Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Arnold Clavio, Susan Enriquez & Connie Sison/Unang Hirit/GMA7


 CLAVIO:  Secretary Roque, good morning! Igan, Connie at Susan.

SEC. ROQUE:  Magandang umaga Igan, Connie at Susan at magandang umaga, Pilipinas.

CLAVIO:  Secretary, iyong porsyento, tiyansa na ibalik ang Metro Manila sa MECQ, ano ba ang panuntunan natin kapag lumobo pa iyong kaso ng COVID-19; ano ang tingin ninyo?

SEC. ROQUE:  Well, alam mo Igan, hindi lang naman iyan sa numero na pinagbabasehan, mas importante iyong tinatawag na co-case doubling rate ‘no. Kapag ang case doubling rate o kapag dumoble ang number ng mga kaso ng pitong araw o mas mahigit pa, iyan naman po ay GCQ; pero kapag ito ay bumaba po sa isang linggo ay possible pong mag-MECQ muli ‘no.

At bukod pa doon sa case doubling rate, tinitingnan din natin iyong critical care capacity, iyong number of ICU beds, number of isolation beds, number of wards at saka hospital beds. At kung ito po ay nasa dangerous level, at mayroon pang mataas na case doubling rate, iyan po ang magdidikta kung babalik tayo sa mas mahigpit o mas maluwag na quarantine.

Pero sa ngayon po premature pa po, kasi hindi pa po nagpupulong ang IATF, hindi pa po napiprisinta ang datos, bagama’t ang alam ko po nananatili sa 7 to 8 days ang ating case doubling rate at bahagyang nag-improve po iyong ating critical care capacity. Umabot po tayo ng dangerous level pero bumaba naman po back to 50 na moderate level. So ang numero per se, hindi po iyan ang magde-determine, it’s the case doubling rate at saka iyong critical care capacity.

CLAVIO:  Okay, bilang paghahanda lang kung sakaling matuloy sa MECQ ang Metro Manila. Ano ito tigil operasyon uli ang business establishment, limitado muli ang transportasyon at may quarantine pass na naman po, Secretary?

SEC. ROQUE:  Well, talagang mababalik po iyong quarantine pass at magkakaroon po tayo ng pagbawas na naman sa transportasyon – in fact, sa MECQ wala ngang transportasyon eh ‘no, para lahat ng tao ay manatili sa bahay – at kakaunti na naman iyong industriyang bukas.

Kaya nga po umaasa ako na kahit papaano, kahit dumadami ang mga kaso, sana po ay hindi na bumalik sa MECQ, dahil talagang kinakailangang na nating maghanapbuhay lahat. Pero kung talagang kinakailangan at datos ang nagsabi, iyan naman po ay dedesisyunan.

CLAVIO:  Opo, dumako na po tayo sa inyong paboritong subject ang PhilHealth. Bigyan ninyo kami ng detalye at kulang pa eh, basta ang alam lang namin, tatlong opisyal ng PhilHealth, nag-resign dahil daw talamak ang korapsyon sa ahensiya, kabilang na iyong head ng Anti-Fraud Legal ng PhilHealth. Ano po ang impormasyon ninyo dito at alam na po ba ito ni Pangulo?

SEC. ROQUE:  Well, ang alam ko pang po ay ganito ‘no. Nagkaroon po ng isyu kasi iyan sa isang IT purchase na P2 billion plus at lahat po iyong mga pribadong director ay hindi sang-ayon diyan among others, kasi hindi naaprubahan ng DICT iyong P734 million worth na component at nagsasabi sila na mayroon ding overprice. So ito ay isang transaction lamang na mahigit P2 billion.

At ang alam ko talaga, hindi magkasundo ang management at ang private board members. Ito po iyong mga hindi ex-officio members, iyong mga government secretaries kasi iyong mga ex-officio members. So, ako naman po, ni-refer ko talaga iyan for investigation at ngayon po ine-imbestigahan ng Office of the Presidential—iyong OPS na tinatawag, hindi pala OPS—iyong posisyon po dati ni Senator Bong Go, iyan po ang opisinang nage-imbestiga ngayon  at saka ang Presidential Management Staff.  At ikukumpirma ko po na nagkaroon ng pagpupulong, para sabihin na nag-i-imbestiga na po ang kinauukulan, pinakinggan po ang lahat at ang naging conclusion ay isang maigting na imbestigasyon ang gagawin, at least dito sa isyu ng IT purchase. Pero kasi, importante iyong IT purchase lahat ng kababalaghan diyan sa PhilHealth ay nagagawa, kasi nga po wala silang mabuting IT system para maiwasan iyang korapsyon na iyan.

Now, ikukumpirma ko rin po na itong si Captain Thor Montes – isang abagado po ito, isang PMAer, dating  police captain kung hindi ako nagkakamali – ay  binigyan niya ako ng kopya ng kanyang resignation ‘no. At ang sabi nga doon sa resignation niya, dahil lantaran ang korapsyon sa PhilHealth at siya po ay isang—ang designation po niya is parang siya iyong anti-fraud officer ‘no. Pero iyan lang po ang alam ko, dahil, siya lang iyong nagbigay sa akin ng kopya ng kanyang resignation letter. At ang pagkakantindi ko po, itong si Captain/Atty. Thor Montes, dala-dala po mismo iyan ni General Morales, PMAer din po iyan at ang kanyang katungkulan ay talagang imbestigahan ang fraud at graft diyan sa PhilHealth pero doon sa kanyang liham, eh sinasabi po niya na… well, iko-quote ko na po ha, dahil siya naman iyong nagpadala sa akin ‘no, ‘I believe, there is widespread corruption in PhilHealth and many other reasons.’ So may mga ibang dahilan naman po siya kung bakit siya nagbitiw, pero isa po iyong sinasabi niyang napakadaming instances ng korapsyon. At ako naman nanawagan ako sa kanya, ngayong mayroon ng pormal na imbestigasyon, sana makipagtulungan na lang siya, bagama’t siya po ay nag-resign na, para matigil na once and for al lang corruption diyan sa PhilHealth. Kung hindi niya nagawa habang siya ay nasa loob, eh gawin na niya ngayon at sabihin niya ang lahat ng nalalaman niya bilang anti-fraud officer na dala mismo ni General Morales doon sa mga nag-iimbestiga.

CLAVIO:  Eh sino ang sangkot, hanggang kay Morales ba iyan, sino po ang sangkot, Secretary?

SEC. ROQUE:  Well, alam ninyo kasi, di ba iyong nangyari nga ang WellMed, eh napalitan ang lahat ng composition ng board. So, ang masasabi ko, hindi board ang problema rito ‘no; ang masasabi ko po iyong mga matatagal na diyan sa PhilHealth, dahil—na-shock nga eh, iyong sa pagpupulong, masakit ang mga sinabi kong salita, sabi ko ang korapsyon diyan sa PhilHealth mas matindi pa sa Customs, kaya lang nakatago at mga saka mga diumano disenteng tao ang mga involved, napakahirap kasing malaman.

Ako ang aking conclusion diyan talaga may sindikato talaga at ito po iyong pinakamatataas na career executives diyan sa PhilHealth, hindi naman po lahat, hindi natin nilalahat, pero ang talagang matitindi po diyan,  iyong mga pinakamatataas ang katungkulan dahil sila ang bumubuo po ng mga polisiya ng PhilHealth.

ENRIQUEZ:  Secretary Roque, ayon po sa PNP magkakaroon daw po ng one police per barangay deployment para mas maipatupad iyong quarantine measures. Ano po iyong kakayahan at limitasyon noong made-deploy ng pulis sa barangay pagdating sa quarantine violators; dapat ba itong ikatakot ng publiko?

SEC. ROQUE:  Hindi naman, dahil alam ninyo iyong ‘one police, one barangay’ ay hindi nga ata sapat iyan eh. Dito sa Quezon City kung saan ako nakatira, may isang barangay 150,000, so ano ang magagawa ng isang police diyan ‘no. Sa aming barangay, isa kami sa pinakamaliit na barangay dito sa Quezon City, tingin ko ay minimal din ang magagawa ng isang pulis lamang. Pero at least magkakaroon po ng police visibility para iyong mga tinatawag nating non-pharmacological behavioral changes, iyong pagsusuot ng mask, pag-iiwas sa pagtipun-tipon at saka iyong paghuhugas ng kamay ay maipatupad man lang. Mayroon kasing iba’t ibang mga ordinansa, mga siyudad dito sa Metro Manila at sa buong Pilipinas, ang ninanais po nating magkaroon talaga ng uniformed ordinance na nagpapataw ng parusa para talagang mapasunod natin ang ating taumbayan.

Pero bukod po diyan mas importante ngayon, iyong Oplan Kalinga, iyan po ang aking sinasabi ngayon. Kasi may mga pag-aaral na talagang nagpapakita na sumusunod naman tayo doon sa Holy Trinity na mask, hugas-kamay at iwas. Pero ang problema ngayon iyong mga asymptomatic at saka iyong mga mild cases, kinakailangan po kung wala silang sariling kuwarto, walang sariling banyo kinakailangan mag-check in na sila sa mala-hotel naman na mga isolation centers ng sa ganoon, hindi na kumalat iyong sakit sa kanilang pamilya at sa kanilang kapitbahay.

SISON:  Secretary good morning, si Connie po ito. Tungkol naman po doon sa SONA. Una, final venue na ba talaga at saan ho talaga magde-deliver ng kanyang ikalimang SONA ang Pangulo. May ilalatag din po diyang mga COVID-recovery plan kung sakali?

SEC. ROQUE:  Well, plantsado na po ‘no. Talagang pupunta ng Batasan po ang ating Presidente at limitado po ang kanyang audience, 25, 26 galing sa Kongreso, tapos 15 ang mga Cabinet Secretaries, ang Senado lahat sila 24. So mahigit-kumulang, ang mga opisyales po na darating ay 50 plus 15, 65 lamang, bagama’t siyempre marami rin pong PSG na papapasukin sa Batasang Pambansa. So, inaasahan po natin na sa talumpati ni Presidente ay tututukan niya hindi lang iyong epekto ng COVID sa bansa, kung hindi kung paano tayo makakabangon dito sa COVID na ito ‘no.

CLAVIO:  Okay, maraming salamat, Secretary, sususubukan po nating kunin iyong panig ng PhilHealth tungkol sa pag-resign ng ilan nilang opisyal. Secretary, ingat po kayo.

 SEC. ROQUE:  Salamat po.

##

 

Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)