USEC. IGNACIO: Magandang umaga mga kababayan. Magandang umaga sa iyo, Aljo.
BENDIJO: Good morning, Usec.
USEC. IGNACIO: Narito tayo para sa special coverage ng Laging Handa Public Briefing para po magbigay ng mga mahalagang impormasyon tungkol sa patuloy na ginagawa ng pamahalaan para po matulungan ang ating mga kababayan na nasalanta ng Bagyong Ulysses, lalo na po iyong mga nasa lalawigan ng Cagayan at Isabela, kung saan po lubog pa rin ngayon sa tubig baha, dahil sa pagpapakawala ng tubig ng Magat Dam, dulot pa rin po ng Bagyong Ulysses. Mamaya Aljo kukumustahin natin ang sitwasyon doon ng ating mga kababayan.
BENDIJO: Usec., katuwang din natin sa pagbibigay ng mga balita at impormasyon ang Radyo Pilipinas, ang Philippine Information Agency at ang Radio-TV Malacañang (RTVM). Makakapanayam din natin ang ilan sa mga miyembro ng Gabinete para magbigay din sa atin ng update sa mga ginagawa ng pamahalaan para masagip ang mga kababayan natin diyan sa Cagayan at Isabela.
USEC. IGNACIO: At para naman po sa kaalaman ng publiko, tuluy-tuloy ang pagkilos ng mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno gamit po ang lahat ng asset ng pamahalaan para po masagip ang ating mga kababayan lalo na diyan sa Cagayan at Isabela.
BENDIJO: Usec., tama ka diyan at nakikiusap lang po tayo sa ilan nating mga kababayan na iwasan po ang pagpapakalat ng mga maling impormasyon, kasi nakakadagdag pa iyan sa suliranin natin sa bansa. Sa halip ay magtulungan na lang tayo papaano po natin matutulungan ang ating mga kababayang nasalanta ng kalamidad.
USEC. IGNACIO: Ito po iyong pagkakataon na dapat tayo magkaisa at magtulungan, hindi tayo dapat mahati, sa halip po tulungan natin ang isa’t isa para po malagpasan natin ang mga sulinaring dinaranas natin ngayon dulot ng kalamidad.
BENDIJO: Patuloy po ang isinasagawang search and rescue operations ng mga kagawad ng Armed Forces of the Philippines sa mga nasalanta ng Bagyong Ulysses sa Cagayan at Isabela, bitbit nila ngayon ang mga rescue equipment tulad ng rubber boats, mga tali at iba pang kagamitan para mailigtas ang buhay ng mga residenteng na-trap sa mataas na tubig baha. Apat na helicopters din ng Philippine Air Force ang nagsagawa ng relief operations sa bayan ng Enrile, Alcala, Iguig, Amulung at Peñablanca sa lalawigan ng Cagayan. Tumulong din sa search and rescue operations ang 3,267 na mga tauhan ng Philippine National Police at ng Bureau of Fire Protection.
Dalawang bangkay naman ang natagpuan ng Philippine Coast Guard sa bayan ng Alcala sa Cagayan ngayong umaga, kabilang diyan ang isang 49 years old na lalaki at 45 na taong gulang na babae. Ayon sa Philippine Coast Guard, natagpuan nila ang dalawang bangkay ng magsagawa sila ng rescue operations sa bayan ng Alcala. Patuloy pang inaalam ng Philippine Coast Guard ang pagkakakilanlan ng dalawang biktima.
USEC. IGNACIO: Samantala, nasa linya ng ating komunikasyon si Philippine Coast Guard Commandant, Admiral George Ursabia. Sir, kumusta na po ang rescue operations ng Coast Guard? Dahil po sa lawak ng pinsala at baha sa Cagayan at Isabela ay pahirapan po ang pag-rescue. Bukod nga daw po sa mga binaha, may mga biktima pa rin ng landslide, ano na po ang update sa kanila?
PCG ADMIRAL URSABIA: Usec. Rocky, magandang umaga po sa inyo at sa mga nakikinig sa inyong istasyon. Opo, iyong Coast Guard po natin ay maaga pa po, madaling araw kanina ay nag-signal resume na po sila ng search and rescue operation nila at totoo po iyong ni-report ninyo kanina doon sa bandang Alcala ng Cagayan ay nakakuha sila ng other – over and above, doon sa mga na-rescue nilang mga tao – they were able to retrieve also two cadavers. So, tuluy-tuloy iyong mga efforts natin. Itong nagka-conduct ng rescue operation doon sa Alcala ay augmentation na po galing sa Ilocos Norte, kasi kulang po talaga iyong puwersa ng Coast Guard, iyong naka-base sa Northeastern Luzon or diyan sa Cagayan at saka sa Isabela.
So, we have to send additional PCG personnel at saka kagamitan which we did even as early as two days ago and the bulk of which was yesterday. At nandoon na po, tumutulong po, tuluy-tuloy po, pero ang magandang balita, medyo nag-subside na po iyong baha, bumaba na po, so that is a good news. At karamihan po na iyong kailangang i-rescue ay hindi na po nagpapa-rescue, ang gusto lang po nila ay madalhan sila ng pagkain. Kaya we are thinking now or planning how we can bring food to them by our air assets, because we have two helicopters there. So iyon lang po iyong pina-plan out namin at saka iyong how to source also iyong relief goods or iyong food packs at saka drinking water na kailangang-kailangan nila and that is what we intend to do within the day po.
USEC. IGNACIO: Sir, sinabi nga po ninyo na karamihan din sa ating mga kababayan na na-stranded ay ayaw na rin pong sumama doon sa rescuers at gusto nilang manatili sa kanilang mga lugar. Pero ano pa rin po iyong mga nagiging hamon ninyo para po ipatupad – katulad po ng pagdadala ng pagkain, katulad nga po ng sinabi ninyo na iyon iyong mga pangunahing pangangailangan – so nahihirapan pa rin po ba kayo na puntahan itong mga naipit pa rin sa kanilang mga bahay?
PCG ADMIRAL URSABIA: Sa ngayon hindi na po dahil maganda na ang panahon, hindi na rin ganoon kalakas iyong current. Kaya, kaya na po, kaya na rin ng floating assets natin, kayang-kaya na, even our helicopters kayang-kaya na rin po na i-transport iyong whatever we need to transport doon sa mga nangangailangan, ng specifically pagkain at saka tubig, talaga ang kailangan nila.
USEC. IGNACIO: Opo, sir kami po ay sumasaludo sa Philippine Coast Guard, sa inyong mga ginagawang pag-rescue sa ating mga kababayang nangangailangan talaga ng tulong. Pero ano na lang po ang inyong mga paalala doon sa ating mga kababayan na talagang mayroong resistance na kailangan na talagang tulungan pero parang mas pinipili nilang manatili sa kanilang mga lugar, pero sabi nga ninyo kailangan talaga na ang pinakaunang tinitingnan dito iyong kanilang kaligtasan?
PCG ADMIRAL URSABIA: Yes, totoo iyan kasi based sa assessment namin, kung sa tingin namin we have to evacuate them, they have to cooperate with us. Kung inaalala nila iyong gamit nila o iyong bahay nila – siguro usually from looting, probably they can leave one person who is strong enough para magbantay ng bahay nila. But the rest should cooperate with us, kailangan madala sila doon sa evacuation center, kasi mas maasikaso sila doon at saka madaling ipaabot sa kanila iyong mga kailangan nila, lalo na pagkain.
USEC. IGNACIO: Opo. Kasi sir, hindi natin masasabi iyong mga pangyayari, katulad niyang sinasabi ninyo na medyo hindi na delikado iyong mga lugar, pero hindi po natin masasabi iyan. Parang ang hirap po na nandoon pa rin sila, imbes na nasa evacuation center na nababantayan, na hindi ninyo agad mapupuntahan sa panahon na pangangailangan lalo pagdating sa gabi, ano po?
PCG ADMIRAL URSABIA: Totoo po iyon. Because we cannot be there 24/7. Kaya iyong first opportunity na madaanan namin sila, we have to take them in, para naman masiguro natin na madala sila sa magandang lugar or safe na lugar kung saan maasikaso sila ng maayos ng gobyerno.
USEC. IGNACIO: Okay, maraming salamat po sa inyong panahon, Philippine Coast Guard Commandant, Admiral George Ursabia.
PCG ADMIRAL URSABIA: Thank you.
BENDIJO: Ayan, at inulit lang natin, Usec sa ating mga kababayan na nakabantay po ang halos lahat ng sangay ng pamahalaan pati na ang mga Gabinete ng Pangulo. May doktrina iyan Usec., iyong doctrine of ‘qualified political agency’ kung saan iyong mga alter egos ng Pangulo ay siyang kumikilos talaga. So, dapat nating tandaan na hindi puwedeng mahati ang katawan ng Presidente na siya ang pupunta sa mga lugar na iyan. Basta ang importante ay nandoon ang kaniyang mga Gabinete na tumutok sa problema, lalo na ngayon na mayroon tayong kinakaharap na krisis.
USEC. IGNACIO: Yes, at lagi nating sinasabi na alam na alam po ng pamahalaan na pagdating po sa panahon ng kalamidad, pangangailangan, krisis ang pinupuntahan po ng taumbayan ay ang pamahalaan. Kaya si Pangulong Rodrigo Duterte kahapon pa, noong isang araw pa ay talagang agad pinakilos ang buong puwersa ng pamahalaan para agad maipaabot ang tulong sa lalawigan ng Cagayan at Isabela at hindi lang din po diyan sa mga lugar na iyan, dito sa Kabikulan, sa Quezon at maging sa Bulacan na talagang patuloy pong dumaranas ng pagbaha.
BENDIJO: Katuwang din siyempre ang local government units, kung saan ang Pangulo din ay nakikipag-ugnayan, ang executive department, nagsu-supervise ang executive department sa mga LGUs. So, magbibigay tayo ng mga updates maya-maya naman, hindi lang sa ginagawa ng executive department, maging sa mga local government units lalo na diyan sa Cagayan at maging dito sa NCR and sa probinsiya ng Rizal kung saan talagang tinamaan din ng Bagyong Ulysses.
USEC. IGNACIO: Talagang naramdaman ng buong Pilipinas ang epekto talaga, naging malawak iyong pinsala, dahil nagsunud-sunod iyong bagyo, nag-Quinta, nag-Rolly, di ba mayroon pang Siony, may Tonyo pa and then si Ulysses na talagang lumawak lalo ang mga pinsala na talagang kailangang bigyan ng todong pansin na hindi na kailangan pa iyong pagtuturuan dahil ito iyong panahon ng pangangailangan, mas iintindihin natin kung papaano kikilos at magkaisa para po agad maipaabot ng mabilisan ang tulong ng mga nangangailangan.
BENDIJO: Iyan, i-emphasize lang natin na ito pong tinatawag na pagtutulungan, hindi na tayo dapat maghintay pa sa serbisyo ng pamahalaan, kung hindi tayo na mismo ang kumilos upang sa ganoon ay matugunan natin ang mga problemang ito. Iyong mga bagyong tumama sa atin, ay ang Ofel, Pepito, Quinta, Rolly, Siony, Tonyo at itong Ulysses at mayroon pa tayong kinakaharap na pandemya. So. Magtulungan po tayo.
USEC. IGNACIO: Pero sabi nga sa mga report, medyo limang araw o ilang araw tayong makakahinga sa posibleng sama ng panahon. Gamitin itong pagkakataon para po makabangon ang ating mga kababayan na talagang sobrang sinalanta, pero sa mga susunod, talagang kailangan pa rin po ng sobrang pag-iingat. At lagi nga pong sinasabi ng ating pamahalaan sa ating mga kababayan na talagang sumunod po sa mga guidelines o iyong mga patakarang ipinapatupad ng ating mga local government units at maging ng pamahalaan, national government. Kasi ang priority natin iyong kaligtasan ng taumbayan.
BENDIJO: Tama, participatory democracy! Ulit-ulitin natin iyan, nakasaad iyan sa atin pong mga batas na tayo na mismo, kung wala pa iyong tulong ng pamahalaan, papunta na diyan, tayo na mismo ang lumikas kung kinakailangan. Iyong preemptive evacuation, Usec. Nakikita natin na kung alam ninyo nasa mababa kayong mga lugar kung saan binabaha ay kayo na mismo ang lumikas. Tulungan natin ang pamahalaan para maiwasan natin ang sakuna. Tandaan natin, kada taon binabayo po tayo ng bagyo dito sa Pilipinas.
USEC. IGNACIO: Si Pangulong Duterte nga ay nakatakda ngang magtungo sa Lalawigan ng Cagayan para magsagawa ng briefing at alamin iyong mga ano pa ang mga pangangailangan na kailangan ng marami nating mga kababayan sa naturang lugar. Pero hindi pa rin ibig sabihin niyan ay mawawala na rin iyong attention na nandito sa Catanduanes – na patuloy naman – kailangan pa ring bumangon mula pa rin sa hagupit naman ni Rolly.
Sabi ng Pangulo, kailangan niyang makita ano pa iyong mga kailangang tulong at ma-assess kung ano iyong damage na nangyari doon sa lalawigan na ito. Sinabi rin ni Senator Bong Go na talagang pinilit daw ng Pangulo na magtungo doon sa Cagayan, kahit parang nagkakaroon ng agam-agam iyong PSG, ay talaga daw gustong makita ng Pangulo. Gusto niyang nandoon at makita kung ano ang nangyari sa marami sa ating mga kababayan.
BENDIJO: So, iyong sunud-sunod ng pag-ulan, Usec., doon nagresulta iyan ng pag-angat ng level ng tubig sa Magat at ilog ng Cagayan. Sa mga panahong ito ay nakataas po iyong red alert status sa mga Regional Risk Reduction and Management Council hanggang ngayon. So iyon na nga, November 9, tumaas iyong water level diyan sa Cagayan River basin at iba pang tributaries at system na karugtong nito kaya inaksiyunan kaagad iyan ng pamahalaan.
USEC. IGNACIO: Aljo, nasa sampung tao na po ang kumpirmadong patay at 98,000 pamilya naman ang apektado ng nararanasang malawakang pagbaha sa Cagayan. May ulat po ang ating kasamang si Vivian De Guzman ng Radyo Pilipinas-Tuguegarao, Vivian?
VIVIAN DE GUZMAN/RP TUGUEGARAO: Yes, magandang umaga.
USEC. IGNACIO: Vivian kumusta na ang kalagayan ng ating mga kababayan diyan sa Tuguegarao?
VIVIAN DE GUZMAN/RP TUGUEGARAO: Maayos naman kahit papaano. Naghihirap pa rin itong ating mga kababayan at umabot na nga ng 78,400 na pamilya, Usec. Rocky, ang affected at 294,000 na katao itong mga ito, mula sa 336 na barangay sa 26 towns ng lalawigan nga ng Cagayan. Sampu na rin iyong opisyal ngang namatay – apat sa Baggao, Cagayan, tatlo sa Alcala, dalawa naman sa may Gonzaga, Cagayan, isa sa Tuguegarao City; pito ang injured, isa ang missing at dalawa ang nakuryente, Usec. Rocky. Karamihan ay nakulong sa mga bahay nila itong mga kababayan nating affected. May ilan na ring nag-aayos ng kani-kanilang mga bahay, pero hirap pa ring lumabas dahil mahirap ngang lumusong sila sa baha, kaya kailangan pa ring sila ay mahatiran ng mga relief goods, Usec, para naman tuluy-tuloy na mayroong makakain ang mga ito.
USEC. IGNACIO: Vivian, sabi ng Philippine Coast Guard may ilan pa rin sa ating mga kababayan diyan na tumanggi nang umalis sa mga bubungan ng kanilang mga bahay para lumipat sa evacuation center. Ano na ba ang sitwasyon diyan, sabi mo kahapon sa report mo bahagyang bumababa ang tubig-baha. Sa kasalukuyan ano na ang status ng tubig-baha diyan sa inyong lugar, kasi pagkatapos niyan putik ang makikita natin diyan, Vivian?
VIVIAN DE GUZMAN/RP TUGUEGARAO: Correct ka diyan Usec, bahagyang bumababa, actually nasa 11.2 meters na as of kaninang umaga iyong level ng Buntod Bridge, iyong Cagayan River dito sa lower Cagayan River main, pero ang sitwasyon ngayon dito ay pumasok kasi iyong mga tubig sa iba’t ibang mga low-lying areas lalung-lalo na dito sa Tuguegarao. Kaya, since pumasok, medyo bowl itong mga pinasukan nila, hirap talagang bumaba iyong tubig, kahit pa bumababa siguro iyong level ng Cagayan River. The fact na pumasok sa mga mababang lugar dito sa Tuguegarao, kaya hirap pa rin ang ating mga kababayan na lumabas kahit pa mababa na iyong level ng tubig sa Cagayan River.
USEC. IGNACIO: Vivian, si Pangulong Duterte ay nakatakdang bumisita diyan sa inyong lalawigan. So, sa kasalukuyan ano na ang ginagawang hakbang ng ating lokal na pamahalaan diyan para tugunan pa rin iyong mga pangangailangan ng ating mga kababayan?
VIVIAN DE GUZMAN/RP TUGUEGARAO: Tuluy-tuloy iyong relief distribution ng mga relief goods para sa ating mga kababayan, both sa mga nasa evacuation center at saka itong mga nasa kani-kanilang mga bahay, Usec. At ito nga ilan sa mga reactions na narinig natin kanina ay pagpapasalamat, dahil iyong pagpunta nga ng ating Pangulo ngayon dito sa amin, pagdating niya ay pagpapahayag ng napakatinding malasakit para sa ating mga kababayan. And they are expecting na para makabangon itong ating mga kababayan ay may tulong na ipapangako ng ating national government and iyon iyong parang nagbibigay din naman ng kahit papaano ay lakas ng loob para ituloy ng ating mga kababayan iyong kanilang pagsisikap bumangon mula rito sa nangyaring ito sa amin, Usec.
USEC. IGNACIO: So, kumusta naman iyong evacuation center at kumusta iyong mga apektadong pamilya? Kasi bukod sa baha, alam naman natin na ang iniiwasan pa rin ay iyong COVID-19.
VIVIAN DE GUZMAN/RP TUGUEGARAO: Yes, tama iyan. Nakausap natin iyong ating City Health Officer kahapon at sinabi niya istrikto pa rin sila, kasi alam mo sa isang room sa paaralan na ginagawa ngang evacuation center ay sinisikap nilang mga tatlo o apat na pamilya for a family of four ha, maximum of four na pamilya, mga tatlo hanggang apat lang na pamilya iyong kanilang ina-accommodate sa isang room, para kahit papaano ay mayroong social distancing, masusnod iyong paghihiwa-hiwalay pa rin ng bawat pamilya para masunod iyong mga ganiyang protocol, Usec.
USEC. IGNACIO: Vivian, ulitin lang natin, kumusta iyong pagpapaabot ng tulong sa mga apektado ng pagbaha?
VIVIAN DE GUZMAN/RP TUGUEGARAO: Panay-panay ang pagpapaabot ng tulong. Maliban kasi doon sa iyong inaabot direkta ng ating mga local government units dito ay dumating na rin iyong mga tulong, augmentation, mula sa national government, plus itong hirap namang makarating, ang daming gustong magpadala ng kanilang tulong actually, pero hirap na hirap din sila. Hirap-hirap din po kami dahil nga sa ang protocol dito, kailangang ma-screen po iyong mga taong magdadala ng mga goods na ganiyan dahil nga may COVID.
Pero nandito na itong mga tulong na, in terms of itong mga logistics lalung-lalo na dumating na rito ang tulong mula sa Philippine Air Force-Manila, may helicopter at mga tauhan na kanilang pinadala; Philippine Air force-Pampanga; ang Tactical Operations Group-Cauayan City. Mayroon silang mga tauhang ipinadala na. Ang City of Tabuk at Kalinga Province, mayroon silang pinadalang mga trucks at mga tauhan; ang Philippine Red Cross, may isang team na kanilang ipinadala; ang PNP-Maritime; ang 77th Infantry Battalion ng Philippine Army; maliban pa doon sa LGU naman sa palibot namin, LGU Nueva Viscaya, Bayombong, Cauayan City, LGU Roxas, Isabela, sa LGU Rizal, Tuao at Sta. Ana bagama’t sila man ay nakaranas din ng mga ilang pagbaha sa kanilang mga lugar, mayroon at mayroon pa rin naman silang inilaang grupo na tutulong lalung-lalo na sa siyudad ng Tuguegarao, Usec.
USEC. IGNACIO: Okay. Salamat sa iyo, Vivian! Mag-ingat kayo diyan, alam ko na maging ikaw ay nabigla sa pangyayari dahil after ilang taon ay ito daw ang unang pagkakataon talaga na nasalanta nang ganito kagrabe ang iyong lalawigan.
VIVIAN DE GUZMAN/RP TUGUEGARAO: Tama po iyan. Lahat po nang umaasa na hindi aabutin ng tubig ang kanilang mga bahay kasama na tayo diyan ay naku… inabot din. Okay lang din po, nandiyan naman po iyong mga malasakit na natatanggap namin at kahit papaano ay malaki ang pasasalamat itong mga ito mula po sa lahat ng ating mga mamamayang mga Filipino.
USEC. IGNACIO: Okay.
VIVIAN DE GUZMAN/RP TUGUEGARAO: Iyan ang ating pag-uulat. Thank you, Usec. Ako si Vivian de Guzman ng Radyo Pilipinas-Tuguegarao, para sa bayan!
USEC. IGNACIO: Salamat sa iyo, Vivan de Guzman ng Radyo Pilipinas-Tuguegarao.
BENDIJO: At samantala, humingi tayo ng update sa sitwasyon diyan sa kinaroroonan ni Kenneth Paciente. Kenneth?
[NEWS REPORTING]
BENDIJO: Kenneth Paciente, maraming salamat! Mag-ingat kayo diyan.
USEC. IGNACIO: Samantala, nasa linya ng ating komunikasyon si AFP Spokesperson Major General Edgard Arevalo para bigyan tayo ng update sa rescue operations sa Cagayan. Magandang umaga, sir!
AFP SPOX MGEN AREVALO: Magandang umaga sa iyo, Usec. Rocky at kay Aljo at sa lahat po ng nakikinig at nanonood sa atin.
Tama po kayo, nagpapatuloy at hindi pa humihinto ang search, rescue, and retrieval operations na ginagawa ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas at ngayon nga po ang ating mga puwersa partikular ang ating Search, Rescue and Retrieval (SRR) Teams ay ipinadala na po natin diyan sa Region II at karamihan dito, Usec. Rocky ay mga nanggaling pa dito sa search, rescue and retrieval operations na ginawa natin dito sa NCR, sa probinsiya ng Rizal, dito sa CALABARZON, at saka maging dito sa Mindoro.
Subalit, dahil nga po sa panawagan ng tungkulin, hindi na po sila nagpatumpik-tumpik pa at nang matanggap po nila ang tawag eh kagyat po silang tumugon at ngayon nga po ay nandidiyan na ang kabuuang 36 na SRR Teams. Binubuo po iyan ng limang SRR Teams buhat sa Marine Battalion Landing Team 10, diyan na mismo talaga naka-base sa Cagayan at sila po ay naka-deploy, iyong lima na iyon sa Sta. Ana, sa Aparri, at sa Tuguegarao City.
Dalawa naman pong SRR Teams buhat sa Tactical Operations Group 2 ng Philippine Air Force nandiyan po sa Ilagan, Isabela; pitong SRR Teams po buhat sa 505th Search and Rescue Group, inilipad pa po ito galing Manila kahapon, nandiyan na rin po sila; apat na SRR Teams naman po buhat sa Naval Task Group na naka-deploy po ngayon sa Sanchez-Mira, Sta. Ana, Sta. Praxedes and Aparri sa Cagayan; tatlo naman pong SRR Teams buhat sa 15th Infantry Division diyan din po mismo iyan naka-assign sa Isabela ay nandidiyan po at naka-deploy na rin; at pitong SRR Teams naman buhat sa 501st Brigade, naka-deploy sa Tuguegarao, sa Gattaran, Pamplona, Rizal, Lasam, and Alcala in Cagayan; limang SRR Teams naman po sa 502nd Brigade, naka-deploy sa Echague, San Mariano, Cauayan City, sa Isabela, maging sa Dupax del Sur sa Nueva Vizcaya at sa Maddela sa Quirino.
Samantala, tatlo pong WASAR Teams or Water Search and Rescue Team buhat pa po ito sa Navy Seal Team natin, sa Naval Special Operations Command dito sa Cavite kasama ang kanilang mga kagamitan, na-deploy naman po sa Tuguegarao City.
Samantala, dalawang UH-1H or Huey Helicopter ng Philippine Air Force and naka-deploy, nandiyan po sa Cagayan Provincial Capitol; dalawang Bell 412, ito po iyong twin engine natin na helicopter katulong na rin po sa rescue mission; at dalawang C-295 medium lift aircraft po ito, sila po iyong naglilipad at nagyayao’t dito dala ang mga SRR Teams, ang kanilang mga kagamitan ganoon din po ang mga relief goods; and iyon pong isang air ambulance natin, iyong S-76 ng Air Force na ginagamit na po naman natin bilang pagtugon sa mga medical air evacuations.
BENDIJO: General, this is Aljo Bendijo. General, papaano natin masisiguro na hindi po tayo malulusutan ng panggugulo ng mga rebeldeng NPA ngayong abalang-abala ang ating sundalo sa pakikipag-ugnayan sa iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan para tugunan ang problemang ito, nagkakaroon tayo ng search and rescue operation? General?
AFP SPOX MGEN AREVALO: Opo. Mayroon po naman tayong puwersa na nakatoka sa ganito – search and rescue, mayroon po tayong nakatoka na nagbabantay sa ating mga kampo. Mayroon din po tayong puwersa na naka-toka naman para sa pagko-conduct ng internal security operations. Although sa ngayon, ang atin pong sinabi, itinutok muna natin ang ating mga puwersa, but that doesn’t mean, Aljo, that we have put our guards down.
Sa katunayan, dito sa Macalelon, Quezon, noong petsa 12 noong kasagsagan ng bagyong Ulysses ay hinarang at pinaputukan nitong mga teroristang grupo itong mga miyembro ng Philippine Army at sa awa ng Panginoon ay wala namang nasaktan o namatay sa ating mga tropa bagaman nakapag-inflict pa tayo possibly ng casualty sa kanila. But ang importante rito na gusto nating iparating eh itong mga teroristang NPA na ito talaga naming, ‘íka nga, wala naman tayong aasahan sa mga ito subalit kung talagang hindi sila makatulong eh huwag na silang maging balakid o maging hadlang sa ginagawa nating relief operations.
Sabi ko nga po eh pumila na lang po sila para manghingi na lang sila ng relief goods at para hindi na lang sila makagulo at sa halip sa ganoong paraan man lang eh makatulong sila sa ating mga kababayan, but definitely, we are not going to put our guards down. Patuloy ang ating ginagawang pagprotekta sa ating mga kababayan at sa ating mga komunidad habang itong mga forces na in-organize natin ay binigyan ng kagamitan para sa trabaho na SRR teams ay nandiyan at nakatutok sa mga nangangailngan nating kababayan.
USEC. IGNACIO: General, sa kasalukuyan ba ay napasok ninyo na iyong sinasabing medyo mahirap puntahan na mga liblib na lugar at gaano po kahirap iyong pag-rescue sa mga residente lalo na’t baha pa rin diyan, may kasama pang putik, wala pa ring kuryente at malinis na tubig?
AFP SPOX MGEN AREVALO: Opo. Nagpapatuloy talaga, Usec. Rocky. Tama po kayo, lubhang napakahirap ang dinadanas ng ating mga rescuers subalit patuloy po ang ating ginagawa gamit ang mga sasakyang pantubig. Kausap ko po kanina si Major General Laurence Mina, ang commander ng 5th Infantry Division at siyang tumatayong namamahala diyan katuwang ng Office of Civil Defense at ng NDRRMC, ay talaga pong ang kailangan pa rin nila ay ang mga sasakyang pantubig upang sa ganoon eh itong mga lugar na lubog ay kanila pa ring mapuntahan.
Pangunahin pa rin na kailangan nilang maihatid ay ang tubig at ang pagkain sa ating mga kababayan at ganoon din sa pagdadala sa kanila sa mga tinatawag nating evacuation areas. Ang panawagan natin, Usec. Rocky ay iyong ating mga kababayan na mayroong kakayahan na makapagbigay ng tulong ay tumulong po tayo at nagtatayo po tayo sa AFP bilang pinaka-lead ng SRR cluster kasama natin ang PNP, ang Department of Health, ang Philippine Red Cross at MMDA, in case diyan sa Metro Manila and of course ang Philippine Coast Guard ay puwede po ninyong iwan o i-drop – habang hindi pa namin nadi-designate exactly kung saan puwedeng i-drop – but in the nearest AFP, PNP or PCG headquarters, puwede po ninyong ihatid ang inyong gustong tulong sa ating mga kababayan at iyan po ay ating titipunin at kagyat nating ipapadala sa mga relief and operations centers.
Ang magandang balita lamang po ngayon ay maganda ang weather although paambon-ambon sabi ni General Mina, but flyable. Iyon po ang napakaimportanteng sapagkat dahil nga po maging ang mga kalsada natin sa kabila ng pagsisikap ng combat engineers ng Armed Forces of the Philippines na ma-clear ang mga kalsada ay talaga pong sa tindi ng dinanas nating pagkasira, eh pati pagbagsak ng mga puno, mga poste ng kuryente, landslide and nababaha ng ating mgs kalsada at bahagya pa lang nating nadadaanan. So, ang mahalaga pa rin po ngayong means of transportation of transporting search and rescue teams at maging mga relief goods at relief items ay by air.
Kung may mga organisasyon pa po, search and rescue, water search and rescue teams ng mga civilian na puwedeng mag-volunteer kagaya ng ginagawa po nilang pagbo-volunteer in the past ay ito po higit kailanman ang pagkakataon na tumulong po tayo. Nandiyan po ang sasakyang panghimpapawid ng Air Force at makakatulong po upang sila ay maihatid dito sa ating mga nangangailangang kababayan sa Region II.
USEC. IGNACIO: Okay, maraming salamat po, kami ay sumasaludo sa inyo. Nakausap natin si AFP Spokesperson Major General Edgard Arevalo.
Sa punto pong ito ay makakausap natin sa linya ng telepono si DSWD Spokesperson Irene Dumlao. Magandang araw po, Ma’am.
DSWD DIRECTOR DUMLAO: Magandang umaga po, Usec. Rock, ganoon din sa lahat ng sumusubaybay ng inyong programa.
USEC. IGNACIO: Opo, kumusta na daw po ang distribution ng food packs at iba pang kailangan ng ating mga kababayan particular po sa lalawigan ng Cagayan at karatig lalawigan?
DSWD DIRECTOR DUMLAO: Yes, Usec. Rocky, nais po nating ipahayag na batay po sa pinakahuling ulat as of 6:00 Am today, ang Department of Social Welfare and Development ay nakapagpahatid na po ng mahigit 25 million pesos assistance sa mga naapektuhan ng nagdaang Bagyong Ulysses. Ito po ay doon sa mga rehiyong kinabibilangan ng Uno, dos, CALABARZON, MIMAROPA, Tres, Five, Cordillera Administrative Region and the National Capital Region. May mahigit 85,000 na mga pamilya o mahigit 324,000 na mga katao ang mga nasa 2,980 evacuation centers sa mga apektadong rehiyon na nabanggit ko ang atin pong napagsilbihan.
And ang DSWD Central Office at ang ating mga field offices ganoon din po iyong ating national resource operation center sa Pasay City ay nakahanda pa rin naman po na magbahagi ng resource augmentation sa mga naapektuhang local government units. May nakahanda po tayong stockpiles and standby funds na nagkakahalaga po ng mahigit isang bilyong piso at mula po dito, mahigit sa 400 million pesos ang ating standby funds na nasa central office at mga field offices. At dahil nga po, Usec., ang mga katanungan ay nasa ating disaster response operations o iyong ating resource augmentation din sa probinsiya ng Cagayan, nais nating ibahagi na ang Department of Social Welfare and Development Field Office II ay nakapagpahatid na po kahapon ng initial na tulong sa mga naapektuhang lugar.
In fact nga po, tayo po ay nakapagpadala ng tulong sa Sta. Teresita, ganoon din po sa Sta Praxedes, nakapagpahatid rin tayo sa Solana at of course sa Tuguegarao City. Kahapon nga po, tayo ay nag-provide ng mga karagdagang family food pack sa Barangay Libag Sur at Leonarda sa Tuguegarao. At ngayon pong araw ang mga kasamahan po natin sa Field office II ay nasa Linao sa Tuguegarao. Kaya po mahigit 2,400 na mga family food packs ang atin pong ibinahagi para maidagdag po doon sa resources ng local government unit.
Likewise naman po ang ating National Resource Operations Center ay ongoing ang repacking. Kahapon, mayroon tayong mga volunteers, they were able to produce 5,000 family food packs and these are all bound to Cagayan. Patuloy rin po iyong isinasagawa na pagri-repack not only in the Field Office II wherein may mahigit 15,000 tayo na na-produce na for distribution din po sa mga LGUs. And dito din po sa National Resource Operation Center ay patuloy iyong ating isinasagawang pag-repack para po makatulong in augmenting the resources of the local government units.
Tayo, rin po, Usec. Rocky ay nakapagbahagi kahapon ng tulong sa Aglipay, sa Cabarroguis, sa Diffun, sa Nagtipunan, sa Saguday sa probinsya po ng Quirino, ganoon din po ang karagdagan nating tulong sa Maddela. So far, ang NROC, kagaya nga ng nabanggit ko ay nakapaghatid na rin ng karagdagang 10,000 food packs, 2,000 hygiene kits at 2,000 sleeping kits sa region.
Usec., ito po ay initial pa lang natin na tulong, dahil patuloy naman po iyong ating pagsasagawa ng pagdadagdag sa mga relief goods natin sa rehiyong naapektuhan.
USEC. IGNACIO: Opo, Director, ito po palagiang tinatanong, dahil po bukod po sa pandemic talaga naman nagsunud-sunod po iyong bagyong pumasok sa bansa na marami nangailangan. So may sapat po ba ang pondo talaga ng DSWD para tugunan ito?
DSWD DIRECTOR DUMLAO: Yes Usec. Rocky, sufficient po iyong pondo ng DSWD para po tayo ay ma-sustain natin iyong pagbibigay natin ng tulong sa mga local government units. This is part of our mandate to provide resource augmentation to local government units and also as the lead in the food and non-food items cluster of the NDRRMC, talaga pong pinagsisikapan natin itong pagbabahagi natin ng karagdagang imbentaryo ng family food packs sa mga local government units so that we could really provide the immediate assistance po sa ating mga kababayan.
USEC. IGNACIO: Nangangailangan po ba ng volunteers para mag-repack ng mga food packs? At ano po iyong puwedeng maitulong ng ating mga kababayan na talagang gustong tumulong dito sa relief operations?
DSWD DIRECTOR DUMLAO: Yes, Usec. Rocky, ang ating National Resource Operations Center, bagama’t tayo po ay tumatanggap ng mga volunteers in the repacking nili-limit po natin ito, dahil tinitiyak din naman natin na magiging protektado iyong ating mga personnel, likewise iyong mga items na niri-repack din po natin ay matiyak din po natin na safe and secure. And maaari lamang po makipag-ugnayan sa aming National Resource Operations Center para po maisaayos itong volunteer efforts.
Para naman po sa mga ating mga kababayan na may mabuting puso at gustong tumulong at mag-donate po, mayroon naman po tayong Donations Management Unit sa atin pong central office na maaari po ninyong tawagan, makipag-ugnayan para po mas maayos natin maisagawa iyong ating pagbibigay ng tulong, and of course this is to ensure that the donations that you are extending are properly managed at maipamahagi at maibigay po doon sa nararapat at doon sa talaga pong nangangailangan.
USEC. IGNACIO: Opo. Marami po kasing gustong magbigay ng donasyon. Director Irene Dumlao puwede po bang magbigay kayo ng telepono kung paano sila makikipag-ugnayan sa kagawaran ninyo?
DSWD DIRECTOR DUMLAO: Yes, Usec. Rocky, maraming salamat po. Sa mga nais mag-donate, makipag-ugnayan lamang po sa DSWD Disaster Response Management Bureau dito po sa Central Office sa numerong 8932-22573 or sa numerong 89735-54017. Maaari rin naman po doon sa aming donation section or donation facilitation section sa telepono bilang 8355-2849 at 8852-8081.
USEC. IGNACIO: Okay. Maraming salamat po, DSWD Spokesperson Director Aireen Dumlao.
DSWD DIRECTOR DUMLAO: Maraming salamat po, Usec. Rocky.
USEC. IGNACIO: Parang walang pahinga rin ang DSWD, kasi talagang nagsunod-sunod iyong ano. Sa pandemic pa lang talagang kumilos na rin ang DSWD tapos bukod diyan ilang bagyo ang pumasok sa bansa.
BENDIJO: Tama iyon, Usec.. At iyong mga kababayan natin sa iba’t-ibang panig ng mundo na nais tumulong sa ating mga kababayan, tinext ko nga sila, Usec., na kung maaari idiretso ninyo na sa Department of Social Welfare and Development, sa DSWD.
USEC. IGNACIO: Mayroon naman silang area o section doon para tumanggap ng donasyon. Mamaya ulitin natin iyong mga telephone numbers na binanggit ni Director Aireen Dumlao kung saan kayo puwedeng makipag-ugnayan dahil naniniwala tayo na talagang maraming gustong magbigay ng tulong sa ating mga kababayan. So, abangan ang iba pa pong update at panayam sa ating ilang opisyal ng pamahalaan sa pagbabalik po ng Laging Handa Public Briefing.
[AD]
BENDIJO: Makakausap natin si Governor Manuel Mamba ng Cagayan para alamin ang sitwasyon doon. Magandang tanghali po, Governor Mamba!
GOV. MAMBA: Magandang tanghali po at magandang tanghali din pos a lahat ng nanonood at nakikinig sa atin.
BENDIJO: Governor Manuel, this is Aljo Bendijo kasama din natin si Usec. Rocky Ignacio.
GOV. MAMBA: Good morning po, Aljo and Usec. Rocky.
BENDIJO: Gov., kumusta po ngayon ang sitwasyon diyan?
GOV. MAMBA: Well, humuhupa naman na po iyong baha dito. From originally at the peak of 13.1 meters sa [unclear] system namin, nasa 10.5 na lang po ngayon, so almost two meters na po iyong pagbaba. Sa awa ng Diyos, we’re still on rescue and relief operations po with the help ng ating mga kapulisan, ganoon din po ang ating Armed Forces of the Philippines and the Philippine Air Force, nagpapatulong po tayo para madala po through air, sa mga air assets nila and we are also awaiting din po ang dating ng ating Presidente at lahat naman po ng department secretaries, almost all of them ay nandito na rin po. And tuloy-tuloy pa rin po ang rescue and relief operations.
At ako ay nagpapasalamat din at marami naman pong tumutulong at nagdadala pati ng ready-to-eat food, even water in isolated areas through the helicopters provided by the Armed Forces and of course the PNP rin po. So, we are expecting po na in the next day siguro huhupa nang kaunti ito kung hindi na po magbubukas.
BENDIJO: Iyong kuryente diyan, Gov., mayroon na?
GOV. MAMBA: Kuryente, kuwan pa rin po, interrupted po in certain areas dahil nakalubog pa rin po iyong some of our lines dahil mataas pa rin po ang tubig pero unti-unti po. In areas na kuwan… nagkukuwan naman sila, nag-i-interrupt lang. Tinitingnan po nila iyong mga safe na na kuwan, kasi mayroon po tayong mga namatay because of electrocution, tatlo po kasi, death sa mga kuwan po… sa mga casualties natin. At this time po, we have ten casualties already, sana po hindi na madagdagan.
BENDIJO: Sampu ho ba iyong mga namatay at ilan po ang nawawala pa at kung may nasagutan, may update ho ba kayo? May figures kayo, Gov.?
GOV. MAMBA: May missing kaming isa because of drowning and then we have minor injuries, about 14 of them; mayroon pong dalawang critical na kuwan… medyo kuwan… nadala na naman dito sa Cagayan Valley Medical Center. Makuha na po natin hopefully, I am not updated kung nandiyan na sa PDMC kasi kailangan ma-ICU po ito. Ito po iyong na-electrocute na nakaligatas.
USEC. IGNACIO: Opo. Governor, tuloy pa rin po ba iyong pagpapakawala ng tubig mula sa Magat Dam at I understand may mga report po na mukhang magrereklamo kayo ukol dito?
GOV. MAMBA: Well, opo. Noon kasi nag-open sila ng seven, maximum of kuwan nag-open sila but I think today isa na lang po na gate iyong open at heto nga po, there was a clamour to complain about this because ang bagal po bumaba ng tubig dito. But we are thinking about that po and we’re also reminding iyong dam, siguro to take care and to manage well iyong watershed nila because I think ito po iyong cause ng sudden pagbaba ng tubig at saka sudden na pag-release po ng tubig at times na napakaraming volume po and that exacerbate din po iyong ating flooding dito sa Cagayan.
USEC. IGNACIO: Governor, si Pangulong Duterte po ay darating sa inyong lalawigan, ano po ang inyong pangunahing hihilinging tulong sa ating national government? Governor?
GOV. MAMBA: Well, halos lahat po naibigay naman nila specially iyong mga air assets and of course iyong mga tumutulong po ngayon. Ang dami po naming mga rescue teams, may mga nag-volunteers din na iba-ibang mga LGUs na nagpuntahan po dito.
Ang immediate needs natin dito ay relief goods at kahit papaano po ay mayroon namang mga relief goods dito except na mahirap ngayong bumili dahil nakasarado po naman lahat ng mga groceries dito. So, we are asking them to kung anuman ang maitulong na relief goods, especially ready to eat food and bottled water, iyon po ang kailangang-kailangan ngayon. And we will also be asking the President to expedite, nakatengga pa rin po kasi the possible dredging of the Cagayan River through the river restoration program of the DENR [unclear] possible re-greening of forest dito sa atin (unclear).
USEC. IGNACIO: Governor, kami po ay mananatiling nakaantabay sa kaganapan po sa inyong lalawigan. Kami po ay nagpapasalamat sa inyong oras, Governor Mamba, mag-ingat po kayo.
GOV. MAMBA: Usec., thank you po and Aljo. Maraming-maraming salamat po ang God bless po.
USEC. IGNACIO: Salamat po, Governor Mamba.
Samantala bilang ng nasawi at mga pinsalang iniwan ng mga sunud-sunod na bagyo alamin natin mula kay Karen Villanda. Karen?
[NEWS REPORTING]
USEC. IGNACIO: Okay, maraming salamat sa iyo, Karen Villanda nag-uulat muna sa NDRRMC.
BENDIJO: Pahirapan naman ngayon sa mga residente ang paglilinis dahil sa makapal na putik dulot ng pagbaha. Kumuha tayo ng update sa sitwasyon diyan sa Isabela mula kay Daniel Manalastas live, Daniel?
[NEWS REPORTING]
BENDIJO: All right, maraming salamat Daniel Manalastas, mag-ingat ka diyan. Samantala nasa isang bilyong pisong halaga naman ng mga pananim na sinira ng Bagyong Ulysses sa Luzon at ayon sa pinakahuling datos ng Department of Agriculture, nasa 1.17 bilyong piso ang nasira sa agrikultura, 49,237 na mga magsasaka naman ang naapektuhan at nasa 54,043 ektaryang lupain ang hindi napakinabangan sa kabuuan. Nasa 67, 330 metric tons ng pananim ang nasira. Matatagpuan ang mga ito sa Cordillera Autonomous Region, Ilocos Region, Central Luzon at Bicol Region. Kabilang sa mga nasira ang mga palay, mais, high value crops, maging ang mga fisheries at livestock. Ayon kay Agriculture Secretary William Dar nasa sampung bilyong piso na ang mga pananim na nasira ng Bagyong Quinta, Bagyong Rolly at itong Bagyong Ulysses.
USEC. IGNACIO: Samantala, nasa 194,426 na customer ang walang kuryente sa kasalukuyan. Ayon kay Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga, karamihan sa mga customer na walang kuryente ay matatagpuan sa Bulacan, Rizal, Metro Manila, Laguna, Pampanga, Cavite, Quezon at Batangas. Una na pong humingi ng paumanhin ang Meralco sa pagkawala ng kuryente dahil sa Bagyong Ulysses. Umaasa naman po si Energy Secretary Alfonso Cusi na babalik na sa normal ang supply ng kuryente sa araw na ito.
BENDIJO: Hindi dapat tumaas ang presyo naman ng liquefied petroleum gas at kerosene sa Marikina City at mga lalawigan ng Isabela, Cagayan at Aurora dahil pa rin sa Bagyong Ulysses. Ayon sa abiso ng Department of Energy, naka-price freeze ng 15 araw ang mga nabanggit na produkto sa mga nasabing lugar. Epektibo ang price freeze sa Marikina City at Isabela noon pang Biyernes, tatagal iyan sa November 27. Naging epektibo naman ang price freeze sa Cagayan at Aurora simula kahapon hanggang sa November 28.
Una ng nagpaalala ang Malacañang, hindi dapat tumaas ang presyo ng mga bilihin sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity.
USEC. IGNACIO: Samantala, magbabalik ang Laging Handa Public Briefing maya-maya lamang.
[COMMERCIAL BREAK]
BENDIJO: All right, balik po tayo dito sa #LagingHanda Public Briefing with Usec. Rocky. Iyon na nga Usec., sa lahat ng gustong tumulong ay i-check na lang ninyo online iyong DSWD. Ang kanilang hotline number or kung mayroon silang mga bank accounts at ilan pang mga ahensiya ng pamahalaan na handa pong tumanggap ng inyong mga tulong pinansiyal, lalo na sa ating mga kababayang OFWs, Usec., marami talagang gustong tumulong.
USEC. IGNACIO: Oo at sinabi rin ni Director Dumlao na maayos ang kanilang pagri-repack kasi nga may nag-text na kasi, sinabi ng ating kasamahan na mukhang nasa Cagayan na si Pangulong Rodrigo Duterte. Mamaya po ay titingnan natin kung ano po ang mga magiging pangyayari diyan kaugnay pa rin po ng pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte. Nandoon po ang kasama natin na si Kenneth Paciente mamaya. Ang PTV po ay nakatutok doon para po ihatid sa inyo ang mga pinakahuling kaganapan doon. At bukod nga diyan sa Cagayan, alam naman natin patuloy na bumabangon iyong mga lugar sa Kabikulan, sa Quezon, Laguna, Rizal na natamaan ng iba’t ibang bagyo katulad ni Rolly at in Ulysses na rin.
BENDIJO: So, nakatutok pa rin tayo sa mga kaganapan. Mamaya ay pupuntahan natin kung ready na si Eunice Samonte, ang sitwasyon ng ating mga kababayan kung nasaan si Eunice? Eunice magandang tanghali.
[NEWS REPORTING]
BENDIJO: Maraming salamat Eunice Samonte, diyan iyan sa Kabikulan, sa CamSur.
USEC. IGNACIO: Yes, si Eunice ay isa sa ating—dalawa iyong team natin stranded doon, dahil hindi sila makalampas doon sa area ng Lopez, Quezon. Iyan, sinasabi niya na hanggang baywang pa rin iyong tubig-baha, so talagang ang haba na ng—mayroon pa nga silang na-interview na tatlong araw na nandoon sila, hindi makalampas.
BENDIJO: T saka nakausap din natin diyan ang National Electrification Administration na baka abutin daw ng ilang buwan kung kailan puwedeng maibalik ang kuryente diyan. So, ipagdasal po natin na agad-agad na maibalik ang supply ng kuryente ng ating mga kababayan pati na ang malinis na supply ng tubig.
USEC. IGNACIO: Ang pagkakaalam natin ay antabayanan natin iyong ulat ni Kenneth Paciente kung nandiyan na siya kasi dumating na si Pangulong Rodrigo Duterte sa Lalawigan ng Cagayan para personal ngang alamin ang sitwasyon doon. Magsasagawa din siya ng aerial inspection ang Pangulo mamaya at tutunghayan natin iyong isasagawa ring situation briefing sa area kung saan kasama ni Pangulong Duterte ang ilan pang Cabinet members. Nakita na natin doon si Presidential Spokesperson Harry Roque.
BENDIJO: So, maya-maya mayroon tayong video, ipapakita natin dito ang pagdating ng Pangulo, ulitin natin ha ito pong qualified political agency na kaya’t ang significance ng presensiya ng mga Cabinet officials, later ego ng Presidente, nakatutok, iyon din ang ginagawa ng Pangulo. Iyong mga nagtatanong, nasaan ang Presidente? Nandoon naman si Secretary at pupuntahan din ng Pangulo iyan para malinaw natin na naayon po iyan sa mga jurisprudence at mga doktrina sa ilalim po ng ating mga batas.
USEC. IGNACIO: Kasi, doon sa Cagayan ang sitwasyon diyan, hindi lang talaga iyong problema ng pagbaha at saka iyong mga bahay na nalubog ano po. Magiging problema din diyan iyong pinsala doon sa imprastraktura bukod doon sa kabuhayan ng ating mga kababayan, iyong mga pananim, di ba kung may nasirang kalsada o tulay diyan at siyempre iyong mga nasirang bahay, ari-arian ng ating mga kababayan diyan. Kailangan din pag-usapan kung papaano mabilis na maibabalik sa normal ang sitwasyon diyan. Katulad ng interview mo kanina kay Governor Mamba, wala pang supply ng kuryente sa lugar at sana nga ay maibalik na sa normal iyong sitwasyon. So malalaman po natin mamaya doon sa isasagawang situation briefing kung ano na rin ang talagang halaga ng pinsala ng nangyari diyan sa Cagayan at siyempre maging doon sa Isabela na patuloy pa ring dumanas ng malaking pagbaha.
BENDIJO: Balik tayo dito sa Metro Manila. Nakausap natin ang Meralco kahapon si Ginoong Joe Zaldarriaga, automatic po nilang pinuputol iyong supply talaga ng kuryente kapag may baha para maiwasan iyong aksidenteng makuryente, at peligroso iyan! So ganoon din ang nangyayari ngayon diyan sa Northern Luzon. Kaya harinawa ay humupa na ang tubig baha. Ang problema naman nito Usec, kapag humupa na iyong tubig-baha, siyempre iyong putik, iyong makapal na putik.
USEC. IGNACIO: Kapag tumigas iyong putik, ang hirap linisin. Ang hinihingi nga ng ilan nating kababayan dito sa may Marikina iyong kung matulungan sila ng ating mga bumbero, kasi parang iyon ang mukhang kakailanganin para mabilis na malinis iyong kanilang mga tahanan, pero ang dami kasi noon, Aljo. At siyempre hindi lang iyon, bukod doon sa kanilang naging kaligtasan na prayoridad ng pamahalaan, iyong mga nasira, iyong mga naipundar na gamit. May mga narinig tayong panayam na halos maski ang kanilang mga damit ay nawala na rin, lumutang at kumukuha sila doon mismo kung saan lugar na nabaha, iyong mga inanod na kanilang mga ari-arian.
BENDIJO: Basta nakausap ko sila doon, ang importante mga kababayan, buhay tayo. At unti-unti tayong babalik naman sa normal na buhay, ganoon talaga. Importante ay safe kayo, hindi kayo nasugatan at walang nawala o huwag naman po sanang namatay na mga kaanak natin dahil dito sa pagbabaha. So maya-maya po kukuha tayo ng situation diyan sa Northern Luzon, nandiyan ang ating Pangulo, inikot po. Magkakaroon ng mga aerial inspection tungkol po sa malawakang pagbaha po diyan.
Dito sa Marikina, balikan ko lang dito, Usec., nag-cover tayo diyan, eh nakakalungkot kasi iyong ibang bahay talagang nandoon sa tinatawag na daanan talaga ng tubig eh.
USEC. IGNACIO: Pero noong Ondoy di ba iyong Provident Subdivision ba iyon, di ba sila rin iyong naapektuhan noong Ondoy.
BENDIJO: Oo, kasi talagang daanan talaga ng tubig iyan, parte ng Marikina River. So ito, challenges talaga ng mga local government units kung papaano natin mailikas na sila sa mataas na lugar at tuluyan ng ipagbawal ang magtayo ng bahay sa mga lugar na iyan dahil babahain ka talaga taun-taon.
USEC. IGNACIO: Pero ito pong nakikita ninyo sa inyong TV screen iyan po iyong pagdating ni Pangulong Rodrigo Duterte sa lalawigan po ng Cagayan kung saan inaasahan po natin ang situation briefing para malaman po iyong pinsala na inabot ng lalawigan, hindi lang lalawigan ng Cagayan iyan. Naniniwala tayo na ide-discuss na rin iyong mga karatig lalawigan dahil dito sa epekto ng Bagyong Ulysses at siyempre nakikita rin natin kasama ni Pangulong Rodrigo Duterte si Senator Bong Go. Si Senator Bong Go ang nagrekomenda kay Pangulong Rodrigo Duterte na bumuo ng task force na tutulong para po makabangon ang lahat ng mga nasalanta ng sunud-sunod na bagyo na pumasok sa bansa. Siguro mamaya, kung mapapahintulutan tayo, mamaya ay ihahatid natin kung ano po ang kaganapan sa isasagawang situation briefing ni Pangulong Rodrigo Duterte
BENDIJO: Nandoon pa rin iyong pag-iingat nating lahat, ng Pangulo, ng mga opisyal ng pamahalaan, dahil mayroon pa rin tayong pandemic. So ginagawa naman lahat, sinusunod natin iyong mga health protocols lalo na sa mga evacuation centers. Dahil hindi pa rin po tapos sobrang ang bigat na ng 2020, dapat ay ipagpanalangin natin na malampasan po natin ang lahat ng mga pagsubok sa taong ito.
USEC. IGNACIO: Kumbaga sa ano, sinasabi ng ating mga kasamahan, naka-quota na ang 2020.
BENDIJO: OO, naka-quota na siguro huwag ng dagdagan. Malapit na po at paparating pa ang Pasko at sana naman po ay buo pa rin tayo ang ating pamilya, nandiyan at ang tunay na diwa ng Pasko, siyempre ang pagtutulungan at pagmamahalan sa kapwa. Ayan, so antabayanan ninyo mamaya ang mga updates pa ng pagbisita ng Pangulo diyan sa Northern Luzon. At iyan po ang mga balitang aming nakalap ngayong araw. Asahan po ninyo ang aming patuloy na pagbibigay ng impormasyon. Kaya manatiling nakatutok po dito sa People’s Television (PTV), para sa iba pang mga updates tungkol sa mga nasalanta ng kalamidad.
USEC. IGNACIO: Patuloy po na maghahatid sa inyo ng mahalagang impormasyon para lagi tayong maging handa at ligtas sa anumang kalamidad. Lagi po tayong mag-ingat mga kababayan at magtulung-tulong para malampasan natin ang anumang pagsubok na ating nararanasan ngayon. Ito po Usec. Rocky Ignacio para sa special coverage ng Laging Handa, public briefing.
##
—
SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)