USEC. IGNACIO: Magandang umaga Pilipinas. Muli nating tatalakayin ngayong October 6, 2021, araw ng Miyerkules ang mga maiinit na balita sa bansa.
Alamin natin ang latest development sa mga gamot na tinitingnang mabisang panlaban sa COVID-19 at ang mga bayan at kababayan nating naapektuhan nang pananalasa ng Bagyong Lannie at ang mga impormasyong may kaugnayan sa presyo ng petrolyo sa merkado.
Ako po ang inyong lingkod, Usec. Rocky Ignacio, simulan na natin ang Public Briefing #LagingHandaPH.
Ngayon pong ikaanim na araw ng filing ng Certificate of Candidacy ng mga nag-aasam na tumakbo sa eleksiyon 2022, muli nating silipin ang pinakahuling sitwasyon sa Sofitel sa Pasay City, naroon pa rin ang aming kasamang si Daniel Manalastas. Daniel…
[NEWS REPORT]
USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa’yo, Daniel Manalastas.
Samantala, Pangulong Duterte inendorso ang pagtakbo ni Senator Bong Go bilang bise presidente sa 2022 national elections. Magandang track record ng serbisyo at pagiging masipag sa trabaho ng senador, ipinagmalaki ng Pangulo. Narito ang detalye:
[NEWS REPORT]
USEC. IGNACIO: Para tugunan ang naging kakulangan sa supply ng mga experimental drugs na ginagamit ng mga ospital para sa COVID-19 patients ilang gamot ng iba’t ibang pharmaceutical companies ang inaprubahan at binigyang lisensya ng ating Food and Drug Administration, kung ano ang mga ‘yan, alamin natin mula mismo kay FDA Director General Usec. Eric Domingo. Good morning po, Usec.
FDA DG DOMINGO: Hi, Usec. Rocky. Magandang umaga po sa inyong lahat.
USEC. IGNACIO: Opo. Usec., paano po matutugunan ang pag-approve ng FDA sa lisensya ng Livzon Pharmaceutical ang naging shortage sa supply po ng Tocilizumab dito sa Pilipinas?
FDA DG DOMINGO: Oo. Ginawa natin, mayroong emergency use na lane, special lane ito pong mga applicants natin for mga gamot kontra po sa COVID-19 at itong Tocilizumab sa ngayon naging tatlo na ‘no ‘yung ating approved na mga brands na maari dito. Maliban doon sa original na Actemra, nag-approve din natin ‘yung isang brand nila, ‘yung RoActemra tapos mayroon po ‘yung Tenziba; at ‘yung pinakabago naman, ‘yung Tocilizumab na galing China, ‘yung Livzon na ngayong buwan na ito ay parating na rin daw ang mga supply sabi po noong ating mga importers.
USEC. IGNACIO: Opo. Usec., itong isa pang gamot na binigyan ninyo ng lisensya, itong Baricitinib, para saan po talaga ang gamot na ito, Usec., at ano po ang properties nito para masabing posible ring makatulong sa COVID-19 patients?
FDA DG DOMINGO: So very similar ‘no ‘yung Baricitinib sa Tocilizumab, mga gamot ito talaga for kontra sa mga inflammation ng mga tao na mayroong mga severe arthritis na ngayon ay nakikita na maaari din gamitin sa COVID-19. So ito ay maaaring alternative to Tocilizumab kapag hindi available ang Tocilizumab. Ang kaniya namang advantage ay tableta ‘no itong Baricitinib kaya mas madaling maka-produce at saka maka-secure ng supply at madali din siyang ibigay sa pasyente.
So as of now, we have several brands na rin na tatlong brands na rin nitong Baricitinib na binigyan ng approval ng FDA para po magamit na rin ng ating mga kababayan at ng kanilang mga doktor.
USEC. IGNACIO: Opo. Pero, Usec., available na po ba ang mga gamot na ito dito sa Pilipinas at nasa magkano po kaya ang presyo ng mga gamot na ito?
FDA DG DOMINGO: Well ‘yung Baricitinib available na rin ‘yan ano. Ang naaalala ko kasi, Usec. Rocky, iyong sinet na—ang mayroong price na naka-set ang DOH ay for Tocilizumab, parang P20,000 to P30,000. ‘Yung Baricitinib mas mura naman siya kaysa dito sa Tocilizumab at kasi nga tablet siya at mas madali siyang i-manufacture.
USEC. IGNACIO: Opo. Pero, Usec., paano naman po ‘yung sa Remdesivir? Mayroon din bang ibang pharma providers nito na puwede ring bigyan ng lisensya para sa dagdag na supply?
FDA DG DOMINGO: Oo. So far ‘yung Remdesivir, we have several suppliers naman kasi under compassionate special permit ito ‘no. So marami nang nahanap na supplier ‘yung ating mga drug importers and distributors dito at sa ngayon hindi naman tayo nagkukulang ng supply nito, mayroon naman ‘yung ating mga ospital at basta naman po sila, ang ospital at ‘yung mga doktor ay manghingi ng special permit sa FDA, within 24 to 48 hours po nailalabas natin ‘yan.
USEC. IGNACIO: Opo. Usec., dahil sa development na ito, siguradong – naku, hindi maaalis ito ‘no – may mga magsasamantala, kung hindi mamimeke na magbibenta ng mahal sa mga desperado na talagang malunasan ang COVID-19 ang kanilang mahal sa buhay. So ano pong measures ang gagawin ng FDA para po mapigilan ang mga ganito?
FDA USEC. DOMINGO: Marami na kaming naging operasyon, Usec. Rocky, ang FDA. Katulong din namin ang pulis, ang CIDG at saka ang NBI, at ang dami na po naming nahuli. Unang-una, pati na po iyong mga manufacturer ng Tocilizumab, sinasabi na itong mga binibenta online or sa black market ay mga fake po iyan dahil hindi po galing sa factory nila.
Kaya nakikiusap din tayo sa ating mga kababayan, alam ko po iyong iba during desperate times parang kahit saan kumakapit sa patalim. So far po, ang aming mga operations nakikita, karamihan sa mga ito, unang-una, mga scam. Kukunin lang po ang pera ninyo tapos walang idi-deliver na gamot sa inyo. Pangalawa, kung may makuha man kayong gamot, very highly, probable po na ito ay counterfeit or fake, so maaari hong walang epekto ito kapag binigay sa inyong kamag-anak pero maaari din pong lalo pang makasama dahil hindi po natin alam ang laman niyan. Huwag pong bibili ng gamot online o kaya kahit sa sinong kaibigan na ganiyan ang nasabi ‘no. Lahat po ng mga drugs na ito at gamot na ito ay available lamang po sa licensed outlets, meaning sa botika at sa mga ospital lamang po.
USEC. IGNACIO: Opo. Usec., tungkol naman dito sa Molnupiravir ng kumpaniyang Merck & Company, si Secretary Duque na po mismo ang nanawagan na sana raw po ay mag-apply na for EUA o kaya ay Compassionate Special Permit ang mga pharmaceutical companies para dito. Sa ngayon po ba ay may initial result na iyong clinical trial ng COVID-19 pill na ito dito sa Pilipinas? At kung mayroon, maganda po ba ang kinalabasan ng pag-aaral dito? Tanong din po iyan ni Lei Alviz ng GMA News.
FDA USEC. DOMINGO: So iyong ano, multi-country iyong clinical trial ng Molnupiravir, kasama na rin dito sa Pilipinas. At iyong nakita nila sa interim analysis nila is that it can prevent possibly ‘no 50% of people going into severe COVID and dying from COVID. So maganda. At bagama’t hindi pa sila nag-a-apply ng EUA dito sa atin or kahit sa ibang bansa, mag-a-apply na raw sila sa US FDA very soon.
Pero kahit wala pa iyon, as an investigational drug, Usec. Rocky, ito ay maaari na pong i-apply ng Compassionate Special Permit dito sa atin sa Pilipinas. And in fact, as of yesterday, may apat na hospitals na na-grant ng Compassionate Special Permit for this drug ng FDA. At iyon nga, katulad ng sinabi ko sa inyo, kapag naman po nag-apply sila, mabilis naman po iyon naaaksiyunan ng FDA.
USEC. IGNACIO: Opo. Katanungan naman po mula kay Red Mendoza: Maaari pa rin po bang magtuloy sa clinical trial ang anti-COVID drug na Molnupiravir kahit mag-apply po sila ng EUA or Compassionate Special Permit dito sa atin bansa once na nabigyan sila ng EUA sa US FDA?
FDA USEC. DOMINGO: Opo, kailangan pa rin po nilang ituloy iyong kanilang clinical trial. Kasi iyong EUA, binibigay po iyan based on interim or ibig sabihin parang early partial results ng clinical trial. So kailangang i-complete po iyong clinical trial para in the end, makakuha po sila ng full registration or certificate of product registration, at maaari na po siyang i-market sa mga botika at saka sa mga retail outlets.
USEC. IGNACIO: Opo. Dagdag pang tanong, Usec., ni Red Mendoza ng Manila Times: May mga inaprubahan pong at-home rapid antigen test kits sa America at Singapore, may posibilidad po ba na aprubahan din po ang at-home antigen test kit dito sa Pilipinas, Usec.?
FDA USEC. DOMINGO: Well, sa ngayon ay wala pa tayong approved na mga self-administered tests or home test kits. So sumulat kami, ang FDA, sa Department of Health to ask kung ano ang kanilang opinyon dito at kung gagamitin ba nila at kung kakailanganin ba dito sa Pilipinas ang mga self-administered test kit. Kasi ngayon, sa mga testing strategy natin, lahat ay mga ginagawa po ito ng mga RT-PCR or antigen test ‘no, ito iyong ginagamit ng DOH ngayon.
So depende po iyan, hinihintay lang po namin ang kasagutan ng Department of Health if they think it will be useful to our strategies.
USEC. IGNACIO: Opo. Usec., ang pamahalaan po ng Thailand ay naghahanda na ng purchase agreement para po sa gamot ng Merck. Tayo po ba ay puwede na ring gawin ito kahit wala pang EUA or Compassionate Special Permit?
FDA USEC. DOMINGO: Well, technically, parang kahit naman doon sa bakuna ‘di ba, gumagawa sila ng mga ganito, mga purchase agreement or early purchase agreement before magkaroon pa ng mga regulatory approval, tapos nilalagyan ng conditions na siyempre kailangan makakuha sila ng approval or EUA.
Hindi po kasi under sa office ko iyan kung hindi under iyan kanila Secretary Galvez at saka Secretary Duque kung iku-consider po nila. Pero wala naman po sigurong makakahadlang in case they decide to do it.
USEC. IGNACIO: Opo. Usec., mapunta tayo sa bakuna, ano po. Any update po sa mga bakunang nag-a-apply for EUA para sa pediatric population? Madaragdagan po ba raw ang Pfizer at Moderna na puwede para sa mga bata bago sila simulang turukan ngayong October?
FDA USEC. DOMINGO: Usec. Rocky, ang hinihintay actually natin ngayon ay iyong Clinical Trial Phase 3 ng pediatric age group from Sinovac. Kasi una na silang nagpahiwatig na gusto rin nga nilang mag-apply ng pediatric vaccine para sa Sinovac, kaya lang iyong data nila from Phase 1 and Phase 2 trials na medyo kakaunti iyong mga bata doon. Kung hindi ako nagkakamali, parang mga 200 lamang.
So alam natin na may ongoing sila na Phase 3 trial sa mga pediatric age groups, at kapag mayroon na silang data noon ay maaari nilang i-submit sa atin para makita po ng mga experts natin.
Aside from that, wala pang ibang nagpapahiwatig na mag-a-apply ng use sa mga bata na bakuna other than Sinovac.
USEC. IGNACIO: Opo. Usec., may follow up po diyan si Lei Alviz ng GMA News. Sinovac nga po is applying to do their clinical trial in the Philippines for infants and children six months old to 17 years old. Ang tanong po niya: Safe na po bang subukan ang vaccines sa mga sanggol?
FDA USEC. DOMINGO: Sa ngayon po—kasi, Usec. Rocky, ganito iyan, usually pabata nang pabata ‘no. So halimbawa magbabakuna tayo sa 18 ang above, tapos iyong next na clinical trial ay 12 to 17, tapos 3 to 5, ganiyan, 3 to 12 pagkatapos at saka iyong infants.
So kapag na-assure na natin ang safety doon sa younger age group at saka pa lang pupunta sa mga mas bata. So kasama po ito sa lahat ng kinu-consider bago mag-approve ng clinical trial, make sure muna na safe siya doon sa age group na mas mataas nang kaunti before we try it in even younger and younger children.
USEC. IGNACIO: Okay. Usec., kami po ay nagpapasalamat sa inyong panahon at impormasyon. Ingat po kayo, FDA Director General Undersecretary Eric Domingo. Salamat po, Usec.
FDA USEC. DOMINGO: Maraming salamat din po.
USEC. IGNACIO: Samantala, dumating na po sa Sofitel Harbor Garden Tent si dating Senador Bongbong Marcos. Kasunod nito, dumating na rin ang Lacson-Sotto tandem para po maghain ng kanilang kandidatura. Balikan natin si Daniel Manalastas para sa update. Daniel?
[NEWS REPORT]
USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo, Daniel Manalastas.
Samantala, base po sa naging tala ng Department of Health kahapon:
- Nadagdagan ng 9,055 ang mga nahawaan ng COVID-19 sa bansa.
- Sa kabuuan, nasa 2,613,070 na ang total count ng mga nagka-COVID sa Pilipinas;
- 12,134 naman po ang tinatayang mga bagong gumaling mula sa sakit kaya pumalo sa 2,471,165 ang naitalang total recoveries.
- Hindi naman po nakapagtala ang Kagawaran ng bagong bilang ng mga nasawi dahil pa rin sa problema mula sa COVID KAYA system kaya dahil diyan hindi nabago ang total death count sa bansa na nasa 38,828 na mga indibidwal.
- Sa kasalukuyan ay bumaba sa 3.9% ng total cases o katumbas ng 103,077 individuals ang nananatiling active cases o iyong mga nagpapagaling pa mula sa COVID-19.
Patuloy pa rin pong minu-monitor ang forecast track ni tropical depression Lannie na halos palabas na ng Philippine Area of Responsibility ngunit magdadala pa rin po ito ng kalat-kalat na pag-ulan sa Central Luzon, Metro Manila, CALABARZON at MIMAROPA. Matatandaang unang nanalasa ang bagyo sa ilang bahagi ng Mindanao at Visayas simula po noong Lunes.
Kumustahin po natin ang sitwasyon sa mga lalawigang dinaanan ng bagyo mula kay Assistant Secretary Casiano Monilla mula po sa Office of Civil Defense. Magandang umaga po, ASec.!
OCD ASEC. MONILLA: Magandang umaga po, USec. Rocky!
Sa ngayon po ay nakalabas na iyong ating tropical depression Lannie.
USEC. IGNACIO: Opo. ASec., kumusta po iyong sitwasyon sa mga lalawigang unang dinaanan nitong bagyo Lannie sa bahagi po ng Mindanao at Visayas? Ilan po ang mga residenteng tinatayang naapektuhan at ano po ang estimate na damage nito sa mga properties kung mayroon man po?
OCD ASEC. MONILLA: Well, ma’am, sa ngayon ang nakarating na report sa amin base nga sa nakaraang dalawang araw, nagdulot po si Lannie ng matinding pag-ulan sa iba’t-ibang rehiyon ng ating bansa at mas naapektuhan po iyong iba’t-ibang probinsiya like iyong Surigao del Norte, Dinagat Islands, Southern Leyte, Bohol, Negros Occidental, southern portion ng Panay at lalung-lalo na po ang Palawan.
So, ito po ay nag-record—nai-report sa amin na nagkaroon po ng mga insidente ng landslide, nagkaroon din po ng mga flooding at saka soil movement sa iba’t-ibang rehiyon. At nagkaroon po tayo ng isang insidente lang ng preemptive evacuation kung saan pitong pamilya o tatlumpung katao ang in-evacuate sa Region VIII sa Silago Southern Leyte pero ito po ay bumalik na din sa kanilang mga bahay last 4 October pa. So, preemptive lang po ito.
Sa pagtigil naman po ng ating operations ng sea mga vessels, nagkaroon po ng pagtigil or non-operational ng 77 ports kung saan 32 na po ang na-report na nag-operate/nag-open na po ulit. Sa ganiyang kadahilanan, bale 12 po ang passengers; tatlo sa Batangas City Port at siyam sa Semirara Port ang hindi nakapaglayag kaagad. And of course, 40 rolling cargoes naman sa Roxas, Oriental Mindoro.
Sa kasalukuyan po, walang report ng damages sa maski saang lugar and we’re still continuing to monitor and get reports sa ating mga regions pero as of now, it appears na wala naman pong malaking epekto sa damages iyong nairi-report sa amin sa OCD. And, iyong response operations naman po ay karamihan niyan ay ginawa ng ating mga local government kung saan ang ating PRRM officers and kanilang mga response teams ay lagi na pong na-alerto naman nang una pa na padating pa lang si Lannie. Iyon lamang po ang aming update.
USEC. IGNACIO: A/Sec., dito po sa mga nagdaang bagyo at kayo po ay nagpa-evacuate ng mga tao ano po. Wala po bang naitatala naman ang OCD na kaso ng COVID-19 breakout dahil sa evacuation or rescue and relief mission?
OCD ASEC. MONILLA: Wala naman pong nai-report ng COVID transmission sa mga evacuation center sa mga nakalipas na mga affectation po ng bagyo. Sa ngayon po nagkaroon ng matiwasay naman na preemptive evacuation nga na sinasabi ko doon sa Southern Leyte and nakabalik din po sila kaagad sa kanilang mga bahay.
USEC. IGNACIO: A/Sec, ano po ang ginagawa ng OCD para naman po ipursige ang kahalagahan ng Disaster Preparedness lalo na sa mga typhoon at disaster prone area sa bansa lalo na at may low pressure na naman po na papasok sa PAR, tama po ba ito, A/Sec?
OCD ASEC. MONILLA: Yes, Ma’am. Patuloy po ang ating pakikipag-ugnayan sa ating mga local governments unit sa tulong po ng ating DILG kung saan ay kanilang pinupursigi. Mayroon po kasi iyong Oplan Listo kung saan naka-base na po doon ang mga aksiyon na dapat na gawin ng ating mga local government units. Ang OCD at ang Department Interior of Local Government (DILG) ay patuloy po ang pakikipag-ugnayan para mas mapaigting pa po ang preparasyon ng mga local government units sa ating bansa.
USEC. IGNACIO: Opo. A/Sec., ngayon pong halos sunud-sunod ulit ang mga bagyong pumapasok sa bansa. Ano po iyong maipapayo ninyo sa ating mga kababayan para paghandaan po ito sa gitna po ng pandemya?
OCD ASEC. MONILLA: Sa atin pong mga kababayan, sana po ay maging mapagmatyag pa tayo sa ating mga lugar. Kayo po ang nakakaalam – ang ating mga barangay, ang ating mga residente – alam po ninyo kung ang lugar ninyo ay lubhang apektado o magiging apektado ng isang pagbaha o kaya landslide. Makikita po ninyo iyan, may mga Barangay Response Teams po tayo na tumutulong sa inyo para ma-address kung anuman ang mga puwedeng sakuna na mangyari diyan sa inyong mga lugar lalung-lalo na at padating na naman po ang mga bagyo sa atin. So, maging mapagmatyag po tayo, lagi pong handa sa mga lugar kung saan bahain. Lagi na po ay i-ready po natin ang ating mga sarili na sumunod kaagad sa paabiso ng ating mga local government kung saka-sakali po na nagbabanta ang pagbaha o mayroong indikasyon na magkakaroon ng landslide sa inyong mga lugar.
USEC. IGNACIO: Opo. Maraming salamat po, Assistant Secretary Casiano Monilla, mula po sa Office of Civil Defense. Mabuhay po kayo.
OCD ASEC. MONILLA: Maraming salamat po, U/Sec. Rocky.
USEC. IGNACIO: Nagpatuloy po ang aid distribution ng Outreach Team ni Senator Bong Go, kasama ang ilan pang ahensiya ng pamahalaan sa iba pang mga bayan sa Leyte province. Muli naman pinaalalahanan ng Senador ang mga benepisyaryong nangangailangan ng medical assistance na pumunta lang po sa pinakamalapit na Malasakit Center sa kanila. Narito po ang detalye.
[NEWS REPORT]
USEC. IGNACIO: Sa ikalimang sunod na linggo ay muling nagtaas ang presyo ang mga produktong petrolyo sa merkado. Dahil dito, kung susumahin po ngayong taon ay tinatayang umabot na po sa 16.55 pesos ang net increase ng gasoline, 15.00 pesos ang diesel at 13.00 pesos naman po ang kerosene. Kaugnay niyan makakausap po natin si Assistant Secretary Gerardo Erguiza, Jr. mula po sa Department of Energy. Magandang umaga po, A/Sec.
DOE ASEC. ERGUIZA JR: Magandang umaga po, U/Sec. Rocky at sa lahat ng mga tagapakinig at nanunood.
USEC. IGNACIO: Opo. A/Sec., ano po ang dahilan at naging sunud-sunod po iyong pagtaas ng presyo ng langis at ganitong kataas pa ang naging price hike?
DOE ASEC. ERGUIZA, JR: Well, ano po ito eh, isang worldwide scenario, hindi lang dito po sa Pilipinas. Basically, kasi una itong COVID scenario natin, medyo nagkakaroon na ng vaccination at ang Delta variant na-solved na, nagkakaroon ng kumpiyansa ang bawat bansa na bumalik sa economic activities. Kaya lumalago ang ekonomiya, gumagalaw na ang ekonomiya at kapag ang ekonomiya ang gumalaw kailangan natin ng energy. At ang energy na talagang kailangang dito lalo sa pag-transport ng ating mga produkto, mga bagay-bagay ay kailangan natin ng gasoline at oil.
Kaya habang tumataas iyong demand naman po, hindi tumutugma iyong supply. Ang number one na nagsu-supply po ng oil is OPEC, ito iyong mga grupo ng Saudi Arabia, Qatar at hindi sila nag-increase ng kanilang supply, except iyong commitment nila to add 400,000 a day na idadagdag, pero malaking kakulangan po ito sa demand po ngayon. Ang total demand po ngayon ay 103 billion at ang pumapasok na supply is 100 billion. So, more or less about 2.9 to 3 billion ang kakulangan natin sa supply kaya nagmamahal.
Ang mga dati po na nag-source ng mga oil natin, iyong Shale technology ng US, bumaba po sila ng 2 million a day. Ang US is the number one consumer, although it is producing around 20 million, more or less 20 million pa, mas malaki pa at higit ang kanilang pangangailangan. Kaya, hindi mo rin maasahan at iyong inaasahan na sobrang production nila, iyong shale technology nga ay medyo bumagal iyon hindi nila pinalaki dahil nasa energy transition sa low carbon transition.
Di ba ang US is among the countries that is proposing itong low carbon na mga use of energy, nagta-transition na sa renewable. Kaya, iyong mga investors hindi na nag-invest sa Shale technology mostly sa renewable na rin. Kaya, hindi natin maasahan iyong supply ng US.
Isa pang problema dito iyong sa Iran, mayroon supply ito pero hindi gumagalaw because it’s over spending problem, stalemate with the United States and other countries that are producing crude ‘no, hindi rin gumalaw kasi hindi sila nag-invest, hindi naging aggressive iyong mga investment; so, bottom line po, malaki ang demand natin kulang iyong supply and normally pag ganoon ay nagmamahal po ang presyo ng produkto kaya’t tumama rin po dito sa oil ho natin.
USEC. IGNACIO: Opo. Iyon po ang sunod kong tanong. Palagay ninyo posible po ba, sa tingin ninyo magtutuloy-tuloy pa iyong pagtaas nito base rin sa pag-aaral ng ilang market analyst at paano po natin masisiguro na talagang hindi naman magkukulang ng supply ng langis dito sa Pilipinas lalo’t mataas nga po iyong demand sa world market katulad ng inyong sinabi?
DOE ASEC. ERGUIZA, JR.: Well, unang-una, siyempre po iyong presyo ang apektado but as of now naman wala tayong nakikitang problema sa supply. Pinagtibay ho ni Secretary na iyong mga requirements ho ng pagtutumbok ng mga gasolina, mayroon ho iyong process dito kailangan magtago ho sila.
Mayroon minimum requirement, inventory requirement ang mga producers o iyong mga suppliers ho natin ng gasolina na within 30 days other products 15 days. Kailangan they have to see to it that ito ay nandito sa ating imbentaryo po.
USEC. IGNACIO: Opo. ASec., ano pong kondisyon o factor ang dapat ma-meet bago po magkaroon ng roll back ang presyo ng langis?
DOE ASEC. ERGUIZA, JR.: Well, unang-una po, gusto ko pong ipaliwanag na ang presyo kasi hindi ho kontrolado ng bawat kahit sinong bansa po ano. Ito ay depende sa world market forces at ang nagiging basehan po ng presyo dito sa atin sa Pilipinas ay iyong MOPS o Mean of Platts ng Singapore.
Parang stock market sa price ho ito na nagkakaroon ho dito ng averaging ng mga presyo at dito ho sa Singapore naka-base ho itong MOPS o Mean of Platts. Dito nababase iyong presyo niya at kung ano man iyong bentahan sa labas doon ho nanggagaling din iyong benchmark ng pricing.
Wala ho tayong control dito at kung for example ang presyo ng pagbili at pagbenta doon is X amount doon ho mag-uumpisa iyong ating mga supplier dito. Bibilhin nila then there will be some additional cost doon sa mga freight nila and other related part of the product ho sa importation.
USEC. IGNACIO: ASec., ngayon nasa ilalim po tayo ng state of calamity dahil sa COVID-19 pandemic ano po. Hindi po ba puwedeng magtakda ang pamahalaan ng price cap sa produktong petrolyo lalo’t siyempre po umaaray itong ating mga kababayan sa laki po ng itinaas sa presyo nito?
DOE ASEC. ERGUIZA, JR.: Ito po kasi ay nanggagaling sa oil deregulation law, na napasa sometime late 1990’s. Dati ang sistema po natin noong mga unang panahon, mayroon tayong tinatawag na OPSF fund na kung saan pag nagtaas ang presyo ng gasolina ginagamit ho ito noon.
Ito iyong panahon pa ni Pangulong Marcos noon at umabot pa noong panahon ni Pangulong Cory, hanggang nagbago ang sistema natin, tinatawag iyong… oil deregulation law, lumabas na wala ng pakialam ang gobyerno sa pagdidikta ng presyo ho ng langis at ito ay dependent sa market forces. Iyon po ang nangyayari sa atin po ngayon kaya hindi ho natin makita kung paano, ano ang gagawin ng government except siguro sa pagbibigay ng subsidy no or ano mang considerations doon sa mga sektor na mas nangangailangan.
Pero maalala ko po noong—there was a time mayroon hong mga subsidy na binibigay ho ang gobyerno noon lalung-lalo na sa mga gumagamit ng diesel sa public transportation.
USEC. IGNACIO: Opo. Iyon nga po ASec., sa ganitong panahon po ba iyon nga po ang tanong natin. May subsidy po ba o programa ang DOE para po maibsan naman ang epekto ng price hike na ito at tanong din po ni Dano Tingcungco ng GMA news; Kung ano po ang komento ninyo sa sabi ng Pasang Masda na kung magtataas muli ng presyo ng petrolyo at diesel sa susunod na linggo ay mapipilitan silang humingi ng umento sa pasahe?
DOE ASEC. ERGUIZA, JR.: Well, magandang talakayin ho iyan. Magandang ipaabot po sa ating pamahalaan kasi alam ho natin na lahat naman ay naapektuhan nito. So, let’s put it into conversation at pag-uusapan ho ng ating pamahalaan ho at ng mga taong nangangailangan po.
USEC. IGNACIO: Opo. Ano naman po ang magiging epekto nito sa presyo ng kuryente natin ASec.? Ang ibig sabihin po ba tataas rin ang presyo ng kuryente?
DOE ASEC. ERGUIZA, JR.: Well, kung wala naman problema dito sa price kung ipapasok ho natin ang langis. Actually, ang problema dito, ito iyong kabaligtaran eh, mayroon tayong mga sinasabi na presyo na mga power na nanggagaling sa LNG at lumalabas ho ngayon sa world market, mas mahal ang LNG kaya ang maraming mga power plants na puwede silang mag-convert ng paggamit ng fuel nila using gasoline, nagku-convert sila sa oil ho dahil mas mura no.
Kaya nagkakaroon tayo ng supply but of course comparing it with other sources of fuel mas mahal ho ang oil. Wala ho tayong problema dahil wala naman kakulangan doon sa ibang mga sources ng fuel like coal and the renewable sources, wala tayong problema.
So, it won’t really affect us ho dahil ang price ho na except doon sa mga pinapatakbo ng oil pero very minimal naman ho ang sources ng power natin sa oil. Ang apektado lang talaga sa atin pagdating sa oil basically ay ang transportation.
But recently po, I would like to give you a news that a law has already passed encouraging and giving the framework for the use of electric vehicles and also the Department of Energy laid down a frame work also on that. So, the direction talaga po para hindi tayo dependent sa oil lalung-lalo na sa transportation is to see to it that we have a program for the entry of electric vehicles.
USEC. IGNACIO: Opo. Kami po ay nagpapasalamat sa inyong impormasyon at panahon, Assistant Secretary Gerardo Erguiza Jr., ng Department of Energy stay safe po ASec.
DOE ASEC. ERGUIZA, JR.: Maraming salamat po USec. Rocky, sa pagkakataong ito. Will see again next time, sa ating mga tagapakinig ho at nanunood po huwag ho kayong mag-alala at itong nangyayari naman ay isang problema lang na nangyari sa buong mundo but sa atin, sa atin, sa ating bansa natin it well handled po kaya maraming salamat po.
USEC. IGNACIO: Salamat po. Samantala, makibalita naman tayo sa mga kaganapan sa Cordillera Region, may ulat si Allah Sungduan:
[NEWS REPORT]
USEC. IGNACIO: Ang pinakahuling sitwasyon naman sa Cebu, hatid na balita ni John Aroa.
[NEWS REPORT]
USEC. IGNACIO: Mula naman po sa Region XI, may report ang aming kasamang si Julius Pacot.
[NEWS REPORT]
USEC. IGNACIO: Puntahan naman po natin ang iba pang mga balitang nakalap ng ating mga kasamahan sa Philippine Broadcasting Service. Magbabalita si Ria Arevalo mula sa PBS-Radyo Pilipinas.
[NEWS REPORT]
USEC. IGNACIO: Maraming salamat, Ria Arevalo ng PBS-Radyo Pilipinas.
Maraming salamat din po sa ating partner agencies para po sa kanilang suporta sa ating programa at maging ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP).
At dito na po nagtatapos ang ating talakayan ngayong araw ng Miyerkules. Mga kababayan, 80 days na lamang po at Pasko na.
Ako po si Usec. Rocky Ignacio, hanggang bukas pong muli dito sa Public Briefing #LagingHandaPH.
###
—
SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)