ERWIN TULFO: Nasa kabilang telepono si Secretary Harry Roque, Presidential at IATF Spokesperson, may sakit din ho siya pero nagtatrabaho. Magandang umaga po Secretary Roque, sir!
SEC. ROQUE: Magandang umaga, Pareng Erwin. At magandang umaga, Pilipinas.
ERWIN TULFO: Kumusta na po kayo, sir? Kahapon kinumusta kita, pero kukumustahin kita. Parang asymptomatic ho kayo, parang wala kayong trace out na kayo ay tinamaan ng coronavirus, sir?
SEC. ROQUE: Well, nagpapasalamat po tayo sa Panginoon at tayo po ay asymptomatic, at iyan naman po iyong karanasan din ng ating mga kababayan, bagama’t marami po sa atin ang tatamaan ng COVID-19 eh karamihan naman po talaga ay mild and asymptomatic.
ERWIN TULFO: Alright. Sir, since napag-usapan natin itong asymptomatic, may report na po ba? Kasi parang ilang kababayan natin, sir, ang tumatawag sa amin sa tanggapan namin dito sa ACT-CIS Partylist office din pati sa Erwin Tulfo Action Center na kahit iyong mga non-COVID na patient po sila, ayaw silang tanggapin sa hospital dahil puno na raw ang hospital. Secretary, is this correct?
SEC. ROQUE: Well, mayroon po tayong tinatawag na One-Hospital Command Center ‘no, ang kanilang hotline po ay 09157777777 at sila ang magri-refer sa inyo kung saan ang pinakamalapit na hospital na pupuwedeng puntahan.
Totoo po hindi natin makakaila, dumadami po ang tao sa ating mga hospital ‘no pero sa pamamagitan po ng One Hospital Command Center, alam po natin kung saan dapat pumunta.
Kaya nga po ang suggestion ko, tumawag na po kayo nang hindi masayang ang inyong oras sa pagdating sa hospital ay hindi kayo maa-admit ‘no dahil ang One Hospital Command Center po, kada oras updated sila kung saan mayroong bakante at kung mapupuno po ang mga hospital dito sa Metro Manila. Kung kayo naman po ay mga taga-Quezon City, puwede rin kayong i-refer sa hospital sa Bulacan; malapit lang naman po sa Quezon City. At kung kayo po ay nandito naman sa Paranaque, Las Piñas area, pupuwede rin kayong ma-refer sa hospital sa Cavite o kung hindi naman kaya ay sa Laguna na malapit din sa inyong tirahan.
ERWIN TULFO: Kasama na po diyan iyong mga non-COVID? Kasi may mga tumatawag sa akin na kagaya ho itong mother-in-law niya, sir, ay diabetes ang sakit, namamanas na iyong mga paa, aba eh pagkatapos ayaw tanggapin, sabihan non-COVID naman daw ho. Sabi rin ng doktor ‘pero wala, pasensiya na at hindi ka ma-admit dahil wala na kaming kuwarto para sa iyo.’ So, puwede rin dito sa One Hospital Command Center?
SEC. ROQUE: Opo! Iyan po ang dahilan kaya mayroon tayong One Hospital Command Center. At, Pareng Erwin, lilinawin ko po no, hindi po totoo na na-o-overwhelm ng COVID cases. Ang katotohanan po diyan ay pinapakiusapan natin ang lahat ng hospital na sana iangat to 30% ang kanilang COVID capacity.
Pero marami pa rin po lalo na mga pribadong hospital, hindi nila magawa iyon kasi nga karamihan ng kaso nila ay non-COVID patients pa rin. So, sa mga pribadong hospital mga 20, 25% lang po ang kanilang COVID cases.
At kahapon nga po sa IATF meeting ‘no ay talagang sisiguraduhin natin at least iyong mga government hospital ay maglalaan ng at least 30% of their bed capacity para sa mga COVID patient. So kung non-COVID po kayo ay talaga naman pong tinatanggap pa kayo ng mga hospital kaya lang siguro nagkataon na iyong ER ay puno kaya hindi kayo ma-accommodate o talagang wala silang bed capacity ‘no at dahil karamihan ng kaso nila ay non-COVID.
Pero iyong One Hospital Command Center po updated iyan. So kung ayaw ninyong masayang ang panahon ninyo, tumawag na po muna kayo ng alam ninyo kung saan kayo pupuntang hospital.
ERWIN TULFO: Uulitin ko lang, Secretary, I’m writing it down – 09157777777, Secretary?
SEC. ROQUE: Yes, opo, 0915 tapos puro seven na.
ERWIN TULFO: Alright, another question, Secretary: si Secretary Mon Lopez kahapon ay pinasara po muli ang mga sinehan, arcade, pasyalan, driving school at iba pa dahil sa kumakalat na ‘ika nga itong COVID dito sa mga GCQ area, hindi lang naman daw sa Metro Manila, kung hindi sa mga GCQ areas, Secretary?
SEC. ROQUE: Totoo po iyan, iyan po ang aking ibabalita mamaya sa aking press briefing ‘no na kabahagi po iyan iyong tinatawag na Circuit Breaker approach eh isasara muna natin iyong mga industriya na binuksan natin noong Pebrero a-onse ‘no at ibabalik natin ang mga mass gathering to 30% at kasama na po diyan iyong mga simbahan, iyong mga religious gathering up to 30% na po muna tayo.
ERWIN TULFO: Alright, pati iyong mga restaurant Secretary 30% ulit?
SEC. ROQUE: Ang mga restaurant po back to 50% no, kasi pinayagan natin sila hanggang 70% pero ngayon po back to 50%.
ERWIN TULFO: Alright. Sir, papaano po iyong mga—speaking of restaurants and hotels, iyong mga staycation ng mga hotel, sir, pero ayaw magpapasok kasama ng mga parents na kasama ang kanilang mga anak para magpa-check-in o kumain eh hindi po muna pupuwede, Secretary?
SEC. ROQUE: Well, nililinaw po namin iyong pagbiyahe ng mga menor de edad, nagkaroon lang po ng konting kalituhan diyan pero point to point po pupuwedeng magbiyahe ang mga menor de edad basta kasama po ng mga magulang.
ERWIN TULFO: Ayon, alright. Last two question, Secretary, pasensiya na ho kayo ha. Ito hong sa League of Provinces of the Philippines, sa mga governor ho, sir, parang gusto na nilang maglagay, manghingi na ng mga result ng RT-PCR kasi nga maraming… they’re anticipating maraming magbabakasyon dahil daw sa Holy Week, ah gusto nila ire-require daw nila yata itong RT-PCR, Secretary. Was the IATF already informed about this?
SEC. ROQUE: Binigyan naman po namin talaga ng kapangyarihan ang mga lokal na pamahalaan na mag-require ng PCR kung gusto nila. Ang ginawa lang po natin uniform hindi na kinakailangan iyong PNP travel pass, hindi na kinakailangan iyong quarantine pero kung gusto po ng lokal na pamahalaan na destinasyon ay pupuwede pa rin po silang mag-require ng RT-PCR.
ERWIN TULFO: Panghuli na lamang, Sec., alam ko gusto ninyong magpahinga. OCTA Research po na hinihiling na kung puwede unahin ng bakunahan ang lahat ng mga taga-NCR para mapigilan daw po itong paglabas nitong COVID sa mga nearby provinces. Ano hong reaction ninyo dito?
SEC. ROQUE: Hindi na ho kinakailangan hilingin iyan ng OCTA kasi iyan po ay kabahagi na ng National Vaccination Deployment Plan. Ang uunahin lang po talaga ay health workers sa buong Pilipinas. Pero matapos po ang health workers, talagang tutukan iyong lugar na mga matataas ng COVID at kasama na po diyan ang Metro Manila, ang Metro Cebu at Metro Davao. Talagang iyon po ang nakaplano na matapos po iyong mga health workers ay tutukan na iyong mga senior citizens at saka iyong economic frontliners dito po sa Metro Manila, Cebu at sa Davao.
ERWIN TULFO: Secretary Harry Roque, maraming salamat po, sir. Get well soon and stay safe pa rin po, Secretary.
SEC. ROQUE: Maraming salamat po at magandang umaga po.
END
—
News and Information Bureau-Data Processing Center