Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Mike Enriquez – Saksi sa Dobol B/DZBB


ENRIQUEZ: Secretary, magandang umaga po; si Mike Enriquez po ito.

SEC. ROQUE: Magandang umaga, Mike. At magandang umaga, Pilipinas.

ENRIQUEZ: Siyempre alam na namin hindi ninyo nagustuhan itong sinabi na ito ng prosecutor ng ICC, Secretary.

SEC. ROQUE: Well, hindi po totoo iyan. Wala lang po kaming pakialam sa sinasabi niya ‘no dahil tayo po ay hindi na miyembro ng ICC—

ENRIQUEZ: Ah, ganoon ba!

SEC. ROQUE: At sinabi na ng Presidente na hindi na natin kikilalanin ang hurisdiksiyon ng ICC. So, hindi lang po magugustuhan kung makakaapekto sa atin pero iyan po ay wala na pong epekto sa atin. Gawin po nila ang gusto nilang gawin, eh wala naman po silang paraan para magkaroon ng hurisdiksiyon sa pagkatao ng ating Presidente ‘no dahil hindi tayo miyembro, wala naman tayong mga kapit-bansa na miyembro. Ang Estados Unidos ay hindi miyembro. Ang Russia ay hindi miyembro. Ang Tsina ay hindi miyembro. Wala po, wala po talagang kalalabasan iyang PR o press release na inisyu ni Prosecutor Bensouda.

ENRIQUEZ: Secretary, kahit hindi po tayo miyembro ng ICC, wala ba kayong balak – kayo pong mga nasa administrasyon – kung may lalabas man na resulta o imbestigasyon itong ICC, iyong kanilang prosecutor, ay sagutin ang mga ilalabas o kung mayroon man – hindi pa sigurado sa ngayon eh – na ilalabas, na mga ipapahayag nila tungkol sa, ayon sa kanila, ay mga crimes against humanity dito sa Pilipinas?

SEC. ROQUE: Alam ninyo sa totoo lang po, talagang namumulitika lang itong si Bensouda kasi ang pula sa kaniya eh ang talagang pinupuruhan niya ay ang mga Afrikano ‘no, iyong mga kapuwa Afrikano niya, so gumawa siya ng paraan para masabi, “Oh, mayroon naman akong ibang pinuruhan.” Pero sa katunayan po ay mayroon na pong desisyon din ang International Criminal Court diyan po sa kaso ng Afghanistan kung saan ang Afghanistan ay miyembro rin at sinasabi na mayroong mga paglabag din ‘no, mga crimes against humanity at war crimes na ginawa.

Eh iyong kaso pong iyon, ang sabi ng Afghanistan at ng Amerika, kahit anong mangyari ay hindi kami makikipagtulungan, hindi kami makikipag-cooperate. At ang sabi po ng ICC mismo, eh bakit ka pa maglilitis sa isang kasong hindi mo naman talagang mapapanalo dahil ayaw mag-cooperate ng estado na involved ‘no. So iyan po ay jurisprudence na sa ICC, so  ito po ay pakitang-gilas lang ni Bensouda doon sa mga kapuwa niya Afrikano na ngayong siya po’y magtatapos na termino at mukhang mamumulitika doon sa Africa ‘no, sa kaniyang bansa.

Eh hindi naman tayo papayag na tayo ay gagawing instrumento para sa kaniyang pamumulitika ‘no. So gagamitin po iyang jurisprudence na iyan maski hindi na po tayo manghimasok  diyan sa kahit anong pagdinig ng ICC eh hindi na po mabubura iyong ganiyang ruling na kapag hindi po handang makipagtulungan o makipag-cooperate ang estado kung saan naruroon ang nasasakdal ay huwag na dapat ituloy dahil ito po’y pagsasayang lang ng pera, salapi at ng oras ng International Criminal Court.

ENRIQUEZ: So ano iyong sinasabi ninyo, Secretary, dedma na lang tayo dito sa balitang ito?

SEC. ROQUE: Ay, dedma lang po ang Presidente. Bahala siya kung ano ang gusto niyang gawin. Anyway, baka makinabang ang kaniyang buhay pulitika doon sa kaniyang bayan sa Africa ‘no. Pero wala pong epekto kay Presidente.

Ang pananagutan po ng Presidente, sa taumbayang Pilipino lamang full stop at sa huling pag-survey po, 91% po ang sumusuporta sa ating Presidente.

ENRIQUEZ: Opo. Wala kayong nakikitang epekto nito sa, halimbawa, sa ating ekonomiya, iyong tinatawag na trade? Alam naman natin, Secretary, may mga bansa at mga gobyerno na mahilig sa mga human rights human rights eh. Kapag may lumabas na negatibong balita tungkol sa isang bansa tulad ng Pilipinas – kung lang ito ha, malaking ‘kung’ may lalabas – hindi nila pipigilan, hindi nila babawasan iyong kalakalan sa pagitan ng bansa nila at bansa ng Pilipinas at maaapektuhan diyan iyong ekonomiya natin pati na po hanapbuhay ng mga ordinaryong Pilipino. Wala kayong nakikitang ganoon, mayroon?

SEC. ROQUE: Wala pong nakikitang ganiyan dahil ang International Criminal Court po iyan, international individual criminal responsibility ‘no. Ang nasasakdal po diyan—

ENRIQUEZ: Ano iyon?

SEC. ROQUE: Ang International Criminal Court po ay iyong individual criminal responsibility – pananagutan po iyan ng isang tao ‘no, hindi ng isang estado. So wala pong epekto iyan sa bansa man lang ‘no dahil ang sinasabi nila, may isang indibidwal na gumawa ng krimen, at iyong tao ang pinasasagot at hindi iyong bansa.

So iyan po iyong exception sa rule na normally iyong mga international tribunal ay mga estadong mga naglalabanan ‘no. Ito po iyong isa sa kakaunti lang na mekanismo kung saan ang indibidwal ay pupuwedeng mapanagot.

ENRIQUEZ: Opo. Kanina po sabi ninyo, Secretary, ang Pilipinas ay hindi miyembro o kasapi ng International Criminal Court o ICC. Ganoon din ang Amerika; ganoon din ang Russia.  Dati ba miyembro tayo niyan, Secretary?

SEC. ROQUE:  Dati po miyembro tayo, pero iyong napansin nga po ng Presidente na ginagamit lamang ng oposisyon itong ICC, doon po tayo lumabas. At dahil nga po tayo lumabas ay wala na po tayong katungkulang makipag-cooperate sa kanila. So, ang isyu nga is, iyong mga bagay-bagay na nangyari noong tayo ay miyembro, mayroon pa bang hurisdiksiyon, eh iyan po ay moot and academic. Bakit po? Kasi kung hindi kasi nga tayo makipagtulungan, paano man lang sila makakapagsimula ng paglilitis na hindi isu-surrender ang pagkatao ni Presidente Duterte ‘no.

ENRIQUEZ:  Ano ba ho ang proseso para kumalas ang isang bansa, tulad ng ginawa natin, pagkalas sa ICC? Pakipaliwanag nga po iyong proseso niyan? Basta sinabi noong Presidente ng isang bansa na itigil na iyan, hindi na tayo miyembro ng ICC, ganoon na ba iyon, papaano  po iyon, Secretary?

SEC. ROQUE:  Well, ganoon po iyon. Oo, wala pong puwedeng makapigil sa desisyon na lumabas sa International Criminal Court at mayroon na nga pong isa pang bansa na lumabas na rin sa International Criminal Court, bagama’t kakaunti lang talaga ang naging miyembro.  At ako nga po nalulungkot ako, dahil isa ako talaga doon sa advocate na dapat initially maging miyembro tayo. Pero malinaw kasi, unang-una, sa hurisdiksiyon ng korte ay iyong  mga pinaka-karumal-dumal na krimen lamang na parang iyong makukumpara mo doon sa nangyari sa holocaust ng World War ll, doon sa genocide na nangyari sa dating Yugoslavia at saka doon sa – ano ba itong isang country pa sa Africa na grabe talaga – Rwanda, Africa! So ganiyang mga krimen.

ENRIQUEZ:  At saka sa Cambodia nagkaroon din ng malawakang pagpatay doon, genocide.

SEC. ROQUE:  Well, iba pa iyong Cambodia, hindi po iyan ICC, UN Tribunal po iyon, so, dapat pinaka-karumal-dumal lamang. Bakit? Kasi ang dapat maglitis ng mga ordinaryong mga krimen ay iyong mga local na hukuman at dito sa bansa natin sa Pilipinas mayroon nga tayong tinatawag na ISL Law at hindi naman sinasabi na palibhasa may immunity ang Presidente ngayon, forever may immunity siya. Dito sa Pilipinas ang ating kasaysayan nagpapakita kapag natapos ang termino ng isang Presidente nakukulong. So, ang remedy kung totoong may cause of action o mayroon talagang kaso, dito sa hukuman ng Pilipinas. Dahil ang pagiging miyembro natin ng ICC, hindi ibig sabihin na sinurender na natin ang soberenya natin, dahil kabahagi ng soberenya iyong karapatan na litisin ang mga bagay-bagay na criminal na nangyari sa ating teritoryo.

ENRIQUEZ: Secretary, posible pa lang naman ngayon, hindi ba? Hindi pa nadidesisyunan ito. Imposibleng pag-imbestiga po ng ICC kay Pangulong Duterte, wala kayong nakikita o mayroon kayong nakikitang posibleng maging epekto nito sa giyera laban sa droga?

SEC. ROQUE:  Wala po naman, dahil ang giyera naman po laban sa droga, hindi po iyan krimen. Pati iyong tinatawag nilang crimes against humanity, ang elemento po niyan, may intention ka na patayin iyong mga civilian, eh wala naman tayong intention na ganiyan, dahil iyong war on drug ay isang polisiya, isang police action na kinikilala ng buong daigdig! Wala pong bansa sa buong daigdig, kasama ang United Nations, na nagsasabi na mali ang war on drugs. Lahat nga sila hinihikayat na magkaroon ng war on drug, dahil kinakailangan matigil na iyang problema natin sa droga ‘no. So,  on the merits po eh talagang wala naman pong  criminal intention na targetin ang mga civilian, dahil ito po ay in the course of legitimate police action.

ENRIQUEZ:  Sige po, Secretary ganoon na lang. Sabagay, marami pa tayong ibang mga balita na dapat pagtuunan ng pansin. Kaya lang hindi naman pangkaraniwang pangyayari na iyong Presidente ng isang bansa, eh kinakasuhan doon sa International Criminal Court at iyong International Criminal Court ay pinapansin, binibigyan ng pansin iyong reklamo, Secretary.

SEC. ROQUE:  Hindi pa po iyan pinapansin, dahil ang International Criminal Court po hindi pa po nagsisimula ng proseso. Ang simula po ng proseso diyan, kapag nagkaroon na po ng preliminary investigation at bago siya makatuloy sa preliminary investigation, magkakaroon ng desisyon iyong tinatawag nang free trial chamber – iyan po iyang pagkakaiba ng ICC sa ordinaryong hukuman. Hindi po pupuwedeng mag-conduct man lang ng PI na tinatawag natin sa ating piskalya kung walang utos ng hukuman. At nabigo na nga po iyan, kaparehong prosecutor na iyan noong gusto niyang pag-prosecute sa Afghanistan. Ang sabi nga ng korte, bakit mo sisimulan ang imbestigasyon, eh wala namang kapaga-pag-asa na ikaw ay makaka-convict, dahil walang kooperasyon ang estado, bakit natin sasayangin ang ating oras at resources. Iyan po ang jurisprudence.

ENRIQUEZ:  So ibig sabihin nito, Secretary kung – puro kung lang naman tayo sa puntong ito ha – kung magkaroon ng hiling na magpadala dito ng mga imbestigador ng ICC, iyan ba ay pagbibigyan ng gobyerno o sa tono ninyo mukhang hindi na lang, Secretary ‘no, papaano ba ito?

SEC. ROQUE:  Wala po tayong obligasyong makipag-cooperate sa ICC, dahil hindi na po tayo miyembro ng ICC. Kapag sila po ay pumasok dito para mag-imbestiga,  iyan po ay paglabag sa ating soberenya, dahil tanging mga lokal na institusyon lamang – ang pulis, ang mga piskal at mga hukuman ng Pilipinas – ang mayroong hurisdiksiyon para litisin ang tao, o kahit sino man, kasama na ang Presidente, sa kahit anong krimen na nangyari dito sa ating bayan.

ENRIQUEZ:  Huling tanong na po para sa umagang ito, Secretary. Sa inyong kaalaman, mayroon na ba hong mga nakasuhan at nililitis kaugnay ng pagkakapatay sa mga diumano ay mga suspect sa droga, Secretary?

SEC. ROQUE:  Wala pa po. Ang mga na-convict po ngayon sa ICC ay iyong mga nagri-recruit ng mga kabataan para maging mandirigma. Karamihan po sa kanila, non-state actors. Mayroon pong isang Presidente na kailan lamang ay sinurender, pero hindi po iyan tungkol sa droga, iyan po ay tungkol sa ongoing civil strife na naglalabas na talagang napakadami pong mga, hundreds of thousand ang pinatay dahil sa ongoing na digmaan.

ENRIQUEZ:   Pasensiya na po, Secretary, hindi po sa ICC ang ibig kong sabihin. Ang ibig kong sabihin dito – sa inyong kaalaman mayroon na bang mga kaso, ilan pong kaso na ang nasampa laban doon sa diumano ay nasa likod ng mga pagpatay sa mga suspect sa droga?

SEC. ROQUE:  Ang naalala ko po iyong dalawang kabataan, kasama na iyong kabataang Kian. Dahil ang sabi naman ng Presidente, bilang isang abogado ‘no, gagamit ka lang ng dahas kung nagkaroon ng banta sa iyong sariling buhay bilang isang pulis. Pero ang ating hukuman po gumagana at na-convict naman po iyong pumatay kay Kian di ba po ‘no.  So ang remedyo kung mayroong reklamo na gumamit ng dahas na excessive ay magdemanda po dito, pero ang ididemanda ninyo, hindi Presidente, kung sino iyong pumatay.

ENRIQUEZ:  Sige po. Secretary, nagpapasalamat po kami ha at tinanggap ninyo ang tanong namin ngayong umaga at sinagot ninyo ang mga tanong. Siguro tawagan namin kayo ulit, isa sa mga araw na ito, siguro ewan kung bago o makalipas o bago dumating ang araw ng Pasko, tungkol naman ito sa isyu ng bakuna.

SEC. ROQUE: Opo.

ENRIQUEZ:  Eh ang dami na pong bansa may bakuna, dito sa Pilipinas, pinag-uusapan pa rin hanggang ngayon, Secretary. Ano ba iyan. 

SEC. ROQUE:  Ay hindi naman po ganoon. Matagal na po tayong gumawa ng mga hakbang para magkaroon tayo ng bakuna. Ang katotohanan lamang ay talagang wala po talagang pantay-pantay sa daigdig; mauuna ang mga mayayaman at tanggapin po natin iyon. Pero  ganoon pa man tayo pong mga hindi mayayaman ay nagkakaroon po tayo ng bayanihan sa parte ng mga bansang Tsina, Russia, India, iyong hindi mga mayayaman.  Tayu-tayo ang nagtutulungan dahil alam natin na sa mundong ito, ang mga mayayaman, sila-sila muna. So tayo naman gumagawa tayo ng paraan na hindi naman tayo mamamatay ng tuluyan at mga mayayaman lang ang mabubuhay. Kaya po tayo nagkakaroon po ng kooperasyon. At makikita po ninyo ang unang darating na bakuna sa atin, dahil hindi nga natin nakuha iyong mga gawa ng mayayaman at naka-reserba para sa mga mayayaman ay gawa ng ating kapit-bansa kagaya ng Tsina.

ENRIQUEZ:  Sige po. Secretary, salamat ulit ah at magandang umaga sa inyo.

SEC. ROQUE:  Magandang umaga po at maraming salamat din po.

ENRIQUEZ:  Pag-ingatan ninyo ang puso ninyo!

SEC. ROQUE:  Opo. Merry Christmas po.

##

Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)