ERWIN TULFO: Nasa linya po natin si Presidential Spokespersons Harry Roque. Magandang umaga sa inyo, sir.
SEC. ROQUE: Magandang umaga, Pareng Erwin. At magandang umaga, Pilipinas.
ERWIN TULFO: Opo. Medyo kahapon kumalat sa social media na hard lockdown eh iyon pala ito ay fake news. Despite the fact na ang hinihiling po ng OCTA at ilan pong mga Philippine Chinese Chamber, pati ang Philippine-Chinese Chamber of Commerce and Industry pati iyong Filipino Chinese Chamber. Hinihingi po kung pupuwedeng dalawang linggong hard lockdown para ma-contain kaagad itong Delta variant bago pa kumalat.
Pero, ang desisyon po ng Palasyo basing na rin po, ayon po sa statement, basing rin sa ‘ika nga, recommendation naman ng IATF at DOH kaya GCQ lamang po ang Metro Manila at ibang lugar with heightened restriction. Tama po, Secretary?
SEC. ROQUE: Tama po iyan. Pero, huwag po nating isipin na maluwag ang GCQ with heightened restriction. 20% na lang po ang ating dine-in at wala po tayong mga jeep ngayon, delikado rin po iyong ating mga personal services at wala po tayong mga meetings and conferences ngayon.
Alam ninyo po, ginawa natin itong GCQ with heightened restriction dahil kinakailangan natin ng isang classification na nasa gitna po ng MGCQ at GCQ at ang mensahe na pinapahiwatig natin ay talagang pilit nating binubuksan ang pinakamalaking bahagi ng ekonomiya, bagama’t importante talaga na limitahan iyong pagkalat ng COVID-19.
Ang ating ninanais po ay makamit ang total health kung saan nababawasan ang hanay ng may COVID-19 pero at the same time binabawasan din natin ang hanay ng mga nagugutom. Napakahirap po talaga nitong ganitong desisyon, kaya nga po ang ating panawagan pakikinggan po natin ang ating mga eksperto sa hanay ng gobyerno kasi lahat naman po ng mga datos na pinagbabasehan ng conclusion ay galing po sa gobyerno.
Kung nagkakaiba po ng rekomendasyon iyan doon sa mga iba, unang-una po hindi po talaga sila eksperto kasi, titingnan naman po natin iyong mga rekomendasyon na ginagawa ng mga taga-DOH. Sila po talaga ay qualified epidemiology at saka hindi lang po iisang tao iyan, isang buong departamento po iyan. Isa pong section po iyan ng DOH, marami pong mga dalubhasang nagtulung-tulong at iyong pagbalanse nandiyan din po iyong ating mga ekonomista, mga social scientist.
So, ang ina-assure lang po natin, we are employing the whole of government approach. Ang nangyari kasi dito Pareng Erwin, tatapatin kita, naglabas ng rekomendasyon, maraming nag-panic kaya maraming sumang-ayon dahil akala nila talaga is imminent pero ang katunayan po, sinong magbibigay ng ayuda sa mga hindi makakapagtrabaho.
Kinakailangan masiguro muna natin iyan at saka pangalawa po, iyon nga po, sinong magbibigay ng solusyon doon sa mga hanay ng magugutom na naman kung magkaka-hard lockdown. Siguro po, darating at darating tayo doon. Pero, ang ating ginagawa nga po is talaga balanse kung balanse, bawasan ang kumakalat na virus, bawasan ang hanay ng nagugutom.
ERWIN TULFO: Alright. Sir, isa pa hong katanungan. Paano po iyong mga mag-a-out of town, iyong uuwi kapag weekends sa kanilang mga tirahan sa probinsiya? Iyong mga nakatira diyan sa Bulacan, Pampanga, Batangas. Puwede pa ho ba silang maglabas-masok despite the fact na heightened restriction na tayo dito ngayon sa NCR at iba pang lugar?
SEC. ROQUE: Oo. Mayroon naman po tayong interzonal pa na travel lalo na doon sa mga manggagawa. Ang pupuwede pong biyahe, ito pong GCQ to MGCQ. So, wala po iyang restriction. Mayroon lang pong restrictions kung papasok kayo sa ECQ dahil mayroon tayong mga lugar na ECQ ngayon, iyong Iloilo, Iloilo City, Cagayan De Oro, Gingoog.
Doon po restricted po ang interzonal travel, so kinakailangan mga indispensable travel lang po. Pero dito sa GCQ with heightened restriction mayroon pa rin naman po tayong interzonal travel.
ERWIN TULFO: Alright. Sir, may mga recommendations kasi parang napansin po ng ilan na medyo mahaba-haba raw po iyong intervals ng vaccine from first dose to second dose. Ang hinihingi po ng OCTA research ay kung pupuwede ay iklian po. Kakayanin po ba? Kasi nakikita ko naman, I know what the government wants. Ang problema, walang dumarating mahina ‘ika nga, hindi kaagad dumarating iyong mga pang second shot.
SEC. ROQUE: Alam ninyo, iyong second shots po ng AstraZeneca ay sinusunod naman po natin kung ano ang sinasabi noong manufacturer mismo. Iyong ideal period-pacing para nga po makamit talaga iyong total protection. So, iyong sinabi nilang iklian, unang-una, iyan po ay taliwas doon sa sinasabi mismo ng mga eksperto para makamit iyong mas mataas na level ng proteksiyon.
Pangalawa, iyon nga po tayo po mas mataas pa rin ang demand natin kaysa sa supply. So, kinakailangan harapin po natin iyan. Pero uulitin ko po, hindi tayo makakarating sa punto ngayon na 17.5, nasa 18 milyon na ang ating nabakunahan kung tayo po ay hinintay pa natin iyong mga western brand. So, we’ve had to do what we have to do. We’ve had to make do pero nabibigyan po natin ng proteksiyon ang lahat dahil lumalabas po kahit anong bakuna iyan eh mayroon po iyang protection.
ERWIN TULFO: Sir, pag-aaralan ba ng IATF ang hiling ng mga Metro Mayors base na rin sa kahilingan ng kanilang mga constituents na alisin na po itong classification na mga A1, A2? Basta kung sino na lang po ang dumating diyan sa vaccination sites ay bakunahan na lamang, Secretary?
SEC. ROQUE: Well, iyan na rin po iyong naging position ng Presidente, kung ayaw magpabakuna itong mga A2, proceed na sa A3 at kung ayaw pa rin ibigay na sa iba. Sa tingin ko naman po iyan naman po ay napa-practice na kasi alam ninyo naman po binibigyan na rin natin ng A4, at iyan po iyong mga economic frontliners.
So, ang polisiya talaga naman natin, binuksan na natin hanggang A4 at ang sinasabi lang natin iyong mga A2, A3 pupuwede pa rin po kayo, bibigyan pa rin kayo ng kumbaga express lane dahil sila po talaga ang pinaka-susceptible lalung-lalo na dito sa Delta variant na ito.
ERWIN TULFO: All right. Panghuli na lamang Secretary, pahabol lamang. Sabi po ng Pangulo, iyong mga walang bakuna huwag lumabas, kapag lumabas pauuwiin, sasamahan ng pulis. Does this mean, sir, from now on kailangan may dala-dala na tayo, dala na natin iyong ating vaccine cards kasi baka sitahin tayo sa mga check points?
SEC. ROQUE: Alam mo Pareng Erwin, noong SONA ay n ni-require na po iyan. So, naisip ko nga na maski, kasi iyong aking print out ay online, so inisip ko nga kinakailangan talagang gumawa ng plastic holder dahil mukhang that will be part of the new normal na ipapakita natin iyong mga vaccination card natin. At ito naman po ay, siguro po mapapatupad iyan, kaunti na lang po, kasi 30% na po ang fully vaccinated sa Metro Manila.
So, kaunti na lang po ay pupuwede na tayong magkaroon ng containment na tinatawag, 20% na lang po ang kulang para sa Metro Manila at tingin ko nga po, one-way na talagang makakabalik tayo sa buhay natin ay gamitin iyang vaccine card na iyan.
At iyong sinasabi nga pong hard lockdown siguro po isang exception diyan iyong mga bakunado dahil mag-iingat pa rin po – mask, hugas, iwas. Pero, kung sila po ay mayroon ng bakuna, mayroon na talagang protection. So, tingin ko po talaga itong bakuna talaga ang susi sa ating pabalik doon sa ating pagbabalik-buhay.
ERWIN TULFO: Secretary Harry Roque. Sir, maraming-maraming salamat po. Ingat po kayo stay safe and healthy, sir.
SEC. ROQUE: Maraming salamat Erwin and welcome back. Na-miss ka ng buong PTV4.
ERWIN TULFO: Thank you po, sir
##
—
News and Information Bureau-Data Processing Center