CLAVIO: May mga rekomendasyon na po bang tinitingnan si Pangulong Duterte kaugnay nitong ating magaganap sa June 15; pero nagkatotoo iyong forecast ng UP expert, 24,000 cases by June. Mayroon sila ngayong bagong inilabas 40,000 cases bago matapos ang June. Iyan po kasama ba sa kinokonsidera, Secretary?
SEC. ROQUE: Well, nandiyan po ang datos ‘no. Natingnan na po ang datos, tiningnan po natin iyong doubling time ng COVID-19 at tiningnan din natin iyong critical care. Talagang aminado naman tayo na medyo hindi po bumababa ang mga kaso sa Metro Manila; bagama’t sa buong Pilipinas significant po ang pagbaba.
CLAVIO: Mayroon na bang pahiwatig kung ano ang mangyayari – luluwag ba o hihigpit?
SEC. ROQUE: Eh bahala na po si Presidenteng mag-anunsiyo, kasi ultimately si Presidente rin po ang nagde-decide, dahil ang IATF ay recommendatory lang po ‘no.
Pero kung mapapansin po ninyo, talagang maski iyong mga ‘diumanong mga ‘leaks, leaks’ na IATF resolution, kapag ang Presidente ang nag-aanunsiyo ay mayroong mga pagbabago ‘no, kasi tinitingnan din siyempre ni Presidente iyong lagay ng ekonomiya at saka iyong sitwasyon overall sa mga lugar na iyan.
CLAVIO: Pero may rekomendasyon na ang IATF, Secretary?
SEC. ROQUE: Mayroon na po, mayroon na.
ENRIQUEZ: Secretary, marami pong mga stranded sa NAIA, may namatay na rin dahil wala daw masakyang provincial bus. Ano na po ba ang polisiya pagdating sa mga biyahe pauwi sa probinsya, ano ang puwedeng gawin doon ho sa mga stranded, Secretary Roque?
SEC. ROQUE: Alam mo tunay na nahahabag ang ating Presidente diyan sa mga sinapit nitong si Michelle ‘no at sinabi nga niya na wala talaga dapat na Pilipino na mamamatay sa ganiyang pamamaraan na nais lang umuwi pero wala talagang masakyang bus.
Kaya nga po naatasan na ang ating DSWD at DOTr na magbigay ng serbisyo hindi lamang po sa mga OFWs na uuwi, hindi lang doon sa gustong sumapi sa Balik Probinsya, kung hindi na rin dito sa mga stranded, stranded sa bus, stranded sa eroplano dahil naka-cancel ang kanilang flight.
Kahapon po inanunsiyo ko na isa sa plano ng DOTr at DSWD ay magkaroon ng temporary housing para doon sa mga stranded nga sa NAIA at saka sa bus. Karamihan naman kasi sa mga stranded either nasa Pasay dahil sa airport at saka mga bus o nasa Quezon City dahil nandoon po iyong mga istasyon ng mga bus ‘no.
So nagbigay na rin po ng numero ang DSWD para mayroon naman pong matawagan para sa tulong, para sa minimum meals man lang itong mga stranded na kababayan natin. Pero lilinawin ko po, iba po iyong mga stranded na mga OFWs.
Ang OFWs po lahat sila naka-hotel, naka-quarantine at hinahatid pauwi. Pero ganoon na rin pong serbisyo ang ibibigay natin hangga’t maari dito po sa ating mga stranded na mga kababayan.
SISON: Sinuspinde na nga po iyong Balik Probinsya Program para magbigay daw daan sa pagpapauwi sa mga na-stranded. Pero ang siste po ay parang nasisisi rin iyong mga Balik Probinsya Program para sa mga kaso naman ng may COVID-19 sa mga lugar ho na dating walang kaso ho tulad sa Marawi. Ano po ang mangyayari kaya sa Balik Probinsya Program, sir?
SEC. ROQUE: Well, sa tingin ko medium at saka long term magpapatuloy pa rin iyan dahil itong naging krisis natin, eh marami talagang mga Pilipino ang biglang na-realize na mas mabuti ang buhay sa probinsya. At least sa probinsya hindi ka magugutom, kahit papano, puwede kang magtanim, puwedeng mangisda.
Pero sa ngayon po dahil nga may problema tayong mga stranded at saka may problema pa rin talaga doon sa—alam ko lahat naman po ng umuuwi sa probinsya sina-subject to testing. Kaya nakakagulat nga po na may mga kaso pa rin na na nakakauwi na mayroong COVID-19. Ang inaantay lang po natin talaga ay ma-improve din iyong kakayahan ng mga probinsya na magkaroon ng sariling swabbing at saka PCR test laboratories para may testing dito sa Maynila bago umuwi, tapos may testing din doon sa probinsya bago po sila makauwi sa kanilang tahanan.
ENRIQUEZ: Secretary, wala pa rin po bang pag-asa na makapasada iyong mga jeepney driver, tuloy pa rin ba iyong plano na kunin sila bilang mga contact tracers?
SEC. ROQUE: Hindi na po contact tracers, sila po ay plano na ngayon na – ito mas mukhang viable – delivery service ang tinitingnan para sa ating mga jeepney driver.
Pero sa ngayon po talaga dahil sa social hygiene at social distancing eh hindi pa rin papayagan. Nasa bottom pa rin ng hierarchy of transportation mode ang mga jeepneys; bagama’t sa mga probinsya, Connie ‘no, kung wala talagang bus at ibang mga pamamaraan ng transportasyon… Uulitin ko: Sa probinsya kapag wala ng ibang transportasyon ay pinapayagan naman ang mga jeepneys. Ang talagang isyu ay dito sa Metro Manila.
CLAVIO: Tungkol naman sa po sa turismo. Eh iyong Boracay daw po magbubukas na sa turista mula sa Western Visayas sa June 16. Eh ang tanong bakit daw sa Western Visayas pa lamang, ito ba iyong sinasabi daw ng DOT na ‘travel bubble,’ Secretary?
SEC. ROQUE: Hindi naman po. Lahat naman po ng MGCQ areas ay magbubukas na ng 50% para sa turismo. So ang alam ko po ang mga lugar gaya ng Bohol, Baguio, lahat po iyan ay magbubukas na rin for turismo. Pero hinay-hinay nga po ang gagawin natin at saka ang pangunahin na magiging kliyente ng mga lugar na ito ay mga Pilipino, kasi kakaunti din naman po ang mga dayuhan na pumapasok ngayon.
CLAVIO: Opo. Ito na second tranche ng SAP, kailan daw po inaasahang maibibigay at paano ang proseso, Secretary?
SEC. ROQUE: Ang sabi po ni Secretary Bautista, itong darating na linggo maibigay na po nila; at karamihan po ng ayuda ay ililipat nila electronically ‘no. At iyong kinakailangang maibigay na physically, gagawin po ito sa tulong ng ating Hukbong Sandatahan.
CLAVIO: Okay, maraming salamat. Ingat po kayo, Presidential Spokesperson, Atty. Harry Roque.
SEC. ROQUE: Maraming salamat po at maligayang Araw ng Kalayaan.
###
SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)