USEC. IGNACIO: Magandang umaga Pilipinas. Magandang umaga po sa lahat ng mga Pilipino saan mang panig ng mundo.
Ngayong araw ng Martes, May 24, ating pag-uusapan ang mga kaganapan kaugnay ng katatapos lamang na eleksiyon at ang bagong batas na Foundling Recognition and Protection Act. Pag-uusapan din natin ang digital innovation and modernization program ng PhilPost at ang estado ng turismo sa probinsiya ng Palawan.
Ako po si Usec. Rocky Ignacio at ito ang Public Briefing #LagingHandaPH.
Nananatili sa minimal risk case classification ang Pilipinas pagdating sa COVID-19 situation. Iniulat iyan ng Department of Health kay Pangulong Rodrigo Duterte kagabi sa Talk to the People. Ayon kay Health Undersecretary Abdullah Dumama Jr., bagama’t may bahagyang pagtaas sa COVID-19 cases, anim na region lang po ang nananatili sa low risk classification. Iniulat naman ni Presidential Adviser for COVID-19 Response, Secretary Vince Dizon, na nalagpasan na ng bansa ang target na 70% vaccination rate ngunit kinakailangan pa rin umanong palakasin pa ang pagtuturok ng booster shots.
Samantala, sinabi ng DOH na bukod sa COVID-19, mahigpit din na binabantayan ang banta ng sakit na Monkeypox kung saan paiigtingin din ang pagpapatupad ng 4-door strategy laban dito.
[VTR]
USEC. IGNACIO: Kasabay ng inagurasyon ng bagong gusali ng MMDA, binigyang-diin rin ni Senator Bong Go na mahalagang maipagpatuloy ang mga proyektong pang-imprastraktura sa bansa na nagsimula sa Administrasyong Duterte. Ang iba pang detalye sa report na ito:
[VTR]
USEC. IGNACIO: Pormal na pong naisabatas ang Republic Act No. 11767 o ang Foundling Recognition and Protection Act. Atin pong pag-uusapan ang nilalaman at detalye ng bagong batas na iyan. Kasama po natin si Undersecretary Glenda Relova, ang Executive Director ng National Authority for Child Care. Good morning po, Usec. Glenda.
DSWD USEC. RELOVA: Magandang umaga po sa iyo, Usec. Rocky at sa inyong mga tagasubaybay.
USEC. IGNACIO: Opo. Usec. Glenda, pormal na nga pong naisabatas itong Republic Act No.11767, ito iyong Foundling Recognition and Protection Act. Maaari ninyo po bang ipaliwanag sa amin kung ano po ang mga nakapaloob sa naturang batas?
DSWD USEC. RELOVA: Ayon po dito sa Section 3 ng RA 11767, ang ‘foundling’ po ay isang iniwan o inabandona na bata o sanggol na hindi alam ang detalye ng kaniyang kapanganakan o ang detalye kung sino man ang kaniyang magulang or parentage. Kasama din po dito ang mga narehistro na foundling noong sanggol pa sila at umabot na rin sila sa edad ng majority or 18 years old pero hindi po sila nag-benefit sa process po ng adoption. So kasama po dito iyong kahit po more than 18 years old na.
USEC. IGNACIO: Opo. Usec., pero nakasaad din po sa batas na: “A foundling or abandoned infant found in the country or in Philippine embassies, consulates and territories abroad is presumed a natural born Filipino citizen. Paano po kung sakaling ang inabandonang bata ay kapansin-pansin na may foreign features, magiging Filipino citizen pa rin po ba ang bata?
DSWD USEC. RELOVA: Ah opo, ang presumption po ay mag-a-apply regardless po of the status of birth or circumstance of birth [of the child]. Kahit po iyong sinabi ninyo kanina na mayroon siyang feature na para siyang foreigner, kailangan pong may substantial proof of foreign parentage po siya tulad ng DNA test bago mabalewala ang presumption na natural born Filipino citizen po siya.
USEC. IGNACIO: Opo. Pero, ano po iyong magiging proseso pagdating po sa mga ganiyang usapin?
DSWD USEC. RELOVA: Kung ang adoptee po o ang batang aampunin ay isang foundling, ang petisyon ay dapat po na mag-allege ng entry ng mga impormasyon na dapat na lumabas sa kaniyang birth certificate – tulad ng pangalan ng bata at iyong estimated na petsa po ng kaniyang kapanganakan kung ito po ay alam. Ang presumption ng pagiging natural born Filipino citizen ng isang foundling ay hindi dapat apektado ng mga kamalian sa birth certificate or kawalan ng legal adoption proceedings o kawalan ng aksiyon or delay po sa reporting or documenting or registering po ng isang foundling.
USEC. IGNACIO: Pero para naman po doon sa mga taong makakakita ng mga inabandonang sanggol o bata, paano naman po iyong proseso dito sa pagpaparehistro ng mga foundling, saan po sila puwedeng pumunta agad-agad?
DSWD USEC. RELOVA: Ang finder or ang tao pong nakakita sa foundling ay dapat ay nasa legal na edad po or 18 years old. Kaya kung ito po ay nakuha ng isang minor, dapat po siyang tulungan ng kaniyang mga magulang or legal guardian or any relative po na nasa sapat na gulang po. Ang finder ay kinakailangan po na mag-report sa loob ng 48 hours or two days po mula noong pagkakita ng finder sa bata. Ito po ay iri-report niya sa lokal na DSWD office na pinakamalapit po sa kanilang tahanan o sa kahit saang safe haven – may probisyon po tayo dito sa batas ng tinatawag nating safe haven. So sa pamamagitan din po ng ating mga regional offices po ng National Authority for Child Care na makikita din po sa mga DSWD offices na ang tawag po natin ay RACCO (Regional Alternative child Care Office).
USEC. IGNACIO: Opo. Kasama po sa batas na ito ang pagtatalaga ng mga tinatawag na safe havens. Ano ba itong safe havens na ito, Usec.?
DSWD USEC. RELOVA: Pinalawak po dito sa ating batas ang mga lugar kung saan po natin pupuwedeng ilagak ang bata hangga’t hindi po nakukuha namin, sa National Authority for Childcare, at ito ay ang tinatawag nating mga licensed child-caring agencies; licensed child-placing agencies; maaari din po ang church or simbahan na nagpi-perform ng regular worship services; puwede rin po ang mga DOH-accredited facilities or hospitals, kasama po dito ang mga barangay health stations; puwede din po sa local DSWD office; maaari din po sa DSWD-managed facilities, iyon pong ating mga centers; at maaari din po sa mga LGU-managed facilities.
USEC. IGNACIO: Opo. Nabanggit nga po ninyo na puwedeng i-claim ng magulang ang kaniyang inabandonang anak within 30 days magmula po noong makuha ang bata at hindi makakasuhan ang mga magulang. Pero kung beyond 30 days nila i-claim ang bata, anong kaso po ang maaaring kaharapin ng mga magulang, Usec?
DSWD USEC. RELOVA: Opo. Ayon po dito sa atin sa Section 12 ng batas, ang biological parents or legal guardian ng foundling ay kailangang mag-file ng petition sa NACC upang ma-recover po ang legal custody at parental authority po para sa foundling. Kung may mga falsification naman po na ginawa ang mga magulang, ayon sa Section 17 ng batas, puwede po silang maparusahan ng imprisonment or pagkakakulong po na hindi bababa sa 6 months at hindi naman po sosobra sa six years na taon sa bilangguan.
USEC. IGNACIO: Opo. Bago po napirmahan nga itong batas, ano po iyong mga challenges o nagkaroon ba ng diskriminasyon ang karaniwang naranasan po ng ating mga foundling?
DSWD USEC. RELOVA: Madami po tayong mga challenges na nai-encounter, katulad po ng mahirap po silang pumasok sa school, kasi nga po, before this law, ‘stateless’ po ang tawag sa ating mga foundling or walang kasarinlan, wala po silang bansang pinagmulan. Ganoon din po sa pagkuha po nila ng passport. At saka po, before [RA] 11767, mahirap po ang proseso kung papaano po natin iri-register ang foundling.
So, ito pong 11767, siya po ang nag-provide ng mga processes at nagbigay nga po ng kasarinlan para po sa mga batang inabandona.
USEC. IGNACIO: Opo. Usec, napag-uusapan na rin po natin itong tungkol sa mga foundling, pag-usapan na rin po natin itong posible pong pag-aampon o pag-aaruga. Ano po ba raw iyong guidelines o mga qualifications ng mga mag-asawa o maging individual na nais pong mag-ampon?
DSWD USEC. RELOVA: Usec. Rocky, puwede pong mag-ampon ang sinumang mamamayang Pilipino na nasa ligal na edad: Sila po sana ay nagtataglay ng full civil capacity and legal rights; may good moral character or moral na katangian at hindi nahatulan ng anumang krimen na may kinalaman sa moral turpitude; may emotional at psychological capacity or kakayahang mag-alaga ng bata; hindi po bababa sa labing-anim (16) na taong gulang na mas matanda kaysa sa inaampon. So, dapat po iyong age gap po, doon po sa inampon at saka po sa nag-ampon ay hindi po bababa ng 16 years old.
Lastly, kailangan nasa posisyong suportahan po at alagaan ng adopter, ng kaniyang mga anak alinsunod sa kakayahan ng pamilya. So, dapat po may financial capacity din po iyong mag-a-adopt.
USEC. IGNACIO: Opo. Para naman daw po dito sa mga nagbabalak magparehistro ng foundling para sa masamang balak na mag-facilitate ng kidnapping o trafficking, ano daw po iyong parusa na maaaring makuha ng mga taong mahuhuling gagawa nito? And, Usec, mayroon po bang mahigpit na safeguard na nakapaloob dito sa batas patungkol dito?
DSWD USEC. RELOVA: Oo, Usec. Rocky, medyo pinalaki natin iyong penalty. So, ang mga magpaparehistro ng foundling para sa masamang balak tulad ng child trafficking ay magkakaroon ng fine or multa, ranging from P1 million to P5 million or imprisonment o pagkakakulong ng hindi bababa sa tatlong buwan at higit sa dalawang taon or two years or maaaring both – mayroon siyang fine na pera at maaari din siyang makulong. Ito ay ayon sa section 17 ng RA 11767.
USEC. IGNACIO: Opo. Sa ilang linggo pong natitira bago po matapos ang Administrasyong Duterte, anong mga programa po ng DSWD iyong hiling po ninyo na maipagpatuloy sana ng susunod na administrasyon, Usec?
DSWD USEC. RELOVA: Siyempre po, bilang Punong Tagapangasiwa po ng ating National Authority for Child Care o ang NACC, gusto ko pong makitang lumago ang ating pagbibigay daan sa mas pinasimple, pinabawas na proseso at gastusin sa ating legal na pag-aampon. So, ito po ay para mabigyan po natin ng opportunity ang lahat ng mga bata na magkaroon po ng responsableng pamilya.
Ganoon din naman po, nais din po namin sana na ipagpatuloy ang ating pagpapa-strengthen sa ating mga child protection programs and other alternative care po para sa ating mga batang Pilipino.
USEC. IGNACIO: Opo. Usec. Glenda, mensahe o paalala na lamang po sa ating mga kababayan. Go ahead po.
DSWD USEC. RELOVA: Maraming salamat, Usec. Rocky sa pagbibigay ng opportunity sa amin.
Sa ating mga kababayan po na nagnanais na mag-ampon sa ating bansa, kasalukuyan po naming isinasaayos ang finalization ng Implementing Rules and Regulation [ng RA 11767]. Actually ngayong araw po na ito, ang amin pong finalization ng zero draft ng IRR ng RA 11643 na siyang bumuo ng aming ahensiya sa ilalim ng DSWD upang lubos na mapangasiwaan ang proseso ng domestic and inter-country adoption at foster and care.
So, sa panahon po ngayon, hindi na po mahal ang mag-ampon, kaya po malaki po ang ating opportunity na atin pong i-share ang ating pamilya at ang ating pagmamahal sa lahat ng mga batang Pilipino na nangangailangan nito.
Maraming-maraming salamat po, Usec. Rocky.
USEC. IGNACIO: Kami rin po ay nagpapasalamat sa inyong pagsama sa amin. Maraming salamat po sa paglalaan ng inyong oras, Undersecretary Glenda Relova, mula po sa National Authority for Child Care. Mabuhay po kayo.
DSWD USEC. RELOVA: Mabuhay din po kayo.
USEC. IGNACIO: Canvassing ng mga boto sa pagkapangulo at pangalawang pangulo, sisimulan na ngayong hapon. Dalawang kapulungan ng Kongreso na tatayong National Board of Canvassers, may joint session ngayong umaga. Ang update doon, alamin natin mula kay Daniel Manalastas. Daniel…
[NEWS REPORT]
USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo, Daniel Manalastas.
Samantala, base po sa pinakahuling bulletin na ipinalabas ng Department of Health kahapon, May 23, 2022 sa ganap na alas-kuwatro ng hapon ay nasa 69,042,538 na po ang kabuuang bilang ng mga fully vaccinated sa bansa as of May 22.
Mula naman sa May 16 to May 22 naman, nakapagtala ang Kagawaran ng 1,214 new cases kung saan 173 ang naitalang daily average cases. Mas mataas po iyan ng 9.9% kaysa sa mga kasong naitala mula May 9 hanggang May 15.
Forty (40) naman po ang naitalang naidagdag sa severe at critical cases, kaya naman umabot na ang total nito sa 718 as of May 22. Samantala, anim (6) ang naitalang pumanaw nang nagdaang linggo, kung saan ang tatlo rito ay nangyari pa noong May 9 hanggang May 22.
Alamin naman po natin ang iba pang update sa naganap na ‘Hatol ng Bayan 2022’. Makakasama po natin ngayong umaga si Commissioner George Garcia ng Commission on Election. Commissioner, magandang umaga po…
COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Magandang umaga po, Usec at magandang umaga po sa lahat po ng nanunood at nakikinig po sa atin.
USEC. IGNACIO: Opo. Ngayong araw po mismo, Commissioner, ang itinakdang special elections sa 12 barangay dito sa Tubaran, Lanao del Sur. Ano daw po iyong paghahanda na isinasagawa pa ng COMELEC para tiyakin po talaga na magiging maayos at hindi na maulit iyong nangyari dito, Commissioner?
COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Actually po, Usec, handang-handa tayo diyan sa ginagawa ngayon na special elections. Kanina pa nga pong alas-kuwatro ng madaling araw, iyong lahat ng miyembro ng Special Electoral Boards natin – special sapagkat, ang ginawa po natin, hindi po iyong mga guro natin ang pinagsisilbi natin bilang miyembro ng Electoral Boards dito po sa 15 presinto ng 12 barangay ng Tubaran, Lanao del Sur – ang mga pinagsisilbi po natin ay mga miyembro po ng Philippine National Police na atin pong sinanay at nabigyan po ng DOST certification.
At kanina po, eksaktong alas-sais ay nagsimula po na magpaboto ang lahat po ng mga presinto diyan po sa 15 presinto ng 12 barangays na iyan, at so far, wala pong nagkakaproblema o aberya ng mga makina. Wala pong nagkakaproblema o aberya ng mga SD cards at tuluy-tuloy po iyong pagboto ng mga kababayan natin.
USEC. IGNACIO: Opo. Commissioner, ilan po ba ang inaasahan nating boboto dito sa special elections sa Lanao del Sur?
COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Ang Lanao del Sur po, sa kabuuan ng probinsiya ay may 685,000 na botante; dito naman po sa Tubaran ay mayroong kulang-kulang na pitong libo na mga botante kaya po hindi kami nagproklama ng party-list sapagkat alam namin na makakaapekto pa iyong result ng Munisipyo ng Tubaran. Subalit iyong buong probinsiya ng Lanao del Sur, hindi na po makakaapekto senador, kaya po tayo ay nagproklama na noong nakaraang linggo ng labindalawa.
USEC. IGNACIO: Opo. Pero, Commissioner, kailan po ang target na maproklama itong mga nanalong party-list?
COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Kung tayo po ay papalarin at magiging matagumpay ang special elections na ginagawa po sa Tubaran, Lanao del Sur, makakapagpadala po ang Munisipyo ng Tubaran ng kanila pong result sa ating Provincial Board of Canvassers ng buong Lanao del Sur mamayang gabi pagkatapos po ng botohan at bilangan at kung saka-sakali naman po na iyon naman pong Provincial Board of Canvassers ay maipapadala iyong result ng tatlumpu’t dalawang munisipyo ng buong probinsiya sa atin pong National Board of Canvassers.
Kung kaya’t kami po ay nag-issue ng notice sa lahat na ang National Board of Canvassers para sa senators at party-list ay magkikita muli, mag-o-open pong muli kami ng aming sesyon bukas po ng hapon, alas-cuatro, upang i-canvass iyong result po, hopefully, ng Lanao del Sur.
USEC. IGNACIO: Opo. Commissioner, sisimulan na rin po sa Kongreso itong canvassing ng boto para sa pangulo at pangalawang pangulo; kailan naman po magaganap itong proklamasyon ng bagong uupong pangulo at bise presidente ng ating bansa?
COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Sa atin pong palagay, base po sa nabanggit ni Senate Majority Floor Leader Migz Zubiri, sabi niya ay kayang-kaya po ng dalawang araw. Ako po ay naniniwala na sadyang kayang-kaya ng ating joint session of Congress na makapag-canvass po sila ng 173 na COC na katulad po ng ginawa namin sapagkat hindi na po nila ito hinihintay eh. Hindi katulad noong nangyari po sa amin na hinihintay namin ang pagdating mula sa ibang bansa, lalo na iyon pong manually prepared na COC.
So sa kasalukuyan, ang atin pong Kongreso ay nasa kaniya na ang 172 na COC for president and vice president. At siyempre, ang hinihintay na lamang nila kung saka-sakaling darating ay iyon naman pong sa Lanao del Sur na ini-expect natin mamayang gabi, electronically transmitted na po iyan, hindi lang po sa amin, sa National Board of Canvassers, kung hindi po sa kanila, sa Kongreso, mata-transmit na rin po iyon sa kanila.
USEC. IGNACIO: Opo. Commissioner, kahapon lamang po ay inanunsiyo ni presumptive President Bongbong Marcos na ia-appoint niya si Cavite 7th District Representative Crispin ‘Boying’ Remulla bilang Secretary ng Department of Justice at tinanggap na nga po ito ni Rep. Remulla. Ano po iyong mangyayari sa maiiwang posisyon ni Rep. Remulla?
COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Tama po. Sa Law on Public Officer o sa Administrative Law, mayroon pong tinatawag na ‘incompatible office’ – iyan po kasing posisyon ng congressman at posisyon sa Ehekutibo ay incompatible offices po. Hindi pupuwede na dahil tayo po ay isang presidential form of government, hindi po pupuwede na ang isang kongresista ay at the same time [ay] miyembro po ng Gabinete – iyan po ay posible lamang sa isang parliamentary form of government.
Kung kaya po, talaga pong tama iyong pagtanggap po ng ating kagalang-galang na si Congressman Boying Remulla na qualified na qualified DOJ Secretary, ay magkakaroon po ng vacancy ngayon diyan po sa posisyon ng congressman ng 7th District of Cavite. Kung kaya naman, maghihintay po ang Comelec ng deklarasyon mula sa Kongreso ng vacancy ng posisyon na iyan sapagkat kakailanganin po ng isang batas upang magpatawag ng isang special election kung pupunuan po ang posisyon na iyan. At dahil nga siyempre kakailanganin ng batas, kakailanganin din po ng budget para ang Comelec ay makapag-conduct ng special election para dito sa posisyon na ito.
Minsan po, ang ginagawa at malimit po dito sa mga nakaraan nating Kongreso, sa halip na magpatawag ng special election, ang Speaker of the House of Representatives ay nagtatalaga na lamang ng tinatawag na ‘caretaker’ doon sa distrito upang kahit paano naman ay hindi maudlot iyong serbisyo ng isang kongresista doon sa kaniyang distrito. Kalimitan po, ang nalalagay diyan ay kung hindi man kalapit na congressman, kalapit na distrito – minsan po, basta at the discretion ng speaker. So sa kasalukuyan po, kung sakaling mangyari po iyan ay maghihintay po kami ng magiging aksiyon po ng ating kongreso.
USEC. IGNACIO: Opo. Commissioner, ano naman daw po iyong reaksiyon ninyo dito sa report ng International Observer Mission na ang eleksiyon diumano ngayong 2022 ay hindi na-meet ang global free and fair standards.
COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Nirerespeto po natin ang kanila pong komento, nirerespeto natin iyong kanilang nakita’t reaksiyon. Kaya lamang po kasi, sa amin pong pagtingin dito, iyan po kasing grupo/organisasyon na iyan, iyong IOM, ay hindi po kasi accredited – pasensiya na po – na observer ng atin pong Commission on Elections. Kami po ay nag-accredit ng mahigit 365 na organisasyon, pati nga po ang mga embahada ng iba’t ibang bansa, lalo na po ang US Embassy at iba pang bansa ay nagpadala ng mga observers dito.
Iyong isang pinakamalaking grupo po dito sa Asya ay nagpadala at ang lahat po ng komento nila ay napakaganda patungkol sa ating eleksiyon. Ito po ang pinakamalinis na eleksiyon sa kasaysayan natin, kahit nga po sila pa noong 1907, pinakamataas ang bilang ng mga bumoto sa atin pong eleksiyon – 84% halos po. Kung sadyang sinasabi po nila na tinakot ang mga mamamayan, wala naman po sigurong tinakot kung 84% ang bumoto.
At pagkatapos, ang atin pong election-related violence, ito po ay recorded ng PNP at AFP – pre-election at election ay bente siyete lang po, 27, kumpara noong 2016 na mayroon tayong 133 at noon pong 2010 na mayroon po tayong more or less 300 na election-related violence.
Napakabilis po ng pagpapadala ng results at highly credible. In fact po sa kasalukuyan, iyan pong ginagawa nating random manual audit sa 128 of the 757 na mga ballot boxes sa iba’t ibang parte ng Pilipinas na binubuksan sa kasalukuyan, binibilang ang mga balota isa-isa, tinutugma sa resibo na nasa loob din ng ballot box: Sa presidente po, 99.97% ang accuracy, ang pagkakatugma; at dito po sa vice president ay 99.96%; at ang kabuuan po, presidente hanggang sa pinakamababang posisyon ay lumalabas po na 99.94%.
So hindi po natin malaman kung saan po iyong pinanggagalingan ng komento. Pero just the same, nirerespeto po natin iyong mga ganoong klaseng komento dahil hindi naman po natin mapakukuntento ang lahat. Ang importante ay ang sambayanang Pilipino ay kuntento sa result natin.
USEC. IGNACIO: Opo. Commissioner, may tanong lang po sa inyo si Sam Medenilla ng Business Mirror. If I may, basahin ko po, Commissioner: May any security concerns po kaya na nakuha ang COMELEC, PNP at AFP sa Lanao del Sur during the ongoing special election doon, if yes, ilan po at for what barangays?
COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Actually po, yes. Mayroon po tayong nakuha; hindi na po tayo magiging specific. Sa buong munisipyo na lang po dahil alam ninyo po madami ang nagkalat diyan na mga ano eh, mga loose firearms at iyan nga po iyong sinawata at iyan ang hinahanap na talagang pilit na niri-recover po ng atin pong PNP at saka AFP, kaya po dinoble po natin ang puwersa natin doon. Ayaw po natin na magkaroon muli ng problema katulad nang nangyari po noong Mayo a-nuwebe na nagkaroon ng hablutan ng mga balota at may mga nanggulo para lamang magkaroon ng failure of election.
Hindi na pupuwedeng magkaroon ng failure sapagkat naghihintay po ang buong sambayanan. Tatandaan po nila, maliit na bayan ang Tubaran – tama, pero ito po ay implikasyon sa nasyonal na eleksiyon, hindi lamang po sa pampanguluhan, sa pangalawang pangulo, pati po sa party-list system natin.
USEC. IGNACIO: Opo. Commissioner, ano naman daw po iyong paghahanda na inilatag ninyo para sa Barangay at SK elections sa darating pong Disyembre?
COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Maraming salamat po, Usec. Gusto lang po naming liwanagin – may napabalita po kasing nagamit na raw po namin ang pondo ng Barangay Elections – pasensiya na po pero hindi po kasi ganoon ang procedure ng pagdi-disburse ng pera dito sa atin pong pamahalaan lalo na po at ito ay pondo ng ating mga mamamayang Pilipino. Wala pa po kaming kinukuha kahit singkong duling diyan po sa atin pong DBM patungkol sa paghahanda sa Barangay Elections.
Subalit ito pong June na ito, magsisimula na po kaming maghanda para sa Barangay Elections, although sinasabi nilang maaaring ma-postpone o ma-reset na naman ang Barangay [Elections]. Hindi po namin iyon kinu-consider sapagkat hanggang sa kasalukuyan, dapat may Barangay Elections ngayong Disyembre. Siyempre po magkakaroon muli kami ng registration of voters, magsisimula po ito ngayong Hulyo at siyempre magsisimula na rin po kaming maghanap ng mga ibang gagamitin natin sa halalan lalung-lalo na ng mga pagpi-print ng balota dahil tatandaan po natin na kapag Barangay Elections, hindi po tayo computerized kung hindi manual po ang pagku-conduct natin ng halalan.
USEC. IGNACIO: Opo. Pero, Commissioner, I think, isinusulong po sa Kamara iyong postponement ng Barangay at SK elections, tama po ba ito at ano po iyong mangyayari kapag naaprubahan itong postponement?
COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Ito, Usec, siyempre ay tatalima [ang COMELEC] sa kung ano iyong sasabihin ng ating Kongreso. Ang atin pong Commission on Elections ay tagapagpatupad ng kung ano po iyong batas na ginagawa po ng ating Kongreso’t pinipirmahan ng ating Pangulo. So tatalima po kami at kung sakaling sasabihin po nila na hindi matutuloy, wala po kaming problema doon. At in fact po ay napakalaki ring katipiran sa ating bansa, na kung saka-sakaling hindi matuloy ang halalan ay 8.6 billion po ang nakalaan na budget para diyan sa Barangay and SK elections. Isipin ninyo po iyong matitipid natin kung sakaling walang election. Pero siyempre part po iyan ng ating demokrasya at ang Kongreso ang may desisyon kung itutuloy o hindi ang ating halalan na iyan.
USEC. IGNACIO: Commissioner, kunin ko na lamang ang mensahe mo, paalala para sa ating mga kababayan. Go ahead, Commissioner.
COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Sa kasalukuyan po, siyempre ginagawa po ang atin pong canvassing at magkakaroon ng proklamasyon sa presidente at bise presidente.
Naging maayos naman po ang ating halalan. Ibigay po ninyo ang tiwala ninyo, katulad din po ng binigay ninyo sa amin sa Commission on Elections, na ang atin pong Kongreso ay makapag-canvass ng mabilis at makakapagproklama ng nahalal na pangulo at pangalawang pangulo.
Kami naman po sa COMELEC, minarapat namin na lahat ng gagamitin po ng Kongreso para sa canvassing ay nandiyan na at kanila na lamang pong ika-canvass at the same time, at mas mabilis na proklamasyon. Sa party-list naman po, sisiguraduhin din namin na sa linggong ito, maipoproklama na po natin ang lahat ng 63 na miyembro po ng ating kongreso na nakabase po sa party-list system of representation.
Muli, maraming-maraming salamat po – sa pagtitiwala – sa inyong lahat, sa sambayanang Pilipino.
USEC. IGNACIO: Maraming salamat din po sa inyo at sa paglalaan ng inyong oras sa amin, Commissioner George Garcia. Mabuhay po kayo.
COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Salamat po.
USEC. IGNACIO: Samantala, inilunsad ng Philippine Postal Corporation o PhilPost ang kanilang digital innovation and modernization program at sa mismong launching ay kanilang ibinida ang mga improvements sa ahensiya. Kabilang na po ang bagong features ng Postal ID. Makakasama natin ngayong araw para pag-usapan iyan ay ang Postmaster General ng PhilPost na si Norman Fulgencio, magandang umaga po, Sir Norman.
PHILPOST POSTMASTER GEN. FULGENCIO: Magandang umaga po, Usec. Rocky Ignacio at sa inyong mga tagapakinig at tagapanood ng Laging Handa.
USEC. IGNACIO: Opo. Sir Norman, ano po iyong mga kagamitan o makabagong teknolohiya ang mga inilunsad [ng PhilPost] sa publiko dito po sa launching ng digital innovation and modernization program nito pong May 19?
PHILPOST POSTMASTER GEN. FULGENCIO: Opo. Matagal na po natin itong ginagawa at sa awa po ng Diyos ay natapos natin, kahit na tinamaan tayo ng pandemic, umabot po tayo bago matapos ang termino ng ating Pangulong Duterte.
USEC. IGNACIO: Opo. Kabilang nga po sa mga ilulunsad, iyong new and improved Postal ID. Ano po ba raw iyong mga bagong feature ng Postal ID na wala dito sa lumang version?
PHILPOST POSTMASTER GEN. FULGENCIO: Usec. Rocky, ganito: Ang Philippine Postal po kasi, since its birth ‘no, iyang remittance po ng international at domestic, nasa Universal Postal Union iyan, more than a hundred (100) years. Ang ini-improve po natin dito is ito iyong hanapbuhay talaga ng Post Office na isinama natin doon sa ating postal card. So, doon po talaga ito naka-focus to improve iyong atin pong financial services ng Philippine Postal Office, kasama na po riyan ang payment ng ating mga government institutions through postal at saka po iyong ating pagdi-distribute ng mga ayuda through international NGOs.
USEC. IGNACIO: Opo. Pero may mga nadagdag po ba na security features itong improved postal ID? Kung mayroon po, anu-ano po iyong mga dagdag o main security features na ito?
PHILPOST POSTMASTER GEN. FULGENCIO: Well, iyong security features, ang ginamit na natin ditong mga technology for the iris, iris scan and biometrics, iyong 442. Hindi na po iyong individual na para kang nagpipiyano. So ito po ang ginagamit, ito ho ay iyong ICAO global standard, iyong International Civil Aeronautic Organization na ginagamit po ng mga first world country para sa security ng kanilang border – sa immigration, I mean.
USEC. IGNACIO: Opo. Pero ito pong mobile application ng PhilPost, ano po iyong makikita dito sa bagong mobile app?
PHILPOST POSTMASTER GEN. FULGENCIO: Iyong mobile app naman ay separate po iyan doon sa postal card. Mobile app po, diyan po natin puwedeng i-monitor lahat ng activities ng Philippine Postal as well as money transfer both international and domestic. Nandiyan din po iyong payment for government institutions like Pag-Ibig, SSS, puwede na po natin bayaran iyan online through the mobile app of the Postal Office. And marami pa pong financial features iyan.
Isa-isahin lang po natin, kapag lumabas na po. Even the track and trace pala and monitoring ng mga mails, to avail iyong mga services ng mails for domestic and international through mobile app, puwede na rin po nating gamitin.
USEC. IGNACIO: Opo, mas mapapabilis ang mga transaction, ano po. Pero ngayong may improved Postal ID na, ano daw po ang mangyayari sa mga nakakuha ng lumang postal ID, valid pa rin po ba ito, Sir Norman?
PHILPOST POSTMASTER GEN. FULGENCIO: Valid pa rin po iyon, may three years validity po kasi iyong luma. But, iyong bago nating Postal ID with the financial features, five years ang validity niya, but same price din po ng luma.
USEC. IGNACIO: Opo. Sa speech po ni Pangulong Duterte dito sa launching ng digital innovation and modernization program ng PhilPost, ini-encourage po niya o hinikayat niya ang mga opisyal ng PhilPost na ipagpatuloy ang modernizations efforts kahit daw po matapos na ang kaniyang termino o administrasyon. May mga nakalatag po ba o pinaplanong programa pa ang PhilPost sa hinaharap at kung mayroon, anu-ano po ito?
PHILPOST POSTMASTER GEN. FULGENCIO: Usec. Rocky, naku, marami pa po iyan! Ito pong digitalization, improvement of the services is just the start ‘no. So, ito po kailangan makarating sa mga far-flung areas ‘no, itong services na ito na na-deprived for many years na hindi po nakakarating iyong serbisyo, dapat po mauna po iyong mga far-flung areas natin.
And then for the cities, ikakalat po natin iyang mga postal stations sa mga train stations, LRTs, MRTs, airport (international airport and domestic airport). Papalakasin po natin ang presence ng Postal Office as frontline ng government services, so iyon po talaga ang ultimate na objective natin dito, para mas marami po ang matulungan at ang serbisyo ay mas maiparating natin.
USEC. IGNACIO: Sir Norman, inaprubahan at inanunsiyo din ni Pangulo sa kaparehong event itong ikinakasang promosyon para sa mga opisyal at kawani ng PhilPost, so kailan daw po inaasahang maisasapinal itong promotion?
PHILPOST POSTMASTER GEN. FULGENCIO: Ma’am, inaayos na po natin ngayon iyan. After po ng speech ni Presidente, the following day ay inayos na natin iyong ating mga kailangang dapat gawin. At ngayong araw po ay ipapadala na po natin iyong sulat kay Chairman ng Civil Service Commission for the approval po. Dahil anim na taon na ho kaming walang promotions ng mga tao at matagal na pong pending ito. So, hopefully, bago po matapos ang term ni Presidente ay maibigay po natin dito sa mga tao natin sa Philippine Postal ang karapat-dapat na promotion na hinihintay nila nang matagal na.
USEC. IGNACIO: Opo. Sir Norman, kami po ay nagpapasalamat sa inyong pagsama sa amin ngayong araw. Sir Norman Fulgencio, ang Postmaster General ng Philippine Postal Corporation. Stay safe po.
PHILPOST POSTMASTER GEN. FULGENCIO: Salamat po.
USEC. IGNACIO: Samantala, walumpung (80) pamilyang nawalan ng tahanan dahil sa sunog sa Tondo, Manila, hinatiran po ng tulong ni Senator Bong Go at ng kaniyang tanggapan. Narito ang report:
[NEWS REPORT]
USEC. IGNACIO: Isa po ang Palawan sa pinakadinarayong tourist spot sa ating bansa. At nito nga pong Bagyong Odette, isa rin po ang Palawan sa lubos na naapektuhan nito. Atin pong alamin ang estado ng pag-recover po ng Palawan at alamin din natin ang mga improvements sa turismo dito. Makakausap po natin ang Palawan Provincial Tourism Officer na si Ms. Maribel Buñi. Magandang araw po, Ms. Maribel.
PALAWAN PROV’L TOURISM OFFICER BUÑI: [Off mic] po sa inyo, Usec. Salamat po sa pagkakataon na kami ay maanyayahan sa inyong programa ngayong araw.
USEC. IGNACIO: Opo. Ms. Maribel, matatandaan na talagang naapektuhan ang Palawan nitong Bagyong Odette. Pero, unti-unti na po bang bumabalik sa normal o nakaka-recover na iyong mga lugar sa Palawan na nasalanta ng Bagyong Odette?
PALAWAN PROV’L TOURISM OFFICER BUÑI: Sa ngayon po, unti-unti naman po at tuluy-tuloy din ang mga programs for recovery. At kagaya nga po ng nasabi ninyo, ang ilang mga destinations po sa aming lalawigan ay bukas na po para po sa turismo.
USEC. IGNACIO: Opo. Ngayon nga pong open pa rin ang Palawan for local and foreign tourists, magkaiba po ba ang kailangang requirements para daw po sa mga local kumpara po sa foreign tourist, Ma’am?
PALAWAN PROV’L TOURISM OFFICER BUÑI: Sa ngayon po, ang sinusunod pa rin po ay ang IATF resolution. Pinakamahalaga pa rin po ang vaccination card ng ating mga turista at siyempre pa, ang pagsunod pa rin po sa pagpapa-book sa mga accredited lamang na mga accommodation at tour operators.
USEC. IGNACIO: Opo. Ulitin lang po natin para malinaw ano po. Ms. Maribel, ano daw po ang requirements na kailangan for local tourists at ano naman po ang requirements para sa foreign tourists?
PALAWAN PROV’L TOURISM OFFICER BUÑI: Opo. Sa ngayon po, for the Province of Palawan, kami ay nasa Alert Level 2 ano po; ang lungsod lamang ng Puerto Princesa ang nasa Alert Level 1.
Mahalaga pa rin po na ang ating mga turista ay magdala ng kanilang vaccination card at talaga naman pong iyan ay hinahanap ng ating mga lokal na pamahalaan lalung-lalo na po sa pagkuha ng kanilang S-Pass. At siyempre po, dapat tayo ay mag-book sa mga accredited ng Department of Tourism na mga accommodation facilities and establishments at ang ating mga tour operators din po ay dapat accredited ng Department of Tourism as per IATF resolution po, Ma’am.
USEC. IGNACIO: Opo. As of May 22, ay mayroon kayong 15 flights per day papuntang Palawan. Ano po iyong naging magandang epekto nito sa turismo?
PALAWAN PROV’L TOURISM OFFICER BUÑI: Nakakatuwa po ano, kasi in the last two years talagang nakita naman po natin na halos walang pumupuntang turista dito sa aming lalawigan. So ngayon ay nakakatuwa na may 15 flights na. Sa ngayon po nais naming ibahagi sa inyo na as of May 2022, almost 100,000 na po ang turista na nai-record namin dito sa buong lalawigan ng Palawan.
USEC. IGNACIO: Opo. Ang Department of Tourism po ay magpapa-raffle ng all-expenses paid trip to Palawan para po sa kanilang latest tourism campaign na “Keep the Fun Going”, ano po ang masasabi ninyo at gaano kayo kahanda dito, Ma’am?
PALAWAN PROV’L TOURISM OFFICER BUÑI: Sa mananalo, let’s enjoy and experience po in the world’s friendliest island. Kami naman po ay nakahanda at ang ating mga stakeholders naman po ay handa sa kung sino man po ang mananalo dito sa pa-raffle na ito ng Department of Tourism.
USEC. IGNACIO: Opo. May mga bagong attraction po ba diyan sa Palawan na mairirekomenda ninyong bisitahin ng mga turista po, ng mga gustong magpunta ng Palawan?
PALAWAN PROV’L TOURISM OFFICER BUÑI: Sa ngayon po, ang ating mga bukas na destinations, since tayo naman po ay nature-based ano po ay bukas po ang ating Calamianes Islands, bukas din po ang bayan ng El Nido, San Vicente sa mainland north, siyempre ang lungsod ng Puerto Princesa ay very much open – nasa Alert Level 1 po ang Lungsod ng Puerto Princesa – at marami na po ang natatanggap at dumadalaw na mga turista, dito nga sa sikat na sikat na underground river at siyempre, emerging destination po iyong aming Southern Palawan. In a sense po, Usec, puwedeng bisitahin lahat ng bukas!
USEC. IGNACIO: Oo nga. Ako ay nakarating na rin diyan, Ma’am, sa Palawan at talaga namang napakaganda po talaga ng inyong lugar.
Naghahanda na rin po ang Puerto Princesa sa pag-welcome po ng unang cruise ship sa darating na Oktubre, dalawang taon nang magsimula ang COVID-19. Ano po ang magiging epekto nito, inaasahan ninyong turismo partikular dito sa Puerto Princesa?
PALAWAN PROV’L. TOURISM OFFICER BUÑI: [Garbled] Puerto Princesa [garbled] naman din [garbled] cruise ship port dito po sa Lungsod ng Puerto Princesa para nga sa paghahanda [garbled] na cruise ship. Nakakatuwa din po na, ang pagdating ng mga bisita via cruise (ship) ay makakatulong talaga ng malaki sa ating mga stakeholders na talagang naapektuhan din po nitong nakaraang pandemya na hindi sila nakapagtrabaho dahil walang tourist arrival, walang bisita. [Unclear] magbibisita o mag-a-anchor na cruise ship at pagdating, pagdagsa pa rin po ng mga convention and incentive travel dito sa aming lalawigan.
USEC. IGNACIO: Opo. Sabi nga po ninyo, may ilang lugar pa rin na nasa ilalim ng Alert Level 2, pero kumusta po iyong COVID-19 cases situation diyan sa Palawan Province?
PALAWAN PROV’L TOURISM OFFICER BUÑI: Sa ngayon po, very minimal na po ang cases ng aming COVID-19 po. At siyempre po, tinututukan ng ating pamahalaang panlalawigan sa pangunguna din po siyempre ng ating mahal na Gobernador Jose Chaves Alvarez, ang patuloy po na pag-rollout ng bakuna sa lahat ng ating mga mamamayan para ma-achieve namin na lahat ng mga munisipyo sa lalawigan ng Palawan ay totally Alert Level 1 po, kasi sa ngayon Puerto Princesa pa lang ang Alert Level 1.
USEC. IGNACIO: Opo. Ma’am Maribel, kami po ay nagpapasalamat sa inyong pagbibigay-panahon sa amin at sana naman po talaga ay talagang makabawi na ang Palawan, maraming salamat po, Palawan Provincial Tourism Officer Maribel Buñi.
PALAWAN PROV’L TOURISM OFFICER BUÑI: Thank you very much po.
USEC. IGNACIO: Dumako naman tayo sa mga balitang nakalap ng Philippine Broadcasting Service. Ihahatid iyan sa atin ni Al Corpuz mula sa PBS-Radyo Pilipinas:
[NEWS REPORT]
USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo, Al Corpuz mula sa PBS-Radyo Pilipinas.
Inilunsad ang libreng scholarship program at iba pang programa ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa Cebu. Ang detalye, ihahatid sa atin ni John Aroa ng PTV-Cebu:
[NEWS REPORT]
USEC. IGNACIO: Maraming salamat po sa ating mga partner agency para sa kanilang suporta sa ating programa, at maging ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP).
At dito na po nagtatapos ang ating programa sa araw na ito, magkita-kita po tayo muli bukas.
Ako po si Usec. Rocky Ignacio at ito ang Public Briefing #LagingHandaPH.
###
—
SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)