Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by DILG Usec. Jonathan Malaya and Jay Ruiz – DZMM Teleradyo


USEC. MALAYA: Sir, magandang hapon po sa inyo.

SEC. ROQUE: Alas singko na naman ng hapon, araw ng Sabado. Wala na naman pong manunood sa CNN International at [laughter]. Opening salvo ninyo pa lang po ay talagang tuliro na ang taumbayan, at wala na, 100% rating na tayo po. Salamat po at binigyan ninyo ako ng pagkakataon na mag-guest sa isang show na 100% ang rating.

JAY RUIZ: [laughs] Alam mo, Sec., ikaw talaga oh. Nabigay mo na iyong joke na iyan pero natatawa pa rin ako eh. [laughs]

SEC. ROQUE: Sige na nga, aaminin, magkahawig tayo, Jay Ruiz. Iyan na, lumabas na ang katotohanan. [Laughter]

JAY RUIZ: Sec., kumusta po ba, sa Lunes ay magdyi-GCQ na po tayo. Alam mo, iyong mga tao medyo excited, at the same time kinakabahan dito sa pagpasok natin ng GCQ sa Lunes. Ano po ba ang inaasahan ng mga mamamayan pagdating po sa Lunes?

SEC. ROQUE: Well, hinay-hinay, unti-unti, dahan-dahan po ang pagbukas natin ng ekonomiya. Kaya nga po nakita natin noong nag-MECQ sa Metro Manila na bahagyang nabuksan ang ekonomiya, lalung-lalo na ang mga malls, eh nagdasaan naman ang mga tao. Pero nakita rin natin na pagkatapos magdagsaan ang mga tao, dumami rin ang kaso ‘no.

So talagang ang mensahe natin sa ating mga kababayan ay wala po tayong ibang pamamaraan para magkaroon ng hanapbuhay ang ating mga kababayan kung hindi buksan ang ekonomiya, pero hindi po ibig sabihin na ibabalewala na po natin ang social distancing, ang good hygiene dahil kapag binalewala po natin iyan ay masasayang iyong ating sakripisyo.

Pero kanina po, iyong pinag-usapan ninyong datos kahapon sa DOH, ay tama po ‘no, huwag naman tayong mag-aalala kasi ang mga fresh cases ay 46 lamang. At iyong sinasabi po natin—dati kasi nagkaroon tayo ng… kumbaga, parang backlog sa mga laboratoryo. Natapos na po iyong backlog iyan; ang naging backlog naman ay iyong verification po ng DOH. Kasi ang verification ay importante para masigurado na si Jay Ruiz ay isang beses lamang lalabas na na-test ‘no at walang duplication.

So iyon po iyong naging dahilan kaya biglang lumubo iyong pigura. Pero ganoon pa man po, magkakaroon tayo ng bagong reporting at kung hindi po Lunes, sa Martes po natin gagamitin iyong ating bagong reporting.

Hindi po nagbabago ang datos, mas realistic lang po at mas maiintindihan ang magiging presentation natin, either Monday or Tuesday po.

JAY RUIZ: Sec., iyong 2-month lockdown natin, iyong more than two months na lockdown, gaano ka-epektibo ito sa naging strategy natin laban sa COVID? Kasi may nagsasabi na, “Eh teka lang, bakit hanggang ngayon mataas pa rin iyong nakukuha nating cases sa COVID?” Anong masasabi ninyo dito, Sec?

SEC. ROQUE: Well, unahin ko po ‘no, iyong pigura kahapon at today at iyong isa pang araw – 300, 500 at saka 1,ooo plus. Iyan nga po ay dahil sa iyong subject to verification matapos po iyong laboratory backlog. Seven thousand po kasi iyong naging backlog na iyon; noong lumabas ang mga resulta, noong lumabas ang mga verification, lumubo.

Pero ang dapat po nating tingnan ay iyong tinatawag na 7-day recurrence ng coronavirus at saka iyong tinatawag na duplication, iyong doubling time. At lumalabas po diyan na doon sa 7-day average ng COVID cases, sa Lunes or sa Martes po ay ipapakita po natin, makikita ninyo po, grabe po talaga iyong pagbaba.

Kaya lang po tumaas iyong daily figures kasi iyong mga kinuhanan ng swab dati pa, ngayon lang lumabas ‘no. Pero makikita ninyo po iyong 7-day average ay talagang napakaganda nung pagbaba niya ‘no.

Pangalawa, iyong tinatawag nating doubling rate, iyong pag-doble ng mga mayroong sakit ng COVID-19. Nagsimula po tayo sa two sa Metro Manila, ngayon po seven days na. At ang kabuuan sa Pilipinas, may mga lugar nga na umaabot up to 30 days na ‘no. So iyon po iyong mabuting balita. Kaya nga lang po, whether be it seven, 30, ang totoo niyan, habang wala ng gamot pa sa COVID, habang walang bakuna ay magiging banta pa rin po ang COVID-19.

At ang isa pa pong tinitingnan natin, iyong tinatawag na positivity rate ‘no. Iyong positivity rate, ilan iyong porsiyento na positibo sa mga total na mga na-test na natin. At bumaba po iyan from a high of 13%, ngayon po ay nasa 6.35% na lamang. So tama naman po na buksan na natin ang ekonomiya kasi more or less, ma-manage na natin iyong risk. Pero iyong management of risk po ay nakadepende pa rin sa kooperasyon ng lahat: Social distancing, facemasks, good hygiene at health promotion – manatiling malusog.

JAY RUIZ: Sec., anong maipapayo ninyo sa mga employers at saka employees na … alam mo, paminsan kasi kunwari, “Papasok pa ba ako?” Medyo nagdadalawang isip sa ngayon na tiyakin na talagang hindi na sila mahahawa. Kung sabagay, ito na talaga iyong new normal ‘no, ito na talaga iyong bagong pamumuhay, kailangan lang talaga you have to live with it.

SEC. ROQUE: Opo. Well, unang-una po, sa ating mga employers ‘no, bagama’t pupuwede na pong pumasok ang halos lahat, eh huwag ninyo pong kalimutan: Limitado pa rin ang pampublikong transportasyon. So magkaroon pa rin po tayo ng scheme na at least kalahati ay magwo-work from home; iyong kalahati ay magtatrabaho sa opisina ‘no. Dahil kung lahat po ay lalabas, hundred percent, wala po talagang masasakyan iyan lalung-lalo na sa simula ‘no.

Ang ating MRT, LRT hanggang 12% lang po ang itatakbo niyan. Ang mga bus natin, hanggang 20% sa panimula pa lamang ‘no. At siyempre bagama’t mayroon tayong TNVS at mayroong tayong point-to-point shuttle, eh kakaunti pa rin po iyong mga bus na iyan. So importante, mag-scheme pa rin po tayo, payagan nating magtrabaho sa mga bahay iyong ating mga workers ‘no.

At bukod pa po diyan ay talagang kinakailangang i-reconfigure iyong mga opisina para mayroong social distancing. So iyong dating nakasanayan po natin, mukhang talagang tuluyan nang magbabago iyan ‘no.

Sa ngayon po ‘no, nakikita ko po iyong mga restaurant ay naglalagay na ng mga division; talagang apat na lang to a table; tapos wala nang waiter, kukunin mo na iyong pagkain, lahat self-service na; at wala nang kubyertos, wala nang plato puro disposable na lahat ‘no. Ganiyan na po talaga ang new normal natin. Tanggapin na po natin iyan at mag-adapt na po tayo.

USEC. MALAYA: Yes. Secretary, nagpapaabot po ng bati sa inyo ang aking kapatid, si Ambassador Ed Malaya na kasamahan ninyo sa Asian Society of International Law, kung kumusta daw kayo and if you’re doing well—

SEC. ROQUE: Ay naku, oo, magandang hapon. Alam ko si Ambassador dating Ambassador to Malaysia. Sana po ay makarating siya sa The Hague ‘no. At pakisabi po sa kapatid ninyo, when I grow up I want to be just like him. [Laughter]

USEC. MALAYA: Naku, matutuwa iyon, matutuwa iyon, Sec. Sec., let me ask you a question—

SEC. ROQUE: At saka ano ha, Usec. Malaya, pakisabi, sabi rin nang marami, kahawig din kaming dalawa. [Laughter]

USEC. MALAYA: Ayon, tatlo na tayo, tatlo na tayo. Sec. gusto pong malaman ng ating mga kapatid sa religious sector ‘no, ang ating mga kaibigan sa iba’t ibang religious organizations kung mayroong desisyon na po ba to allow iyong mga return of religious services? Kasi doon po sa ating dating pamantayan, kapag GCQ restricted pa rin to a maximum of ten iyong mga gatherings ‘no whenever possible. So mayroon na po bang desisyon ang IATF tungkol sa mga religious services?

SEC. ROQUE: Wala pa pong desisyon bagama’t nagkaroon na po ng talakayan tungkol diyan. Ang naging suhestiyon lang po at ito po ay nanggaling kay Secretary Año at sa akin po ‘no, na kung pupuwede ay konsultahin muna natin ang mga lokal na pamahalaan. Kasi noong naunang na nagdesisyon na nga na pupuwede nang mag-religious gatherings, ang mga nagreklamo ay ang mga lokal na pamahalaan. Kasi sila ang magpapatupad, eh alam mo naman hindi ka naman pupuwedeng pumasok sa simbahan habang nagmimisa at sabihing mag-social distancing kayo ‘no.

So ang hiningi lang po is consultation with the League of Governors, with the League of Mayors, at tingnan po natin kung ano ang sasabihin nila. Pero mayroon na pong mga proposals ‘no, iyong tipong 20% of capacity ng simbahan, 30% at hanggang 50%, depende kung ikaw ay nasa GCQ, Modified GCQ or new normal ‘no.

Pero ngayon po ay wala pang desisyon; inaasahan po natin ang desisyon sa Lunes, matapos po ang consultation with the local officials.

USEC. MALAYA: Ayun, so malapit na pala. So mag-aantabay na lang po ang ating mga kababayan. At tungkol naman po, Secretary, sa isyu ng mga jeepney. Kasi doon po sa pinalabas ng DOTr na Phase 1 and Phase 2 na kung alin iyong mga ia-allow na natin kasi mayroon nang magsisimula sa June 21, papaano ngayon po ang mga jeepney kasi wala po sila doon sa naging listahan? Ano po ba ang nakikita ninyong magiging role ng makalumang jeepney sa new normal?

SEC. ROQUE: Well, mahirap po kasi talaga na magkaroon ng social distancing sa mga jeepneys lalung-lalo na harapan kasi ang mga pasahero ‘no. So sa ngayon po, hindi pa po pinapayagan ang jeepneys kung pupuwede naman pong magkaroon ng bus.

Pero siyempre po may mga lugar na wala talagang bus, sa mga lugar na iyon ay papayagan ang jeepney. Pero sa Metro Manila, wala pa po tayong mga jeepneys ‘no dahil mga bus pa lamang.

Pinag-aaralan pa po iyan at tinitingnan kung paano natin mai-implement iyong social distancing ‘no. May nakikita naman tayong mga ilang modelong jeepneys na mayroon nang built-in dividers ‘no na every other seat lang talaga ang upuan; ang problema po ay iyong harapan pa rin ang problema diyan ‘no.

So tingnan po natin, patuloy naman pong nakikinig ang ating DOTr dahil alam din natin na napakadaming mga kababayan natin ang kumikita o naghahanapbuhay sa pamamagitan po ng pasada ng jeepney.

USEC. MALAYA: Okay. Partner, mayroon ka bang tanong para kay Secretary?

JAY RUIZ: Yes, partner. Sec., sa mga lugar po na mataas pa rin ang COVID-19, puwede po bang i-lockdown pa rin iyon or naka-ECQ pa rin iyong lugar na iyon? Let’s say isang barangay or isang subdivision, isang kalye. Mayroon po ba tayong ganoong opsyon para sa mga LGUs na i-lockdown iyong kanilang mga lugar na medyo marami-rami pa rin ang COVID-19 patients?

SEC. ROQUE: Pupuwede po. In fact, ang mga mayor ng mga highly urbanized cities ay may kapangyarihan pong mag-lockdown ng mga barangay or iyong mga zona ng barangay o kaya mga subdivisions, pati po mga buildings ‘no. At kinakailangan lang gawin ito with consultations sa local IATF.

Ang mga gobernador naman po ay pupuwede ring mag-lockdown ng mga munisipyo at mga component cities with consultation also with the local IATF.

So kumbaga, ang balanse po ngayon, bagama’t alam natin na may banta pa rin sa COVID gagawin po nating localized ang lockdown nang sa ganoong paraan ay hayaan na nating mag-operate po ang ating ekonomiya ‘no. Dahil bagama’t ang survey po ay nagpapakita na at least 40% ng ating mga kababayan ay nabuhay during the lockdown dahil sa ating mga ayuda eh hindi naman pupuwede na mapatagal pa iyong mga ayudang ganiyan. So kinakailangan talaga ibalik natin ang hanapbuhay ng tao.

JAY RUIZ: Pero kinakailangan din talaga, Secretary, iyong disiplina sa sarili at saka iyong moral responsibility sa bawat isa na ikaw mismo, bilang Pilipino, kailangan pangalagaan mo iyong sarili mo at iyong pamilya mo na responsibilidad mo iyan eh; hindi naman responsibilidad ng gobyerno. Responsibilidad na dapat ng tao iyon, kaniya-kaniya. Kumbaga, as an employee, as driver or kung anuman ang trabaho mo, kailangan ikaw mismo bilang tao, bilang mamamayan, mag-ingat dito sa COVID-19, sa fight sa COVID-19 para makatulong din tayo na hindi mag-spread itong COVID-19.

SEC. ROQUE: Tama iyon, Jay. Kasi talagang ang katotohanan, habang walang bakuna, habang walang gamot, wala talaga tayong lunas ‘no at problema pa rin ang COVID-19. At kung hindi magsisimula sa ating mga sarili iyan ay patuloy na kakalat po itong sakit na ito. Ang tanging sandata natin ngayon ay testing, tracing, curing kasama na rin ang social distancing at saka iyong compliance with minimum health standard.

JAY RUIZ: Sec., may plano raw kayong kumuha pa ng mga marami pang contact tracers o special COVID teams para tumutok dito sa laban natin sa COVID-19? Ilan ho na ba ang contact tracers po natin ngayon sa mga COVID special teams na humahanap dito sa mga nai-infect ng COVID-19?

SEC. ROQUE: Ngayon po kasi ang tracing ay nasa DILG pero inaasahan po natin na kukuha pa tayo ng minimum 92,000 additional tracers ‘no, hanggang 120,000 tracers. At nakumpirma naman po ng DBM na naibigay na ang budget para diyan ‘no. Kinakailangan po itong ganitong karami dahil as soon as ma-trace natin na kung sino ang may sakit ay kinakailangan ma-trace lahat iyong posibleng nahawa ng tao ‘no.

At handa naman po tayo para sa mga isolation centers ng mga asymptomatic o iyong mga mild cases nang sa ganoon ay patuloy nga po ang ating pang-araw-araw na buhay at mabuksan ang ekonomiya. Kung hindi po natin sila iti-test, trace at saka treat, hindi po talaga tayo talaga makakaahon mula dito sa lockdown natin.

JAY RUIZ: Sec., kahit ba tapos na itong ECQ natin, tuloy pa rin ba iyong pagbibigay ng ayuda for the second tranche at kung kailan man iyon?

SEC. ROQUE: Opo, tuloy po ang second tranche. Kasi iyong second tranche naman ay nakalaan doon sa 12 million na nanatiling nakatira sa mga lugar na nasa ECQ at saka iyong limang milyon na additional na bibigyan ng ating Presidente. So kahit Hunyo na po, makukuha pa rin nung mga benepisyaryo noong Mayo iyong kanilang ayuda. Tapos iyong mga localized po na lockdown, sa tingin ko po ay mayroon pa ring dapat na ayudang makakarating sa kanila.

USEC. MALAYA: Okay. Partner, huling tanong ko na lang kay Secretary Roque. Sir, gumugulong na rin sa Kongreso iyong stimulus package measures at mayroon na ring inaprubahan na loan ang World Bank sa atin to the tune of 25 billion pesos. Magkano po ba ang kabuuang pondong kinakailangan ng ating pamahalaan para makabangon tayo dito sa pandemic na ito?

SEC. ROQUE: Hindi ko pa alam iyong suma-total ‘no. Pero ang alam ko nga ay kinakailangan natin ng minimum na 16.2 para maging stimulus package – bilyon po iyan ‘no. At ang maganda naman, dahil malakas iyong ating ekonomiya bago pumasok itong COVID-19, ay maganda iyong ating credit rating na naging dahilan kaya nakautang tayo hindi lamang sa World Bank kung hindi sa ADB at saka AIIB nang mababang interes. Kasi iyong interes naman ay nakadepende kung gaano kaganda iyong credit rating mo. Kung sa tingin nila na ikaw ay bad credit risk, mas mataas ang interes. At si Secretary Dominguez naman ay umutang habang pinakamataas ang credit rating natin—

USEC. MALAYA: Yes, tama.

SEC. ROQUE: Nang sa ganoon ay hindi na tayo maubusan ng uutangin. So bagama’t mahina po talaga ang ating koleksyon ay nakakabawi naman po tayo dahil nakakautang tayo ng mababang interes rate dahil sa magandang ekonomiya natin na nagbigay sa atin ng napakagandang credit rating.

So hayaan ninyo po, titingnan ko talaga kung ano iyong suma-total. Napakahirap po talagang sabihin kung magkano ang kinakailangan ‘no kasi hundreds of billions talaga po ang nalugi ng ating mga industriya ‘no. Huwag na po nating pag-usapan iyong aviation industry, talagang grabe po ang hinihingi 600 billion in subsidy. Pero lahat po talaga, ang turismo natin, zero po talaga ‘no. Eh iyan po iyong sinasabi nating the goose that lays the golden egg ‘no, iyong ating turismo. Zero po iyan ng dalawang buwan.

Bagama’t sa mga MGCQ areas ay pupuwede na po hanggang 50% ng turismo. Ang tanong naman ng mga resort owners: Eh sino naman ang pupunta sa amin habang wala pang mga airports talaga ‘no? At habang wala pa iyong mga turista na galing sa Korea at Tsina na number one na mga costumers ng ating mga resorts.

JAY RUIZ: Sec., bilang panghuling mensahe na lang sa mga papasok sa Monday at para hindi na ulit tayo bumalik sa ECQ, ano ang masasabi ninyo po sa ating mga kababayan?

SEC. ROQUE: Well, ako po ay nagagalak naman na kahit papaano po ay dumating tayo sa punto na ang doubling rate ng sakit ay seven days na, na mayroon na tayong sapat na kakayahan para magbigay ng critical care sa mga magkakasakit. Pero hindi po ibig sabihin na wala nang banta. Nasa community quarantine pa rin po tayo maski ang tawag natin ay General Community Quarantine, at tratuhin po natin na napakalaking banta pa rin ng COVID. At iyon nga po ang katotohanan, habang walang bakuna, banta pa rin ang COVID-19. Ingat po tayo and stay safe.

JAY RUIZ: Maraming salamat, Secretary Harry Roque, at magandang hapon sa’yo. Mabuhay ka.

##