Press Briefing

Public Briefing #LagingHandaPH hosted by Presidential Communications Operations Office Undersecretary Rocky Ignacio


Event Public Briefing #LagingHandaPH
Location People’s Television Network, Inc. (PTV), Quezon City

USEC. IGNACIO: Magandang umaga Pilipinas. Ngayong ika-11 ng Hunyo, muli naming ihahatid sa inyo ang mga balita at impormasyon na mahalagang mapag-usapan at malaman ng taong bayan at makakasama pa rin natin sa isang oras na talakayan ang mga panauhin mula sa iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan.

Ako po ang inyong lingkod, Usec. Rocky Ignacio mula sa PCOO, simulan na po natin ang Public Briefing #LagingHandaPH.

Makakausap po natin ngayong umaga sina Secretary Ramon Lopez ng Department of Trade and Industry; Dr. Maria Carmela Kasala ng Philippine Pediatric Society; at si Pag-IBIG Fund President and CEO Acmad Rizaldy Moti.

Kung kayo po ay may mensahe o tanong sa kanila mag comment lamang po sa live streaming ng aming programa sa PTV Facebook at YouTube accounts.

Dumiretso po muna tayo sa mahalagang anunsiyo mula sa IATF; narito po si IATF at Presidential Spokesperson Harry Roque.

SEC. HARRY ROQUE: Balitang IATF po tayo: Nagpulong ang inyong IATF kahapon Huwebes, June 10 kung saan pinayagan ang pagbubukas ng gyms at fitness studios at iba pang indoor non-contact sport venues tulad ng skating rinks at track sport courts sa National Capital Region plus areas at 30% venue capacity.

Kailangan ang mga gyms at ng binanggit kong venues ng Safety Seal Certification bago sila makapagbukas.

Ulitin ko po: Hindi po ibig sabihin bukas, bukas na ang gyms, kinakailangan kumuha muna sila ng Safety Seal Certification galing po iyan sa DTI at DOH bago sila makapagbukas.

Pinayagan na rin magbukas ang historical sites at museum sa National Capital Region plus areas at 30% venue capacity, kailangan nilang sumunod sa health at city protocols. Kailangan din ang pagsang-ayon ng local government units kung saan naroon ang mga sites na ito; ngunit bawal pa rin po ang guided tours sa historical sites at museum.

Pinayagan din ng inyong IATF na lumabas na ang mga fully vaccinated senior citizens sa mga lugar na nasa General Community Quarantine at Modified General Community Quarantine. Puwede ng lumabas si lolo’t lola, subject ito sa mga kondisyon tulad ng presentation ng duly issued COVID-19 vaccination card at pagsunod sa minimum public health standard. Kaya mga lolo, lola kung naiinip na sa bahay magpabakuna na po tayo.

Ipinagbabawal pa rin po sa mga fully vaccinated senior citizens ang inter-zonal travel maliban sa nauna ng pinayagang point to point inter-zonal travel.

Speaking of fully vaccinated individuals, inamyendahan ng inyong IATF ang guidelines ng inbound international travel to any point of the Philippines of all fully vaccinated individuals who have been vaccinated in the Philippines lamang po na nakasaad sa IATF Resolution Number 119.

Una, nilagyan po ng date of effectivity ang nasabing guideline which is June 16, 2021; pangalawa, nilinaw ng IATF na kailangang dala o hawak ng isang fully vaccinated individuals ang kanyang vaccination card na kailangang ma-verify bago siya umalis ng bansa at bago ang kanyang boarding, kailangan din mabigyan siya ng certification bago ang kanyang departure.

Ang certification na ito ay manggagaling sa Department of Information and Communication Technology o sa City Health Officer ng local government unit na nag-administer ng last dose para sa kanyang full vaccination.

Iyan po ang latest sa inyong IATF, magandang araw po sa inyong lahat.

USEC. IGNACIO: Samantala, Sen. Bong Go suportado ang ideyang pagbibigay ng insentibo sa mga magpapabakuna para mawala ang kanilang pangamba sa anti-COVID-19 vaccine at lumaki naman ang kumpiyansa ng publiko sa vaccine roll out ng gobyerno. Narito ang report:

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Bagaman mababa ang malalang epekto ng COVID-19 sa mga menor de edad mahalaga pa rin po ang maproteksiyunan sila sa sakit na ito, pinag-aaralan na po ngayon sa ibang bansa ang mga bakuna na maaring ipamahagi sa kanila, kaugnay diyan makakausap po natin Si Dr. Maria Carmela Kasala, spokesperson po ng Philippine Pediatric Society at miyembro rin ng Philippine Society of Allergy Asthma at Immunology. Good morning po Doc.

DR. MARIA CARMELA KASALA: Magandang umaga Usec. Rocky; at magandang umaga sa lahat ng tagapakinig ng LagingHandaPH.

USEC. IGNACIO: Doktora, sa pagkakaalam ng inyong grupo, gaano na po ba karaming minors ang tinamaan ng COVID-19 at may naitala po bang severe cases mula sa kanila?

DR. MARIA CARMELA KASALA: May mga tinatamaan din na kabataan dito ng COVID-19 pero hindi naman ibig sabihin na masyadong malala iyong kanilang mga kaso. Ang pinupuntirya pa rin ng COVID-19 iyong mga nakakatanda kaya ang ating pagbabakuna ay nakatala para dito sa mga mas nakakatanda, iyong 18 and above.

Pero tama iyong narinig mo Usec. ‘no, iyong mga bakuna na pambata ay sinusubukan na sa ibang mga bansa. In fact dito sa Pilipinas binibigyan na ng EUA o Emergency Use Authorization ang Pfizer for the 12 to 15 age group, pero wala pang polisiya kung paano natin iru-roll out ang mga bakuna para dito sa edad na ito.

USEC. IGNACIO: Opo. Pero Doc, bakit po mahalaga pa rin na mabakunahan kontra COVID-19 ang mga kabataan kahit na kabilang sila sa mga nasa low risk sector?

DR. MARIA CARMELA KASALA: Well, kahit paano tinatamaan pa rin sila, so hindi naman natin masasabi kung sino iyong batang matatamaan at kung sinong hindi; so siyempre gusto natin laging protektado ang ating mga kabataan, ang ating mga pamilya, iyong ating mga anak, iyong mga kamag-anak. So, at least kung may bakuna at least protektado sila kahit papaano.

Pero, iyon na nga ang priority right now is for those who are older, so iyong mga parents, iyong mga grandparents dapat po mabakunahan na kasi kahit po paano pag naprotektahan po ang maraming sector ng populasyon, protektado na rin po iyong those who are vulnerable na walang bakuna. So, iyong tinatawag na advantage ng herd immunity. So, sa karamihan ng taong mayroon ng bakuna at protektado, makakaprotekta pa noong mga ibang tao na hindi pa protektado ng pagbabakuna.

USEC. IGNACIO: Nabanggit ninyo nga po na aprubado na rin ng FDA dito sa bansa iyong pagpapalawig po ng paggamit ng Pfizer vaccines para sa mga edad 12 to 15 years old. Sa China po pinapayagan na rin iyong pagbabakuna ng Coronavac for minors. So, ano po bang posibleng effects at efficacy rate nito sa kanila? Magkakaroon din po ba ng adjustment pagdating sa dosage na ibibigay sa kanila?

DR. KASALA: Malamang kasi inaaral pa rin hanggang ngayon. Although sinasabi na nga sa China na 3 and above puwede iyong kanilang bakuna ‘no and then iyong sa Pfizer nga mula 12 onwards/upwards puwede na rin ‘no. And other vaccine companies are also doing their own trials for these younger children, so we have to await those trials.

And then if ma-review and ma-evaluate na ng ating mga vaccine experts ‘no, iyong Vaccine Experts Panel, iyong HTAC, iyong Health Technology Assessment Council, iyong National Immunization Technical Assessment Group ‘no.

So lahat iyang mga Iyan, mga technical advisory group ng gobyerno ay magpupulung-pulong at rirebyuhin at i-evaluate iyong mga studies nitong mga bagong trials sa mga kabataan. At kung nararapat para sa ating populasyon, then yeah, gagawan ng paraan para maipasok na doon sa priority ng ating vaccine rollout.

USEC. IGNACIO: Opo. Sa ngayon nga Doc, ongoing pa rin iyong clinical trials ng Pfizer vaccine sa US para naman sa edad 11 pababa. Pero may update po ba kayo tungkol dito?

DR. KASALA: Wala pang mga resulta iyong mga ganiyang ongoing trials ‘no. Rocky, to be clear ‘no, ang ating mga bakuna ay lahat naka-EUA pa – sa buong mundo naka-EUA, Emergency Usage Authorization. Kung in normal times, hindi pa iyan papayagan maibenta ‘no kasi ang bentahan kailangan ng certificate of product registration at dapat nakaraan sa clinical trials phase 4.

Hindi na tayo umabot pa sa phase 4 dahil talagang naka-emergency pandemic tayo globally. So ang WHO ay pinayagan nang mailabas iyong mga bakuna kahit kakatapos pa lang ng phase 2/phase 3 ng trials nila. So hanggang ngayon ongoing pa rin ang mga trials abroad and dito, binabakunahan na natin ang mga katauhan dito and hinihintay natin siyempre ang mga ibang resulta ng ibang trials na ongoing pa rin sa kani-kanilang bansa kung saan nagmula iyong mga vaccines. Back to you, Rocky.

USEC. IGNACIO: So ngayon Doc, bukod nga po dito sa dalawang nabanggit na brand ng bakuna, may iba pa rin po bang vaccine clinical trials na isinasagawa sa ibang bansa na nakatutok pa rin sa mga bata?

DR. KASALA: Oh, yes. Ang Moderna rin nagti-test din sila ‘no, nagta-trials din sila for ano and I’m sure all the other vaccine companies are also doing their trials for younger groups. And as soon as we hear the results ‘no, as soon as we have the results and as soon as they’ve written down their scientific papers, then yes, we can actually be reviewing and evaluating this for our own use dito sa Pilipinas.

Ang bilis kasi Rocky ‘no, ang bilis kasi ng balita ‘no na sa social media. Kapag may lumabas na kaunting balita about this, lumalabas na kaagad. So ini-expect ng ating mga publiko na gagawin din kaagad dito. Hindi ho ganoon ang sitwasyon. So iba-iba ho ang sitwasyon sa ating bansa at sa ibang bansa. Maganda hong makarinig kung ano nangyayari sa ibang bansa pero siyempre po kailangan po nating tingnan kung anong nararapat po sa ating bansa. So maraming pag-aaral po iyan.

Sa abroad po sa ngayon, dahil kalahati na ho ng kanilang bansa ay nabakunahan eh puwede na ho silang gumala-gala na walang mask or face shield ‘no. Sa atin po kahit ho nabakunahan na tayo eh hindi pa ho tayo puwedeng lumarga nang ganoong klase dahil po kaunti pa lang ang napapabakunahan. In fact, less than 2% lang po ang nakabalik for their second dose ng bakuna ‘no. So iyong iba po naghihintay pa ho ng kanilang bakuna; iyong iba naman natakot, hindi na tinuloy iyong pangalawa.

So sana po, lahat po ay bumalik para sa kanilang pangalawang bakuna at iyong mga hindi pa ho nababakunahan for the first time, huwag pong matakot at magpabakuna na rin. Kasi the sooner that the nation is fully vaccinated, then the better for all of us and the earlier that we can actually move on.

USEC. IGNACIO: Opo. Doc dahil nga nagkukulang po iyong supply ng bakuna sa bansa; iba iyong sitwasyon sa atin ano po? May ilan po iyong nagsasabi na huwag na raw po munang gawing prayoridad iyong mga bata na mabakunahan. Pero kayo po bilang pedia, ano po ang masasabi ninyo dito?

DR. KASALA: Well, sa ngayon po ang national policy ay talagang hindi pa ho binibigyan ng prayoridad ang kabataan na mabakunahan even if the EUA ha already allowed it ‘no. And we go of course with the national policy. The Philippine Pediatric Society and the Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines have both issued a statement, a joint statement na while we recognize and welcome the EUA for 12 to 15 years of age, susundan pa rin ho natin ang prayoridad na mauna po ang mga nakakatandang mabakunahan bago natin pag-isipan iyong pagbabakuna sa mga kabataan.

USEC. IGNACIO: Opo. Doc maiba naman po, ilang mga nanay po iyong nahirapan sa panganganak dahil tinatanggihan ‘di umano sila ng mga ospital kung hindi nasa-swab test. Ang ending po sa mga—naku nabibigla nga nanganganak sa kalsada, sa sasakyan sila nagluluwal ng sanggol. Pero itong mga ganito po ba ay may epekto sa nanay pati na rin po sa kanilang bagong silang na baby kung hindi po sa hospital setting ang kanilang pinag-anakan at nabigla nga po na inabot na sa labas? Ano po ang sa tingin ninyo at papaano po natin maa-address iyong mga ganito?

DR. KASALA: Well ang mga buntis na nanay ‘no, sa ngayon pa lang dapat natsi-check na talaga ‘no. Hindi naman kailangan sa pribadong hospital, puwede naman sa mga hospital ng gobyerno at sa mga barangay centers ma-check sila para mabigyan sila ng payo kung anong dapat mangyari.

Kasi talaga, bago naman talaga pumasok, at least sa pribadong ospital ‘no na alam natin, eh kailangan munang magpa-swab at kailangan din muna iyong bantay ‘no o iyong kasama – usually iyong tatay ‘no – na magpa-swab din bago manganak si misis. So kailangan talaga preparado. Hindi pupuwedeng manganganak ka na lang basta-basta kasi kung hindi baka nga hindi ka papasukin sa ospital dahil proteksiyon din naman ng lahat ng katauhan doon at lahat ng mga ibang pasyente.

So I hope naririnig ito ng mga karapat-dapat na tamaan ng payo na ito na dapat magpa-check sila, monthly kailangan magpa-check kung buntis kayo ‘no and kapag malapit na ang kabuwanan ‘di siyempre padalas nang padalas, every week na iyong pagtsi-check sa inyo. So mabibigyan kayo ng payo kung kailan kayo dapat magpa-swab para ready na kayo doon sa panganganak ninyong date at iyong kasama ninyo rin ay ma-swab din para mabilis na tayong magkaroon nang mabuting panganganak at delivery.

USEC. IGNACIO: Opo. Pinayagan na nga pong palabasin ang mga fully vaccinated senior citizen ng IATF bilang bahagi rin po ng Health Professional Alliance Against COVID-19. Ano po ang masasabi ninyo dito, Doc?

DR. KASALA: Well, okay naman na palabasin na ang mga bakunado. It’s just that kailangan pa rin, paalala pa rin ng HTAC ‘no na kailangan tandaan pa rin ang APAT Dapat ‘no. Alam ko ang tagline ninyo: MASK, HUGAS AT IWAS. Pero bukod doon ‘no, iyong APAT Dapat na sinasabi ng HTAC ‘no eh kailangan din nating tandaan.

‘Air circulation’ – mas mabuti ho kung nasa open air kayo kaysa sa kulob na kuwarto na aircon na lalo na kung may kasama kayo. Mas mabuti ho sa open air, okay, para ho mas maganda ang sirkulasyon.

Iyong ‘P’ po ay ‘Physical distancing’ – hindi naman ho social distancing pero physical distancing. At least 1 meter, mas mabuti ho kung mas malayo pero kung hindi ho maiwasan at least 1 meter po ang distansiya.

Iyong pangalawang ‘A’ po ay ‘Always wear your mask and face shield. At iyong ‘T’ iyon pong ‘Timing’ po. Kung kaya ninyo pong iklian ang inyong interaction into 15 minutes or 30 minutes maximum, mas mabuti po iyon. Pero kung hindi ho talaga maiwasan, at least 3 out of 4 doon sa apat mas mainam ho iyon ‘no. So tuwing lalabas po kayo, tatandaan ninyo na lang iyong APAT Dapat. Kung hindi ho sumu-swak doon sa apat o kahit man lang doon sa tatlo sa apat, huwag na lang ho muna gawin iyong aktibidades na iyon.

USEC. IGNACIO: Okay. Kami po ay nagpapasalamat sa inyong panahon, Dr. Carmela Kasala ng Philippine Pediatric Society. Mabuhay po kayo.

DR. KASALA: Salamat Rocky at salamat sa inyong lahat at binigyan ninyo ng oportunidad ang Philippine Pediatric Society at ang HTAC na makabigay ng payo sa ating publiko. Good day everyone.

USEC. IGNACIO: Salamat po.

Samantala, narito naman po ang pinakahuling datos ng COVID-19 cases sa buong bansa. Base po sa report ng Department of Health kahapon, June 10, 2021:

Umabot na po sa 1,293,687 ang total number of confirmed cases matapos makapagtala ng 7,485 na mga bagong kaso.
122 na katao ang mga bagong nasawi kaya umabot na sa 22,312 ang total COVID-19 deaths.
Patuloy naman po ang pagdami ng mga kababayan nating gumagaling sa sakit na ngayon ay nasa 1,214,454 matapos makapagtala ng 4,504 new recoveries kahapon.
Ang total active cases naman po sa kasalukuyan ay muling umakyat sa 56,921.

Kaya po paalala sa ating mga kababayan, magparehistro na po sa inyong mga LGUs at kumpanya para maprotektahan ng bakuna mula sa malalang epekto ng COVID-19.

Sa kabila po ng epekto ng COVID-19 pandemic, marami pa rin po sa ating mga kababayan na patuloy na tumatangkilik sa housing loans at investment programs ng pamahalaan. At upang alamin ang pinakahuling update sa kanilang mga programa, makakasama po natin muli si Pag-IBIG Fund President at CEO Acmad Rizaldy Moti. Welcome back po. Maligayang pagbati po sa ika-43 anibersaryo ng Pag-IBIG Fund.

PAG-IBIG PRES/CEO MOTI: Yes. Magandang umaga, Usec. Rocky at sa lahat ng mga tagapanood natin dito sa programang Laging Handa.

USEC. IGNACIO: Opo. Sir, kumusta na po iyong lagay ng Pag-IBIG Fund ngayong nangangalahati na ang taon; marami pa po ba iyong mga nag-a-avail ng inyong mga programa sa gitna ng nararanasan pa rin pong pandemya?

PAG-IBIG PRES/CEO MOTI: Opo. Usec. Rocky, salamat sa katanungan na iyan. Alam po ninyo, bilang CEO ng Pag-IBIG Fund, ako po ay nagpapasalamat po sa ating mahal na Pangulo, kay Presidente Duterte at sa IATF dahil po sa mga vaccinations po na nangyayari ngayon, ang Pag-IBIG Fund po, ang ating mga active members – iyon pong patuloy na nagbabayad – umakyat na po ito. Noong Disyembre po, 12.77 million po ang active members natin, iyong actively paying, tumaas na po ito, nadagdagan ng 310,000 active members [garbled] nasa 13.08 na po tayo.

At in terms of collections po, tumaas din po ito – 63% higher po ang nakolekta nating savings sa ating mga miyembro. Mula po last year, ngayon po ay tumaas na ito ng 25.88 billion pesos. Ito po, Usec. Rocky, ay patunay na iyong ginagawa nating pamahalaan ay nagbubunga na ng tuluy-tuloy.

Doon naman sa voluntary savings program natin, iyong tinatawag po na MP2 optional savings program, alam po ninyo more than double po ang itinaas nito kumpara last year. Tayo po ay nakakolekta ng voluntary MP2 savings na 10.67 billion pesos for the first five months, 109%, more than double po ito nung nakolekta natin.

At iyong mga programa natin kahit po sa pabahay, nakapagpahiram na po tayo ng total of 35.28 billion pesos. Ito po ay almost double again the first five months of last year, 97% po ang itinaas nito for the same period. At ang natulungan po natin ay almost 35,000 housing loan borrowers, mga miyembro po [garbled] ay may sarili na silang mga tahanan.

Alam po ninyo, ang masaya na numero na lagi nating tinitingnan, Usec. Rocky, ay iyong mga minimum at low-wage earners natin na humihiram under our socialized housing loan program. At nakapagpahiram po tayo sa 8,723, around 25% po ng mga napautang natin for the first five months ay kasama po sa sektor na iyon – iyong ating mga minimum and low-wage earners, 25% po.

At isa pong mahalagang numero, for the first five months ay natulungan po natin ang 826,279 members na humiram po ng multipurpose loan or calamity loan for a total of 17.52 billion.

Lubos po akong nagpapasalamat muli lalo na po sa mga LGUs natin. Usec. Rocky, isingit ko na po – lubos po akong nagpapasalamat Mayora Abalos po ng Mandaluyong sa mabilis po na pagtugon sa request ng Pag-IBIG Fund na mabakunahan po under A4 ang ating mga empleyado para po mas mapadami po ang mga lingkod Pag-IBIG na magsisilbi po sa ating mga kababayan po na nangangailangan.

USEC. IGNACIO: Sir, pero ano po sa tingin ninyo ang dahilan ng pagtaas na ito, at sabi ninyo nga po ay dumoble pa?

PAG-IBIG PRES/CEO MOTI: Yes. Usec. Rocky, nagdaan kasi tayo sa almost the same period na ECQ ‘di ba. Kung naaalala natin, March 17, 2020 iyong unang ECQ natin at halos naulit po ito, Marso din po noong magkaroon ulit tayo ng ECQ. Ang pinagkaiba naman po ay mas informed na po tayong lahat, guided by science, so we thank again ang mahal na Pangulong Duterte at ang IATF sa patuloy po na paggabay sa ating mga manggagawang Pilipino, iyon po ang nakikita nating rason. Dumaan po ang surge dito sa Metro Manila, and yet nakapagsilbi po tayo nang tuluy-tuloy.

Pero kami po [garbled] Usec Rocky, kami ay humihingi pa rin ng paumanhin sa atin mga miyembro sa kadahilanan po na iyong mga lobbies natin ay hindi natin puwedeng punuin ng marami kasi po enclosed siya kahit na nakabukas na ang mga bintana para iyong circulation, tulad po nung [unclear] ng guest po natin kanina, kay Doktora. So limited po sa lobbies pero patuloy po tayong nagsisilbi. Paumanhin po kung medyo mainit po sa labas ng ating mga opisina.

Pero patuloy po iyan, Usec. Rocky, ang again, I cannot overemphasize iyong importansiya po ng vaccination. Kami po ay tuwang-tuwa po sa lahat ng LGUs po na tumutulong po sa amin. At alam mo, Usec. Rocky, maisingit ko lang ulit, ako po ay sumulat sa NTF, sa IATF, humihingi po sana noong months ago na kung puwedeng maisama na sa A4 ang lahat ng empleyado ng Pag-IBIG Fund kasi hindi lang frontliners ang nagkakasakit; mas marami pa nga po ang nagkakasakit sa back room. At buti naman po ay pinirmahan, inaprubahan ni mahal na Pangulong Duterte ay talaga pong A4, lahat po ng economic workers na lumalabas ng mga bahay iyon po ay covered na po. At kami po ay sobrang tuwang-tuwa kasi po ang ibig sabihin po nito ay mas marami na po sa ating mga lingkod Pag-IBIG ang mas makakapasok na po kapag fully vaccinated na.

USEC. IGNACIO: Opo. Sir, ano na po ba raw iyong benepisyo naman ng makukuha rito sa MP2 savings kung kaya’t maraming miyembro nito ang tumatangkilik? Ito po ba ay mandatory contribution, sir?

PAG-IBIG PRES/CEO MOTI: Yes. Alam mo, Usec. Rocky, itong MP2 natin, Modified Pag-IBIG 2, ito po ay voluntary savings, ito po ay in time with the one of the three mandates of Pag-IBIG Fund, iyong to convince or to encourage Filipino workers to develop the habit of saving. Ito po ay boluntaryo, at ang nakikita po natin diyan last year kahit po may pandemya, tumaas pa po ng 11% iyong voluntary savings ng ating mga miyembro.

At alam ninyo po, kumpara last year, kasi record-high po iyong MP2 collections last year, this year po ay doble po ang savings po ng ating mga miyembro. So sila po ay boluntaryong nagsi-save sa Pag-IBIG Fund kasi alam po nila, noong mga kababayan natin, na kapag nag-impok sila sa Pag-IBIG Fund, mapa-regular savings natin [garbled] voluntary na MP2. Alam din po kasi nila na ito ay pinapahiram natin sa mga kababayan na may pangangailangang pinansiyal so through multipurpose or calamity loans, or iyon pong may pangangailangan po sa pabahay. [Garbled] alam po nila na nakatulong sila sa nation building and at the same time naman po, last year po kasi, Usec. Rocky, nagdeklara po tayo, 92.15%, more than 90% ng ating net income na 31 billion ay idineklara nating dibidendo at ibinigay po pabalik sa accounts ng ating mga miyembro. Kumita po kasi ito last year, tax-free, ng 6.12%. So alam po nila, historically na maganda po talaga ang returns. Although hindi guarantee po, dibidendo po ito pero alam po nila na, in the last five years, ten years ay maganda po ang returns ng MP2 at nakakatulong po sila sa nation building.

USEC. IGNACIO: Opo. May tanong lang po ako, kasi may mga kaibigan din ako na nagtatanong na dati nasa Pag-IBIG po sila dahil sa kanilang mga trabaho, pero noong nawala na po sila sa kanilang mga kumpanya, papaano po raw nila maipagpapatuloy iyong—anong dapat nilang gawin para maipagpatuloy iyong paghuhulog sa Pag-IBIG?

PAG-IBIG PRES/CEO MOTI: Yes, Usec. Rocky, ang kailangan nilang gawin ay pumunta po sa ating website – www.pagibigfund.gov.ph. Mayroon po doon iyong tinatawag po nating virtual Pag-IBIG. Kailangan lang po na alam nila ang kanilang membership ID number or MID number, at puwede po silang magbayad online. Tumatanggap po ito ng PayMaya payments or credit cards payments or puwede rin po silang magbayad po sa ating collection partners tulad po ng Bayad Center, iyong ECPay kiosk sa mga 7-11 at marami pa pong mga partners, mga bank partners. Puwede po iyon, voluntary savings po, puwede po iyon, Usec. Rocky.

USEC. IGNACIO: Opo. Sir, kumusta naman daw po iyong payment compliance naman ng ating mga kababayan sa mga Pag-IBIG loans nitong nakalipas ng unang taon ng pandemic?

PAG-IBIG PRES/CEO MOTI: Yes, Usec. Rocky, tayo po ay patuloy na nananawagan sa ating mga borrowers, mapa-housing loan borrowers or multi-purpose or calamity loan borrowers na kung sila ay nasa posisyon na kaya nilang ipagpatuloy ang kanilang pagbabayad ay ipagpatuloy po nila para po maiwasan po natin iyong accumulation ng penalties. Pero last year po kasi bumaba po iyong ating quality of portfolio, iyong collection efficiency po natin, dati po nasa 91% iyong performing loans ratio or MPL ratio of just 8%. Bumaba po ito, naging 11% na po iyong ating non-performing loan, so 88% po iyong ating kumbaga ay performing loan ratio.

Pero, Usec. Rocky bilang pagtugon sa Bayanihan 2 grace period, so in-implement natin, tayo din po ay nag-introduce ng programa, iyon pong special housing loan restructuring program na binigyan po ninyo ako ng pagkakataon po na maipaliwanag at maibahagi po ito sa ating mga manunuod last year. Pero mayroon po tayong bagong programa, Usec. Rocky, iyong tinatawag po natin na Home Saver Programs. Ito pong Home Saver Programs, alam naman po natin na ang may-ari po ng PAG-Ibig ay ang ating mga Filipino members, iyong ating mga miyembro, kaya naman po lahat ng puwedeng maitulong natin sa ating mga miyembro ay ating ginagawa.

So under po dito sa ating Home Save Programs, mayroon po tayong apat na options na puwedeng pagpilian ng ating mga miyembro, housing loan borrowers na naging delinquent na po hindi na po nakapagbayad.

Iyong una po ay iyong tinatawag na Housing Loan Restructuring, diyan po under Housing Loan Restructuring, puwede nilang i-distribute iyong kanilang unpaid monthly amortization sa kanilang remaining loan term, puwede rin po nilang mapababa ang kanilang monthly payments, puwede po kasi nilang habaan po iyong loan term nila among other things.

Iyong pangalawang option naman po, kasi iyong iba naman po natin ay naipon lang po iyong gastusin, at ang kailangan lang po nila ay tipong plan of payments, so mayroon po tayo second option – plan of payment. So kung mayroon po silang hindi nabayaran puwede po silang mag-request ng plan of payments. So payable within six months iyong hindi nabayaran para naman po maka-recover ang ating mga miyembro na may housing loan sa atin.

Iyong pangatlo po, ito po ay sa mga miyembro naman po natin na tala naman pong more than one year nang hindi nakapaghulog o nakapagbayad at naipon na po iyong kanilang monthly amortizations, malaking amount na po. Minsan po kasi tumataas masyado iyong outstanding balance, kasi po naiipon iyong interest at penalties. So sa ilalim po ng programang ito, puwede po nilang ipa-revalue ang kanilang housing loan according to their property. At mayroon po tayong discount, puwede pong 30% discount kung babayaran na nila ng cash, puwede rin pong 20% kung 6 months installment, 10% discount kung 12 months na installment at 5% naman po kung patuloy lang iyong loan nila. So may discount pa rin po para matulungan iyong mga more than 12 months na pong hindi nakabayad.

At iyong pang-apat po, ito po iyong programa na talagang tinangkilik po, ito iyong penalty condonation. Dito po lahat ng penalties ay kino-condone po ng PAG-Ibig fund kapag tayo po ay nag-start po na mag-default, iyong more than three months.

At masabi ko lang po, Usec. Rocky sa lahat ng ating mga kababayan na bilang patunay po na nag PAG-Ibig Fund ay talagang inaalagaan niya ang mga miyembro – na sila ang may-ari naman, tunay na may-ari ng pondo – iyong penalty policy po ay very borrower friendly. Ang penalty lang po ay base lang po sa ating hindi nabayaran. So kung 20,000 ang hindi natin nabayaran iyon lang po ang may penalty na 18%, hindi po iyong mismong loan amount. Na kung 1 million po iyong loan ay 18% of 1 million. So madali pong mag-recover sa PAG-Ibig Fund at sana po tangkilikin po ng ating mga kababayan itong Home Saver Program para naman po mapanatili po nila iyong pag-aari po nila ng kanilang mga kabahayan.

USEC. IGNACIO: Opo. Kami po ay nagpapasalamat sa inyong panahon at sa inyong impormasyon, PAG-Ibig Find President and CEO Acmad Rizaldy Moti. Stay safe po, Sir.

PAG-IBIG PRES/CEO MOTI: Thank you, Usec.

USEC. IGNACIO: Salamat po.

Sa ibang balita Senator Bong Go, naghatid ng tulong sa daan-daang residente ng Maramag, Bukidnon; pagkakaloob ng housing units mula sa National Housing Authority para sa mga pamilyang informal settlers at walang sariling lupa, sinaksihan din ni Senator Bong Go. Narito ang detalye.

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Sa pagsisimula po ng vaccination rollout para sa mga nasa A4 sector, umaasa po na tuluyan nang makakabangon ang sektor ng ating ekonomiya. Pag-usapan po natin iyan kasama si Department of Trade and Industry Secretary Ramon Lopez. Good morning po, Secretary.

DTI SEC. LOPEZ: Good morning, Usec. Rocky. Good morning sa lahat ng tagasubaybay.

USEC. IGNACIO: Secretary Lopez, ngayong linggo na nga po, sinimulan iyong pagbabakuna sa A4 list. Dahil diyan, ano po ang ini-expect nating epekto nito sa mga susunod na buwan sa usapin naman ng economic sector, pati na rin po sa ating employment rate?

DTI SEC. LOPEZ: Of course inaasahan po natin, Usec. Rocky na magtutuluy-tuloy iyong ating recovery at iyong ating inaasahang mga reopening. Kasi the more na mas marami po tayong mabakunahan lalo na dito sa linya ng economic frontliners maasahan natin na magkakaroon ng less infection, less severity of cases, magtutuloy-tuloy ang operation ng ating economic sector at sa ganoon ay hopefully makabalik tayo doon sa dating sigla at masaganang economic growth momentum that we use to have prior to the pandemic. So ito po ang talagang susi moving forward na talagang tuluy-tuloy iyong ating economic recovery.

USEC. IGNACIO: Secretary, isa po sa strategy, magbibigay ng incentives upang mahikayat ang ating mga kababayan na magpabakuna. So ano po iyong ilang mga kino-consider o suggestion ng DTI na maisama sa vaccine privileges?

DTI SEC. LOPEZ: Dito po sa pagdating sa vaccination, iyong unang nakita nating mga incentive hindi lamang government ito, even mga business sector, private sector nagkaniya-kaniya, pati LGUs, nagkaniya-kaniyang bigay ng incentives para doon sa mga magpapabakuna – nandiyan na iyong mga pa-raffle, nandiyan na iyong mga discounts at mga freebies mga binibigay na libre oras na magpabakuna sila.

Ngayon, ang isa hong magandang sistema dito ay hindi lamang sa privileges, kung hindi iyong benepisyo rin ng vaccine. Sabi nga natin we believed in the vaccine, pero kailangan we should believe in the vaccinated, kaya po sa ganiyang principle, atin pong nasusulong at recently ini-announce na po doon sa meeting naming kahapon at kaninang umaga, ina-announce na, iyong mga nabakunahan, tulad iyong mga bawal dati iyong over 65 years old, pero nabakunahan na ay sana mapayagan nang lumabas sila.

At iyon na po ang naging polisiya na naaprubahan kahapon ng IATF at in-announce po ngayong umaga na iyong over 65 basta fully vaccinated two weeks after para ho talagang may bisa na iyong epekto, iyong benepisyo ng bakuna, ay sila po ay puwede nang lumabas sa kanilang mga kailangang puntahan. Kailangan nga lang hindi inter-zonal, ibig sabihin within the respective zone kung nasaan kayo or probinsiya. Dito sa atin sa NCR + bubble ang pinag-uusapan.

So for example, hanggang Cavite, hanggang Bulacan, Rizal at iyan po ang covered – at saka Laguna ‘no – kapag tatawid ka na sa Batangas kailangan ay mayroon ka pang kailangang ibang reason, in other words essential trip or related sa trabaho but otherwise puwede pong gumalaw dito sa loob ng NCR bubble. Iyon po iyong ibig sabihin ng interzonal na hindi muna puwede kahit vaccinated. Except kung point-to-point na in-allow na rin dati, ibig sabihin, iyong mayroon kayong arrangement na pupunta sa isang lugar na allowed naman po ang tourism doon ay puwede hong bumiyahe na iyong over 65 years old din sa mga ganoong activities.

USEC. IGNACIO: Opo. Ulitin lang natin, Secretary, ibig sabihin po ba wala na talagang age limit na 65 years old ngayon; tatanggapin na po sila sa lahat ng business establishment?

DTI SEC. LOPEZ: Opo, basta ho ipakita lang ho iyong proof ng vaccination nila at siyempre iyon nga, ipakita rin na ito dapat ay over two weeks na noong second dose nila, so, para talagang mapayagan silang makapasok dito sa mga establisyimento na kanilang gustong puntahan.

USEC. IGNACIO: Opo. Simula nga po sa June 16 nabanggit ninyo na rin na pinapayagan na rin po ng IATF iyong pagbubukas ng ilan pang mga establishment at indoor activities gaya po ng gyms at museums. So, gaano kalaking tulong po ito sa ating economic sector? Mga sa tingin ninyo ilan po iyong mga makakabalik na sa kanilang mga trabaho at pati daw po iyong posibilidad na sinabi rin ni Secretary Harry Roque na maging normal GCQ na iyong NCR+ areas pagkatapos ng June 15 dahil dito?

DTI SEC. LOPEZ: Opo. Doon muna tayo sa mga indoor activities, sa sports, sa indoor sports at kasama na iyong mga gym, fitness centers, pati indoor tourism. Dito lang sa mga gyms, ang ibinigay sa aming numero diyan, iyong industriya would have about 22,000 workers ang mga involved diyan sa industriya na iyan kaya malaking tulong din iyan doon sa makakabalik na dito po sa industriya na iyan dahil na-reopen na po iyan.

Nire-request lang natin na kailangan magpa-safety seal sila na para ho masigurado na that they are complying to the minimum health protocol kapag may safety seal at saka isa hong – lalo na kung mga indoor activities ito – very important kasi ngayon sa usapin ng minimum health protocol iyong ventilation, so, they have to have good ventilation.

Sa mga malalaking gym establishments, usually ho nakaka-comply dito pero pagdating doon sa maliliit na kailangan masigurado natin that they also comply kaya ini-require po iyong Safety Seal Certificate bago ho sila makapagbukas but at least the industry will be allowed to reopen.

So, ayan ho, may mga over 22,000 and over 2,000 establishments ang naka-record po diyan at sa empleyado naman po over 22,000.

USEC. IGNACIO: Opo. Secretary, base po sa inyong datos, ilan na po iyong bilang ng mga naisyuhan ng safety seal? Ilang mga establishment rin po iyong nagkaroon po ba nang na-revoke iyong certificate dahil sa paglabag sa health protocols?

DTI SEC. LOPEZ: Ay, opo! Doon sa mga na-disapprove doon sa record lang ng DTI kasi iyong DTI supposed to cover—hinati-hati itong mga safety seal inspection ‘no. For example sa DTI iyong mga retailing, hardware, service shops, repair shops and other retail business establishments. Iyong DOT, of course, of course iyong mga DOT-related establishment. Mga LGUs, sila ang bahala sa mga restaurants at mga malls at ang DILG bahala naman sa mga government establishments, so, hati-hati po iyan.

At doon lang sa DTI part, doon sa monitoring namin, hindi lahat nakakakuha ng safety seal, kapag hindi pa nakaka-comply sa minimum health protocol, may mga 105 na disapprove pa so far pero hindi ibig sabihin hindi sila forever makakakuha, pinapa-comply lang natin sa minimum health protocol. Mayroon ng – nawala sa loob ko lang ano – pero mayroon na tayong over 115 I think na naaprubahan din at mayroon pang mga 600 na pending for inspection.

So, iyan po ang ating statistics ngayon, ongoing pa ho ang ating—iyan, tama over 115 ang approved na at may mga 600 pa for inspection. So, ongoing ho ito as we speak, tuloy-tuloy ho ang ating pag-inspect at pag-approve nito.

Madali lang po ang application, they can simply log on doon sa safety seal microsites at they can do their self-assessment in the meantime kapag confident na sila na pasado sila, puwede na silang magpa-inspect para mabigyan na ng safety seal.

USEC. IGNACIO: Opo. Secretary, may tanong lang po si Joanna Villaviray ng Asahi Manila: Papaano daw po iyong group classes para lang daw po magkaroon ng klarong policy? Are indoor group classes allowed?

DTI SEC. LOPEZ: They are discouraged for now, ang importante ho talaga dito iyong mga individual exercises and the usual physical distancing. Iyong tulad ho noong protocol noong previous na allowed pa ito under GCQ. Ang talagang pinalalakas lang ngayon really is the ventilation part because of the airborne quality noong transmission ng virus kaya iyan ang talagang pinapalakas sa ngayon.

USEC. IGNACIO: Opo. Secretary, ano na daw po iyong estado ng digitalization ng vaccine card; makakatulong daw po ba ito sa mga transaksyon dito sa ating business establishment?

DTI SEC. LOPEZ: Yes, definitely! So, ang estado po niyan, binubuo po ito ngayon and that’s the reason why iyong mga ipapakita ngayon, let’s say noong over 65 years old would be just iyong vaccine card na na-paper or document or card na ibinigay ho ng LGUs kung saan sila nabakunahan.

But very soon I think in a few weeks, mga one month ano, ay mabubuo na rin itong digital card natin, hopefully a QR code also – system, kung saan centralized, consolidated na and digital form iyong ating vaccine ID. Para ho in effect ay authenticated na sila po talaga iyong mga nabakunahan at maganda ho talaga iyong digital system na iyan. According to DICT, mga one month po ay nakalabas na iyan.

USEC. IGNACIO: Okay. Kami po ay nagpapasalamat sa inyong panahon, DTI Secretary Ramon Lopez. Salamat po.

DTI SEC. LOPEZ: Thank you! Thank you very much, Usec. Rocky at sa lahat.

USEC. IGNACIO: Samantala, ceremonial turnover ng P200 million financial aid para sa Davao Regional Medical Center sa Tagum City, Davao de Norte, sinaksihan ni Senator Bong Go. Ang kaniyang team ay namahagi rin ng iba pang ayuda sa ilan nating kababayan doon. Narito po ang detalye:

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Samantala, makibalita naman tayo sa pinakahuling pangyayari sa mga lalawigan. Puntahan natin si Czarinah Lusuegro mula sa Philippine Broadcasting Service.

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo Czarinah Lusuegro ng PBS-Radyo Pilipinas.

Ang ulat mula sa Baguio, ihahatid naman sa atin ni Alah Sungduan. Alah…

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Maraming salamat, Alah Sungduan.

May ulat din ang ating kasamahan na si Julius Pacot mula sa PTV-Davao.

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo, Julius Pacot.

At iyan po ang mga balitang aming nakalap sa araw na ito. Ang Public Briefing po ay hatid sa inyo ng iba’t ibang sangay ng PCOO sa pakikipagtulungan ng Department of Health at kaisa ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas o KBP.

Muli ako po si Usec. Rocky Ignacio, magkita-kita ulit tayo bukas dito lamang po sa Public Briefing #LagingHandaPH.

##


News and Information Bureau-Data Processing Center