SEC. ANDANAR: Mga kababayan, nasa ika-isandaan at tatlong araw na tayo ngayon ng ating pakikipaglaban sa pandemyang ito. Marami na tayong tinalakay na mahahalagang usapin dito sa ating programa para magbigay ng solusyon, kabilang na diyan ang kalusugan, edukasyon, negosyo, trabaho, ekonomiya at marami pang iba.
Pero sa puntong ito, mga kapatid nating mga katutubo naman ang alalahanin natin sa kalagitnaan ng krisis pangkalusugan kung saan kabilang sila sa mga pinakaapektado ng COVID-19. Magkakaiba ang antas ng pasanin ng bawat isang Pilipino pero pinakamatindi ang epekto nito sa mga mahihirap at vulnerable sector sa lipunan lalo na ang Indigenous Peoples o IPs.
Kabilang sa mga pangangailangan nila ay serbisyong pangkalusugan, kabuhayan, edukasyon at marami pang iba. Kaya’t sa tuwing may krisis, kabilang ang mga katutubo sa mga pinakamatinding sinasalanta natural man na kalamidad o pagkalat ng nakamamatay na sakit. Halimbawa na lamang ang magnitude 6.5 earthquake na yumanig sa Cotabato kamakailan kung saan hindi pa nga halos nakakabangon ang karamihan sa kanila ay nasundan na agad ng nakababahalang sakit na coronavirus.
Ilan lang ang mga ito sa mga binigyan ng pansin ng National Commission on Indigenous Peoples at ng samahan ng mga katutubo sa Pilipinas na Tuklas Katutubo.
Ang mandato ng NCIP ay maging pangunahing ahensiyang gagawa at magpapatupad ng mga polisiya, plano at mga programa para maiangat at maprotektahan ang mga karapatan ng mga Indigenous Peoples.
Naglunsad rin sila ng Oplan Bayanihan for Stranded IPs katuwang ang private sector para mabigyan ng ayuda ang mga naipit na mga katutubo dahil sa umiral na Enhanced Community Quarantine. Sa katunayan libu-libong IPs mula sa mga tribal groups ng Subanen, Manobo, Biyakan, Maranao, Tuwali, Ayangan, Isnan, Itneg, Kalanguya at iba pa ang nakatanggap ng relief goods, hygiene kits at accommodation. [VTR]
Ang tatlumpu’t limang indibidwal naman mula sa Barangay Gambang, Bakun, Benguet ay pinairal ang kulturang ‘Inayan’ o ang pagpapaubaya sa iba ng kanilang slot para sa Social Amelioration Program.
Lipat naman tayo sa isang pribadong organisasyon, ang Tuklas Katutubo, samahan ng mga katutubo sa Pilipinas. Isa itong people’s organization na binubuo ng mga boluntaryong katutubo at mga IPs advocates sa buong Pilipinas. Gaya ng NCIP, layunin din nila na iangat ang kabuhayan ng mga katutubong Pilipino sa larangan ng edukasyon, pangkabuhayan, kalusugan, lupang ninuno, kalikasan, kapayapaan at kaunlaran na nakaangkla sa kanilang kultura bilang pundasyon sa kanilang pamumuhay.
Dalawampu’t isang taon na rin silang naglilingkod sa katutubong pamayanan katulong ang iba’t ibang indibidwal, institusyon at ang pamahalaan.
Pagkakaisa at pagkilala sa dignidad ng lahat nang walang naiiwan o naisasantabi – iyan ang ating magiging daan sa kaunlaran habang bumabangon tayo sa pinsala ng pandemyang ito.
Habang nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine ang buong bansa, marami ang nangangailangan ng tulong at marami ding tumutulong. At ngayong malaking bahagi na ng bansa ang nasa General Community Quarantine o GCQ at MGCQ, naging abala ang marami sa muling pagbangon habang hinaharap ang new normal. Dahil sa muling pagbubukas ng ekonomiya, balik trabaho na ang marami para suportahan ang pamilya.
Pero mayroon tayong dapat ding pagtuunan ng pansin, ito ay ang mga kababayan nating katutubo sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas. Labis din silang naapektuhan ng pandemya pero bago pa iyan, dumaan na sa mga pagsubok ang ilang nasa Mindanao nang sunud-sunod na yanigin ng lindol ang ilang lugar doon. Hindi pa man nakakabangon, panibagong hamon ang kanilang hinarap kaya malaking suporta ang kailangan nila para malagpasan ang mga pagsubok na ito.
At para ikuwento sa atin ang mga pinagdadaanan ng mga kapatid nating katutubo sa buong bansa, makakausap natin via Skype si Datu Panguliman Jason Sibug, ang National President ng Tuklas Katutubo. It is a national volunteer’s organization of Indigenous Peoples here in the Philippines composed of professionals, teachers, farmers, healthworkers, fisherfolks and community leaders working for the protection and promotion of peace, rights, welfare and development of the Indigenous Peoples.
So now, let’s welcome to the Cabinet Report dito sa Teleradyo si Datu Jason Sibug. Magandang gabi sa iyo Datu Jason.
DATU SIBUG: Magandang gabi kaibigang Sec. Martin.
SEC. ANDANAR: Could you give us a brief background of Tuklas Katutubo, why and how it was founded in 1998?
DATU SIBUG: Salamat, Sec. Martin. Ang Tuklas Katutubo ay isang samahan ng mga katutubo sa Pilipinas, boluntaryong kumikilos para tulungan ang mga kapwa katutubo na iangat ang kanilang pamumuhay sa larangan ng edukasyon, kalusugan, kalikasan, lupang ninuno, kapayapaan at kaunlaran. Nabuo ito dahil naisip namin nang sa panahon ng 1998, mayroon pa ring mga kakulangan sa pagbibigay ng mga pangunahing pangangailangan sa mga katutubong komunidad sa dahilan na sila ay nasa malalayong lugar at hindi nabibigyan ng prayoridad ng pamahalaan noong mga panahon,
Dito, nagbuo ang isang samahan ng mga katutubo sa Pilipinas upang tulungan ang ating pamahalaan para maiparating sa kanila ang mga pangunahing serbisyo lalo na sa isyu ng edukasyon, kalusugan at iba pang mga pangunahing serbisyo. Dito nabuo at lalo na sa mga malalayong komunidad, tayo ay umaakyat at nagbibigay ng mga tulong, hindi mga pangmadaliang tulong kundi pangmatagalan na pangtulong at kalidad na pagtulong at iba pang programa para sa kanila.
Ito ay binubuo ng mga magsasaka, manggagawa, mga teachers, mga professional, may mga abogado, may doktor, may mga iba-ibang propesyon na boluntaryong kumikilos nang kusang-loob, walang suweldo pero kusang-loob na tumutulong sa mga kapwa nating mga katutubo Sec. Martin.
SEC. ANDANAR: Nang sunud-sunod tumama ang lindol sa Mindanao noong nakaraang taon, marami bang katutubo ang naapektuhan at paano sila bumangon at tinulungan ng inyong organisasyon?
DATU SIBUG: [Garbled] Sec. Martin [garbled] maraming mga katutubo ang naapektuhan sa nakaraang sakuna. Sa katunayan, halos lahat ng lugar na tinamaan ay bahagi sa tinatawag na ancestral domain ng mga Manobo, Tagabawa, Tinananon, Tagakaolo, B’laan, T’boli at iba pang mga tribo. Ultimo ang aming mga pamilya, tribo ang Manobo ay nakaranas din sa karamihan sa mga katutubo ay naninirahan sa mga kabundukan dahil of course dito ang kanilang [garbled]. Ito ang lugar na napagpapatuloy nila ang kanilang tradisyon at pamumuhay at malaya nilang nasasagawa at pangangalagaan ang kanilang kultura/tradisyon.
Subalit karamihan sa kanilang mga lugar, ang kanilang mga tinitirahan ay nadedeklara ng mga MGB bilang mga hazardous area kaya sila mismong nasa kabundukan ang siyang natatamaan ng—kaya nga iyong kasalukuyang lindol, pabahay, paaralan kahit mga sagradong lugar ng mga tribo, kasama na rin ang kanilang mga sinasaka ay talagang nasira.
Sa usapin nga ng pag [garbled] ang mga katutubo naniniwala kami base sa aming karanasan ay may kakayahang bumangon kahit anumang sakuna ang darating sa buhay. Pero ito ay hindi mabilis kundi mabagal kaya’t kailangan gabayan sila ng iba’t ibang institusyon at ng pamahalaan para makaahon sa problema.
‘Di madali para sa gobyerno ang mag-isa sa pagtugon dito; kaya dito pumapasok ang samahan ng Tuklas Katutubo kasama ang aming mga kaagapay na mga institusyon na nanguna sa paghatid ng mga pangunahing pangangailangan noong panahon noong lindol tulad ng mga maiinom na tubig ‘di lang para sa mga katutubong komunidad kundi para sa lahat.
Noong panahon sa Kidapawan at Makilala, ang Tuklas Katutubo ang nagpaikot ng maiinom na tubig sa tulong ng ating kasamahan na si Christopher Camba ng Aboitiz Company at ng Apo Agua at iba’t ibang institusyon, nakapagbigay tayo ng tubig. Sa larangan ng pagkain, natulungan tayo ng mga iba-ibang institusyon galing pa ng Sarangani, South Cotabato, iba-ibang institusyon tulad ng NCLF at Negros Volunteers for Change, Jollibee sa pagbibigay ng pagkain.
Nagpapatayo rin tayo ng paaralan para sa mga estudyante. Habang sila ay nag-aaral, nasira kasi ang school nila so tayo ay tumutulong sa pagpapatayo ng temporary’ng paaralan para sa mga katutubong Pilipino. Kaya nga natutuwa kami na mga volunteer kasama namin sa pagbubuo ng mga [unclear] na gamit lamang ng bayanihan.
Mayroon din tayong mga feeding program sa mga estudyante lalo na iyong mga eskuwelahan na talagang ang mga magulang nila ang naapektuhan nila sa lindol, nawalan ng hanapbuhay, nawalan ng trabaho dahil sa lindol, iyong ang mga area na binigyan natin ng mga feeding program, Sec. Martin.
SEC. ANDANAR: At dahil sa COVID-19 pandemic, marami ang nagdusa at hanggang ngayon ay nagdurusa. Gaano naman kaapektado ang mga kapatid nating katutubo; paano nila hinarap ang banta ng COVID-19?
DATU SIBUG: Napakahirap ang sitwasyon pagdating sa pandemya ‘di lang sa katutubo kundi sa buong bansa Sec. Martin. Lalung-lalo na sa North Cotabato hindi pa nakaahon ang mga katutubo sa lindol, dumating naman ang panibagong sakuna, itong COVID-19. Kaya nga nakakaawang tingnan ang mga kapatid nating mga katutubo na katatapos lamang ng lindol, dumating naman ang panibagong sakuna. Nahirapan silang makaahon sa panahon na dalawang pagsubok na dumating sa kanila.
Pero karamihan sa mga katutubong komunidad ay nakakatuwa pa ring isipin Sec. Martin, kasi sila pa rin ay nakikipagtulungan sa gobyerno para dahang-dahang mawala ito sa pamamagitan ng pagdisiplina sa sarili, ‘di lumalabas sa mga lupang ninuno, hindi lumalabas sa kanilang mga bahay, sumusunod pa rin sa paggamit ng tinatawag natin na face mask at sumusunod sa ating patakaran na pagsunod sa social distancing.
Mayroon ding mga positibong kuwento Sec. Martin ng pagbabayanihan. Nakakatuwang isipin na marami sa mga katutubo ang naging bahagi sa pagsugpo ng pandemyang COVID. Iba sa kanila ay hindi humihingi ng ayuda dahil nga sa kanilang katutubong komunidad, na may sapat nang pagkukunan ng pagkain. Dahil ang kanilang mga lupaing ninuno ay punung-puno ng pagkain, hindi na sila humihingi ng ayuda, mismong tinatanggihan nila ito at ibigay na lang sa karamihan.
Mayroon namang mga katutubo na nagpapadala ng mga gulay sa iba-ibang siyudad lalo na sa Manila at iba-iba pang mga siyudad sa ating mga kapwa mga Pilipino. Mayroon ding iba na mga kapatid nating Aeta tulad ng kasamahan namin sa Tuklas Katutubo sa mga Aeta ng Zambales, bumaba ng Pasay, tumulong na nagbibigay ng mga pagkain sa mga kapwa nating mga Pilipino at nagbibigay ng mga feeding program para sa mga kabataan doon.
Bakit nila ito nagagawa? Dahil una, ang kanilang pangunahing pangangailangan ay naroroon na sa kanilang lupaing ninuno bilang ‘food basket’ nga at merkado kaya mahalaga talaga ang lupang ninuno para sa amin Sec. Martin. Kaya karamihan ay hindi nakakaranas ng pag[garbled] pero karamihan sa nahirapan ay iyong mga katutubo na nagtatrabaho sa labas ng kanilang lupang ninuno bilang empleyado ng pribado o maliliit na establisyimento o mga manggagawa kaya doon tayo pumapasok para makatulong ang Tuklas Katutubo.
Sa kabuuan, ang katutubo dahil sa angking kultura’t pagkakaisa ng bayanihan, ito ay naging solusyon sa pandemyang ito [garbled] ang panahon ng pandemya, nakita natin ang pakikipagkaisa at pagbayanihan ng mga katutubo sa buong Pilipinas tulad ng ginagawa ng Tuklas Katutubo. Dahil kung hindi rin kami susunod sa alituntunin ng pamahalaan, mismo ang aming tribo ay mapapahamak Sec. Martin. Ito ay magiging kasalungat na sa salitang ‘may our tribe increase’ dahil kung may pandemya at hindi kami tumutulong, uubusin nito ang aming tribo dahil sa pandemyang ito.
SEC. ANDANAR: Kayo ba ay mayroong record kung may mga grupo ng katutubo na tinamaan ng COVID-19; at kung sakali, paano ninyo sila tinulungan?
DATU SIBUG: Mayroon tayong mga areas na napabilang—tulad ng North Cotabato na—though dito sa North Cotabato kasi ay halos nagkakaroon na tayo ng mga negatibong kaso at tayo’y nagpapasalamat sa aktibo na kilos ng ating mga lokal na pamahalaan.
Pero mayroon ding mga areas na natutulungan ng Tuklas Katutubo lalo na sa Manila, mga na-stranded sa Davao, na-stranded sa Bukidnon, na-stranded sa Misamis, ang Tuklas Katutubo ay tumutulong din sa kanila dahil hindi sila nabibigyan ng ayuda sa mga lugar na napupuntahan tulad ng mga estudyante at nagtatrabaho doon.
Ang Tuklas Katutubo ay nakakatulong sa kanila sa pagbibigay ng mga konting ayuda para sa kanila para magamit nila sa pagkain, pang-araw-araw na pangangailangan nila. Marami, marami pa ring mga katutubong Pilipino ang natamaan talaga ng pandemyang ito Sec. Martin.
SEC. ANDANAR: Bukod sa partnership ninyo sa iba’t ibang stakeholders, how do you sustain the support that Tuklas Katutubo extends to the IPs? Mayroon ba kayong nakukuhang grant from the government, from international organizations or mayroon ba kayong sarili ninyong fund raising? Do you have a farm, do you plant; ano ba iyong mga paraan para ito’y siguradong magtuluy-tuloy? Because I have known you since 2008 and you’ve been doing this since 2008 or before that.
DATU SIBUG: Yes. Before that Sec. Martin, ang Tuklas Katutubo ay nabuo na halos 1998 pa, halos dalawampu’t dalawang taon na ang Tuklas Katutubo na nagsisilbi at naglilingkod sa ating bayan sa mga katutubong Pilipino. Sa katunayan ang Tuklas Katutubo ay may iba’t ibang partners, mayroon po tayo from different places ‘no tulad ng mga funding from other countries.
Mayroon ding mga institusyon, indibidwal at even government institutions na tumutulong sa Tuklas Katutubo sa pagpapatuloy ng programa tulad ng edukasyon, ang Department of Education ay kaagapay natin sa pagpapatuloy ng ating mga programa sa edukasyon. Sa pangkalusugan, ang DOH ay kasama rin natin sa paghahatid ng kalidad na programang pangkalusugan sa mga katutubong komunidad.
Mayroon din tayong ibang mga programa pa tulad ng tourism, kasama natin ang DOT at tumutulong ang pamahalaan talaga lalo na sa mga local programs namin sa grassroots level kasama namin ang LGU at ang mga barangay officials, hindi sila nawawala sa pag-iimplementa ng aming mga programa at nagpapasalamat kami sa kanilang mga suporta doon.
Mayroon ding mga indibidwal, mayroon ding mga simbahan at iba-ibang mga institusyon Sec. Martin.
Ang Tuklas Katutubo, nagkakaroon din ng mga fund-raising activities para lang makalikom ng mga pondo para patuloy na makatulong sa mga kapwa mga katutubo. Hindi lang mga katutubo ‘no, maski kapatid nating mga Muslim at mga kapatid nating mga Kristiyano ay nabibigyan din at natutulungan na rin natin sa ating mga programa.
Pero higit dito Sec. Martin, ang mga volunteers na miyembro rin ng Tuklas Katutubo ay nagpapatuloy pa rin ng pagsusuporta sa aming samahan nasaan man sila sa mga lugar, mapa-abroad man, hanggang ngayon ay tumutulong pa rin sa Tuklas Katutubo. Katunayan ang iba sa mga Tuklas Katutubo, kung saan sila nagtatrabaho at anuman ang ginagawa nila, kung bilang nurse, bilang pulis, bilang manggagawa, bilang magsasaka, sa panahon ng pangangailangan, kami ay magsasama para tulung-tulong naming magkaisa para tulung-tulong na tulungan ang aming mga kapwa na hindi lang nasalanta ng mga pandemya o anumang pagsubok, kundi sa iba pang mga programa na pangmatagalan na mabibigay natin sa mga katutubong Pilipino.
In 22 years naming serbisyo, kami po ay boluntaryo pa rin na kumikilos na kusang-loob at ako’y nagpapasalamat sa mga volunteers natin sa buong Pilipinas na walang kapalit. Sila ay nagpapatuloy sa pagbibigay nang buong pusong pagtulong sa mga kapwa nating mga katutubo sa Pilipinas.
SEC. ANDANAR: Madalas ang pinagtutuunan lang natin ng pansin ay ang sitwasyon sa mga siyudad at ang pagbangon dito. Nalilimutan natin na may mga kapatid tayong katutubo na nangangailangan din ng pansin at ayuda kaya maraming salamat kay Datu Jason Sibug at ibinahagi mo sa amin ang inyong mga efforts para matulungan ang Indigenous Peoples. Thank you for your time, mabuhay ka.
DATU SIBUG: Maraming salamat, Sec. Martin. Mabuhay ang Pilipinas.
SEC. ANDANAR: Kausapin po natin ang Secretary ng National Commission on Indigenous Peoples o NCIP, ang ahensiya ng pamahalaan na nangangasiwa sa kapakanan ng mga katutubo. Ito ay nasa ilalim ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.
Makakausap natin via Zoom si Secretary Allen Capuyan, siya ay dating Philippine Army officer na bahagi ng PMA Class of 1983. Matapos siyang magretiro, siya ay naging Assistant Manager for Security and Emergency Services ng Manila International Airport hanggang sa itinalaga siya bilang NCIP Secretary. Siya ay bahagi ng katutubong Manobo. Let’s welcome Secretary Allen Capuyan. Magandang gabi po sa inyo, sir.
SEC. CAPUYAN: Good evening, sir. Yes sir, good evening. Good evening Secretary Andanar, sir.
SEC. ANDANAR: Sec. kumusta po ang NCIP at ang mga kapatid nating katutubo sa gitna ng epidemya ng COVID-19?
SEC. CAPUYAN: Medyo malaking hirap at dagok itong COVID sa ating mga kapatid na katutubo kaya po sa karaniwan na nasa malayo at liblib na lugar, ang IP ay naapektuhan sa mga pangyayaring ito at pati ang kanilang pamumuhay ay naapektuhan din.
SEC. ANDANAR: Sir, ano po ang masasabi ninyo sa mga hamon na kinakaharap ng mga IP sa ngayon at paano po tinutugunan ng NCIP ang mga panibago at mas malalim na mga pagsubok na ito?
SEC. CAPUYAN: Alam po natin na ang ating katutubo ay nagkaroon ng katuparan, iyong tinatawag natin na ‘historical injustice.’ Pero dahil sa Republic Act 8371 or IPRA Law, ay naipakita na sila ay may karapatan sa apat na aspeto: karapatan sa self-governance, karapatan sa ancestral domain, karapatan sa social justice of human rights at karapatan sa cultural integrity.
At sa COVID na ito ay lalong lumilitaw na nakikita natin na sa pamamagitan ng mga karapatang ito ay lalong pinag-igting natin sa NCIP na ating mapoprotektahan ang kanilang mga karapatan na naisulat sa ating batas.
SEC. ANDANAR: Ano po naman ang programang food security initiative; bakit po ito mahalaga sa ating mga IP?
SEC. CAPUYAN: Itong programa na ito mahal na Secretary ay tamang-tama po na ito ay ni-launch ng ating Department of Agriculture, dahil dito sa COVID lalong nagkaroon ng meaning ito dahil sa pangangailangan natin sa mga pagkain dahil it is projected na magkakaroon ito ng kakulangan sa pagkain. At alam naman natin na sa aspeto ng agrikultura ay nangunguna diyan ang ating mga mahal na mga kapatid na katutubo based sa kanilang experience.
So nagkaroon kami ng tinatawag na series of meetings with the Department of Agriculture. In fact nagkaroon tayo ng sub-cluster sa Inter Agency Task Force na ang NCIP ay isa sa mga nangungunang ahensya para pag-usapan itong food security na magkaroon ito ng tatlong aspeto ng katuparan. Una, ay magkaroon ng self-sufficiency sa loob ng komunidad. Pangalawa, ang pangangailangan ng mga katutubo sa loob ng ancestral domain ay maisakatuparan. At pangatlo po ay mismong ang ancestral domain ay maging source, na maging food basket para ito ay makatulong sa pangangailangan sa buong mamamayan ng Pilipinas.
SEC. ANDANAR: Ano pa po ang mga natatanging karanasan ng NCIP ngayong panahon ng COVID-19; paano nila hinarap ang pandemya?
SEC. CAPUYAN: Ang isang nakikita natin dito ay lalong lumilitaw ang tinatawag natin na mga customary laws at iyong mga aspeto ng self-governance. Dito lalong napaigting ang pag-exercise natin ng mga tinatawag na indigenous political structure, iyong kanilang leader. Mayroon pala silang practice sa kultura na may mga lugar din sila na pinag-iipunan sa panahon ng pandemya or pandemic. Alam naman natin na bago pa ang Pilipinas ay nandito na sa ating bayan ang mga katutubo at ito ay kanila nang ini-exercise, hindi ito bago sa kanila. Mayroon silang sinusunod na mga alituntunin at mga pamamaraan sa pamamagitan ng customary laws. So, ito ay lalong nagpapakita sa atin na talagang iyong kanilang pag-exercise ng self-governance at saka sa kanilang kultura ay applicable hindi lang sa normal times kung hindi sa panahon ng pandemic po.
SEC. ANDANAR: Ang DSWD po ang nangasiwa sa Social Amelioration Program or SAP nitong panahon pandemic. Karamihan ng naibabalita ay iyong mga nabibigyan ng tulong sa higit 42,000 na barangay sa buong bansa. Karamihan pa nga ay puro reklamo ang naririnig natin, pero bihira tayong makarinig ng balita sa mga katutubong nabigyan ng ayuda. Paano po ninyo ipinaaabot ang tulong sa mga IP?
SEC. CAPUYAN: Unang-una, noong panahon na nagkaroon tayo ng deklarasyon ng pandemya, nag-initiate agad ang NCIP ng tinatawag na Oplan Bayanihan. Ito ay intervention ng NCIP at ibang ahensiya para ma-reach out natin iyong mga kapatid natin na naiwan dito sa Manila, mga estudyante na hindi alam kung ano ang gagawin, nagkaroon tayo ng intervention.
Sa countryside naman, nagkaroon ng initiative ang ating mga regional offices na habang nag-aantay tayo sa amelioration na sinasabi ay kumikilos na ang ating mga regional office at saka provincial office para mag-reach out and at the same time in-explain nila sa mga kapatid natin na katutubo na mayroong limitasyon ang mga resources na ito at dito natin ipapakita ang ating kakayahan na kaya din nating kumilos na hindi dependent sa bigay ng ating gobyerno.
At makikita natin, mayroon tayong isang ehemplo dito sa Cordillera na iyong isang Mayor nga na katutubo ay nagsabi na ‘hindi namin kailangan ng tulong, uunahin iyong ating mga kapatid sa mamamayan.’ So, ang ibig sabihin po nito ay hindi tayo dependent sa lahat ng aspeto na kailangan mula sa gobyerno.
Kapag nakita naman natin ng ating mg kapatid na katutubo na nandoon iyong pangangailangan sa ibang sector, sila po ay maparaya. Unang-una, ang karakter po ng tribu ay hindi po ito mahilig mag-complain. Ang tribu ay nandoon iyong kanilang pananaw iyong pagrerespeto sa ating pamahalaan.
SEC. ANDANAR: Ngayon naman po, Secretary, na humaharap po tayo sa new normal. Kumusta naman po ang kanilang sitwasyon sa kanilang lugar; paano rin sinusuri ang magiging sistema ng kanilang pag-aaral? Alam naman natin na ang tirahan ng mga katutubo ay malayo at walang internet at hirap din ang kuryente.
SEC. CAPUYAN: Mayroon tayong programa ngayon na naipasulong. Bago pa tayo nagkaroon ng COVID ay nakita na ito ng ating mahal na Pangulo at ng ating mga kasamahan sa Gabinete, sa Department of Education, nagkaroon ngayon ng tinatawag na shaping up of schools in the countryside and if I am not mistaken also sa programa ng ating DICT priority po ang ating tinatawag na internet or Wi-Fi through satellite ay priority itong mga lugar ng mga katutubo. So, this is a work in progress na programa ng ating pamahalaan.
SEC. ANDANAR: Secretary Capuyan, paano po ninyo ipinapayakap ngayon sa mga katutubo ang new normal, iyong wearing of mask, iyong physical distancing, paghuhugas ng kamay, etcetera?
SEC. CAPUYAN: Kasama po sa ating adbokasiya ang pag-reach out sa kanila ng iba’t ibang mga pamamaraan. Gusto ko po sabihin na bago pa man po tayo nagkaroon ng ganitong sitwasyon, ginagamit na namin sa NCIP ang tinatawag nating ‘taking advantage of our technology.’ So noong nagkaroon tayo ng new normal ay nagkaroon tayo ng tinatawag na engagement or connection through technology sa iba’t-iba nating mga pamayanang katutubo. In fact, hindi po ninyo naitanong mahal na Secretary, several times na tayong nagkaroon ng meeting through zoom ng iba’t ibang leaders na matatanda at kabataan sa iba’t ibang Panig ng Pilipinas. So, doon natin isiniwalat at ibinabahagi iyong mga iba’t ibang klaseng alituntunin na gustong iparating sa kanila ng ating mahal na pamahalaan.
SEC. ANDANAR: Nais ko lang isingit din ang tanong na ito, Secretary Capuyan, na tayo po ay very active sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict. Kumusta po ang naging operasyon ng NTF-ELCAC lalung-lalo na in saving our IPs from the hold of the CPP-NPA ngayong panahon ng COVID-19?
SEC. CAPUYAN: Salamat po mahal na Secretary. Alam natin na ang pamayanang katutubo o tribu ay buong Pilipinas ay nagiging center of gravity sa interest ng ating mga kapatid din na may ibang ideyolohiya. Ang maganda po rito is… katulad ng effort na ginagawa natin na maparating hanggang United Nation kung paano inabuso, paano pinapatay ang ating mga kapatid na katutubo at nag-iipon tayo ng mga ebidensiya nito, hindi lang sa mga kabataan kung hindi sa mga matatandang leaders natin kaya na-establish natin na mayroong 17 major atrocities na-commit po ang CPP-NPA laban sa katutubong tribu.
Para lang ang paunahan nito ay sa elimination of the race, kasi pati kultura ay kanilang sinisira. But more than ever, hindi lang po ito tungkol dito sa bagay na ito. I-emphasize nandoon din ang aspeto ng delivery of basic services, iyong tinatawag natin na livelihood, poverty reduction, unemployment na hawak naman ng ating TESDA para katutubo. Mayroon naman tayong tinatawag na infrastructure and resource management na nandiyan nakikita natin ang DPWH at saka DENR.
Mayroon din tayong tinatawag na [unclear] kung saan ang mga iba’t ibang sector ng ating sosyedad ay binigyan ng pansin ng ating pamahalaan na ang kanilang human rights ay binigyan ng prayoridad na pagrerespeto sa karapatan ng ating mga kapatid na katutubo. So, iyon po ang mga alituntunin at gawain na ginagawa mahal na Secretary.
SEC. ANDANAR: And lastly Secretary Alan Capuyan. Sir, ano po ang inyong mensahe hindi lamang para sa mga katutubo, kung hindi maging sa buong Pilipinas, lahat ng mga kababayan natin patungkol po sa inyong role as Secretary dito po sa NCIP; at kung ano din po ang dapat maintindihan ng pangkaraniwang mga Pilipino doon sa mga struggles ng ating mga kasamahan sa indigenous people dito po sa ating bansa.
SEC. CAPUYAN: Sabi ng iba, ang katutubo raw ay tinatawag na banner sector o isang principal na sector ng ating sosyedad na napakalaki ng kaniyang kontribusyon sa ating national peace and development. Kapag pinag-usapan natin ang climate change, hindi puwedeng mawala diyan ang katutubo; pag pinag-usapan po natin ang tinatawag natin na preservation ng ating kultura, nandiyan ang katutubo; kapag pinag-uusapan natin ang ecosystem, biodiversity, nandiyan ang katutubo; kapag pinag-usapan natin ang reforestation, nandiyan ang katutubo; kapag pinag-usapan natin ang tubig na siyang dumarating sa mga mamamayan at iniinom natin, nandiyan ang mga katutubo at nagbibigay kalinga nito.
So, kapag security ang pag-uusapan, nandiyan din ang ating mga kapatid na katutubo.
Ibig sabihin napakaimportante ng role na ginagampanan ng ating special sector ng katutubo at dahil nga dito importante na maunawaan ng buong sambayanan na ang indigenous peoples or the indigenous cultural communities sa bayan natin na composed ng more than 130 groups at around 16 to 18 million in population occupying almost ¼ of our national territory ay indigenous peoples.
Napakalaki ng kanilang role, in fact, kung mayroon mang sektor sa ating sosyedad na hindi na kailangang turuan para i-preserba ang ating mga kalikasan, ang mga hayop, mga kahoy, lahat na iyan, hindi mo na kailangang turuan ang ating mga kapatid na katutubo kasi ito na iyong kanilang basic instinct. Kaya mahal na Secretary mayroong tinatawag na isang quotation na very common sa kanila.
‘Di ba may kasabihan tayo na ang lupang ito ay minana natin sa ating mga ninuno. Sa salitang iyan, ang dating iyan puwede mong ibenta, pero sa katutubo, may isang pagtawag diyan, ang ating ancestral domain ay hiniram lamang natin sa ating mga anak at sa future generation.
Ibig sabihin ito talaga ay dapat alagaan, hindi para sa panahon na ito, kung hindi sa darating pa na henerasyon. And it is proven, dahil alam naman natin na sa pagpasok ng henerasyon ngayon, nakita natin kung paano na preserba ang ating mga kabundukan at iba’t ibang lugar, ito ay hindi mangyayari kung wala iyong ating mga kapatid na katutubo. Maraming salamat po.
SEC. ANDANAR: Maraming salamat po sa inyong panahon NCIP Secretary Allen Capuyan at miyembro din ng katutubong Manobo. Mabuhay po kay, sir.
SEC. CAPUYAN: Mabuhay kayo, sir salamat po at magandang gabi.
SEC. ANDANAR: Walang ligtas sa banta ng COVID-19. Anuman ang estado mo sa buhay, puwede kang tamaan nito. Higit 30,000 libo na ang kaso ng COVID-19 sa iba’t ibang lugar sa ating bansa. Maganda na may mga lugar na walang kaso, isang bagay na dapat ipagpasalamat at pangalagaan. Pero sa matataas ang kaso ng COVID-19 dapat seryosohin pa din ang banta nito kaya dapat pa ring mag-ingat.
Ang mga kapatid nating katutubo ay maaring may sariling paraan ng pag-iwas sa kahit anong sakit at iyan ay dapat pang pagyamanin. Suportahan natin sila at huwag kalimutan, dahil sila rin ay patuloy na lumalaban sa bawat hamon ng buhay.
Ito po ang inyong lingkod, Secretary Martin Andanar ng Presidential Communications Operations Office. Magandang gabi and have a great weekend.
###
—
SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)