TULFO: Magandang umaga, Secretary Roque, sir!
SEC. ROQUE: Magandang umaga, Pareng Erwin at magandang umaga Pilipinas!
TULFO: All right. Sir, kahapon ho nabanggit ninyo na pinapaimbestigahan na raw po ng Malacañang, ng Pangulo itong nangyaring pagpatay sa siyam na miyembro ng militanteng grupo diyan po sa CALABARZON to find out kung sila ba talaga ay nanlaban o sila po ba ay ‘ika nga ay hindi sumuko. Ganoon ho ba ang patutunguhan ng imbestigasyon, Secretary Roque?
SEC. ROQUE: Yes. Kinakailangan po talaga malaman muna natin kung ano nga ba ang nangyari at nagkaroon ng ganitong patayan ‘no. Kasi naman sa batas na pangkarapatang pantao, hindi naman bawal na magpaputok ang mga alagad ng batas kung ang kanilang mga buhay ay mayroong banta ano. So, titingnan po ng imbestigasyon kung nagkaroon ng necessity at proportionality iyong pagpatay sa mga ‘di umano mga aktibista ‘no.
Ang sinasabi ko po “di umano” kasi nga posible rin naman na talagang rebelde iyang mga iyan pero lahat po iyan lalabas sa imbestigasyon at hintayin po muna natin iyong imbestigasyon bago tayo magkaroon ng conclusion.
TULFO: So, it will be—I mean, iyong kabilang panig pakikinggan din, Secretary ‘no, iyong mga kaanak, iyong mga testigo ng sa area na iyon nang mangyari iyong ‘ika nga raid, Secretary? Ipapatawag din sila?
SEC. ROQUE: Well, ang importante po talaga tingnan natin ang ebidensiya ‘no. Ang maganda po diyan, hindi lang naman testimonial ang titingnan natin, titingnan natin iyong mga physical evidence ‘no. Sabi kasi ng pulis may mga nanlaban ‘no, so kung mayroon talagang ebidensiyang nanlaban, kung mayroon ding mga putok na nanggaling doon sa mga napatay eh lahat po iyan eh malalaman natin in the course of the investigation lalung-lalo na iyong pagkalap ng pisikal na ebidensiya.
TULFO: Sir, nabasa ko ngayong umaga iyong mga representatives po ng United Nations Commission on Human Rights at human rights groups, heto na naman sila, at medyo napataas po ang kilay. Dapat daw talaga imbestigahan ang gobyerno kasi nga baka na naman ay isipin na naman ito po ay extrajudicial killings on the part of the government, Secretary Roque?
SEC. ROQUE: Well, alam ninyo po ang ating Secretary of Justice ay bumuo na ng AO 35 task force ‘no at ang hurisdiksiyon nito ay iimbestigahan lahat po ng mga tinatawag na extralegal killings dahil sa administrasyon po ni Presidente Duterte eh hinding-hindi po natin kinukonsinti ang ordinary murder ‘no. Sabi nga ni Presidente paulit-ulit na sa kapulisan at kasundaluhan, pumatay kayo o bumaril kayo kapag mayroong banta sa buhay ninyo pero kapag walang banta at kayo ay pumatay, iyan po ay murder at iyan po ay reresulta sa paglilitis sa krimen na murder.
TULFO: Sir, last two questions. Sinisisi po ng ilan—ano ho ang reaksiyon ninyo, na sinisisi ng ilan maging po ni VP iyong pahayag ng Pangulo doon sa NTF-ELCAC na sabi eh ubusin daw ang mga NPA, patayin. Eh baka ito raw ang nag-trigger, sir, sa mga awtoridad na maging marahas, Secretary? Ano po ang reaksiyon ninyo rito, sir?
SEC. ROQUE: Hindi po. Tama po ang sinabi ni Presidente na kapag mayroon pong labanan at mayroon naman po talagang giyera sa panig ng NPA at ng Republika ng Pilipinas eh talaga pong kapag mayroong giyera eh sakop ng—hindi po ipinagbabawal ang pagpatay dahil iyan po ay putukan sa isang giyera. Pero kapag wala pong labanan, eh hindi po pupuwedeng pumatay unless mayroon pong necessity and proportionality.
Dalawa kasing batas ang umiiral: Iyong International Humanitarian Law kapag mayroon pong labanan o sa panahon ng giyera at saka iyong domestic law – Revised Penal Code at saka Human Rights Law – kapag wala pong giyera.
TULFO: All right. Sir, kambyo tayo, dito po naman tayo sa COVID-19. Patuloy po ang pagtaas ng hawaan dito sa ating bayan partikular na po sa NCR. Marami hong nagtatanong at nangangamba na may posibilidad daw po ba na ibalik sa MECQ ang NCR at if ever when daw ho kaya kasi sabi ninyo ho kahapon ‘not yet,’ hindi naman ngayong Marso mangyayari iyan. So, patuloy po bang oobserbahan ng IATF itong pag-akyat ng bilang ng COVID-19 ‘ika nga hawaan, Secretary?
SEC. ROQUE: Ang babantayan po talaga natin, iyong kapasidad natin na magbigay ng medikal na atensyon doon sa mga seryosong magkakasakit. Kapag naubusan po tayo ng ICU beds, ng isolation beds, ng mga [garbled] magbabago ng klasipikasyon.
Pero sa ngayon po, napakadami pa po nating isolation beds, ng ICU beds. Ang available 65 hanggang 60% pa po ang available, so sa tingin ko po bagamat marami ang nagkakasakit inaasahan natin na 2 – 3% lang ang maoospital at sapat-sapat pa po ang ating mga kama para sa mga magkakasakit at wala pong dahilan para isarado natin muli ang ekonomiya dahil kapag isinarado po natin ang ekonomiya mas marami pong nagugutom.
TULFO: All right, malinaw po. Secretary Harry Roque, maraming salamat po, sir. Magandang umaga! Please stay safe and healthy!
SEC. ROQUE: Maraming salamat po. Magandang umaga po!
##
—
News and Information Bureau-Data Processing Center