SEC. ROQUE: Magandang tanghali, Pilipinas. Nagpapasalamat po ang Palasyo sa patuloy na suporta ng mga Pilipino kay Presidente Rodrigo Roa Duterte. Ayon sa pinakahuling SWS survey, nakatanggap ng “very good” rating ang Pangulo, nasa +52 ang net satisfaction rating ni Presidente. Normal po na bumaba ang rating ng isang nakaupong Pangulo sa huling taon niya sa puwesto, nguni’t ibang klase po talaga itong si Presidente Duterte, bagaman may pagbaba, ito pa rin ay mataas kung ikukumpara sa nagdaang mga Pangulo. Siya pa rin ang may pinakamataas na satisfaction rating sa lahat ng Pangulo siyam na buwan bago matapos ang kaniyang termino.
Tingnan natin ang datos ‘no: Sa parehong panahon, si PNoy ay nakatanggap ng +41 noong September 2015; si Presidente Gloria Macapagal-Arroyo, -38 noong September 2009; unfinished term naman po si Presidente Erap Estrada; si FVR naman po ay nakakuha +35 noong September 1997; habang si Presidente Cory ay nakakuha ng +10 noong November 1991.
Samantala, inaasahang dadalo via video conferencing ang Pangulo sa Asia Pacific Economic Cooperation or APEC sa November 12. Kasama sa kaniyang schedule ang pagdalo sa opening ceremonies; ang pagdalo niya sa session ng Global Economic Outlook presentation by the International Monetary Fund; and pagdalo sa Sessional Recovery from COVID-19 Build Prosperity for All Our People and Future Generations; at ang pagdalo sa hand-over ng APEC sharing sa Thailand. Siyempre po, sasama rin po siya doon sa closing ceremonies.
Usaping bakuna naman po tayo ha. Naku, magandang balita po ‘no, darating mamamayang hapon ang 2.7 million doses ng Sputnik V sa NAIA habang noong Linggo naman po, October 31, may natanggap na tayo nang mahigit dalawang milyong or 2,098,980 doses ng Pfizer na donasyon ng Estados Unidos sa pamamagitan ng COVAX Facility sa bansa. Nasa isa’t kalahating milyon or 1,546,200 doses ng AstraZeneca COVAX-donated vaccine naman ang dumating sa bansa noong Sabado, Oktubre a-trenta. Sa parehas na araw, Oktubre a-trenta, nakatanggap naman tayo nang mahigit isang milyon or 1,065,600 doses ng AstraZeneca vaccine na donasyon ng bansang Hapon. Dumating naman po noong Biyernes, October 29, sa Pilipinas ang halos isang milyon or 973,440 doses ng Pfizer na binili ng pamahalaan habang dumating din ang dalawang batch nang halos isang milyon or 976,950 doses ng Pfizer vaccine na binili ng pamahalaan.
Sa dami po ng supply, lampas one hundred million doses na po ng COVID-19 vaccine ang dumating noong October 28 mula Pebrero. Wala na pong dahilan ha na hindi tayo mabakunahan. Ang pagbabakuna po ay proteksiyon sa ating sarili at sa ating mga mahal sa buhay.
Magsisimula pa nga po tayo ngayong linggo sa nationwide vaccination ng mga bata na may edad dose hanggang disisiete anyos. Kasama ito sa naging resolusyon ng IATF noong Huwebes, October 28, 2021 ‘no. Ito ang tinatawag na vaccination rollout for the rest of the pediatric population para maabot po natin ang vaccination rate of 80% of the target population by December 2021. Mamaya po ay makakasama natin si Dr. Edsel Salvaña para pag-usapan ang bagay na ito.
Samantala, nasa mahigit 59.3 million na po ang total doses administered sa Pilipinas as of November 1, 2021 ayon sa National COVID-19 Vaccination Dashboard. Sa bilang na ito, 35.47% na po ha or mahigit 27.3 million ang fully vaccinated sa buong bansa. Sa Metro Manila, nasa 96.34% o mahigit 9.4 million ang nakatanggap na po ng first dose habang 87.78% — malapit na pong 90% ha – ang fully vaccinated, katumbas nang mahigit-kumulang 8.5 million na katao.
Tara na po at magpabakuna, lahat ay ligtas, epektibo at gumagana. Sa mga nagsasabi na kailangan ng booster shot kapag naturukan ng Sinovac, naku po, hindi lang naman po Sinovac ang sinasabing kinakailangan ng booster shot, maging sa mga nakatanggap ng Pfizer, Moderna at Janssen ay binibigyan ng booster shot para sa added protection. Dito po sa Amerika ay nagsisimula na nga sila ng kanilang booster shots para sa mayroon mga comorbidities at para sa mga elderlies. Mamaya po ay ipapaliwanag din po ito ni Dr. Edsel Salvaña.
So COVID-19 update naman po. Magandang balita, patuloy ang pagbaba ng mga bagong kaso, nasa 3,117 na lang po ito sang-ayon sa November 1, 2021 datos ng DOH. Samantala, patuloy din pong bumababa ang ating positivity rate na nasa 7.5%. Ang target po natin, dapat five percent o mas mababa. Patuloy din ang pagtaas ng ating recovery rate po ha, ito po ay nasa 96.9%, nasa 2,703,940 na po ang mga gumaling. Samantala, nasa 43,276 na po ang binawian ng buhay dahil sa coronavirus, nakikiramay po kami. Nasa 1.55% po ang ating case fatality rate.
Ito po ang kalagayan ng ating mga ospital ha: Sa buong Pilipinas, 45% lang po ang utilized na ICU beds; sa Metro Manila, ito po ay mas mababa pa sa 39%. Sa buong Pilipinas, 34% lang po ang utilized isolation bed; sa Metro Manila, mas mababa pa po, sa 27%. Sa buong Pilipinas, 31% ang utilized ward beds; sa Metro Manila, ito po ay 30%. Sa buong Pilipinas, 31% ang mechanical ventilators; sa Metro Manila, nasa 29% po.
Makakasama po natin ngayon, Dr. Edsel Salvaña, para pag-usapan po ano ba ho talaga, kinakailangan ba ng booster shot ng Sinovac lamang o ano ba ho talaga ang nasa literature? At ano po ang magiging sistema sa ating pagbabakuna ng ating mga kabataan? Dr. Edsel Salvaña.
DR. EDSEL SALVAÑA: Magandang hapon po, Spox. Magandang hapon sa lahat ng nanunood at nakikinig.
Iyong isyu po ng booster sa ngayon, pinag-uusapan po ng SAGE doon sa WHO dahil mayroon pong mga karagdagang datos na kinakalap ang ating mga scientists as to what is appropriate para sa general population at doon din sa mga immunocompromised at doon sa elderly.
Sa United States po, nag-go ahead na po sila sa boosters po nila para doon sa mga immunocompromised and those above 60 years old. At pinag-aralan din po kasi [technical problem]
SEC. ROQUE: Oops, naputol ka, Dok.
DR. EDSEL SALVAÑA:… iyon nga, iyong pagbigay doon sa mga highly exposed. Yes po, okay na po?
SEC. ROQUE: Okay, nakabalik na po kayo.
DR. EDSEL SALVAÑA: Yes po. Actually, iyong boosters po sa US, ang pinayagan pa lang po ay iyong mga taong may immunocompromised state at iyong mga tao na above 60 years old. Tapos iyong sa mga taong mayroong occupational risk, iyong tinatawag na healthcare workers po or exposed, niri-recommend din po silang mag-booster bagama’t ito po ay optional.
So sa ngayon po, kumukuha pa tayo ng datos. Pero ang alam po talaga natin is, kung habang mababa pa ang nabakunahan sa isang bansa, mas effective itong mga bakuna na ginagamit doon sa mga hindi pa nabakunahan bago natin silang gamitin para sa booster dahil mas marami ang mapi-prevent from being hospitalized kung unahin natin iyong mga hindi pa nabakunahan versus gamitin itong mga vaccines na ito for boosters po.
SEC. ROQUE: Okay. Doon naman po sa usaping bakunahan ng ating mga kabataan?
DR. EDSEL SALVAÑA: Yes po, Spox. Actually, important po na unahin talaga natin iyong mga kabataan natin 12 to 17 years old even before we think about boosters kasi alam naman natin na puwede pang mahawa ang mga bata at makahawa nang mas nakakarami. And on top of that nga, puwede rin silang magkaroon ng severe, pero mas mababa iyong risk compared doon sa mga taong mas matatanda or nasa vulnerable population.
Kaya ang mangyayari is, as long as ma-protect na natin iyong vulnerable population natin, makakabuti pa rin na i-vaccinate natin iyong mga bata para mas konti iyong puwedeng madapuan ng virus.
SEC. ROQUE: Okay. Maraming salamat, Dr. Edsel. Marami po siguradong tanong ang ating mga kasama sa Malacañang Press Corps so please join us for our open forum. Let’s proceed then, Usec. Rocky, go ahead please.
USEC. IGNACIO: Good afternoon, Secretary Roque and kay Dr. Edsel.
Una pong tanong mula kay Rosalie Coz ng UNTV: Desidido na ang ilang private hospitals na huwag na daw pong mag-renew ng accreditation sa PhilHealth dahil sa hindi pa rin naibibigay ang reimbursement claim sa kanila ayon sa Private Hospital Association of the Philippines. Ano po ang tugon ng administrasyon Duterte dito? Nakarating na po ba ito sa Pangulo at ano po ang reaksiyon ng Punong Ehekutibo? Similar question with Pia Gutierrez ng ABS-CBN.
SEC. ROQUE: Naku, hindi ko na po alam kung ano ang sasabihin diyan. Dahil bilang nagtulak po ng Universal Health Care, ang pondo naman po na nanggagaling sa PhilHealth, iyan po ay sang-ayon sa Universal Health Care at hindi lang po iyan nanggagaling sa premiums. Iyan po ay nanggagaling din sa mga buwis ng taumbayan, kasama na diyan na iyong proceeds ng sin taxes, iyong appropriation ng DOH at saka iyong kita ng PCSO at saka PAGCOR.
So, sa akin po hindi po nagkukulang talaga at ako na po iyong author ng batas. Sinasabi ko po sa inyo, hindi magkukulang ang pondo ng gobyerno para rito. Dahil ang pagkakaiba nga po, kaya nagkaroon ng Universal Health Care, dati-rati iyong pribilehiyo o iyong mga serbisyo ng PhilHealth ay nanggagaling lamang sa contribution ng mga members ‘no. Pero alam natin na hindi sapat iyan, kaya nga kinakailangan tustusan galing sa kaban ng taumbayan.
Siguro po mananawagan tayo uli kay President Gierran, paulit-ulit na pong sinasabi ni Presidente sa kanya, alam ko po ito paulit-ulit na silang nag-usap. Hayaan mo ng bayaran ng bayaran iyan, dahil sa panahon ng pandemya, talagang magkakagulo at magkakaroon ng kakulangan kung ang mga pribadong hospital ay hindi kasama sa Universal Health Care ‘no.
Kasi alam po ninyo 70% ng ating medical health care ay nanggagaling pa rin sa mga pribadong hospital. So ang ginawa lang muna nating scheme noong binuo natin iyang Universal Health Care Law ay ginawa nating sole buyer of medical good and services ang gobyerno sa pamamagitan nga po ng PhilHealth.
So hindi po magtatagumpay ang Universal Healthcare kung wala ang kooperasyon ng mga pribadong hospital, dahil mas marami po ang nagbibigay ng serbisyo sa atin ngayon na pribadong hospital kaya sa pang-gobyernong hospital.
So, nanawagan po ako, uulitin ko na lang po iyong request ni Presidente Duterte kay President Gierran, bayaran at bayaran iyan at ako po ay nakikiusap naman sa mga pribadong hospital, paulit-ulit naman po na pinapakita ni Presidente ang suporta niya sa mga pribadong hospital dahil kinikilala po natin na mas maraming umaasa ngayon sa mga pribadong hospital kaysa doon sa mga numero ng pampublikong hospital.
USEC. IGNACIO: Thank you, Secretary Roque. From Leila Salaverria po ng Inquirer for Dr. Edsel Salvaña: OCTA says there is reason to ease restrictions on businesses in Metro Manila because the LGUs are under no risk. Do you agree with this? What is your recommendation regarding the alert level?
DR. SALVAÑA: Yes, I think iyong problema talaga dito is ang ginagawa kasi natin ngayon is granular lockdowns and so we have to look at the extent of granular lockdowns in the different LGUs po, before we consider whether ibaba or itataas or are we going to maintain.
Iyong tinitingnan lang po kasi ng OCTA is the numbers, iyong niri-release ng DOH sa data graph na alam naman natin available sa lahat, pero mas malalim po na analysis ang ginagawa ng IATF at ng sub-technical working group and of course we work with the LGUs to make sure na it’s safe. Nakikita nga natin iyong RT, iyong Reproduction Rate, medyo tumataas na rin ng kaunti bagama’t mababa pa ito sa one, which means pababa pa rin iyong cases—[signal cut]
SEC. ROQUE: Nawala si Dr. Salvaña. So ang sinasabi po niya, bagama’t pababa po ang datos ‘no—
DR. SALVAÑA: Important po na dahan-dahan po tayo, hindi basta puwedeng basta-basta sasabihin mo, sige buksan na natin iyan. We need to be very careful po—[signal cut]
USEC. IGNACIO: Opo. Doc. Edsel naririnig po ninyo kami? Medyo naputol po kayo kanina. Pero ito po iyong second question naman ni Leila Salaverria para sa inyo pa rin po, Doc. Edsel: How much of a risk do you think will there be if Metro Manila will be placed under Alert Level 2 in the second half of the month?
DR. SALVAÑA: Yes. So kailangan po talaga nating pag-aralan iyan, alam naman natin na very dynamic naman po ang ating IATF sa pagtingin noong numbers and hindi lang po iyong mga numbers nga sa data draft. Ang important po iyong mga on the ground po, iyong ating MMDA Mayors na tinitingnan po talaga kung papaano nagbi-behave iyong mga tao. So, rather than making these pronouncements, it’s really important that we work with the local governments para alam po talaga natin kung ano iyong sitwasyon on the ground.
SEC. ROQUE: Well, alam mo, USec., alam naman po ninyo ang paninindigan ko diyan. Kinakailangan mas maraming mga kababayan natin ang makapaghanapbuhay na, dahil dalawang taon na tayong may pandemya at hindi naman dapat na lockdown ng lockdown. Pero nakikita po natin na habang tayo nagpapabakuna, nagma-mask, hugas, iwas ay bumababa po ang mga kaso.
Now, ang katotohanan lang po, habang dumarating na ang buwan ng Disyembre, inaasahan natin na mas maraming mga pagtitipon na gagawin at diyan po iyong posibilidad na sisipa muli pataas ang numero.
So, sabihin na lang po natin na bagama’t ang datos ay nagpapakita na pupuwedeng ibaba nga po sa mas mababang alert level ang Metro Manila, importante po, huwag tayong magpabaya, huwag tayong mag-isip na tapos na ang pandemya, dahil nandiyan pa rin po si COVID-19 at magpatuloy pa tayo at lalo nating paigtingin ang mask, hugas, iwas.
At sa mga lugar na mababa pa ang vaccination rate ay kinakailangan po magpabakuna. At ito naman po ay para mas marami nga po sa atin ang makapagbalik-buhay.
USEC. IGNACIO: Opo. Thank you, Secretary Roque. Ang susunod pong magtatanong ay si Mela Lesmoras ng PTV via Zoom.
SEC. ROQUE: Go ahead, please.
MELA LESMORAS/PTV 4: Hi! Good afternoon, Secretary Roque at kay Dr. Salvaña. Secretary Roque, unahin ko lang, may Talk to the People po ba mamaya? May specific agenda ba tayong aabangan mula kay Pangulong Duterte?
SEC. ROQUE: Mayroon pong Talk to the People.
MELA LESMORAS/PTV 4: Opo. Secretary Roque, about lang sa COVID-19 cases. Masasabi po ba ninyong produkto na ng successful COVID-19 alert level system iyong patuloy nga na pagbaba ng kaso sa NCR at nationwide? Bago magtapos iyong taon nakikita po ba ng IATF na ito na iyong alert level system na iyong paiiralin sa buong bansa napag-uusapan na rin po ba ninyo ito?
SEC. ROQUE: Well, hindi po ako dalubhasa, hindi po ako scientist, pero from a layman’s point of view, tingin ko naman hindi rin coincidence lamang na habang nagpaigting tayo ng granular lockdown at pinataas natin iyong pagbabakuna at pinapaigting natin iyong mask, hugas, iwas ay tuluyang bumababa ang mga kaso.
Ang sa akin lang, hindi lang po siguro isang factor ang dahilan kung bakit bumababa ang mga numero, kinakailangan patuloy pa rin po iyong ating PDITR – Prevention, Detection, Isolation, Treatment and Reintegration. Patuloy pa rin po iyong pagbabakuna natin, at sa tingin ko naman po kung talagang paiigtingin natin iyong granular lockdowns at nakita naman natin na talagang naging mahigpit tayo sa granular lockdown. Kung ikaw ay hindi doctor o medical professional, hindi ka talagang pupuwedeng lumabas doon sa area under granular lockdown, eh talagang mapababa natin ang numero.
Pero hindi lang po isang bagay ang dahilan diyan, sama-sama na po diyan, kasama po iyong patuloy ng kooperasyon ng lahat, mask, hugas, iwas. Maski po tayo ay mukha ng sirang plaka, paulit-ulit pa rin po tayo diyan, habang nandiyan si COVID-19. Dr. Salvaña?
DR. SALVAÑA: Yes po, Spox. Actually, agree po ako diyan. Important po talaga na ipagpatuloy natin iyong ating minimum public health standard. And you are right, it’s not just one thing that brought down the cases. Madami po, simula pa noong August iyong decision po natin to preemptively lockdown, naano po natin iyong Delta kumbaga we were able to cushion iyong impact ng Delta.
Nakita naman natin umabot sila ng 400,000 cases a day sa India noong Delta; iyong peak natin here was about 26,000 cases and then bumaba na after that. So, lahat po iyon, iyong early lockdown, iyong paggamit ng MPHS and iyong enhanced vaccination program, iyon po ang nagpababa ng cases natin.
MELA LESMORAS/PTV 4: Opo. And speaking of COVID-19 rules pa rin, sir. Secretary Roque, sa national level, anu-ano po kaya iyong pinaplanong strategies ng IATF ngayong Pasko para ibayo pang mabuksan iyong ekonomiya when it comes to malls, curfews and transpo. I understand sa Metro Manila may mga pinaplano na iyong mga Metro Manila Mayors.
Pero when it comes to national level, ano po iyong mga strategies na nakikita natin. Ano kaya iyong magiging expectations ng ating mga kababayan sa kanilang magiging movement?
SEC. ROQUE: Well, alam ninyo po kung bumaba to seven ang ating average daily attack rate at patuloy na bumaba ang mga datos, kasama na diyan iyong health care utilization rate natin na bumababa at mababa na nga po ngayon, nasa low risk na nga po tayo ngayon, ay pupuwede naman pong bumaba nga ang alert level. At ibig sabihin po diyan ay mas marami talagang negosyo ang magbubukas para lalong sumigla ang ating ekonomiya at mas maraming makapagtrabaho at maraming makapag-Noche Buena ano, kapag bukas po ang ekonomiya.
So, hindi naman po sa walang plano, kabahagi po iyan ng overall strategy natin ‘no, kasama na iyong Alert Level System, kasama na iyong kampanya natin for minimum health standards at saka iyong pagbubukas ng ekonomiya. Marami po sa atin talaga na tututol na sa lockdown dahil maraming nagugutom at gusto naman natin magkaroon ng mabuting Christmas ang lahat ng Pilipino.
Pero iyong mga detalye po ng karagdagan pang detalye eh pag-uusapan pa po iyan. Pero hindi po totoo na walang plano kasi mayroon na po talaga tayong bigger framework and strategy laban kay COVID-19.
MELA LESMORAS/PTV4: Opo. Pero, sir, iyong mga Christmas traditions iyong inaabangan ng ating mga kababayan, sa ganda ng sitwasyon ngayon puwede na rin kaya ulit iyong mga Christmas parties, pangangaroling, pamamasko? Sa tingin ninyo po, ano po iyong nakikita ng Malacañang na scenario sa Pasko?
SEC. ROQUE: Kung titingnan ninyo po sa Alert Level 3 eh mayroon na pong bahagyang pagpayag sa mga social gatherings. Pero kagaya ng aking sinabi po, huwag naman po sanang mabalewala iyong napakadami nating sakripisyo at napakatagal nating pagtitiis dahil lang sa pagdating ng Pasko.
Sana po ay mag-ingat pa rin tayo, tuluy-tuloy pa rin po tayo sa ating mga pag-iingat. Pero sa detalye po kung ano iyong mga papayagan at hindi papayagan, iyan po siguro aý pag-uusapan na dahil buwan na ng Nobyembre.
MELA LESMORAS/PTV4: Okay. Thank you so much po, Secretary Roque, kay Dr. Salvaña at kay Usec. Rocky.
USEC. IGNACIO: Thank you, Mela. Secretary, tanong mula kay Red Mendoza ng Manila Times para po kay Dr. Edsel: Sinabi ng isang dating adviser na dapat daw ay bantayan pa rin ang sinasabing bagong variant na unang naitala sa Mauritius kahit na nakarekober na ito noong March pa. Is there anything to be worried about sa ‘di umano ay bagong variant na ito or masasabi pa po ba natin na dahil nakakarekober na siya, hindi na natin kailangang mag-alala?
DR. SALVAÑA: Well, yeah. Iyong variant na iyon, actually, ano siya, variant under monitoring siya, pinapanood naman namin. Bagama’t mukhang wala namang additional community transmission since then dito sa Pilipinas, so I think we’re okay from that standpoint.
Ang binabantayan talaga natin ngayon nang maigi iyong tinatawag na Delta+ o iyong AY.4.2 na parang grandson or granddaughter noong Delta at nagpapakita ng kaunting increase talaga doon sa UK versus iyong sa Delta.
So, binabantayan pa po iyon pero wala pa namang final doon at we’re watching very carefully and we’re continuing to sequence iyong sa mga incoming OFWs po natin.
USEC. IGNACIO: Opo. Ang second question po niya para sa inyo pa rin, Dr. Edsel: Most health experts are saying na dapat hindi raw po maging complacent at maging cautious pa rin ang optimism natin dahil nga sa posibilidad na pagpasok ng sinasabing anak ng Delta variant ngunit sinasabi din ng mga business groups na magbukas na ng economy. Ano po ang inyong masasabi dito, Doc, sa delicate balance between the health and the economy?
DR. SALVAÑA: Well, yes po, we really need to balance kasi nakita naman natin na bugbog sarado na rin po talaga ang ating mga kababayan sa mga lockdowns natin bagama’t iyon nga, iyong number of deaths natin compared to other countries like iyong US, 700,000 na po talaga iyong namatay.
So, iyon po iyong safe reopening is really the goal of the government para po hindi na ulit sumipa iyong number of cases but there are threats that persist including iyan nga, iyong AY.4.2. So, dahan-dahan po, tuloy po natin iyong ginagawa natin, nagbubukas naman po tayo and now we’re starting to vaccinate even the children twelve years old and above.
So, we’re looking forward na kahit as we open up, mas mababa iyong risk na sisipa ito ulit dahil mas marami nang nabakunahan at ginagawa pa rin po natin iyong mga bagay that will prevent increases in these cases.
So balanse po, but we can open up carefully and just be really vigilant. We’ve learned a lot about this pandemic and I think kakayanin naman po.
USEC. IGNACIO: Opo. Thank you, Dr. Edsel.
Secretary Roque, question from Celerina Monte from NHK: What is the likelihood that the 80-man Bangsamoro Transition Authority will still be dominated by the MILF members and Ahod Al-Hajj Murad Ebrahim will continue to be the acting chief minister of BARMM until 2025?
SEC. ROQUE: Well, ang appointment po talaga ng 80-man BARMM members is according to the law passed by Congress to be made by the President. So, hintayin na lang po natin ang desisyon ng Presidente.
Pero siyempre po, hindi naman po pupuwedeng sabihin na balewala ang magiging boses ng MILF. Sigurado naman po ako, mayorya ng mga maa-appoint ng Presidente ay manggagaling pa rin sa hanay ng MILF bagama’t mayroon din po iyang appointees ang ating gobyerno.
USEC. IGNACIO: Thank you, Secretary Roque. Ang susunod pong magtatanong via Zoom ay si Tricia Terada ng CNN Philippines.
SEC. ROQUE: Go ahead, Trish.
TRISH TERADA/CNN PHILIPPINES: Hi! Good afternoon, Spox. And good afternoon to Dr. Salvaña and Usec. Rocky.
Sir, first question lang po tungkol doon sa pediatric vaccination. So, we’re starting with twelve to seventeen, how soon do we see pediatric vaccination for the younger ones, five to eleven for example to happen here in the Philippines?
SEC. ROQUE: Dr. Salvaña?
DR. SALVAÑA: Kaka-approve pa lang sa US noong five to eleven for Pfizer. So, we’ll see kasi kailangan rin mag-apply ng EUa iyong Pfizer for extension to the younger age group. Bagama’t mga 1/3 lang iyong dose na gagamitin sa bata, so, it might actually be less burden on the vaccination supply.
And again, even though iyong mga bata natin are less susceptible to severe COVID, they can still transmit, so it’s really in the bet interest that we vaccinate as many people as possible including the young ones once may EUA na tayo even before we even think about boosters.
TRISH TERADA/CNN PHILIPPINES: Thank you very much, Sir. Sir, next question lang for either Secretary Roque or to Dr. Salvaña. We’re seeing kasi now, Sir, iyong bumaba na po iyong cases, is it high time also for the IATF to reconsider or napapag-usapan na po ba sa IATF iyong pagtanggal noong policy on wearing face shields cause until now it’s been a source of mockery for some na in other countries bakit daw hindi na talaga nagsusuot ng face shields and yet sa atin patuloy pa rin iyong requirement ng pagsusuot ng face shield?
SEC. ROQUE: I can confirm po na habang bumababa ang mga numero eh pinag-uusapan na rin po kung ipapagpatuloy pa ang pagsuot ng face shields. So, tama po kayo, dahil bumababa ang numero, marami ng kumbaga nagsasabi sa IATF na baka dapat itigil na rin ang pagsusuot ng face shields.
Pero wala pa pong desisyon, so, suot pa rin po tayo ng face shields. Nililinaw ko lang po, bagama’t dumadami ang sumusuporta doon sa hindi na paggamit ng face shield dahil bumababa ang numero, sa ngayon po, isuot pa rin natin ang face shields, lalung-lalo na doon sa ‘3Cs’ ‘no when in the outdoors.
DR. SALVAÑA: Yes, Spox. Siguro idagdag ko lang po. Iyong face shield kasi hindi lang siya additional for masking kasi hindi ba nagdo-double masking iyong iba? Iyong important diyan is the eye protection. Alam rin kasi natin na puwedeng pumasok ang COVID through your eyes and even iyong tears natin kung may COVID kayo puwedeng magkaroon ng COVID.
So, aside from the double layer of protection, iyong eye protection is also kind of important and kaya nga rin nakakalusot iyong iba kahit naka-double mask sila dahil puwede pa ring pumasok iyong virus sa mata. But I agree with Spox na if the risk is going down, we can think about decreasing, well, iyong sa outdoor naging recommendatory na lang but for indoors siguro we have to make sure everyone who is vaccinated muna before we remove those face shields, baka hindi muna doon sa mga unvaccinated at we will continue to study this po.
TRISH TERADA/CNN PHILIPPINES: Thank you, Doc. Sir, final question. When does the IATF plan to decide on this? Kumbaga, part na po ba siya ng agenda ng IATF sa susunod po na meeting? Iyong desisyon on face shields?
SEC. ROQUE: Kung hindi po ako nagkakamali eh pinag-aaralan na po ng Technical Working Group.
TRISH TERADA/CNN PHILIPPINES: All right. Thank you very much, Spox Harry and Dr. Salvaña. Maraming salamat po.
SEC. ROQUE: Maraming salamat, Trish. Balik tayo kay Usec. Rocky.
USEC. IGNACIO: Yes, thank you, Secretary Roque.
Tanong po ni Einjhel Ronquillo ng DZXL RMN: May info na ilang mga bakuna iyong nasunog daw po sa Zamboanga del Sur at saka ano po ang impact nito sa vaccination rollout sa lugar?
SEC. ROQUE: Well, malungkot nga po itong balitang ito dahil ang nasunog po talaga ay iyong regional DOH office ‘no. So kinukumpirma ko po na hindi bababa sa 100,000 doses ang naapektuhan ‘no, pero wala pa pong exact numero ‘no dahil iniimbestigahan pa po. Mayroon lang ballpark figure na binigay sa akin, and I don’t want to say exactly what figure that is hanggang hindi po makumpirma ni Secretary Galvez mismo.
At this point, I will say that it is not less than, it is at least a hundred thousand doses affected ‘no. Pero mabilis naman po nating papalitan iyan ‘no dahil hindi naman po problema ang supply.
Ito po talaga ay nangyayari; hindi po talaga natin ninais na magkaroon ng ganiyang sunog. Pero iyon nga po, as we are trying to verify the exact amount of vaccines na naapektuhan, I can confirm na hindi po bababa sa 100,000 doses subject to the final figure probably to be announced by Secretary Galvez.
USEC. IGNACIO: Opo. Mula naman po kay Kyle Atienza ng BusinessWorld – Secretary, hindi ko po alam kung nabanggit ninyo na ito, ano po: Will the national government downgrade Metro Manila to Alert Level 2 before the holiday season?
SEC. ROQUE: Well, nagsabi na po ang DOH – malaki po ang posibilidad na bumaba. Ang inaantay na lang natin iyong ADAR, dapat from 7.7 ay bumaba po to seven percent.
USEC. IGNACIO: Opo. From Ace Romero ng Philippine Star: The Alliance of Concerned Teachers called for the release of a 1,5o0 monthly internet allowance for teachers instead of a SIM card to allow them to conduct distance learning during the pandemic. Some teaches complained that a one gigabyte of data a day is not enough for online classes. What is Malacañang’s take on this?
SEC. ROQUE: Well, unang-una po, nagkusa na po ang Department of Education para magkaroon ng dialogue sa mga leaders ng ACT, at isa po ito sa mga pinag-uusapan. So antayin na lang po natin kung ano ang mapagkakasunduan sa panig ng Department of Education at ng ACT leaders.
USEC. IGNACIO: Opo. Tanong naman po mula kay Maricel Halili ng TV5: Secretary Roque, does Malacañang take offense of how TV series “Pine Gap” shows China’s 9-Dash Line? Do you support the decision of MTRCB to pull out episodes of this political drama?
SEC. ROQUE: Suportado po iyan dahil ang MTRCB naman po ay under the Office of the President din mismo ‘no. At ang Department of Foreign Affairs naman po ang humingi sa MTRCB na huwag ipalabas ito sa ating bayan dahil ito nga po ay based on very inaccurate myth and scope of the Chinese territory.
USEC. IGNACIO: Opo. Tanong naman ni Vanz Fernandez: With the Philippine College of Physicians backing the lowering of NCR’s alert level to Alert Level 2 aligning with the incoming holidays, how fast can the IATF react in the case might surge again during the holidays due to the increase movements of people in the season? Gaano raw po kabilis ang magiging reaksiyon ng IATF dito?
SEC. ROQUE: Naku, alam na po natin na kung kinakailangan super bilis talaga gumalaw ang IATF. Normally, every two weeks ‘no. Pero nagkaroon po ng mga pagkakataon na even without consulting the entire IATF dahil mayroon talagang scientific basis for it, overnight ay nagpapa-impose po tayo nang mas stringent na community quarantine classification.
So napatunayan na po natin na kung mayroon talagang pangangailangan para maghigpit, iyan po ay mabilis na nadidesisyunan ng Department of Health, ng NTF at saka ng IATF.
USEC. IGNACIO: Opo. Thank you, Secretary Roque. Dok Edsel, salamat po.
SEC. ROQUE: Well, maraming salamat, Dr. Edsel Salvaña. Maraming salamat, Usec. Rocky. Ang susunod po nating press briefing ay sa Friday dahil bibiyahe na po tayo pabalik ‘no.
Pero sa ngayon po ay nagpapasalamat tayo sa lahat ng mga nagtatangkilik sa ating press briefing. At sa ngalan po ni Presidente Rodrigo Roa Duterte, ito po ang inyong Spox Harry Roque na nagsasabi: Pilipinas, mukha naman pong we will have a merrier Christmas this year. Patuloy lang natin ang mask, hugas, iwas at pagbabakuna. Hanggang sa Biyernes, good afternoon, Philippines.
###
—
SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)