR: Sec. Art, ano po ba ang long term plan ng DOTr para makabangon mula sa pandemic na ito? Number one, iyong inyong mga projects sa Build, Build, Build. Number two, itong transportasyon, iyong mga sinasakyan ng ating mga kababayan, pati na rin iyong logistics.

SEC. TUGADE: Una ho sa mga proyekto, alam po natin na iyong Build, Build, Build at iyong pag-umpisa ng tinatawag na flagship project ay isang malaking susi para sa paglago at pagkabuhay muli ng ating ekonomiya. Kaya nga po sa katanungan, ano iyong long term plan – dapat ho ipupursige namin na ituloy iyong mga Build, Build, Build projects at flagship projects.

Sabihin ko na rin ho, na sa IATF binigyan ho kami mga 2 weeks ago ng pamaraan na kung saan maumpisahan namin iyong 13 railway projects. Ito ho ay dalawang aspeto, uumpisahan ho namin iyan sa tinatawag na mitigated approach. Pangalawa, tatapusin ho namin iyan sa tinatawag na catchup plan. Sa long term plan, kailangan maituloy itong mga proyektong ito ‘pagkat kailangan maitanim iyong binhi ng development ng ating ekonomiya.

Ito ho iyong sa transportasyon ng aviation, kailangan ho maituloy din iyong paggawa ng ating mga paliparan. Hangarin po namin na iyong Bicol Airport halimbawa, ay matapos at maging operational before the end of this year, importante rin ho iyan. Importante rin ho iyong mga daungan, ng puwerto ay tuluy-tuloy na aming tapusin nang sa gayon ay magkaroon ng connectivity at mobility amongst the island.

Iyong mga airport, pinaplano ho namin iyong Davao; iyong mga airport, pinaplano ho namin iyong Cotabato; nandiyan din ho iyong mga lugar na kung saan kailangan magkaroon ng connectivity.

Sabihin ko na rin ho, upang mailatag iyong pagganap namin ng long term plan, iniisip po namin sa airport at mga paliparan na magkaroon ho ngayon ng tinatawag namin na ‘hub and spoke.’ Ito ho iyong pamaraan na kung saan puwedeng lumipad ang mga eroplano sa mga isla/probinsya na lahat ho parehong GCQ, hindi ho ECQ.

SEC. ANDANAR: Marami na po kayong problema na sinagupa, hindi lang bilang abogado pati bilang isang negosyante at isang public servant, Kalihim ng DOTr. Mayroong mga problema na paulit-ulit tulad noong mga bagyo yearly, mga transport strike, iyong pagtaas ng presyo ng gasolina, etcetera. Pero sa pagkakataong itong mayroon tayong pandemic, ano po iyong hindi ninyo in-expect? Ano iyong number one realization ninyo na sabi ninyo ‘this is the biggest lesson for this COVID-19 crisis’?

SEC. TUGADE: Ang hindi ko ho na-expect diyan iyong mga nangyayari ngayon, ikaw at ako nananatili sa bahay; ikaw at ako, imbes na magkaroon ng physical meeting, nagkakaroon ng teleconferencing. You know, maraming bagay-bagay na hindi natin ini-expect, nagiging pabigat ito. Pero dapat ba sumuko tayo sa mga problema ngayon? Hindi! We welcome the problems, we welcome the challenges because it is the problem and the challenges that will make a man, that will make a nation.

Sa aking pananaw, hindi ho magtatagal itong mga problemang ito kung tayo ay magsasama-sama at maniniwala sa pamunuan ng administrasyong Duterte.

SEC. ANDANAR: Secretary Art, napakadami nating mga kababayan ang na-stranded, hindi lang iyong mga may trabaho, hindi lang OFW, maging mga estudyante natin na-stranded. Eh wala na ho silang matakbuhan pa, wala na silang pangkain, hirap na hirap na ho sila. Ano bang puwedeng gawin ng inyong tanggapan dito?

SEC. TUGADE: Ganito ho iyan, kanina ho nagpulung-pulong iyong IATF na kung saan aking prinisenta at iniatang sa kanila iyong programa ng Kagawaran ng Transportasyon. Ito ho iyong programang aming tinatawag ‘Balik Estudyante, Hatid Estudyante’ Project. Ano ho ito? Alam ho namin na mayroon tayong mga estudyante na stranded ngayon, wala nang dormitory, wala nang mauwian. Alam ho namin ‘pagkat maraming tumatawag sa amin, kaya nga ba sa pangyayaring ito sabi ko, institutionalize natin ito.

So nakagawa kami ng programa na kung saan lahat iyong mga estudyanteng stranded na gustong bumalik sa kanilang mga probinsya, magpi-fill up ng form at gagawin namin ang pamaraan kung saan sila pi-pickup-in at kung saan sila ihahatid. Makikipag-coordinate kami sa Department of Interior and Local Government kasi ho importante ho dito iyong koordinasyon sa mga LGUs nang sa ganoon iyong pagpunta at pagbalik nila sa kanilang mga tirahan, magiging smooth at walang problema.

Ito ho basically ay libre. Gusto ko ho sana maging libreng proyekto ito at matulungan iyong ating mag-aaral. Ang tawag ho namin ‘Hatid Estudyante’.

SEC. ANDANAR: Ano po ang gusto ninyong bilin na mensahe para sa mga kababayan natin na nanonood hindi lang po dito sa Metro Manila, sa Luzon, sa Visayas, sa Mindanao, maging sa ating mga OFW?

SEC. TUGADE: Una ho, magtiwala tayo sa pamahalaan. Pangalawa ho, sundan natin iyong mga simpleng panuntunan – stay home, maintain social distancing, wear mask. Ito ho ay makakatulong nang maigi at magaling para sa ating pag-solve ng problema. Hindi ho tayo makakausad sa problemang ito kung habang nag-iisip ang administrasyon ng kabutihan at ibang mga patakaran, ang gagawin ho natin ay mag-ridicule, mag-criticize at magduda. Kailangan ho magsama-sama tayo at iyong pagsama-sama natin, pabaunan natin ng pagtitiwala kay President Duterte at sa kaniyang pamunuan.

SEC. ANDANAR: Panghuling tanong na lang po, Secretary Tugade. If these were to happen all over again, tinamaan tayong muli ng pandemic, what would you do differently?

SEC. TUGADE: Alam ninyo ho, walang nakaka-expect ng COVID-19. Ito ho ay isang kalaban na invisible, ito ho iyong isang kalaban na maraming unknown; maraming nang unknown, marami pang variables. Kung ang katanungan ano iyong gagawin, eh hindi ko ho masasabi iyan. Kung ang aking gagawin ngayon, hindi naman natin sasabihin dapat planuhin na natin iyong social distancing, hindi ho natin inaakala iyon.

Dapat lang ho gawin pa rin namin ang aming katungkulan doon sa Build, Build, Build; ilagay iyong imprastraktura; gawing strong ang ating mamamayan; gawin iyong ways of doing things, iyong character ng tao ay gawing buo at malakas nang sa ganoon kung may problemang ganito, hindi madalian na tayo ay susuko. Kundi we will take it challenge at a time, a crisis at a time and we will address it because we have the character, we have the preparation, we have the structure to address problems like these.

SEC. ANDANAR: Mayroon pong pahabol na tanong, talagang last na po talaga ito. Eh nakita ko po sa text message. Ang tanong po, ang sabi ng aking kaibigan eh matagal nang advocacy ni Secretary Art Tugade na lumabas ng Metro Manila iyong gobyerno, iyong mga departamento at as a matter of fact, siya iyong unang lumabas, nagpunta ng Clark. Anong masasabi mo ngayon Secretary Art na kayo’y nandoon sa Clark na, ang iba’y nasa Metro Manila pa, at si Presidente Duterte nagsasabi balik probinsya na tayo?

SEC. TUGADE: Napakagandang pakiramdam ho noong inilunsad ng ating mahal na Executive Secretary Medialdea at Senator Bong Go iyong ‘Balik Probinsya’. Sabi ko panalo, ang galing ‘pagkat 2017 pa lang, adbokasiya ko na ho iyon – to decongest Metro Manila, pumunta tayo sa mga lalawigan, probinsya at ibang rehiyon. Ganiyan ho ang ginawa ng Kagawaran ng Transportasyon. Kaya nga ba noong sinabing balik probinsya, believe me, I will give it my wholehearted full support because ako’y naniniwala ho na malaki ang kadadatnan natin, malayo ang madadatnan natin kung may programang balik probinsya. Marami hong mga ginagawa ngayon iyong mga proponent and movers ng Balik Probinsya. Kami ho’y tumutulong at nakikiisa sa kanila.

SEC. ANDANAR: Maraming salamat po sa inyong panahon, Secretary Art Tugade ng DOTr. Mabuhay po kayo, sir.

SEC. TUGADE: Thank you, sir.

SEC. ANDANAR: Malamang marami sa atin ang looking forward na makabalik na sa trabaho, pero may mga agam-agam sa new normal sa kanilang pagpasok at pag-uwi. Hindi naman maiiwasan na talagang may mga makakatabi tayong ibang tao sa mga pampublikong sasakyan. Ano ang ating panangga? Ang laging sinasabi ng health experts – magsuot ng face masks, mag-gloves kung sakali, laging maghugas o mag-sanitize ng kamay at manatiling malusog.

Pero kung hindi naman kailangang bumiyahe, manatili na lamang sa bahay.

Ito po si Communications Secretary Martin Andanar, nagbibilin sa inyo na lagi tayong sumunod sa panuntunan ng pamahalaan at palusugin ang katawan para tuluyan na masugpo ang coronavirus. At siyempre, kailangan iyan samahan ng dasal.

Maraming salamat po at magandang gabi.

###

Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)