Press Briefing

Public Briefing #LagingHandaPH hosted by Presidential Communications Operations Office Undersecretary Rocky Ignacio


Event Public Briefing #LagingHandaPH
Location PTV

USEC. IGNACIO: Isang magandang umaga sa lahat ng mga Pilipino saanmang sulok ng mundo. Ngayong araw ng Martes, May 31st, huling araw po ng buwan ng Mayo, ating aalamin ang mga hakbang na isinasagawa ng pamahalaan upang matulungan ang mga Pinoy sa Sri Lanka. Aalamin din natin ang proyekto ng DOTr para sa patuloy na improvement ng mga paliparan sa bansa. Tatalakayin din natin ang mga plano sa transition na magaganap sa pag-upo ng mga bagong opisyal sa mga kagawaran ng pamahalaan partikular na po sa PCOO at DSWD.

Ako po si Usec. Rocky Ignacio, at ito ang Public Briefing #LagingHandaPH.

Samantala, ipinagpapatuloy ngayong araw ang Legacy Summit para sa mga nakamit ng Duterte administration sa loob ng anim na taon. Bago iyan, kagabi ay idinaos na ang huling Cabinet meeting ni Pangulong Rodrigo Duterte, at naghandog din siya ng thanksgiving dinner para po sa mga nakasama niya sa paglilingkod sa bansa. Narito ang report mula kay Mela Lesmoras. Mela?

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Okay. Maraming salamat sa iyo, Mela Lesmoras.

Kasabay ng pag-uwi sa Iligan City at Agusan del Sur ng apatnapung individual na benepisyaryo ng Balik Probinsya, Bagong Pag-asa Program, tiniyak din ni Senator Bong Go ang patuloy niyang suporta sa programang ito. Narito po ang report.

[VTR]

USEC. IGNACIO: Samantala, dahil sa matinding pagbagsak ng ekonomiya ng bansang Sri Lanka, nagdulot ito sa kaliwa’t kanang kaguluhan o rally doon. Kaugnay niyan ay alamin natin ang kasalukuyang kalagayan ng mga Pilipino na nasa Sri Lanka at mga hakbang na isinasagawa ng pamahalaan para sila matulungan, makakasama natin si Undersecretary Sarah Lou Arriola mula po sa Migrant Workers’ Affairs ng DFA. Magandang umaga po, Usec. Sarah.

DFA USEC. ARRIOLA: Magandang umaga, Usec. Rocky.

USEC. IGNACIO: Opo. Ayon nga po sa mga balita ay nagtataasan ang presyo ng mga bilihin sa Sri Lanka ngayon, partikular itong presyo ng petrolyo. Ano pong mga challenges ang kasalukuyang nararanasan, hindi lamang po ng mga Pilipino, kung hindi raw po lahat ng mga tao ngayon doon dahil sa pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin doon?

DFA USEC. ARRIOLA: Actually, Usec. Rocky, 33% iyong inflation rate ngayon ng Sri Lanka, tapos iyong food inflation nila is 45%. So, medyo ang laki talaga nang itinaas ng presyo ng mga bilihin. Although, nakikita natin sa telebisyon, there are really rallies but mayroon na pong bahagya na … unti-unti nang bumabalik sa normal iyong buhay doon. Mayroon pa ring mga rallies pero nagiging lesser iyong violence.

Pero ang pinakamabigat na challenge sa mga Pilipino, hindi naman tayo sumasali diyan, is iyong mataas talaga ang presyo ng bilihin. At iyong rate ng dollar to the rupee is one dollar to 366 rupees.

USEC. IGNACIO: Bukod diyan, Usec., ano pa iyong naririnig ninyong kasalukuyang sitwasyon doon sa Sri Lanka? May mga kaliwa’t kanang rally pa rin po ba doon?

DFA USEC. ARRIOLA: Mayroon pa rin, Usec., kaya lang iyong mga—medyo madalang na ngayon at hindi na rin kasing violent as before. I think the Sri Lankan government is really doing its best to be able to stabilize the situation.

But more than the rallies, ang pinakamabigat talaga na hinaharap ng mga kababayan natin doon is iyong rising prices at saka iyong—45% kasi iyong inflation pagdating sa presyo ng mga bilihin.

USEC. IGNACIO: Opo. Ilang po iyong tinatayang bilang ng mga Pilipino ngayon na nasa Sri Lanka, Usec?

DFA USEC. ARRIOLA: As of now, 492 ‘no. Karamihan dito, more than half, are married to Sri Lankans. Tapos around 345 are members of the Philippine [unclear] Association. Mayroong 100 members ng Association of Filipinos in Sri Lanka; at mayroong 47 na engineers. Konti lang sila, pero siyempre nakakaramdam talaga sila ng effect ng inflation sa Sri Lanka as of now.

USEC. IGNACIO: Opo. Pero kumusta po iyong kalagayan ng mga Pilipinong nandoon sa Sri Lanka? May mga balita po ba na – huwag naman sana – nadamay sa kaguluhan, Usec?

DFA USEC. ARRIOLA: Wala naman tayong nabalitaan na nadamay sa kaguluhan. Ang ano lang talaga, mayroon talagang … nahihirapan talaga sila financially dahil doon sa inflation na nangyayari din sa bansa. Nag-reach out na rin iyong iba sa embahada. Kasi last May 26, nagtawag na ang DFA sa mga kailangan na mapa-repatriate. So far, mayroon tayong around 25. At sa June 2, darating na doon—kasi wala po tayong embahada sa Sri Lanka, Usec.

So, mayroon lang tayong Honorary Consulate. So iyong Honorary Consul natin doon are trying to get in touch with the Filipinos, pero ngayon, magpapadala tayo ng rapid response team mula po sa Dhaka, Bangladesh at darating po sila sa June 2. At mayroon din pong manggagaling dito sa DFA, darating din sila this weekend para tulungan ang ating mga kababayan doon at kuhanin ang listahan ng mga gustong umuwi at kung kinakailangan ay pati na iyong mga walang pasaporte ay mabigyan na ng travel document.

USEC. IGNACIO: Opo. Aside from that, Usec, ano po iyong karaniwang hinaing ng mga Pilipino na nakakarating sa inyo diyan sa Sri Lanka?

DFA USEC. ARRIOLA: Iyong iba po kasi, iyong mga anak nila ay walang Philippine passport, iyong mga nagkaroon na ng anak doon. So, ang kailangan lang po namin is proof na Filipino citizens sila, we just need a birth certificate. Ita-translate po if iyong birth certificate nila is from Sri Lanka, so that we can also give them travel documents para umuwi.

Iyong iba po kasi, Ma’am Rocky, gusto nilang umuwi muna ng Pilipinas sa height ng crisis na ito, pero gusto rin nilang bumalik. So, medyo mabigat po sa mga Pilipino iyong desisyon whether to return to the Philippines kasi married po sila sa Sri Lanka. So, iyong iba kailangan pang magpaalam sa kanilang mga asawa.

USEC. IGNACIO: Opo. Pagdating naman po sa pagkain at iba pang pangangailangan sa pang-araw-araw, hindi naman po ba naghihirap iyong ating mga kasamahan doon na mga Pilipino?

DFA USEC. ARRIOLA: Medyo naghihirap po, Ma’am. So, the DFA is going to Sri Lanka to give financial assistance po sa ating mga kababayan na nangangailangan. Ang napag-usapan po namin ng embahada natin sa Bangladesh ay magbibigay po ng financial aid sa mga adults po na $300 per Filipino para pantawid po [sa paghihirap] nila.

Pero kung hindi pa rin po maibsan iyong problema, willing po ang DFA na mag-repatriate ng mga kababayan natin, kasi kung tuluy-tuloy po ang economic crisis na iyan – hindi naman natin talaga alam kung hanggang kalian – bukas po ang pamahalaan ng Pilipinas na iuwi na sila rito po.

USEC. IGNACIO: Opo. Usec, magkano po ang aabutin ng inilaan na pondo ng DFA para po sa mga tulong dito sa ating mga kababayan sa Sri Lanka? Kasi sinabi ninyo $300 per Filipino po, sa total po ay magkano po iyong inilaan na pondo ng DFA?

DFA USEC. ARRIOLA: Opo. Nakalaan po iyong pondong iyon na $300 and ang OUMWA po ay ready din po silang tumulong. At doon po naman sa mga uuwi sa Pilipinas, magbibigay rin po ng tulong ang DFA-OUMWA at hihingi rin po kami ng tulong sa DSWD kasi ang alam po natin, most of the people na uuwi na ng Pilipinas, iyan po iyong medyo naubusan na rin sila ng funds nila, so makapagsimula muna na sila uli rito dito sa Pilipinas, Ma’am Rocky.

USEC. IGNACIO: Opo. Pero may mga natatanggap po ba kayong request na ngayon sa ating Filipino community sa Sri Lanka na talagang nagnanais na pong magpa-repatriate pabalik sa Pilipinas?

DFA USEC. ARRIOLA: Yes, Ma’am. Mayroon na pong initial list na 25 doon sa 492. Nine of them are minors, iyong mga anak po ito ng Sri Lankan. Pero dahil po wala talaga tayong embahada doon, kailangan po talaga natin ng presence on the ground para suyurin at tawagan ang bawat isang Pilipino po doon sa Sri Lanka para alamin ang kanilang kalagayan.

We stand ready naman, Ma’am Rocky, to bring them home. In fact, magpapadala po talaga tayo ng rapid response team para po may presence talaga ang DFA sa Sri Lanka ngayong mayroon pong ganitong economic crisis.

USEC. IGNACIO: Opo. Usec, kung magkakaroon po ng repatriation, kailan po inaasahan iyong pag-alis ng unang batch ng mga Pilipino na uuwi sa bansa?

DFA USEC. ARRIOLA: We are hoping, Ma’am Rocky, either this coming weekend or early next week iyong first batch. Basta desidido na po sila! Importante lang talaga na decided sila.  Then, we will get the first available commercial flight to bring them home considering po iyong sitwasyon nila doon sa Sri Lanka.

And then kung madagdagan po, we will continue buying commercial tickets po para mauwi na po talaga sila dito sa Pilipinas kasi nga po medyo nahihirapan na iyong mga kababayan natin dahil sa napakataas po talaga na presyo ng bilihin.

USEC. IGNACIO: Opo. Maiba naman po tayo, Usec. Kumusta naman po ngayon iyong mga Pilipino namang naapektuhan ng lockdowns sa Shanghai, China? Ano na po iyong kasalukuyang kalagayan nila doon?

DFA USEC. ARRIOLA: Actually, they are on their 64th day of the lockdown. 4,000 po iyong mga Pilipino natin sa Shanghai, masunurin naman po sila. Unfortunately, 22 po sa kanila iyong naging positive pero as of now, wala naman na pong active na case sa mga Pilipino.

Patuloy po iyong pagtulong na ibinibigay po ng DFA, sa pagbibigay ng food packs, iyong OWWA po ay nagbibigay pa rin ng food vouchers at we stand ready to help. Kailangan lang po nila talaga na tawagan iyong embahada, iyong ating konsulado kasi hindi pa rin po makapagbukas dahil bawal pa po talaga, tuluy-tuloy pa rin po iyong quarantine rules sa Shanghai.

USEC. IGNACIO: Opo. Nagpadala po ng budget ang OWWA para po ilaan sa food assistance sa mga Pilipino doon sa Shanghai. Ilang Pilipino na po iyong tinatayang naabutan ng assistance ng ating pamahalaan doon, Usec?

DFA USEC. ARRIOLA: Iyong sa DFA po, nakapagbigay na po ng ayuda sa 535 ‘no. Iyong OWWA po, we do not have the exact number but we know that they are giving $200 food vouchers sa ating mga kababayan po sa Shanghai.

USEC. IGNACIO: Opo. Tanong po ng ating kasamahan sa media na si Sam Medenilla ng Business Mirror: Na-complete na po kaya ng DMW TWG iyong staffing pattern para po sa Department of Migrant Workers? If no, kailan daw po kaya ito expected na ma-complete?

DFA USEC. ARRIOLA: Well, actually, Ma’am, it is supposed to be completed by June 3. We are working closely also with the incoming Secretary, Secretary Toots Ople, for the transition. Kasi transition committee na po kami tapos mayroon pang transition for the next administration. And we are hoping that we’ll be able to help out the transition to the next government.

USEC. IGNACIO: Opo. Usec., tanong pa rin po ni Sam Medenilla ng Business Mirror: Nakikipag-coordinate na po kaya itong DMW TWG kay upcoming Department of Migrant Workers Secretary Susan Ople? If yes, ano daw po iyong mga matters na na-discuss na during the meeting?

DFA USEC. ARRIOLA: Yes, Ma’am. Personally, ako nakausap ko na po si incoming Secretary Toots Ople and I think si POEA Administrator Olalia ay nakausap na rin niya.

Ang mga pinag-uusapan po namin ay iyong transition lalung-lalo na po dito sa DFA kasi iyong opisina ko po will be subsumed, ‘no, so may mga issues din siyang tinatanong about iyong situation ng mga Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng bansa and also iyong mga suggestions namin.

So, we are in close contact with her and we are hoping na, of course, lalo na po sa pagdating ng pag-form po noong staffing pattern and the budget, nakikipag-ugnayan na rin po kami sa kaniya. We stand ready to help out for the administration’s smooth transition po.

USEC. IGNACIO: Opo. Usec, paalala na lang sa ating mga kababayan lalo na po iyong mga nasa bansang Sri Lanka at Shanghai, China. Go ahead, Usec. Sarah Arriola.

DFA USEC. ARRIOLA: Doon po sa ating mga kababayan na nasa Sri Lanka, kailangan lang pong makipag-ugnayan kayo sa mga contact numbers ng DFA. Huwag po kayong mag-alala, parating na po diyan iyong rapid response team. Kung kailangan ninyo po ng ayuda, ready po ang DFA na magbigay ng ayuda.

Doon naman po sa mga kailangan nang umuwi sa Pilipinas, makakauwi po kayo, you just have to get listed. At sana po sigurado na po tayo, kasi bibili na po tayo ng tiket para makauwi po kayo sa Pilipinas.

Iyong mga may anak po na wala pong Philippine passport, we just need your birth certificate at proof po na Filipino po iyong nanay. Kasi kapag Filipino iyong nanay, considered na Filipino naman din po iyong anak.

Doon po naman sa ating mga kababayan sa Shanghai, patuloy po na nandiyan po ang Consulate General na handang tumulong sa inyo. We will stay with you all the way hanggang matapos po iyong lockdown sa Shanghai. Iyon lang po, Usec.

USEC. IGNACIO: Opo. Usec, kami rin po ay nagpapasalamat sa inyong pagsama sa amin, Undersecretary Sarah Lou Arriola mula sa Migrant Workers Affairs ng Department of Foreign Affairs.

Salamat, Usec.

DFA USEC. ARRIOLA: Salamat, Usec. Thank you.

USEC. IGNACIO: Ipinatawag ng Department of Foreign Affairs ang isang senior official ng Chinese Embassy kaugnay ng umano’y harassment ng Chinese Coast Guard sa isang research vessel ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Sa pahayag ng DFA, kinuwestiyon nito ang presensiya ng foreign coast guard sa Reed Bank kung saan nagsasagawa ng marine scientific research ang National Institute of Geological Science ng University of the Philippines.  Ayon sa Kagawaran, paglabag sa innocent passage at Philippine maritime jurisdiction ang ginawa ng Chinese Coast Guard sa ating exclusive economic zone kung saan tanging Philippine Coast Guard lamang ang may enforcement jurisdiction. Tiniyak naman ng DFA na magsasagawa sila ng diplomatic action sa mga paglabag sa ating foreign rights, sa ating maritime jurisdiction para pangalagaan ang ating national security at territorial integrity.

Sa pag-aaral na inilabas ng Bounce Luggage Storage, binansagan nito ang Ninoy Aquino International Airport bilang ‘worst business class airport’. Kunin po natin ang reaksiyon at alamin ang iba pang mga proyekto ng DOTr mula po kay Attorney Danjun Lucas, ang Chief of Staff ng Civil Aviation Authority of the Philippines—okay, babalikan po natin ang DOTr.

Samantala ngayong araw po ay—o kahapon inanunsiyo po ni incoming Press Secretary Atty. Trixie Cruz-Angeles sa isang press briefing ang mga bagong itinalaga ni President-elect Bongbong Marcos na magiging miyembro ng kaniyang Gabinete – at kabilang na dito ang bagong uupong Secretary ng Department of Social Welfare and Development na si DSWD Erwin Tulfo. Dahil diyan, makakasama po natin ngayon ang incoming DSWD Secretary, Sir Erwin Tulfo. Magandang araw sa’yo, Sir Erwin.

INCOMING DSWD SEC. TULFO: Magandang umaga po, Usec. Rocky Ignacio. Thank you po for inviting me sa inyong programa na nakakatulong po talaga, very informative para sa mga kababayan natin. Thank you po, Usec. Rocky.

USEC. IGNACIO: Sir Erwin, ‘yung aura mo ngayon talagang halatang reding-ready ka na sa iyong bagong task. Inaasahan mo ba na ia-appoint ka bilang DSWD Secretary ni President-elect Bongbong Marcos at ano ang naging reaksiyon mo nang malaman mo na ikaw ay itatalagang DSWD Secretary?

INCOMING DSWD SEC. TULFO: Ma’am, actually biru-biruan lang ho, ‘no kasi nasa campaign team po ako ni Sir BBM, biru-biruan lang ho na… ang sabi pa nga PCOO, ma’am. So ako naman ho ay sabi ko, well hindi ko naman ho talaga hiningi ‘yan pero may mga vetting process nga po, may mga process sila na pinipili, ilalagay iyong mga pangalan tapos isa-isang iku-cross out nila kung sinong magaling, sino talagang pupuwedeng roon. So noong—I heard na ilalagay ako sa PCOO pero ang napili nga po si Secretary Trixie Angeles. So okay naman ho, magaling si Secretary magsalita being a lawyer so that’s not a problem.

Tapos may pumutok na balita, siguro… I don’t know kung nakita ho ninyo sa social media na people are congratulating me na ikaw ang susunod na DSWD. Siyempre nahiya naman ako, Ma’am Rocky, na tanungin iyong sa taas na… sa 7th floor, “Ako ba ‘yan? Kasama ba ako? Totoo ba ito?” So pinabayaan ko lang, I keep on telling everybody kahit iyong mga friends natin sa media, sa radio sabi ko fake news ‘yan kasi wala naman.

And then suddenly noong Monday nga ng tanghali, kahapon I got a call from the headquarters na, “Pumunta ka rito, Sir Erwin, kasi ia-announce iyong name mo as nominee for DSWD.” Pagdating ko nga doon ang sumalubong sa akin si Secretary Trixie and said, “Congratulations, Erwin, I will announce your name as one of the nominees for Cabinet position,” as DSWD nga, Ma’am Rocky.

USEC. IGNACIO: Oo. Sir Erwin, alam mo kada may papasok na administrasyon hindi nawawala iyong pangalan mo na sinasabing magiging miyembro ng Gabinete, palagi ‘yang lulutang. Pero, ano ‘yung dahilan mo ngayon bakit tinanggap mo itong posisyon bilang Secretary na nga ng DSWD? Ang daming inaalok sa iyo noon…

INCOMING DSWD SEC. TULFO: Kasi, ma’am, iyong sinabi kasi nila noong kahapon ng tanghali na DSWD Secretary, gusto ko ho iyon. I mean hindi naman ho lingid sa inyong kaalaman na kaming magkakapatid are really into public service/pagtulong. Bawat isa ho sa amin – kay Ramon, kay Kuya Ben, kay Raffy – mayroon ho kaming mga office para tumulong after our radio programs, sa TV programs na pumipila po iyong mga tao. Nakasanayan lang ho siguro, ma’am, at saka turo ng magulang na maganda ang tumulong. So, kahit na pagkatapos ng mga programs namin sa radio… eh tumutulong pa rin ho kami.

So, it was a challenge, sabi ko mukhang maganda siguro ‘yan. Pero parang sanay na tayo tumulong pero mas malaki kasing challenge ‘pag DSWD, Usec. Rocky, mas maraming Pilipino ang matutulungan, ma’am.

USEC. IGNACIO: Oo. Sir Erwin, bibigyang-daan ko lang iyong tanong ng ating kasamahan sa media, hindi ka makakaligtas dahil gusto ka nila. Mula po kay Alvin Baltazar ng Radyo Pilipinas: Ano daw po ang marching orders sa inyo ni President-elect Bongbong Marcos?

INCOMING DSWD SEC. TULFO: Ma’am, may mga marching orders siya previously kahit noong campaign pa lang pero ito ho talaga, galing—kani-kanina lamang, about two hours ago nakausap ko si incoming Executive Secretary Rodriguez, na ang instruction daw sa kaniya ni President-elect Marcos na ibaba sa akin at sabihin na gusto niyang i-digitalize ang pagbibigay ng ayuda sa DSWD para mas mabilis. And at the same time, linisin ang listahan ng DSWD, iyong mga hindi na kinakailangan na nandiyan, dapat alisin na at dapat i-compare ko iyong listahan sa listahan ng LGU partikular sa barangay kung sino talaga ang nangangailangan ng ayuda para hindi masayang. Iyong mga hindi nabibigyan, mabibigyan na ngayon, Usec. Rocky.

USEC. IGNACIO: Tanong naman po ni Sam Medenilla ng Business Mirror: Ano po ang magiging priority initiatives ninyo after being appointed as DSWD Secretary?

INCOMING DSWD SEC. TULFO: Marami na pong nagawa ang present administration, administrasyon po ni Pangulong Duterte sa ilalim po ni Secretary Bautista. Pero kailangan pong dagdagan, ma’am – isa na po riyan iyong pagbibigay ng ayuda na mas mabilis na makarating sa mga tao. Tapos po susundin pa rin ho naman natin iyong pagbibigay ayuda, iyong inumpisahan po ni Senator Bong Go na Malasakit Center, itutuloy pa rin ho natin iyan sa mga ospital. Kung kailangan nila ng mga—hindi makalabas sa ospital, puwede po nila lapitan ang DSWD.

Marami po, ma’am eh, nandiyan din ho iyong isa pa hong order ng Pangulo or incoming President Marcos, iyong tinatawag na pandemic recovery, ma’am – iyong mga nawalan ng trabaho at ngayon po’y naghihirap eh dapat daw hong tulungan sa pamamagitan po ng mga pondo ng DSWD na for livelihood programs, Usec. Rocky.

USEC. IGNACIO: Uhum. Sir Erwin, tanong naman ni Mark Fetalco ng PTV: Hiniling po ng DSWD sa incoming Marcos administration na gawing prayoridad itong mga hakbang para maiwasan ang teenage pregnancy at epektibong pagpapatupad ng Universal Health Care Law para matugunan ang kahirapan. Bilang incoming DSWD Secretary, ano daw po ang plano ninyo dito?

INCOMING DSWD SEC. TULFO: Ang unang-una siguro, ma’am, ganito rin po iyong isa pa sa mga instructions ho sa akin, ay iyong mga tao po sa DSWD… kung maaari huwag hong masyadong magdala ng maraming tao na galing sa labas. Ang gusto po ng Pangulo, iyong mga tao na nariyan na sa loob ng DSWD lalo na po iyong may mga degree sa social welfare, lalo na po iyong mga batikan diyan at beterano sa pagtutulong… kailangan ho natin iyan sa itaas para matulungan ho tayo – iyong mga social welfare, iyong mga child psychiatrist natin, kailangan ho natin ng mga advisers, ng mga consultants ma’am para ma-address iyang problema na iyan, mga about teenage pregnancy, about dito sa mga street children.

Marami ho kasing problema, ma’am eh, pati iyong mga juvenile justice… Kaya we need people, ma’am, siguro na nasa baba lang na hindi nabigyan ng opportunity na itaas ho natin, iakyat natin because sila po ma’am ang nakakaalam sa mga problema noon pa man. Eh six years lang naman ho ito and sila ho nandiyan na ever since, panahon pa siguro ni Pangulong Gloria Arroyo nandiyan na sila, Pangulong PNoy and then Duterte so alam na ho nila. Kailangan lang ho sila marinig siguro, iakyat ho sila, ilagay ho sila diyan sa… Usec., Asec., Director… nakapalibot po sa OSEC para po mabigyan tayo ng advice kung ano hong mga dapat gawin, Ma’am Rocky.

USEC. IGNACIO: Opo. Sir Erwin, hindi ko kayo puwedeng pakawalan nang hindi itinatanong ito dahil marami ring nagtatanong sa akin dito, itanong ko daw ‘to sa’yo. Ngayong kayo daw po ay magiging Secretary na ng DSWD, ipagpapatuloy ninyo pa rin po ba iyong inyong pagiging TV and radio broadcaster?

INCOMING DSWD SEC. TULFO: Actually, Ma’am Rocky, kailangan ho talaga iyan. Hindi naman po siguro araw-araw kasi magiging busy na ho tayo. Pero siguro hihingin ko po diyan sa mga opisyal po natin sa PCOO lalo na po diyan sa PTV and sa Radyo Pilipinas na bigyan ho tayo kahit once a week lang ho na program for one hour para lang po marinig ng mga kababayan natin ang mga proyekto, ang mga—katulad po nito, nitong Laging Handa ma’am, very informative, kailangan ho natin ng ganitong programa.

Pero sa DSWD side naman para marinig ng mga kababayan natin nationwide ano ba iyong mga puwede nilang hihingiing tulong, iyong mga paparating sa kanilang mga ayuda… iyong mga ganoon hong bagay at saka kung ano ho ang mga problema naman nila, iparating naman ho nila sa Secretary, sa administrasyon para naririnig ho natin. Tulad po ng… naku abusado… ito nga ho, ang dami kong binabasang text kanina at saka sa social media. Marami pong mga empleyado na mga nakasimangot, mayayabang, pinapalayas daw sila. Eh, kaya nga po kailangan nga natin ng mga programa pa rin sa radio/TV, sa social media para makarating po sa atin iyong mga sumbong na iyan.

Isa pa, Ma’am, hindi lang po sa media tayo nagpo-focus. Mayroon din po akong magiging instruction pag-upo po natin na buksan ang mga gates po ng DSWD at papasukin – ayaw ko na nagpipila sa labas ng bakod, sa gate iyong mga mahihirap. Gusto ko pong papasukin, dahil iyan po talaga ang misyon ng DSWD na tumulong sa mahihirap, kaya may karapatan sila sa loob ng aming mga opisina, Ma’am.

USEC. IGNACIO: Opo. Ito pa rin – palaging tanong na rin po ito ngayon: Magpapatuloy pa rin po ba iyong pagbibigay ninyo ng tulong sa pamamagitan daw po ng Erwin Tulfo Action Center?

INCOMING DSWD SEC. TULFO: Siguro, Ma’am, iyan po ay nag-usap na kami ni Congressman Eric Yap – dahil siya po iyong Congressman ngayon ng ACT-CIS, pati po si Congresswoman Jocelyn Tulfo – ipapaubaya ko na po iyan, medyo isasara ko na po muna iyang Erwin Tulfo Action Center, dahil magko-conflict po iyan sa trabaho ko sa DSWD. So, I will leave that to ACT-CIS party-list, iyong office ko po, magiging office po iyan ng ACT-CIS party-list.

So, kahit anong NGOs naman po, puwede po lumapit sa atin, humingi ng tulong. Maging iyong mga kasamahan natin sa media, kapag kailangan. Everybody ho, lahat ho ng Pilipino, basta may kailangan po, wala pong matakbuhan na, puwede po sila ngayon tumakbo na sa DSWD, humingi po ng tulong, Usec. Rocky.

USEC. IGNACIO: Opo. Sir Erwin, hingin ko na lamang iyong inyong mensahe para sa ating mga kababayan bilang ngayon po na kayo ay aming DSWD Secretary.

INCOMING DSWD SEC. TULFO: Dalawa lang po: Doon sa mga kababayan ho natin na nangangailangan ng tulong, wala pong matakbuhan, wala pong malapitan, hindi po pinapansin, pero kailangan po ng tulong – paospital, pagamot, palibing – mayroon po tayong DSWD na malalapitan ho.

Hangga’t sa kakayanin po natin, tutulungan ho natin ang lahat. Wala po tayong iiwan – palibing, pagamot, iyong mga maintenance – titingnan ho natin, ano ho ang available na resources at ibababa po natin iyan sa inyo ho na mga nangangailangan ng tulong – mga senior citizens at indigents.

Doon naman po sa mga  kritiko ko ho, since yesterday, inulan na po iyong social media ng batikos, banat, pati may mga ilang media men and women na hindi siguro gusto iyong mukha ko, eh ang pakiusap ko lamang ho ay bigyan naman ho ako ng six months to one year. Give me six months to 12 months.

So, ibig kong sabihin niyan – sige, one year na lang ho, hanggang May 31, 2023 – kapag hindi po ako naka-deliver, ako na mismo, Ma’am Rocky ang bababa sa puwesto and I will ask incoming President or President Bongbong Marcos na that time, na “Sir, palitan na po ninyo ako, dahil hindi ko po nadi-deliver iyong inatas ninyo sa akin na trabaho, hindi ko po natutulungan ang mga kababayan natin on time,  because I promised them na, help will come on time.”

Kapag hindi ko ho nagawa iyon, ako na ho mismo an bababa sa puwesto. Iyan po ang pangako ko doon sa mga kritiko ko po ngayon. Iyong mga galit po sa atin, bigyan lang po ninyo ako ng one year, tutal mabilis lang naman po iyan, kapag hindi po ako naka-deliver. Pero kapag nag-deliver ako, naka-deliver naman ako siguro, eh hayaan na ninyo akong tapusin ko na iyong termino ko siguro, in six years.

USEC. IGNACIO: Okay. Sir Erwin, kami po ay nagpapasalamat sa pagpapaunlak ninyo sa amin. Maraming salamat, incoming DSWD Secretary, Sir Erwin Tulfo sa pagsama sa amin. Mabuhay po kayo!

INCOMING DSWD SEC. TULFO: Maraming salamat po, Ma’am Rocky. Magandang umaga po!

USEC. IGNACIO: Samantala, base po sa pinakahuling bulletin na inilabas ng Department of Health kahapon, May 29, 2022 ay nasa 69,302,485 na po ang kabuuang bilang ng mga fully vaccinated sa bansa as of May 29.

Mula May 23 to May 29 naman ay nakapagtala ang kagawaran ng 1,317 new cases, kung saan 188 ang naitalang daily average cases. Mas mataas po iyan ng 8.8% kaysa sa mga kasong naitala mula May 16 hanggang May 22.

Labing-dalawa (12) naman po ang naitalang nadagdag sa severe at critical cases, kaya naman umabot ang total nito sa 679 as of May 29.

Samantala, magandang balita dahil walang naitalang pumanaw nito pong nagdaang linggo mula May 16 hanggang May 29.

Samantala, balikan na po natin si Atty. Danjun Lucas, ang Chief of Staff ng Civil Aviation Authority of the Philippines. Magandang araw po, Attorney!

ATTY. LUCAS: Magandang umaga, Usec. Rocky, at salamat sa pag-imbita sa amin dito sa Kagawaran ng Transportasyon. Maraming salamat po!

USEC. IGNACIO: Opo. Attorney, saan daw po binase ng Bounce Luggage Storage itong pag-aaral nila kung saan po ay sinabing binansagan daw po ang Ninoy Aquino International Airport bilang worst business-class airport, saan daw po nila kinuha ang mga data nila?

ATTY. LUCAS: Sa totoo lang po, nahiwagaan din po kami noong una, kasi iyong Bounce Luggage, it is a corporation operating in US and in some parts of Asia at wala po silang presence dito sa Pilipinas. Kaya, we did our research, nalaman namin doon sa very restricted and limited information doon sa website na, it was part of a survey doon sa mga mananakay po na nakausap nila. Wala naman pong binanggit – gusto lang po sana kasi naming malaman, kaya we also did our research – para ma-improve iyong mga services na sinasabi nila na kailangan naming ma-improve.

So, far ang nakita lang kasi namin, they gave three parameters, Usec. Rocky. Doon po sa parameters na binigay nila, sinabi nila ang naging basehan daw po ay iyong number of destination; iyon pong on-time performance ng mga flights at saka iyong Skytrax rating na ibinigay. So, based on the very limited information that we have, ito po iyong mayroon kami. Kami po ay willing makipagdiyalogo doon sa Bounce [Luggage Storage]. But so far, we have not gotten any further communication from the so-called Bounce survey po, Usec. Rocky.

USEC. IGNACIO: Opo. Nakasaad din sa pag-aaral nila, Attorney na nakuha ng NAIA ang worst scoring sa tatlong kategorya – ang number of destinations, on-time performance at worst rating rin sa Skytrax na isa pong UK-based consultancy airline and airport review and ranking site – ano po ang masasabi ninyo dito?

ATTY. LUCAS: Opo. Maraming salamat, Usec. Rocky ‘no, we want to weigh-in on those three parameters ‘no. Nakipag-ugnayan po ang Kagawaran ng Transportasyon sa management po ng Manila International Airport, sa opisina ni GM Ed Monreal ‘no.

Una po, payagan po ninyo akong isa-isahin iyon: Sinabi kasi nila, iyong sa number of destination. Ipaalam din po natin at ipabatid natin na iyong number of destination po kasi sa isang paliparan, iyan po ay nakabatay doon sa bilateral agreement na pinagkakasunduan ng dalawang bansa. Halimbawa po doon sa number and frequency ng flights, mga bansa at mga state po ang nag-a-agree. Kung magkaroon na po tayo ng pundasyon doon sa ruta, mga airlines po ang nagdedesisyon, nagpa-facilitate lamang po ang ating mga paliparan para matanggap iyong mga gustong lumipad. Iyon po iyong doon sa unang puntos.

Sa pangalawa po, ito po I hope hindi po nila mamasamain, but we take exception doon sa sinabi nila na on-time performance ano po, Usec. Rocky. Kasi kung maalala po ninyo, noong pumasok po ang Duterte Administration at ang DOTr sa pamumuno ni Sec. Art, ang on-time performance po sa NAIA ay 40%. Noon pong 2019 sa pagtataya po namin, iyon din po ang period kung saan ginawa iyong survey na binabanggit doon sa Bounce [unclear], mismong ang mga airlines po natin ang nag-report sa Department of Transportation na ang average on-time performance ng ating mga paliparan ay nasa 84%. Medyo malayo po doon sa 40% na pinagmulan natin noong 2016.

Kaya sa amin po, medyo tinatanong lang po namin kung ano po kaya ang naging basehan. Karapatan naman po iyan ng kahit sino na mag-rate-rate at kung ano po ang sabihin nila. Pero nanghihingi lamang po sana kami ng datos at batayan, hindi naman po sa pagiging defensive pero para rin po matulungan ang ating mga paliparan at sa Kagawaran ng Transportasyon na ma-improve pa kung ano pa iyong mga services na sa tingin ng iba eh kulang pa.

Iyong pangatlo naman po, sinabi po na mababa daw po iyong Skytrax [rating]. Eh, same period po. Usec. Rocky, kung maalala po natin, ang MIAA po ay sinabihan, Skytrax rin po ang nagsabi na one of the most improved, if not the most improved airport. So, medyo may inconsistencies lang po, kaya gusto po natin malaman sa  Kagawaran, iniuugnay po natin ito sa MIAA, kung ano po ang naging basehan, para malaman  din po natin kung ano pang mga dapat nating i-improve para sa ating mga riding public. Thank you, Usec. Rocky.

USEC. IGNACIO: Attorney, nabanggit po ang improvements pagdating sa pasilidad at serbisyo ang nagawa ng inyong kagawaran sa NAIA sa ilalim po ng Administrasyong Duterte. So, anu-ano po itong mga improvements na ito?

ATTY. LUCAS: Totoo po iyan ‘no. Umpisahan ko na po doon sa CN at ATM (Communications, Navigation, Surveillance / Air Traffic Management). Ito po ay nabuksan noong 2018. Noong nag-umpisa po tayo, tatlo lamang po ang radar na nagmo-monitor sa ating airspace. Ngayon po, nagdagdag tayo ng sampu, labintatlo na po iyan. Si Presidente at si Secretary Tugade po mismo ang nagpasinaya. Iyan po ay para ligtas na bumaybay ang mga eroplano sa ating- airspace. From ten, naging thirteen po, iyan po ang isa sa ipinagmamalaki natin dahil hi-tech na po ang airspace monitoring natin. Mas ligtas nang bumabaybay ang mga eroplano sa ating airspace.

Kahit po during the pandemic ay hindi po talaga tumigil ang pag-improve sa ating mga NAIA terminals. Nagkaroon po ng improvement ang Terminal 4, nagkaroon din po ng facelift ang Terminal 2, at kung maaalala po ninyo, nagkaroon po tayo ng improvement sa NAIA runway. Nagbukas din po tayo ng mas maraming taxiway para smooth at mas mabilis po ang movement ng ating mga eroplano sa pagbaybay sa runway ng NAIA.

So, marami pa po. Mayroon din po tayong Passenger Boarding Bridges (PBB) na mino-monitor. Sampu pong Passenger Boarding Bridges ang aayusin sa iba’t ibang NAIA Terminal both domestic and international.

Ano po ba ang sinasabi natin? Kahit po hindi natuloy iyon, so far medyo na-delay po kasi nang kaunti iyong plano na magkaroon ng PBB sa MIAA, ang instruction po ni Sec. Art, ituloy pa rin po ang mga improvements kahit na naghihintay pa tayo sa final na desisyon on the PBB.

USEC. IGNACIO: Opo. Recently lang din po ginanap, Attorney, iyong inauguration ng rehabilitated Vigan Airport. Ano daw po iyong improvement projects na nagawa na sa Vigan Airport at ilang pasahero na po kaya ngayon ang kayang i-accommodate dito?

ATTY.  LUCAS: Opo. Noong nakaraang linggo lang po iyan, kasama po si Sec. Art at saka po sina Governor Singson sa Vigan. Isa po iyan sa naging priority projects ng Kagawaran ng Transportasyon aviation sector.

Bago po ang improvement, forty passengers lang po ang puwede sa loob ng terminal building, ngayon po, umabot na po siya sa 150. Ang runway po, dati maliliit na eroplano lang ang kaya, mga training aircraft lang po. 1,000 to 1,200 meters ang runway pero after the extension, sa pakikipagtulungan po natin sa Department of National Defense at sa Provincial Government ng Ilocos Sur at ng Vigan, umabot na po sa 1,400 [meters ang runway] at malalaking eroplano na po ang kayang i-accommodate ng Vigan runway.

Tapos na po ba doon? Hindi po. Mismong si Secretary Art sinabi niya na gusto niyang padagdagan pa ng isang kilometro iyong runway ng Vigan Airport. Iyan po ay sa pakikipagtulungan natin kina Governor Singson.

USEC. IGNACIO: Opo. Recently lang din, Attorney, ginanap naman itong soft launch ng bagong terminal building ng Clark International Airport. Fully operational na po ba itong bagong terminal at may mga bago po bang pasilidad dito na dapat i-look forward ng ating mga pasahero?

ATTY. LUCAS: Opo, tama po iyan. Napakaganda at world-class po talaga ang airport na iyan. Design pa lang po, kung mapupuntahan po ng ating mga kababayan at mga mananakay, talagang ipagmamalaki po natin, ano.

Ang pinakabago po dito ay iyong contactless po talaga na sistema sa loob. Magmula sa check-in, hanggang boarding ng baggage, lahat po iyan ay automated. Pati po sa pag-order ng pagkain ay nakakatuwa po. Kapag oorder po ng pagkain, lahat po iyan ay nasa app na lang po sa inyong mga telepono, makaka-order kayo at kukuhanin ninyo, ipi-pick up ninyo na lang po.

Marami pong improvement sa Clark International Airport at marami pa pong gagawin na improvement sa Clark International Airport kaya very excited po talaga tayo sa continuous improvement ng ating mga paliparan.

USEC. IGNACIO: Ngayon, Attorney, nalalapit na po ang pagpasok ng bagong administrasyon, anong mga programa o proyekto po iyong nais ninyong bigyang-pansin pa ng susunod na administrasyon?

ATTY. LUCAS: Tama po ano. Sa hanay po ng aviation sector, tuloy-tuloy pa rin po sana ang ating endorsement doon sa continuous automation ng ating system sa ating mga paliparan kasi importante po iyan.

Sa komunikasyon po, continuous upgrading po ng ating communication, navigation, surveillance and air traffic management system po ‘no. Iyan po ang ating pagmo-monitor ng mga bumabaybay sa ating airspace.

Kasama pa rin po diyan ang iba’t ibang imprastraktura kagaya ng tuluy-tuloy na pag-i-improve ng Bicol International Airport, nandiyan din po ang Tacloban International Airport, tuluy-tuloy naman po ang paggawa niyan.

Ang Antique at iyong bago pong Busuanga Airport, kasi ang Busuanga Airport, alam naman po natin iyan ang gateway papunta sa Coron, Palawan. Talagang kulang na po iyong imprastraktura sa dami ng mga turista, both domestic and international. Kaya po si Sec. Art po, under President Duterte, talagang pinahabaan iyong runway. Magkakaroon po tayo ng bagong runway, magkakaroon din tayo ng bagong passenger terminal building.

Tuloy-tuloy po ang improvement, hindi lamang po diyan kung hindi sa General Santos, Zamboanga International Airport. Ngayon po, nandito po kami sa Surigao, inaayos po natin iyan kasama ang ating area manager. Nagkaroon po kasi ng damage ito noong nagkaroon ng Typhoon Odette. Inaayos po natin at malapit na po ang inspeksyon ng mga boss natin sa Department of Transportation para makita ang ipinangako ng Pangulo at ni Secretary Art na tatapusin ang rehabilitasyon ng mga nasirang airport/paliparan dahil sa mga nakaraang kalamidad.

USEC. IGNACIO: Okay. Kuhanin ko na lamang ang inyong mensahe o paalala po sa ating mga kababayan partikular po sa ating mga pasahero.

ATTY. LUCAS: Maraming salamat, USec. Rocky ano.

Mayroon pa rin po tayong pandemic, magsuot po ng mask, minimum health standard protocol, sundin po natin ang mga tagubilin ng ating gobyerno at mag-ingat po tayong lahat.

At kami po sa Kagawaran ng Transportasyon, nagpapasalamat kami sa suporta na ibinigay ng ating Pangulo at ng ating mga kababayan.

Maraming salamat po, USec. Rocky.

USEC. IGNACIO: Maraming salamat din po sa paglalaan ng inyong oras sa amin, Atty. Danjun Lucas, ang chief of staff ng Civil Aviation Authority of the Philippines.

Sa tuluy-tuloy na pamamahagi ng tulong ng tanggapan ni Senator Bong Go at ilang ahensya ng pamahalaan, mahigit isang libong residente ng Rosario, Cavite ang nabahaginan ng tulong.

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Maraming salamat po sa ating mga partner agency para sa kanilang suporta sa ating programa at maging ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP).

At dito na po nagtatapos ang ating programa sa araw na ito. Hanggang bukas pong muli. ako po si USec. Rocky Ignacio at ito ang Public Briefing #LagingHandaPH.

 

###

 

 

 

SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)