Press Briefing

Public Briefing #LagingHandaPH hosted by Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar, PCOO Undersecretary Rocky Ignacio and Mr. Aljo Bendijo


Event Public Briefing #LagingHandaPH
Location People’s Television Network, Inc. (PTV), Quezon City

USEC. IGNACIO:  Magandang umaga, Luzon, Visayas at Mindanao at sa lahat po ng ating mga kababayan sa buong mundo, ngayon po ay Miyerkules, November 4, 2020.

Ako po si Usec. Rocky Ignacio. Live po tayo dito sa Sta. Cruz, Laguna para po iulat sa taumbayan ang mga pinakahuling hakbang ng pamahalaan para sa ating mga kapatid dito sa Laguna at maging s buong bansa.

Pangungunahan po ng ating tanggapan, ang Presidential Communications Operations Office, ang ‘Explain, Explain, Explain: Pagdalaw sa Laguna.’

Makakasama din po natin live mula naman sa PTV studio si Aljo Bendijo. Good morning, Aljo

ALJO BENDIJO: Good morning, Usec. Rocky. Tuluy-tuloy pa rin po ang ating balitaan sa mga pinakahuling kaganapan sa bansa tungkol sa bagyo, korapsiyon at sa COVID-19. Ako po si Aljo Bendijo.

USEC. IGNACIO: Aljo, pasensiya ka na medyo parang malakas ang boses ko kasi kung nakikita ninyo naman sa aking likuran ay nagsisimula na iyong programa dito para dito sa Explain, Explain, Explain. Ito ay napakalaking tulong para mai-report sa ating mga kababayan kung ano nga ba iyong ginagawa ng pamahalaan bilang tugon sa kanilang mga pangangailangan. At siyempre pangungunahan po iyan ni PCOO Secretary Martin Andanar at kasama pa rin po ang ibang opisyales.

Kaya po lagi pong tatandaan: Basta sama-sama at laging handa ay tayo po ay tutugon sa mga pangangailangan ng ating mga kababayan [inaudible]. At ito po ang Public Briefing #LagingHandaPH.

Okay. Sa kasalukuyan po ay dumating na sa area si Secretary Martin Andanar. Ngayong umaga po ay malaki po ang papel na ginagampanan ng DSWD sa gitna po ng sunud-sunod na kalamidad na nararanasan ng bansa dahil sila po ang pangunahing tumutugon sa immediate needs ng bawat pamilyang apektado ng sakuna. Kumustahin po natin ang latest efforts ng ahensiya, makakausap po natin si DSWD Secretary Rolando Bautista. Magandang umaga po, Secretary.

DSWD SECRETARY BAUTISTA: Magandang umaga sa’yo, Ma’am Rocky and Sir Aljo.

USEC. IGNACIO: Opo. Kasama rin po natin si Secretary Martin Andanar. Secretary, sa kasalukuyan po ay medyo nagbibigay ng kaniyang talumpati po si Secretary Andanar.

Secretary, kumusta na po ang pamamahagi ng tulong sa mga kababayan po natin na naapektuhan ng nagdaang Bagyong Rolly? Alam ko po kahapon kayo po ay nasa Catanduanes.

DSWD SECRETARY BAUTISTA: Usec. Rocky, bilang lead agency ng camp coordination and camp management cluster, ang DSWD at ang mga field offices nito ay mahigpit na minu-monitor ang mga pamilyang apektado ni Typhoon Rolly – katukayo ‘no – partikular na iyong mga nananatili pa sa ating mga evacuation centers.

Base sa aming pinakahuling ulat ngayong ala-sais ng umaga, mayroong 207,518 na pamilya or 820,030 katao mula sa 3,307 na mga barangays sa Regions II, III, CALABARZON, MIMAROPA, Region V, Region VIII, Cordillera Administrative Region, at National Capital Region ang naapektuhan ng bagyo.

Mayroong 48,744 pamilya o 188,417 individual ang namamalagi sa 1,874 na mga evacuation centers sa Region II, Region III, CALABARZON, MIMAROPA, Region V, CAR at NCR.

Pinakamarami sa mga ito ang nasa Region V kung saan mayroong 27,540 pamilya o 109,961 katao ang tumutuloy sa 1,024 na mga evacuation centers. Ito ay sinundan ng CALABARZON Region na mayroong 20,915 na mga pamilya o 77,428 katao sa 832 na evacuation centers. Mayroong 12,904 na pamilya o 46,403 katao ang nag-evacuate ang namamalagi sa kanilang mga kamag-anak o kaibigan sa Regions II, III, CALABARZON, Region V at CAR.

Ang DSWD ay nakapagbigay na ng tulong na nagkakahalaga ng 8.3 million peso sa mga apektadong pamilya. Ang tulong na ito ay binubuo ng family food packs at mga food at non-food items.

Usec. Rocky, bukod dito ay nagsasagawa rin tayo ng psychosocial first aid intervention sa mga apektadong pamilya katuwang ang Department of Health at ang pribadong sektor.

Sa pakikipag-ugnayan din sa mga camp managers, tiniyak na mayroong women and child-friendly spaces sa mga evacuation centers upang mapangalagaan at maprotektahan ang karapatan at kagalingan ng mga kababaihan at mga kabataan.

Binabantayan din, na tinatalima ang mga health protocols upang maiwasan ang transmission ng COVID-19.

USEC. IGNACIO: Opo. Secretary, iyan po ang aking susunod na tanong kasi bukod po dito sa Super Typhoon Rolly ay talagang alam natin na talagang kumikilos pa rin po ang inyong ahensiya para tugunan naman po iyong pangangailangan sa COVID-19. So sasapat po ba ang pondo ng DSWD para matulungan po ang lahat ng rehiyon na lubha pong [garbled] ng Bagyong Rolly?

DSWD SECRETARY BAUTISTA: Sapat ang pondo ng DSWD para sa pagtugon sa kalamidad. Base sa ating pinakahuling report, ang DSWD, ang ating mga field offices at ang National Resource Operation Center ay mayroong nakahandang stockpiles at standby funds. Ito na iyong suma total, na nagkakahalaga ng higit sa 866 milyong piso.

Sa standby funds, mayroong higit 281.2 million piso standby funds ang DSWD Central Office at field offices. Sa nasabing halaga, 239.7 million ay magagamit bilang quick response funds or QRF sa central office. Ito po iyong … kapag sinabi po nating standby funds, ito po ay in a form by cash na puwede po nating ibaba sa mga nangangailangan na mga field offices.

Ito naman pong mga stockpiles, mayroong kabuuang bilang na 271,682 family food packs na nagkakahalaga ng higit sa 124.1 milyong piso. Iyong other food items na—ito  iyong mga raw materials na ready for repacking na nagkakahalaga ng 185.7 milyong piso; at non-food items, ito naman iyong mga hygiene kits, sanitary kits, plastic mat, tents at iba pa na may halagang higit sa 274 million ang nakahanda.

Maaari ring magsumite ng request ang DSWD sa Department of Budget and Management upang ma-replenish ang quick response funds. Ito na iyong cash na naka-standby na binabanggit ko kanina. So ang QRF ay bahagi ng standby funds para sa relief and rehabilitation operations tuwing may kalamidad. Tulad ng nauna ko nang nabanggit, ang DSWD as of now, ngayon, ay mayroon na lamang na 239.7 milyong pondo para sa QRF.

USEC. IGNACIO:  Secretary, so paano naman po ninyo pinaghahandaan ang [unclear] ito namang paparating pa lang na Bagyong Siony? Kumusta rin po iyong pagbibigay ninyo ng tulong na family food packs sa mga—I mean, napasok na po ba ninyo ang mga pinakaapektadong lugar? Napuntahan na po ba ninyo ang mga sinasabi nating mahirap marating po ng tulong?

SEC. BAUTISTA:  Ang mga lokal na pamahalaan ay nakapagpahatid na ng initial na tulong sa mga naapektuhan ng nagdaang bagyo, ito ay sa kadahilanang ang mga LGUs ang first responder sa oras ng kalamidad batay sa Local Government Code at Republic Act 10121. Ang DSWD naman ay nagbibigay ng technical assistance at resource augmentation sa ating mga LGU upang matulungan sila sa pagtugon sa pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan.

Ang DSWD ay nakapagbigay na ng tulong na nagkakahalaga ng mahigit sa 8.3 million pesos sa mga apektadong pamilya. Ang tulong na ito ay binubuo ng nabanggit ko kanina, family food packs at mga food at non-food items. Patuloy ang isinasagawang pakikipag-ugnayan ng mga filed offices ng ahensiya sa ating mga local na pamahalaan upang ang mga request for augmentation ay madalian nating maipahatid sa kanila.

USEC. IGNACIO:  Secretary, iyon po iyong susunod kong tanong, may mga munisipalidad po ba na nagri-request ng additional food packs at non-food items? At paano po ninyo mabilis na naipaparating ito sa kanila?

SEC. BAUTISTA:  Usec. Rocky, sinusuri at agarang tinutugunan ng DSWD field offices at ng ating NROC – itong iyong National Resource Operations Center – ang mga augmentation request mula sa ating mga local na pamahalaan. At upang matiyak na makakarating agad ang kaukulang tulong, nakikipag-ugnayan tayo sa Armed Forces of the Philippines kasi alam naman natin na ang AFP ay mayroon silang air and naval assets. Ganoon din sa Philippine Coast Guard at Philippine National Police para sa provision ng pagpapadala ng ayuda, gamit, ang mga eroplano o kaya iyong mga sasakyang pandagat upang madala ang mga family food packs at non-food items sa pinakamabilis na pamamaraan.

Banggitin ko lamang na bago pa nanalasa ang Bagyong Rolly, nakapag-preposition na ang ating mga field offices ng mga family foods packs para sa agarang pagpapahatid ng tulong. Para sa karagdagang tulong, ang ahensiya ay laging handa na magbigay nito sa mga LGUs alinsunod sa aming mandato.

USEC. IGNACIO:  Secretary, kasama na rin po natin si Secretary Martin Andanar, live din po dito mula sa Sta. Cruz, Laguna. Secretary?

SEC. ANDANAR: [Garbled)

SEC. BAUTISTA:  Sec. Martin, magandang umaga sa inyo. Maganda iyong aktibidad mo ngayon diyan sa Laguna, at alam ko naman na magiging successful iyan. Anyway, kahapon nagtungo tayo sa Catanduanes upang pangunahan ang pamamahagi ng tulong sa local na pamahalaan at makatulong sa pagtugon sa pangangailangan ng kanilang nasasakupan. Kung titingnan kasi natin ang geography ng Catanduanes, ito ay isang island province kaya nagkaroon tayo ng restrictions kung paano kaagad maipapadala iyong mga immediate na ayuda.

Nakausap ko kasi si Governor doon at saka iyong mga ibang opisyales ng lokal na pamahalaan. Ang isang problema talaga doon, binanggit nila during sa mga briefing, ay iyon ngang pagkain dahil makikita mo sa paligid na talagang natumba iyong mga karamihan ng mga istraktura doon. Tapos ang ekonomiya, iyong mga groceries nila, sari-sari store ay sarado.  Kaya nakahingi tayo, nakahiram tayo ng air assets sa Philippine Air Force kaya nakapagdala tayo ng 1,300 na mga – initial lang ito, Sec. Martin – 1,300 na mga family food packs; at gumamit tayo ng tatlong serial. So, ang ginamit nating aircraft doon ay isang C-295 na nakadalawang serial at isang C-130. Kagabi 3,000 family foods packs, 1,000 hygiene kits,  2,000 kitchen kits, 450 sleeping kits, 450 mosquito nets, mga piraso ng bottled water at iba pa iyong mga laminated sacks ang isinakay natin sa Coast Guard vessel BRP, Gabriela Silang para sa Catanduanes. Inaasahang makakarating ito sa lugar ngayong gabi o bukas ng umaga.

Ang naging problema kasi doon is even iyong mga RORO, iyong commercial RORO na palaging iyon ang ginagamit pagpasok sa Catanduanes ay nagkaroon din ng restriction kasi ayon doon sa napag-alaman namin, maraming mga kalat sa dadaanan ng mga RORO at baka alam naman natin, dagat iyan, maaaring may mga troso at baka masira iyong parte ng vessel, kaya hindi muna pinalayag ng Coast Guard doon sa area.

Ito iyong isang C-295 naman ngayon, salamat sa Air Force, nakatakdang lumipad naman sa nasabing lalawigan upang maghatid ng karagdagang 3,000 family food packs at mga laminated sacks ang DSWD Field Office V sa pakikipagtulungan sa pamahalaang panlalawigan at Team One Bicol. Gusto ko lang i-advertise itong Team One Bicol kasi talagang solid sila pino-pool-in nila iyong resources na binubuo ng DOH, OCD, PIA, AFP at iba pang ahensiya ay nagsasagawa ngayon ng rapid damage and needs assessment upang   matukoy ang eksaktong pinsala na dala ng kalamidad at upang matiyak ang mga naaangkop na intervention na ibibigay sa mga apektadong pamilya.

Ang isang initial na intervention ng DSWD na tinitingnan ay iyong food for work habang nakaantala ang ekonomiya sa rehiyon. Tinitingnan din ang pagbibigay ng emergency shelter assistance sa mga pamilyang nasira ang kabahayan dahil sa bagyo. Ayon sa ating latest report, sa Bicol Region ay mayroong 3,666 totally at 21, 082 naman ang partially damaged houses.  Sa recovery interventions, magbibigay din ang DSWD ng cash for work kapag na-open na iyong ekonomiya at iba pang mga kalakalan para umikot iyong sinasabi nating pera. Kasi kung wala rin kasing … hindi rin open ang ekonomiya, hindi rin magagamit iyong perang ibibigay natin sa ating mga nasalanta doon. Tinitingnan din ang pagbibigay ng tulong pangkabuhayan, ito ay under the sustainable livelihood program upang tulungang makabangon ang  mga apektadong residente.

Sa Guinobatan, ito iyong binisita ng ating mahal na Presidente kung saan mayroong apat na nasawi. And DSWD field office ay magbibigay of course. Unang-una, tutulong tayo sa kanilang burial assistance saka iyong other needs nila. Kasama na rin dito iyong mga injured. Magbibigay din tayo ng cash assistance for the individuals in crisis situation.

At importante dito ay magbibigay din tayo ng psychological first aid para sa mga survivors at inaayos na rin ang pagbibigay ng region-wide cash assistance at psychosocial services. Nagpahatid din ng mga family food packs doon sa area ng Guinobatan, initial pero dagdag dito ay bukas mamamahagi ulit ng laminated sacks at family kits na naglalaman ng food at non-food items.

Nakikipag-ugnayan din ang ating field office sa Legazpi Water District para sa malinis na supply ng tubig. Magpapadala rin kami ng karagdagang camp managers sa mga evacuation centers kung kinakailangan. Magbibigay din iyong ating field office doon sa Bicol, iyong nabanggit ko kanina, ng medical assistance through our AICS lalong-lalo na sa mga pamilya ng mga nasawi.

Gayun din may kabuuang bilang na 3,200 na mga family food packs ang ibinigay bilang augmentation support sa mga apektadong lugar sa Bicol na mahigit sa isanlibo family food packs sa [overlapping voices] San Fernando, Camarines Sur at 1,600 family food packs sa Vinzons, Camarines Norte.

Sa area ng CALABARZON, area ng MIMAROPA [garbled] naman ang pagbibigay natin ng ayuda at tuluy-tuloy din ang pag-conduct natin ng assessment para ma-ensure natin kung anong immediate na tulong ang maibibigay natin sa mga rehiyon na ito.

SEC. ANDANAR: Sec. Rolly, ano po ang masasabi ng [garbled] sa ating Pangulo [garbled] naging operasyon [garbled].

DSWD SEC. BAUTISTA: Ah, Sec. Martin ano… tama iyong—narinig naman siguro ng lahat iyong pagkakabanggit ng ating Presidente na satisfied siya sa performance ng ahensiya. Lubos po akong nagpapasalamat in behalf ng lahat ng personnel ng DSWD sa ating mahal na Pangulo sa kaniyang pagtitiwala.

Nagpapasalamat din kami sa mga kasama natin sa NDRRMC, mga miyembro ng Provincial at Local Disaster Risk Reduction Management teams at sa mga private partners natin na patuloy na tumutulong upang matugunan ang mga pangangailangan ng ating mga kababayan na naapektuhan ng mga nagdaang bagyo. Ito ay isang patunay na buhay na buhay ang bayanihan nating mga Pilipino sa oras ng mga kalamidad at sakuna.

Ngayon na mayroon na namang paparating na Bagyong Siony, nais ko lang muling magbigay-paalala sa ating mga kababayan na manatiling alerto at mag-ingat sa posibleng epekto ng masamang panahon. Ngayon nakaantabay ang aming field office sa Region II at patuloy ang koordinasyon sa mga social development teams at provincial, city at municipal action teams para i-monitor ang latest na dadaanan ng Typhoon Siony. Ang mga municipal action teams naman ay nakikipag-ugnayan sa lokal na NDRRMC at sa lokal na Social Welfare and Development offices para ma-address agad ang ilang mga concern.

Sa kasalukuyan, patuloy ang pagri-repack ng food items na handang ipamahagi sa mga lokal na pamahalaan bilang augmentation support. Ngayon nasa higit na sa 26,000 na family food packs at higit 8,000 non-food items ang nakahanda sa Field Office II ‘no.

Para sa ating mga kababayan, ugaliin po na makinig at sumunod sa mga direktiba ng inyong lokal na pamahalaan lalo na sa pagsasagawa ng mga preemptive evacuation upang mabawasan ang peligro na maidudulot ng masamang panahon sa ating mga pamilya lalo pa at nandiyan pa din ang banta ng pandemya.

SEC. ANDANAR: Maraming salamat po sa inyong panahon, Secretary Rolly Bautista ng DSWD [garbled] departamento. [Garbled] ay bukas parati para sa inyo para puwede kayong makapagbigay ng mga updates para sa ating mga kababayan. Mabuhay po kayong muli, sir.

DSWD SEC. BAUTISTA: Maraming salamat sa iyo, Sec. Martin. At good luck sa iyong aktibidad diyan sa Laguna.

SEC. ANDANAR: [Garbled] Sta. Cruz, Laguna ang hometown ni Usec. Rocky Ignacio at natupad na rin ang pangarap ni Usec. Rocky na makauwi dito sa kanila sa Sta. Cruz. Pero, Rocky, magiging makabuluhang itong ating pagdalaw dito sa Sta. Cruz dahil kasama natin ang DSWD, ang DOH, DTI, ang DFA, ang PIA, DILG at lahat din ng mga ahensiya na kasama natin ay magbibigay ng ayuda para sa dalawampu’t dalawang bayan dito sa Laguna bilang ‘Big Brother’ ng Laguna para sa laban kontra COVID-19.

USEC. IGNACIO: Secretary Andanar, at sa ngalan po ng aking mga kababayan sa Sta. Cruz, Laguna at siyempre sa iba pang mga bayan, aking kababayan dito sa buong Laguna, kami po ay nagpapasalamat siyempre sa pamahalaan sa pagtugon ninyo sa aming mga pangangailangan. Salamat po, Secretary, alam ko po magiging abala kayo dahil marami na po kayong bisita dito para po sa inyong programang Explain, Explain, Explain. Siyempre iyan po ay sa pakikipagtulungan ng Philippine Information Agency. Nakita ko na po si DG Mon Cualoping kung saan nga po napakahalaga nitong ginagawa ninyo, Secretary, dahil literally na tinuturing kayong ‘Big Brother’ ng Laguna. Salamat po, Secretary.

SEC. ANDANAR: Thank you, Usec. Rocky. Pansamantalang nagpapaalam, ako po si Secretary Martin Andanar. Take it away, Usec. Rocky.

USEC. IGNACIO: Opo. Si Secretary Martin po ay magpapaalam lang dito sa programa pero siya po ay kasama pa natin dito sa area. Siya po ay nandito sa cultural center ng Sta. Cruz, Laguna para po sa Explain, Explain, Explain.

Samantala, sa tuluy-tuloy pa ring laban ni Pangulong Duterte sa korapsiyon sa bansa, inatasan na po ang Department of Justice na pangunahan ang isang mega task force na magsisiwalat sa mga tiwaling opisyal ng pamahalaan. Makakausap natin sa kabilang linya ang bago pong tagapagsalita ng Kagawaran ng Hustisya, si Undersecretary Emmeline Villar. Magandang umaga po, Usec.

DOJ USEC. VILLAR: Magandang umaga, Usec. Rocky. Salamat sa pag-imbita sa akin.

USEC. IGNACIO: Opo. Magandang umaga po. Welcome po sa Public Briefing Laging Handa.

Focusing on the Mega Inter-Agency Task Force Against Corruption, iimbestigahan ninyo din daw po ang mga programa at transaksiyon na kung saan involved po iyong 1 billion peso public funds. Mayroon na po bang mga naka-line up na mga iimbestigahan ninyo sa mga darating pong araw, Usec?

DOJ USEC. VILLAR: Sa ngayon ay ini-establish pa lang ang secretariat na magdi-determine kung alin iyong mga kailangang unahin na iimbestigahan. Wala pa talagang naitutukoy kung aling partikular na alegasyon ng korapsiyon ang iimbestigahan na. Pakay pa lang ng task force na maorganisa ang secretariat o operation center ng mega task force at kapag na-setup na ito ay saka po namin iisa-isahin ang mga pupuwede pong unang imbestigahan sa mga ahensiyang natukoy nang uunahin.

USEC. IGNACIO: Opo. Usec., unahin ko na lang po iyong tanong ng ating kasama na si Tina Panganiban-Perez ng GMA-7. Ito po iyong tanong niya: When is the next meeting of the anti-corruption task force? Are there special directives from the President or from DOJ Secretary Guevarra; and will ordinary citizens who provide the tips to the task force be asked to stand as witnesses when cases are filed?

USEC. VILLAR:   Una po, iyong susunod na meeting ng task force ay mamaya. Mayroon pong meeting ang secretariat or operations center para determinahin kung papaano po iyong magiging structure ng pagtanggap ng mga tips galing sa publiko at ang proseso kung papaano ipaghihiwalay ang mga alegasyon na kailangan imbestigahan at iyong mga wala namang basehan.

Ang publiko po ay maaaring magbigay ng mga tips o mga complaints o kahit ano pa mang impormasyon tungkol sa mga alegasyon o aktibidades na illegal at corrupt na mga aktibidades sa mga ahensiya ng gobyerno at kung sila po ay mayroong personal knowledge, meaning, sila po mismo ang nakakita, nakarinig ng mga corrupt na activities na niri-report nila, maaari po silang tawagin bilang witness kung sakali po magfa-file ng kaso doon sa mga tao pong isinumbong nila.

At kung natatakot naman po silang lumapit dahil natatakot sila na baka iyong mga isinumbong nila ay gaganti sa kanila at nanganganib sila para sa sarili nilang seguridad ay ang Department of Justice Witness Protection Program ay proprotektahan po sila kaya huwag po silang mag-alala at hindi po sila pababayaan ng Department of Justice, tulad na rin po ng mga whistleblower sa Bureau of Immigration na pinoprotektahan din po ng Department of Justice Witness Protection Program.

Sa ngayon po, ang Secretary of Justice ay nagbigay ng direktiba sa secretariat na mag-organisa muna at iyon po ang unang step para makausad na po itong mega task force para mabigyan din namin ng direksiyon ang publiko kung saan magri-report at titingnan na din po ng secretariat o ng operations center ang mga existing na COA reports at mga investigative pieces na gawa ng media in the past tungkol sa mga alegasyon ng korapsyon, at iyon po muna ang mga uunahing tingnan ng operations center/secretariat ng task force para po malaman po namin kung ano iyong mga uunahin naming iimbestigahan.

USEC. IGNACIO:   Usec., may mga nagsasabi na ang Commission on Audit po is a gold mine sa paghahanap po ng mga red flags na umano ay irregularity sa government transactions at hindi na talaga kailangan ng isang mega task force para daw po imbestigahan ang mga umano’y iregularidad na ito basta ang alam lang po ng DOJ at Ombudsman kung saan titingin. Ano pong masasabi ninyo dito, Usec.?

USEC. VILLAR:   Ang COA ay kaparte din at nakikipagtulungan sa task force at ang Ombudsman din kasama po ng task force, nakikipagtulungan din po sila kasama na rin po ang CSC na mga independent na constitutional bodies. Ngunit para po sa amin at iyon din nga po ang direktiba ng Pangulo, mas maganda kung ang lahat-lahat na mga ahensiya na sumusugpo sa korapsiyon ay nagtutulung-tulong para nang sa ganoon mapabilis din po ang imbestigasyon, mas maraming makalap na ebidensiya at mas mabilis pong mapa-file-an ng kaso ang mga nangungurakot po.

Sa ngayon, ang NBI mayroon din iyang division na nag-iimbestiga sa korapsiyon, ganoon din naman po ang buong ahensiya ng Ombudsman, sila po ay nag-iimbestiga tungkol sa corruption. Ang COA po gumagawa po sila ng mga COA report, nag-o-audit po sila at naglalabas sila ng report kung saan nakikita ang mga anomalya po sa paggastos ng kaban ng bayan, ngunit po kapag pinagsama-sama po natin ang mga puwersa pong ito ng iba’t-ibang ahensiya—(line cut)

USEC. IGNACIO:   Medyo naputol ang ating linya ng komunikasyon kay Usec.

Aljo, salamat at ikaw ay nandiyan sa studio, ako’y nandito sa Laguna. Sa susunod iimbitahin din kita dito sa Laguna kasi alam mo, parang sampung buwan na nang huling nakadalaw ako dito sa Sta. Cruz, Laguna. Siyempre, katulad ng ginagawa ng marami nag-iingat din tayo, kailangan, dahil ang aking nanay ay senior citizen na rin. At salamat din kay Secretary Andanar dahil nagpunta sila dito sa amin.

I think nakabalik na si Usec.? Usec., pasensya na po at naputol po tayo. Usec., can you hear me?

USEC. VILLAR:   Yes. Opo.

USEC. IGNACIO:   Usec., originally po ay para sa PhilHealth lang iyong purpose daw ng pagkakabuo ng task force but with the President’s mandate na palawigin po iyong scope nito even the Legislative at iyon pong Judiciary branch ay iimbestigahan na rin daw po ng task force. Totoo po ba ito, USec.?

USEC. VILLAR:   Ang task force ay inatasan na mag-imbestiga ng alegasyon ng korapsiyon sa buong gobyerno at kasama sa gobyerno ang atin pong Judiciary at Lehislatura at kung makikita, base sa imbestigasyon na mayroon silang kinalaman sa kahit anong alegasyon ng korapsiyon at mapapatunayan ito ay hindi po sila exempt, pa-file-an din po sila ng kaso dahil ang iniimbestigahan po ay ang act ng pangungurakot at hindi lang naman po iyong mga Executive ang kasangkot sa pangungurakot mayroon din naman pong maaaring maging kasangkot sa pangungurakot na kaparte ng Lehislatura at Hudikatura.

USEC. IGNACIO:   Usec., pasensiya na po pero, isa po sa special mention ni Pangulong Duterte na talamak umano po ang korapsiyon ay ang DPWH. Although sinabi ng Pangulo na sigurado siyang hindi po kasama si Secretary Villar sa mga umano’y kurakot na opisyal, hindi po ba daw magkakaroon ng conflict of interest sa bahagi ninyo, Usec. Emmeline, bilang alam naman ng lahat na asawa ninyo po si DPWH Secretary Mark Villar?

USEC. VILLAR:   Hindi po ako magiging ka-parte ng mga investigating panels lalung-lalo na po iyong investigating panel na hahawak po sa DPWH, ngunit ako po ang tagapagsalita kung kunwari po mayroon din pong mga katanungan tungkol sa DPWH ay iba na lang po siguro ang sasagot ng mga katanungan na iyon kung sakali pong umusad na iyong mga imbestigasyon.

USEC. IGNACIO:   Usec. Villar, maraming salamat po sa inyong panahon. Salamat po sa inyong pagbahagi dito sa Public Briefing Laging Handa. Ang DOJ Spokesperson Usec. Emmeline Villar, mabuhay po kayo! Stay safe, Usec.

USEC. VILLAR:   Maraming salamat, Usec. Rocky at salamat din sa pag-imbita sa akin. Magandang umaga and stay safe.

USEC. IGNACIO:   Thank you.

Samantala, isa pa rin po ang Lalawigan ng Sorsogon sa mga probinsiyang direktang dinaanan at sinalanta ng mga nagdaang bagyo, kaya naman po kukumustahin din natin ang pinakahuling sitwasyon sa probinsiya. Makakausap po natin ang dating senador at ngayon ay ama po ng Sorsogon, si Governor Francis ‘Chiz’ Escudero.

Good morning ho, Governor at welcome po sa ating Public Briefing.

GOV. ESCUDERO:   Magandang umaga din po sa inyo. Pagbati sa lahat ng ating televiewers at listeners, mula sa Lalawigan ng Sorosogon.

USEC. IGNACIO: Opo. Governor, kumusta na po iyong overall atmosphere ngayong ng Sorsogon? Naka-recover po ba ang ilan natin sa mga kababayan matapos po iyong paghagupit ng sunud-sunod na bagyo?

GOVERNOR ESCUDERO: Matapos noong unang araw na tinamaan kami ng bagyo alas kwatro hanggang alas nuebe ng umaga o humigit-kumulang limang oras, by lunch time po na-clear na ang lahat ng aming mga kalye. Humigit-kumulang dalawampung poste lamang ang natumba at na-restore na rin po iyong mga poste bago natapos iyong araw na iyon noong November 1.

Inaasahan po namin na babalik iyong kuryente namin pinakamaaga mula sa Bac-Man Geothermal Power Plant ng Huwebes o bukas. Kung hindi man, pinakamatagal na ayon sa NGCP dahil wala naman pong problema ang aming distribution lines, sa November 10.

Passable po November 1 pa lamang lahat po ng aming mga national at provincial roads at patapos na rin po kami sa paglilinis ng mga debris na nasa kalye at mga barangay.

USEC. IGNACIO: Opo. Governor, pero bagama’t alam po natin na hindi po kasing lala po ang naging pinsala sa inyong lalawigan, pero magkano po iyong—

GOVERNOR ESCUDERO: Hello?

USEC. IGNACIO: Opo, Governor? Can you hear me? Governor, can you hear me?

GOVERNOR ESCUDERO: Opo. Sorry, hindi ko kayo narinig kanina eh. I can hear you now.

USEC. IGNACIO: Bagama’t alam po natin na hindi po naging kasing lala po ang epekto ng Bagyong Rolly sa inyong lalawigan. Pero magkano po iyong pinsala na inabot po ng mga nagdaang bagyo sa Lalawigan ng Sorsogon; at ilang pamilya po ang mga naapektuhan? Iyong pinakahuling data po.

GOVERNOR ESCUDERO: Iyong Bagyong Quinta ay umabot sa tinatayang 120 million ang kabuuang damage sa Lalawigan ng Sorsogon. Sa kasalukuyan, ang Bagyong Rolly, tumatakbo pa lamang po sa kulang-kulang dalawandaang milyon o 180 million ang damage ng bagyong si Rolly.

Sa bagyong si Rolly, humigit-kumulang animnapung libong tao o labing-anim na libong pamilya po ang inilikas namin na sa pangalawang araw ng bagyo noong Martes, November 2, ay nagsiuwian na rin naman po lahat sa kani-kanilang tahanan para magkumpuni at  mag-ayos ng mga na-damage partially nung bagyo para makapagsimula na po uli ang normal na pamumuhay nila.

USEC. IGNACIO: Opo. Governor, alam po natin na palagian po ang ginagawang paghahanda ninyo dahil po doon sa mga palagian din kayong nadadaanan ng mga masasamang panahon, sama ng panahon, pero mayroon pa rin pong COVID-19. So paano po naman iyong ginagawa ninyong clearing operations sa lugar at iyong koordinasyon ninyo rin po sa DPWH para dito?

GOVERNOR ESCUDERO:  Sampung team po ang binuo namin na clearing teams para sa mga kalye na binubuo ng DPWH, AFP, PNP, Provincial Disaster Risk Reduction Management Office. At gayun din, hindi ko pa binibilang iyong sa mga LGUs. So sa kabuuan, mahigit dalawampu’t limang clearing teams ang mayroon po kami sa buong lalawigan, rason para makalipas lamang ang apat hanggang anim na oras ay na-clear na po namin agad lahat ng kalye.

Dagdag pa po doon, mula noong isang taon pa, mula noong naupo ako bilang gobernador, nag-clear po kami ng mga puno na maaaring tumumba sa mga kalye at makaharang ng kalye at maantala ang aming emergency vehicles. Ganoon din, nag-clearing din kami ng mga puno na maaaring mahulog sa mga kawad ng kuryente. Ang nakakabagsak naman po kasi ng mga poste at kawad ng kuryente ay hindi naman po hangin kung hindi punong bumagsak sa kawad ng kuryente na naging dahilan ng pagbagsak ng tatlo, lima hanggang sampung poste ng aming electric cooperative. Malaki ang naibawas namin doon kung kaya’t nitong nagdaang dalawang Bagyong Quinta at Rolly, maliit lamang iyong na-damage sa aming distribution facilities ng kuryente sa dalawang electric cooperative po dito.

USEC. IGNACIO: Opo. Governor, may katanungan din po ang aming kasamang si Aljo Bendijo.

ALJO BENDIJO: Governor Escudero, good morning. Nagpadala rin daw po kayo ng mga composite teams mula Sorsogon para tumulong naman sa rehabilitation ng Albay, Governor?

GOVERNOR ESCUDERO: Opo. Tumulong po kami sa road clearing operation. At ang huling update po sa akin ay mula Daraga ay nasa Polangui na po iyong aming road clearing teams. Doon na po sila nagki-clear sa Polangui, konti na lamang po ay boundary na iyon ng Camarines Sur dahil, Aljo, karamihan ng clearing teams ay manggagaling pa marahil ng Maynila o CALABARZON. At least, may clearing team na rin na nanggagaling mula sa southern most part naman ng Albay. Susubukan naming makarating hanggang sa Camarines Sur.

At bukas naman ay magpapadala din kami ng apat na clearing teams na binuo po namin sa pribadong sektor kasama ang Lalawigang Probinsiya ng Sorsogon para naman po magpadala kami ng teams sa Catanduanes para matulungan ang aming mga kababayan sa Catanduanes, at naipagbigay-alam na rin po namin ito kay Governor Cua.

ALJO BENDIJO: Opo. Gov., mayroon pa rin po ba kayong mga pamilyang nanunuluyan sa mga evacuation centers hanggang ngayon? Ano po ang mga relief na binigay ng provincial government sa kanila?

GOVERNOR ESCUDERO: Wala na po, Aljo. Nag-preposition kami ng relief packs sa kada munisipiyong tatamaan which is on the northern side ng lalawigan bago pa man tumama ang bagyo. At ang ginagawa po namin ngayon—wala na pong tao sa mga evacuation center.  Ang ginagawa po namin doon sa mga naapektuhan o tinamaang barangay, ang binibigay po namin ay [garbled] for work para makatulong, makaambag sila sa paglinis din ng kani-kanilang barangay at gayunman iyong kapitbahay nila at ng sa gayun ay mas multiple namin iyong [garbled] tumutulong na makabalik sa normal iyong buhay namin dito.

Dagdag pa doon, napapanatili namin iyong dignidad ng aming mga kababayan na hindi namamalimos lamang o nakabukas-palad lamang iyong mga kamay at naghihintay kung ano ang ibibigay ng kung sinuman ang nais mag-donate.

Lahat po ng donasyon, kung mayroon man, ay kinu-convert po namin sa food at cash for work sa aming lalawigan.

ALJO BENDIJO: Sa usaping COVID naman po tayo, Gov. Araw-araw pa rin daw pong may naitatalang COVID-19 case sa inyong lalawigan, ano na po ang latest number tungkol diyan?

GOVERNOR ESCUDERO: Ang huling bilang pong naitala ay 77 active cases sa aming lalawigan. Medyo naantala iyong testing dahil sa pagtama nga ng Bagyong Rolly sa Albay kung saan nandoon ang testing center na ginagamit ng Lalawigan ng Sorsogon. Subali’t, Aljo, hindi ako puwedeng mag-lockdown sa aming lalawigan dahil ito ang daanan ng mga trak, bus at sasakyan mula Maynila o mula norte papuntang Visayas at Mindanao; at Visayas, Mindanao pabalik naman sa pamamagitan ng Matnog Port na ang biyahe ay papunta Allen at Allen Port sa Samar ang biyahe naman ay pabalik ng Matnog.

Hindi kami puwedeng mag-lockdown kung hindi maantala ang pagbiyahe hindi lamang ng tao kung hindi ng mga produkto rin. So mina-maximize na lang po namin ang puwede naming magawa sa riyalidad na ito. Hindi kami tulad ng ibang lalawigan na hindi naman dinadaanan ng regular na mga biyahe papuntang Luzon, Visayas at Mindanao kung kaya’t may challenges talaga kaming kinakaharap. At bahagi na rin siguro ito ng new normal na kailangan naming kaharapin. Pero sa abot ng aming makakaya at kinakaya, nakukontrol pa rin namin ang bilang na hindi umaabot sa mga bilang na nakita natin sa ibang lalawigan o sa NCR.

ALJO BENDIJO: Opo. Pero patuloy din nating sinisiguro, Gov., na nasusunod talaga ang health and safety protocols mula sa mandatory evacuation hanggang sa clearing operations?

GOVERNOR ESCUDERO: Opo. In fact, nagpahuli pa lamang ako nitong nagdaang tatlong linggo noong umabot kami ng 33 cases ng pagsunod sa minimum health standards dahil kumpleto naman po kami sa ordinansa at sa executive order patungkol diyan.

At on average, ang nahuhuli namin ay humigit-kumulang isandaan hanggang dalawandaang tao na hindi sumusunod sa health protocols na iniisyu ng IATF.

Bilang pagpapaalala na rin sa aming mga kababayan kasabay ng pagtaas ng kaso naranasan namin nitong nagdaang dalawang na nandirito pa rin ang virus, hindi dapat mag-relax; dapat maging conscious pa rin kaugnay sa mga dapat gawin at hindi dapat ginagawa upang sa ganoon ay hindi lumala iyong sitwasyon habang hindi pa po nadidiskubre iyong vaccine na susugpo dito.

USEC. IGNACIO: Kunin na lang po namin ang inyong mensahe para sa inyong mga kababayan sa Sorsogon, Governor.

GOVERNOR ESCUDERO: Ang pagbati na lamang po siguro hindi lamang sa aming mga kababayan sa Lalawigan ng Sorsogon kung hindi sa buong Bicolandia na tinamaan po ng bagyong ito, partikular ang mga kababayan po namin sa Catanduanes, kababayan natin sa Albay at Camarines Sur na nahagupit ng bagyong ito, gayun din sa CALABARZON.

Madalas tinatamaan kami ng bagyo at sanay kaming madaanan ng malalakas na bagyo. Nais ko lamang ipaabot at sabihin siguro, babangon at babangon at malalampasan at malalampasan natin ang mga pagsubok na ito. Mabilis minsan, matagal minsan, subalit darating pa rin tayo sa punto na malalampasan at magiging bahagi na lamang ng binabalik-tanawan natin ang trahedya at aksidenteng ito. Manalig lamang kayo sa … hindi lamang sa Panginoon kung hindi ganoon din sa ating mga kababayan at tutulong at tutulong po palagi sa inyong lahat. Sa muli, magandang umaga po at maraming salamat sa pagkakataon.

USEC. IGNACIO: Maraming salamat po sa inyong panahon, Governor Francis “Chiz” Escudero. Mabuhay po kayo, Governor, at mag-ingat po kayo.           

BENDIJO:  Okay, USec, para naman sa ating mga balita COVID-19 testing sa Pilipinas, dapat na lagyan ng price ceiling, narito ang detalye.

[NEWS REPORTING]

USEC. IGNACIO: Philippine Ambassador to Brazil Marichu Mauro dumating na po sa bansa. Imbestigasyon sa alegasyon ng pananakit, magsisimula na. Narito po ang report.

[NEWS REPORTING]

BENDIJO:  Samantala, 700 pamilya na naapektuhan ng bagyo, baha at sunog sa Bacoor, Cavite, narito ang ulat ni Eunice Samonte. 

[NEWS REPORTING]

BENDIJO:  Puntahan na muna natin ang mga balita sa ating lalawigan, kasama si John Mogol mula sa PBS-Radyo Pilipinas. Go ahead, John.

[NEWS REPORTING]

BENDIJO:  Balikan natin mamaya si John Mogol. Pumunta muna tayo diyan sa Laguna, Usec. Rocky.

USEC. IGNACIO:  Yes, salamat, Aljo. Magbabalita naman mula sa rehiyon ng Davao si Jay Lagang live.

[NEWS REPORTING]

USEC. IGNACIO:  Maraming salamat sa iyon, Jay Lagang ng PTV Davao.

BENDIJO:  Ngayon po ay balikan natin ang mga balitang nakalap ng PBS-Radyo Pilipinas, John Mogol.

[NEWS REPORTING]

BENDIJO:  Maraming salamat, John Mogol mula sa PBS-Radyo Pilipinas.

USEC. IGNACIO:  Samantala, nakapagtala naman ng 1,772 na bagong kaso ng COVID-19 kahapon. Sa kabuuan ay nasa 387,161 na ang bilang ng COVID-19 cases sa bansa. Nadagdagan naman ng 153 ang mga gumaling sa sakit sa kabuuang bilang na 348,967. Apatnapu’t siyam naman ang nadagdag sa mga nasawi na umabot na sa 7,318 deaths. Kahapon ay mahigit 500 ang ibinaba sa bilang ng recorded cases kung saan umabot lamang sa 1,772. Ito ang pangalawa sa pinakamababa sa nakalipas na isang linggo.

Sa Pampanga naman nagmula ang pinakamataas na bilang ng COVID-19 cases kahapon na nakapagtala ng 154 new cases; nasa ikalawang puwesto ang Lungsod ng Quezon with 115 cases; ang Laguna ay nakapagtala rin ng 83 cases; ang Baguio City ay nasa ikaapat na puwesto na may 70 new cases, at hindi naman nalalayo ang Lungsod ng Maynila na may 69 na bagong kaso.

BENDIJO:  From 6% ay umangat sa 8% ng kabuuang kaso, total cases, ang nanatiling aktibo katumbas ito ng 30,876 cases. Labas po sa bilang na iyan ang mga nasawi at naka-recover mula sa virus. Sa bilang ng mga aktibong kaso, 82.5% ang mild cases, nasa 10% ang asymptomatic o iyong mga tinamaan ng coronavirus pero hindi kinakikitaan ng sintomas, samantalang ang critical cases ay nasa 4.8% at 2.7% naman ang severe.

Huwag rin po nating kakalimutan ang regular na pagdi-disinfect sa mga bagay na madalas na hinahawakan tulad na lamang ng doorknobs, susi, cellphone, ibabaw ng lamesa at iba pa. ipagpatuloy natin ang paging BIDA Solusyon sa COVID-19.

Salamat po sa ating mga partner agency para sa kanilang suporta sa ating programa at maging ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas. Salamat din po sa Filipino Sign Language Access Team for COVID-19. Mabuhay po kayo!

USEC. IGNACIO:  At diyan po nagtatapos ang ating programa sa araw na ito. Sa ngalan po ni Secretary Martin Andanar, live mula po dito sa Sta. Cruz Laguna, ako po si Usec. Rocky Ignacio.

BENDIJO:  Thank you, Usec. Mag-ingat kayo diyan. Ako naman po si Aljo Bendijo. Mga kababayan, 51 days na lang at Pasko na.

USEC. IGNACIO:  Samahan ninyo ulit kaming tutukan ang mga pinakahuling kaganapan sa bansa dito sa Public Briefing #LagingHandaPH.

 

###

 

SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)

 

Resource