Thank you.
Maraming salamat Secretary Rex Gatchalian ng DSWD. [Please be seated.]
Wala na hindi na tayo pinapakinggan nitong mga ‘to. Binubuksan na ‘yung mga regalo nila eh. Ano ba talaga laman niyan? Sige nga, ipakita niyo sa amin. [laughter]
Ito sabi nila maraming senior daw dito. Wala naman akong nakitang senior dito ah. Puro bata. Masyado kayong bata para maging senior. Para pati ako ma-ano, mababa ‘yung aking edad.
Maraming salamat. At ako’y tuwang-tuwa – nakita niyo naman dahil ramdam na ramdam na talaga ang Christmas spirit lalo na ‘pag ganito ating mga ninuno at pati na kasama dito sa ating mga bata.
Kasama ang ating Mayor Lacuna ng Maynila na sila – ang LGU pala ang nagpapatakbo nito pero distrito ni Congresswoman Stella at saka ng – it’s part of Marikina. One day you have to explain that to me. Na-confuse ako nang husto.
Magandang umaga po sa inyong lahat. Merry Christmas po sa inyong lahat. [applause]
Kami po ay nandito dahil talagang nagsimula na ang Christmas season. Alam po namin ‘yun dahil kagabi ‘yung napakalaking Christmas tree doon sa Palasyo ay in-on na namin ‘yung ilaw at makikita mo sa malayo. Kaya’t sabi namin ito na nga Disyembre na, Paskong-Pasko na.
At sino ba ang dapat nating puntahan at mag-regalo? Kaya’t kami ay nandito para magdala nang kaunting regalo. Bukod sa regalo, mayroon pang itong mga ibang mga hiningi ng LGU para sa ating mga nandito: mga food pack, [This is a health kit, right?] health kit, at saka mayroon pang para naman hindi niyo na inaalala – that is bigas, bigas din lahat kumpleto.
So, iyan po ay aming dinala at ako’y nagpapasalamat sa inyong palabas. Mayroon pa lang… Hindi namin alam. Dapat malaman ng tao mayroon pa lang K-pop dito sa Boys’ Town. May future itong mga batang ito.
Kaya’t tuloy-tuloy ang aming tulong sa inyo, tuloy-tuloy ang aming pag-alala sa inyo. Huwag niyo pong isipin kahit na sandali na kayo’y nakalimutan o kayo’y hindi na iniisip. Lagi po kayo nasa isip namin.
At napakaimportante para sa amin lalo na… Ang sinabi ko nga kagabi, ang aking Christmas wish, kahit sino, kahit sinong Pilipino, dapat naman ay magkaroon ng kahit papaano maramdaman ang Christmas spirit at magkaroon ng Merry Christmas.
Kaya’t patuloy po, lahat po ng ating ginagawa para patuloy po na matupad iyang aming panalangin na lahat ng Pilipino ay masasabi namin, masasabi naman nila – masasabi nating lahat ay naramdaman natin ‘yung Christmas Spirit.
Kaya sa harap ng mga dinaanan natin, may mga bagyo, may mga sunog. Pero Pilipino tayo eh at sanay tayo sa ganyan. Kahit na natisod tayo ng kaunti, tatayo ulit at tatayo at maglalakad ulit at… Eh wala tayong magagawa, matitigas ang ulo ng mga Pinoy eh. Kaya kailangan tuloy-tuloy ang ating ginagawa.
Kaya’t – eh ang Pasko – ang Pasko siguro sa kalendaryo ng Pilipino, ito ang pinaka — pinag-aantay. At dahil itong chance natin na medyo magbigay sa ating sarili ng kaunting panahon para makasama ang ating mga kaibigan, ang ating pamilya, para naman ay makasama natin ang lahat ng – lahat ng kasama-sama natin na mag-celebrate at maramdaman natin na mayroon naman, pag-isipan natin kung ano iyong nakaraan na taon.
Medyo maraming nangyari sa atin nitong nakaraang taon, eh papaano ngayon ang gagawin natin sa susunod na taon na 2025. Halos hindi ako makapaniwala, magtwo-2025 na. Pero ganyan talaga ang takbo ng panahon. Kaya’t nandito lang po kami, asahan po ninyo.
‘Wag po kayong mag-isip na kung ano ang — ‘wag po kayong isip — ‘wag niyo pong iisipin na hindi kayo namin inaalala. At kung anuman ang pangangailangan ninyo, nandiyan po ang ating mga local government officials, nandiyan po ang ating DSWD.
At kami’y nandito lang naman po upang magserbisyo sa inyo, at ‘yan lang naman ang aming trabaho, makapagserbisyo sa taumbayan. Siyempre, kasamang-kasama kayo diyan. [applause]
Nawala na ‘yung audience — nawala na ‘yung audience ko eh. Dapat ‘yung regalo, dapat nung tapos na ako para makapag- ano, para makinig.
‘Di bale, iyan naman ang Pasko eh, ‘di ba? Makita ‘yung mga batang nag-e-enjoy na ganyan. Kaya Merry Christmas po. Merry Christmas ho sa inyong lahat. [applause]
At iyong inaakala namin kami ang magdadala ng tuwa dito sa inyo. Eh sabihin ko sa inyo ang totoo: kayo, ‘yung mga ngiti ninyo, ‘yan ang nagpapatuwa naman sa amin.
Kaya’t Merry Christmas po! Mabuhay po kayong lahat! [applause]
— END —