Maraming salamat sa ating Kalihim ng Department of Agriculture, ating Secretary, Secretary ng DA, Secretary Kiko Laurel sa iyong pagpakilala.
[Magsi-upo po tayo.]
Tamang-tama at parang… Mayroon po kaming sinasabi noon noong panahon ng father ko. Ang tawag namin ay Marcos weather. Ang Marcos weather, uulan nang malakas bago magsalita ‘yung matanda, ‘yung father ko. [applause] Pagtayo niya, mawawala na ‘yung ulan. Pero huwag kayong mag-aalala, inaantay natin ‘yung ulan, pag-alis ko babalik ‘yan. [laughter]
Kasama po natin ang mga iba’t ibang miyembro ng Gabinete, mga kalihim ng mga iba’t ibang departamento na siyang nagtutulungan para dito sa ating mga programa na ginagawa. At ito po ay bahagi ng aming tinatawag na whole-of-government approach. Ang ibig sabihin po, ay lahat hindi lang po pagka mayroon tayong programang ginagawa, hindi lamang isang department ang inuutusan natin para gawin ang trabaho na ‘yan.
Ang ginagawa po natin ay tinitingnan namin kung sino man o kahit na anong department na makakatulong ay sinasama natin doon sa programa na ‘yun para maging matagumpay ang programa natin kaya’t lahat — kaya whole-of-government approach ibig sabihin hindi lamang isang department, kung hindi ang buong pamahalaan ang nagtatrabaho para sa mga iba’t ibang programa na nais namin iparating sa taumbayan.
Kaya’t nandito po ang DSWD Secretary, Secretary Rex Gatchalian [applause] na lagi niyo po sigurong nakikita ay siyang umiikot at nag-iinspeksyon at nagdadala ng tulong kapag tayo’y inabutan ng mga kalamidad.
Ngunit, in-expand — pinalawak po natin ang kanyang mga katungkulan upang hindi lamang pag bagyo, hindi lamang pag lindol o pagputok ng bulkan saka papasok ang DSWD. Dahil para sa aking pananaw, itong dinaanan natin na El Niño, na tagtuyot na El Niño ay krisis din ‘yan, kaya’t nandiyan po ang DSWD para tumulong at magbigay ng tulong sa mga tinamaan at nahirapan dito sa pagdaan ng El Niño sa atin.
Andito rin po… Alam niyo po napakahalaga na maganda ang ugnayan ng local government at saka ng national government para po mabuo ang aming mga programa. Kahit na po napakaganda ng aming naiisip na pinaplano, napakahusay at magandang plano ang programa na ginagawa natin, hindi po mararamdaman ng tao — hindi po niyo mararamdaman ‘yan kung hindi maganda ang usapan sa gitna ng local government at saka sa national government.
At kailangan, tamang-tama, maganda ang pag-trabaho natin para naman ay masabi natin na lahat ng nais nating tulong na maibigay, lahat ng mga programa na ating naisip ay nadadala natin at bawat Pilipino ay nararamdaman nila. Ang namamahala po diyan sa ugnayan sa gitna ng national government at saka sa local government ang ating Department of Interior and Local Government, ang Secretary po ng DILG, Secretary Benhur Abalos. [applause]
Ito po ang isa pang matagal na nating kasama at dati po kasama pa sa Kabataang Barangay ‘yung mga… Mahirap ng pag-usapan dahil nahahalata ‘yung mga edad natin pagka naalala ‘yung Kabataang Barangay. Pero ang boss nila doon si Senator Imee noon. Pero, I’m sorry nagbago na ‘yung definition ng KB. Hindi na Kabataang Barangay, Katandaang Barangay na daw sabi ni Imee. [laughter] Andiyan ang ating butihing — ang butihin Congressman, Congressman Ed Chatto. [applause]
And the Second District Representative ng Lalawigan ng Bohol, Congresswoman Maria Vanessa Aumentado [applause]; and the Third District, Third District na Representative ng Lalawigan ng Bohol, Congresswoman Kristine Alexie Tutor [applause]; andito rin — dahil kasama po ang Cebu dito sa ating gagawin ngayong programa sa araw na ito, nandito rin po ang Second District Representative ng Cebu, si Congressman Edsel Galeos [applause]; at narinig po natin ang ating Acting Governor, Acting Governor ng Bohol Dionisio Victor Balite [applause]; sinama ko po at mayroon din kaming ginawang event sa Cebu City — sa Lapu-Lapu City na para sa tourism at ginawa namin sa Cebu kaya’t noong pagpunta ko rito ay sabi ko sumama na ang ating Gobernador, Governor Gwen Garcia is here with us also [applause]; ang ating host, ang host natin dito sa programa na ito at sinasabi ko nga, dito sa Bohol, ito lang yata ang probinsya lahat ng talumpati English. Kaya medyo magwi-withdraw muna ako sa bangko ng English para makabuo ako ng — baka maubusan.
Kaya’t noong napapanuod namin ang ating Mayor, Mayor of Tagbilaran, Mayor Jane Censoria Yap [applause]; at lahat ng ating mga mayor. Nandito lahat ng ating mga mayor ng probinsya ng Bohol, magandang umaga po sa inyong lahat.
At ang pinakamahalaga, pinaka-importante na mga bisita ngayon dito, ngayong umagang ito ay kayo po mga beneficiary para dito sa assistance na aming ibinibigay. [applause]
Sa lahat ng aking mga — ating mga kaibigan, mga mahal kong kababayan maajong adlaw sa inyong tanan.
Napakasaya ko na makasama kayo ngayon dahil matagal na po akong hindi masyadong nakabalik at sa mga — dahil naman… Tamang-tama at may dala naman kaming ayuda at magagandang balita. Sana naman ay maramdaman ninyo na sulit naman ang pag-aantay ninyo sa aming pagbisita. [applause]
Ang Bohol po, kagaya po ng Cebu, kilalang kilala na po na sikat dahil sa tourism industry — mapa-lokal man, mga lokal man o mga Pilipino o ‘yung mga dayuhan.
Kilala ang inyong probinsya sa inyong white-sand beaches, mga [diving] site, ang Chocolate Hills, ang mga tarsier, ‘yung asin tibuok na naka-delihensya pa ako ng asin na tibuok doon sa gumagawa at mapapasarap ang kain namin mamayang lunch, pati na sa kalamay na talaga namang napakasarap [applause] [kung] kaya’t paborito itong gawing pasalubong ng lahat ng pumapasyal sa inyo.
Maliban sa turismo, ang pagsasaka at pangingisda ang ilan pa sa [mga] pangunahing industriya dito sa Bohol.
At sa angking yaman ng inyong mga lupa at karagatan, isa sa mga hangarin ng administrasyon ko ay [ang] palaguin [pa] ang pagsasaka at pangingisda sa inyong lalawigan; nang sa gayon [ay] umunlad din ang ating ekonomiya.
Dahil diyan, [ang] pamamahagi natin [ng] tulong ngayong araw na ito ay nakatuon sa mga magsasaka, at sa mangingisda, at siyempre, sa kanilang mga pamilya.
Mga kababayan, dala po namin ang isang daang milyong pisong cash assistance para sa mga Boholano at Cebuanong magsasaka, [applause] at mangingisda, at para sa kanilang pamilya. [Tig-limampung] milyong piso ang [inilaan] po natin sa dalawang lalawigan, at ang bawat benepisyaryo ay makakatanggap ng [tig-sampung] libong piso. [applause]
Kasama [rin] po natin ang ibang mga kabalikat [natin] mula sa gobyerno na may mga dagdag pang tulong para sa inyo.
Una na riyan ang — kasama po ang ating mga congressman dito sa aming ginagawang programa at galing sa Tanggapan ng Speaker of the House, na si Speaker Martin Romualdez, may pinapaabot ang Speaker’s office at saka ang House of Representatives na [tig-limang] kilong bigas para sa lahat sa inyo na nakadalo kayo ngayon, ngayong araw dito sa atin. [applause]
Mula naman sa iba’t ibang sangay ng Department of Agriculture, mayroon tayong mga nilalaan na loan program, mayroon tayong dalawang yunit ng four-wheel-drive na tractor, mga pataba, sako-sakong binhi ng bigas at mais, mga punla ng niyog, at marami pang ibang kagamitan.
Mula naman sa Department of Trade and Industry, Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa o PPG Program, mayroon namang ibibigay na livelihood kits na nagkakahalaga ng walong libong piso para sa siyam na mga dating rebelde na nagbalik-loob na sa panig ng bayan. [applause]
Sa DOLE naman manggagaling ang higit dalawang milyon at tatlong daang libong piso para sa higit isang daang benepisyaryo ng Integrated Livelihood Program.
Mahigit isang milyon at walong daang piso naman [ang] para sa halos apat na raang benepisyaryo ng TUPAD program ng DOLE.
Mayroon pang sampung libong benepisyaryo ng [tig-sampung] libong piso ang ibibigay ng DSWD sa ilalim ng kanilang programa na Ayuda sa Kapos ang Kita Program o ‘yung AKAP.
TESDA, kasama rin ang TESDA. Kaya po ito ‘yung tinatawag natin, ‘yung whole-of-government approach. Lahat po sila ay pinagsama-sama natin para buong — lahat ng pangangailangan ay natutugunan natin. At kasama nga diyan ang TESDA. Ang TESDA naman [ay magbibigay] ng training support fund sa dalawampung benepisyaryo, [at] starter tool kits ng shielded metal arc welding para naman sa dalawampung benepisyaryo. Nandoon po sila naka-display ‘yung kanilang tinanggap sa [TESDA].
Alam kong higit labintatlong libong pamilya at higit labing apat na libong magsasaka at mangingisda sa Bohol ang lubos na naapektuhan ng El Niño noong mga nakaraang buwan.
Kaya sana po ay makatulong ang mga programa ng gobyerno at ang dala naming ayuda upang tuluyan na kayong makabawi sa mga hamong na dinadaanan ninyo.
Ngayong tag-ulan na, [ang] panalangin naman natin ay hindi na tayo makakaranas ng matinding kalamidad sa mga susunod na buwan. Ngunit huwag po kayong mag-alala dahil ang ating pamahalaan ay laging naka-antabay.
Tayo ay naglaan ng pondo, mga food pack, at iba pa, mga ayuda kung kinakailangan.
Layunin natin na maging handa sa lahat ng pagkakataon upang hindi na tayo mahirapang sumagot sa tawag ng bawat sitwasyon.
At gaya ng sinabi ko kanina, maliban sa mga ayuda ay may dala rin akong magagandang balita tungkol sa inyong probinsya.
Ikinagagalak ko na ipabatid sa inyo na ang Mabini-Cayacay Small Reservoir Irrigation Project ay malapit ng matapos. [applause]
Nawa ay mapapakinabangan na [nga] ito sa lalong madaling panahon, nang mabigyan ng sapat na patubig ang lampas na limang daang ektaryang sakahan sa bayan ng Mabini at ng Alicia. [applause]
Hindi namin titigilan at hindi [kami] titigil [sa] pagsisikap upang maibigay ang inyong mga pangangailangan.
Walang sawa kaming [magpapatupad] ng mga programang [makabubuti] po sa inyo, magsasagawa ng mga iba’t ibang proyektong [makapagbibigay] ng ginhawa sa inyong buhay, at [mamumuhunan] para sa inyong kapakanan at kasaganahan.
Sa mga pinuno ng mga ahensya ng pamahalaang nasyonal at lokal, hinihiling ko ang inyong pakikiisa upang makamit natin ang hangarin natin na walang maiiwan sa paglalakbay tungo sa mas maliwanag at mas maunlad na bukas. [applause] Tiyakin po natin na [makararating] sa lahat ng benepisyaryo ang tulong na inilalaan natin para sa kanila.
Mga magigiting na mangingisda at magsasaka ng Bohol, salamat sa marangal na paghahanapbuhay upang masuportahan hindi lamang ang inyong mga sarili, hindi lamang ang inyong mga pamilya, kung hindi pati ang seguridad ng pagkain sa buong Pilipinas. [applause]
Kung tayo ay sama-sama at nagbabayanihan, walang pagsubok na hindi natin malalampasan at walang pangarap na hindi natin [mapagtatagumpayan].
Muli, maraming, maraming salamat.
Mabuhay ang ating mga magsasaka at mangingisda! [applause]
Mabuhay ang probinsya ng Bohol! Mabuhay ang Bagong Pilipinas! [applause]
— END —