USEC. IGNACIO: Magandang umaga Pilipinas at sa lahat ng ating mga kababayan saan mang panig ng mundo, ako po ang inyong lingkod, USec. Rocky Ignacio!
Tuluy-tuloy pa rin po ang ating pagsubaybay sa maiinit na sa usapin sa loob ng bansa partikular sa sa kalamidad na idinulot ng bagyong Odette sa ating mga kababayan at ang pagbabakuna laban naman po sa COVID-19. Iyan at iba pa ang ating tatalakayin dito sa Public Briefing #LagingHandaPH.
Personal pong inspeksiyon ni Pangulong Rodrigo ang mga lugar na matinding naapektuhan ng pananalasa ni typhoon Odette. Kasama ng Pangulo si Senator Bong Go na nangako naman na maibalik agad at kuryente at linya ng komunikasyon sa mga napinsalang lugar. Narito po ang report:
[NEWS REPORT]
USEC. IGNACIO: Sa puntong ito ay kumustahin naman natin ang disaster response na ginawa ng DSWD sa mga pamilyang naapektuhan ng pananalasa ni typhoon Odette sa iba pang lalawigan sa katimugan Luzon, Visayas at Mindanao, makakausap po natin ang tagapagsalita ng DSWD na si Director Irene Dumlao. Good morning po, Director!
DSWD DIR. DUMLAO: Magandang umaga po, USec. Rocky.
USEC. IGNACIO: Opo. Ma’am, ilan po iyong pamilyang tinatayang naapektuhan ng typhoon Odette ito pong nakalipas na ilang araw?
DSWD DIR. DUMLAO: Well, USec., batay po doon sa report na nantanggap natin as of 6:00 AM today, nasa mahigit 450,000 na mga pamilya or 1.8 million na katao iyong naapektuhan ng typhoon Odette sa higit 3,000 na barangay na matatagpuan po sa Regions V,VI, VII,VIII,IX,X,VI, Mimaropa at Caraga.
USEC. IGNACIO: Opo. Pero so far, ilang family food packs na po iyong napamahagi ng DSWD? Ilan pa po ba iyong naka-standby na maari pa daw pong ipamigay? Kasi marami pa ding pamilyang nangangailangan ng tulong, DSWD Director.
DSWD DIR. DUMLAO: Well, USec. as of 6:00 AM today mahigit 7.3 million worth of family food packs na po iyong naipamahagi ng DSWD. Ito iyong galing pa lang sa DSWD. Maliban pa ito doon sa nauna ng ipinahatid ng mga local government units. Aside from the family food packs, mayroon din pong nagkakahalaga ng mahigit 1.1 million peso na mga sleeping tents. Iyan din po ay ipinamahagi natin sa rehiyong Caraga.
Ganundin po, USec. Rocky, may mga family food packs na naipahatid na rin sa Province of Dinagat Islands and Siargao, ito ay sa pamamagitan ng ating koordinasyon with Philippine Army and Montenegro Shipping. Gayundin po kagabi may mga karagdagang family food packs, non-food items, hygiene kits, laminated sacks na isinakay po sa BRP ang Pangulo at iyan din po ay patungo ng Siargao.
Sa ibang offices ng DSWD, mayroon pa rin diyang mga stockpiles tayo and in fact, sa Region IX and Region XII, sila po ay nakapagpahatid din ng augmentation sa ating field office Caraga; iyan ay para suportahan iyong kanilang Disaster Relief Operations.
Also, in Eastern and Western Visayas, patuloy iyong pamamahagi ng mga family food packs doon sa mga naapektuhang LGUs. At the same time, ongoing din po iyong repacking natin ng karagdagang mga food packs sa iba’t-ibang field offices kabilang na po dito sa ating National Resource Operations Center; so, patuloy lamang po, USec. Rocky, iyong pagpapahatid natin at pagre-repack ng mga family food packs, para ma-sustain po natin iyong pamamahagi ng tulong.
USEC. IGNACIO: Director Irene, sa P930 million na inilaan ng DSWD para po sa disaster response ano po, magkano na daw po iyong na-disburse; anu-ano po ba iyong mga pinaglalaanang budget natin dito?
DSWD DIR. DUMLAO: USec. Rocky, ito pong mahigit P900 million na inilaan nga po para sa Disaster Relief Operations kinabibilangan po iyan ng mga naka-prepositions at stockpile po natin na goods, gayundin iyong ating standby funds. Nandiyan din po iyong ating quick response funds.
Ngayon po iyong doon sa ating standby funds, ang ginagamit po natin iyan para naman sa pag-purchase ng additional na mga raw materials for the family food packs na nire-repack. Gayundin po iyong mga ibang kakailangan kagaya po ng maiinum na tubig, dahil po nasa menu na po iyan ng ating DSWD relief goods. (garbled)
Now in terms of accounting of the total funds, hindi pa po natin naisasagawa iyan. USec. Rocky, dahil sa kasalukuyan tayo ay punong abala sa response operations po natin. So, tuluy-tuloy po iyong ating pagbigay ng tulong sa ating mga kababayang naapektuhan. And then after all of these, after response po kasi, USec. Rocky, magkakaroon din tayo ng recovery stage kung saan tutulong din naman tayo sa mga local government units para sa pag-recover nga po o pagpapatayo muli ng mga nasirang mga tahanan as we also provide psycho- social services to those affected families.
USEC. IGNACIO: Opo. So Director, ito pong standby funds, ibig sabihin po nito ay talagang naka-standby pa rin po ito para dito naman sa quick response team ng DSWD dito po sa mga affected regions, tama po ba, Director?
DSWD DIR. DUMLAO: Yes po, USec. Rocky, sa mga ibang rehiyon na rin po, nagagamit na nila iyong quick response funds po nila sa pagbili naman po o pag-purchase ng mga karagdagang raw materials gaya ng nabanggit ko, pagbili rin po ng ibang kakailanganin. Dahil nakapagsagawa po sila ng rapid damage assessment at nakita nga po diyan na isa sa mga kinakailangang ibahagi natin sa ating mga kababayan ay iyong maiinum na tubig. So, iyong ating mga field offices are authorized to purchase this para maidagdag po natin doon sa ating food packs na ipinamamahagi sa mga LGUs.
USEC. IGNACIO: Opo. Although, Director, nakalabas na po sa PAR ang bagyong Odette ano. Pero inaasahan pa rin pong magdala ang buntot nito ng kalat-kalat na pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon at ibang bahagi ng bansa. Nakaantabay pa rin po ba daw ang DSWD kung sakaling mas malakas pa iyong inaasahang dadalhin pagulan nito?
DSWD DIR. DUMLAO: Yes, USec. Rocky iyong mga member po quick response teams ng DSWD field offices are in constant coordination with the local disaster teams. So, mino-monitor po natin iyong situation ‘no, habang tayo po ay nagsasagawa ng ating relief operations ay mino-monitor iyong sitwasyon sa ground para nga po ma-determine natin ano pap o iyang mga kakailanganing tulong. Ano ba iyong mga dapat nating isagawa na activities to prevent the further damage to life and property. So, isinasagawa po natin ito katuwang nag mga local government units.
USEC. IGNACIO: Opo. Director, kami po ay nagpapasalamat sa inyong oras at siyempre sa impormasyon at kami po ay patuloy na makikibalita sa inyong tanggapan. Nakausap po natin si Director Irene Dumlao mula po sa DSWD.
Samantala malungkot po ang magiging Pasko ng nasa 50 pamilya mula sa Caloocan dahil sa sunog na tumupok sa kanilang mga tahanan, agad namang rumisponde ang pamahalaan at ang tanggapan ni Senator Bong Go para hatiran sila ng tulong. Narito po ang report:
[NEWS REPORT]
USEC. IGNACIO: Samantala, ngayong araw inaasahan na muling sisimulan ang ‘Bayanihan Bakunahan’ sa ilang rehiyon sa bansa na nauna na pong pinostpone [postponed] dahil sa pagdating ni Typhoon Odette. Humingi tayo ng initial update mula po kay NVOC Chairperson at DOH Undersecretary Myrna Cabotaje. Good morning po ulit, Usec.
DOH USEC. CABOTAJE: Magandang umaga sa iyo, Usec. Rocky at sa lahat ng nanunood sa programa natin ngayong umaga.
USEC. IGNACIO: Opo. Usec., as of today ilan na po ba iyong nabakunahan dito sa ating bakunahan 2?
DOH USEC. CABOTAJE: As of from December 15 to 18 mayroon na tayong 2.5 million na nabakunahan, pinakamarami noong day 1 tapos kaunti lang po noong December 18, Sabado. May mga 639 local government units na nag-cancel ng kanilang mga vaccination activities dito sa Mimaropa, Region VI, VII, VIII and Caraga.
Kaya, karamihan sa kanila mag-uumpisa ngayong umaga ang kanilang bakunahan. Iyong mayroon ng power o kaya mayroon ng pangtakbo ng kanilang mga generator, Usec. Rocky.
USEC. IGNACIO: Usec. Myrna, anu-anong mga lugar daw po itong expected na magsisimula ulit ngayong araw iyong extended ‘Bayanihan Bakunahan’?
DOH USEC. CABOTAJE: Ang napagkayarian po, pag-iibayuhin iyong NCR, CAR, l, ll, lll, IV-A, ituloy-tuloy pa rin iyong bakunahan. Tapos uumpisahan na po iyong sa mga naudlot sa Region V, MIMAROPA, Region VI, VII, VIII and Caraga. Baka iyong Region VII hindi natin alam kung ano pa iyong mangyayari, but in Region VI there are few areas na hindi nagbakuna. Sa Caraga Region, mga 2 areas din ang hindi pa magri-resume ng bakunahan. But majority will already start there full blast ng vaccination ngayong araw na ito.
USEC. IGNACIO: Opo. Pero Usec, para naman po sa mga lugar na hindi pa po kakayanin na magsisimula ulit ng pagbabakuna dahil sa bagyo, ano po iyong advice ng DOH sa kanila? Kailan po sila puwede ulit magpatuloy o mag-resume?
DOH USEC. CABOTAJE: Ang iba nag-signify na sa December 27 to 28 na, kasi naka-focus sila sa relief and rehab at saka mga rescue iyong sa iba. Iniiwan na natin po sa mga lokal na pamahalaan kung kailan na sila puwedeng mag-umpisa ng bakunahan at kung available na iyong mga bakuna sa kanilang mga area. May sinasabi din na kung kakayanin ng lokal na pamahalaan, puwede na ring magbakuna sa ating mga evacuation center. But we all leave it to the diskarte ng ating mga LGUs.
USEC. IGNACIO: Opo. Pero wala naman po bang naiulat na naapektuhan na vaccination center o supply ng bakuna ng dahil sa bagyo? Pareho po iyan ng tanong ni Maricel Halili ng TV5: May mga na-damage po ba na bakuna due to typhoon at gaano po karami ang na-damage kung mayroon man po?
DOH USEC. CABOTAJE: Iyong unang napaulat na vehicular accident sa CALABARZON, sa Lakawan bridge Tayabas, awa ng Diyos wala namang nasira sa bakuna na dala-dala niya. Sa Region VI, sa Bingawan, Iloilo province may reported wastage na 100 vials of Pfizer dahil ito sa extension beyond thirty days.
Kasi, alam natin ang Pfizer, kapag frozen iyan minus 70, minus 80 mas matagal ang buhay. Pero, puwede nang ilagay sa plus 2 to plus 8, mga 30 days dapat ibakuna na. Nandoon na sa kanila, eh hindi nabakuna kasi walang available tapos nga rumagasa iyong bagyo. So, nasira na ito kasi hanggang 30 days lang ito.
Ongoing pa rin ang assessment ng potential damage to cold chain storage and facilities sa Region VI kasi limited ang communication lines at continuous ang power outage. Ganito rin sa Region VII at saka Region VIII. Sa Region IX, X, XI, XII wala namang damage, tapos no reported vaccine wastage. Sa Caraga, nag-a-assess pa tayo sa Surigao Del Norte at Dinagat Islands.
Iyong mga bakuna ng Surigao City, kasi kahit mayroon silang generator nagkukulang ng fuel, ita-transfer po iyan sa regional office na mas may stable na source ng ating kuryente o kaya iyong alternate na mga generators. Sa BARMM, wala namang damage ang cold chain facilities at wala namang reported wastage.
USEC. IGNACIO: Opo. Usec. Ilan pa po daw iyong hahabulin ngayong December 20 hanggang 22 para po maabot iyong target nating 7 million?
DOH USEC. CABOTAJE: Sa 7 million minus 2.5 million, mga 4.5. Pero, napagkaisahan ng ating 4 na secretaries – Secretary Año, Secretary Duque, Secretary Galvez, Secretary Vince Dizon – na ituluy-tuloy, pag-ibayuhin pa, lalong-lalo na iyong mga second doses. Kasi kung maalala natin, Usec. Rocky, iyong NVD1 natin ay almost 21 to 28 days ago, ngayon na due iyong second doses nila.
So, dapat iyong mga magsi-second dose ngayon idagdag pa sa ating mga target tapos ituluy-tuloy na rin natin hanggang 23 and then we will resume 27 to 30 para tuluy-tuloy na rin iyong pag-meet ng 7 million. Hindi na lang 7 million, gusto natin din maabot iyong 54 million na target natin na fully vaccinated by year end and we can do this by ramping up our vaccination with J and J, one dose lang siya.
So, kapag naka-one dose na siya fully vaccinated. So iyan, tuluy-tuloy ang ating pagbabakuna hindi lang dahil sa 7 million na target natin, dapat bakunahan nila iyong mga magsi-second dose na tapos magbigay na rin ng mga booster sa due na ng kanilang booster.
USEC. IGNACIO: Opo. As for Secretary Galvez, plano nga pong i-deploy nga itong Johnson and Johnson vaccine sa malalayong lugar para hindi na po kailangan bumalik ng mga tao for a second dose. Naging effective po ba iyong strategy na ito noong una, particular po sa senior citizen, Usec?
DOH USEC. CABOTAJE: Yes, noong bandang May, I think that was June or July, we have three million Johnson & Johnson. Gustong-gusto iyan ng mga senior citizen tapos iyong ating mga nasa BARMM kasi alam naman natin may mga kababayan tayo sa BARMM na palipat-lipat, iyong mga Badjao palipat-lipat ng mga tirahan. So, kung naka-one dose ka na, hindi mo na aalalahanin na hanapin sila sa second dose.
And sa malalayong lugar makakatulong ito kasi plus two to plus eight siya, mas hindi sensitibo ang pag-handle ng ating bakuna.
USEC. IGNACIO: Opo. Usec., kunin ko na lang ang inyong mensahe o paalala ninyo sa mga kababayan natin, ganoon din po sa mga LGU officials tungkol dito sa pagpapatupad ng ‘Bayanihan Bakunahan’ sa kanila pong lugar. Go ahead, Usec.
DOH USEC. CABOTAJE: Maraming salamat, sa efforts na pagbabakuna kahit nagbabagyo, sa ating mga walang kapagurang mga health care workers. Tuluy-tuloy pa rin ho natin ang pagbabakuna, lalung-lalo na po iyong walang mga first doses pumunta na po sa mga vaccination sites, iyong mga second doses para makumpleto at iyong mga kailangan ng booster dose.
Ito lang po ang isang panlaban natin sa ating variant na Omicron. This is one of our armors – vaccination, tapos samahan po natin iyong ating minimum health protocols – mag-mask, maghugas, umiwas sa matataong lugar and then go in well-ventilated places.
Maraming salamat, Usec. Rocky.
USEC. IGNACIO: Maraming salamat din po sa inyong pagpapaunlak sa amin, Undersecretary Myrna Cabotaje ng DOH. Keep safe po, Usec.
DOH USEC. CABOTAJE: You too. Thank you.
USEC. IGNACIO: Samantala, tuluy-tuloy na po ang paghahanda ng pamahalaan para po sa malawakang pagsali ng Pilipinas sa isinasagawang Solidarity Trial ng mga bakuna sa pangunguna ng World Health Organization.
Alamin natin ang iba pang detalye tungkol diyan, kasama po natin si Director Jaime Montoya ng DOST – Philippine Council for Health Research and Development. Good morning po, Director.
DOST-PCHRD DIRECTOR DR. MONTOYA: Yes. Magandang umaga, Usec. Rocky at sa lahat ng inyong mga tagasubaybay at tagapakinig.
USEC. IGNACIO: Opo. Director, mahalaga pa rin po ba ang pagsasagawa ng vaccine trials gayung milyun-milyon na po sa atin ang nabakunahan ng COVID-19 vaccine? Ano pa ba ang dapat pong aralin at kailangan pang maisagawa ng Solidarity Trial at this point?
DOST-PCHRD DIRECTOR DR. MONTOYA: Alam ninyo po, madalas tanungin iyan pero gusto ko lang ipaliwanag na patuloy pa rin po ang pag-aaral, ang mga clinical trials.
Bakit po?
Kasi hindi pa po nakikita iyong ideal vaccine na gusto talaga nating mangyari. Halimbawa, ito pong mga vaccines natin ngayon bagamat epektibo katulad noong Pfizer, iyong mga mRNA vaccines, kailangan pong i-store ito nang medyo mababa ano, iyong minus seventy degrees, mahirap pong i-maintain iyan. So, naghahanap pa po tayo ng mga equally effective vaccines na siguro po ang transport requirement at storage requirement ay hindi katulad noong sa mRNA.
Ikalawa po, naghahanap pa rin po tayo ng mga bakuna na siguro mas angkop po for a particular groups. Like for example mga bakuna po na mas uubra para sa mga may edad na o para sa mga may comorbidities o para sa mga kabataan dahil kung mapapansin ninyo po ngayon, iyong bakuna na ginagamit natin tini-test for all ages. Pero baka po mayroon po diyang mga bakuna na mas aangkop pa sa mga naturang age groups o mga grupo ng ating mga mamamayan.
Tuloy pa po ang pag-aaral at sabi nga natin, hanggat wala pa pong nabibigyan ng full certificate of product registration ng ating FDA at ng anumang FDA sa buong mundo ay patuloy pa po ang pag-aaral dahil alam natin na may kakulangan din po ng supply ng bakuna, kailangan pa po tayong gumawa ng maraming bakuna at tumingin pa ng iba pang bakuna na maaaring maging safer or mas epektibo for particular groups po.
USEC. IGNACIO: Opo. Pero, Director, ano daw po iyong inaasahang mangyayari dito at anu-anong mga bakuna pa ang mga aaralin?
DOST-PCHRD DIRECTOR DR. MONTOYA: Iyon pong mga bakuna na kasama po dito sa Solidarity Trial for Vaccines na supervised po ng WHO, ito po sa ngayon ay apat po ang bakuna na planong gamitin, although dalawa pa lang po iyong nasimulan na na gamitin.
Una po, ito po iyong DNA vaccine. So, ito ay first na ita-try po natin na DNA vaccine as compared to the mRNA vaccine. At two doses din po ito na ang pangalan ay Inovio. Tapos iyong ikalawa naman po, ito pong Medigen, ito po naman ay sub-unit vaccine. So, ito po ay bahagi ng protina ng spike protein ng COVID-19 virus at ito po ang ipantuturok.
Again, new platforms po itong dalawang ito dahil iyong sub-unit vaccine katulad lang po ito ng Novavax pero bukod doon wala pa pong ibang sub-unit vaccine. Iyong DNA vaccine, kauna-unahan po iyan.
At iyong dalawa po na planong isama pa po at maybe in the next few months ay ito pong intranasal, sa ilong po natin ibibigay. At iyong ika-apat ay iyong mRNA vaccine pero single dose lang po. Ang kaniyang storage condition na required ay mas maganda kumpara sa mga ginagamit na ngayon. So, mas mataas po, minus twenty lang po ang kailangan or even higher.
So, tumitingin pa po talaga tayo ng mga kakaibang plataporma ng bakuna dahil maaaring mas better pa po ito sa mga available nang bakuna. So, patuloy po ang pananaliksik tungkol dito.
USEC. IGNACIO: Opo. Pero, Director, may initial result na po ba itong mga naunang trial?
DOST-PCHRD DIRECTOR DR. MONTOYA: Ito pong dalawa na sinimulan na dito sa atin sa Pilipinas at sa dalawa pang bansa, iyong Colombia at Mali, ito po ay nakatapos na po ng Phase 1 at Phase 2. So, iyong Phase 3 trial po ay ginagawa dito sa ating bansa at kasama po ang mga bansang Colombia at Mali.
At ito po ay mabilisang pag-aaralan para po ang target natin ay in two to three months kung ma-assess na po natin na mukhang ito ay epektibo ay puwedeng lumipat na sa ibang bakuna na puwedeng pag-aralan pa or kung hindi maganda po ang resulta ay tapusin na iyong pag-aaral at humanap pa tayo o gumamit ng iba pang bakuna na puwedeng isama sa clinical trial. So, mabilisan po ito.
USEC. IGNACIO: Opo. Kailangan po iyong sinasabing mas maraming participants para sa trial na ito at saan-saang lugar po kukunin iyong mga dagdag na participants, Director?
DOST-PCHRD DIRECTOR DR. MONTOYA: Sa Pilipinas po, ang tinitingnan naming recruitment ay puwedeng umabot ng mga 15,000 po. Pero ito po ay doon sa dalawang bakuna na at alam naman po natin na may dalawa pang ibang bansa na nagsimula na rin ng pagsasagawa nitong clinical trials na ito. Ito po iyong bansang Colombia sa South America at Mali sa Africa.
So usually po, ito pong tatlong bansang ito sabay-sabay na kumukuha po ng mga volunteers. Kapag na-meet na po iyong sample size, pag-aaralan na po iyong datos at titingnan kung ito po ay epektibo bago po pumunta sa iba pang platform.
USEC. IGNACIO: Opo. Director, kung ilalapit sa rural areas itong trial ano po, hindi po ba magkakaproblema sa logistics at sa mismong area kung saan ito gagawin?
DOST-PCHRD DIRECTOR DR. MONTOYA: Ito pong bakuna na ito, at least iyong ginagamit ko ngayon, sabi dalawa ‘no, iyong DNA vaccine ang kaniyang requirements po ay katulad halos nang sa Pfizer at sa Moderna so, kailangan po ay medyo mababa po ang temperature. Pero ito pong sub-unit vaccine, itong Medigen na katulad po ng Novavax, ito po ay two to eight degrees lang. So, iyon po ang advantage niya.
So, puwede po iyan sa mga malalayong lugar basta po mayroong refrigerator. Kaya nga po patuloy po ang pag-aaral ng WHO at tayo po ay nagpa-participate diyan para po makakuha pa tayo ng mga bakuna na equally effective po pero mas less ang requirements as far as storage and transport are concerned na mas aangkop po sa mga bansang katulad ng Pilipinas.
USEC. IGNACIO: Opo. Pero ano naman daw po iyong masasabi ninyo sa naging pahayag po ni Dr. Marissa Alejandria ng Philippine Solidarity Vaccine Trial Project na wala pa talagang scientific evidence na puwede talagang makamit ang herd immunity through COVID-19 vaccines?
DOST-PCHRD DIRECTOR DR. MONTOYA: Ang naging basehan naman po ng sinabi ni Dr. Alejandria – lilinawin ko lang po – ay dahil po itong mga bakuna naman natin, alam naman natin iyan na iyong mga bakuna na currently nabigyan ng Emergency Use Authorization does not prevent infection.
Ang pini-prevent niya po ay iyong komplikadong sakit na mangangailangan ng hospitalization at maaaring ikamatay. So, iyon po ang nagagawa niya. Pero iyon pong para ma-prevent ang infection, hindi pa po iyan nagagawa ng kahit ano dito sa mga bakuna na nabigyan ng EUA.
Kaya nga po patuloy pa po ang pag-aaral natin dahil hindi pa po natin nakikita iyong bakuna na tinatawag na complete protection ang maibibigay. In other words, hindi lang po protection against complicated disease or hospitalization or death, pero protection against infection din.
So, ang herd immunity po, ang assumption po diyan ay mapi-prevent ang infection ‘no, eh may kakulangan pa po iyong mga bakuna natin sa kasalukuyan na nabigyan ng EUA. Kaya medyo mataas po ang requirement para maka-achieve tayo ng herd immunity o tinatawag na population protection.
USEC. IGNACIO: Opo. Director kahit sa ibang bansa po ba, kung saan mas mataas itong vaccination rate ay hindi pa rin po ba kinakitaan ng herd immunity or at least population protection?
DOST-PCHRD DIRECTOR DR. MONTOYA: In the strict sense po, kapag sinabing herd immunity na hindi na magkakaroon ng impeksiyon, hindi po nangyayari iyan. Pero kung iyon po ay protection against complicated disease, iyong pagkakaospital o pagkamatay, eh marami na po tayong nakitang magagandang resulta, hindi lang po nakita sa ating bansa, kung hindi sa ibang bansa rin po iyong mga resultang ganoon.
USEC. IGNACIO: Opo. Kung ganoon po iyon, ano po iyong guarantee ang mayroon tayo na itong mga bakuna po ang sagot para malampasan natin ang COVID-19 pandemic?
DOST-PCHRD DIRECTOR DR. MONTOYA: Well, napakaimportante na makita natin na iyong bakuna ay hindi nakamamatay at hindi maka-cause ng major disease o hospitalization. Katulad po ng nangyayari sa influenza, iyong sa influenza na naging problema noong 2009. Ngayon po may bakuna ng available for influenza, hindi po niya pini-prevent ang impeksiyon, pero pini-prevent niya na ang magkakaroon ng impeksiyon ay maospital o mamatay, kaya po we can live with it. In fact, ang nakikita po ng mga scientist, both here and abroad ay ang COVID-19 po will probably not go away. It is something that we have to live with. So how can we live with it, we can live with it by having a vaccine that prevent complications, hospitalizations and death. So, ang gusto po nating mangyari ay parang common cold na lang siya o sipon na nagkakaroon kayo, pero after a few days gumagaling din kayo at wala naman pong epekto sa inyo at hindi pa kayo naospital. Iyon po ang gusto nating mangyari with the vaccines that are currently being given.
USEC. IGNACIO: Opo. Director, anu-ano po ba daw ang requirements ang kailangan para sa mga participants? Hindi po ba tayo mahihirapang magkumbinsi ng mga sasali sa trial?
DOST-PCHRD DIRECTOR DR. MONTOYA: Well, unang-una po, bago po sila makasali ay kailangan ay mabigyan sila ng tamang impormasyon kung ano po iyong trial na gagawin. Ano po iyong possible effects nito at kabutihang madudulot sa kanila. Kailangan po ay sila ay at least 16 years of age at nakatira po doon sa lugar na pupuntahan o kasama po sa trial at of course kailangan sila po ay hindi nabigyan ng bakuna previously, dahil para makita po natin kung talagang effective itong bakuna na ito. At ang pinakaimportante po ay kailangan nagbigay sila ng informed consent na sila po ay sumasama at alam nila na gusto talaga nilang sumama at naipaliwanag sa kanila kung ano po iyong trial at willing po silang sumali sa pananaliksik na ito.
USEC. IGNACIO: Okay. Kami po ay nagpapasalamat sa inyong panahon at sa inyong impormasyon, Director Jaime Montoya, mula po sa DOST-PCHRD. Mabuhay po kayo.
DOST-PCHRD DIRECTOR DR. MONTOYA: Maraming salamat po, Usec. Rocky sa pagkakataong ito. Magandang umaga po muli sa inyo.
USEC. IGNACIO: Good morning po.
Samantala, dumako naman tayo sa pinakahuling tala ng COVID-19 sa Pilipinas. Base po sa bulletin na inilabas ng Department of Health kahapon, nadagdagan lang po ng 203 ang mga bagong nahawaan ng COVID-19. Ang suma total ay umabot sa 2,837,577 total cases. Mas mataas diyan ang mga bagong gumaling na nasa 395 na katao, kaya naman nasa 2,777,109 ang total recovery sa bansa. 50,739 naman po ang total deaths matapos itong dagdagan ng 64 na individual na nasawi dahil sa virus. Sa kabuuan, nasa 0.3% na lang po ng total cases ang nananatili pa ring aktibo o katumbas ng 9,729 ng mga individual na nagpapagaling pa rin po mula sa sakit.
Samantala, mas pinadali pa ng GSIS para sa mga miyembro nito ang pagkakaroon ng mga ari-arian. Alamin natin kung anong programa [itong] ‘Lease with Option to Buy’, kasama po si Atty. Apollo Escarez ang Vice President ng Real Estate Asset Disposition and Management Office ng GSIS. Welcome back po, Attorney.
ATTY. ESCAREZ: Magandang umaga po, Ma’am. Rocky. Magandang umaga po sa ating mga kababayan.
USEC. IGNACIO: Attorney, ipaliwanag lang po, ano po itong ‘Lease with Option to Buy’?
ATTY. ESCAREZ: Iyong ‘Lease with Option to Buy’ o tinatawag namin na mas madali na LWOB, ito ay tugon ng GSIS sa panawagan ng ating pamahalaan na magbalangkas ng programang makakatulong sa mga kababayan natin, lalo na ngayong panahon ng pandemya. Alam mo sa ilalim ng programang ito ng Lease with Option to Buy, iyong mga kababayan natin, whether member ng GSIS o hindi na naninirahan sa mga properties ng GSIS na residential, pero wala namang kontrata o basta na lang nila in-occupy, mabibigyan na sila ng pagkakataon na ma-legalized iyong kanilang paninirahan, Ma’am Rocky. Kailangan lang nilang pumasok sa arrangement na Lease with Option to Buy sa GSIS.
USEC. IGNACIO: Opo. Pero ano po iyong properties daw na covered ng Lease with Option to Buy, Attorney?
ATTY. ESCAREZ: Lahat ng residential properties ng GSIS na makikita natin sa Luzon, Visayas at Mindanao, puwede siyang maging subject ng Lease with Option to Buy. Basta residential siya, Ma’am Rocky.
USEC. IGNACIO: Opo. Sino po ang puwedeng mag-avail ng Lease with Option to Buy, Attorney?
ATTY. ESCAREZ: Lahat ng miyembro ng GSIS can avail at kung hindi naman miyembro puwede rin naman. In fact marami ring mga naga-inquire sa amin na mga OFW na hindi naman member ng GSIS, gusto rin nilang mag-avail ng Lease with Option to Buy. Pero dahil ito ay for the benefit din ng ating mga kababayan lalo na iyong mga nago-occupy na, binibigyan namin, Ma’am Rocky, ng priority iyong mga naka-occupy na, mga occupants na pumasok sana sila sa arrangement with GSIs. Pero kung bakante naman iyong property, any GSIS member or non-member can avail ng Lease with Option to Buy program ng GSIS.
USEC. IGNACIO: Opo. Ilang taon po iyong term ng pagri-rent sa property, Attorney?
ATTY. ESCAREZ: Dahil ito ay panimula pa lang na programa namin, nili-limit muna namin sa isang taon iyong lease arrangement, Lease with Option to Buy. Pero kung gusto mo naman kasing mag-renew, puwede mo namang i-notify ang GSIS at least three months bago mag-expire. Ngayon, Ma’am Rocky, dahil Lease with Option to Buy siya, anytime naman during the effectivity ng Lease with Option to Buy arrangement, puwede ka ring mag-exercise ng option na bilhin iyong property sa GSIS kung sakaling dumating ka sa point na mayroon ka ng kakayahan na bilhin ito. Pero puwede ka rin namang mag-renew every year, depende lang sa performance ng kontrata kung maganda iyong iyong pagbabayad at kung maayos din naman iyong paggamit mo ng property ng GSIS.
USEC. IGNACIO: Opo. Anu-ano po ang mga requirements na dapat daw po i-submit?
ATTY. ESCAREZ: Dahil pinapaginhawa ng GSIS ang kapakanan ng ating mga kababayan, simple din lang iyong mga requirements namin. Doon sa aming website, iyong www.gsis.gov.ph, may mada-download doon ang ating mga interested parties na application form, LWOB application form and then doon na rin sa website na iyon makikita nila iyong listahan ng properties na available para sa LWOB at kung mayroon silang mga dagdag na katanungan mayroon ding naka-provide doon na mga frequently ask questions para sa kung may clarification pa sila.
USEC. IGNACIO: Opo. Pero paano po i-determine ang rental fee sa GSIS property?
ATTY. ESCAREZ: Bale, Ma’am Rocky, kung ano rin lang iyong umiiral na rental fee doon sa lugar, ganoon na rin naman iyong gagamitin ng GSIS na rental rate. Tinitingnan din naman namin kung ano iyon prevailing rental rate doon sa area.
USEC. IGNACIO: Opo. Kailan daw po puwedeng bilhin ng occupant ang inuupahang property, Attorney?
ATTY. ESCAREZ: Ito iyon: At any time, during the effectivity ng Lease with Option to Buy at least one month, before ito mag-expire, puwedeng mag-exercise iyong ating mga leases ng option na i-purchase na nga iyong property.
USEC. IGNACIO: Opo. Kung may mga katanungan po o may mga nais na karagdagang impormasyon, ano po ang puwede nilang gawin?
ATTY. ESCAREZ: Bale hinihikayat namin iyong ating mga occupants na i-legalize nila iyong kanilang paninirahan at kung may dagdag na katanungan, puwede silang kumontak sa 84793600 or 79764900. Puwede din naman sila, Ma’am Rocky, magpunta na sa website ng GSIS www.gsis.govb.ph, puwede rin nilang kontakin iyong GSIS cares@gsis.gov.ph para sa karagdagang katanungan nila.
USEC. IGNACIO: Opo. Maraming salamat po sa inyong panahon at impormasyon Attorney Apollo Escarez, mula po sa GSIS. Keep safe po.
ATTY. ESCAREZ: Salamat, Ma’am Rocky. Keep safe din po kayo.
USEC. IGNACIO: Huwag po kayong bibitiw magbabalik pa ang Public Briefing #LagingHandaPH.
[AD]
USEC. IGNACIO: Punta naman po tayo sa Cordillera. Baguio City, [garbled].
[NEWS REPORT]
USEC. IGNACIO: Okay. Kami po ay nagpapasalamat dito po sa mga tagasubaybay namin online na nanunuod po sa PTV FB, maraming salamat po sa inyong pagsubaybay sa amin.
Nagsimula po ang Public Briefing taong 2020 noong nagsimula po itong pandemya. Kami po ay lubos na nagpapasalamat sa inyo dahil hanggang ngayon po ay nakasubaybay pa rin kayo sa amin at kami po ay mananatiling maghahatid sa inyo ng mga mahahahalaga pong impormasyon na dapat ninyong malaman, hindi lamang po tungkol sa pandemya, kung hindi iyong mga programa pa rin po ng pamahalaan para po sa ating taong bayan. Maraming salamat po sa inyong pagsubaybay sa amin.
Kami po ay nakikita po namin iyong inyong mga messages dito sa Public Briefing. Ako po ay nagpapasalamat sa inyo dahil sumusuporta pa rin kayo sa aming programa, ang Public Briefing #LagingHandaPH. Makakaasa kayo na tuluy-tuloy po ang aming pagbibigay serbisyo sa inyo.
Maraming salamat po sa ating mga partner agency para sa kanilang suporta sa ating programa at maging ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP).
At mga kababayan, ngayong umaga po ay 5 araw na lamang po at Pasko na. Sumunod po tayo sa ating mga safety protocols para po sa masayang Pasko.
Hanggang bukas pong muli, ako po si Usec. Rocky Ignacio at ito ang Public Briefing #LagingHandaPH.
###
—
SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)