SEC. ANDANAR: Magandang umaga sa lahat ng ating mga kababayan sa loob at labas ng bansa na nakatutok ngayon sa ating programa. Mula sa Presidential Communications Operations Office, ako po ang inyong lingkod, Secretary Martin Andanar. Good morning, Rocky.
USEC. IGNACIO: Good morning, Secretary Martin. Mula naman po sa PCOO, ako si Usec. Rocky Ignacio.
SEC. ANDANAR: Basta laging handa at sama-sama kaya natin ito. Simulan po natin ang Public Briefing #LagingHandaPH.
Una nating silipin ang pinakahuling tala ng COVID-19 sa bansa. Kahapon po alas kuwatro ng hapon, July 27 ay nakapagtala ng kabuuang bilang na 82,040 confirmed COVID-19 cases sa bansa matapos itong madagdagan ng 1,657 cases. Labing anim ang nadagdag sa bilang ng mga nasawi na ngayon ay nasa 1,945 total deaths na habang nadagdagan naman ng 359 recoveries ang mga gumaling sa sakit sa kabuuang bilang na 26,446.
USEC. IGNACIO: Bahagya naman pong bumaba ang bilang ng kasong naitala kahapon na umabot sa 1,657; mas mababa ito kung ihahambing sa nakalipas na apat na araw na hindi bumababa sa dalawang libong kaso. Sa National Capital Region pa rin nagmumula ang pinakamataas na kaso na umabot sa 1,017. Muling bumalik sa ikalawang puwesto ang Laguna na nakapagtala ng 89 cases, sumunod ang Cavite na may 38 cases, pang-apat ang Cebu at sumunod ang Rizal na parehong may 31 cases.
Nasa 53,649 na ang active cases, labas na po diyan ang bilang ng mga gumaling at pumanaw. Ang nasabing bilang ay katumbas ng 65.39% ng total cases, mas mataas ito nang bahagya sa bilang ng active cases na ating naiulat kahapon na nasa 65.14% lamang. 90% ng active cases ay may mild symptoms lamang, 9.1% ang walang sintomas, 0.5% ang severe at 0.4% ang kritikal.
SEC. ANDANAR: Para po sa inyong mga katanungan at concerns tungkol sa COVID-19, maaari po kayong tumawag sa (02) 894-COVID o kaya ay (02) 894-26883. Para sa mga PLDT, Smart, Sun at TNT subscribers, i-dial po ang 1555. Patuloy po kayong makibalita sa mga pinagkakatiwalaang sources ng impormasyon tungkol sa COVID-19, maaari ninyong bisitahin ang covid19.gov.ph.
Kahapon, July 27 ay muling humarap sa sambayanang Pilipino si Pangulong Rodrigo Roa Duterte para sa kaniyang ikalimang State of the Nation Address kung saan nakasentro ang kaniyang talumpati sa mga polisiya at balakid upang makabangon ang ating bansa mula sa matinding epekto ng COVID-19.
Sa unang bahagi ng kaniyang talumpati ay hiniling niya sa taumbayan na huwag mawalan ng pag-asa dahil malapit nang magkaroon ng bakuna para sa COVID-19. Muli niya ring pinapurihan ang ating mga frontliners sa kanilang dedikasyon na makapaglingkod sa kabila ng pandemya. Kaniyang nabanggit na nasa 4.3 million na pamilya ang nakinabang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program at nasa 9.2 million na pamilya ang nakatanggap ng ayuda mula sa Unconditional Cash Transfer Program. Samantala, tinatayang nasa 205 billion pesos ang nailaan para sa mga mahihirap nating kababayan sa pamamagitan ng Social Amelioration Program.
Pinapurihan naman ni Pangulong Duterte si Senator Bong Go para sa kaniyang walang patid na serbisyo sa publiko. Dahil sa kaniyang inisyatibo ay mayroon nang 75 Malasakit Centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Tiniyak ng Pangulo na patuloy nitong pangangalagaan ang karapatan ng mga kababayan natin at ang mga kabataan din, upang makaiwas sa pang-aabuso at diskriminasyon. Bilang patunay ay nilagdaan ng Pangulo noong nakaraang taon ang Executive Order No. 92 na lumikha sa National Council Against Child Labor.
Pinasalamatan din ng Pangulo ang kapulisan at militar para sa pagpapanatili ng kaayusan sa bansa ganoon din ang mga LGU dahil sa kanilang pagsisikap na maprotektahan ang mga mamamayan mula sa mapanganib na sakit. Nagpaabot din umano ng tulong ang gobyerno sa mga apektadong indibidwal mula sa formal sector at mga kababayan nating OFW sa pamamagitan ng TUPAD Program ng DOLE.
USEC. IGNACIO: Inatasan niya ang TESDA na magbigay ng training para sa mga OFW na nakauwi na sa bansa. Hiniling naman niya sa CHEd na magbigay ng scholarships sa mga anak ng mga napauwing OFW. Nabanggit din po ng Pangulo sa kaniyang talumpati na patuloy na tutulungan ang MSME na labis na naapektuhan ng pandemic. Hindi naman po papayagan ng Pangulo ang face-to-face learning hanggang wala pang bakuna kontra COVID-19.
At upang maiangat ang ating turismo ay hinikayat ng Pangulo ang lahat na lumibot sa iba’t ibang tourist destinations sa bansa. Kaugnay nito ay ipinagmalaki niya ang pagbabalik ng dating ganda ng Boracay Island matapos ang isinagawang rehabilitasyon dito. Pinasalamatan ni Pangulong Duterte ang Kongreso na mabilis na pagpasa ng Bayanihan To Heal as One Act nitong Marso para matugunan ang COVID-19 pandemic.
Sa kabilang banda, muli niyang pinakiusapan na ipasa na ang mga panukalang isinusulong ng kaniyang administrasyon, lalung-lalo na po iyong makakatulong sa pagbangon ng bansa mula sa naturang krisis. Ilan sa ito ay ang pagpasa ng Second Stimulus Package at Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o CREATE, panukalang bubuo sa National Disease Prevention and Management Authority sa Department of Disaster Resilience, sa Department of OFWs at pagpasa ng National Housing Development Bill at Rental Housing Subsidy Program.
Para naman po sa ibang balita, suportado ni Senator Bong Go ang panawagan ng Pangulo na magbayanihan sa gitna ng pandemyang hinaharap natin ngayon. Aniya, ito ang panahon para magtulungan at makiisa sa pamahalaan sa pamamagitan ng pagsunod sa health protocols para maiwasan ang pagkalat pa ng COVID-19.
Samantala, sa pagdagsa ng libu-libo nating kababayan na nais makauwi sa kanilang probinsiya, nanawagan si Senator Bong Go sa mga concerned agencies na tulungan o asistihan ang mga locally stranded individuals na naghihintay sa kanilang biyahe pauwi para rin masiguro ang kanilang kaligtasan at kalusugan mula sa COVID-19. Tuluy-tuloy din naman ang assistance na ibinibigay ng Senador sa mga LSIs sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga face masks at pagkain. Binigyang-diin niya na mahalaga ang suporta ng mga LGU para masigurong ligtas at maayos na makabalik ang mga ito sa kanilang pamilya.
Secretary Martin, ipaalala din po natin sa ating mga kababayan na nag-aabang ng Lotto draw, kasalukuyan rin pong nagaganap ang catch-up draw ng PCSO Lottery. Maaari ninyo pong mapanood iyan sa live stream ng PTV sa Facebook at Youtube.
Samantala, alamin muna natin ang balitang nakalap ni Jay Lagang mula sa PTV Davao.
[NEWS REPORTING]
Maraming salamat sa iyo Jay Lagang.
Secretary Martin, mayroon pong patanong po sa iyo ang ating mga kasamahan sa media. Tanong po ni Celerina Monte, basahin ko na lang po muna Secretary. Nandito po iyong tanong niya… kasi may kinalaman po doon sa pag-lockdown. Ito po ang tanong niya: Ano daw po ang policy ng PCOO sa mga nasa janitorial services na maituturing ding frontliners sa New Executive Building na apektado ng lockdown dahil sa cases ng COVID-19. No-work, no-pay din po ba sila? Ang tanong po ni Celerina Monte.
SEC. ANDANAR: Magandang tanong iyan, Celerina, at tayo ay nalulungkot sa mga kasamahan natin sa PCOO. Mahigit dalawampu na ang nagpositibo, active cases at ilan sa kanila ay mga under maintenance, so meaning sila po iyong janitorial services. Now dalawang klaseng janitors po ang mayroon tayo: mayroon tayong janitors na regular employee at mayroon din tayong janitors na mula sa janitorial services, ito po iyong agency.
Now para po sa mga empleyado natin na mga janitors ay automatic iyan binibigyan natin ng assistance through our COVID-19 warriors mechanism mula sa contact tracing hanggang sa nabibigyan ng assistance sa barangay, nabibigyan ng assistance sa local government at sa ospital, kasama rin ang assistance pagdating sa kanilang mga bitamina, etcetera. Tapos mayroon din tayong pass the hat na nagdo-donate ang ating mga kasamahan.
Para naman din doon sa janitorial services na mula sa ahensiya/agency, meaning hindi po sila regular sa PCOO, ganoon din po, nagbibigay tayo ng serbisyo sa pamamagitan ng ating COVID-19 warrior mechanism; from start to finish tinutulungan po natin sila. Secondly, mayroon ding pass the hat na nangyayari mula sa mga opisyales ng PCOO para tulungan sila at kinakausap po natin ang kanilang mga empleyado in janitorial services na kailangan, number one, huwag silang tatanggalin at number two ay mabigyan din sila ng assistance sapagkat sila naman ay maituturing na frontliner din.
Now, para po doon sa mga janitors na regular employees, hinahanapan po natin ng paraan na sila ay makapagtrabaho mula sa kanilang mga bahay dahil alam po natin na kapag COS ay no-work, no-pay po iyan at iyan po ay naku-COA. Pero kung mahanapan po ng ibang trabaho na sa bahay lang ay mas maganda, mas mainam para tuluy-tuloy ang kanilang suweldo.
Samantala, simulan na natin ang makabuluhang talakayan dito po naman sa Public Briefing. Bayan, nakatuon po ang isinagawang State of the Nation Address ng ating Pangulong Duterte kahapon sa mga paraan upang makabangon ang ating bansa sa COVID-19 pandemic. Kaugnay po niyan ay makakapanayam po natin ngayong umaga ang Chair ng House Committee on Ways and Means, si Albay Representative Joey Salceda. Magandang umaga po sa inyo, Congressman Salceda.
REP. SALCEDA: Yeah, good morning, Secretary.
SEC. ANDANAR: Sir, sa naging talumpati ni Pangulong Duterte sa kaniyang SONA kahapon ay nabanggit niya na palalakasin niya ang mga hakbang upang muling pasiglahin ang ekonomiya ng bansa katulad na lamang ang mabilis na pagpapasa ng inyong mga panukala itong second stimulus package at Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o CREATE. Bilang isa sa mga pangunahing may akda ng panukalang ito, sir, can you tell us the salient points of the said bills?
REP. SALCEDA: Unang-una, itong dalawang batas na ito o panukalang batas, iyan ay tapos na po sa House; iyan po ay hinihintay na lang. Pagdating po sa Bayanihan II, hinihintay na lang po iyong third reading approval po ng Senado.
Ang proposal ko sana sa House leadership at bago kami po nag-recess na sana ay i-adopt na lang namin iyong Senate para diri-diretso na maging batas. Ang nakapaloob po dito sa Bayanihan II ay ang 140 billion kung saan kalahati ay ilalagay po sa mga bangko katulad po sa mga government financial institution tulad po ng Philippine Guarantee Corporation kung saan po bawat piso ay nakaka-generate ng pitumpiso na garantiya, sa Landbank at iba pang GFIs pati na po iyong mga joint venture na sinasabi para po kung may mga malalaki na mga kumpaniya tulad po ng, let’s say, itong mga airlines, ito pong malalaking resort ay puwede pong maglagay ng kapital ang gobyerno at mababawi na lang natin after five years.
So iyong 140 billion na iyon, manganganak po iyon ng—may 70 billion na manganganak po ng 661 billion na credit stimulus, at karamihan po sa credit stimulus ay mapupunta po sa SMSE.
Doon naman po sa isa na hakbang na tapos na rin po sa House at hinihintay na lang po namin iyong sa Senate, again, ang proposal ko po kay Speaker at saka kay Majority Leader na sana i-adopt na lang namin iyong version ng Senate.
Ito pong CREATE, dalawang bagay po …may ilang bagay pong ginagawa nito. Unang-una, kung dati po kapag malaki ka lang, saka ka bibigyan po ng palugit o iyong lugi mo ay puwede mong ibawas sa iyong babayaran for the next five years. Ngayon po ang mangyayari, kahit sino po na tinamaan ng COVID, puwede po niyang gamitin iyong lugi para bawasin sa kaniyang mga dapat bayarin na mga buwis sa mga susunod na limang taon.
Pangalawa, binababa po nito ang corporate income tax from 30 to 25 at magiging kasing competitive na tayo ng ibang bansa po dito sa ASEAN katulad ng Vietnam kung saan puwede tayong lumaban doon po sa mga kumpanya na mukhang umaalis po ng Tsina at nagpupunta po sa Indonesia, Malaysia at saka Vietnam, ngayon mabibigyan po tayo ng kakayahan para lumaban.
Ang isa pa pong gagawin nito ay iyong mga nandito na po na mga kumpanya, palalawigin po natin iyong kanilang sunset provision nang halos tigdadalawang taon para po puwede nilang ipagpatuloy; at kung matapos man, puwede na nilang ma-renew. At kung ikaw po ay mag-invest, halimbawa sa Metro Manila, ang inyo pong makukuha na incentives ay for five years. Pero kung mag-invest ka po, halimbawa sa labas ng Metro Manila, sa tabi, sa Bulacan, makakakuha ka ng pito. Pero kapag mag-invest ka sa labas po ng let’s say sa Quezon o sa Camarines Norte, doble, ten years po ang—so in other words, halos ito po ay isang pagsuporta o pagbibigay po ng actualization o ng pagkapangangatawan ng atin pong Balik—ito po iyong tunay na Balik Probinsiya Program kung saan po magkakaroon po ng mas malaking stimulus sa countryside development program.
Kaya itong dalawa pong ito ay masusundan po ito ng tinatawag nating stimulus three, ito na po iyong ARISE kung saan dahil po lahat po dito sa buong Asya, gumagastos po sila nang malaki. Ang Pilipinas po ang isa sa pinakamaingat sa pera kaya karamihan po ay iyong kanilang deficit to GDP ay mukhang nasa kaliwa na, tayo ay nasa kanan. So between now after, let’s say, maipasa po namin ang CREATE at ang Bayanihan II, kaya po naming i-approve iyan kahit this week po, matapos lang po ng Senate o at least next week. Tapos masusundan po iyan ng isang stimulus package na bago, kasama na po iyong CURES pati iyong ARISE, na mga 280 billion para po matulungan iyong mga SMEs at iba pang mga kumpanya sa pamamagitan po ng mga wage subsidies, sa pamamagitan po ng mga low interest loans, sa pamamagitan po ng mga grants and aid product development program, marketing program. Katulad na lang nang sinasabi ni Pangulo, inisa-isa po niya, para sa mga OFWs, iyan po ay tutulungan, iyan ay number one; pangalawa, para po doon sa mga SMEs, iyong mga micro, small, medium enterprises; at siyempre iyong middle class. Kaya nga klarung-klaro sinabi niya na iyong mga umuupa ay huwag muna … kung puwede bigyan pa ng palugit.
So ito po ang isa sa mga programa na gagawin after ng Bayanihan II. At sa next year po, ang pinakamalaking stimulus po dahil po ang budget na pinapanukala ng ating Pangulo ay nakabase po sa isang growth rate na 9.1%. Kung this year po ay bagsak tayo, pero next year po ay napakalaking talon po. Kaya para po ma-achieve natin iyon, mas malaki pong budget ang kinakailangan para po mas atin pong mapasiguro na iyong mga nawalang oportunidad ay mababawi po natin dahil nga po dito sa epekto ng COVID pandemic.
USEC. IGNACIO: Opo. Congressman, sir, good morning po. Kaugnay pa rin po ng pagpapasigla nga po ng ating ekonomiya na inyong inilatag na … ang isang economic offensive plan o offensive strategies upang labanan ang epekto ng COVID-19. So puwede pong maikuwento ninyo itong 34-point manifesto na inyong isinusulong?
REP. SALCEDA: Karamihan po diyan ay nandoon na po sa …naikuwento na po ng ating Pangulo. Iyong, halimbawa, iyong para po sa TESDA, ngayon ang TESDA po ay kailangan realign natin sa OFW pati po sa mga BPOs kasi nga po mukhang iyong mga online courses ng TESDA ay nakakatulong. Halimbawa po, iyong mga credit facilities ng atin pong Landbank, ng mga kakayahan po ng DTI na tulungan po ang mga SMEs bilang big brother sa pamamagitan po ng credit remediation.
Halimbawa, mayroon kang isang maliit na negosyo na may mga bente po na tao at ikaw ay sinisingil na po ng bangko, ang gagawin po ng gobyerno ay pupunta ka po sa Negosyo Center ng DTI at sila po mismo ang makikipag-negotiate para po sa mga maliliit na negosyante na huwag munang singilin iyong—kaya sabi ng Pangulo regulatory relief na kung puwede huwag munang singilin iyong principal, at iyong interest ay ma-extend para po nga makahinga at mabigyan po ng pagkakataon ang atin pong mga SMEs’. Kasi alam po ninyo ang SME at ang OFW ay dalawang haligi ng atin pong ekonomiya.
Ang OFW, at ang SME lalung-lalo na, sila po ay 13% lang ng GDP, 13, pero 60% po ng lahat ng mga empleyado sa gobyerno, kaya kitang-kita po ninyo doon sa speech ng ating Pangulo, after OFW, dahil iyong OFW iyong matindi. Kumbaga sa ano, hindi ka naman puwedeng makialam sa mga patakaran ng Qatar, pero pagbalik dito sa atin, iyon ang ni-line up ng Pangulo, iyong tinatawag kong economic offensive, para matulungan po, mapanumbalik po ang sigla at ang kapakanan po ng mga OFW.
Ang pangalawa po na tinuunan ng pansin ng Pangulo, kung titingnan po ninyo iyong SONA ay napakaganda po talaga iyong pasunud-sunod, dahil sinunod kaagad niya iyong SME at nandoon na nga po iyong programa under ARISE, Bayanihan II, under CURES. Ibig sabihin nakalatag na po ang mga kailangan pong gawin ng gobyerno at karamihan po sa mga masasabi nating elemento o mga components nito, eh kumbaga naipasa na po doon sa House of Representatives. At ito po ay hinihintay na lang po natin ay iyong senado, pagkatapos ng Senado doon sa CREATE at saka sa Bayanihan II, pupunta po kami sa stimulus 3 and then pupunta po kami sa General Appropriation Act for 2021.
USEC. IGNACIO: Opo, Congressman, isinusulong din po ninyo iyong Enhanced Build, Build, Build Program na magbibigay daan para makalikha nang mas maraming trabaho para sa ating mga kababayan na labis na naapektuhan po ng pandemya. Ano po ba iyong kinaibahan nitong Build, Build, Build Program na mayroon tayo ngayon?
REP. SALCEDA: Iyong mga Build, Build, Build kasi ngayon mga inutang natin iyan sa Japan, sa China, mga subway, mga riles. Ito pong Enhanced Build, Build, Build – hindi ito donor-driven, hindi supplier-driven, kung hindi gagamit ng sarili nating pera at uutang tayo directly, let say sa marami ho tayo ngayong nagpapautang pati ang World Bank at ADB. At ang mga paglalagyan natin, number one siyempre iyong education, dahil kung kailangang-kailangan na natin ay iyong new normal lalung-lalo na po sa pag-digitize ng ating education.
Pangalawa po kaya nga po enhanced, hindi ito iyong traditional na Build, Build, Build, para po sa health, siguro naman po ay masasabi natin na kung may natutunan tayo dito sa nangyari ay talagang kailangan lagyan na po natin ng mas maraming pera, tulad ng sinabi ng Pangulo. Nagpapasalamat nga po ako, dahil iyong CDC or Central for Disease Control, although nilagyan ng bagong pangalan ay House Bill 6096, iyan po ay halos buong Kongreso ay talagang co-author na at iyong Virology Institute. So kailangan malagyan po ng mga pera.
Ang pangatlong gusto nating lagyan ng pera, hindi na po iyong mga subway, kung hindi iyong mga creative industries na nabubuhay po sa pamamagitan po ng artificial intelligence, robotics, ibig sabihin ito po ay mga mga industriya na puwedeng kung saan ang Pilipinas ang sinasabing likas na talino ng mga Pilipino ay puwedeng gamitin para po mas maisulong po ang produksiyon at ang creativity, sinasabi nga natin ang creative industries dito sa Pilipinas. Kaya ito po ang ibig sabihin Enhanced Build, Build, Build.
Kung may pang-apat po ay build, build, build for agriculture, kasi nga importante rin po na kung may isang tinatawag nating low lying fruit, unang-una dahil lahat naman tayo araw-araw kumakain, kung kamatis o sibuyas man iyan o lahat tayo ay kumbaga ay mga natural demand po for food, eh kailangan po talaga nating ayusin ang ating agriculture. Kaya iyong nabanggit po ng ating Pangulo, iyong pag-isa ng DTI pati po ng Department of Agriculture para po magkaroon po tayo ng mas maraming value added sa ating agriculture. So, iyan po iyong tinatawag na Enhanced Build, Build, Build. Hindi na po iyong mga subway, iyong mga train, iyong mga airport, kung hindi digital creative industries.
Health, education and creative industries.
SEC. ANDANAR: Dahil sa COVID-19 pandemic ay isa ang aviation industry sa labis na nalugmok at bilang bahagi ng Build, Build, Build Program at malaki ang papel ng Bicol International Airport, upang ito po ay makabangon, nasa ilang porsiyento na po ba ang konstruksiyon natin dito, Congressman, sir?
REP. SALCEDA: Mukhang nasa 80 na, mukhang matatapos na po siya ngayong December 31 eh. Nagpapasalamat po lahat ng Bicolandia dahil nga po eh napaka-slow po ng start nito, pero noong pagpasok po ng ating Pangulong lalung-lalo na ni Secretary Tugade at least mabubuksan po iyong potential ng Bicolandia sa turismo. Dahil po talaga pinagyaman din ng ating Panginoon ng napakarami po ng mga puwedeng ipagmalaki ng Pilipinas ay nandoon po sa Bicolandia. At ito po ay hindi lang po magdadala ng mga turista, kung hindi po siyempre, dahil makakaiwas ka na po dito sa traffic sa Manila or air congestion po diyan sa NAIA at the same time po iyong mga OFW at pati na po iyong regular na mga pasahero na mga negosyante para po mas lalong lumago.
Dati po, kung ang Bicolandia ay nagkakaroon ng 1.6 million na mga turista taun-taon, mukhang dahil po dito sa airport na ito kayang-kaya po nitong doblehin ang aming turismo by 2025.
SEC. ANDANAR: Sir, paghuling mensahe na lang po natin para sa ating mga kababayan?
REP. SALCEDA: Marami pong pinapagawa ang ating Pangulo, talagang kung may isang bagay na talagang makikita mo sa kaniyang pananalita kahapon ay prinangka niya tayo. Prinangka niya tayo tungkol sa West Philippine Sea, prinangka niya tayo doon sa pandemic na talagang sa kaniyang puso ay wala munang face-to-face hanggang Enero hanggang wala pa pong vaccine, talagang pinanindigan po niya. Bibihira po sa isang lider na kung minsan, uy puwede namang kaunting ganito, kaunting ganyan, pero doon talaga kumbaga prangka talaga. It’s a very frank telling of the Philippine’s story. So, may bente po siyang iniatas, gusto ko lang po siguro na isa-isahin lahat ng mga inatas niya sa Kongreso kahapon. Para po naman may maasahan po tayo lahat kung ano ito.
Number one, sinabi niya Bayanihan Act 2, ito nga po iyong P140 billion.
Corporate Recovery Tax, CREATE, ito po iyong CREATE na nagbababa po ng ating corporate income tax from 30 to 25.
Iyong financial institutions, ito po iyong SPV para po iyong mga bangko, kung mayroon man pong hindi nakakabayad, kaya po niyang i-dispose ito at mapakinabangan po niya ang tax cover.
Iyong Evacuation Center Bill.
Iyong creation ng Department of Overseas Filipinos, tapos na po diyan ang House.
Creation ng Department 0f Disaster Resiliency, nasa period of amendment na po tayo sa house.
The creation of the – ito po ay isa sa gustung-gusto ko – iyong National Housing Development Act dahil talaga ang housing po mayaman po sa domestic content, hindi katulad ng ibang industriya puro import po, ito po ay mataas po ang labor content, mataas po ang domestic content.
Number 10, Rental Housing Subsidy Act, ito sana puwede nating ipasok ito bilang isa sa mga COVID, pero ngayon ginawa ng Pangulo ay pangmatagalang suporta po para po sa mga urban middle class.
National Land Used Act.
Advance Nursing Education Act.
Number 13, Amendment of continuing professional development Act.
Institutionalization of Medical Reserve Corps.
Uniformed, ito po iyong pension ng mga uniformed personnel na ngayon po kumakain ng budget nila.
Iyong creation po ng Boracay Island Development Authority.
Establishment ng Coconut Farmers Trust Fund.
Rural Agriculture Fisheries Development Financing Systems Act. Isa po ito sa aking nai-file at ako’y natutuwa dahil nga po maipaparating na ang kapital sa kanayunan.
Ang Internet Transactions Act at ang Modernization ng Bureau of Fire Protection. Actually, ako’y natutuwa dahil kalahati po noon ay mga Bills na akin pong nai-file sa Kongreso kasama po nung iba po.
Pero singilin ninyo po ang Kongreso base po sa inatas po ng ating Pangulo, iyon po ang—
SEC. ANDANAR: Maraming salamat po sa inyong panahon, Cong. Joey Salceda. Mabuhay po kayo, sir!
REP. SALCEDA: Mabuhay po tayong lahat.
[AD]
SEC. ANDANAR: Makibalita tayo diyan sa ‘Queen City of the South’ kasama si John Aroa.
John, maayong buntag!
[NEWS REPORT BY JOHN AROA]
USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo, John Aroa.
Secretary, gusto mo bang magbigay ng reaction doon sa ginawa noong bata?
SEC. ANDANAR: [Laughs] Talaga naman ano… eh, lahat ng mga bagay na puwedeng gawin para lang mas gumaan ang ating mga pakiramdam… maayos. Ikaw, anong reaksyon mo?
USEC. IGNACIO: Secretary, parang ganoon din ako kapag iyong naka-virtual ako, papasok na ang Laging Handa tapos si Ms. Chit hindi ko pa maintindihan, hindi pa ako nakikita, hindi mo pa ako naririnig, ganiyan din ang ginagawa ko, ‘nasaan ka na ba internet ka?’ [Laughs]
SEC. ANDANAR: [Laughs]
USEC. IGNACIO: Parang nakita ko lang, Secretary, iyong sarili ko at kahapon nga doon sa naging pahayag ni Pangulong Duterte, palagay ko pare-pareho tayo nila Pangulong Duterte na, “Nasaan ka na ba? Kumusta ka na ba”? Ganoon lang siguro, Secretary.
SEC. ANDANAR: Ganoon talaga lalung-lalo na ngayon na tayo’y very dependent dito sa ating internet connection dahil sa new normal. Talaga naman…
Pero congratulations, Rocky, sa coverage ninyo sa PTV kahapon. Very tight ang inyong coverage at naging informative para sa SONA. Congratulations sa team, sa production diyan sa PTV!
USEC. IGNACIO: Opo. Thank you, Secretary! With your guidance po iyan.
Samantala, sa kasalukuyan ay libu-libo na ang mga locally stranded individual at repatriated OFWs ang natulungan ng ating pamahalaan na makauwi sa kani-kanilang mga probinsiya at muling makapiling ang kanilang mga pamilya, ito ay sa pamamagitan ng Hatid Tulong Program na ipinag-utos ni Pangulong Duterte.
Panoorin po natin ito.
[VTR]
USEC. IGNACIO: Secretary, pasalamatan rin po natin ang ating partner agencies para sa kanilang suporta sa ating programa. Salamat din po sa Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) at sa Filipino Sign Language Access Team for COVID-19. Mabuhay po kayo!
SEC. ANDANAR: Antabayanan po natin ang post-SONA press conference maya-maya lamang po kasama si Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque at USec. Rocky Ignacio.
Diyan lang po kayo at hindi pa po tapos ang program ani USec. Rocky Ignacio, tuloy-tuloy po iyan hanggang mamaya.
Ako po ang inyong lingkod, Secretary Martin Andanar.
USEC. IGNACIO: At mula pa rin po sa PCOO, ako po si USec. Rocky Ignacio.
SEC. ANDANAR: Hanggang bukas pong muli dito lamang sa Public Briefing #LagingHandaPH.
##
Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)