USEC. IGNACIO: Magandang umaga, Pilipinas. Ngayong araw ng Huwebes, ika-13 ng Mayo, nakikiisa po tayo sa ating mga kapatid na Muslim sa kanila pong [garbled] buong mundo sa kanila [garbled] Eid’l Fitr ngayong araw [garbled]. Sa pagtatapos po ng Ramadan tungkol diyan, pista opisyal naman po sa ating bansa, tuluy-tuloy pa rin po ang aming pagsiserbisyo upang maihatid sa publiko ang mga napapanahong isyu ng bayan. Ako po ang inyong lingkod, Usec. Rocky Ignacio mula sa PCOO. Simulan na po natin ang talakayan dito sa Public Briefing #LagingHandaPH.
Maya-maya lamang po ay makakasama natin sa programa sina DILG Undersecretary Jonathan Malaya; Laguna Governor Ramil Hernandez; at Dr. Rogene Solante mula po sa DOST Vaccine Expert Panel.
Sa atin pong unang balita, nakarating na sa Pilipinas ang panibagong 15,000 doses ng Sputnik V kagabi. Ang component two o ang follow up dose ng naunang nai-deliver na na bakuna mula sa Gamaleya Institute ng Russia noong May 1. Ipapamahagi muli ito sa mga lungsod ng Taguig, Maynila, Muntinlupa, Makati at Parañaque.
At sa patuloy po na pagdating ng nga supply ng bakuna kontra-COVID-19, nanawagan naman po si Senator Bong Go sa mga kinauukulan na pabilisin ang pamamahagi nito sa ating mga kababayan. Hinikayat din ng Senador ang mga nasa priority list na agad nang magpabakuna upang maabot ng bansa ang herd immunity sa lalong madaling panahon. Narito po ang report:
[VTR]
USEC. IGNACIO: Bagaman bumababa na ang mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa, hindi naman nagpapakakampante ang pamahalaan – patuloy pa rin po ang paghuli ng mga lokal na pamahalaan sa mga lumalabag sa health protocols, ang pinakahuling balita tungkol diyan ay aalamin natin kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya. Good morning, Usec.!
DILG USEC. MALAYA: Yes. Magandang umaga, Usec. Rocky. At magandang umaga po sa lahat ng ating tagasubaybay.
USEC. IGNACIO: Usec., unahin na natin itong tanong ni Ryan Lesigues ng PTV. Ano raw po ang progress tungkol sa isang resort sa Caloocan City na nag-violate ng mass gathering dahil nag-operate kahit na ipinagbabawal pa sa ilalim ng MECQ? Nabalitaan po namin na kinasuhan na nga po ng Caloocan LGU ang pamunuan, ano po, ng nasabing resort. Pero bukod po roon, may iba pa po ba tayong kakasuhan at papatawan ng parusa gaya po ng barangay kapitan; at anong kaso po ang isasampa sa kanila?
DILG USEC. MALAYA: Opo, tama po iyan. Unang-una po, iyong ating kapitan, si Kapitan Romeo Rivera ng Barangay 171 District 2 ng Caloocan City ay nahaharap na po sa isang kasong administratibo for gross neglect of duty, acts prejudicial to the best interest of the service at ito pong mga kasong ito ay pending ngayon sa Sangguniang Panlungsod ng Lungsod ng Caloocan.
Kami rin po sa DILG, through Undersecretary Martin Diño, ay nakapagpalabas na ng isang show cause order laban kay Kapitan Rivera, at pinagpapaliwanag din po natin siya kung bakit nagkaroon ng ganoong mass gathering sa loob ng kaniyang nasasakupan. At kung hindi po makakapagliwanag nang maayos ang ating barangay captain ay magsasampa rin po kami ng kaukulang kaso sa Office of the Ombudsman.
Tungkol naman po doon sa may-ari at sa management ng Gubat sa Ciudad sa Caloocan ay nakapagsampa na po tayo ng kaso laban kay Rodolfo de Guzman, Jr., ang presidente; si Aleli Manzano de Guzman, ang general manager; at walo pang ibang parte ng management ng resort na ito. At sinampahan po natin sila ng kaso ng violation of RA 11332 at ng City Ordinance 0863 Series of 2021 ng Lungsod ng Caloocan. At ito pong kasong isinampa ng Lungsod ng Caloocan ay pending ngayon sa Department of Justice sa Office of the City Prosecutor ng Caloocan City.
Ngayon, ang LGU naman po ay pinasara na itong resort na ito at iyong business permit ay na-revoke na rin. At iyong atin naman pong pamunuan ng Philippine National Police ay tinanggal na rin sa puwesto ang Substation 9 Commander, si P/Major Harold Melgar, Substation 9 Commander ng Caloocan City Police Station kung saan siya po ay nakakasakop dito sa Gubat sa Ciudad.
So iyan po ang mga naging aksyon ng DILG, ng Caloocan LGU at ng Philippine National Police.
USEC. IGNACIO: Opo. Pero, Usec., totoo ba na hindi mahagilap ng LGU iyong may-ari ng resort at wala daw po bang DOT permit ang resort na ito?
DILG USEC. MALAYA: Well, inaalam pa po natin iyan mula sa local government unit. Hindi pa po kami nakakatanggap ng report na hindi nila mahagilap iyong may-ari. Just the same, alam naman po natin ang address nito at nakapagsampa na po tayo ng kaso laban sa kaniya, at kailangan niya pong harapin itong kasong ito. Kapag hindi niya po ito sinagot, magdidesisyon po ang piskal without his side. At kapag nangyari po iyan, masasampahan po siya ng kaso at baka po makapaglabas na ng warrant of arrest ang korte. Kaya mas maganda po kung sasagutin niya ang mga habla sa kaniya sa Office of the City Prosecutor.
USEC. IGNACIO: Opo. Tanong pa rin ni Ryan Lesigues ng PTV: Kumusta na po ang contact tracing sa mga nagpunta sa resort? Hindi ba tayo nahihirapan dahil ilan daw po ang hindi ma-trace ng awtoridad dahil walang contact number na ibinigay sa ibang guests sa contact tracing form?
DILG USEC. MALAYA: Tama po kayo, Usec. Mahirap nga po ang contact tracing dito sa sitwasyon na ito dahil marami pong kapabayaan ang management ng resort. In fact, hindi po kumpleto iyong mga impormasyon na nakalagay doon sa kanilang log book or sa mga guest stubs. Lumalabas po na 496 iyong guest stubs na inisyu nila at hindi naman natin alam kung lahat nga po talaga ng taong pumunta roon ay nag-fill up ng guest stubs.
At doon po sa 496 na iyon, 232 ang mayroon cellphone number ngunit hindi naman po makontak ang lahat ng cellphone number na ito. Doon po sa ating nakontak, lumalabas po na 180 ang taga-Caloocan, 11 ang taga-Bulacan, tatlo ang taga-Malabon, lima naman ay taga-Maynila, 26 ang taga-QC at pito ang Valenzuela.
Ngayon, ito nga po since iyong iba na-contact, iyong iba hindi, ang na-contact po natin is 108 lamang dito sa 496 guest tabs na ito. So, ito pong mga 108 na ito, 72 have already been swabbed with antigen testing at kahit po mahirap, Usec. Rocky, mayroon po tayong 70 contact tracers kasama na din po diyan ang DILG at itong mga contact tracers na ito ay nasa supervision ng Caloocan local government unit at sila po ngayon ang nagsasagawa ng paraan para ma-contact trace natin itong lahat ng mga pumunta nga doon sa Gubat sa Ciudad.
But I must admit, Usec. Rocky, na napakahirap po talaga nitong pagku-contact trace dahil nga po sa kapabayaan nitong resort na ito at tama lamang po na humarap siya sa patung-patong na kaso dahil sa numerous violations of IATF regulations at kahit po iyong mga ordinansa ng local government unit.
USEC. IGNACIO: Opo. Usec., doon po sa mga na-test ninyo ng antigen may nag-positive po ba? At siyempre, ano po ang pakiusap ninyo dito sa taumbayan na ito na nagpunta sa resort kasi baka po natatakot din na lumitaw? So, ano po ang pakiusap sa kanila ng DILG?
DILG USEC. MALAYA: Well, wala naman pong kailangang ikatakot ‘no. In fact, doon po sa mga na-swab na natin [choppy a/v]—
DILG USEC. MALAYA: Yes. Wala pa pong report sa amin ang local government unit kung may nag-positive dito sa mga pumunta, mga na-contact natin na pumunta sa resort. At ang pakiusap po natin sa ating mga kababayan, although pababa na po ang numero ng COVID cases sa NCR Plus area at sa buong bansa, I think iyong surge po natin has taught us a very valuable lesson na hindi po tayo puwedeng magpakampante kasi hindi po natin kakayanin kung mangyayari po iyong nangyari sa India. We must be vigilant not be complacent at hangga’t hindi po natin naaabot iyong herd immunity, kaunting sakripisyo lang po, sumunod po tayo sa mga pamantayan na ipinapalabas ng ating pamahalaan.
USEC. IGNACIO: Usec., kasi ang sinasabi natin baka karamihan sa mga nagpunta doon sa resort eh noong mabalitaan ito sa radyo, sa TV, sa diyaryo eh natakot lumitaw. Baka kasi sabihin eh pati sila ay makasuhan din talaga. So, ano po ang pakiusap ninyo, pakiusap ng DILG sa kanila?
DILG USEC. MALAYA: Yes. Ang ginagawa po nating contact tracing ay para din sa inyong kapakanan. Gusto lang po naming ma-contact trace kayo at ma-test iyong mga may sintomas. Iyon lamang po naman ang gusto nating mangyari, so, sana po ay makipag-ugnayan tayo, tumugon po tayo sa panawagan ng Caloocan local government unit. At doon naman po sa mga hindi taga-Caloocan, iyong inyo pong mga datos ay ibinigay na sa mga LGUs na na-trace natin na taga-doon kayo, kailangan din po kayong tumugon sa panawagan naman ng inyong LGU dahil ito po naman ay para sa kapakanan hindi ninyo lamang, kapakanan din ito ng inyong pamilya.
USEC. IGNACIO: Opo. Idugtong ko na rin iyong tanong ng kasamahan natin mula po sa SMNI News na si Cresilyn Catarong: Ano na raw po ang update na ng contact tracing efforts ng bansa? Maituturing pa rin po ba itong weakest link sa COVID-19 response o may improvement na po? At update daw po sa na-hire na karagdagang contact tracers?
DILG USEC. MALAYA: Opo. Kami po sa DILG have never believed na ang ating contact tracing is the weakest link. Actually, we disagree. In fact, doon po sa ating PDITR strategy which is Prevent, Detect, Isolate, Trace, and Rehabilitate/Reintegrate, ang sa tingin ko po ang pinaka-weakest link natin is iyong ating Prevent/Prevention. Kaya nga po tayo nanghuhuli ng mga kababayan nating hindi sumusunod sa mga minimum health standards dahil nandoon po ang maraming violations.
Dito po sa Detect na kasama nga po ang Tracing ay we are in a good position. The DILG po is constantly improving and adding to the contact tracing capacity of our local government units. in fact, iyon pong mga bago nating contact tracers from DOLE, na pinupondohan ng DOLE which is 5,754, karamihan po nito ay natapos na ang training at naka-deploy na po sa iba’t-ibang mga local government units.
So, this is an addition, Usec., doon sa 15,000 na DILG contact tracers which we hired in January of which 2,831 were deployed in the National Capital Region. At dahil nga po doon sa surge, nagkaroon tayo ng additional 802 na mga PNP and Bureau of Fire Protection personnel noong Marso at nakapagdagdag din po ang MMDA ng mga karagdagang contact tracers – 300, noong Marso rin po iyan.
And then as I said kanina, we have 5,754 new contact tracers from the DOLE TUPAD at lahat po ito ay dineploy na natin sa mga LGU dahil ang LGU po talaga ang nagpapatakbo ng contact tracing program sa field.
So, I would disagree na iyong sinasabi that contact tracing is our weakest link. If we are to look for a weakest link, it would be prevention. And prevention po, we need the cooperation of everyone to use face mask and face shield, to practice social distancing, and to follow all quarantine protocols set by the Department of Health.
USEC. IGNACIO: Opo. Usec., base nga sa direktiba ni Pangulong Duterte ay hinuhuli iyong mga hindi nagsusuot ng face mask. Base po sa figures na ibinahagi ni Secretary Año kay Presidente noong Lunes, may pinatawan lang po ng warning, may pinagmulta at may natuloy sa inquest proceedings. So, paano po umabot sa ganoon iyong mga ilang violators?
DILG USEC. MALAYA: Opo. Ang DILG nga po at ang Philippine National Police ay amin nang ipinapatupad ang naging direktiba ng ating Pangulo na hulihin. So, ang term po nito, Usec., is apprehend. So, ang ibig pong sabihin kapag may nakita po ang ating kapulisan o mga force multipliers kagaya ng mga department of public safety ng bawat LGU, kapag may nakita pong violation, hindi nagsusuot nang tama ng face mask or face shield, they will be apprehended. Ibig sabihin, sisitahin po sila and kapag sinita po sila at sumunod naman kaagad, wala po tayong problema ngunit if they will defy iyong instruction coming from police authorities, baka po mauwi sa aresto.
So, ang atin pong ini-implement dito, Usec., is iyong ordinansa lamang ng local government unit. Ngayon, iyong iba po wina-warning-an lang natin kasi iyan po ang nakalagay sa ordinansa ‘no. Iyong iba naman pina-file natin so it’s possible na puwede po kayong ma-apprehend for not wearing your face mask and face shield, dadalhin po kayo sa barangay o kaya naman sa presinto ngunit kayo po ay ipa-fine lamang o iwa-warn lamang at kayo po ay iri-release kaagad. Hindi naman po lahat ay nauuwi sa arrest. Kaya nga po ganoon ang naging datos, Usec., ng ini-report ni Secretary Año na pangkalahatan. Karamihan ay winarningan at pinag-fine lamang at iyon lamang mag-defy or resisting or hindi po gumagalang sa ating mga kapulisan, sila lamang po ang ating inaaresto at sila lamang po ang nauuwi sa inquest proceedings.
USEC. IGNACIO: Opo. Pero ayon sa PNP, tama ba ito, na bukod daw po sa huhulihin ay idi-detain hanggang 12 oras iyong mga mahuhuli sa mga barangay? Wala po bang nalalabag na batas dito? Kung matatandaan ninyo, Usec., alam ninyo naman naging mainit na usapin itong parusa sa mga quarantine violators ano po na dapat ay community service na lamang ayon daw po sa DOJ?
DILG USEC. MALAYA: Opo. Posible rin po Usec. na sila ay ma-detain sa isang holding area. Kaya nga po ang panawagan po ni Secretary Año sa mga local government units at sa ating mga kapulisan ay magtalaga ng mga holding area na maluluwag ‘no, hindi necessarily iyong detention cell but holding area na maluluwag sa labas ng mga presinto para doon po ma-detain ‘no iyong ilan sa mga nahuhuli natin.
Ngunit ayon po sa batas Usec., they may only be detained up to 12 hours and kung wala pong isasampang kaso, after 12 hours ay kailangan na po silang ma-release. Wala naman pong nilalabag sa batas iyan, actually iyan po ang probisyon ng batas that detention can only be for 12 hours, after which they have to be released.
USEC. IGNACIO: Tanong naman po ni Naomi Tiburcio ng PTV: Ano po ang paalala ng DILG sa mga magtitipon ngayon sa selebrasyon ng Eid’l Fitr? Ilang percent po ang maaring magsama-sama sa mga mosque sa loob ng NCR?
DILG USEC. MALAYA: Well the same policy po naman ‘no applies in the MECQ area ‘no. Kaya nga po nagpalabas na po ng advisory ang National Commission on Muslim Filipinos na wala po munang mass gathering ang ating mga kababayan kahit anuman pong relihiyon sa panahon po ng MECQ dahil nga po gusto po nating ma-control ang pagkalat ng COVID-19.
So kung ano po iyong polisiya Usec. that applies to religious services of Christians will also apply to all other religions kasama na rin po ang ating mga kapatid na Muslim.
USEC. IGNACIO: Saan naman daw po puwedeng magsumbong ang ating mga kababayan kapag nakakakita po sila ng mass gathering at tila hindi ito sinasawata ng mga awtoridad?
DILG USEC. MALAYA: Well Usec. napakaganda po iyong nangyari ‘no doon sa Gubat sa Siyudad dahil ang nangyari po doon, mismong ang ating mga kababayan ang nagsumbong sa ating kapulisan, nagsumbong sa local government unit at nagsumbong po sa mga awtoridad natin.
So ganoon lang po ang atin pong gawin, kumuha po tayo ng picture nitong mass gathering na ito at ipaalam po natin sa pinakamalapit na PNP police station para po maaksiyunan po kaagad; at of course puwede rin po sa local government unit.
Ang Joint Task Force COVID Shield ay mayroon din pong Facebook page, kunan ninyo po ng picture iyong mass gathering at i-post ninyo po doon para maaksiyunan din po ng ating mga kapulisan.
USEC. IGNACIO: Opo. Tanong naman ni Jet Hilario ng DZEC Radyo Agila: Ano po ang aksiyon na gagawin ng DILG sa mga local chief executives na hindi napagtuunan ng pansin na mabigyan ng tulong ang mga nasa barangay level?
DILG USEC. MALAYA: Well medyo general po ang tanong, Usec. ‘no, mahirap po sagutin ‘no kasi anong klaseng tulong po ang hinihingi ‘no sa lebel ng barangay. Baka naman po hindi kaya na ibigay ng barangay iyong tulong na hinihingi at baka po sa lebel naman ng local government unit. Para po masagot ko nang mas maayos, kailangan ko lang po nang mas madami pang detalye.
USEC. IGNACIO: Opo. Tanong pa rin po ni Jet Hilario: Ano po ang gagawin sa mga opisyal ng LGU na umano’y minamanipula or kung may magsusumbong na kasabwat ang city at municipal treasurer’s office at mayor’s office, ang listahan lahat daw na dapat bigyan ng financial aid?
DILG USEC. MALAYA: Ah, okay. Kung ang sinasabi po ay may ‘di umano anomalya sa listahan ng financial aid or ayuda ‘no, kung ito man ay responsibilidad ng barangay o kaya naman ng city treasurer or city social welfare development office, puwede pong isumbong iyan doon sa ating mga Joint Monitoring and Inspection Committee.
Ang atin pong Joint Monitoring and Inspection Committee, iyan po ay organisado bawat local government unit at ang chairman po niyan ay ang DILG Director or DILG City or Municipal Local Government Operations Officer as the case may be. Kasama po sa komiteng iyan ang DSWD, ang Chief of Police at ang Department of Justice through the city or provincial prosecutor.
So kung mayroon po tayong reklamo laban sa local government unit tungkol sa anumang anomalya sa pamimigay ng ayuda, sa JMIC po tayo magtungo at sila po ang may karapatang mag-imbestiga at mag-file nang kaukulang kaso laban sa mga public officials na ito.
USEC. IGNACIO: Opo. Usec., panghuli na lang. Kasi mayroong nagsasabi na medyo mabagal daw po iyong rollout o iyong vaccination program ng ilang LGU. Kayo po ba ay may ginagawang hakbang para dito para matulungan din po iyong ating ilang kababayan na talagang makapagpabakuna na?
DILG USEC. MALAYA: Well Usec., the vaccination could be faster ‘no but it all depends upon the supply. Kung makikita naman po natin ‘pag dumating po ang bakuna at araw-araw naman po—actually parang araw-araw may dumarating na bago ‘no – nandiyan na iyong Pfizer, nandiyan na iyong additional AstraZeneca, nandiyan iyong milyung-milyong Sinovac ‘no. Hindi po iyan natutulog sa mga storage, iyan po ay ipinapadala kaagad-agad ng Department of Health at pinapadala na sa ating mga LGUs at sa mga provincial and city hospitals para po maibakuna na sa ating kababayan.
Ngayon nag-a-average po tayo Usec. nang 60 to 70 thousand jabs per day ‘no and we intend to stretch our capacity para makapag-administer po tayo ng 2.7 million doses from now until the end of June. So ang atin pong target is 3 to 4 million jabs or inoculations in June dahil lumampas na nga po tayo sa 2 million ngayon.
The vaccine cluster is now undergoing simulation exercises para po magkaroon tayo ng 120,000 jabs per day sa June at para po magawa natin ito ay kailangan po natin ng kooperasyon ng lahat ‘no and ang mga local government units – nakikita naman po natin Usec. ‘no, araw-araw ang daming nagpapa-picture at pinu-post sa Facebook – ang dami na pong nababakunahan sa ating mga kababayan.
So maganda na po sa tingin namin, sa DILG, ang ating ginagawang vaccination program and as more supplies arrive, the more we will increase our vaccination sites, the more we will increase the personnel and the more capacity we will add to the system. Matagal na pong pinaghandaan ito ng ating mga local government units hindi lamang po dito sa Metro Manila kundi sa buong bansa.
Ngunit sa probinsya po, mayroon pa rin po tayong vaccine hesitancy ‘no, although bumaba na po ang ating vaccine hesitancy nationwide, mayroon pa rin po sa mga probinsya. Kaya kami po ay humihingi ng tulong sa ating mga LGUs na magsagawa po sila nang karagdagang demand generation activities. Ano po iyong mga ito? Mga town hall meetings, mga pagpapaliwanag utilizing medical experts para po ipaliwanag especially po sa mga matatanda na since sila naman ang priority, magpabakuna na po sila.
Sa mga probinsya po kasi hindi po ganoon kabilis ang ating vaccination precisely because of the vaccine hesitancy in the provinces. But dito po sa Metro Manila, lumakas na po ang ating vaccine demand among the population. Kaya nga po as I mentioned kanina, we intend to stretch the capacity of the national government and the local government to be able to administer 2.7 million doses from now until the end of June and then we will slowly increase that capacity as more supplies come along.
So we are very confident po that we will be able to meet all of these targets with the cooperation of the public and through the leadership of our Vaccine Czar, Secretary Galvez.
USEC. IGNACIO: Okay. Maraming salamat po sa inyong oras, DILG Undersecretary Jonathan Malaya.
DILG USEC. MALAYA: Maraming salamat po, Usec. Mabuhay po kayo.
USEC. IGNACIO: Ilang araw bago magtapos ang ipinatutupad na MECQ, base po sa OCTA Research, kumpara sa ibang mga lugar sa NCR Plus hindi pa rin stable ang lalawigan ng Laguna pagdating sa mga naitatalang kaso ng COVID-19. Upang kumustahin ang sitwasyon sa probinsiya makakausap po natin si Laguna Governor Ramil Hernandez. Good morning po, Gov.
GOV. HERNANDEZ: Good morning po sa inyo at sa lahat po ng tagapakinig.
USEC. IGNACIO: Opo. Gov., ano po ba ang paliwanag sa naging obserbasyon ng OCTA Research na hindi pa rin daw po diumano nag-i-stable ang mga naitatalang kaso sa inyong probinsya, lalo sa Calamba City?
GOV. HERNANDEZ: Tama po. Tayo po naman ay nag-i-implement ng mga dapat i-implement na mga kautusan, may mga inilabas na rin po akong mga executive orders. Pero despite of that, medyo mataas pa rin po tayo dito po sa lalawigan ng Laguna.
USEC. IGNACIO: Opo. Governor, kung sakaling Laguna na lang po ang maiiwan sa MECQ pagdating ng May 15, mula sa original na NCR Plus areas, kayo po ba ay pabor dito?
GOV. HERNANDEZ: Kung ano po iyong kinakailangan bakit naman po tayo mag-o-object, mahirap naman po iyong ayaw nating tumanggap ng reyalidad. Tanggapin po natin kung ano iyong reyalidad para sa ganoon huwag na pong masyadong lumala ang sitwasyon. Sa kasalukuyan po, ikalawa kami sa may pinakamataas dito po sa ating Metro Manila, iyong sakop po ng bubble.
USEC. IGNACIO: Opo. So far kumusta po iyong assessment ninyo sa mga isinasagawa naman pong vaccination rollout diyan sa Laguna. May sariling paraan po ba kayo para mas mapabilis ang pamamahagi ng bakuna?
GOV. HERNANDEZ: Siyempre dumidepende lang kami kung ano po iyong dumarating na supplies. At sa ngayon po, bagama’t may mga dumarating ay kulang na kulang po, kaya hindi po tayo makapag-mass vaccination talaga na puwede nating tawagin, kasi talagang mabagal po ang dating po ng supplies.
USEC. IGNACIO: Governor, sa usapin naman po ng pamamahagi ng ayuda, base po sa DILG ay nangunguna raw po kayo ng pinakamarami ng munisipalidad na natapos nang mamahagi ng ayuda. So, ano daw po iyong naging strategy ninyo para mas mapabilis ang distribution at sa ngayon po ilang bayan na lang po ang natitirang namamahagi kayo ng financial assistance?
GOV. HERNANDEZ: Tama po. Tayo po naman sa provincial government, tayo po ang naatasang mag-monitor po niyan, mag-supervise po niyan at sa atin pong pagmu-monitor, mabilis pong nakapamahagi ang atin pong mga LGUs. Siyempre atin pong kinikilala ang effort po ng mga bawat isa, ng mga LGUs, pati nag mga mayors at ang atin pong mga frontliners pagdating po sa pagdi-distribute po niyan. At bukod po diyan sa assistance na galing po sa national government, may mga ayuda o relief goods din po na halos kasabay pong naipamigay na galing po sa provincial government na pondo po namin.
USEC. IGNACIO: Governor, nitong linggo ay naiulat nga po iyong pagbubukas ng isang resort sa Caloocan City kahit na ipinagbabawal sa ilalim ng MECQ. Nagbanta na rin po ang DILG na kakasuhan nga po o kinasuhan na nga po iyong mga local executives na hindi maipapatupad nang maayos iyong pagbabawal sa mass gathering. So sa inyo po paano po ninyo sinisiguro na talagang wala pong makakalusot na ganitong uri ng paglabag sa inyo pong nasasakupan lalo na at kilala po ang lalawigan bilang summer getaway po ng mga Pilipino?
GOV. HERNANDEZ: So, ang unang-unang nagmu-monitor po niyan ay iyon pong mga barangay natin, since sila po iyong nasa ground at siyempre ang atin pong mga LGUs, mga munisipyo, mga city officials po natin may kaniya-kaniya din po silang ginagawang paraan para po ma-monitor po niyan. At tama po kayo, napakadami pong resorts dito sa Laguna na sa ngayon po ay hindi pa po talaga makapag-operate. Mayroon nga pong ilang diyan na nahuli, pero hindi po natin talaga tinolerate, talagang sa pamamagitan po ng mga enforcer po natin ay atin pong talagang ipinatigil.
USEC. IGNACIO: Governor, kayo po ba ay may nais pang sabihin sa ating mga kababayan diyan sa Laguna?
GOV. HERNANDEZ: Nananawagan po ako sa mga kababayan po natin sa Laguna, huwag po nating iaasa lahat sa otoridad ang ating kapalaran, ang magiging resulta ng pagtaas o pagbaba ng atin pong cases. Nasa atin pong mga kamay iyan, kahit po gaano kaganda o ka-epektibo ng guidelines na inilalabas po namin, ng paalala, lahat po ng klase ng ini-implement kung walang coordination po ang public ay hindi po talaga natin mapapababa iyan. Nauobserbahan ko po, marami po tayong mga kababayan na tamad nang sumunod sa protocol ano po at sumusunod lang kapag may nakakakita. Ay hindi po pupuwede iyon, kailangan pong kung may nakakakita man o wala, kung may pulis man, kung may barangay man o wala, pareho po, pareho po iisa po dapat ang pag-iingat na ginagawa dahil para po iyon sa sarili natin at para sa ating pamilya.
USEC. IGNACIO: Okay. Kami po ay nagpapasalamat sa inyong panahon at oras, Laguna Governor Ramil Hernandez. Kami po ay umaasa na talagang bababa ang bilang ng COVID-19 sa Laguna. Salamat po sa inyong oras.
GOV. HERNANDEZ: Maraming salamat din po sa inyo. Mabuhay po kayo.
USEC. IGNACIO: Sa iba pang balita, walang patid po ang pag-iikot ng Team ni Senator Bong Go upang mamahagi ng tulong sa mga kababayan nating may kinakaharap na pagsubok. Kamakailan lang, mga pamilyang biktima ng sunog sa ilang lungsod sa Metro Manila ang hinatiran ng tulong ng kaniyang opisina at iba pang tanggapan ng pamahalaan. Narito po ang detalye
[NEWS REPORT]
USEC. IGNACIO: Samantala, narito naman po ang pinakahuling datos ng COVID-19 cases sa buong bansa. Base po sa report ng Department of Health kahapon, May 12, 2021 umabot na po sa 1,118,359 ang total number of confirmed cases matapos makapagtala ng 4,842 na mga bagong kaso; 94 na katao ang mga bagong nasawi kaya umabot na po sa 18,714 ang total COVID-19 deaths. Ang mga kababayan naman natin na gumaling na sa sakit ay nasa 1,046,431 matapos pong makapagtala ng 8,312 new recoveries kahapon. Ang total active cases sa kasalukuyan ay bahagyang bumaba sa 53, 214.
Samantala, mahalaga pong may alam tayo sa mga impormasyon tungkol sa bakunang tatanggapin natin panlaban sa COVID-19. Dahil ito po iyong magiging sandata para po tayo ay makabalik sa normal na pamumuhay. Iyan naman po ang sentro ng ating talakayan dito sa check FAQs.
Ngayong araw ay atin pong pag-uusapan ang bakuna ng Bharat Biotech ng Covaxin at Pfizer vaccine na dumating sa bansa nito lamang Lunes. Makakasama po natin si Dr. Rontgene Solante mula po sa DOST Vaccine Experts Panel, para bigyan po tayo ng mga detalye sa mga bakunang ito. Welcome back po, Doc.
DR. SOLANTE:Good morning Usec. Rocky.
USEC. IGNACIO: Opo. Doc, ilang bansa na po ang nagbigay ng EUA para sa Bharat Biotech at Pfizer?
DR. SOLANTE:Okay. Unahin natin iyong sa Pfizer kasi sila iyong unang—sa mga bakuna sila iyong unang gumawa ng Phase 2 trial at medyo… pang-seven to eight month ang ginanap nila ngayon sa Phase 3 trial. So far there are already 85 countries na nabigyan siya ng EUA approvals. So medyo mataas-taas na talaga ang gamit nitong Pfizer vaccine.
While itong isa naman iyong Covaxin which Bharat Biotech made in India, katatapos lang nila iyong interim data nila sa Phase 3 na ginaganap doon sa India. And as of now including the Philippines there are already 9 countries that gave approval for EUA sa Bharat Biotech vaccine.
USEC. IGNACIO: Opo. Pero Doc, meron na bang EUA approval ng Philippine FDA ang Bharat Biotech at Pfizer?
DR. SOLANTE:Yes. Kung natatandaan natin ang Pfizer ang unang bakuna na nabigyan ng EUA noong January tapos sumunod nito iyong … last month lang nabigyan din ng EUA ang Bharat BiotechCovaxin.
USEC. IGNACIO: Opo. Para lang malinaw Doc., ilan dose daw po ang kailangan talaga para sa mga bakuna na ito at ilang araw din po ang pagitan bago ibibigay iyong pangalawang bakuna?
DR. SOLANTE:Okay. So unahin natin iyong Pfizer ‘no, it is an mRNA vaccine. So ang indikasyon nito is 16 years old and above. So, naiba ito sa mga ibang bakuna wherein the indication is 18 year old and above. Now maliban doon sa 16 years old and above isa sa pinakamaganda sa efficacy data nila iyong 95% in the prevention of COVID and 94% sa mga prevention of COVID in 65 years old and above at saka 90% in the prevention of severe COVID and hospitalization.
Now sa kabilang bakuna naman, itong Covaxin since katatapos lang nila ng interim data nila Phase 3, ang information natin regarding the efficacy, iyong lang ang 80% prevention of symptomatic COVID sa Covaxin.
USEC. IGNACIO: Opo. Pero Doc., ano po daw iyong mga common adverse events na nari-report tungkol sa mga bakuna na ito?
DR. SOLANTE:Okay. So unahin natin iyong sa Pfizer vaccine, so both in the interim data nila sa Phase 3 at saka sa actual roll out, ang pinaka most common trend ‘no 20 to 30% of those na nabakunahan talagang meron silang injection site pain.
So, ibig sabihin kung saan itinuturok iyong bakuna may kasakitan after the injection tapos minsan namamaga at namumula. For the systematic reaction ang pinaka-most common is yung parang nangangalay ang katawan, parang pagod the next day. There are those also complained na parang nilalagnat ‘no; and all of these adverse reaction, both local and systemic, nawawala within three days.
Doon naman sa Covaxin, medyo magkahawig lang din ang adverse reaction. Pag being inactivated virus vaccine, alam naman natin kagaya ng influenza or iyong pneumococcal vaccine, mas less ang side effect nito or adverse event ‘no. Pero ang pinaka-common pa rin is iyong pananakit sa site kung saan binabakunahan at iyong pamamaga sa area ng binabakunahan at saka iyong nanghihina ng katawan, masakit iyong ang kalamnan and minsan iyong low grade fever na naranasan ng ibang pasyente.
USEC. IGNACIO: Opo. Doc, meron daw pong contraindication ang dalawang nasabing bakuna?
DR. SOLANTE:So far, ang nakikita natin ngayon walang contraindication na—kung ia-identify natin iyong priority list noong government natin, walang kontra indication.
Ang pinaka-important na contraindication lang talaga kapag nabakunahan ka ng Pfizer at saka Covaxin, iyong first dose pag nag-develop ka ng severe anaphylactic allergic reaction dapat hindi ka na makakatanggap ng pangalawang bakuna sa same platform para hindi maulit iyong severe anaphylactic reaction.
So ang ibig kong sabihin, even elderly, may mga comorbidities sila ang may mataas ang risk ng COVID-19, kailangan pa rin bakunahan at safe at ligtas itong mga bakuna na ito including those iyong may mga kapansanan, mga immunocompromised individual.
USEC. IGNACIO: Opo. Doc, masasabi ninyo po ba na mas maganda ang isang brand na bakuna kung ikukumpara sa ibang bakuna, kasi palagi pong tinatanong iyan ng ating mga kababayan Doc?
DR. SOLANTE:Well, at this point kung ikukumpara natin iyong high efficacy and iyong medium rate efficacy mas talagang may advantage ang high efficacy rate base doon sa mga nakikita natin sa mga roll out ngayon dahil mas mataas ang kumpiyansa natin in terms of protection against getting the infections at the same time iyong severe na COVID.
Pero Usec. Rocky, pag ganito ang magiging objective na natin dito, observation, even if you have a high efficacy vaccine pero konti lang ang magpabakuna, walang mangyayari sa population natin, hindi tayo makakakuha ng herd immunity.
Now if you have a medium rate efficacy pero lahat naman tayo magbakuna, so mas mataas pa rin ang rate na makukuha natin in terms of overall protection especially iyong tinatawag natin na herd immunity maski medium rate lang iyong efficacy niya.
Kaya ang punto natin dito is kapag ini-offer iyong bakuna and we are part of those high-risk kailangan siguro tanggapin natin ang bakuna dahil ito lang iyong paraan para ma-lessen natin ang transmission at napaka-importante iyong protection especially against severe COVID.
USEC. IGNACIO: Opo. Doc, kunin ko na lang iyong mensahe dito sa ating mga kababayan na patuloy pa ring nag-iisip kung sila daw po ay magpapabakuna pa rin.
DR. SOLANTE: Okay.So sa mga kababayan natin palagi natin ire-remind at this time, at this point of the pandemic, nakikita na natin kung gaano kabangis itong virus, maraming namamatay, siguro mayroon din kayong mga nakikilala ‘no.
Napaka-importante sa panahong ito na kung mababakunahan tayo, kung darating iyong mga bakuna at i-offer sa inyo sana hindi kayo mag-isip ng malalim kung kailangan ninyong tanggapin ninyo o hindi dahil walang talo dito kung mabakunahan kayo. Mas matatalo tayo kung hindi tayo magpabakuna.
Kung meron tayong haka-haka, agam-agam sa mga side effect or adverse reaction alam naman natin na meron tayong constant monitoring. Pero at this point ‘no, wala tayong nakikitang dahilan na kagaya ng death na related sa bakuna or namamatay dahil bakuna na nakikita natin sa ibang bansa.
So, napaka-importante ang bakuna at sana tayong lahat ay mabakunahan especially for those high risk of getting the COVID infection.
USEC. IGNACIO: Okay. Kami po ay nagpapasalamat sa inyong oras at impormasyon na ibinigay sa amin Dr. Rontgene Solante, stay safe po doc.
DR. SOLANTE:Salamat Usec. Rocky.
USEC. IGNACIO: Lubos naman po ang pasasalamat ng ating mga kababayan sa North Cotabato ng matulungan sila ng kabubukas pa lamang na Malasakit Center sa probinsiya. Sa kabuuan, umabot na po sa isandaan at sampung Malasakit Center ang patuloy na umaagapay sa mga gastusing medikal ng mga nangangailangan nating mga kababayan mula po sa iba’t-ibang bahagi ng bansa. Narito po ang report:
[NEWS REPORT]
USEC. IGNACIO: Mula naman po sa PTV-Cordillera, may ulat si Breves Bulsao.
Okay, babalikan po natin siya. Balita muna sa Cebu ihahatid sa atin ni John Aroa. John?
[NEWS REPORT]
USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo, John Aroa.
Balikan natin si Breves Bulsao mula sa PTV-Cordillera. Breves?
[NEWS REPORT]
USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo, Breves Bulsao.
At iyan po ang mga balitang aming nakalap.
Ang Public Briefing po ay hatid sa inyo ng iba’t ibang sangay ng PCOO sa pakikipagtulungan ng Department of Health at kaisa ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas o KBP.
Mga kababayan mahigpit po naming pinapa-alala: Iwasan po muna ang mass gathering upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19. Bukod po sa posibleng makakuha tayo ng sakit, maaari pa tayong mahuli at mapagmulta.
Muli ako po si Usec. Rocky Ignacio, magkita-kita muli tayo bukas dito lamang sa Public Briefing #LagingHandaPH.
###
—
SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)