Press Briefing

Public Briefing #LagingHandaPH hosted by Presidential Communications Operations Office Undersecretary Rocky Ignacio


USEC. IGNACIO: Magandang umaga, Pilipinas. Ako po si Usec. Rocky Ignacio mula sa PCOO na bumabati sa inyo ng maligayang pagdiriwang ng Kapaskuhan. Ngayong araw, isang espesyal na pagtatanghal po ang hatid namin sa inyo. Tunghayan po natin ang mga kuwento ng pag-asa ng mga kababayang dumaan sa pagsubok na dulot ng COVID-19 nguni’t unti-unti na ngayong bumabangon dahil sa suporta ng pamilya at ng pamahalaan.

Kukumustahin din natin ang malaking ambag ng pagbabakuna sa naging pagbawi ng mga Pilipino mula sa epekto ng pandemya kaya tutok lang po dito sa inyong Public Briefing #LagingHandaPH.

[VTR]

USEC. IGNACIO: Sa taong 2021 po, ang pinakamagandang balita na natanggap ng buong mundo ay ang pagkakagawa ng bakuna kontra COVID-19. Nguni’t marami ring isyu ang bumalot sa distribusyon nito sa mga bansang labis na nangangailangan. Pero ito tayo ngayon, ilang araw na lang bago magpalit ng tao, marami-raming kababayan na po natin ang protektado ng bakuna. At upang makibalita sa naging takbo ng mga programa at tatahakin pang plano ng pamahalaan para sa pandemyang ito, makakasama po natin si Presidential Adviser for COVID-19 Response Secretary Vince Dizon. Magandang umaga po, Secretary Vince.

SEC. DIZON: Magandang umaga, Usec. Rocky, magandang umaga sa lahat ng tagapanood natin.

USEC. IGNACIO: Opo. Secretary, kumusta po iyong vaccination rate natin sa ngayon? In comparison po ‘no sa target jab rate ng pamahalaan by year end, naabot na po ba natin ito?

SEC. DIZON: Maganda naman, Usec. Rocky. Noong nakaraang linggo, nakaabot tayo ng isang napakaimportante at napakalaking milestone – lumampas tayo ng isandaang milyong doses na na-administer. Maraming nagsabi na hindi natin kakayanin ito at dahil din sa kakulangan sa supply noong unang parte ng 2021 ay talagang kahit tayo ay nagduda kung kakayanin nating maabot itong milestone na ito. Pero dahil sa pagtutulung-tulong nating lahat ay naabot natin iyong napakaimportanteng milestone na iyan.

Ngayon, mayroon tayong ikalawang milestone na gustong maabot, ito nga na makapagbakuna tayo ng 54 million na kababayan natin hanggang second dose or fully vaccinated Filipinos na aabutin ng 54 million. Sa ngayon, nasa almost 44 million tayo, kulang tayo ng mga sampung milyon dala na rin ng mga delays natin dahil sa napakabigat na pinsalang dinulot ng Bagyong Odette lalung-lalo na sa Visayas at Mindanao. Pero pinipilit pa rin nating maabot ito so kailangan lang medyo mag-ramp up tayo ng mga babakunahan natin lalo na ng second dose nitong mga susunod na araw, natitirang ng 2021.

USEC. IGNACIO: Opo. Secretary, ilang setbacks din po iyong naranasan natin sa pagbabakuna. Noong una po ay nagkaroon ng kakulangan sa supply ng bakuna; vaccine hesitancy; ngayon naman po, itong bagyo. Paano po ito ia-address ngayon ng gobyerno, Secretary?

SEC. DIZON: Alam mo, Rocky, magsasampung buwan na ‘no ang ating vaccination effort. Hindi madali ito, unprecedented itong ginagawa natin at kahit papaano ay napapagod na rin ang ating mga healthcare workers. Pero kailangang huwag tayong mawalan ng pag-asa; tuluy-tuloy lang tayo. Alam kong pagod na ang lahat pero hindi tayo titigil hangga’t hindi natin maabot iyong mga target natin.

So iyon ang gagawin natin sa susunod na mga araw, paiigtingin natin ang ating pagbabakuna. Iyong ating mga areas na tinamaan ng bagyo, siyempre hindi natin mai-expect na magbakuna sila dahil nga busy sila sa relief at sa rehabilitation. Pero iyong mga ibang lugar naman na hindi tinamaan ng Odette ay talagang dapat paigtingin natin at tuluy-tuloy lang tayo. Ang priority natin ngayon: Lahat ng second dose; at pina-prioritize din natin iyong Janssen vaccines natin dahil isang bakuna lang, isang dose lang ay fully vaccinated na ang ating mga kababayan.

USEC. IGNACIO: Opo. Sa kabila nga po ng mga setbacks na ito, masasabi bang natupad pa rin at nahigitan ng pamahalaan po ang lahat ng plano nito para somehow malampasan natin ang COVID-19 at – Secretary, habang ginagawa natin ito – ito nga mayroong banta ng Omicron na nabanggit ninyo nga rin po na dapat ay mas lalo pang magpabakuna ang ating mga kababayan dahil dito?

SEC. DIZON: Alam mo malaki na ang na-achieve natin at hindi lang sa pagbabakuna kundi kitang-kita natin sa mabilis na pagbagsak ng mga numero ng COVID cases natin. In fact iyong ating positivity rate, iyong porsiyento na nagpupositibo sa lahat ng tini-test natin ay mas mababa na sa 1% – nasa 0.8% – napakalaking accomplishment ito ng ating bansa.

Pero gaya ng sinabi mo, Usec. Rocky, nandiyan pa rin ang COVID, lalung-lalo na itong babala ng Omicron variant na talagang delikado talaga. At sinasabi nga ang solusyon lang talaga dito ay iyong pagbabakuna at iyong pagsusuot ng mask at pag-iingat.

So sa mga kababayan natin, unang-una, iyong hindi pa nababakunahan – magpabakuna na po kayo. Marami pong Janssen ngayon, isang shot lang po ng Janssen fully vaccinated na kayo at iyong mga hindi pa nakakakuha ng kanilang second dose, siguraduhin ninyong pumunta na kayo nang kusa sa inyong mga vaccination sites sa inyong kanya-kaniyang mga lugar at kunin ninyo na ang second dose ninyo bago mag-Pasko, bago mag-Bagong Taon.

At doon naman sa ating mga kababayan na eligible na para sa booster, magpa-boost na po kayo. Iyon lang po at tuluy-tuloy pa rin. Ang sabi nga ng ating mahal na Pangulo: Mask, hugas, iwas plus bakuna. Alam mo mas madaling magpabakuna, mas murang magpabakuna kaysa maospital, kaysa ma-quarantine. So sana makinig ang ating mga kababayan, delikadong-delikado po ang Omicron variant.

USEC. IGNACIO: Secretary, pero ano naman daw po iyong expectations natin to accomplish by next year in terms of vaccination? Lalo na sinasabi natin sana madagdagan pa, gumanda iyong ating takbo ng pagbabakuna pati iyong booster shots at third dose ay magiging main focus po ng pamahalaan. Kapag ito po ay nabigyang-daan lahat, ano po iyong ini-expect na mangyayari na sa atin?

SEC. DIZON: Ang kagandahan nitong sitwasyon natin ngayon at papasok ng 2022, wala na tayong problema sa supply – napakadami na nating bakuna. So ang kailangan na nating gawin ngayon: Unang-una, kailangan paigtingin natin ang pagbabakuna lalo na iyong mga wala pang ni isang dose ‘no, uunahin natin iyan; ikalawa, kailangan iyong mga second doses bumalik na ang ating mga kababayan para kunin ang kanilang second dose; at ikatlo, kailangan magpa-booster na iyong mga kababayan natin na nakakuha na ng dalawang dose.

USEC. IGNACIO: Secretary, kung magtutuluy-tuloy din ba daw po iyong ‘Bakunahan, Bayanihan’ program—

SEC. DIZON: Tuluy-tuloy po iyan, Usec. Rocky. Kailangan talaga paigtingin natin ito at plano gawin natin iyan buwan-buwan.

Alam ninyo ang pagbabakuna, tuluy-tuloy na po ito dahil nga sinabi nga ng mga eksperto, itong COVID-19 lagi na lang siyang nagmu-mutate, laging nagkakaroon ng mga iba’t ibang mga bagong variant. Ito nga, nakikita natin iyong Omicron variant na nakakatakot, mas nakakatakot pa sa Delta variant at kailangan nga dito, kailangan naman ng booster shot. At dati sinasabi nila puwede kang magpa-booster 6 months. Ngayon dahil nga sa threat ng Omicron, ang sinasabi na ng mga eksperto, kailangan paigsiin natin iyan to 3 months at iyon na ang gagawin natin.

Kailangan na lang talaga natin kooperasyon ng mga kababayan natin. Huwag kayong matatakot, mas matakot kayo sa epekto ng mga bagong variant na talagang tatargetin ng bagong variant na ito iyong hindi pa bakunado.

USEC. IGNACIO: Opo. Secretary, ilan daw po iyong estimated population ng mga kabataan na inaasahan na rin pong matuturukan by next year? Kasama na daw po ba dito iyong mga edad na eleven or onse pababa?

SEC. DIZON: Five to eleven — Yes, siguro by next year, by January, maglalabas na ng EUA ang ating Food and Drug Authority para ma-authorize na rin ang pagbabakuna sa mga below twelve years old, iyong five years old to eleven years old.

Napaka-importante iyan dahil lalo na itong mga bagong variant, siyempre, hind bakunado ang ating mga kabataan sila naman ang tatamaan ng COVID-19 lalo na iyong mga bagong variant. So, iyon na ang target natin sa susunod na buwan, sa January.

USEC. IGNACIO: Oo. Tapos, Secretary, kung masisiguro po kaya na magkakaroon ng continuity ang COVID response ng pamahalaan at hindi ba daw po ito maaapektuhan ng pagpapalit ng Administration by next year?

SEC. DIZON: Tingin ko naman tuloy-tuloy, USec. Rocky, kahit na sino pa ang papalit sa ating Administrasyon dahil proven naman na naging epektibo iyong ating istratehiya na prevention, detection, isolation, treatment, at iyong ating pagbabakuna at ang ating minimum public health standard. Iyon lang naman, paulit-ulit lang at paiigtingin lang natin ito.

USEC. IGNACIO: Secretary, how would you rate daw po the overall pandemic response ng Pilipinas in comparison sa mga karatig bansa natin?

SEC. DIZON: Ayaw ko sanang nagri-rate ‘no, USec. Rocky, dahil alam ninyo, walang bansang makakapagsabi na magaling sila sa management ng COVID-19. Mayamang bansa, mahirap na bansa, pareho-pareho tayo ng dinadaanan. Ang importante lang, natututo tayo habang ginagawa natin ang lubos na ating makakaya para lang labanan ito.

Pero alam mo, ang maganda na lang is itong patapos ng 2021 napababa natin ang kaso nang mabilis, lowest cases tayo ngayon, pero hindi tayo dapat tumigil at hindi pa dapat tayong maging kampante sa ating mga ginagawa laban sa COVID-19 kasi once na maging kampante tayo, iyan naman, iyan naman ang mangyayari sa atin, babalik na naman tayo sa dati na tumataas ang mga kaso. Sana matuto na tayo, huwag na nating papayagan ito.

USEC. IGNACIO: Secretary, ano na lamang daw po iyong mensahe ninyo para sa ating mga kababayan sa pagsalubong natin sa ikalawang taon ng pandemic holiday dito sa ating bansa?

SEC. DIZON: Mga kababayan, sa hirap ng dinaanan natin, ang dami na nating mga kamag-anak, mga mahal sa buhay, mga kaibigan, na nawala dahil sa COVID-19. Lahat tayo may kaniya-kaniyang pinagdaanang hirap.

Ang pakiusap na lang ho namin lahat sa inyo, ibigay natin ang ating responsibilidad. Kailangang maging responsible tayo, magpabakuna na tayo. Please, huwag na pong matigas ang ulo natin, magpabakuna tayo at tuloy-tuloy pa rin ang pagsusuot ng mask; paghuhugas ng kamay; pag-iiwas sa mga matataong lugar.

At kung gagawin natin lahat iyan, maniwala po kayo sa amin, lalampasan din natin itong napakabigat na pagsubok ng COVID-19. Kaya po siguro naman ayaw ninyong ma-ospital ngayong Pasko o Bagong Taon, kaya magpabakuna na po tayo at mag-ingat po tayo. Mag-mask po tayo lagi at lagi nating isipin na hindi lang natin ginagawa ito para sa sarili natin pero ginagawa rin natin ito para sa mahal natin sa buhay at para sa buong komunidad natin.

Merry Christmas po at Happy New Year! Mag-ingat po tayo at magpabakuna po tayo!

USEC. IGNACIO: Maraming salamat po sa inyong pagsama sa amin ngayong umaga, Secretary Vince Dizon.

SEC. DIZON: Thank you, USec. Rocky. Maraming salamat!

USEC. IGNACIO: Happy holidays, Secretary!

SEC. DIZON: Happy holidays! Thank you po, ingat po tayo! Thank you so much.

USEC. IGNACIO: At iyan po ang mga kuwento at talakayang hatid namin sa inyo ngayong araw. Dalangin namin ang ligtas at masaganang Bagong Taon po sa ating lahat. Makakaasa po kayo na patuloy kaming maghahatid ng makabuluhang balita’t impormasyon sa inyong aming mga giliw na manunood.

Ako pong muli si USec. Rocky Ignacio at ito ang Public Briefing #LagingHandaPH!

###


News and Information Bureau-Data Processing Center

 

Resource