USEC. IGNACIO: Magandang umaga, Pilipinas. Usaping ekonomiya, paghahanda para sa Araw ng Paggawa at pinakahuling balita sa ikalawang [araw ng] absentee voting sa bansa – iyan po at ilan pang mga isyung ating hihimayin ngayong Huwebes ng umaga.
Manatiling nakatutok, ako po si Usec. Rocky Ignacio, simulan na po natin ang Public Briefing #LagingHandaPH.
Samantala, “Chikiting Bakunation Days” na layon pong bigyan ng bakuna ang mga bata laban sa mga vaccine-preventable diseases nagsimula na. Ang detalye, alamin po natin mula po kay Mark Fetalco. Mark?
[NEWS REPORT]
USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa’yo, Mark Fetalco.
Ikalawang araw na po ng isinasagawang local absentee voting at labing isang araw po bago ang halalan, kumusta na nga ba ang puspusang paghahanda ng Comelec para sa eleksiyon? Makakasama po natin ngayong umaga si Comelec Commissioner George Garcia. Good morning po. Welcome back po sa Laging Handa, Commissioner.
COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Good morning po Usec. Rocky at sa lahat po ng nakatutok, nanunood at nakikinig po sa atin.
USEC. IGNACIO: Opo. Commissioner, unahin ko na po itong kumustahin, ito pong naging unang araw ng local absentee voting kahapon pati na po ngayong umaga. So far, so good naman po ba? Wala naman po bang naging aberya daw?
COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Naging napakaayos po, Usec. Rocky, iyon pong naging pagsisimula po ng ating pagboto sa local absentee voting. Sadya pong talagang dinagsa ng mga kababayan natin na local absentee voters lalung-lalo na iyong mga nasa pamahalaan at siyempre iyong mga kapatid natin sa pamamahayag. Kulang-kulang isanlibo sila na dapat boboto para sa local absentee voters pero po hanggang bukas, mayroon pa po silang pagkakataon na makaboto.
USEC. IGNACIO: Opo. Ulitin lang po natin, Commissioner. Ilan po ba iyong nakapagparehistro para sa local absentee voting? So far, ilan po iyong estimate ninyong turnout sa unang araw?
COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Iyon pong nakapagparehistro, Usec., ay 84,221. At tungkol naman po doon sa kung ilan na po ‘yung nakaboto, wala po tayong ganoong monitoring sapagkat isusumite pa po noong iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan o iba’t ibang unit na kung saan bumuboto iyong mga local absentee voter, iyon pong bilang noong nakaboto. So expected po natin [na] mabibigyan tayo noong mismong update bukas po pagkatapos na pagkatapos noong tatlong araw na pagboto ng ating mga local absentee voters.
USEC. IGNACIO: Opo. Commissioner, may ilang lugar po ang inanunsiyo na under control na ng Comelec. Aling areas po ito at ano po ‘yung naging batayan ng Comelec? Inaasahan din po ba ‘yung posibleng madagdagan pa ito hanggang sa mga susunod na araw?
COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Tama po, Usec. Rocky. Mayroon pong anim na bayan diyan sa Maguindanao ang nadeklara pong under Comelec control. Ito po ‘yung mga sumusunod: Buluan, Datu Odin Sinsuat, Datu Piang, Mangudadatu, Pandan at Sultan Kudarat. Samantalang sa Lanao del Sur naman po, mayroon pong nadeklara na iyong isang siyudad: Marawi City at ang Maguing, at iyon po ay karagdagan sa Tubarang at Malabang – medyo masyado po kasing iba na ang kaguluhan sa area na ‘yan, kinakailangan na mapigilan po natin.
At ano po ang kadahilanan? Iyon nga po, base sa report ng amin pong Regional Comelec/Provincial Election Supervisors din po ng Comelec at lalung-lalo na po ang atin pong Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines – sila po ang nagsusog na baka pupuwedeng mailagay na ang mga lugar na ito under Comelec control.
USEC. IGNACIO: Opo. Commissioner, marami po sa ating mga kababayan lalo na itong online ang medyo napapaisip/naguguluhan dahil sa hindi daw po natuloy na debate dahil nga po sa kabi-kabilang isyu na kinakaharap ngayon ng organizer ng nasabing debate. Ilang araw po ba iyong ibinigay ninyo sa organizer para daw po makapagpaliwanag?
COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Actually po, ang nagbigay po nitong sulat o iyong pagpapaliwanag ay iyon pong ating Commissioner Rey Bulay at sinabihan nga lalung-lalo na ‘yung mga opisyales din dito sa Commission on Elections na magbigay ng mga eksplanasyon, mga dokumento upang makagawa siya ng mas malawakan po na imbestigasyon.
Ngayon po, hanggang sa kasalukuyan wala naman po kaming natatanggap pa na kahit na anong paliwanag o kahit na anong sulat mula po sa ating contractor. Naghihintay nga rin po kami ng sulat kung anuman para lang kahit paano ay mayroon silang masasabi.
Tungkol naman po sa kung sila ay napadalhan ni Commissioner Rey Bulay ng Comelec ng karampatang sulat upang magpaliwanag, iyan po aalamin po natin iyan. Pero we are hoping po na hanggang bukas ay makapaglalabas po iyong aming imbestigador ng Commission on Elections, si Commissioner Bulay, ng kaniya pong findings kung ano ba talaga ang pinagsimulan at puno’t dulo ng lahat at bakit kami nasadlak doon sa problema po na iyon.
USEC. IGNACIO: Opo. Commissioner, sabi po ng Comelec nga ay May 2 to 6 ang target airing. May mga nagsasabi po na baka daw po maaaring mas agahan pa iyong date ng airing. Ano po ‘yung magiging tugon ninyo dito?
COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Actually po, nakipag-ugnayan tayo talaga very closely, Usec., sa atin pong partner – this time ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas. Kaya lang po medyo magkakaproblema po kasi doon sa issue ng production, sa issue ng hahabulin namin kung saan nandoon iyong kandidato, sa issue ng siyempre po kinakailangan pa na ayusin lahat iyong setup at iyong scheduling po ng ating mga kandidato.
Tatandaan din po natin na nauunawaan din namin na kaya nga po hindi rin namin nai-push iyon pong unang setup o iyong format ay sapagkat napakahirap na po talagang i-organize na silang lahat ay mapagsama-sama sa iisang venue. Kaya po ang gagawin namin, pupuntahan namin sila kung saan sila available na lugar, kung may istasyon po ng KBP sa lugar na iyon, doon po namin sila iri-request na makapunta o kung hindi man po, kahit sa virtual iyon pong taping o kaya po talagang advanced tape po ‘yung aming gagawin.
So, kung bakit po [May] 2 to 6? Sapagkat iyon lang po ‘yung kakayanin at in fact po, Usec., iyon pong mismong date na kung saan—kung kailan ipapalabas iyong kanilang pre-taped interview ay ira-raffle pa rin po mismo namin sa ating mga kandidato para naman po walang magrireklamo na bakit siya ang nauna, bakit siya ang huli o bakit siya ang nahuli… dapat eh nasa unahan siya.
USEC. IGNACIO: Opo. Medyo malapit na po ang eleksiyon, Commissioner. Pero may mga nag-confirm na po bang candidates na makikilahok dito?
COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Usec., mayroon na pong nag-confirm sa atin na dalawa subalit hindi muna natin iri-reveal iyong mga pangalan po nila. Binigyan po namin sila hanggang ngayong araw na ito, ala singko ng hapon, upang magbigay sa amin ng kanilang pagsang-ayon o pag-confirm na sila ay available sa atin pong forum na gagawin. And therefore po, after na mag-confirm po sila ngayong ala singko ng hapon ay magkakaroon po tayo kaagad ng raffle sa presensiya po ng mga representative ng mga kandidato.
Gusto ko lang pong ipahayag na iyon pong mga kandidato, kahit po lahat sila ay um-attend at kahit iyong iba ay hindi maka-attend, tuloy na tuloy po ‘yung ipapalabas natin na mga interview po sa kanila. Kahit po iyan ay tatlo lamang, apat lamang at hindi makumpleto, tuloy pa rin po [ito] para naman po fair sa lahat.
USEC. IGNACIO: Opo. Commissioner, bigyan-daan ko lang po iyong tanong ng ating kasamahan sa media. Mula po kay Aileen Cerrudo ng UNTV: Makakaboto pa rin daw po ba ang isang botante na hindi makaboto sa mismong araw ng eleksiyon kung sila daw po ay may sintomas ng COVID?
COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Huwag po kayong mag-alala, doon sa ating mga kababayan na buboto sa araw na iyan na baka may nararamdaman kayo na sintomas katulad ng nilalagnat, inuubo o may sipon, o may LBM, mga indikasyon na maaaring sintomas nga iyan ng COVID-19 – kayo po ay makakaboto.
Mayroon po tayong inilaan na isolation polling precinct na kung saan kapag nakita [na] ang temperatura ninyo ay 37 degrees at mataas at hindi nagbabago o kung hindi man [ay] nandiyan nga ang sintomas, mayroon po kaming mga mag-a-assist sa inyo na naka-PPE, may mga medical team po kami na may isang lamesa po diyan na kung saan ay iyon po ang kanilang katungkulan na tulungan at i-assist po iyong mga kababayan natin na may sintomas na COVID-19 upang sila ay makaboto.
Iyon pong mga balota po ninyo mula sa presinto kung saan dapat kayo buboto ay ibibigay mismo sa inyo, dadalhin po sa inyo at pagkatapos ay later na po iyon ibabalik para mabilang po iyong mga balota. So, huwag pong mag-alala, lahat po tayo [ay] makakaboto at wala po kaming ipagtatabuyan o pauuwiin na hindi makakaboto sa araw ng halalan.
USEC. IGNACIO: Opo. Tungkol naman dito sa precinct finder, gaano po ba kahalaga itong Voter Online Precinct Finder ng COMELEC?
COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Usec, alam ninyo po talagang iyan ay sobrang request ng ating mga kababayan. Noong 2019, nagkaroon na nga po ng ganiyan at siyempre nga po naging unfortunate dahil nagkaroon ng hacking na nangyari noong 2019. Dito po sinigurado natin na hindi na mangyayari at mauulit iyong nangyari noong 2019.
Ngayon po, aaminin po natin na nagkakaroon ng kaunting problema pero generally po, naging maayos naman at ito po ay kailangang-kailangan ng mga kababayan natin lalo na iyong mga may trabaho. Hindi naman makapunta sa local COMELEC natin para mag-inquire kung saan sila nakarehistro at ano ba iyong polling place nila. At least po kung sila ay may access sa internet, makikita na po nila sa ating precinct finder kung saan po sila nakalista.
At napaka-importante rin at tatandaan natin na kung saka-sakali na hindi makita iyong pangalan ninyo sa precinct finder, huwag po silang mag-alala, huwag po silang mag-worry at sinasabi bakit ako na-deactivate, hindi naman ako deactivated. Hintayin ninyo rin po dahil mayroon tayong Voter’s Information Sheet na ipinapamahagi na sa buong bansa, sa lahat ng 67.4 million Filipinos.
Sa kasalukuyan po, Usec. Rocky, nakaka-41 million na po tayo na nadi-distribute sa buong Pilipinas. So, iyong mga hindi pa po nakakatanggap baka po nandodoon kayo sa natitira na hindi pa nadi-distribute ng COMELEC na Voter’s Information Sheet.
USEC. IGNACIO: Opo. Tanong pa rin po ni Aileen Cerrudo ng UNTV: Kung mali daw po iyong spelling ng pangalan dito sa Precinct Finder, makakaboto pa rin daw po ba ang isang botante?
COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Makakaboto po. Huwag po kayong mag-alala dahil maaaring dalawa po ang pagkakamali niyan. Maaaring, aminin na natin, human error. Nagkamali ang nag-encode from the field personnel ng COMELEC sapagkat nanggagaling po sa kanila iyong listahan. O maaari naman po, pakiulit pong mabuti kapag kayo ay nag-i-inquire, baka naman po kayo ang nagkamali katulad nga po noong mga ilang pagkakataon na hindi nalagyan ng period lalo’t may Junior o iyon pala ay may Junior [pero] hindi nalagyan ng Junior.
So, iyong mga ganiyang klaseng pagkakamali po baka pupuwedeng ulitin at kung hindi pa po talaga makuha, puwede rin po kayong mag-inquire sa amin pong Information and Technology Department ng Comelec sa Comelec website at kaagad po kayong sasagutin at aalamin kung talagang kayo ba ay deactivated na, aktibo pa ba ang inyong registration at [kung] kayo ba ay makakaboto sa darating na halalan.
USEC. IGNACIO: Opo. Commissioner, pupunta ako sa ibang usapin ano po. May panawagan daw po iyong ilang grupo na sana naman ay huwag na raw po umanong buwisan ito daw pong honoraria na matatanggap ng ating mga guro na magiging bahagi po ng hatol ng bayan o eleksiyon. Ano po ang tugon ng Comelec dito?
COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Usec. Rocky, kami po ay nakikisimpatiya at dinadaluhan namin ang pakiusap po, sinasamahan natin ang pakiusap po ng ating mga guro para po sila ay hindi na pagbayarin po ng tinatawag na income tax, 20% din po iyon.
Kami po ay gumawa ng paraan, ang Commission on Elections, para taasan iyong honoraria na matatanggap po nila subalit dalawang beses po kaming sumulat kaya lang po hanggang sa kasalukuyan ay wala tayong natatanggap na sulat o sagot mula po sa ating Kagawaran ng Internal Revenue. Nakikiusap tayo na baka pupuwede administratively lang ay ma-set aside nga iyong buwis na dapat ay ibabayad ng ating mga guro po.
Aaminin po natin, sa kasalukuyan kasi wala kasing batas. At sana nga po, nakikiusap din po tayo, Usec. Rocky, na sa darating pong Kongreso [ay] baka pupuwedeng ma-consider na po natin, makapagpasa po tayo ng batas na ma-exempt na po natin iyong kinikita ng ating mga electoral boards, mga election workers sa araw ng eleksiyon na sana po ay hindi na sila pagbayarin pa ng buwis.
At kaya nga po hanggang ngayon po [ay] patuloy po iyong pakiusap po ng Commission on Elections. Sama-sama at dinadaluhan po natin ang ating mga guro sa kanilang pakiusap na iyan.
USEC. IGNACIO: Opo. Commissioner, may pahabol lang pong tanong si Job Manahan ng ABS-CBN News: Can COVID-19 patients vote sa isolation polling place?
COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Puwede po basta po sila ay papayagang makalabas po sa kung sila ay naka-isolate, halimbawa, lalung-lalo na kung sila ay nasa isang isolation facility. Of course po, wala po kaming guidelines na kung saan [ay sinasabi na] iyong balota ay dadalhin mismo sa isolation facility.
It is also possible na ang mismong kababayan natin na maaaring may COVID-19 ay nasa kanilang bahay at doon na lang po sila naka-isolate. Kapag po ganoon, kahit po may COVID-19 [ay] wala naman po sa aming patakaran na hindi sila pabubotohin.
Kaya lang ang pakiusap po namin, kung saka-sakali kahit doon sa mga may nararamdaman lang po, Usec., ay mas maganda po sana kung pupuwede, again, face mask lahat at kung pupuwede mag-face shield na rin lalo pa’t sa inyong palagay o mayroon na talagang test result na kayo po ay may COVID-19. Mas maganda po [na] bigyan ninyo ng proteksiyon din iyong mga ibang tao na makakasalamuha ninyo at iyong makakaharap ninyo at para din maiwasan na ito po ay kumalat.
At kung kakayanin naman, kung sa inyo pong pagdedesiyon, na hindi na kayo buboto, irerespeto naman po namin iyan. Pero, again, lahat po ng mga may nararamdaman na maaari pong sintomas ay makakaboto; hindi po namin sila pauuwiin.
USEC. IGNACIO: Opo. Commissioner, kahapon nga po ay na-detect na sa bansa ito pong sub-variant ng Omicron na pinangangambahan din po iyong posibleng pagtaas ng cases sa Mayo. Ang tanong po, posible raw po bang kanselahin o i-postpone ng Comelec ang botohan doon daw po sa areas na may mataas na cases ng COVID? Kung sakali, paano raw po ang magiging sistema?
COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Kami po ay mahigpit na nakikipag-ugnayan po sa ating Department of Health. Kahapon nga po ay nagkaroon ng Memorandum of Agreement ang Commission on Elections, DILG, DOH at iba pang ahensiya, lalung-lalo na patungkol dito sa maaaring banta ng muling pagtaas ng COVID-19.
Mamaya po, magkakaroon din po kami ng press conference at ilalahad po namin iyong magiging plano po ng Commission on Elections kasama iyong mga partner agencies natin.
Subalit lagi naming mino-monitor ang sitwasyon at siyempre po, iyong aming guidelines na nai-promulgate po sa panahon ng kataasan ng COVID-19, hindi po namin binago iyon. Maaaring nagkaroon ng kaunting kaluwagan lalung-lalo na sa pagkakampanya, lalung-lalo na po sa mga gathering po ng mga tao, pero siyempre po nandoon pa rin iyong bawal ang kissing, hugging, arm-to-arm at iba pang mga physical contact ng ating mga kandidato sa atin pong mga botante.
Pero at the same time po, kami po ay nakikipag-ugnayan sa DOH para kung saka-sakali, lalo na po ang IATF, kung ano man po iyong category level na ilalabas ng IATF, rerespetuhin namin iyon. Pero siyempre po, Usec, when it comes to the election, ang Commission on Elections po ang may final say kung ang isang lugar ay magpo-postpone ng eleksiyon o kung ang isang lugar ay hindi muna itutuloy ang eleksiyon sa araw na iyan ng Mayo 9. Nasa amin po iyong discretion base sa assessment ng buong pangyayari at kasama na siyempre iyon pong advise sa atin ng Kagawaran ng Kalusugan.
USEC. IGNACIO: Opo. Commissioner, higit isang linggo na lamang po bago ang eleksiyon, all set na po ba ang Comelec or may ilan pang last minute preparation? Hingin ko na lang din po iyong mensahe ninyo at paalala ninyo dito po sa ating mga kababayan ngayon pong nalalapit na ang eleksiyon. Go ahead po, Commissioner.
COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Maraming salamat po, Usec, sa pagkakataon.
Ang Commission on Elections po ay sadyang sobra po ang aming paghahanda para sa darating na Mayo 9. Alam naman po ninyo na kahit ang ating overseas voting, kahit po itong Local Absentee Voting, pinagpursigihan natin at so far so good. Successful naman po kahit iyong ating overseas voting na initially ay nagkaroon ng kaunting alingasngas pero naayos na at maganda na po ang pagboto ng ating mga kababayan abroad.
Huwag po kayong mag-alala mga kababayan dahil po iyong paghahanda ng Comelec, pagdi-distribute ng lahat ng election paraphernalia ay kasalukuyan na po naming ginagawa. Almost iyon pong mga ibang election paraphernalia tulad ng Vote Counting Machines, tulad po ng mga consolidation system at iba pang gamit ay naka-preposition na po at dahan-dahan na pong dini-distribute ng atin pong mga local Comelec. Iyon pong balota, iyan po ngayon ay binibigay na at dini-distribute na rin po sa mga provincial treasurer base po sa ating batas. So all systems go po ang Commission on Elections, mga konting gusot na lang at ilang problema ang amin pong inaasikaso.
Again, para po sa kaalaman ng lahat, sa Sabado, kami po ay magkakaroon ng walkthrough. Ipapakita namin for the first time, simula nang mag-computerize election tayo, ang lahat ng data centers ng Comelec kung saan masasaksihan lalung-lalo na po ng mga kapatid natin sa media diyan po sa UST kung paano gumagana, nagbabato ng mga results mula sa one data center papunta sa another data center at saka doon sa transparency server na nasa UST. Abangan ninyo po iyon.
At sana po, mula ngayon, lahat ng ginagawa ng Komisyon ay nakaabang po kayo para lagi kayong updated. Maraming, maraming salamat po.
USEC. IGNACIO: Commissioner, kami rin po ay nagpapasalamat sa inyong oras at impormasyon, Comelec Commissioner George Garcia. Salamat po, Commissioner.
Halos walong daang tauhan po ng Philippine Army ay buboto ngayong araw para sa 2022 national elections. Ang update na iyan, alamin natin mula kay Bea Bernardo, live. Bea?
[NEWS REPORT]
USEC. IGNACIO: Okay. Maraming salamat sa iyong report, Bea Bernardo.
Naglabas na po ang Bangko Sentral ng Pilipinas ng bagong 1,000 polymer banknotes, pero may ilan pong paglilinaw ang BSP tungkol diyan. Makakasama po natin si Deputy Governor Mamerto Tangonan ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Good morning po. Welcome po sa Laging Handa, sir. Sir, can you hear me? Naka-mute po yata tayo, sir.
Good morning po, sir. Opo, sir, hindi ko po kayo naririnig. Aayusin lang po namin ang linya ng komunikasyon namin sa inyo, sir. Babalikan po namin kayo.
Panukalang batas na bubuo sa MDDA, aprubado na po ni Pangulong Duterte. Senator Go umaasa na magiging daan ito para mas mapadali ang paghahatid ng serbisyo at kaayusan sa lugar. Narito ang report:
[VTR]
USEC. IGNACIO: Mga kababayan, manatili pong nakatutok, magbabalik po ang Public Briefing #LagingHandaPH.
[COMMERCIAL BREAK]
USEC. IGNACIO: Kayo po ay nakatutok pa rin sa Public Briefing #LagingHandaPH. Atin pong balikan si Deputy Governor Mamerto Tangonan ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Magandang umaga po, sir.
BSP DEPUTY GOV. TANGONAN: Magandang umaga po sa inyo, Usec. Rocky, at sa atin pong mga nanunood ng inyo pong programang Laging Handa.
USEC. IGNACIO: Opo. Sir, ano po ba itong pagkakaiba nitong lumang model mula dito sa bagong labas po na 1,000 na polymer banknote?
BSP DEPUTY GOV. TANGONAN: Usec. Rocky, ito pong ating bagong 1,000-piso na banknote ay, unang-una po, gawa po siya sa polymer, by actually oriented propylene material po. So hindi na po siya iyong paper; siya po ay plastic. Kasi ito po ay, sabi natin, smarter, stronger and cleaner, ano po. So ito po ay nag …it would last mga two and a half to five times the lifespan of our paper banknotes. So tayo po ay makakatipid sa atin pong paggawa at pag-provide ng banknotes sa atin pong ekonomiya.
At pangalawa po, Usec. Rocky, ang isa pong nagbago rin po dito ay iyong design po ng obverse o ng harapan ng ating bagong 1,000-piso banknote. Ito po ngayon ay it features the Philippine Eagle ‘no, na siya po ay ang ating national bird. So ayun po iyong mga pagbabago. At of course, Usec. Rocky, nagdagdag po tayo ng maraming security features dito po sa ating banknote para po siya ay maging mahirap, napakahirap na mag-produce ng counterfeit currencies. Iyon po, Usec. Rocky.
USEC. IGNACIO: Opo. Deputy Governor, nasa magkano raw po itong kabuuang halaga at hanggang kailan po aabutin bago po ito tuluyang mag-circulate?
BSP DEPUTY GOV. TANGONAN: Okay. Usec. Rocky, iyong atin pong unang circulation ay magkakaroon po tayo ng 500 million pieces ng ganito pong bagong 1,000-piso banknote. Ito po ay magsi-circulate alongside or simultaneous with the previous banknotes featured on the paper substrate and with our three national heroes on the front of the banknotes that we are already familiar with. So, puwede naman pong patuloy na magamit iyon pong dati nating 1,000-piso. Pero, unti-unti pong magsi-circulate na po itong bagong 1,000-piso. So, inumpisahan po natin itong Abril, noong nakaraang linggo at patuloy po tayo na mag-iisyu po nito hanggang mai-circulate na po natin iyong 500 million pieces na sa tingin po namin ay matatapos natin sa susunod na taon po, Usec. Rocky.
USEC. IGNACIO: Okay, opo. Pero ito po iyong tanong ng ilan, sir: Kung may aasahan daw po na demonetization at kung kailan daw po ito posibleng ipatupad?
BSP DEPUTY GOV. TANGONAN: Okay. Usec. Rocky, wala po tayong magiging demonetization. Malinaw po ang posisyon ng ating leadership sa Bangko Sentral ng Pilipinas na pinamumunuan po ni Governor Benjamin Diokno na hindi po tayo magkakaroon ng demonetization. Kaya nga po, Usec. Rocky, wala pong dapat ikabahala ang ating mga kababayan, kasi po iyong atin nang nagsi-circulate ngayon na papel na 1,000-piso na banknotes ay patuloy pa rin pong tatanggapin ng ating sistema at ng ating mga business sector and government sector as well, Usec. Rocky.
USEC. IGNACIO: Opo. Malinaw po iyan, Deputy Governor. Pero kaugnay naman po, sir, nitong nahuli daw pong nagsunog ng pera na nag-trend online, natukoy po ba natin kung sino at kung ano po iyong parusa daw po na maaaring ipataw?
BSP DEPUTY GOV. TANGONAN: Opo, Usec. Rocky, kasi ito po ay noong nai-report po sa atin ito at na-verify po namin iyong ganoon nga pong video. Agad po naming inimbestigahan at natukoy po namin, Usec. Rocky kung sino po iyong gumawa at iyong nag-upload noong video. Ma’am, ito po ay labag sa batas ‘no, under a presidential decree na bawal pong i-mutilate, sunugin, sirain ang atin pong currency at ipinagbabawal din po sa ating Revised Penal Code ang mag-udyok ng iba pa nating mga kababayan na gumawa ng krimen and the crime here nga po, Usec. Rocky, is the defacing, mutilating, burning, destroying of our currency.
And iyong third, Usec. Rocky is iyong pag-a-upload nito sa social media, sa digital media na siya pong ipinagbabawal ng ating Anti-Cybercrime Law. So, in total, Usec. Rocky, kapag ito po ay nahatulan ng ating courts, ang mga penalty po na maaaring maihatol doon sa perpetrator ay up to six years of imprisonment po.
So, Usec. Rocky, na-file na po namin iyong complaint sa Quezon City Prosecutor’s Office. So, the justice system is already performing on this case po.
USEC. IGNACIO: Opo. Sir, kaugnay naman daw po dito sa planong pagkakaroon ng Central Bank Digital Currency para po sa wholesale transaction. Kumusta daw po ang update dito, sir?
BSP DEPUTY GOV. TANGONAN: Yes, Usec. Rocky. Gusto natin na i-pilot ito pong wholesale na ang tawag natin ay wholesale CBDC or sometimes also called as the CBDC for large payments. Ito po iyong mga financial transactions involving huge amounts between iyong mga financial institutions po natin, iyong mga banks at iyong ating financial marketing infrastructure po tulad ng securities trading – government securities, fixed income securities, pati po ang ating peso-dollar, iyan po. Pati po iyong mga pagsi-settle ng PESONet at InstaPay at iyong mga ATM cash withdrawal at tseke.
So, sinisikap po natin na makapag-pilot tayo, ito pong last quarter ng taong ito, Usec. Rocky, kasi kailangan po nating mag-pilot para po makita natin kung ano ang magiging maaaring epekto nito sa ating ekonomiya, sa ating monetary policy at sa kung iyong mga benefits na nakikita ng mga iba din pong Central Banks ay maaari din nating makamit dito sa atin, tulad po ng mabilis at secure na transaction, using this Central Bank issued Digital Currency or CBDC po. So, ang tawag po sa ating proyekto ngayon ay CBDCPh Project, Usec. Rocky.
USEC. IGNACIO: Opo. Sir, punta naman ako dito sa usapin ng ating economic recovery. Ano daw po iyong assessment ng Bangko Sentral ng Pilipinas dito daw po sa momentum ng recovery natin, considering po iyong mga nangyayaring unstable prices ng produktong petrolyo?
BSP DEPUTY GOV. TANGONAN: Opo. Usec. Rocky, if you permit me, kasi po, ito pong economic performance and monetary policy is not under the ambit of my sector po, which is the Payments and Currency Management Sector. So, I would defer po, perhaps the best person to answer this question, Usec. Rocky, would be either be the Governor or our Deputy Governor for Monetary and Economic Sector po, Usec. Rocky. Pasensiya na po.
USEC. IGNACIO: Opo, okay po, sir. Pero basahin ko na lamang po itong sunod nilang tanong ano po, baka lang po may masagot din po kayo. Basahin ko na lang po: May forecast din po ba daw ang BSP sa GDP rate ng bansa sa unang quarter ng taon, pati na rin daw po sa inflation rate sa susunod na mga buwan?
BSP DEPUTY GOV. TANGONAN: I think nasabi na rin po ng ating governor, ni Governor Diokno na ang atin pong inflation sa taong ito ay maaari pong umabot ng – ang narinig ko po – ay 4.3% at ang atin pong economic growth ay malalagay anywhere from 6 to 7% sa taong ito po, Usec. Rocky.
USEC. IGNACIO: Okay. Sir, kami po ay nagpapasalamat sa inyong panahon. Kunin ko na lamang po ang inyong mensahe sa ating mga kababayan lalo na dito sa pagdating na po nitong sinasabi nating bagong 1,000 na currency?
BSP DEPUTY GOV. TANGONAN: Maraming salamat po, Usec. Rocky sa pagkakataon na ito. Nais ko lang pong ipaalam sa ating mga manunood, sa inyo pong manunood, Usec, na ang atin pong bagong 1,000-piso banknote ay nag-uumpisa na pong lumabas at mag-circulate at ito po ay legal tender at circulation currency ng atin pong bansa.
Ito po ay mas matibay kaysa sa iyong ating paper na banknote. Ito po ay mas ligtas, kasi po hindi po nagtatagal ang bacteria at virus, kasama na rin po diyan ang COVID virus dito po sa bagong polymer banknotes natin. At ito po ay maaaring ma-disinfect at hugasan para po mas makasiguro tayo na wala po tayong makukuhang bacteria o virus dito. At ito po, Usec. Rocky, ay more environment friendly kasi po ang lahat ng banknotes na ito, all its materials are recyclable. Ginagawa po itong mga recycled chairs, tables and other construction materials so wala pong tapon kapag ito pong banknotes na ito ay naluma na.
So, sana po ang ating mga manunood ay sikapin din po na tingnan iyong ating mga announcements sa ating mga social media page kung papaano po natin makikilala at masisigurado na ang binabayad po sa atin na polymer banknotes ay authentic po at genuine.
Marami po itong security features. Siguro, Usec. Rocky, kapag may panahon kayo I can go over the security features pero sa ngayon po I will just invite your viewers, our countrymen to visit the Bangko Sentral website or even our Facebook pages at nandoon naman po iyong ating mga security features na maaaring makagabay sa ating mga kababayan sa pagkilala ng ating bagong polymer banknotes.
USEC. IGNACIO: Opo. Yes, sir. Kami po ay umaasa na makikita natin iyan para makita rin po ng ating mga kababayan. Iimbitahin po namin kayo ulit dito sa Laging Handa para diyan.
Maraming salamat po sa inyong panahon at pagbibigay sa amin ng oras.
Deputy Governor Mamerto Tangonan ng Bangko Sentral ng Pilipinas, salamat po.
BSP DEPUTY GOV. TANGONAN: Maraming salamat po, Usec. Rocky, at sa inyo pong mga manunood.
USEC. IGNACIO: Samantala, sa mga job seekers diyan po lalo na iyong mga nawalan ng trabaho dahil sa pandemya, good news po. Dahil sa darating na Linggo sa May 1st, inaasahan pong magsasagawa ang Department of Labor and Employment ng mga job fair bilang pagdiriwang sa Labor Day.
Pag-uusapan po natin iyan kasama si Atty. Benjo Santos Benavidez, ang Labor Relations Social Protection and Policy Support Cluster ng Department of Labor and Employment.
Good morning po, Attorney.
DOLE USEC. BENAVIDEZ: Magandang umaga din po, Usec. Rocky, at magandang umaga sa ating mga tagapanood.
USEC. IGNACIO: Opo. Usec, saan po nakasentro itong tema ng pagdiriwang ngayong taon ng Labor Day? At ano po iyong nais nating makamit mula po sa taunang paggunita nito?
DOLE USEC. BENAVIDEZ: Alam niyo po, Usec. Rocky, sa ating mga kababayan, tayo pong lahat ay sinubok ng pandemya. At sa nakalipas na dalawang taon, tingin po natin ay napagtagumpayan naman po iyong mga hamon sa trabaho at kabuhayan. Ito po ay dahil sa katatagan ng ating mga kababayan lalung-lalo na iyong ating mga manggagawa.
Tatag din po ng ating mga kababayan at manggagawa ang kailangan natin sa pagbangon mula po sa pandemya.
So, ngayong Araw po ng Paggawa dala po natin iyong temang “Matatag na Manggagawa, Matatag na Bansa.”
Ang pagbangon po ng bansa ay nakasalalay pa rin sa ating mahal na mga manggagawa. So, dito po nakatuon iyong ating celebration ng ika-128th Labor Day ng ating bansa.
USEC. IGNACIO: Opo. Usec, kaugnay pa rin po nitong nasabing pagdiriwang, ano naman daw po iyong mga activities ang inihahanda ng DOLE para sa ating mga manggagawang patuloy pa rin po na bumabangon mula sa kasalukuyang pandemya?
DOLE USEC. BENAVIDEZ: Ang Kagawaran po, Usec. Rocky, ay naghanda ng mga ilang aktibidades. Ito po ay sisimulan po namin sa pamamagitan ng isang konsiyerto para sa mga manggagawa. Magkakaroon po kami ng concert sa Luneta. Ito po ay libre, sa araw po ng Sabado, alas singko po ng hapon.
So, inaanyayahan po natin iyong mga manggagawa. Saturday naman po iyan, after work puwede po kayong pumunta sa may Luneta.
Sa araw po ng May 1, ito po iyong Araw ng Paggawa. Sisimulan po natin ito sa pamamagitan po ng isang banal na misa. Gagawin po natin ito sa San Fernando, Pampanga, doon po sa OFW Hospital.
Pagkatapos po ng banal na misa, idi-declare na po nating open iyong job and business fairs sa buong bansa.
Tayo po ay mayroong 26 sites para po sa job and business fairs pero iyong main event po ng job and business fair ay gagawin po natin sa San Fernando, Pampanga.
Susundan po ang job fair ng NERS Summit. Kung maaalala niyo po, Usec. Rocky, ang atin pong Pangulo ay nagpalabas po ng isang executive order kung saan binuo po iyong NERS Task Force.
Dito po sa NERS Summit na gaganapin pa rin po sa San Fernando, Pampanga, iuulat po natin kung ano iyong mga naging accomplishment ng NERS Task Force. At kinahapunan po, ito po iyong to cap the celebration, magkakaroon po tayo ng inspection ng OFW Hospital. Ito po ay gagawin sa San Fernando, Pampanga pa rin kung saan ang atin pong pangunahing bisita ay ang atin pong [unclear].
USEC. IGNACIO: Opo. Usec, hinggil naman po dito sa isasagawang job business fair sa Mayo uno, gaano po ba karaming mga local at overseas employment opportunities iyong ating iaalok para po sa ating mga aplikante sa buong bansa?
DOLE USEC. BENAVIDEZ: Alam niyo po patuloy pa ring tumataas iyong mga nagrerehistrong mga job vacancies pero as of yesterday, kami po ay nakapagrehistro na ng mahigit 82,000 na mga job vacancies. Ang 61,000 po nito ay sa local employment at iyong 21,000 po ay overseas.
So, sa mga susunod pong araw ngayon hanggang bukas, actually hanggang Saturday, madadagdagan pa rin po iyan, iyong mga numero ng mga job vacancies na puwede pong aplayan [apply] ng atin pong mga kababayang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya. O kaya iyong mga kababayan nating gusto pang maghanap ng mas magandang trabaho, pumunta po tayo sa mga job and business fairs.
USEC. IGNACIO: Pagdating dito sa employment opportunities, Usec, saan daw pong mga industriya ngayon ito daw pong may pinakamataas na bilang ng vacancies, local man o overseas na iaalok po sa Labor Day job fairs natin?
DOLE USEC. BENAVIDEZ: Since tayo po ay nagbukas na ng ekonomiya, mas marami na pong negosyo ang napayagang makapagbukas.
Ang nakapagrehistro pong sektor na pinakamataas po iyong demand sa trabaho ay iyong manufacturing sector. Sinundan po ito ng business process outsourcing at iyong mga nasa retail and sales. Ito po ay para sa mga posisyon na production operators, iyon atin pong mga service representatives, iyong mga collection specialists, at mga retail and sales agents.
Ito po ay para sa lokal na [unclear].
Pagdating naman po sa mga opportunities abroad, nandiyan po iyong mga pangangailangan sa mga nurses, nursing aide, waiter at mga food server, mga auditor executive ganundin po iyong mga manggagawa sa construction, mga karpintero, foreman at mga welders.
Karamihan po nito ay ang pangangailangan sa mga bansang nasa Middle East at sa Europe katulad po ng Germany, Poland at [unclear].
USEC. IGNACIO: Opo. Pero, Usec, ano daw po ang paalala ng DOLE dito sa mga nagnanais lumahok sa Labor Day jobs fair? At kinakailangan din daw po bang bakunado bago mag-apply sa mga trabahong iaalok sa nasabing pagdiriwang?
DOLE USEC. BENAVIDEZ: Ang mga programa at serbisyo po ng pamahalaan kasama na po ng Kagawaran, ang Department of Labor and Employment na ibibigay po natin sa May 1 ay para po sa lahat ng manggagawa, bakunado man po o hindi. Pero para na rin sa karagdagang proteksyon, mas maigi pong bakunado po sila. Alam naman po natin na ang bakuna ay dagdag proteksyon hindi lang po sa ating sarili kung hindi sa ating mga kababayang makakasalamuha po natin sa mga events kung saan marami po ang pumupuntang mga bisita.
By the way, Usec. Rocky, sa ating mga kababayan, mayroon pong mga piling job sites kung saan available po ang bakuna. So, puwede po silang magpabakuna doon at patuloy pa rin po nating ipapatupad sa mga job and business fair sites iyong mga itinatakdang minimum public health protocols.
Sa atin pong mga kababayang magsasadya sa ating mga job and business fair sites, maghanda po tayo ng kopya ng ating mga resume o kaya naman ay curriculum vitae at maghanda po tayo baka ma-interview po kaagad tayo at bago tayo umuwi ay tayo po ay nakakuha na ng bagong trabaho.
USEC. IGNACIO: Iyon ang magiging magandang balita para sa kanila, Usec.
DOLE USEC. BENAVIDEZ: Tama po iyon.
USEC. IGNACIO: Mapunta naman po tayo dito sa usapin ng isinusulong na wage hike. Kumusta daw po iyong mga isinasagawang konsultasyon mula po sa iba’t ibang region at kung makakaasa po ba daw iyong ating mga manggagawa sa pribadong sektor ng pagtaas sa kanilang sahod ngayong taon, Usec?
DOLE USEC. BENAVIDEZ: Opo. Sa atin pong mga kababayan, gusto ko po sanang sagutin pero ang pagtatakda po ng pagtataas ng minimum wage rate sa lahat po ng rehiyon ay nasa mandato at poder po ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board. Ito pong mga boards na ito ay binubuo ng mga kinatawan ng mga manggagawa at namumuhunan. So, ayaw ko po personally pangunahan iyong mga desisyon po ng mga boards. Pero alam naman po natin na sila po ay alam nila, inaalam nila kung ano ang mga sitwasyon sa mga rehiyon, kung ano ang pangangailangan ng mga manggagawa at kakayahan na rin ng mga namumuhunan.
Pero alam ninyo po, Usec. Rocky at sa mga tagapanood, lahat po ng mga regional boards ay sinimulan na po nila iyong proseso sa pagtatakda po ng minimum wage rate. Nabalitaan po natin, marami nang mga public hearings ang naka-schedule. So, sa mga susunod po sigurong linggo o sa susunod pong buwan ay maaari na po silang makapaglabas ng kanilang mga desisyon. So asahan po natin na in the next coming weeks, bago po magtapos iyong present administration ay magkakaroon na po ng mga desisyon iyong ating mga boards.
USEC. IGNACIO: Opo. Usec, dito naman sa usapin nitong pagtatayo, nabanggit mo na rin kanina, iyong pagtatayo ng OFW Hospital. Kumusta daw po ang construction nito? Kailan daw po inaasahang magagamit ito ng ating mga OFWs at kanilang pamilya? At sino daw po ang mamamahala sakaling mabuksan na at anu-anong serbisyo ang puwedeng ma-avail ng ating mga OFWs at kanilang pamilya?
DOLE USEC. BENAVIDEZ: Well, although tinatapos pa po, may mga finishing touches pa sa ibang portion po ng hospital ay magkakaroon po ng inspeksiyon sa Linggo at sa araw po ng Linggo bubuksan na po natin iyong ospital para i-cater po iyong pangangailangan ng ating mga kababayan. Bubuksan po natin iyong outpatient services, so puwede na pong magpakonsulta iyong ating mga kababayang OFW. Ito po ay libre, magsadya lamang po doon sa venue.
Now, ang plano po natin para buksan ang mga inpatient services, iyong magpapa-confine ay sa mga susunod pang buwan, tinatapos lang po ang proseso ng accreditation at paglilisensiya. Alam ninyo po, hindi po pala madaling mag-operate ng isang ospital, kailangan ng maraming accreditation sa mga ibang ahensiya ng gobyerno at lisensiya na kukunin po natin sa DOH.
Pero ganoon pa man, bukas na po ang ospital para po sa ating mga outpatient client para makapagsilbi na sa ating mga kababayang OFWs sa araw po ng Linggo.
USEC. IGNACIO: Opo. Usec, nasa inyo po itong pagkakataon na magbigay ng mensahe at imbitahan po ang ating mga manggagawa at kahit na nga po ang mga namumuhunan sa pagdiriwang ngayong taon ng Araw ng Paggawa. Go ahead po, Usec.
DOLE USEC. BENAVIDEZ: Maraming salamat po sa pagkakataong ito. Pero sa pangunguna po ng aming Kalihim, si Sec. Bebot Bello III, ang amin pong mensahe ay mensahe ng pagsaludo sa lahat po ng manggagawang Pilipino dito man po sa bansa o nasa ibang bahagi po ng mundo. Maraming, maraming, maraming salamat po sa inyo.
Ngayong Araw po ng Paggawa, iniimbitahan po namin kayong makilahok sa mga nakahandang programa at serbisyo. Sana po ay magkita-kita po tayo sa mga inihanda po naming programa at serbisyo. Muli po, maraming salamat at mabuhay po ang manggagawang Pilipino.
USEC. IGNACIO: Opo. Kami po ay umaasa na marami pong kababayan natin ang makikilahok sa job fair at makakapagtrabaho na ulit. Salamat po sa inyong oras, Attorney Benjo Santos Benavidez mula po sa Labor Relations, Social Protection and Policy Support Cluster ng Department of Labor and Employment. Salamat po.
DOLE USEC. BENAVIDEZ: Maraming salamat po at magandang umaga.
USEC. IGNACIO: Samantala, dumako naman tayo sa pinakahuling pangyayari sa iba’t ibang mga lalawigan. Puntahan natin si Al Corpuz ng PBS-Radyo Pilipinas.
[NEWS REPORT]
USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo, Al Corpuz ng PBS-Radyo Pilipinas.
Pinakahuling balita naman po sa Davao ang ihahatid sa atin ni Julius Pacot.
[NEWS REPORT]
USEC. IGNACIO: At iyan po ang mga balita at talakayang tampok namin ngayong araw.
Ang Public Briefing ay hatid sa inyo ng iba’t ibang sangay ng PCOO sa pakikipagtulungan ng Department of Health at kaisa ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP).
Muli, ako po si Usec. Rocky Ignacio at ito ang Public Briefing #LagingHandaPH.
##
—
News and Information Bureau-Data Processing Center