Speech

Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Distribution of Land Titles and Condonation with Release of Mortgage (COCROM) in Region XI


Event Distribution of Land Titles and Certificates of Condonation with Release of Mortgage
Location Panabo City Multi-Purpose Cultural and Sports Center (PCMCSC) in Panabo City, Davao Del Norte

Maraming salamat sa ating Kalihim ng Department of Agrarian Reform Secretary Conrad Estrella sa kanyang pagpakilala. [Magsi-upo po tayo.]

Ang isang Cabinet secretary na tiga-rito at siya ang namamahala sa lahat ng mga iba’t ibang problema na lumilitaw sa pamahalaan. Ngayon ay nandito siya upang tumulong dito sa ating pagbigay ng ating mga titulo at saka ‘yung tinatawag na COCROM. Ang ating Secretary, Secretary Anton Lagdameo.

Ang Kalihim ng Mindanao Development Authority Leo Magno; ang kinatawan ng Pangalawang Distrito ng Davao del Norte Representative Alan Dujali at ang iba pang mga miyembro ng Kapulungan ng Kinatawan ng Pilipinas na nandidito. Lahat ay present and correct ngayong araw na ito. Good to see you all. Matagal na matagal na tayong hindi nagkikita.

Punong Lalawigan ng Davao Del Norte Governor Edwin Jubahib at iba pang mga gobernador na nandito ngayon; ang Pangalawang Punong Lalawigan ng Davao del Norte De Carlo “Oyo” Uy at iba pang mga bise gobernador na nandito; Punong Lungsod ng Panabo Jose Relampagos at iba pang mga punong-bayan na kasama natin ngayong umaga; at ang pinakamahalaga at ang pinakaimportante na kasama natin dito ngayon kayo po mga Agrarian Reform beneficiaries; mga kasamahan ko sa pamahalaan; mga kababayan, maayong adlaw kaninyong tanan! (Magandang araw sa inyong lahat!)

Ang rehiyon ng Davao ay may espesyal na bahagi sa aking puso. Hinding hindi ko po malilimutan ang mainit na suporta at pagmamahal na pinadama ninyo sa akin noong panahon ng kampanya at sa bawat pagkakataon na mapupunta ako rito sa rehiyon ninyo.

Dahil dito, masaya akong masaksihan ang patuloy na pag-unlad ng inyong lugar.

Hangad ko na sa susunod na pagbisita ko rito ay papasinayaan na natin ang Tagum City Bypass Road at ang Island Garden City of Samal Circumferential Road. [applause]

Sa 2026 pa raw po matatapos pero mas maganda kung mas maaga at pipilitan natin mas mabilis at mas maganda pa ang pagpapatayo na ‘yan. Hindi lang po ‘yan, inaabangan din ang pagbubukas ng Carmen-Tagum City Coastal Road.

Tiyak na makakatulong ito sa pagpapabuti ng sitwasyon ng trapiko at pagpapabilis ng galaw ng inyong transportasyon, at pagpapaunlad ng negosyo, turismo, at agrikultura.

Mas bibilis ang biyahe ng mga produkto, mas magiging madali na nating maipaparating ang mga tourist spots, tulad ng mga beach, mga ilog, at mga parks dito.

Lalo pa natin maitatampok ang angking talento ng mga Davaoeño sa buong bansa at sa buong mundo. Para po sa kaalaman ng lahat, nag-organize po ang Tanggapan ng Pangulo, katuwang ang Department of Education, ng isang parol-making contest.

Sa 148 pampublikong paaralan na lumahok, ang Panabo City National High School ang nanalo bilang second place nitong Pasko na ito. [applause]

Ipinamalas ng mga estudyante ng Panabo City National High School ang galing, ang husay, at pagka-malikhain.

Kaya naman, buo ang aking suporta sa lahat ng mga proyekto at programang naglalayon na maisulong ang pagpapalawig ng turismo, pag-asenso ng inyong rehiyon, at pagkilala sa inyong galing.

Itong araw po na ito ay isang patunay sa pangako pong iyan.

Narito ako upang ipamahagi ang mga sertipikong magpapalaya sa ating mga agrarian reform beneficiaries sa inyong pagkakautang sa lupang pang-agraryo.

Ang paggawad ng mga Certificates of Condonation with Release of Mortgage o ‘yung tinatawag nating COCROM ay bahagi ng pagpapatupad nung isang bagong batas, ang New Agrarian Emancipation Act.

Ang programang ito ay naglalayong gawing ganap na tagapagmay-ari ng inyong mga sinasaka.

Ibig sabihin, wala na po kayong iisipin na babayarang amortisasyon, interes, at iba pang mga surcharge.

Sa madaling salita, lahat ng inyong utang burado na. Limpyo na tanan. (Malinis na lahat.) [applause]

Sa buong Region 11 ay magbibigay tayo ng mahigit labing-isang libong COCROM para sa mahigit siyam na libong benepisyaryo.

Ito ay may kabuuang lawak na mahigit labintatlong libong hektarya na nagkakalahaga ng mahigit anim na raang milyong piso.

Una nating igagawad ngayong araw ang mga COCROM sa mga benepisyaryong nagmumula sa mga probinsya ng Davao de Oro, Davao del Norte, Davao Oriental. Bago matapos ang taon ay isusunod naman natin para sa mga Agrarian Reform beneficiary sa Davao del Sur, Davao Occidental, at sa Davao City.

Mahigit anim na raang E-Titles sa mga ARBs mula sa Davao del Norte, del Sur, ang ating ipapamahagi ng sa gayon, magkakaroon na ng sariling titulo sa lupang inyong sinasaka.

Ito naman ay alinsunod sa proyekto ng DAR, gaya ng SPLIT Project at ng Land Acquisition and Distribution. Ito ang layunin nito ay mas pabilisin ang paghahati ng lupa para sa ating mga farmer-beneficiary at ang pamamahagi ng mga lupang sakahan para sa mga magsasakang walang sariling lupain.

Kaya naman, nagpapasalamat tayo sa World Bank dahil katuwang sila ng DAR sa pagpapatupad nito.

Bukod pa rito, mamahagi rin tayo ng mahigit isangdaan at apatnapung Certificates of Land Ownership Awards o CLOAs sa Davao City.

Patuloy po ang pagsisikap ng gobyerno na mabigyan kayo ng mga proyekto na makakatulong sa pagpapalago ng inyong mga sakahan at magpapatatag sa sektor ng agrikultura.

Kaya ngayong araw, ipinagdiriwang din natin ang tagumpay na bunga ng inyong pagsisikap, ang inyong sakripisyo, at determinasyon.

Makakaasa kayo na sa Bagong Pilipinas, hindi namin kayo pababayaan. Ang paglilingkod sa inyo ang nagbibigay sa amin ng inspirasyon para magsumikap sa aming tungkulin.

Sa ating mga minamahal na benepisyaryo, sana po ang aming handog ay makapagbigay sa inyo ng bagong simula.

Nawa’y gamitin ninyo ang pagkakataong ito upang palaguin ang inyong mga sakahan at itaguyod ang kinabukasan ng inyong mga pamilya at ng ating bansa.

Mabuhay ang ating mga magsasakang Pilipino!

Mabuhay ang Bagong Pilipinas!

Daghang salamat! [applause]

 

— END —