Press Briefing

Public Briefing #LagingHandaPH hosted by Presidential Communications Operations Office Undersecretary Rocky Ignacio and Aljo Bendijo


Event Public Briefing #LagingHandaPH
Location People’s Television Network, Inc. (PTV), Quezon City

USEC. IGNACIO: Magandang umaga po sa lahat ng ating mga kababayan sa iba’t ibang panig ng mundo. Samahan ninyo kami sa ating balitaan ngayong December 9, 2020, araw po ng Miyerkules. Ako ang inyong lingkod, Usec. Rocky Ignacio mula sa PCOO. Good morning, Aljo.

BENDIJO: Maayong buntag, Usec. Rocky sa inyong tanan. Good morning. Ako po si Aljo Bendijo.

USEC. IGNACIO: Basta’t sama-sama at laging handa kaya natin ito. Ito po ang Public Briefing #LagingHandaPH.

Mag-iisang buwan matapos po ang pananalasa nang sunud-sunod na bagyo sa ilang bahagi ng Luzon ay tuluy-tuloy pa rin po ang pagtugon ng Philippine Red Cross sa mga naapektuhang residente. Para pag-usapan iyan, kasama po natin ang Chairman and CEO ng Philippine Red Cross, si Senator Richard Gordon. Good morning po Senator at welcome back sa ating Public Briefing.

SENATOR GORDON: Magandang umaga sa inyong lahat at natutuwa akong makabalik ngayon dito sa inyong programa para mapaliwanagan natin ang mga tao kung anong ginagawa ng Red Cross and please ask your questions.

USEC. IGNACIO: Opo. Senator noong weekend po ay tumanggap ang Philippine Red Cross nang nasa 12 million worth of assistance mula daw po sa Qatar Red Crescent Society. Ano po ito at paano po nag-start ang partnership na ito? Anu-ano po iyong mga tulong na naibigay nila sa atin?

SENATOR GORDON: Unang-una, matagal na naming partner ang Qatar. In fact pati iyong sa OFW partner namin iyang Qatar ‘no at nakagawa na rin sila ng bahay sa Mindanao na ibang mga bagyo ‘no at ang mga binigay nila ngayon na worth—in fact nandoon na ngayon sa Cagayan iyan eh, lumakad sila kahapon ‘no. Ang mga binigay nila ay mga sumusunod ‘no: food packages consisting of rice, minced meat, luncheon chicken, sardines at Nescafe na kuwan ‘no… so umaabot iyan ng 10,765 dollars ‘no. Tapos iyong food pack is consisting of Sardine, tomato sauce ‘pag sinama iyan about 31,150 dollars; idagdag mo pa iyong Almira Jasmine Rice 5 kilograms per bag tapos, New York Corned Beef, tapos Luncheon Meat, tapos noodles at Ali Cafe 3-in1 120 grams.

Tapos nagbigay rin tayo ng mga thermal blankets ‘no na 2,500, family tents 97 at saka mga tinatawag natin na limang kilowatt generators na para makapag-charge iyong mga tao namin doon at saka iyong mga tao kung makiki-charge, at saka carbon and sand filters para doon sa water filtration na nilagay natin para mas maraming tubig magagawa, at saka iyong another 3.6 kVA na generator na walo iyon, walo and then we have mosquito nets 1,687, mayroon pa tayong inflatable boats na apat, tarpaulin 410, tool kit 148.

USEC. IGNACIO: Opo. Senator, napakalaking tulong po ito para sa ating mga kababayan. Saan naman po daw dadalhin ng Philippine Red Cross ito at papaano ninyo po tinutukoy iyong mga kababayan natin para po mabigyan nitong relief packages na ito?

SENATOR GORDON: Una, unahin natin iyong tinutukoy. Ang Red Cross iyan nakikita ninyo binibigay ‘no, ang pinipili diyan iyong talagang most vulnerable; hindi charitable organization ang Red Cross na bigay nang bigay kahit kanino ‘no. Binibigyan talaga, halimbawa noong nandoon ako sa Bicol noong isang araw, may isang babae doon hindi nakakatanggap ng 4Ps, tatlo ang anak niya, nagpapalay siya sa isang maliit na lupa na kasing laki lang ng stage, iyong isang stage ba ng plaza – ang liit-liit ‘no. Tapos para mabuhay siya nagtatanim siya ng gulay at kumikita siya ng P1,500, tatlo iyong anak niya na 12 years old at pababa pa at wala siyang asawa at makikita mo ni wala siyang cellphone ‘no so papadalhan ko nga ng cellphone iyan, tiga-Sto. Domingo, Calabanga, Camarines Sur. She was never—hindi nabigyan iyan ‘no.

Mayroon din kami mga binibigyan, siyempre iyong mga talagang malalaki ang pamilya, 15 sa isang household, hindi kakayanin ng mga tao iyan. So itong mga binigyan ng Qatar, patungo iyan ngayon sa Cagayan saka Isabela at ishi-share doon iyan at kung may sobra pa dadalhin din namin sa Kabikulan. Hinihingian ko pa sila—na nag-uusap kami ngayon na dapat kunwari makapagbigay sila ng shelter kits o kaya iyong tinatawag nating cash grant. Normally nagbibigay kami ng P3,500 bawat pamilya para makaaguwanta iyong mga tao.

USEC. IGNACIO: Opo. Senator, kumusta naman daw po iyong pinakahuli ninyong relief operations na ginagawa ng Philippine Red Cross sa Region V at anu-ano naman daw po iyong assistance na naipamahagi ninyo doon?

SENATOR GORDON: Araw-araw nagri-relief kami, araw-araw iyon – Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, Catanduanes at matatapos na kami sa Sorsogon na hindi naman masyadong natamaan iyon at tuluy-tuloy iyan. At makikita ninyo na water tanks, itong mga… ito halimbawa diyan sa tabi ng aplaya, sa Catanduanes iyan. Iyan ay mga kitchenware ‘no, iyong mga lutuan, mga plato, baso… kumpleto lahat iyon ‘no, kutsara, tinidor at saka ang nabigyan diyan ay humigit-kumulang sa… kung hindi ako nagkakamali almost 400 families ang nabigyan diyan ‘no. ‘Ayan.

At nakikita ninyo mayroon silang beneficiary card lahat, hindi kami basta nagbibigay. Inaaral iyan, may mga beneficiary card para talagang mapatunayan na sila ay talagang nangangailangan at vulnerable sila. At certainly, iyong tubig tuluy-tuloy, iyong pagkain tuluy-tuloy, iyong mga blankets, mga… halimbawa iyong mga tarpaulins, mga mosquito nets at lahat. Mayroon pa tayo noong mga hygiene kit na binibigay katulad ng mga toothbrushes lima, dalawang toothpaste, dalawang sabon panligo at mayroon din tayo mga tinatawag na panlaba, iyong detergent ‘no.

Iyan nakikita sa litrato iyong mga tanker natin ng tubig, nakapila lang ang mga tao at hindi magulo kaya nakakakuha sila diyan ‘no. Ang na-serve na family na diyan ay napakarami na ‘no at sa [unclear] promotion, halimbawa 17,983; ang naipamahaging hygiene kits ay 3,407 at mayroon pa tayong health consultation, nagbibigay pa tayo ng face mask saka face shield at saka nagpi-first aid tayo, BP taking at nagbibigay tayo ng gamot ‘no. Dumadaan sa doktor ng Red Cross iyan siyempre ‘no. Iyan ang mga binibigay natin, katulad ng sleeping kits, mosquito nets, Gerry cans at saka iyong tinatawag nating mga—iyan, makikita ninyo iyong mga Gerry cans ‘ayan ang mga binibigay. Kaya halos hindi mabuhat ng mga tao eh kung minsan eh. Kaya ito’y nasalanta iyong bahay nila, ‘ayan.

Tapos isa pang ginawa namin ay iyong mga pay loader para mabuksan iyong mga kalye at makapunta doon sa labing isang barangay o bayan ng Catanduanes at mayroon din tayo niyan sa Cagayan, mayroon din tayo niyan sa Marikina at saka sa Rizal. So halos limang pay loader ang ginagamit natin diyan para, unang-una halimbawa sa Marikina, sa Rodriquez, sa San Mateo ay tinutulak natin iyong mga putik para hindi magkaroon ng leptospirosis at para makahinga-hinga sa kalsada iyong mga tao. So iyong pay loader na iyan nagkakahalaga ng 5 million namin nakuha noong araw iyan, hiningi ko sa mga kaibigan natin ‘no.

At pagkatapos kahapon nasa Tanay tayo, nagpasalamat nga si Mayor Tanjuatco at nagbigay rin tayo doon ng cash grant kung hindi ako nagkakamali. Hindi nga ako nakapunta pero hindi naman ako lang ang pumupunta, araw-araw iyong mga chapter natin nandoon nagbibigay lahat iyan at binibigay iyong mga pagkain, binibigay iyong mga tubig, binibigay lahat iyan. At dinala ko rin si Catriona Gray para masiyahan naman iyong mga tao na magkaroon ng celebrity doon.

USEC. IGNACIO: Opo. Senator, puwede po ba nating balikan iyong papaano po nagkaroon ng isang MV PRC Amazing Grace ang Philippine Red Cross at gaano po kalaking assistance sa pagbibigay ng relief sa ating mga kababayan?

SENATOR GORDON: Alam mo iyong MV Amazing Grace nakuha ko iyan noong—katulad noong kuwan, noong Haiyan ‘no, noong Yolanda. Sabi ko bigyan ninyo ako ng pay loader at gamitin ko iyong pay loader para—hanggang ngayon makikita ninyo – kaya hanggang ngayon nakikita ninyo iyong pay loader ‘di ba?

Ang isang kailangan namin, napansin namin, kapag naputol na iyong mga highway, hindi kami makapasok, kailangan namin ng barko. At madalas, nangyari na sa amin iyan sa Isabela, Vizcaya, hindi kami makapasok dahil nabara iyong Quezon na dadaanan namin kaya ang nangyari eh—alam mo, hirap na hirap iyong mga sundalo natin. Mahihilo talaga sila, iniisa-isa iyong mga kahon. Pero gumawa pa ako ng paraan para makaikot hanggang bumaba kami ng hanggang Legazpi at umikot para makaabot sa baybay ng Isabela at sa Cagayan.

At ngayon, kinakargahan natin iyan ng payloader, kinakargahan natin ng ambulansiya, ng mga sasakyan. Katulad noong isang araw, may dala kaming mga – ayan, 4-wheel drive iyan, sa Red Cross iyan. Binigyan din namin sila ng bagung-bagong pick-up, ang partner namin, ang American Red Cross ay nagbigay ng mga pick-up at ng pera. Kita mo, ang saya-saya ng mga tao dahil nabigyan nga sila ng 3,500 pesos kada tao. At palagi namin nakakasama iyong mga tao doon.

Nakatatlong beses na yata ako diyan sa kuwan—now, iyong barko, binili iyan dahil nakita ko – naghahanap ako ng barko, nakita ko iyan sa – si Secretary Al Cusi ang nagturo sa akin na may barko na hindi nagagamit, nandoon sa Alaska. At pinupuntahan ko iyan at noong makita kong puwedeng-puwede, in fact, puwedeng gamitin ng Coast Guard iyan, puwedeng gamitin ng ibang mga tao iyan kung kailangan, nakakababa iyan hanggang dalampasigan. At napakalaking bagay iyan sapagka’t puwede ring mag-rescue iyan at sea. Ayan, nasa dalampasigan na iyan at ibinababa na natin iyong ating mga gagamitin ng mga tao diyan.

Isa pang ginawa namin sa Catanduanes ay naglagay tayo ng tinatawag nating satellite TV na nakakapag-VSAT at nakakapadala siya ng video. At kung anu-ano ang nangyayari doon ay nakakatawag din iyong mga may pamilya sa ibang lugar, tumatawag sila.

Nagbigay rin kami ng limang motorsiklo para makaikot iyong mga tao kapag nagtsitsek; at kung kailangan mag-swab doon, isu-swab. Kukunin ang motorsiklo, dadalhin namin either sa Manila o kaya dito sa Cebu iyong isu-swab.

USEC. IGNACIO: Opo. Senator, kaugnay naman po ng laban natin sa COVID-19, tuluy-tuloy pa rin daw po, Senator, iyong pagbubukas ng Philippine Red Cross ng mga testing laboratories sa iba pang mga probinsiya sa bansa?

SENATOR GORDON: Totoo iyan, hindi kami nagbubukas nang hindi kami sinasabihan ng gobyerno. Napakiusapan kami ng gobyerno kung kaya pa namin magbukas, so binuksan namin kamakailan iyong Isabela – two weeks ago yata iyon ‘no. And then nagbukas tayo ngayon, magbubukas siguro. Bukas ko iyong Surigao, tapos na, mag-i-examine na lang sila sa Department of Health para makaumpisa na iyong medtech doon at para magamit na sa testing. Eh biruin ninyo Surigao iyon, ang hirap pumunta roon, napuntahan iyan ‘no. At saka tinatapos lang namin iyong dito sa – actually, tapos na iyon – magti-testing din sila sa Island of Panay para iyong apat na probinsiya doon sa Panay, diyan na rin magpapa-test – Iloilo, iyong tinatawag nating Antique, Aklan at saka Capiz. So diyan sila magti-test ‘no. Na-proficiency test na iyong Surigao, maghihintay na lang ng resulta ng DOH.

USEC. IGNACIO: Opo. Senator, kunin ko na lang po—

SENATOR GORDON: Hinihintay na lang namin ang resulta ng saliva test ‘no. Tatlong buwan na iyan eh. May hinihintay pa yatang iba nagpapa-test ng saliva; at ang RITM, naghihintay din kami sa kanila na matapos iyong saliva test. Ewan ko kung tama iyong dinig ko. Eh hindi na ako naghahabol diyan, kung ayaw nila eh di okay lang. Ang gusto ko lang, narinig ko ang Pangulo, sabi niya, huwag na tayong maningil o bababaan natin ang mga test. Noong isang linggo sinabi niya, babaan ang test. Binabaan na namin ang test namin sa Red Cross dahil nakakuha na kami nang mas mura ‘no. Kaya ang test natin ngayon ay 3,409 sa PhilHealth; at iyong private, binibigyan namin ng 3,800 a test; iyong mga LGUs, 3,300.

Pero kung makukuha natin iyong saliva test at papayagan iyan, ginagamit na iyan sa University of Illinois at ilang mga universities sa Amerika, that will only cost us siguro mga 2,000 pesos kung tama iyong kuwento ng aming mga accountants doon sa opisina.

USEC. IGNACIO: Okay. Senator, maraming salamat po sa paglilinaw ano po. Kunin ko na lamang po ang inyong mensahe sa ating mga kababayan.

SENATOR GORDON: Hindi ako naglilinaw, nagri-report lang ako. Kapag maglilinaw ka kapag may kakulangan ka. Wala naman tayong kakulangan. I’m sorry, I’m a lawyer, I have to answer it properly. Halimbawa, itong mga ginagawa natin ngayon sa Rolly, tuluy-tuloy iyan at saka dito sa kuwan. Anim na bagyo iyan na tinamaan. Makikita ninyo iyong tinamaan ng earthquake sa Magsaysay, sa bandang Davao. Mapapakita ko sa inyo iyong mga bahay na tapos na.

Gusto ko sana ganiyan rin ang gawin pero kulang ang naibibigay na pera na nakukuha namin, nakakalap namin. Mapapakita ninyo ba iyong bahay? At para malaman ninyo, pinipinturahan na iyong mga bahay sa Davao at saka iyong mga—ayan, 54 houses in Barangay Glamang. Nakikita mo, Rocky? Nakikita mo, Usec.?

USEC. IGNACIO: Ano po iyong video, hindi ko po nakikita ngayon dito sa side namin dito sa studio. Ayan, opo.

SENATOR GORDON: Ayan iyong mga bahay na ginawa sa Magsaysay, Davao del Sur. Ano ba iyan? Ang pinapakita nila ay iyong mga bahay na binigyan kaagad, nasalanta, para magkaroon muna ng bubong dito sa Bicol ‘no, sa Catanduanes. Mga bubong ang binibigay diyan, tarpaulin ‘no. Ayan iyong ibang bubong na binigay natin noong Linggo doon sa bayan ng Camarines Sur. Ayan, nakikita ninyo.

Pero ito, ewan ko kung nakikita ninyo ito, ito naman iyong bahay na binigay; hindi nila maipalabas eh. Naguguluhan nga ako eh. Pero ibang mga bahay na nandiyan, mga bago iyan, iyan sa Davao del Sur. At saka dito sa Occidental Mindoro, may apatnapung bahay na binigay diyan. Iyan ay dahil sa Typhoon Ursula in 2019. At iyan iyong mga ginagawa ng mga bahay sa Catanduanes. At saka naghahanda kaming gumawa ng bahay doon sa mga nadaganan ng lahar sa Legazpi, hinihintay lang namin matapos iyong clearing at magkakaroon ng bahay na ganiyan iyong mga tao doon. Ito iyong mga bahay na ginagawa, binibigyan namin sila ng pagkakataon matakpan iyong mga bubong nila.

So ang pakiusap ko sa tao ay tuluy-tuloy tayo, huwag na tayong magsisihan, huwag na tayong magsiraan at huwag na tayong mag-intrigahan – ang dami nating problema eh! Itong mga bagyong sunud-sunod na ito, hindi pa tayo nakakabangon; kapag pinasukan na naman tayo ng bagyo, sakit na naman ng ulo iyan. At papasok tayo sa mga lugar na binabagyo tuwing December hanggang January. Tandaan ninyo ang Haiyan ay tinamaan tayo November, so marami tayong mga dadaanan pa. Hopefully, hindi matuloy pero kung matutuloy iyon, handa ang Red Cross na tumulong palagi.

USEC. IGNACIO: Okay. Maraming salamat po.

SENATOR GORDON: Rocky, isa lang ang sasabihin ko ‘no.

USEC. IGNACIO: Go ahead po.

SENATOR GORDON: Ang pakiusap ko, paki-announce ninyo diyan sa lahat, kailangan natin ng blood donation.

USEC. IGNACIO: Okay, opo.

SENATOR GORDON: Because dahil sa COVID, ang dami-daming humihingi ng blood at hindi naman nakakapagbigay ng blood ang mga tao. So tinatawagan ko lahat iyong mga partners natin, ‘di ba iyong mga BPO, kinausap ko na. At itong mga nasa gumagawa ng mga semi-conductors na pinamumunuan ni Ginoong Dan Lachica, at lahat ng miyembro nila ay i-schedule nating magbigay ng dugo at pupuntahan na lang namin sila.

Kaya iyong mga tao na may mga grupo kayo, pupuntahan namin kayo kung makakapagbigay kayo ng dugo para hindi tayo maubusan.

Ako lang, sa akin, ang tumatawag sa aking mga tao gabi-gabi, siguro mga pito o walo palagi. Ngayon lang umaga ay may humingi ng dugo. Nanghingi rin ako kay Rey Untal, BPO association, na magbigay iyong kanilang asosasyon ng dugo. Pero siyempre, naghahanapbuhay iyong mga tao, hindi natin basta-basta magagambala iyan. Pero lalagyan na lang natin ng schedule para maayos ang kanilang pagkakataong makapagbigay ng dugo. Iyon lang ang gusto kong sabihin. Thank you.

USEC. IGNACIO: Opo. Maraming salamat po sa inyong pagpapaunlak, Senator Richard Gordon, ang Chairman po and CEO ng Philippine Red Cross. Mabuhay po kayo, Senator.

SENATOR GORDON: Thank you very much, Usec. Rocky. At kumusta na lang sa lahat diyan na mga kasama natin sa himpilan ninyo na nagsisikap para mapaabot ang impormasyon. Thank you very much.

USEC. IGNACIO: Salamat po, Senator.

BENDIJO: All right. Maraming salamat, Senator Gordon.

Samantala, kahapon po ay nakapagtala ng dagdag na 1,400 kaso sa bilang ng mga bagong nahawaan ng COVID-19 sa buong kapulungan kung saan umabot na sa 442,785 ang total confirmed cases. 139 naman ang mga bagong gumaling habang 98 ang nasawi o katumbas ng 408,790 recoveries at 8,670 total deaths. Nasa 25,325 naman ang bilang ng mga nanatiling active cases ng COVID-19 sa buong kapuluan.

Ang Benguet po ang may pinakamataas na kaso kahapon na nakapagtala ng 101 cases, sumunod ang Davao City, Quezon City, Rizal at ang Laguna. Umakyat naman sa 5.7% ng total cases ang mga aktibong kaso na may kabuuang bilang na 25,325. Sa bilang na ito ang pinakamarami ay mild cases na nasa 84.8%, ang asymptomatic ay nasa 6.6%, ang critical cases 5.5%, samantalang 2.8% naman ang severe at 0.32% ang moderate cases.

USEC. IGNACIO: Sa atin pong pagbiyahe lalo na kung tayo po ay gagamit ng pampublikong transportasyon, sundin po natin ang seven commandments na ito:

  1. Una po, magsuot ng face mask at face shield;
  2. Ipagpaliban muna iyong pagsasalita, pakikipag-usap o pagsagot ng telepono;
  3. Ganoon din po ang pagkain sa loob ng pampublikong sasakyan;
  4. Kinakailangan din na may sapat na ventilation;
  5. At nagsasagawa ng frequent disinfection;
  6. Bawal pong magsakay ng symptomatic passenger;
  7. At panghuli, kinakailangan sumunod sa appropriate physical distancing.

Muli maging BIDA Solusyon sa COVID-19. Para sa inyong mga katanungan at concerns tungkol sa COVID-19, maari po ninyong i-dial ang 02-894COVID o kaya ay 02-89426843. Para naman sa mga PLDT, Smart, Sun at TNT subscribers, i-dial ang 1555. Patuloy din kayong makibalita sa mga pinagkakatiwalaang sources ng impormasyon tungkol sa COVID-19, maaari po ninyong bisitahin ang covid19.gov.ph.

BENDIJO: Samantala, pagdinig ng Senado sa pagbibigay ng prangkisa sa DITO Telecommunications nagsimula na. Ilang mambabatas kabilang po si Senator Christopher Bong Go suportado ang pagsisimula ng operasyon nito sa bansa at narito ang report:

(NEWS REPORTING)

USEC. IGNACIO: Pagdideklara ng lockdown sa darating na darating na Kapaskuhan, hindi totoo. Ilang opisyal ng pamahalaan nagpaalala sa publiko laban sa mga kumakalat na fake news. Narito ang detalye:

(NEWS REPORTING)

BENDIJO: Samantala sa Bulacan, ilang residente na hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakauwi sa kani-kanilang mga tahanan dahil pa rin noong nagdaang mga kalamidad, nagdaang bagyo at malawakang pagbaha, may kahilingan ngayong nalalapit ang Kapaskuhan. Ang detalye sa report na ito:

(NEWS REPORTING)

USEC. IGNACIO: Okay. Diyan lamang po kayo at magbabalik po ang Public Briefing #LagingHandaPH.

[AD]

BENDIJO: Nagbabalik po ang Public Briefing #LagingHandaPH. Sa puntong ito ay pag-uusapan naman natin ang patuloy na pagprotekta ng ating pamahalaan, sa pangunguna ng Department of Labor and Employment (DOLE), sa kapakanan ng ating mga kababayang mga manggagawa sa gitna pa rin ng pandemya.

We are joined by DOLE Undersecretary Benjo Santos Benavidez. Magandang umaga po, Usec., welcome sa ating programang Public Briefing #LagingHanda. Usec., good morning po.

USEC. BENAVIDEZ: Magandang umaga din, sir Aljo at kay Usec. Rocky at sa ating mga tagapanood at tagapakinig, magandang umaga po sa kanila.

BENDIJO: Usec., kamakailan lamang po ay naglabas ang Department of Labor and Employment ng isang kautusan para po sa mga employers na ipagpaliban muna ang pagbabayad ng holiday pays para po sa kanilang mga empleyado ngayong taon. Please tell us more about this po, Usec?

USEC. BENAVIDEZ: Tama po iyon, sir Aljo. Actually, hindi po ito bago, kung maaalala po natin noong magdeklara po ng pandemya at national emergency, ang atin pong mga manggagawa ay hindi nakapasok sa trabaho; ang atin pong mga opisina at pagawaan ay hindi rin po nakapag-operate. Dahil po doon, minarapat po ng Department of Labor and Employment na maglabas po ng labor advisories.

Actually, pitong labor advisories na po ito na pinapahintulutan po namin iyong mga kumpanya na i-postpone o kaya ipagpaliban iyong pagbabayad po ng tinatawag po nating regular holiday pay.

Nakasaad po sa batas na mayroon po tayong twelve regular holidays. So, usually ito po iyong January 1, kapag Mayo 1, Independence Day, Christmas, November 30, ito po iyong mga tinatawag nating regular holidays.

Kapag regular holidays po, kahit po hindi pumasok ang isang manggagawa, kailangan pong bayaran po siya ng tinatawag pong holiday pay equivalent po doon po salary na tinatanggap po ng isang manggagawa.

So, since hindi po nakapag-operate at mayroon din pong kahirapan sa pinansiyal iyong ating mga employer lalung-lalo na karamihan po sa ating mga kumpanya ay maliliit lamang, nakapagdesisyon po ang DOLE na puwede po – puwedeng ipagpaliban muna iyong pagbabayad po ng regular holiday pay. Pero ito pong pagpapaliban na ito ay nilinaw na po ng Department of Labor and Employment sa pamamagitan din po ng isa pang Labor Advisory kung saan minamandatuhan na po namin iyong mga kumpanya na nagpaliban po ng pagbabayad ng regular holiday pay na bayaran na bago matapos ang taon iyong kanilang mga manggagawa noong tinatawag nating regular holiday pay.

BENDIJO: Opo. Ulitin ko lang po, hanggang kailan po ang palugit na ibibigay natin sa mga employers para bayaran iyong mga holiday pays, Usec.?

USEC. BENAVIDEZ: Well, binigyan po namin sila ng hanggang katapusan ng taong ito, December 31 para bayaran na iyong ating mga manggagawa ng kanilang regular holiday pay.

Ito lamang po ay para sa mga kumpanyang nagpaliban ng pagbabayad kasi marami naman po tayong mga kumpanya na noong panahon po ng lockdown ay nakapag-operate pa rin at ibig pong sabihin noon, nakapagbayad pa rin po iyon noong tinatawag nating regular holiday pay.

Kasi sir Aljo, iyong regular holiday pay po isinasama lang po iyan sa sahod ng ating mga manggagawa. So, kung siya po ay sumasahod ng dalawang beses sa isang buwan kasama na po iyong regular holiday pay niya sa tinatanggap niyang sahod.

BENDIJO: Ito po, paano naman po ang gagawing monitoring ng DOLE dito, Usec., para sa mga employers na talagang sisiguraduhin nilang mababayaran iyong mga holiday pays ng mga empleyado na sumunod sa kautusang ito ng DOLE at ano po ang maaaring kakaharapin ng mga employers sakaling mapatunayan na hindi sila tumatalima o tatalima sa kautusang ito ng DOLE sa pagbabayad ng mga ipinagpaliban na mga holiday pays ng kanilang mga empleyado, Usec.?

USEC. BENAVIDEZ: Well, mandato po ng Kagawaran na siguraduhin na lahat po ng batas paggawa ay naipatutupad. Ito po ay ginagawa po ng Kagawaran sa pamamagitan po ng pagbisita o iyong tinatawag po nating inspeksiyon sa mga pagawaan. Mayroon po tayong mga inspector na umiikot po sa mga opisina at pagawaan upang tingnan kung ang kanilang mga employer ay sumusunod po sa lahat po ng labor standards at ngayon po, patungkol po doon sa regular holiday pay.

Kung makikita po namin sa inspeksiyon ang paglabag at hindi po pagbabayad ng tamang sahod o kaya naman po ng regular holiday pay, ito po ay magriresulta sa isang kaso kung saan puwede po kaming maglabas po ng isang desisyon sa pamamagitan po ng aming mga regional offices. Mayroon kaming 16 regional offices, ito po, nandoon po ang ating mga inspector at doon po gagawin iyong mga proseso sa pagdidesisyon ng mga kaso.

BENDIJO: Ito ba ay administrative cases? Ano po ang mga sanctions nito, Usec.?

USEC. BENAVIDEZ: Tama po iyon. Actually, ang sanction po dito ay utusan lang, na bayaran, ang mga employer at kung maging final and executory po iyong aming mga desisyon, puwede po naming ilitin iyong mga ari-arian ng mga kumpanya; puwede po naming i-garnish iyong mga bank accounts o iba pang credits ng mga kumpanya nang sa ganoon iyong proceeds po noon ay maibigay po natin sa mga manggagawa.

BENDIJO: Ano naman po ang maaaring asahan ng mga empleyado na inilagay po sa tinatawag na floating status ng kanila pong mga employers matapos mag-expire o mag-lapse iyong itinakdang panahon na sila ay nasa floating status, Usec.?

USEC. BENAVIDEZ: Sa usapin naman po ng floating status, gusto ko lang po munang i-share kung ilan na po iyong datos ng aming kagawaran sa mga manggagawang under floating status. Ito po ay umaabot na ng lampas sa dalawang milyon. Ito po ay galing po doon sa mga 96,000… mahigit na 96,000 na mga establishment. Sila po iyong mga manggagawa na either na forced leave o kaya iyong kanilang mga kumpanya ay nag-temporarily close. Dahil po doon, sila pong mga manggagawa ay naka-floating status.

Pinapahintulutan po ng batas na bigyan po sila ng floating status ng hindi po lalagpas sa anim na buwan. Kung ito po ay lumampas po sa anim na buwan, kailangan na po silang ibalik ng kanilang mga kumpanya; kung hindi naman po kaya ng mga kumpanya na sila ay maibalik pa, sila po ay kailangan ng i-retrench at bigyan po ng tinatawag po nating separation pay.

Kung hindi po sila maibalik o kaya naman po ay hindi po sila bayaran ng separation pay, sila po ay puwedeng magsampa ng kaso sa anuman pong opisina ng Department of Labor and Employment. Pero naglabas po kami recently ng isang department order kung saan binibigyan po namin ng espasyo o kalayaan iyong mga manggagawa at kanilang mga employer na i-extend pa iyong floating status pero iyon po ay based lamang sa agreement, voluntary agreement ng mga partido.

Kung sa tingin po nila mas makakabuti sa kanila ang i-extend pa iyong floating status, hinahayaan po namin iyon sapagkat alam po natin na makakabawi din po ang ekonomiya, mas marami pa pong mga pagawaan at opisina at makababalik sa kanilang mga operasyon.

BENDIJO: Opo. Ang isa sa nakikita nilang problema dito Usec., iyon pong tagal ng paglilitis kung saka-sakaling sila ay magsasampa ng kaso sa NLRC. Gaano po katagal talaga ililitis po iyan sa ganoon ay maibigay po ang hustisya sa lahat ng mga empleyado na illegally na sila ay tinanggal sa trabaho at wala po silang nakuhang kung anuman na pera o ni-retrench ay wala namang benepisyong naibigay sa kanila, Usec.?

USEC. BENAVIDEZ: Actually, nakapaloob po sa rules and procedures po ng NLRC na dapat sa loob ng tatlong buwan ay ma-dispose po kaagad iyong mga kaso katulad po ng illegal dismissal, pero ito po sa usapin ng arbitration. Kaya hinihikayat po namin iyong mga manggagawa na instead po tayong mag-litigate, subukan po iyong tinatawag po naming conciliation mediation ng sa ganoon po ay mas mapaikli iyong proseso ng pagbabayad o pagriresolba ng mga kaso. Ito po ay sa pamamagitan ng tinatawag po nating single entry desk officer kung saan pinaghaharap iyong mga partido upang magkasundo.

Sana po maging last resort na lang iyong pagsasampa ng mga kaso sapagkat alam din po natin na may mga kaso po talagang napakatagal magkaroon ng final resolution at kapag ganoon po medyo maikli naman po iyong pisi ng ating mga manggagawa. At the end of the day kahit po manalo po sila hanggang sa Supreme Court parang napakatagal ng hustisya para kanilang makamit.

So we suggest po na gamitin po natin, ini-encourage po natin iyong ating mga kababayan, iyong ating mga manggagawa na magkaroon na lang po muna ng conciliation mediation.

BENDIJO: Iyong conciliation mediation or arbitration, Usec., wala ng abogadong isasangguni—

USEC. BENAVIDEZ: Tama po iyon, wala pong abogado; wala po sila gagastusin sa abogado, sa conciliation mediation.

BENDIJO: Ano po ang magiging benepisyo naman na maari nilang makuha, Usec., mula po sa kanilang mga employers kung sakaling ito ay tuluyan ng magsara pagkatapos na mag-lapse ang kanilang floating status?

USEC. BENAVIDEZ: Opo. May tinatawag po tayong separation pay, ito po ay karagdagan doon sa tinatawag po at ibinibigay po ng SSS na unemployment insurance benefits.

Ang separation pay po, ang isang manggagawa na natanggal o na-retrench dahil po nagsara iyong kumpanya o ayaw po niyang malugi iyong kumpanya, siya po ay bibigyan po ng separation pay katumbas po ng one half month pay for every year of service. So, kung siya po ay sumasahod ng P30,000 – ipagpalagay na lang po natin – ang kalahati po noon ay P15,000. Kung siya po ay nagtrabaho ng 10 years, so iyong P15,000 times ten, iyon po iyong halaga ng separation pay na dapat pong makuha ng isang natanggal pong empleyado.

BENDIJO: All right. Tama po ba ang pagkarinig ko kanina, dalawang milyon ang hawak ninyong datos na bilang po ng mga manggagawang nasa floating status ngayon?

USEC. BENAVIDEZ: Tama po iyon. Mahigit pong dalawang milyon, pero gusto po namin itong check ulit, sapagkat alam naman po natin mas marami ng mga kumpanya ang pinayagang makapagbalik ng operasyon ngayong Nobyembre and Disyembre. Inaasahan po namin na iyong mga manggagawa na nailagay sa floating status ay na-notify na para makapagbalik sa kanilang trabaho. Nagtaas na po ng operational capacity iyong ating mga restaurants, iyong ating mga retail store. So, kami po ay umaasa na iyong mga manggagawang nailagay sa floating status ay nakabalik na sa kanilang mga trabaho.

BENDIJO: Usec., kumusta po ang pamamahagi ninyo sa DOLE ng mga cash assistance sa ating mga manggagawang apektado po hindi lamang ng COVID-19 pandemic pati na rin ng mga sunud-sunod na pong nangyaring bagyo, ito pong kalamidad, Usec.?

USEC. BENAVIDEZ: Well sir Aljo, ang utos po ng aming Kalihim ay ubusin iyong pera bago mag Pasko. Ibig sabihin, ipamigay sa mga naapektuhan ng pandemya at ng mga kalamidad iyong tulong na para po sa kanila.

Ang pagkakaalam ko po as of yesterday ay naibaba na po iyong 93% ng pondo na ibinigay po sa Department of Labor and Employment sa pamamagitan po ng Bayanihan 2. Nabigyan po kami ng P16 billion, so iyan po ay nasa mga rehiyon na para ipamahagi doon po sa mga naapektuhang manggagawa.

Mayroon po kaming ini-implement na tatlong mahahalagang programa para sa ating mga manggagawa, ito po iyong tinatawag po nating CAMP – COVID-19 Adjustment Measure Program – at may isa pa po iyong TUPAD at iyong para naman po sa ating mga manggagawa sa ibang bansa iyong AKAP, kung saan binibigyan po natin sila ng financial assistance in the amount of P10,000.

BENDIJO: Opo. Puntahan natin ang tanong, Usec. ng mga kasamahan natin sa media. Balikan natin sa studio si Usec. Rocky Ignacio. Usec, go ahead.

USEC. IGNACIO: Ito po ang tanong ni Gillian Cortez ng Business World: Has DOLE po resumed its labor inspection as more establishments opened during the gradual reopening of the economy? If yes, ilan daw pong establishments were inspected by the DOLE; was this less than the year before and less than the initial 2o2o target?

USEC. BENAVIDEZ: Salamat Usec. Rocky for that question.

Actually, matagal na pong nag-resume ang Department of Labor and Employment sa kaniyang gawaing makapag-inspect ng mga kumpanya, kung hindi po ako nagkakamali June pa lang noong ma-lift po iyong total lockdown po sa NCR at kalakhan po ng bansa, inutusan na po namin iyong aming mga inspector na bisitahin iyong mga pagawaan. Bakit po? Para siguraduhin po natin na naipapatupad iyong tinatawag po nating minimum health protocols.

So, ang datos po na lumalabas po sa amin ay mas marami nga po kaming mga kumpanya at mga establishment na na-inspect po ngayon compared sa last year. Ito po ay sa rason po na hindi lang po DOLE ang nag-i-inspect po ngayon, kasama po namin iyong DTI, ang LGU at ang DOH sa pag-i-inspect po ng mga kumpanya at mga pagawaan. So, lumampas na po kami sa target ngayong taon na 64,000.

USEC. IGNACIO: Opo, ang second question po ni Gillian Cortez: How many are the total companies who were compliant daw po ang non-compliant with labor standards? With more guidelines in place to prevent COVID-19, have we seen more non-compliant companies in this labor inspections?

USEC. BENAVIDEZ: Well, noong unang bugso po ng aming inspection, medyo mababa pa po iyong compliance nila. Pero habang tumatagal po iyong aming pag-iikot sa mga kumpanya, tumataas na po iyong compliance rate, kung hindi po ako nagkamali, nasa 92% po iyong compliance rate po ng mga kumpanya po natin, pagdating lalung-lalo na po pagdating po sa occupational safety and health standard.

Mas binibigyan po nila ngayon ng importansiya na siguraduhing mas ligtas ang ating mga pagawaan upang makaiwas po sa pagkalat po ng COVID-19.

BENDIJO: Thank you, Usec. Rocky. Usec Benavidez, ano lang po ang inyong mensahe sa taumbayan, mga nakikinig at nanunuod sa mga oras na ito?

USEC. BENAVIDEZ: Maraming salamat, sir Aljo and Usec. Rocky. Magpasalamat din po ako sa pagkakataong ito na maging bahagi po ulit ng inyong programa.

Sa atin pong mga kababayang manggagawa, manggagawang Filipino at sa mga negosyante, sa dahan-dahan pong pagbubukas ng ekonomiya sa pamamagitan po ng pagpapahintulot sa mas maraming mga negosyong magbukas ng kanilang operasyon, sana po ay patuloy nating siguraduhin ang kalusugan at kaligtasan ng lahat sa mga opisina at pagawaan.

Pero huwag po nating kalilimutan ang minimum health protocols, ‘ika nga, Mask, Hugas, Iwas. Sinubok po ang ating katatagan at galing nitong pandemya pero nasa paligid pa rin po natin ang virus kaya’t sana ay patuloy pa rin po tayong mag-ingat maging matatag at magbayanihan sa pagtugon sa mga hamon ng pandemya at ng bagong panahon.

Maraming salamat po ulit at magandang tanghali po sa ating lahat.

BENDIJO: Maraming salamat at magandang tanghali din, Usec. Benjo Santos Benavidez mula sa Department of Labor and Employment! Mag-ingat po kayo. Mabuhay po kayo.

USEC. IGNACIO: Okay. Samantala, good news! Simula noong December 1st ay namahagi na ang Government Service Insurance System o GSIS ng Christmas cash gift sa kanilang mga pensioner. Para po sa karagdagang detalye makakausap po natin si Atty. Nora Malubay, ang Executive Vice President ng CORE Business Sector ng GSIS.

Magandang umaga po.

ATTY. MALUBAY: Magandang umaga po, USec. Rocky.

USEC. IGNACIO: Attorney, nasa 3.3-bilyong piso nga po ang budget ng GSIS para daw po ito sa Christmas cash gift ng inyong pensioners. So, ilan po ba ang pensioners na makakatanggap nito?

ATTY. MALUBAY: Ang makakatanggap po ng cash gift or ating Christmas bonus for this month, around 318,000 plus na old-age pensioners po at disability pensioners. Sila po ang tatanggap ng cash gift na P10,000 or the monthly pension whichever is lower.

Ang ibig sabihin po noon kung ang kaniya pong monthly pension ay six thousand, ang tatanggapin po niya ay six thousand. Kung ang kaniya pong monthly pension ay fifty thousand, ang tanggapin po niya ay ten thousand. So, maximum of ten thousand.

Atin pong nai-credit na po ito, so puwede na po itong i-withdraw ngayong araw na ito kasi po naibigay na rin po at nai-credit na rin po natin ang kanilang monthly pension.

USEC. IGNACIO: Napakagandang balita po iyan para sa ating mga pensioner. Pero Attorney, ito po ba ay automatic nila talagang matatanggap? Kapag pensioner ka, talagang makukuha mo na agad ito o may qualifications pa rin po? Kung mayroon man, anu-ano po ito?

ATTY. MALUBAY: Mayroon po tayong pinapatupad na APIR, iyon pong renewal ng kanilang active status every birth month pero dahil po mayroon tayong pandemic ngayon, amin pong sinuspend iyong requirement na iyan.

Pero Usec., iyon pong mga suspended even before the lockdown, even before the pandemic at hindi na talaga nag-appear, hindi po namin ito isinama muna sa pagbibigay ng cash gift. Bibigyan po namin sila hanggang June 2021 na magsipag-appear on their birth month at ibibigay po namin iyong kanilang cash gift.

USEC. IGNACIO: Opo. Ulitin po natin. So, may deadline naman po ba itong pamimigay natin sa kanila ng cash gift?

ATTY. MALUBAY: Opo. Ulitin ko po, Usec. Iyon pong mga suspended na pensioners kasi po hindi sila nag-appear noong bago tayo nagkaroon ng lockdown, ibig sabihin before March and prior dates or prior years, talagang hindi na nagsisipag-appear, hindi na nagpakita, hindi po natin alam kung buhay o ano po ang kanilang kondisyon, so iyon po ay naka-suspend.

So, ngayon po, isinuspend pa rin po namin ang kanilang cash gift but we are giving them until June 2021 na mag-appear po o mag-renew ng kanilang active status at ibibigay po namin kaagad ang kanilang cash gift.

USEC. IGNACIO: Opo. Attorney, aside from this, anu-ano pa pong incentives ang maaaring matanggap ng ating mga pensioner?

ATTY. MALUBAY: Ngayon po ay amin na rin pong nai-credit iyong kanilang monthly pension, iyon po ay gross, ano po ibig sabihin ng gross? Tayo po ay may loan moratorium na pinapatupad dahil po sa Bayanihan 2, so makukuha po nila ang kanilang monthly pension na gross, wala pong deduction ang kanilang mga loan amortizations.

So, puwede po silang lumabas ngayon, December 9 na po ngayon, so isang labasan na lang po ang gagawin nila, ng ating mga old age pensioner at disability pensioners para kanila pong ma-withdraw ang kanilang monthly pension na wala pang deduction ng loans at ang kanila pong cash gift, iyong tinatawag po nating Christmas bonus.

USEC. IGNACIO: Attorney, aside doon sa sinasabi mo na hindi na nakapag-update ng kanilang status, may hindi ba eligible na makatanggap nitong Christmas bonus na ito sa ating mga pensioner?

ATTY. MALUBAY: Uulitin ko lamang po, ito po iyong mga dating ng suspended bago pa lamang po nagkaroon ng pandemic ay talagang suspended na po sila kasi po hindi po sila una vez (ulit) nag-renew ng kanilang active status, so hindi po natin alam kung ano po ang kanilang kalagayan, kung ano ang kanilang kondisyon kasi hindi po talaga sila tumatanggap ng pension even before the lockdown.

So, ngayon po, binibigyan po namin sila ng pagkakataon na mag-renew ng kanilang active status hanggang next year, June 2021 po ang dateline. At kapag po nagkaroon na po sila ng APIR o iyong annual renewal ng kanilang active status ay ibibigay po natin agad ang kanilang cash gift.

Ang cash gift po uulitin ko, ten thousand which is the maximum or the monthly pension whichever is lower. Iyan po ang ating cash gift o Christmas gift sa ating mga old age pensioners at disability pensioners.

USEC. IGNACIO: Opo. Attorney, kuhanin ko na lamang po ang inyong mensahe sa ating mga pensioner at sa ating mga manonood.

ATTY. MALUBAY: Opo. Tuluy-tuloy pa rin po iyong pagga-grant natin ng emergency loan na 20,000 po sa ating mga active members and pensioners dahil po sa nagkaroon ng bagyo. Puwede rin po ninyo sabayan ng Multi-Purpose Loan, ang ating bagong loan product, alam na po nila iyan.

At ulitin ko po sa ating mga mahal na pensioners, old age pensioners and disability pensioners, puwede na po kayong magpunta sa mga ATM using your UMID e-card, your UMID e-card will serve as your ATM. So, sabay na po ninyong makukuha ang inyong pension for the month of December na wala pong bawas na mga loan, amortizations at makukuha na rin po ninyo ang inyong cash gift which is your Christmas bonus.

Salamat po, Usec.

USEC. IGNACIO: Okay. Maraming salamat po sa inyong panahon, Attorney Nora Malubay, ang Executive Vice President po ng CORE Business Sector ng GSIS.

ATTY. MALUBAY: Take care po. Salamat po. Merry Christmas.

USEC. IGNACIO: Salamat po. Samantala, puntahan natin ang mga nakalap na balita ng ating mga kasama sa ilang lalawigan sa bansa, ihahatid iyan ni John Mogol ng PBS Radyo Pilipinas.

[NEWS REPORT BY RUEL DE GUZMAN]

[NEWS REPORT BY PAUL TARROSA/RP ILOILO]

[NEWS REPORT BY COCOY MEDINA/RP CDO]

USEC. IGNACIO: Okay. Maraming salamat sa iyo John Mogol ng PBS Radyo Pilipinas!

BENDIJO: Dumako naman tayo ngayon sa Cordillera Region. May balitang hatid si Alah Sungduan mula sa PTV Cordillera. Alah?

[NEWS REPORT BY ALAH SUNGDUAN/PTV CORDILLERA]

BENDIJO: Maraming salamat, Alah Sungduan ng PTV Cordillera.

USEC. IGNACIO: Punta naman tayo diyan sa Davao City kasama si Julius Pacot.

[NEWS REPORT BY JULIUS PACOT/PTV DAVAO]

USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo, Julius Pacot ng PTV Davao.

BENDIJO: Maghahatid naman ng balita diyan sa Dakbayan sa Sugbo, si John Aroa.

John, maayong udto.

[NEWS REPORT BY JOHN AROA/PTV CEBU]

BENDIJO: Daghang salamat, John Aroa.

USEC. IGNACIO: Maraming salamat po sa ating mga partner agency para sa kanilang suporta sa ating programa at maging ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas.

Salamat din po sa Filipino Sign Language Access Team for COVID-19, mabuhay po kayo.

At diyan po nagtatapos ang ating programa sa araw na ito, ako po ang inyong lingkod, Usec. Rocky Ignacio ng PCOO.

BENDIJO: Ako naman po si Aljo Bendijo. 16 days na lang at Pasko na.

USEC. IGNACIO: Hanggang bukas pong muli dito sa Public Briefing #LagingHandaPH.

 

###

 

 

 

 

SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)