SALVACION: Magandang, magandang umaga, Secretary!
SEC. ROQUE: Magandang umaga, Weng! At ang bolang kristal po ay hawak po ng Presidente.
SALVACION: Oo nga… Baka lang ‘ka ko may junior kang hawak, nasisipat mo doon sa junior na bolang kristal mo. Sir—
SEC. ROQUE: Naibigay ko na po sa kaniya, isa lang iyon. [laughs]
SALVACION: Pinasa mo… Sir, anong mangyayari sa Monday? Alam ko, sabi ninyo noong una mag-uusap muna ang IATF with the President tapos iaanunsiyo ng Presidente po kung anong desisyon niya.
SEC. ROQUE: Mayroon na pong rekomendasyon, ang rekomendasyon bahala po si Presidente. Nakikita po natin na—siguro puwede ko ng sabihin na ang numero po ay medyo hindi po bumababa sa Metro Manila at sa Cebu City; pero kung ano pong gagawin, iniwan na po kay Presidente.
SALVACION: Okay.
SEC. ROQUE: Tatlo naman po iyan, puwedeng mag-MGCQ – mas maluwag pa; puwedeng manatiling GCQ; pupuwedeng bumalik sa MECQ. Pero kahit anong opsyon po diyan eh iniwan na po kay Presidente ang desisyon.
SALVACION: Sir, doon sa discussion ninyo sa IATF, kahit si Sec. Eduardo Año nagsabi na parang mas maganda na… mas mabuti na sa Metro Manila at sa mga ganitong similarly situated kagaya po ng Cebu ay panatilihin iyong kanilang status ngayon dahil kailangan pa rin po ng mahigpit talaga na panuntunan, ano po?
SEC. ROQUE: Tama po kasi kapag nag-MGCQ, ang public gatherings up to 50% papayagan na ano; ang transportasyon, 50 to 100 na at pati iyong mga sinehan, ang mga pagsimba ay papayagan na 50% capacity.
Pero iyong numero talaga ng Metro Manila at saka ng Cebu ay parang hindi pa akma na magbukas nang ganiyan. Pero gaya nga ng sinabi ko nga po ay bahala po ang Presidente kasi binabalanse naman po natin iyong ekonomiya at sapat naman po iyong kakayahan nating magbigay ng medical care doon sa mga magkakasakit nang critical, iyong critical care capacity natin.
SALVACION: Opo.
SEC. ROQUE: Pero it’s a gamble po na hinayaan na natin ang Presidente na magdesisyon.
SALVACION: And I’m sure si Presidente naman nakikinig siya doon sa napakahuhusay na mga rekomendasyon ng mga miyembro ng IATF tapos based pa po iyon doon sa datos on the ground na talagang binababaan nina Sec. Año, nina Sec. Galvez, at iba pa na miyembro ng IATF.
SEC. ROQUE: Tama po ano pero alam ninyo rin, napaka… kumbaga napakamahal ng halaga kapag nananatiling hindi pa completely bukas ang ekonomiya ng Metro Manila kaya hinayaan na po natin ang Presidente magdesisyon.
SALVACION: Sir, parang ano… nai-imagine ko kung gaano katindi iyong… hindi banggaan kung hindi iyong discussion, iyong palitan ng information at saka doon sa pagtimbang sa ekonomiya ba, pambansang kalusugan ba pagdating po sa discussion ng IATF—
SEC. ROQUE: Siyempre po—
SALVACION: Parang ang hirap timbangin, ano po?
SEC. ROQUE: Siyempre po ganoon palagi ang debate ano, pero kasama sa debate na iyong anyo naman ng sakit eh karamihan ay mild o hindi naman kaya asymptomatic; pero siyempre doon sa kabila namang panig eh isusugal mo ba kung magbago ang datos ano—
SALVACION: Opo.
SEC. ROQUE: Kasi hindi naman ibig sabihin na palibhasa ganito ngayon eh ganoon din kinabukasan ano. May mga usapin na baka mamaya nag-mutate na at hindi natin alam dahil marami pa tayong hindi alam talaga sa sakit na ito ano.
Pero iyon nga po, nakikita na natin sa Metro Manila bagama’t tayo’y nasa GCQ eh laganap na po ang traffic, laganap na po ang mga pagtitipon ng tao-tao at sa kabila ng katotohanan na talagang napakabilis pa rin po ng pagkalat ng sakit dito sa Metro Manila.
SALVACION: Iyon nga, sir, ang dami ng traffic ng lansangan sa Metro Manila ngayon pero—I’m sure naiipit ka na rin sa traffic pagpasok sa Malacañang? [laughs]
SEC. ROQUE: Opo, na ipit na po ako sa traffic kaya talagang nale-late na tayo pagpasok ng Malacañang samantalang dati eh 20 minutes nasa Malacañang ka galing Quezon City, ngayon po naging isang oras na ulit muli. [laughs]
SALVACION: Iyon na nga, kaya lang bahagi po iyan ng pagbabalik natin sa unti-unti sa normal or new normal man.
But Secretary ganito, ang DTI ino-open na unti-unti kahit iyong mga restaurants hindi po ba at saka iyong komersiyo katulad ng magda-dine in na raw although limited capacity by Monday. Eh, kung halimbawa po mag-decide ang Presidente na panatilihing GCQ—well, under GCQ pa rin naman iyong dine-in, pero hindi ba mas ino-open natin sa delikadong sitwasyon naman ang Metro Manila?
SEC. ROQUE: Gaya ng aking sinabi, iyan ay talagang isang pag—iyong maingat na pagtimbang sa ekonomiya at kalusugan kasi nga naman talagang mamamatay na ang restaurant industry natin, ang dami-daming nakasalalay diyan para sa hanapbuhay.
Pero alam ninyo naman ang Presidente, nagdedesisyon siya sa tingin niya ay tama gaya ng desisyon niya sa face-to-face classes, absolutely no face-to-face classes salungat doon sa rekomendasyon ng IATF. Kaya nga po sinasabi ko, iyong mga nagkakalat ngayon ng fake news baka kayo ay mapahiya talaga kasi talagang no one can predict how the Presidente will resolve an issue. Maraming beses na po iyan puwede kong isa-isahin iyan na talagang despite the IATF recommendation iba ang naging desisyon ng Presidente ano.
So, hintayin na lang po natin talaga ang pronouncement niya.
SALVACION: Okay. Mangyayari bukas iyon, umaga po ba mag-aanunsiyo si Presidente?
SEC. ROQUE: As usual po sa gabi—
SALVACION: Sa gabi? Anong oras ng gabi?
SEC. ROQUE: So, inaasahan ko na magpe-press briefing pa rin ako ng alas dose ng tanghali, sa hapon eh may mensahe ang ating Pangulo sa ating taumbayan; at kinabukasan, Tuesday eh siguro po lilinawin natin or ie-explain natin kung ano ang naging desisyon ng Presidente.
SALVACION: Okay. Sir, doon sa… isa po sa naging payo ng mga eksperto galing po sa UP, sina Prof. Rye at saka si Prof. David ano po, na baka daw po pumalo pa ng 40,000 iyong ating COVID-19 cases sa pagtatapos ng June. Ito po ba ay cause for alarm sa inyo at medyo mabigat na… ano ba ito, pagtimbang sa inyong pagdedesisyon ngayon sa pagbago ng status ng quarantine natin?
SEC. ROQUE: Kasi nandoon na po tayo sa punto na talagang hindi naman pupuwedeng tuluyang mawalan ng hanapbuhay ang ating mga kababayan. So ang pinaghahandaan na lang natin, mayroon ba tayong kakayahan na gamutin ang mga magkakasakit at sa ngayon, mayroon po ano. Pero hindi nga po dahilan para ang tao ay magtipon-tipon na at balewalain itong ating social distancing na nangyayari sa mga nakalipas na panahon.
Ang sa akin lang po ay talagang ang kinabukasan, ang buhay natin literally ay nasa kamay natin at iyon naman po ay pupuwede namang itaguyod kung tayo ay mananatili sa ating mga tahanan – homeliners; maghuhugas ng kamay; at mag-iiwas po sa pagtipon-tipon.
SALVACION: Secretary, sa kabila po ng medyo grim iyong figures na lumalabas pa rin tapos kahit po ang WHO ay nagbabala na palala pa rin nang palala ang kaso ng COVID-19, hindi sa Pilipinas specifically, kung hindi sa iba’t-ibang panig ng mundo, ang masasabi ninyo po ba sa publiko na malabo na tayong magkaroon pa ng second lockdown although ang sinasabi ng mga eksperto eh pataas pa rin iyong number natin? Malabo tayong magkaroon ng second lockdown?
SEC. ROQUE: Ang sinasabi ko po, hindi natin puwedeng pangunahan ang Presidente. Siguro, ang pinakamagandang ehemplo po diyan iyong desisyon ng IATF na magkaroon ng face-to-face classes kapag new normal na, completely baliktad po ang desisyon ng Presidente. Marami pa iyan eh! Marami pa iyang mga pagkakataon na talagang binaliktad ng Presidente. So hintay na lang po tayo.
SALVACION: But the point is hindi na talaga kinakaya ng ekonomiya natin, Sec. Roque?
SEC. ROQUE: Well, kung hindi man kinakaya at kung ang papunta naman eh mamamatay naman sa kalye ang taumbayan—
SALVACION: Kaya nga eh… ang hirap eh ano.
SEC. ROQUE: —hindi ba?
SALVACION: Opo.
SEC. ROQUE: So, napakahirap talagang desisyon iyan ano. So, ako naman po, talagang nananawagan kaunting kooperasyon po. Iyong mga huling araw, kahapon, mayroon na naman pong nagtipon-tipon, hindi po natin tinututulan ang ating mga karapatan pero sa panahon po ng COVID, kauna-unahang pagkakataon na ganito po sa buong daigdig since one hundred years ago.
Pero… naku naman po… ngayon sa panahon na nahihirapan na nga tayo na umusad dahil hindi pa rin napapababa iyong datos ng mga nagkakasakit.
SALVACION: Opo.
SEC. ROQUE: Please lang po, homeliners muna po uli.
SALVACION: Oo nga, maraming matitigas ang ulo, sir. Heto lang, may pondo pa ba ang gobyerno sa pangtustos sa mga pangangailangan natin o kailangan na ninyo talaga mag-supplemental budget kasi—
SEC. ROQUE: Hindi po ganoon kadali ang supplemental budget—
SALVACION: Kaya nga po… Opo, opo.
SEC. ROQUE: At kaya nga para maintindihan ninyo kung anong nangyayari ngayon sa panig ng Kongreso at ng Ehekutibo, ang supplement budget po pupuwede ka lang magkaroon ng ganiyan kung may sertipikasyon ang National Treasurer na mayroon tayong sapat na pagkukuhanan ng pondo.
So, kung wala kang sapat na pagkukuhanan ng pondo, hindi ka rin pupuwedeng magkaroon ng supplemental budget. Ganito naman po ang naging paninindigan ng economic team natin sa Ehekutibo na nais nating magbigay talaga ng mas malaki pang mga incentives or iyong mga package, stimulus package pero kung wala naman tayong pagkukuhanan eh huwag naman sana ‘no. Si Secretary of Finance bagama’t talagang napaganda niyang ating credit rating at nakautang na tayo – unang-una, lahat naman ng inutang natin wala pa. Iyan po ay commitment na magpapautang lang, sinamantala na nga ni—
SALVACION: Hindi pa dumarating?
SEC. ROQUE: Hindi po lahat iyan ay dumarating pa ano, iyan po ay mga agreements pa lang at sinamantala naman ni Sec. Dominguez na habang napakaganda ng ating credit rating eh umutang na dahil nga maliit ang interes; pero iyan po ay wala pa rin sa ating lahat.
Pero hindi naman pupuwede na puro utang na lang tayo—
SALVACION: Okay. Secretary—
SEC. ROQUE: —dahil kung puro utang na lang tayo eh mamahal naman ngayon iyong interest rates natin at magiging delikado dahil iyong ating mga nangungutang na publiko para sa kanilang mga hanapbuhay eh mas mataas na interes ang babayaran. So, ganoon ding balanse ang ginagawa ni Sec. Dominguez.
SALVACION: Opo. Eh, sir, ibig pong sabihin hindi natin kaya—wala tayong pangtustos kung sakaling mag-supplemental budget nga. Ibig sabihin, walang laman masyado iyong kaban natin ngayon kaya hindi tayo puwedeng agad-agad mag-supplemental?
SEC. ROQUE: Well, kaya nga po importante na magbayad ng buwis pagdating dito sa araw ng Lunes kasi malalaman natin kung magkano ngayon ang nasa kaban natin. Siyempre po, iyong nasa kaban natin ngayon eh nakolekta pa natin mula noong isang taon. So, ngayon po malalaman natin.
Last year naman wala pa namang COVID, may mga buwis na dapat bayaran ngayon ay para sa last year. Sana nga po magkaroon tayo ng sapat-sapat na pondo para patuloy po ang ating pagpopondo ng mga COVID-19 responders natin.
SALVACION: Sir, natatandaan mo ba kung magkano na iyong total na nautang natin dahil dito sa COVID-19?
SEC. ROQUE: Actually, kukunin ko po iyan at sa mga press briefing ko iaanunsiyo ko po iyan; pero uulitin ko po, hindi naman lahat po iyan nasa atin na.
SALVACION: Oo, pero—
SEC. ROQUE: Karamihan po niyan ay approved loans pero alam ninyo naman ang proceeds hindi natin natatanggap hanggang hindi tayo nagdo-drawdown.
SALVACION: Parang nababaon tayo sa utang dahil diyan sa COVID-19, Secretary?
SEC. ROQUE: Kaysa naman wala tayong pangtustos kung kinailangan natin ano. Pero ang ninanais nga ni Secretary Dominguez ay hindi naman tayo mag-exceed ng 9% doon sa ating GDP para may kasiguraduhan na mababayaran natin at hindi rin tataas ang interest rate dito sa ating bayan.
SALVACION: Okay. Dahil nga po marami na tayong kailangan isakripisyo na mga proyekto para tustusan iyong mga pangunahing pangangailangan sa COVID, magsasantabi na ba tayo ng mga major projects, Secretary?
SEC. ROQUE: Hindi pa po ‘no, dahil iyong Build, Build, Build iyan din ang ating istratehiya para po mag-bounce back ang ating ekonomiya. Kaya nga po ang apela is… naku po… sana po mabawasan iyong gagastusin natin sa COVID-19. So, mga kababayan homeliners tayo.
SALVACION: Okay. Sir, isa na lang hirit. Pipirmahan na po ba ni Presidente iyong Anti-Terror Bill?
SEC. ROQUE: Nasa sa kaniya po iyan. Mayroon naman siyang 30 days and I think he has more or less around 27 days. Ang ie-emphasize ko lang po eh may at least tatlong opisina po ang pakikinggan niya, isa lang po si Secretary Panelo pero nandiyan din po iyong Office of the Executive Secretary, mayroon po tayong tinatawag na Deputy Executive Secretary for Legal, na ako po iyan ang binabantayan ko kasi every time na mayroong veto ang president sa Budget Bill eh pursuant to a memo po issued by the DESLA (Deputy Executive Secretary for Legal Affairs).
Siyempre po eh Executive Secretary’s Office iyan, iyan ang pinakamalapit sa Presidente ano at saka historically iyan po talaga ang bumubusisi at nagrerekomenda ng rekomendasyon at siyempre, nandiyan po ang Department of Justice na para que pa siyang naging Chief Legal Adviser ng Presidente kung hindi naman pakikinggan ano.
SALVACION: Totoo po. Eh, sabi—may report kahapon na natapos na raw ng legal team ni Presidente iyong pagbusisi dito sa Anti-Terror Bill. Ibig sabihin, ipapasa na ito kay Presidente and ready for signature?
SEC. ROQUE: I think ang natapos lang po is si Secretary Panelo.
SALVACION: Ah…okay. So, hindi pa iyon kabuuan ng team na inaasahan ni Presidente sa ganitong mga bagay?
SEC. ROQUE: Opo at saka bukod pa po diyan, ang Presidente abogado rin.
SALVACION: Oo nga, hindi ba…
SEC. ROQUE: So, kung napapansin ninyo, nagkakaroon talaga siya ng mga posisyon dahil binasa niya at nagkaroon siya ng sariling paninindigan ano. So, kahit siya’y may mga advisers, ang benepisyo naman ng Presidente mo’y abogado eh puwede niyang basahin mismo iyong panukalang batas at tingnan kung may malalabag na probisyon sa Saligang Batas.
SALVACION: Pero wala pa pong schedule kung ano kung kailan pipirmahan ito ni Presidente?
SEC. ROQUE: Wala po, wala po.
SALVACION: Okay.
SEC. ROQUE: Pero full schedule po siya sa Monday including iyong pagtatanggap ng mga credentials ng mga ambassadors pero lahat po iyan online na.
SALVACION: Okay. Last two questions na lang, Secretary.
SEC. ROQUE: Ikaw naman kanina ka pa last, nahawa ka na kay Joseph Morong huh… [laughs]
SALVACION: Hindi… Sabihin mo muna artistahin din ako para [unclear] Hindi, joke. Sir, ito lang, doon sa Anti-Terror kasi—
SEC. ROQUE: Ikaw ang crush ng bayan, Weng, hindi ka artistahin…
SALVACION: Grabe iyan… huwag mo sabihin iyan, sir. Uuwi na ako, may nanalo na.
SEC. ROQUE: Uwi ka na huh…
SALVACION: Hindi, sir, last na lang. Dito sa Anti-Terror kasi ito, iyong kanina sa COVID. Doon po sa Anti-Terror Bill, ive-veto—wala iyong possibility na i-veto—pinag-aaralan ito ni Presidente to be signed at he will not let it parang lapse into law.
SEC. ROQUE: Eh kasi po, nagkaroon naman siya ng certification of urgency. Hindi ko lang sigurado kung iyong sinertify urgent niya ay kapareho ng naipasa ng Kongreso. So, iyon po ang isang bagay na titingnan ko pa ano. So, hindi naman para i-veto ni Presidente ang isang panukalang batas na sinertify as urgent niya so, parang iyong [garbled] expectations ano.
Pangalawa, ang author naman ng Bill ay pinagkakatiwalaan ng marami, si Sen. Lacson at si Senate President Tito Sotto, so hindi naman po iyan nanggaling mismo sa Malacañang. Kung iyong mga kalaban ng Presidente ang ginagamit nilang issue eh galing kay Presidente, hindi po. Naipasa na po iyan ng Senado noong isang Kongreso pa, 17th Congress pa, naantala nga lang sa Kamara at ngayon po, apat na buwan nang naipasa ng Senado iyang panukalang batas na iyan bago na-certify as urgent.
So, huwag ninyo pong kalimutan, ito po ay hindi naman nanggaling sa Presidente, hindi naman ito hinihingi ng Presidente. Nakabinbin na iyan, natapos na nga ng Senado nang na-certify as urgent. At tingnan ninyo na lang iyong mga personalidad sa likod ng batas na ito kung pagkakatiwalaan ninyo sila o hindi.
At sa tingin ko naman sa daming beses na nananalo para sa Senado si Sen. Lacson o si Sen. Sotto eh karapat-dapat naman ang tiwala ng taumbayan na hindi sila magsusulong ng isang batas na lalabag sa Saligang Batas.
SALVACION: Kayo sir sa tingin ninyo ang kopya ng Bill na ito papasa sa panlasang legal ng Korte Suprema.
SEC. ROQUE: Well, ako po mismo kasi ang dami ko ng eksperiyensya diyan sa Korte Suprema. Matindi po ang prosesong pagdadaanan at hindi po ganoon kadali. Kinakailangan malaman muna kung mayroong case or controversy, hindi pupuwedeng theoretical lang dapat mayroon ng nahuli actually ano at nalitis para sa Anti-Terror Bill bago ka makarating ng Supreme Court.
Pangalawa, kinakailangan mayroon talagang kontrobersiya. Iyon nga, hindi pupuwede iyong declaratory relief na sinasabi pagdating sa Supreme Court.
At pangatlo, eh dapat mayroon kang standing ano. Paulit-ulit na sinasabi ng Korte Suprema iyan iyong pagbabasura sa petisyon ni Gadon doon sa ABS-CBN eh dahil wala naman talagang standing daw si Gadon ano. Anong material injury na maisa-suffer mo dahil ikaw ay nagsampa ng kaso ano.
Napakahirap mo talaga na makarating doon sa punto na didinigin ng Korte Suprema mismo iyong merito.
Pero having said that, ako naman po’y… I’m proud of my accomplishment na tayo ay kauna-unahang nakapagdeklara ng walang bisa dahil labag sa Saligang Batas iyong General Order No. 1 na nagsasabi na: Calling upon the Armed Forces and the military to [garbled] lawless violence and acts of terrorism.
At doon sa kasong iyon, David vs Arroyo eh sinabi ng Korte Suprema, iyong panahon na iyon dahil walang depenisyon ang terorismo, pupuwedeng gamitin para supilin ang karapatang pantao. Pero mula noong panahon na iyon, napakatagal nang nakalipas, nagkaroon na po ng depenisyon sa United Nation at sa iba’t-ibang mga international bodies kasi nga po patuloy na banta ang terorismo.
At sa tingin ko naman po ngayon bagama’t ako po’y naninindigan sa karapatang pantao dahil nga sa pagbabagong ito na nagkaroon na ng depenisyon bagama’t hindi perfect definition, iyan po ay sapat para makalusot iyong panukalang batas dahil iyan po iyong pinaka-importanteng… kumbaga the most contentious issue – ano ang terorismo.
At iyong mga ibang isyu naman na inilalabas diyan, iyong 14 days na warrantless arrest eh, ang tingin ko naman ang safeguard eh dahil mayroong probisyon doon na dapat pagsabihan iyong pinakamalapit na hukuman at hindi naman po binabago iyong rules on warrantless arrest dahil otherwise, iyon po ang dahilan para maging unconstitutional dahil tanging Supreme Court lang ang pupuwedeng mag-promulgate ng rules of court.
SALVACION: Alright. Sir, maraming, maraming salamat! At iyon na talaga iyong last question ko. Magandang umaga po! Thank you!
SEC. ROQUE: Maraming salamat sa crush ng bayan, Weng Salvacion. Iyan na ngayon ang iyong bagong titulo, ang crush ng bayan sa kaisa-isahang…
SALVACION: Radyo na TV pa.
SEC. ROQUE: Dalawa pa kayo, TV station. Tatlo pala kayo, mayroon pang PTV 4—
SALVACION: Radyo na, TV pa.
SEC. ROQUE: Sa nangangalampag ngayon sa ratings, Radyo na, TV pa!
SALVACION: Thank you, Secretary!
SEC. ROQUE: Weng Salvacion, ang crush ng bayan! Ay! Hindi pala ako iyong reporter, ikaw pala iyon! Baliktad! Okay, good morning!
SALVACION: Sir, ingat huh… good morning! Ingat ka po! Thank you.
###
SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)