Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Arnold Clavio — DZBB Special Coverage


CLAVIO: Secretary, long time.

SEC. ROQUE: Hi! Long time, Igan. (Laughs) Magandang umaga muli, Pilipinas.

CLAVIO: GCQ na June 1. Ulitin natin kasi sabi noong iba, luluwag daw. Pero ano iyong mga bawal muna, bawal na mananatili under GCQ, Secretary Roque?

SEC. ROQUE: Iyong mga bata po at saka mga seniors, manatili pa rin po sa mga tahanan kung hindi po absolutely necessary o kung hindi naman para sa trabaho po ‘no. Tapos bawal pa rin po ang mga pagala-gala para sa gala-gala lamang ano. So hindi po pupuwede iyong mga leisure travel. Tapos mayroon pa rin pong mga industriya at mga negosyo na sarado, iyong mga matatao po, iyong mga amusement, entertainment at leisure industry, ang turismo hindi pa rin po allowed.

Pero halos lahat na po ng industriya ay pinapayagang magbukas; magkakaroon na po tayo ng bahagyang pampublikong transportasyon. Ang sabi po ng ating Secretary Tugade, ang ating LRT, MRT mga hanggang 20% capacity at magkakaroon na po tayo ng 500 hanggang isang libong mga bus dito sa Metro Manila.

So unti-unti bumalik po tayo sa normal. Pero ini-encourage pa rin po natin ang lahat ng mga employers na kung pupuwede magkaroon pa rin sila ng structure na 50-50 lang ang papasok – 50% work from home, 50% work in situs. Gayahin po natin iyong circular ng Civil Service Commission, kung saan 50% pa lang din po ang pinapatrabaho sa situs pero iyong iba work from home.

CLAVIO: Okay, balikan ko iyong senior citizen: Bawal silang lumabas kung pagala-gala. Pero kung sila naman po ay may trabaho – iyon ang kalimitang text dito eh – may trabaho po kami pero senior kami, puwede na silang lumabas?

SEC. ROQUE: Puwede po dahil ang ating President, senior, pero siya ay hindi pa rin puwedeng lumabas ng Bahay Pangarap.

CLAVIO: GCQ, ito, isa sa mga common din na text, ang daming na-stranded bago nag-lockdown. Inter-city travel, anong mga requirement pong kailangan dahil hindi naman aalisin ang mga checkpoint, Secretary, hindi ba?

SEC. ROQUE: Hindi pa po aalisin ang mga checkpoints para nga po masigurado na walang gagala-gala lamang. Pero kung gusto na po ninyong umuwi, GCQ to GCQ pupuwede na po iyan. Siguro naman kung uuwi kayo talaga marami kayong dalang mga gamit, so ipakita lang po ninyo ang mga gamit ninyo at sabihin ninyo, ipakita ninyo ID ninyo kung saan kayo nakatira at sabihin lang na pauwi na sila dahil ngayon lang po nagbukas.

CLAVIO: Okay. Alam ninyo, iyong mga ID o dokumentong may address ninyo, eh sapat na iyon na talagang kayo ay pauwi sa inyong tahanan.

SEC. ROQUE: Opo.

CLAVIO: Okay, may mga anak na kasama, na-stranded buong pamilya pauwi na sa bahay, puwede ho bang kasama iyong mga anak nila?

SEC. ROQUE: Siyempre po puwede dahil hindi naman pupuwedeng iwan lang, kapag iniwan ninyo iyan baka kayo makulong lalo na kung menor de edad. Kaya kinakailangan isama po ninyo kung uuwi na kayo at maiintindihan naman po iyon ng mga checkpoints. Ang checkpoints po, may order na sila na manita lamang para sa mga non-essential travel; pero ang pauwi naman after the lockdown ay iyan naman po ay essential travel po.

CLAVIO: Mga senior po kasi, kailangang magbayad sa mga mall, puwede na po ba without pass?

SEC. ROQUE: Puwede naman po, kaya lang ipapakita nga po ninyo kung ano ang gagawin ninyo sa mall dahil ang mga bayarin naman talaga sa mall sa mula’t mula ay bukas. Alam po ninyo, maski under ECQ kung talagang magbabayad kayo, magbabangko kayo sa mall. Eh senior kayo, eh hindi naman kayo pagbabawalan kasi puwede namang essential iyon. Ang bawal po talaga ay iyong pagala-gala lang.

CLAVIO: Iyong walang gagawin sa labas.

SEC. ROQUE: Sa mall po ngayon, hindi naman ideal na tumambay sa mall dahil mainit, mainit ang temperature ng mall, walang libreng WiFi. Ang gusto lang nating mangyari ay bigyan natin ng pagkakataon na magbukas nga ang ekonomiya, pero hindi pa rin natin eengganyuhin na magtambay ang mga tao dahil rule pa rin is homeliners tayo hangga’t maaari.

CLAVIO: Bibisita sa kamag-anak, kailangan ba ng travel pass – GCQ to GCQ?

SEC. ROQUE: GCQ to GCQ po. Pero alam ninyo, technically speaking, baka naman considered pa rin iyang leisure so iwasan muna po natin. Hintayin natin iyong MGCQ ‘no at saka iyong new normal na tinatawag. Sa ngayon po, iwasan na muna natin ang kahit anong pagtitipon kasi po iyan iyong siguradong formula para lalong mas maraming magkakasakit.

CLAVIO: Okay, mga na-stranded sa Metro Manila papunta na uli sa Visayas at Mindanao, papayagan na ho ba, Secretary?

SEC. ROQUE: Papayagan na po iyan. Mayroon na po tayong inter-island travel, GCQ to GCQ pero wala pa lang pong anunsiyo kung kailan magsisimula ang commercial flights. Pero sigurado po ako na naghahanda na lahat ng transportasyon, mga naglalayag na barko, mga lumilipad na eroplano at mga bus.

CLAVIO: Paki-ask kay Secretary Roque, Igan: Kung susunduin ko ang ate ko from Pangasinan, ako ang susundo diyan sa Maynila, tapos babalik akong Pangasinan, puwede na ho iyon?

SEC. ROQUE: Pupuwede naman po dahil GCQ to GCQ na nga tayo. So hindi naman siya [unclear] kinakailangan lang ay ipakita natin kung bakit at ewan ko kung ano ang makikita niyang pruweba, pero sa ngayon po naiintindihan po ng mga checkpoints ngayon lang talaga uuwi iyong mga stranded nating mga kababayan.

CLAVIO: Okay, taxi driver po ako, puwede na akong bumiyahe sa Lunes?

SEC. ROQUE: Puwede po pero dalawang pasahero lang po.

CLAVIO: Oo, saka dapat naka-mask yata ano.

SEC. ROQUE: Opo, lahat, lahat tayo ay naka-mask kahit nasaan tayo. Hindi na po pupuwedeng walang mask kahit saan pumunta.

CLAVIO: Okay, mode of transportation, papasok na po sila June 1, may sapat na po ba, Secretary? Dahil iyong mga kumpanya, hindi yata kaya na mag-shuttle or service ng kanilang mga empleyado.

SEC. ROQUE: Well, magiging sapat po iyan. Kung gumawa ng paraan ang mga employers na 50-50, kasi nga po mayroon po tayong hanggang 1,000 bus; mayroon tayong 20% ng LRT at MRT; mayroon tayong mga Grab at mayroon din tayong mga taxis at saka mga tricycle na isa lang ang sakay. Ang wala po talaga pa ay jeepney kasi ang jeepney ay harapan so medyo later pa po iyan. Pero kung talagang susundin po ng mga employers na hangga’t maaari 50-50, sapat naman po ang transportasyon.

CLAVIO: Bus biyaheng Pampanga to Metro Manila, puwede na po ba?

SEC. ROQUE: Pampanga, GCQ to GCQ po. Pero iyon nga po, absolute rule is social distancing, one meter apart.

CLAVIO: So iyon, puwede nang bumiyahe. Ilang porsiyento ba ang mga bus at tren? Ano po ang sabi ni Secretary Tugade, fully operational na po?

SEC. ROQUE: Ten to fifty percent pa lamang sa GCQ.

CLAVIO: P to P tama ba, ganoon din ano?

SEC. ROQUE: Oo, lahat po iyan pupuwede pero 50% at saka social distancing.

CLAVIO: Naku, ang daming nag-text. Iyong salon namin – ito na naman tayo, Secretary – mga salon at barber shops? Ito na nagte-text dito.

SEC. ROQUE: Sa ngayon po, wala pa pong approval. Pero nagkaroon naman sila ng konsultasyon, pinakita nila kung paano nila gagawin at na-impress naman po ang ating Chief Implementer, si Secretary Galvez at saka si Secretary Lopez. So inaasahan po natin na pag-uusapan muli itong isyu ng mga barberya at inaasahan naman po natin na sa GCQ, magkakaroon tayo ng sistema ng accreditation. Ngayong mayroong sapat na kakayahan para mag-observe ng minimum hygiene standard ay baka pupuwede pong mag-operate, pero hintayin po ninyo ang anunsiyo.

CLAVIO: Mga Igan, makinig po kayo kay Secretary kasi nauulit iyong tanong ninyo, nasagot na po niya. Okay iyong UV express, sir, kasi point to point naman sila, iyan nagtanong.

SEC. ROQUE: Opo, puwede na po iyan pero social distancing – 50% pa rin iyan.

CLAVIO: Igan, pakitanong nga kay Secretary, mga self-employed kami, like iyong mga naglalako ng babana cue, iyan isama ko na rin iyong mga magtataho, magbabalot, mag-bola-bola, sabi mo sa akin, basta nakatigil na sila sa isang puwesto, puwede. Iyan gumagala iyan eh naghahanap ng customer, puwede na po sila, Secretary?

SEC. ROQUE: Puwede na po iyan basta nakamaskara po, tapos iiwas po sila na makihalubilo. Pero kung magbebenta lang naman sila, titigil at magbebenta, magkaroon lang ng social distancing po sa pag-transact ng mamimili.

CLAVIO: Alam mo, ang mahirap dito, iyong mga nababahala sila pagdating sa checkpoint. Sinasabi natin puwede na magpakita lang ng mga proof, mga ebidensiya, eh baka hanapan daw ng mga travel pass, quarantine pass, Secretary?

SEC. ROQUE: Well, alam po ninyo hindi pa rin natin matatanggal sa mga local na pamahalaan iyong manigurado na hindi makakapasok ang isang positive. Well, I will distinguish din iyong mga OFWs na pinauwi, talagang sabi ni Presidente tanggapin na ninyo iyan, pero tanungin rin po ninyo kung ano ang requirements sa inyong destinasyon. Kasi alam ko po mayroong tumawag sa akin napaka-istrikto po diyan sa Pangasinan, maski matagal nang GCQ po ang Pangasinan eh hindi pa rin nagpapasok talaga. So, hindi po rin natin matatanggal sa LGU ang kanilang discretion, pupuwede pa silang mag-impose ng mga quarantines. So linawin po ninyo sa destinasyon ninyo kung ano ang kinakailangan.

CLAVIO: Motor, ihahatid ko po ang anak ko sa ospital, Mr. Arnold, pakitanong po?

SEC. ROQUE: Well, kung hospital po ay makikita naman siguro kung ano talaga ang kundisyon, kung emergency po ay pupuwede naman po iyang pagbigyan. Pero ang rule po, hindi pa rin pupuwede ang angkas kasi walang social distancing sa angkas.

CLAVIO: Actually, itong tanong ko—mamaya ay may guest ako si Father Melvin Castro. Pero unahan ko na ng tanong sa inyo, kasi dito: Good morning, Secretary. Puwede na po ba kaming pumunta sa simbahan para magmisa?

SEC. ROQUE: Hindi pa po, ang pupuwede pa lang ay iyong mga pari na pumupunta sa mga bahay; sa GCQ po, hanggang sampu pupuwedeng magtipon. Pero nagkaroon na rin po tayo ng dialogue sa parte ng IATF at saka mga religious at napakadetalyado naman po ng kanilang proposals. So inaasahan ko, gaya ng barbero, ay baka magkaroon po ng desisyon ang IATF. Very impressive po iyong guidelines na ipinakita ng lahat ng simbahan. At ang napansin ko po, kahit ano ang kanilang pananampalataya ay pare-pareho po ang kanilang strict guidelines na pino-propose.

CLAVIO: Ito, nasagot na ninyo ng mga nagdaang araw pero ulitin lang natin. Iyong mga babalik ng trabaho, kasi bigla uli ito June 1, magbubukas ang Metro Manila, required ho ba silang dumaan daw po ng rapid test at mga health certificate para makapagtrabaho?

SEC. ROQUE: Hindi po required yan, iyan po ay optional. Pero kung magri-require ang employer, dapat sila ang magbayad.

CLAVIO: Iyan, puro senior citizen. Lifted ba ang curfew sa Metro Manila?

SEC. ROQUE: Mayroon pa pong mga curfew, hindi pa rin po iyan tinatanggal. At ang mga curfews naman po ay sa pamamagitan naman po ng mga lokal na ordinansa.

CLAVIO: Okay, ang ibig sabihin lang dito kapag GCQ sa Monday, June I, iiwan pa rin sa mga LGUs iyong mga lockdown sa bara-barangay tama po ba, Secretary?

SEC. ROQUE: Opo. Hindi po ibig sabihin na palibahasa GCQ na, walang lugar na mai-ECQ pa. Ang mga alkalde ay may kapangyarihan na magbitiw ng GCQ sa ilang mga barangay o di naman kaya ay zona ng barangay pero ito po ay dapat gawin in coordination with the local IATF.

CLAVIO: Siguro last na tanong na ito at ito rin ay marami kaming tinatanong tungkol dito. Pakitanong naman po kay Secretary: Taga-San Pablo, Laguna po kami, MECQ. Ngayon pong June 1, GCQ. Second tranche po nai-distribute na po sa SAP, hindi po kaya iurong kasi GCQ na kami? Sana po masagot. Maraming salamat, Marissa ng San Pablo City.

SEC. ROQUE: Lahat po noong dapat makatanggap ng second tranche ay makakatanggap po kayo. Basta kayo po ay ECQ noong buwan ng Mayo, makakatanggap po kayo.

CLAVIO: Kailangan ba may medical certificate kung uuwi from province to province?

SEC. ROQUE: Well, iyan nga po ang sinasabi ko bagama’t puwede na kayong magbiyahe, mayroon pa ring mga requirements sa mga local government units. Karamihan ay nagri-require pa rin ng health certificate at hindi naman natin matatanggal sa kanila iyon dahil ayaw nila at karamihan ay nagri-require pa rin ng quarantine. So handa lang po tayo. Ulitin ko po, hindi ko masasagot kung ano iyong specific requirements ng bawat LGU. Tumawag na lang po kayo at tanungin ninyo kung ano ang requirement para handa kayo.

CLAVIO: Opo at good luck sa mga checkpoints na mapapasabihan naman sila – baka po mahigpit pa rin daw by June 1? Nag-aalala sila baka magtalo-talo pa rin?

SEC. ROQUE: Well, asahan natin iyong mga inter-city, inter-province, medyo mahigpit pa rin iyan dahil susunod ang kapulisan sa requirement ng lokal na pamahalaan, kaya kailangan po pag-ingatan pa din natin. Uulitin ko po, tanungin po ninyo kung ano ang requirements nang wala po kayong maging aberya.

CLAVIO: So karinderya, bukas, wala lang dine-in, puro take out –nagtanong, ako na sumagot, Secretary. Salamat.

SEC. ROQUE: Opo, puro take-out pa rin po.

CLAVIO: Salamat po, Secretary sa oras at nalinawan ito pong bago nating level ng quarantine sa June 1. Good luck po sa ating lahat.

SEC. ROQUE: Maraming salamat po at magandang umaga po.

##

Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)