Press Briefing

Public Briefing #LagingHandaPH hosted by Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar and PCOO Undersecretary Rocky Ignacio


Event Public Briefing #LagingHandaPH
Location People’s Television Network, Inc. (PTV), Quezon City

SEC. ANDANAR: Magandang araw Pilipinas at sa lahat po ng ating mga tagasubaybay sa loob at sa labas ng bansa; ngayon po ay Martes, November 10, 2020, ay hatid po na naman namin sa inyo ang mga bagong impormasyon tungkol sa mga hakbang ng gobyerno kontra COVID-19 at iba pang mga kalamidad. Ako po ang inyong lingkod, Secretary Martin Andanar mula sa PCOO. Good morning, Rocky.

USEC. IGNACIO: Good morning, Secretary Martin. Ako naman po si Usec. Rocky Ignacio. Tutok lamang po kayo sa aming programa para sa komprehensibong talakayan at pagbabalita.

SEC. ANDANAR: Basta’t sama-sama at laging handa, kaya natin ito. Ito po ang Public Briefing #LagingHandaPH.

Kahapon ay umakyat sa 361,784 ang kabuuang bilang ng mga gumaling mula sa COVID-19 sa bansa ayon sa pinakahuling tala ng Department of Health, ito po ay matapos nitong madagdagan ng 182 recoveries. Isandaan at walo naman ang nadagdag sa mga nasawi na ngayon ay nasa 7,647 na.

Sa kabuuan ay nasa 398,449 ang bilang ng mga nagkaroon ng COVID-19 sa bansa na kahapon ay nadagdagan ng 2,058. Kahapon ay bumaba ang bilang ng reported cases mula sa mahigit 2,400; noong linggo ay pumalo na lang ito sa 2,058.

Sa Probinsiya ng Rizal pa rin nagmula ang pinakamataas na bilang na may 103 cases. Pareho namang nakapagtala ng 81 na bagong kaso ang Davao City at Maguindanao. Nasa ikaapat na puwesto ang Quezon City na may 77 na kaso, at hindi nalalayo ang Cavite na may 76 na bagong kaso.

USEC. IGNACIO: Mula sa 6.9% ay umangat sa 7.3% ng total case ang nananatiling aktibo, katumbas po iyan ng 29,018, labas na po iyan na bilang sa mga nasawi at naka-recover mula sa sakit. Umangat din sa 82.7% ng mga aktibong kaso ang mild cases, samantalang bumaba naman sa 9.4% ang asymptomatic o iyon pong may COVID pero hindi kinakitaan ng sintomas. Ang critical cases ay nasa 5% at 2.8% naman ang nasa severe na kundisyon.

Samantala, muli po naming ipinapaalala sa lahat na maging BIDA Solusyon sa COVID-19. Kung kayo po ay lalabas ng bahay ay huwag kakalimutang magsuot ng facemask at magdala ng alcohol. Huwag din pong kakalimutan ang inyong quarantine pass, ganoon din ang listahan ng iyong bibilhin o mga gagawin sa labas ng bahay.

SEC. ANDANAR: Para sa inyong katanungan at concerns tungkol sa COVID-19, maaari ninyo pong i-dial ang 894-COVID o kaya ay 894-26843 – mayroon pong 02 sa unahan. Para naman sa mga PLDT, Smart, Sun at TNT subscribers, i-dial po ang 1555. Patuloy rin kayong makibalita sa mga pinagkakatiwalaang sources ng impormasyon tungkol sa COVID-19, maaari ninyo pong bisitahin ang covid19.gov.ph.

Tuluy-tuloy po ang ating programa ngayong umaga, Rocky, at mayroon tayong mga panauhin na makakausap.

USEC. IGNACIO: Yes, Secretary Martin, pinapaalala pa rin po natin sa mga kababayan natin na mag-ingat pa rin po kasi ang alam po natin ay may pumasok na naman pong bagyo at posible pong tatamaan iyong mga tinamaan na naman ni Bagyong Rolly at maging ni Quinta.

So paalala po sa ating mga kababayan na kayo po ay tumutok lamang sa ating mga programa, lalo dito sa PTV para po makuha iyong mga pinaka-update na impormasyon tungkol diyan.

SEC. ANDANAR: Oho. At sa pagkakataong ito, Rocky, makakasama natin si Contact Tracing Czar at Baguio City Mayor Benjamin Magalong para sa isang mahalagang anunsiyo. Magandang umaga po sa inyo, Mayor Benjamin Magalong. Welcome back sa Public Briefing. Please go ahead po, sir, for your announcement.

MAYOR BENJAMIN MAGALONG: Good morning, Secretary Martin at Usec. Rocky. Thank you very much po for inviting me and for having me dito sa inyong programa.

Gusto ko lang po sanang ipaalam sa ating publiko na tuluy-tuloy na po iyong ating digital contact tracing application na system at inaanyayahan ko po silang lahat, ini-encourage ko po na ang nationally acknowledged po na contact tracing application natin is StaySafe. Kaya po iyong mga local government units or localities na wala pa pong na-develop na digital contact tracing application, please register po sa StaySafe.

Ito po ay libre, it will just take you five minutes po para makapag-register po dito sa system na ito at ang laki pong bagay ito dahil ito po ay magagamit ninyo sa iba’t ibang establishment sa inyong lugar.

Ito na po iyong contact tracing digital application na ginagamit po ng mga ibang malls natin tulad ng SM, ibang mga franchise restaurants tulad ng McDonald’s, Jollibee at marami pa pong establishment.

So again, I would like to encourage you, please use StaySafe po muna habang wala po kayong mga na-develop na digital contact tracing application sa inyong mga lokalidad. Maraming salamat po.

SEC. ANDANAR: Maraming salamat po, Mayor Benjie Magalong. Mayroon po ba kayong iba pang panawagan or mensahe para sa ating mga kababayan before we let you go?

MAYOR BENJAMIN MAGALONG: Maraming salamat po, Sec. Martin. I just would like to take this opportunity po na banggitin din po natin sa ating mga kababayan na alam ninyo ho, ginagawa ho lahat ng ating gobyerno ang kanilang makakaya para ma-manage po natin itong COVID-19. Pero hindi po lahat puwede iasa na lang po sa ating gobyerno; kailangan po tayong gumalaw din. At tayo po ay parte ng komunidad, miyembro po tayo ng komunidad, we need also to exercise iyong tinatawag po nating disiplina at responsible behavior.

Lagi po nating isipin na bago ho tayo umalis sa bahay, kailangan po nating mag-wear ng mask, mag-social distancing, at iyong mga personal hygiene po, magdala po tayo ng alcohol at huwag ho natin kalilimutan iyong ating face shield dahil napakalaking bagay po ang nagagawa po nito kapag ito po ay suot ninyo – halos 90 plus percent po. Maski na magkatabi kayo ng mga COVID positive, kung ito po ay gamit ninyo, malaking bagay po na kayo po ay ligtas sa COVID-19.

Maraming, maraming salamat.

SEC. ANDANAR: Maraming salamat po Contact Tracing Czar at Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa pagbabahagi po ng inyong panahon.

Okay. So maliwanag iyon, Rocky, na itong StaySafe ang approved ng gobyerno. So para sa mga LGUs na wala pa ay puwede silang pumunta sa StaySafe at gamitin ang application na ito.

Samantala, puntahan naman natin ang mga balitang nakalap ng ating mga kasamahan mula sa Philippine Broadcasting Service. Ihahatid sa atin iyan ni Ria Arevalo. Good morning, Ria.

[NEWS REPORT BY NANCY MEDIAVILLO]

[NEWS REPORT BY CARMEL MATUS]

USEC. IGNACIO: Maraming salamat, Ria Arevalo. Huwag muna kayong aalis at magbabalik po ang Public Briefing #LagingHanda.

[AD]

SEC. ANDANAR: Sa patuloy na paghahanap ng bakuna kontra COVID-19 ay maki-update tayo sa mga hakbang ng ating pamahalaan sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang global organization at mga bansa. Nagbabalik po ang ating programa.

Si DOST Secretary Fortunato ‘Boy’ dela Peña makakasama ho natin. Magandang umaga po sa inyo, Sec. Boy.

SEC. DELA PEÑA: Magandang umaga, Sec. Martin.

SEC. ANDANAR: Sec. Boy, sa ilalim po ni bagong vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. ay inaprubahan kamakailan ng IATF ang National Vaccine Roadmap na magtatakda na dapat bago matapos ang taong 2020 ay tapos na ang pamimili at procurement ng naaprubahang bakuna. Dahil diyan, ang DOST ay magiging bahagi rin ng Task Force Group for Technical Evaluation at Selection of potential COVID-19 vaccines. Ano na po ang kinalabasan ng inyong naging pagpupulong with Secretary Galvez upang matukoy po ang partikular na magiging gampanin ng DOST?

SEC. DELA PEÑA: Maayos naman kasi actually, hindi masyadong nagbago iyong aming assignment, nadagdagan lang noong “selection,” iyong word na “selection.” Ibig sabihin ay kasama kami sa magrirekomenda kung ano iyong mga vaccines na magandang bigyan ng priority natin. Pero iyan, ang talagang magbibigay pa rin ng final recommendation ay iyong tinatawag na HTAC ng Department of Health, iyong Health Technology Advisory Committee.

So, iyong mga pag-i-evaluate doon sa mga gustong mag-clinical trials dito ay kami pa rin, iyong tinatawag ngayon na Task Group on Evaluation and Selection. Kaya ang isang nakatapos na doon sa proseso, ang evaluation ng ating Vaccine Expert Panel ay iyong Sinovac from China at iyan ay in-endorse na ng Vaccine Expert Panel sa FDA.

Iyong Sinopharm ay nagpahiwatig noong una na gusto nilang mag-clinical trials dito at the same time ay ma-involve sa pagsu-supply. Tapos at a certain point, sabi nila supply na lang hindi na iyong clinical trials and then mayroon na naman silang parating, na parang gusto na naman nilang mag-clinical trial so hinihintay na lang namin ang kanilang desisyon.

Iyong ating Gamaleya from Russia ay mayroon pang kaunting hinihinging datos ang Vaccine Expert Panel at kung iyan ay maibigay na ay mapapabilis ang pagsa-submit ng evaluation ng ating task group sa FDA. Kaya lang mayroon pang isang aspeto na kailangan ding makuha ang approval ng Research Ethics Board, iyon ang hinihintay pa rin.

Mayroon, parang nagbigay na ng kanilang clinical trial application, itong Janssen from the US at kasalukuyang ini-evaluate na iyong kanilang mga datos na isinubmit.

Maliban diyan ay pinag-uusapan din iyong possibility na ma-consider iyong ibang bakuna kahit na ang clinical trials nila ay sa ibang lugar pero para sa atin, mas maganda kung gawin dito iyong Phase 3 clinical trial sa atin. Pero kung natapos na nila iyong clinical trials sa ibang lugar, puwede din naman silang dumiretso ng pag-a-apply sa ating FDA.

Kabilang diyan iyong AstraZeneca, ito ay mula sa UK at nandiyan din iyong Pfizer na mula naman sa Amerika. Pero hindi ko alam kung iyong Pfizer ay nagkaroon ng application sa FDA for supply. Iyong AstraZeneca ay balak na nilang mag-apply as a supplier sa ating FDA, iyon ang pagkakaalam ko.

So may categorization din iyong mga bakuna natin, iyong mga tinatawag na gumagamit ng traditional technology platforms, iyong tinatawag na using inactivated virus at saka iyong protein sub-unit ang kanilang technology platform ay medyo mataas din ang prayoridad kasi itong mga bakunang nagmula dito sa mga inactivated virus ay mahaba na ang karanasan ‘no diyan sa teknolohiya na iyan. Iyong iba ay inaaral na mabuti katulad noong mga tinatawag na virus vector at saka iyong iba pang mga teknolohiya katulad noong mRNA [Messenger RNA].

Ang mahirap lang kasi doon sa ibang mga bagong teknolohiya ay mababa ang temperatura ng storage na kailangan diyan ‘no. Sabagay iyon naman ay masusolusyunan ano, pero iyon kasing mga inactivated virus ay nagri-range lang sa 2 to 8 degrees centigrade ang kailangang lamig and most of our hospitals have that kind of storage facility.

So iyan ang aming ginagawa ngayon at parati kaming nakasuporta kay Sec. Galvez tungkol dito sa parte ng evaluation and selection.

So iyan ang aking mairi-report, Sec. Martin.

SEC. ANDANAR: Nabanggit po ninyo na wala pang eksaktong petsa at kung kailan isasagawa sa Pilipinas ang Solidarity Trial para sa COVID-19 vaccines ng World Health Organization ngunit ang target dapat ay sa darating na Disyembre. Kumusta po ang pakikipag-ugnayan natin sa WHO hinggil dito?

DOST SEC. DE LA PEÑA: Eh kung matatandaan natin ang unang announcement nila, sabi nila ay ilalabas kung ano iyong listahan ng vaccine by October 26 at saka kung ano iyong protocol na susundin. Pero ngayon November 10 na wala pa rin ano at nag-announce din sila na iyong unang clinical trials ay gagawin sa America ano at sa ibang lugar ay Disyembre pa. Umaasa kami na kung halimbawang uumpisahan iyong clinical trials sa Americas ay hindi naman masyadong malaki ang agwat ng petsa mula doon at sa atin.

So umaasa pa rin kami na puwede pa rin tayong makasimula ng clinical trial sa WHO Solidarity sa December. Hindi lang namin alam kung ano eksakto kasi magpahanggang ngayon ay wala pa silang anunsiyo kung ano iyong mga vaccines na isasama at kung ano iyong kanilang protocol na susundin. Pero nakahanda tayo doon sa mga vaccine trial hospitals.

SEC. ANDANAR: Sec. Boy, gaano po kaya kalaki ang isasagawang trials dito sa bansa at anu-ano po ang mga inaasahan ulit na vaccines na isasama ang mga protocol na susundin?

DOST SEC. DE LA PEÑA: Well, iyong listahan na vaccine hindi natin masabi kasi sila’t sila lang ang nakakaalam pero most likely iyan iyong mga nakatapos na ng phase 3 trials ano.

Pangalawa, iyong tungkol naman sa protocol, mayroon namang actually mga standard na sinusunod pero siyempre may mga detalye na manggagaling sa kanila.

Halimbawa kung anong mga edad ang puwedeng isama sa clinical trials, kung ano iyong mga inclusion at exclusion criteria at kung iyon bang bakuna na iyan ay one dose or two doses ano, kailangan nating malaman iyan at saka iyon ngang temperature na para sa storage ano, iyong mga logistics requirements so iyan ang ating hinihintay.

In the meantime sabi ko nga, kami ay inihanda na natin ang ating team para sa Solidarity Trials na pinamumunuan ng UP-PGH at mayroong 11 other hospitals na mai-involve para sa Solidarity Trials ng WHO.

SEC. ANDANAR: Magtungo naman tayo sa mga tanong ng mga kasama natin sa media. Usec. Rocky, please go ahead.

USEC. IGNACIO: Yes. Good morning, Secretary dela Peña. Question po mula kay Red Mendoza ng Manila Times: Pfizer reported last night that its vaccine has 90% effectivity against COVID-19 and its preliminary findings has the Vaccine Expert Panel or (VEP) received this information and will this boost Pfizer’s chances for possible approval in the country once the study is peer reviewed and gets a US approval?

DOST SEC. DE LA PEÑA: Ano po ang tanong.

USEC. IGNACIO: Tanong po ni Red Mendoza, ang sinabi po niya kung okay na daw po iyong—90% daw po kasi iyong ni-report ng Pfizer na iyong vaccine daw po, iyong effectivity against COVID-19 and kung has the VEP received its information and will this boost Pfizer’s chances for possible approval in the country once the study is peer reviewed and gets a US approval.

DOST SEC. DE LA PEÑA: Well unang-una, kung sila ay magsasagawa ng clinical trials dito sa atin eh dadaan sigurado sa ating vaccine expert panel iyong kanilang datos na na-gather at doon mabi-verify. Kasi iyong 90% na in-announce nila eh sila ang nag-announce, hindi naman natin pa alam ang detalye, hindi natin alam iyong data na nagsusuporta diyan. Kung magkakaroon ng trials dito, doon natin mabi-verify.

Ngayon kung hindi naman sila magsasagawa ng trials at didiretso sila ng application sa FDA for supply purposes, malamang iyan ay—at ang aming usapan din ay iri-refer din ng FDA sa vaccine expert panel para i-analyze iyong kanilang data na isa-submit sa FDA – not necessarily for clinical trials but for evaluation of the data they have gathered during their trials. In particular, kailangan kasama na iyong phase 3 trials data nila kung hindi sila magsasagawa dito ng phase 3 trials. Kung 90% at mapatunayan iyan dito sa mga datos na maga-gather, ang tingin ko mataas iyon.

USEC. IGNACIO: Opo. Tanong naman ni Vicky Robles ng TV-5: Has the Philippine government considered advance order for Pfizer vaccine? Also, US-FDA said on Monday it had issued an Emergency Use Authorization for Eli Lilly and Co’s monoclonal antibody therapy to treat mild to moderate coronavirus infection in adults and children. Will we consider the same for those undergoing COVID-19 treatment here?

DOST SEC. DE LA PEÑA: Iyon pong mga emergency trials na iyan eh maaaring doon lang sa bansa nila na pinagsasagawaan at ewan ko, sa atin I doubt whether we can go into emergency trials. In fact mayroon pa tayong phase 4 requirements sa ating batas and iyon namang—iyong tinatanong iyong emergency ano, emergency trials. The other one? What was the other question?

USEC. IGNACIO: Kung magsi-secure daw po tayo ng vaccine from Pfizer?

DOST SEC. DE LA PEÑA: Iyon ay pinag-aaralan pa.

USEC. IGNACIO: Opo. Tanong naman po ni Joseph Morong din: If Pfizer po gets an authorization for Emergency Use, will we secure doses from them?

DOST SEC. DELA PEÑA: Siguro ang FDA na ang makapagsasabi diyan. Gaya ng nabanggit ko, I doubt whether we will follow the emergency approvals kung hindi naman dito ginawa iyong trials.

USEC. IGNACIO: Okay. Thank you po, Secretary dela Peña.

SEC. ANDANAR: Sec. Boy, sakali namang magkaroon na ng bakuna sa susunod na taon ay panigurado naman na may mga private business na magdadala nito sa ating bansa. Ano po ang magiging role ng DOST when it comes sa paglalatag ng guidelines sa pagma-manufacture o pagdi-distribute nito sa Pilipinas together with DTI?

DOST SEC. DE LA PEÑA: Iyong tungkol sa pagma-manufacture dito ay puwedeng maisama diyan sa pag-uusap ng ating selection and evaluation at kasi kailangan din nating malaman kung ano iyong mga magiging sistema nilang susundin. Of course gusto natin na magkaroon ng manufacture dito pero iyong mga… ika nga ay iyong mga standards to approve manufacture, again, FDA iyan. Kahit anong gamot basta gamot o bakuna o pagkain man ano, ang pagma-manufacture niyan ay dumadaan sa ating FDA. Kung anuman ang hihinging tulong sa amin ng FDA ay gagawin namin.

SEC. ANDANAR: Before we end Sec. Boy Dela Pena, ano po ang mensahe na nais nating iparating sa ating mga manunuod?

SEC. DELA PEÑA: Well, maganda iyong sinusubaybayan natin kung ano iyong nangyayari, kasi halimbawa kung talagang napakainteresado ninyo diyan sa mga ‘ika nga ay performance ng mga vaccine. Iyong iba naman ay available online ang kanilang mga ipina-publish na scientific result. Kung anuman iyong pina-publish nila ay makakatulong iyan, in fact, nakakatulong din iyan sa vaccine expert panel. Iyon nga lamang, kung talagang ang pag-uusapan na ay ang paggamit dito sa atin mas preferred sana natin na magkaroon ng clinical trial dito sa Pilipinas. Kung hindi man ay nakatapos na sana ng clinical trials doon sa kanilang bansang pinanggalingan at iyon naman ay dadaan sa ating FDA na atin pong kailangang maintindihan na ang atin pong FDA ay talaga namang sinusunod lamang ang mga international standards.

SEC. ANDANAR: Maraming salamat po sa inyong pagpapaunlak sa aming imbitasyon, Secretary Fortunato “Boy” Dela Peña ng Department of Science and Technology. Sa uulitin po, sir.

SEC. DELA PEÑA: Salamat din, Sec. Martin. Thank you very much.

SEC. ANDANAR: Magbabalita naman diyan sa Davao City si Julius Pacot

(NEWS REPORTING)

USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo, Julius Pacot. Alamin natin ang sitwasyon sa Baguio City kasama si Breves Bulsao ng PTV-Cordillera.

(NEWS REPORTING)

USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo, Breves Bulsao. Samantala, para sa iba pang mga balita: Binuong mega task force iniimbestigahan ang ghost projects sa ilang ahensiya ng pamahalaan; Libreng bakuna para sa mga mahihirap, isinusulong; At mga nasalanta ng Bagyong Rolly sa Calamba, Laguna nakatanggap ng ayuda mula sa tanggapan ni Senator Bong Go. Narito ang detalye.

(NEWS REPORTING)

USEC. IGNACIO: Sa puntong ito kumustahin muli natin ang rehabilitation efforts na ginagawa sa Malinao, Albay na isa po sa pinaka-hard hit areas ng mga nagdaang bagyo sa bansa. Makakausap po natin si Malinao, Albay Mayor Leneybelle Santos. Magandang umaga po, Mayor?

MAYOR SANTOS: Magandang umaga po sa lahat ng nakikinig. Magandang umaga po.

USEC. IGNACIO: Mayor, two weeks after po na magkakasunod na pananalasa ng Bagyong Rolly at Bagyong Quinta sa inyong bayan, kumusta na po ang rehabilitation efforts ng inyong pamahalaan? Nakabawi na po ba sa trauma at pinsala ang mga taga-Malinao?

MAYOR SANTOS: Hindi pa po kami nakakabawi. Actually, under rehabilitation pa rin kami hanggang ngayon. Hindi pa rin po kami nakakatapos sa aming final report kung ano talaga iyong mga total damages ng aming mga infrastructure and agriculture and iyong mga totally damaged houses and partly damaged houses dito po sa bayan ng Malinao.

USEC. IGNACIO: Umabot na daw po sa 400 na bahay ang nasalanta ng Bagyong Rolly sa inyong bayan?

MAYOR SANTOS: Ang nasalanta po ng Bagyong Rolly, ang totally damaged houses po namin dito sa Malinao is 3,334. Iyan po ang mga nawalan po talaga ng bahay.

USEC. IGNACIO: Mayor, papaano po natin sila tinutulungan sa kasalukuyan at saan po sila tumutuloy ngayon?

MAYOR SANTOS: Sa kasalukuyan po ay marami pong NGOs and some government agencies po na nagbibigay po ng tulong po sa pang-araw-araw po, pangkain ng mga constituent po natin dito sa Malinao. Sa ngayon po nag-stay po sila sa ating mga maritime shelter na tinatawag, dahil po limitado lang po ang evacuation centers namin dito sa Malinao. Nag-stay din po sila sa daycare center, health center and multi-purpose hall and barangay hall ng kada barangay. Doon po muna sila nag-stay po, na totally damaged po ang kanilang mga bahay sa mga barangay.

USEC. IGNACIO: Mayor aside from that, may mga ilang establishment din po ang nasira sa Malinao kagaya po ng simbahan at iba pa. Tuluy-tuloy po ba ang restoration na isinasagawa dito?

MAYOR SANTOS: Yes po, since mayroon naman kaming insurance from the GSIS, minamadali po namin iyan, dahil po ang munisipyo po mismo ng Malinao ay 70% damaged po ng Bagyong Rolly, kaya po inaasikaso po namin iyan. For the meantime, dito po muna kami nag-oopisina sa evacuation center, actually anim na offices po ang nag-transfer dito para po makapagbigay ng dire-diretsong serbisyo po sa Manilaonon.

USEC. IGNACIO: Mayor, kasi aside from Rolly, Quinta, mga nagdaang bagyo, may paparating pa rin po na posibleng tumama na naman po sa Kabikulan, so kumusta po ang ginagawa ninyong paghahanda diyan?

MAYOR SANTOS: Mayroon na po tayong ipinalabas na communication na kailangan po iyong lahat ng nasa coastal barangays and lahat po ng totally damages houses and partially damaged houses kailangan po tomorrow morning may forced evacuation po kami at doon din po sila mag-e-evacuate sa Samaritan shelter, mga daycare centers at barangay hall and health centers po ng kada barangay. Although mayroon din po kaming mga kaunting school buildings na hindi naman po nasalanta ng bagyo gagamitin din po muna namin iyon as evacuation center.

USEC. IGNACIO: Mayor, kumusta naman po iyong restoration naman ng mga power lines at electric facilities sa Malinao, ilang porsiyento na po ang naayos at nakumpleto?

MAYOR SANTOS: Zero pa po kami dito sa Malinao. Ngayon po nandiyan na po ang Meralco para po tumulong sa restoration po ng kuryente. Wala pa rin pong naipapangako sa akin si GM kung kailan po talaga kami mabibigyan ng restoration kahit dito po sa poblacion, wala pa rin po talagang kuryente. Nakausap ko po ang General Manager ng APEC [Albay Power and Energy Corporation] ang pangako niya po sa akin bago po mag-Pasko saka po mare-restore nang 100% ang Munisipyo ng Malinao.

USEC. IGNACIO: Naku… Napakahirap po niyan pero nag-set—

MAYOR SANTOS: Napakahirap po.

USEC. IGNACIO: Opo, napakahirap niyan. Pero nag-set-up din daw po ang Smart Communication ng free outgoing call sa inyong bayan sa initiative po ito ng Provincial Government. So, kumusta na po ito at ano po iyong parang pinakakailangan ninyo na nais iparating sa ating National Government, ang atin pong Public Briefing Laging Handa ay bukas po para sa inyo?

MAYOR SANTOS: Ang initial po talagang kailangan ng Malinao aside from food packs na ibinibigay po ng lahat ng government agencies and different NGOs and different private person po, iyon pong mga construction materials para po sa mga damaged houses dahil po wala po kaming relocation for them for now. Kaya iyan po ang sinisikap ng lokal na gobyerno ng Malinao na para hindi na po maulit nang paulit-ulit na mangyari dito po sa amin na magkaroon po kami ng mga damaged houses and evacuees, mai-relocate po natin ang mga constituents sa mga relocation sites po, houses para naman po maiwasan ang ganitong pangyayari. Dahil hangga’t hindi po natin sila naililipat sa maayos pong matitirahan, ganito rin po ang mangyayari every time na tatamaan po tayo ng bagyo. Kaya iyon po talaga ang panawagan ko sa National Government na sana makita nila iyong pangangailangan po ng maliit na bayan po namin dito sa Malinao.

USEC. IGNACIO: Mayor, kasi alam po natin na sa mga ganitong panahon ang tina-target natin zero casualty. So, base po doon sa initial report eh nasa tatlo daw po ang naiulat na nasawi mula sa inyong bayan. Na-identify na po ba ito, Mayor?

MAYOR SANTOS: Apat po ang casualty po namin dito po sa Malinao. Ang dalawa po namatay po sila due to hypothermia, sa sobrang lamig dahil po iyong Bagyong Rolly po 3 to 8 hours po nanalanta dito po sa bayan ng Malinao. At iyong isa naman po, tinamaan ng lumilipad na yero dahil akala po nila ay natapos na iyong bagyo. So, hindi niya po ini-expect na mayroon pa palang kasunod after ten minutes. Iyong isa naman pong casualty natin, sa loob po ng bahay nila may natumbang kahoy na mayroon pong pako kaya iyon po ang dahilan ng kaniyang pagkawala.

USEC. IGNACIO: Kami po ay nakikiramay sa pamilya nila. Mayor, pagsasaka pa rin po ng palay ang pangunahing kabuhayan diyan sa inyong bayan at alam natin na talaga na pong naapektuhan itong sektor na ito dahil sa sunud-sunod na bagyo. Mayroon po ba kayong inilatag na programa o assistance para po tulungang makabangon ang mga magsasaka ninyo?

MAYOR SANTOS: Alam mo po, ito po ang kagandahan lang ng nangyari dahil po bago po kami tamaan ng Bagyong Quinta and Rolly, nakapag-harvest na po ang aming mga farmers. Kaya dito po, nakahanda naman po ang ating office ng Department of Agriculture in our province na tabangan po tayo para mabigyan po sila ng mga libreng binhi para po sa susunod nilang pagtatanim ng mga palay. Ayan po ang inihahanda nating programa para po sa ating magsasaka dito po sa bayan ng Malinao.

USEC. IGNACIO: Mayor, alam po namin na kayo po ay naghahanda pa rin sa mga paparating pa ring kalamidad pero alam po natin na iyan po ay pinapahirap dahil may COVID-19 iyong inyong isinasagawang rehabilitation efforts. Pero paano ninyo po nasisiguro na patuloy pa rin pong nasusunod iyong health and safety protocols habang isinasagawa ito?

MAYOR SANTOS: Tayo po ay nagbibigay ng tulong po sa kada barangay. Sinisigurado po natin na mayroon suot po silang face mask. Nandiyan naman po ang ating mga barangay officials na tumutulong din sa atin para makapagbigay ng ayuda. Sila po ang nag-i-initiate kung papaano po ii-inform ang mga tao bago po sila pumunta sa lugar po kung saan tayo magbibigay ng tulong.

 

Dapat po talaga naka-mask po talaga sila dahil hindi po sila papapasukin sa covered court namin dito po kung wala po talaga silang face mask.

USEC. IGNACIO: Mayor, kuhanin ko na lamang ang inyong mensahe sa gitna pa rin ng ginagawa ninyong paghahanda pa rin para naman po sa paparating na namang sama ng panahon. Mayor, go ahead po.

MAYOR SANTOS: Okay. Sa mga constituents ko po dito sa bayan ng Malinao. Handa po ang LGU po para sama-sama tayo at tulung-tulong po tayo sa pag-ahon dito po sa nangyari po sa ating lugar. Kami po ay handang tumulong at marami pong government agencies and NGOs and private persons po na handa pong tumulong sa atin.

Kaya po hinihiling ko lang po ang haba ng pasensya ninyo na medyo kulang po tayo sa manpower. Alam ninyo naman po na maliit lang po ang pondo natin dito sa munisipyo kaya po ang iyong understanding ninyo po ang kailangan ko po ngayon at kailangan ng LGU.

Pero lahat po iyan, lahat po ng makukuha nating tulong makakarating po iyan sa lahat po ng nangangailangan dito po sa bayan ng Malinao.

USEC. IGNACIO: Okay. Maraming salamat po sa inyong pagpapaunlak, Mayor Leneybelle Santos mula po sa Malinao, Albay. Mag-ingat po kayo diyan, Mayor.

MAYOR SANTOS: Salamat po. Thank you. God bless po.

SEC. ANDANAR: Maraming salamat po sa ating mga partner agency para sa kanilang suporta sa ating programa at maging ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas. Salamat din po sa Filipino Sign Language Access Team for COVID-19. Mabuhay po kayo!

Diyan po nagtatapos ang ating programa sa araw na ito. Ako ang inyong lingkod, Secretary Martin Andanar ng PCOO.

USEC. IGNACIO: Ako naman po si USec. Rocky Ignacio. Sa kabila po ng lahat pagsubok sa ating bansa, huwag mawalan ng pag-asa dahil maraming dahilan para tayo ay maging masaya lalo na’t 45 days na lamang po at Pasko na.

SEC. ANDANAR: Samahan ninyo kami ulit—s0, 45 days… 45 days tama ba?

USEC. IGNACIO: Alam mo, Secretary, talagang gusto mong tapusin agad kasi alam mo babatiin ko kung nabalot mo na ba iyong regalo ko eh…

SEC. ANDANAR: Oo, nabalot ko na. Ilang beses ko na binalot, naubusan na nga ako ng pambalot eh.

USEC. IGNACIO: Ang dami!

SEC. ANDANAR: Pero huwag kang mag-alala darating din iyan. Darating din iyan sa pintuan ng bahay mo.

USEC. IGNACIO: Wow!

SEC. ANDANAR: Malaki!

USEC. IGNACIO: Hindi ko na kailangan—

SEC. ANDANAR: Samahan ninyo po—Ayaw mo ng ref? O sige, sige, basta ako ang bahala, okay?

USEC. IGNACIO: Ayaw ko ng ref.

SEC. ANDANAR: Basta kapag binuksan mo buhay na buhay ang nasa loob.

USEC. IGNACIO: Ayaw ko ng boyfriend ha, Secretary.

SEC. ANDANAR: O, sige na nga! Basta! Samahan ninyo po kami ulit tutukan ang aming mga balita na inihanda para sa inyo bukas dito po sa Public Briefing #LagingHandaPH.

###

 

SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)