Press Briefing

Press Briefing of Presidential Spokesperson Harry Roque


Event Press Briefing
Location New Executive Bldg., Malacañang

SEC. ROQUE:  Simula bukas, a-bente ng Oktubre, ay in-expand na po ang alert level system sa labas ng Metro Manila. Nasa Alert Level 4 po ang Negros Oriental at Davao Occidental. Nasa Alert Level 3 po ang Cavite, Laguna, Rizal, Siquijor, Davao City at Davao del Norte, habang nasa Alert Level 2 naman po ang Batangas, Quezon Province, Lucena City, Bohol, Cebu City, Lapu-Lapu City, Mandaue City, Cebu Province, Davao de Oro, Davao del Sur at Davao Oriental. Magtatagal po ito hanggang katapusan, Oktubre 31, 2021.

Tingnan natin ang mga pinapayagan at hindi pinapayagan sa Alert Level 4, Alert Level 3 at Alert Level 2. Now, simulan po natin sa dine-in services ‘no. Sa indoor po, Sa Alert Level 4 ay ten percent lang po; sa Alert Level 3, ito po ay 30%; sa Alert Level 2, ito po ay 50%; at sa Alert Level 1 ay 100%. Pero kinakailangan po sa indoor dining ay para sa mga bakunadong indibidwal lang at lahat po ng mga manggagawa sa indoor dining ay bakunado rin. Sa outdoor po, ang Alert Level, outdoor dining – 30%; Alert Level 3 – 50%; Alert Level 3 – 50%; Alert Level 2 – 70%.

Siyempre po ang take-out delivery ay 100% kahit ano pa pong alert level.

Now, iyong mga film, music at saka mga television production subject to the joint guidelines as may be issued by the DTI, DOLE and DOH. Well, kapag indoors po, ito po ay ten percent kapag ito po ay Alert Level 4; sa Alert Level 3, ito po ay 30%; sa Alert Level 2, ito po ay 50% na provided po na lahat talaga ng mga manggagawa at empleyado ay fully vaccinated ‘no. Sa outdoors naman po, ang Alert Level 4, it is at 30%; tapos kapag Alert Level 3 – 50%; kapag Alert Level 2 ay 70%.

Iyong mga specialty examinations po ‘no authorized by IATF subject to the health city requirements as approved by the IATF, sa Alert Level 4 po ay 10%; sa Alert Level 3 – 30%; sa Alert Level 2 ay 50%.

Iyong mga fitness gyms, studios and venues for non-contact sports exercises ‘no, sa indoors po, provided na bakunado ang mga nasa gym at wala pa pong group activities at ang mga patron po ay dapat naka-face mask at mayroon pong social distancing at saka lahat ng empleyado po ay fully vaccinated: Alert Level 4 – 10%; Alert Level 3 – 30%; Alert Level 2 – 50%. Sa outdoors naman po, ang mga gyms, studios and venues for non-contact sports, kapag Level 4 po – 30%; kapag Level 3 – 50%; at kapag Alert Level 2 ay 70%.

Now, mayroon pa po tayo, iyong mga all-contact sports, not allowed po sa Alert Level 4; sa Alert Level 3, kinakailangan po bubble-type pero hindi po siya allowed kung hindi bubble-type sa Alert Level 3; sa Alert Level 2, puwede na pong 50% basta aprubado po ng LGU at kinakailangan fully vaccinated po ang mga indibidwal at ang mga manggagawa.

Sa outdoor contact sports po, not allowed sa Alert Level 4; sa Alert Level 3, allowed po basta bubble-type; sa Alert Level 2, 70% po provided bakunado ang mga manlalaro at ang mga empleyado.

Now, iyong mga tinatawag naman po nating MICE, iyong meetings, incentives, conferences and exhibitions, sa indoors po, sa Alert Level 4, ito po ay 10% provided mayroon pong safety seal at saka kinakailangan puro bakunado lang po; sa Alert Level 3, kinakailangan po 30% at kinakailangan bakunado po lahat ng empleyado at mga nag-a-attend; at sa Alert Level 2, hanggang 50% po iyan.

Sa outdoor ng ating MICE (Meetings, Incentives, Conferences and Exhibitions), sa Alert Level 4, hanggang 30% po; sa Alert Level 3, hanggang 50%; sa Alert Level 2, hanggang 70%.

Now, iyong mga social events naman po such as parties, wedding receptions, sa Alert Level 4, hanggang ten percent po lang iyan provided mayroong safety certificate seal, kinakailangan bakunado ang mga attendees at mga empleyado; sa Alert 3 po sa indoors, ito po ay 30% provided bakunado po ang mga bisita at mga manggagawa; Alert Level 2, 50% po ito. Sa outdoors, ito po ay 30%, kinakailangan po ay mayroong Safety Seal at saka ang mga manggagawa ay bakunado, ito po ay sa Alert Level 4. Sa Alert Level 3, puwede pong 50% provided lahat po ng manggagawa ay bakunado; at sa Alert Level 2 – 70%.

Iyong mga visitor or local tourist attractions such as libraries, archives, museums, galleries, exhibits, parks, indoor po, sa Alert Level 4, hanggang 10% lang po, kinakailangan mayroong safety certificate at ang mga bisita ay bakunado; sa Alert Level 3 po, aakyat po ito ng 30% provided, iyon nga po, bakunado ang lahat; at sa Alert Level 2, 50% provided bakunado po. Sa outdoors, pupuwede pong 30%; pero sa Alert Level 3, ito’y 50%; sa Alert Level 2, ito po ay 70%.

Mayroon pa pala, mga amusement parks po ‘no, amusement parks and theme parks. So ito po sa Alert Level 4 ay 10; mayroon po dapat safety certificate at puro bakunado lamang; sa Alert Level 3, ito po ay 30%; sa Alert Level 2, ito po ay 50%. Sa outdoors po, ito po ay 30%; sa Alert Level 3 ay 50%; sa Alert Level 2 ay 70%.

Iyong mga recreational venues such as internet cafés, billiard halls, amusement arcades, bowling alleys, skating rinks, archery halls, swimming pools and other similar venues, kapag indoor po: ito po ay 10%, kinakailangan mayroong Safety Seal at lahat po ay bakunado; sa Alert Level 3, tataas po ito ng 30% provided nga po na bakunado lahat; sa Alert Level 2 – 50%.

Sa outdoor naman po ng mga recreational venues, ito po ay 30% sa Alert Level 4; sa Alert Level 3 – 50%; at sa Alert Level 2 ay 70%.

Last na po ito, last slide na po ito. Sa mga sinehan, sa Alert Level 4, hindi pa po sila allowed. Sa indoors sa Alert Level 3, 30% po provided lahat sila ay bakunado; sa Alert Level 2 – 50%.  Sa outdoor po, hindi allowed sa Alert Level 4; sa Alert Level 3, 50% provided po bakunado; at sa Alert Level 2 – 70%.

Iyong mga personal care establishments such as barbershops, hair spas, hair salons, nail spas and those offering aesthetic cosmetic services ‘no, kapag indoor po ito ay 10% sa Alert Level 4 provided lahat po ay bakunado; sa Alert Level 3, ito po ay 30%; sa Alert Level 2, ito po ay 50%.

Sa outdoor naman po, 30% sa Alert Level 4; 50% sa Alert Level 3; at saka 70% sa Alert Level 2.

Okay? Siguro po tingnan ninyo na lang ito, iyong mga iba sa ating web page. Iyong mga casinos, horse racing, cockfighting and operation of cockpits and lotteries not allowed po sila unless nasa Alert Level 1 at unless aprubado po ng Presidente o ng PAGCOR.

Okay, pumunta naman po tayo sa usaping bakuna. Nasa mahigit 52 million na po or 52,783,354 ang total doses administered ng Pilipinas as of October 18, 2021 ayon sa National COVID-19 Vaccination Board. Sa bilang na ito, 31.76% po or 24,498,753 ang fully vaccinated sa buong bansa. Samantala, ang Metro Manila, nasa halos 17 million or 16,975,433 ang total doses administered. Magandang balita po, 92.85% ang nakatanggap ng first dose o katumbas ng 9,077,651 habang 80.78% naman po ang fully vaccinated o katumbas ng 7,897,782.

Sa COVID updates po tayo: Patuloy ang pagbaba ng mga bagong kaso, nasa 6,943 na po ito ayon sa October 18 datos ng DOH; 2,617,693 ang mga gumaling, nasa 97% naman po ang ating recovery rate. Samantala, 40,761 ang binawian na po ng buhay dahil sa coronavirus – nakikiramay po kami – nasa 1.49 ang ating case fatality rate.

Kumusta naman po ang kalagayan ng ating mga ospital: Sa buong Pilipinas po, 62% ang ICU beds na nagagamit; sa Metro Manila, mas mababa – 59%.  Sa isolation beds sa buong Pilipinas, 46%; sa Metro Manila, ito po ay 38%. Sa ward beds, 46% po ang nagagamit sa buong Pilipinas at 43% lamang sa Metro Manila. Ang mga nagagamit na ventilators sa Pilipinas at sa Metro Manila ay nasa 45%.

Sa ibang mga bagay, we wish to inform that BCDA President and CEO and Presidential Adviser on Flagship Programs and Projects Mr. Vivencio “Vince” Dizon tendered his resignation effective October 15, 2021 since Secretary Vince has asked the President to unload him of this task so that he can focus full time on national government’s COVID response efforts and vaccination rollout. Mananatili po sa gobyerno bilang Presidential Adviser for COVID-19 response si Secretary Vince Dizon. Patuloy rin niyang gagampanan ang kaniyang tungkulin bilang Deputy Chief Implementer ng National Task Force Against COVID-19 at Vaccine Czar.

Sa kaniyang termino bilang BCDA President at CEO, BCDA earned 48 million in revenues, the highest by far of any administration in only five years and by itself represents almost 40% of total revenues in the last 27 years. Sa panahong ding ito nag-remit ang BCDA ng pinakamataas na amount sa Armed Forces of the Philippines, a total of 34 billion, almost triple that of the previous Administration and double the contributions from 1993 to 2010. Nakumpleto din ng BCDA ang dalawang infrastructure flagship projects – ang first phase ng New Clark City at ang world-class Clark International Airport Terminal.

The President heaped praises for Secretary Dizon and the BCDA team for these accomplishments. And Secretary Dizon committed to continue the fight against COVID. BCDA Director Aristotle ‘Aris’ Batuhan will serve as officer-in-charge or OIC.

In-appoint din ng Pangulo si Jesus Melchor Vega Quitain bilang kaniyang Chief Presidential Legal Counsel.

Samantala, pinirmahan ni Presidente Duterte noong October 14, 2021 ang Republic Act 11592 o ang Liquefied Petroleum Gas or LPG Industry Regulation Act. Layunin nito na maglagay ng mga reporma sa existing standards of conduct ng codes of practice sa LPG industry. Kasama na rito ang pagtitiyak ng health, safety, security, environmental at quality standards ng LPG industry.

Dito po nagtatapos ang ating presentasyon. Tuloy na tayo sa ating open forum. USec. Rocky?

USEC. IGNACIO: Good afternoon, Secretary Roque.

Ang una pong tanong manggagaling kay Leila Salaverria ng Inquirer: The Philippines’ ranking in the rule of law index has dropped to its lowest and it is now 102nd among 139 countries. How is Malacañang addressing this finding? Why does it think the situation has worsened?

SEC. ROQUE: Well, we stand by what Secretary of Justice Meynard Guevarra said ‘no that we are going to exert greater efforts to uphold and promote the rule of law in the country. Pero sabi nga po ni Secretary Guevarra ‘no, from where he stands eh except for a few sensational cases eh ang crime rate naman po sa bansa ay bumaba. At bukod pa rito, ang gobyerno po ay tinutugunan ‘no iyong mga paglabag ng karapatang pantao at saka iyong mga alleged abuses sa conduct ng campaign against illegal drugs.

USEC. IGNACIO: Opo. Ang second question po niya: Which aspect daw po does it plan to adjust if any in order to improve adherence to the rule of law in the country?

SEC. ROQUE: Well, alam ninyo po kasi itong rule of law, limang ano po ‘yan ‘no, limang tinatawag na pillars ‘no. At ang Ehekutibo po ay in-charge sa dalawa – ito po ‘yung pulis at saka iyong kulungan ‘no. So kinakailangan po magsama-sama ‘yung iba’t ibang mga pillars kasama na po ang lipunan dahil kabahagi po bilang pillar ng criminal justice system ang lipunan. Pero kinakailangan ang Hudikatura bilisan ang proseso at kinakailangan din na ang civil society magmatyag pa rin ‘no at talagang gamitin ang proseso para lahat noong lalabag ay maparusahan po kung kinakailangan.

USEC. IGNACIO: Opo. Ang third question niya: Could we have an update daw po about replacement for DAR Secretary Castriciones and DICT Secretary Honasan?

SEC. ROQUE: Wala pa po akong balita.

USEC. IGNACIO: Opo. Ang sunod po niyang tanong: What prompted the IATF to expand the alert level system outside Metro Manila? Does it mean the implementation in NCR is considered successful?

SEC. ROQUE: Well, ito naman po ay kabahagi pa rin ng pilot study. Kung mapapansin ninyo po, ilang rehiyon pa lamang ang na-include dito sa pilot study. Pero sabihin na po natin na iyong pagbaba po ng mga kaso at saka iyong pag-improve ng ating health care utilization rate ay parang may kinalaman po doon sa alert level system na in-adopt natin sa Metro Manila dahilan para palawigin pa natin iyong ating pilot implementation.

USEC. IGNACIO: Okay. Thank you, Secretary. Ang susunod pong magtatanong via Zoom si Mela Lesmoras ng PTV.

SEC. ROQUE: Go ahead, Mela.

MELA LESMORAS/PTV4: Hi. Good afternoon, Secretary Roque at kay Usec. Rocky. Secretary Roque, follow up lang po muna doon sa nabanggit nga nating update sa alert level system. Iyong mga probinsya at siyudad na ating nabanggit kumbaga doon sa hindi mga nabanggit, community quarantine pa rin po ba ang paiiralin at kailan po kaya natin nakikita na COVID-19 alert level system na iyong paiiralin sa buong bansa?

SEC. ROQUE: Well, tama ka, Mela, ‘no na ilang mga rehiyon pa lang ang na-include natin doon sa pilot implementation. So we are expanding our pilot implementation of the alert level system habang binubusisi pa talaga iyong resulta ng initial pilot ‘no.

So—well ‘pag napag-aralan naman talaga na mas epektibo itong alert level system, i-implement it on a nationwide basis. Pero ngayon limited pilot study pa rin po tayo.

MELA LESMORAS/PTV4: Opo. And, sir, sabi ng OCTA iyong NCR, dahil ito pa rin nga ‘yung nauna sa alert level system, may tiyansa na maging Alert Level 2 kung magtutuluy-tuloy iyong pagbaba ng kaso. Ano pong masasabi dito ng Malacañang at paano kaya nga mapapanatili iyong pagbaba ng kaso given na may ibang reports na dumadagsa na iyong mga tao, minsan nakikita iyong complacency? Ano pong masasabi ninyo?

SEC. ROQUE: Well, dalawang bagay ‘no. Titingnan natin ang datos pagdating ng end of the month kasi talagang tayo ay data-driven. So kung talagang further bababa iyong mga daily case average at two weeks attack rate at saka ang ating health care utilization rate, anything is possible. Pero hindi po ito mangyayari kung magpapabaya po ang ating mga kababayan.

So importante po na habang nandiyan pa si COVID, patuloy po ang ating minimum health standards – mask, hugas, iwas at siyempre po bakuna dahil sagana po tayo ngayon sa bakuna.

MELA LESMORAS/PTV4: Opo. And I understand, Secretary Roque, may Talk to the People si Pangulong Duterte mamaya, tama po ba? At ano po kaya iyong mga agenda na nakahanda? Kayo po ba personally, may personal kayong mga idudulog sa Pangulo?

SEC. ROQUE: Well, tuloy po ang Talk to the People pero ang aking report po baka maging superfluous kasi ang in-announce po natin ngayon ay iyong expansion ng ating pilot implementation. Siguro ulitin ko lang po ‘yan just to make sure na alam po ni Presidente ito.

MELA LESMORAS/PTV4: Opo. Sir, may patanong lang po si Karen Villanda ng PTV, ang aming transpo beat. Suportado raw po ng DOTr iyong hiling ng PUV drivers na taasan na ang kapasidad sa mga pampublikong transportasyon ngayong marami na ring nakakalabas sa Alert Level 3. Ang Malacañang po, ano po iyong masasabi rito?

SEC. ROQUE: Well, titingnan po natin ‘yan, pag-uusapan sa IATF. Again, itong mga desisyon na ito, ito po’y collegial decision adopted by the IATF.

MELA LESMORAS/PTV4: Opo. And last na lang, sir, sa transpo pa rin. May napag-usapan po ba with Pangulong Duterte ukol sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo? Kasi marami raw pong tsuper na naapektuhan na tumaas po nang halos dalawang piso ngayong araw.

SEC. ROQUE: Alam ninyo naman po iyong presyo ng ating gasolina, iyan po ay nakasalalay sa world prices ‘no. Pero titingnan po natin dahil sa mga nakalipas tayo po’y nagbigay ng tulong ‘no lalung-lalo na doon sa mga nagtatrabaho sa transportation sector. Titingnan po natin kung makapagbibigay tayo ng ganiyang tulong. Pero pagdating po sa presyo mismo, iyan po talaga ay governed by the law of supply and demand.

MELA LESMORAS/PTV4: Opo. Thank you so much po Secretary Roque at kay Usec. Rocky.

SEC. ROQUE: Thank you very much, Mela; balik tayo kay Usec. Rocky.

USEC. IGNACIO: Opo. Mula po kay Kris Jose ng Remate/Remate Online: Reaksiyon daw po sa naging pagkuwestiyon ng grupo ng mga doktor sa pagbaba ng NCR sa Alert Level 3. Sinabi ni Dr. Maricar Limpin, Pangulo ng Philippine College of Physicians, na hindi sapat na sabihing nakikita nang bumababa ang COVID-19 cases kung walang nakalatag na basehan ng kung ilang porsiyento ang target na makamit para magbaba ng alert level. Kuwestiyonable rin para kay Dr. Limpin kung tama ang mga datos dahil hindi aniya tumutugma ang ipinapakita ng pamahalaan sa nakikita ng mga health workers sa mga ospital.

SEC. ROQUE: Napakahirap po talagang magkaroon ng generalizations ‘no. Pero tayo po, we are data driven. Unang-unang nakikita po natin sa datos eh talaga naman pong nasa moderate risk na po tayo pagdating sa health care utilization ‘no. At sa Metro Manila nga po, 59% na lang ang nagagamit na ICU beds, 38% nga lang po nagagamit na isolation beds, 43% ang ward beds at 45% ang ventilators – ito ay bukod po sa lahat ng indications na bumaba ang ating positivity rate, bumaba iyong ating daily average attack rate at saka iyong two-week average attack rate.

Uulitin ko po ha, hindi tayo nakikipag-away sa mga doktor. Pero ang importante po, ikonsidera natin na sa larangan ng public health, kabahagi po iyong pagkakaroon ng hanapbuhay para maiwasan ang pagkagutom – iyan po ang kinukonsidera ng ating IATF at ng ating Presidente. Hindi lang iyong pagbaba ng kaso ng COVID kung hindi iyong pagbaba rin ng mga numero na nagugutom dahil sa lockdown.

Hindi po lockdown ang solusyon sa COVID dahil alam na po natin paano mabuhay amidst COVID at alam na rin po natin kung paano nga tayo makakapagbalik-buhay despite itong banta ng COVID – ito po ay sa pamamagitan ng mask, hugas, iwas at bakuna.

USEC. IGNACIO: Opo. Tanong naman mula kay Cherry Light ng SMNI News: Kung may sagot na daw po si Pangulong Rodrigo Duterte sa rekomendasyon ni Labor Secretary Silvestre Bello III kaugnay sa planong pagpapatupad ng deployment ban kapag hindi mababayaran ang suweldo ng mahigit 9,000 OFWs sa Kingdom of Saudi Arabia?

SEC. ROQUE: Wala pa pong sagot ang ating Pangulo. Inaasahan po natin na sana gaya ng aking sinabi ‘no noong nakaraan eh madala sana po ito sa mabuting usapin.

USEC. IGNACIO: Opo. Question mula kay Trish Terada ng CNN Philippines, iyong first question niya po ay nasagot ninyo na, about doon sa—kung iyong alert level kung pupunta na sa national level. Ang second po niyang tanong: Are you running for senator? If you are still deciding, what are your considerations?

SEC. ROQUE: Hindi ko pa po alam ‘no. Unang-una po umaasa pa rin tayo na gaya ng sinabi natin na nais nating tumakbo kasama po si Mayor Sara – iyan po iyong pinakaimportanteng konsiderasyon.

So habang hindi pa po tapos ang substitution, marami pa rin pong umaasa. Alam ko po sinabi niya hindi na talaga pero malay ninyo naman po magkaroon ng milagro. Pangalawa po, ako po’y hindi anak-mayaman, hindi po ako anak-pulitiko, napakatinding paghamon po iyong salapi na kinakailangan para tumakbo. So iyan po iyong mga bagay-bagay na kinukonsidera natin.

USEC. IGNACIO: Opo. Tanong naman mo ni Llanesca Panti ng GMA News Online. Iyong query po niya iyong minimal COVID-19 positive cases in face-to-face classes reported by CHED po, is this a cause for concern?

SEC. ROQUE: Hindi naman po ‘no. Kasi unang-una depende naman po kung saan gagawin iyang face to face classes na iyan. Hindi naman tayo magpi-face to face classes doon sa maraming kaso ng COVID.

Pangalawa, tumataas din naman po ang vaccination rate natin, hindi lang sa Metro Manila kung hindi sa buong Pilipinas.

Kinakailangan po matuto tayong mabuhay kasama ang COVID; matuto tayong bumalik sa ating dating mga buhay dahil tayo naman po ay nagpapabakuna.

USEC. IGNACIO: Opo. Tanong naman mula kay Maricel Halili ng TV5: Pakilinaw daw po ang guidelines para sa senior citizen na gustong pumasok sa malls. Sabi po ninyo last week, may incentive ang fully vaccinated seniors, kaya puwede na silang lumabas kahit hindi essentials. Pero may mga mall na hindi pa rin po nagpapapasok for senior citizen even for al fresco dine-in kahit fully vaccinated na sila. Ano po ang protocol, bawal pa rin po ba daw sila sa malls?

SEC. ROQUE: Hindi po natin binabawi iyong incentive na binigay natin sa seniors na kapag sila ay vaccinated eh pupuwede po silang pumunta sa mga malls at pupuwede silang lumabas ng bahay, ganoon pa rin po iyon.

Ang hindi natin ina-allow pa ngayon ay iyong mga menor de edad na magpunta sa mga malls kasi hindi sila bakunado po, unlike the senior citizens na posibleng bakunado na sila. Dalhin lang po iyong inyong VaxCertPh or iyong proof of vaccination at ipakita sa mga malls.

USEC. IGNACIO: Mula naman po may Madz Recio ng GMA News. Tungkol daw po ito sa Blue Ribbon hearing, Pharmally, reaction daw po: Senator Gordon today said, “It is clear and categorical that the grand conspiracy could have never happened without the imprimatur of the executive from beginning to end, from meetings with Pharmally to appoint selected people who are extremely loyal.” According to Gordon, the President allowed his friends to bleed the nation’s coffers dry.

SEC. ROQUE: Kuwentong kutsero po iyan sa panahon ng pulitika; pero kapag ebidensiya po, walang ganiyang ebidensiya.

In fact, ni hindi nga napatunayan na may kinalaman iyong relasyon ng Presidente sa pagbili ng mga PPEs. Uulitin ko po ha, unang-una, wala pong overprice sa pagbili ng mga PPE sang-ayon po iyan sa chairman ng Commission on Audit. Pangalawa, wala pong nalabag na batas dahil ang Kongreso mismo po ang nagbigay ng Bayanihan I at binigyan ng kapangyarihan ang Presidente na bumili ng mga PPEs at iba pang kinakailangan natin sa lalong mabilis na panahon.

So, malinaw po iyan, so kung wala pong paglabag sa batas at walang overprice, bakit magkakaroon ng grand conspiracy; usaping kutsero po ng isang taong namumulitika.

USEC. IGNACIO: Opo. Ang sunod po niyang [tanong]: Also, nanawagan po ang healthcare professionals na huwag i-block ang hearing at payagang um-attend ang mga opisyal sa pagdinig sa Senado.

SEC. ROQUE: Hindi naman po blinock (block) sa mula’t-mula ang pag-attend ng ating mga opisyales sa Senado.

Ang problema po matapos ang napakaraming hearing at kung hindi po ako nagkakamali, doseng iyong hearing na iyan ay patuloy pa rin. Eh ano naman po ang mangyayari sa panahon ng pandemya, kung ang panahon ng ating Secretary of Health, Vaccine Czar at saka Testing Czar ay mauubos sa pag-attend sa mga hearing na iyan.

Hindi po natin hinarangan iyan; ang sinabi lang ng Presidente, enough is enough at the time of pandemic. Pero nakikita naman natin na si Secretary Duque ay nagsasabing wala siyang tinatago. So bagama’t mayroong utos ang Presidente, handa pa rin siya para lang mapatunayan sa lahat na wala pong tinatago ang DOH. Bukod pa ito sa katotohanan na panahon po ngayon ng budget hearing. So sa ayaw at sa gusto ng mga departamento ay kinakailangan nilang sagutin ang lahat ng tanong ng Kongreso bago ma-approve ang kanilang mga budget.

USEC. IGNACIO: Opo. Secretary, iyong susunod pong tanong ay nasagot na ninyo mula kay Aileen Taliping ng Abante at iyon pong tanong ni Ivan Mayrina ay kapareho po ng tanong din ni Madz Recio ng GMA News. Iyon po muna ang ating mga nakuha ngayong tanong sa ating mga kasamahan sa media. Salamat po, Secretary Roque.

SEC. ROQUE: Maraming salamat, USec. Rocky.

At dahil wala na pong mga katanungan, sa ngalan po ng inyong Presidente Rodrigo Roa Duterte, ito po ang inyong Spox Harry na nagsasabi: Pilipinas, good job at mataas na talaga ang ating vaccination rate lalung-lalo na sa Metro Manila. Pero sa iba’t ibang parte ng daigdig, kinakailangan po maging kasing taas din ang ating vaccination rate gaya ng Metro Manila. At nandiyan po ang mga supply, so wala na pong balakid para lahat po tayo mabakunahan. Have yourselves vaccinated, protect yourselves, protect your loved ones.

Magandang hapon, Pilipinas.

 

###

SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)