Interview

Interview with Presidential Spokesperson Attorney Harry Roque by Orly Mercado / Radyo 5


MERCADO:   Secretary, good morning!

SEC. ROQUE:  Ka Orly, magandang umaga at magandang umaga Pilipinas!

MERCADO: Alam ko namang morning person ka naman eh! Iyong trabaho mo—ang problema lang sa trabaho mo wala ring oras iyan.  [laughs]

SEC. ROQUE:  Mayroon na po kaming technique, ibinigay ko na po iyong telepono ko sa bahay para gigisingin ako. [laughs]

MERCADO:   Anyway, we’re very happy to have you. Okay, what’s the latest as far as PhilHealth is concerned?

SEC. ROQUE:  Well, dalawa na po ang nagbitiw sa kanila. Si General Morales ay nagbitiw na po at tinanggap na po iyong kaniyang pagbibitiw at ganoon din po iyong Attorney Jojo Del Rosario. Hinihintay na lang natin po kung sinong itatalagang kapalit ng ating Presidente pero gaya ng narinig natin noong Lunes, dalawang taon na lang ang Presidente natin sa kaniyang termino at ang pangako po niya, lilinisin niya ang hanay ng PhilHealth sa loob ng dalawang taon na ito.

MERCADO:   Iyong mga pagbibitiw, ano ba ang impact niyan sa mga kaso? Iyan ba iyong ibig sabihin nito ay wala na iyong mga kasong administratibo? What about the criminal cases kung sakali man?

SEC. ROQUE:  Hindi po, lahat po ng pananagutan sa kasong kriminal eh mananatili dahil iyan naman po ay maski wala na sila sa posisyon basta mapatunayan kung mayroon ngang ebidensiya po ano ay kinakailangang panagutan po.

MERCADO:   Mayroong salita si General Morales na kayo daw ang magte-takeover? Medyo may mura pang kasama iyong statement. Ano po bang sagot ninyo roon sa sinabing iyon?

SEC. ROQUE:  Well, sinagot ko na po iyan. Ipagdarasal po natin ang kalusugan ni General Morales and we wish him good health and a long life.

MERCADO:   Okay. Itong mga problemang itong nakikita natin eh mahabang panahon din ang dinaanan nito at nagkaroon ng mga… there are problems that are institutional. It’s fine to go after grafters at talagang mademanda sila at mapanagot iyong mga buwaya diyan. Pero ano pong mga pinaplanong mga institutional changes; mayroong mga nakahain sa House of Representatives at sa Senate na mga panukala to amend the law pero sa gana naman ng Executive Branch, ano naman ang magagawa niya to stop the hemorrhaging through graft and corruption?

SEC. ROQUE:  Well, mabuting panimula po iyan na nakatutok ang atensyon ng taumbayan sa PhilHealth ‘no. At unang-una siguro po, kinakailangan eh hindi naman po nag-iisa o dalawa iyong mga tao na responsable dito sa mga anomalyang ito. Sabi nga ni Sen. Ping Lacson eh talagang mafia iyan ‘no.

So, importante po na tutukan iyong hindi umano’y mga mafia at natutukan naman po iyan ng task force natin at karamihan sa kanila ay nagkaroon na ng preventive suspension. Pati naman po itong Jojo Del Rosario bago magbitiw ay naka-preventive suspension na.

Ang alam ko po may dalawa na lang doon na hindi pa po napapatawan ng preventive suspension. Iyong tao po na responsable para dito sa reimbursement mechanism at saka iyong hepe ng IT dahil tama naman po ang obserbasyon ng marami. Kung ang PhilHealth po ay na-automate talagang nabawasan po talaga ang kurapsyon dapat diyan ‘no.

So, bukod po doon sa pagpapatanggal noong mga sinasabing miyembro ng mafia, noong 17th Congress po noong ating isinulong ang Universal Healthcare at tayo ay nag-imbestiga rin ng mga katiwalian diyan sa PhilHealth, nakita natin na ang problema talaga ay nakatutok diyan sa legal department.

Kasi ang PhilHealth po, diyan sa legal department ng PhilHealth, sila iyong investigator, prosecutor, judge and executioner. So, sa lahat po ng mga anomalous claims, lahat po iyan dumadaan sa legal at talagang whole discretion nila kung mapapalusot o hindi iyong mga anomalya na iyan.

So, kinakailangan siguro baguhin po iyong set-up ng legal department ng PhilHealth ng sa ganoon magkaroon naman ng accountability kahit papaano dahil ngayon po, wala ano. Ang isang posibilidad po diyan ay gawing regional basis iyong kanilang legal kasya masyadong concentrated at masyadong nakatutok lahat dito lamang sa main office ‘no.

At bukod pa diyan kinakailangan din siyempre iyong—iyong automation, talagang kinakailangang itulak iyon, dahil iyong kaso na hindi ko po nga ho nasasampa, eh naku hundreds of millions of pesos diumano ay talagang pumasok sa PhilHealth, pero ang pera hindi talaga napunta doon sa  account ng PhilHealth. So talagang magpapatunay na ever since may kuntsaba diyan sa IT na iyan. At ganyan din iyong kaso na sinampa ko na fake reciepts na talagang kung computerized sana ang PhilHealth ay malalaman natin na mayroon pa lang dinedepositong mga halaga na hindi nakakarating sa PhilHealth.

So, legal at saka iyong IT po dapat tutukan at saka iyong reimbursement nila dapat po iyan ay talagang tingnan dahil sa mula’t mula pa sinasabi ko na iyan talaga iyong nagpa-facilitate ng corruption at dito sa COVID makikita natin na napakadaming salapi na in-advance doon sa mga lugar na kakaunti lang naman ang COVID.

MERCADO:  Bukas ba ang administrasyon sa posibilidad na mayroong mga functions na puwedeng i-privatize at mayroong mga bagay na dapat eh pamahalaan ang nagpapatakbo?

SEC. ROQUE:  Well, siguro po iyong IT pupuwedeng ma-privatize iyan ‘no. Pero iyong pagbibigay po talaga ng benepisyo, eh malinaw po ‘no ang pagkakaiba ng isang health insurance company at ng universal healthcare hindi dapat sapat na… hindi dapat sa premiums lamang kinukuha iyong benepisyong ibibigay sa taumbayan. Talagang hindi po iyan magiging sapat kung premiums lang, kinakailangan talaga tustusan ng taumbayan. Pero iyong specific functions gaya po siguro noong IT at saka iyong collections siguro nila ay pupuwedeng ma-privatize.

MERCADO:  Marami naman ang nagsasabi na talagang hindi naman—well, kung nandiyan pa rin iyong ano—alam naman natin doon sa mga areas ng burokrasya na talamak ang korapsyon, eh kapag ineimbestigahan, mayroong mga kaso, lie low lang ang mga tao riyan, tapos kapag napalitan na balik na naman unti-unti sila. How can we insure lasting reforms that go beyond merely appointing somebody who is honest?

SEC. ROQUE:  Well, bukod po doon sa automation, isa pa na dapat nating gawin, magbigay tayo ng amnesty sa mga doktor at saka sa mga may-ari ng ospital. Kasi kaya lang naman talaga nangyari ito, nagkaroon talaga ng kuntiyabahan. Minsan, ayaw man lang pumayag ng doktor o ng hospital owner, pero kung kinakailangan dahil kinakailangang makakolekta ng PhilHealth collection, eh nagbibigay na sila ng porsiyento. Pero ako ay naniniwala naman sa katapatan ng ating mga hospital owners at mga doktor, kung bibigyan natin sila ng amnesty, malalaman talaga natin kung sino iyong namomorsiyento na iyan, at saka hindi lang amnesty kung hindi  immunity naniniwala ako na magsasalita naman  sila at makikita talaga natin kung sino ang dapat responsable, dahil madami po iyan.

MERCADO:  Okay, maiba naman ako ng usapan. How’s the health of the President?

SEC. ROQUE:  Okay naman po ang Presidente, linggu-linggo naman po nagtatalumpati siya sa taumbayan ‘no. Noong Monday ay kinuwento niya iyong isang advise noong doktor niya na nangyari bago pa siya maging Presidente ‘no. Tumigil uminom, dahil otherwise baka iyong kanyang kondisyon maging stage 1 cancer, sumunod naman po ang Presidente, kaya po ngayon, wala siyang stage 1 cancer.

MERCADO: Kasi napakaraming ano… should it—maybe siguro—mayroong mga nagsasabi, eh tatahimik naman iyong mga taong iyan, iyong mga pumupuna about the state of the health of the President kung ilalabas ang impormasyon. Are we open to being forthright as far as the President’s health is concerned?

SEC. ROQUE:  Eh hindi nga lang po forthright eh, completely transparent naman po ang Presidente, siya na nga ang nagsasabi kung ano iyong mga karamdaman niya eh, di ba po? Wala namang nagtatago, lahat po nanggagaling sa bibig ng Presidente. So hindi ko po maintindihan, talagang mayroon lang talagang mga nagdadasal at hindi talaga makapaghintay sa 2022. Pero ang masamang balita mag-aantay pa rin sila, atat na atat na sila pero mabibigo sila.

MERCADO:  Okay, so as far as we are concerned, wala namang problema, immediate threat in terms of the health of the President.

SEC. ROQUE:  He is 75 years old, he is as healthy as anyone can be. Mayroong mga usual karamdaman of all 75 year old, pero susundin po ng ating Presidente iyong nakasaad sa ating Saligang Batas na kung mayroon siyang seryosong karamdaman ipagbibigay-alam niya sa ating taumbayan.

MERCADO:  Okay, mabalik naman ako sa PhilHealth. When can we expect a new appointment of a president of the PhilHealth?

SEC. ROQUE:  Ayaw ko pong pangunahan ang Presidente, pero hindi po magtatagal iyan, I would say within the week… within one week—not within the week, but within one week.

MERCADO:  Within one week ay malalaman natin. Okay maraming salamat, Secretary Harry Roque. Thank you for waking up early.

SEC. ROQUE:  Ay, maraming salamat po at magandang umaga po.

##

Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)